Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 12: Ikapu, Isang Batas para sa Ating Proteksyon at Pag-unlad


Kabanata 12

Ikapu, Isang Batas para sa Ating Proteksyon at Pag-unlad

“Ang batas ng ikapu ay isa sa mga pinakamahalagang naihayag sa tao. … Sa pagsunod sa batas na ito ang mga pagpapala ng kaunlaran at tagumpay ay ibibigay sa mga Banal.”

Mula sa Buhay ni Lorenzo Snow

Sa unang bahagi ng Mayo 1899, nadama ni Pangulong Lorenzo Snow na dapat niyang bisitahin ang lungsod ng St. George at iba pang mga pamayanan sa katimugang Utah. Mabilis siyang bumuo ng grupo ng mga tao, kabilang ang ilang General Authority, upang makasama niya sa mahabang paglalakbay.

Nang ayusin ni Pangulong Snow ang tungkol sa paglalakbay, hindi niya sinabi kahit kanino kung bakit sila pupunta doon—hindi rin niya alam ang dahilan. “Nang umalis kami sa Salt Lake,” sabi niya kalaunan, “hindi namin alam kung para saan ang pagbisita namin sa mga pamayanang ito sa katimugan.”1 Ngunit noong Mayo 17, pagkadating ng mga manlalakbay sa St. George, ang kalooban ng Panginoon ay “malinaw na ipinamalas” sa Kanyang propeta.2 Sa isang pulong na ginanap noong Mayo 18, 1899, ipinahayag ni Pangulong Snow:

“Ito ang salita ng Panginoon sa inyo, mga kapatid, na dapat ninyong sundin ang ipinagagawa sa inyo bilang mga tao na may napakagandang pagkakataong magkamit ng kadakilaan at kaluwalhatian balang-araw. Ano ito? Ilang beses na itong inulit-ulit sa inyo hanggang sa marahil ay nagsasawa na kayo sa karirinig ng tungkol dito. … Ang salita ng Panginoon sa inyo ay hindi na bago; ito lamang iyon: NA DUMATING NA ANG PANAHON UPANG LAHAT NG BANAL SA MGA HULING ARAW, NA HANGAD MAGHANDA PARA SA HINAHARAP AT MATATAG NA TUMAYO SA WASTONG PUNDASYON, AY GAWIN ANG KALOOBAN NG PANGINOON AT MAGBAYAD NG KANYANG BUONG IKAPU. Iyan ang salita ng Panginoon sa inyo, at ito ang magiging salita ng Panginoon sa bawat pamayanan sa buong lupain ng Sion. Pag-alis ko at kapag napag-isipan na ninyo ang tungkol dito, makikita ninyo mismo na panahon na para ang bawat tao ay tumayo at magbayad ng kanyang buong ikapu. Pinagpala tayo ng Panginoon at kinaawaan tayo noon; ngunit darating ang mga panahon na hihingin ng Panginoon na manindigan tayo at gawin ang Kanyang ipinag-utos at huwag na itong iwan pa. Ang sinasabi ko sa inyo dito sa Stake ng Sion na ito ay sasabihin ko sa bawat Stake ng Sion na naorganisa. Hindi masisiyahan ang sinumang lalaki o babae na nakaririnig ngayon sa sinasabi ko kung hindi siya nagbabayad ng buong ikapu.” 3

Sa nakalipas na 50 taon ng kanyang pagiging Apostol, bihirang banggitin ni Pangulong Snow ang batas ng ikapu sa kanyang mga sermon. Nagbago iyan sa St. George, Utah, dahil sa paghahayag na natanggap niya. “Hindi pa ako nagkaroon ng mas perpektong paghahayag,” sabi niya kalaunan, “kaysa [sa paghahayag] na natanggap ko hinggil sa paksang ito ng ikapu.”4 Mula sa St. George, siya at ang kanyang mga kasamang naglakbay ay nagbayan-bayan sa katimugang Utah at habang pauwi sila sa Salt Lake City, ay nagdaos ng 24 na mga pulong. Si Pangulong Snow ay nagbigay ng 26 na sermon. Sa bawat pagsasalita niya, pinayuhan niya ang mga Banal na sundin ang batas ng ikapu.

Bumalik ang grupo sa Salt Lake City noong Mayo 27. Napansin ng isang reporter sa pahayagan na, “Ang Pangulo ay mukhang mas malakas at mas maliksi ngayon kaysa noong lisanin niya ang Salt Lake.” Sa pagsagot sa komentaryo na “kahanga-hanga na nakayanan niyang mabuti ang paglalakbay,” sinabi ng 85-taong-gulang na propeta: “Oo, iyan nga ang sabi nilang lahat. … Mabuti ang naidulot sa akin ng biyahe. Ngayon ko lang iyon naramdaman sa tanang buhay ko. Nadarama ko na inaalalayan ako ng Panginoon bilang sagot sa mga panalangin ng mga Banal.”5

Bukod sa sagot sa kanyang mabuting kalagayan, ibinahagi niya ang kanyang damdamin tungkol sa pananampalataya at kabutihan ng mga Banal sa katimugang Utah. Sinabi niya na siya at ang kanyang mga kasama ay “buong init na tinanggap na may pagpapamalas ng kagalakan at pasasalamat.”6 Iniulat niya na nang payuhan niya ang mga Banal na sundin ang batas ng ikapu, “ang Espiritu ng Panginoon ay napasa mga tao, at labis silang nagalak, at buong puso nilang sinabi na susundin nila ang bawat detalye ng alituntuning ito at sa diwa nito.”7 Bilang sagot sa tanong tungkol sa pangkalahatang kalagayan ng mga tao, sinabi niya: “Nakatira sila sa komportableng mga tahanan, napakaayos ng kanilang pananamit, at mukhang napakarami nilang kakainin at iinumin na mabubuting bagay ng daigdig. Sa St. George Stake ang mga tao ay dumaranas ng [isang] napakatinding tagtuyot, ang pinakamatinding dumapo sa bansa, ngunit taglay nila ang pananampalataya na hindi magtatagal ay uulan doon.”8

Pagsapit ng Mayo 29 at 30, si Pangulong Snow ay nagbigay ng dalawang sermon tungkol sa batas ng ikapu, una ay sa mga pinuno ng Young Ladies’ Mutual Improvement Association at pagkatapos ay sa mga pinuno ng Young Men’s Mutual Improvement Association.9 Nang matapos ang ikalawang talumpati, inilahad ni Elder B. H. Roberts ng Pitumpu ang sumusunod na resolusyon, na nagkakaisang sinuportahan ng lahat ng dumalo: “Napagpasiyahan: Na tatanggapin natin ang doktrina ng ikapu, gaya ng inilahad ngayon ni Pangulong Snow, bilang salita at kalooban ng Panginoon sa atin sa kasalukuyan, at tanggapin natin ito nang buong puso; tayo mismo ay susunod dito, at gagawin natin ang lahat sa abot ng ating makakaya upang mahikayat ang mga Banal sa mga Huling Araw na gayon din ang gawin.”10 Pagsapit ng Hulyo 2, ang lahat ng mga General Authority at mga kinatawan mula sa lahat ng stake at ward sa Simbahan ay dumalo sa isang sagradong pagtitipon sa Salt Lake Temple, matapos mag-ayuno at manalangin bilang paghahanda para sa pulong. Doon ay nagkakaisa nilang tinanggap ang resolusyon ding iyon.11 Si Pangulong Snow mismo ay tapat sa resolusyong ito, na itinuturo ang batas ng ikapu sa maraming stake at pinamamahalaan ang gayunding pagsisikap ng iba pang mga lider ng Simbahan.

Nang sumunod na mga buwan pagkatapos bumisita si Pangulong Snow sa katimugang Utah, nakatanggap siya ng balita tungkol sa ibayong katapatan ng mga Banal sa mga Huling Araw sa pagsunod sa batas ng ikapu. Ang balitang ito ay nagbigay sa kanya “ng napakalaking tuwa at kasiyahan,”12 sapagkat alam niya na sa pamamagitan ng patuloy na pagsunod sa batas na ito, “ang mga pagpapala ng Makapangyarihang Diyos [ay] ibubuhos sa mga taong ito, at ang Simbahan [ay] uunlad nang buong lakas at bilis na hindi kailanman naranasan noon.”13

Paulit-ulit na tiniyak ni Pangulong Snow sa mga Banal na bawat isa sa kanila ay mabibiyayaan, kapwa sa temporal at espirituwal, sa pagsunod nila sa batas ng ikapu.14 Natupad ang bahagi ng pangakong iyon noong Agosto 1899, nang matamasa ng mga mamamayan ng St. George ang panandaliang lunas mula sa tagtuyot na kanilang nararanasan; ang kanilang pananampalataya ay ginantimpalaan ng 2.93 pulgadang pag-ulan, na higit kaysa natanggap nila sa buong nakaraang 13 buwan.15 Ipinangako rin ni Pangulong Snow na ang pagsunod sa batas ng ikapu ay magdudulot ng pagpapala sa buong Simbahan. Natiyak niya na ang mga ikapu ng matatapat ang magiging daan upang makabayad ang Simbahan sa pagkakautang nito, na ang malaking bahagi ay bunga ng pang-uusig.16 Ang pangako ay natupad noong 1906, limang taon matapos siyang pumanaw. Sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 1907, ibinalita ni Pangulong Joseph F. Smith:

“Naniniwala ako na hindi pa kailanman nagkaroon ng panahon sa kasaysayan ng Simbahan na ang batas ng ikapu ay mas nasunod ng lahat at mas nasunod nang mas matapat na gaya ng pagsunod ng mga Banal sa mga Huling Araw kamakailan. Nalampasan ng ikapu ng mga tao sa taong 1906 ang ikapu ng nakalipas na mga taon. Magandang palatandaan ito na ginagampanan ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kanilang tungkulin, na nananampalataya sila sa Ebanghelyo, na handa silang sundin ang mga kautusan ng Diyos, at mas matapat nilang nasusunod ang batas ng ikapu kaysa noon. May isa pa akong gustong sabihin sa inyo, at ginagawa ko ito nang may pagbati, at iyan ay na sa pagpapala ng Panginoon at sa katapatan ng mga Banal sa pagbabayad ng kanilang ikapu ay nabayaran natin ang ating pagkakautang. Ngayon Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay walang utang na hindi nito kayang bayaran kaagad. Sa wakas ay nasa katayuan tayo na kaya nating magbayad kaagad upang maiwasan ang pag-utang. Hindi na tayo kailangang manghiram pa, at hindi na tayo manghihiram pa kung patuloy na ipamumuhay ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kanilang relihiyon at susundin ang batas ng ikapu.”17 [Tingnan sa mungkahi 1 sa pahina 187.]

Mga Turo ni Lorenzo Snow

Ang batas ng ikapu ay madaling unawain at maaaring sundin ng lahat.

Nakikiusap ako sa inyo sa pangalan ng Panginoon, at dalangin ko na bawat lalaki, babae at bata … ay magbayad ng ikasampung bahagi ng kanilang kinikita bilang ikapu.18

Ang [ikapu] ay isang batas na hindi mahirap sundin. … Kung ang isang tao ay tumatanggap ng sampung dolyar, ang kanyang ikapu ay isang dolyar; kung siya ay tumatanggap ng isandaang dolyar, ang kanyang ikapu ay sampung dolyar. … Napakadali nitong maintindihan.19

[Maaaring itanong ng isang tao sa kanyang sarili] Magkano sa ikapung ito ang dapat kong ibigay? Hindi ko ba maaaring itabi ang ilang bahagi nito sa aking sarili? Napakayaman ng Panginoon at sa tingin ko hindi naman Siya maaapektuhan kung magtatabi ako ng kaunti para sa aking sarili; kaya’t nagtabi nga nang kaunti para sa sarili. Ngunit babagabagin ng napakakaunting itinabi ang taong iyon, kung ang kanyang konsiyensya ay katulad ng karamihan sa mga Banal sa mga Huling Araw. Babagabagin siya nito sa araw, at gayundin kapag iniisip niya ito sa gabi. Wala sa kanya ang kaligayahan na dapat sana ay tinatamasa niya—mawawala ito sa kanya.20

Ang bahagi ng ikapu ay hindi maituturing na ikapu, tulad din ng hindi maituturing na pagbibinyag kung kalahati lamang ng katawan ng tao ang ilulubog.21

Walang sinumang lalaki o babae ang hindi kayang magbayad ng ikasampung bahagi ng kanyang tinatanggap.22

Mga kapatid, nais naming ipagdasal ninyo ang bagay na ito. … Sa halip na magkaroon ng mababaw o hindi marapat na mga ideya gaya ng iba tungkol sa pera, dapat tayong magbayad ng ating ikapu. … Ang hinihiling ng Panginoon sa atin ay bayaran ang ating ikapu ngayon. At inaasahan Niya na bawat tao sa hinaharap ay magbabayad ng kanyang ikapu. Alam natin kung ano ang ikasampung bahagi; bayaran natin iyan sa Panginoon. Sa gayon ay makahaharap tayo nang diretso sa Bishop at makahihingi sa kanya ng recommend para makapasok sa templo.23

Sinasabi ko sa inyo sa pangalan ng Panginoong Diyos ng Israel, kung magbabayad kayo ng ikapu magmula ngayon, patatawarin kayo ng Panginoon sa nakaraan [na hindi pagbabayad ng ikapu] at ang mga pagpapala ng Makapangyarihang Diyos ay ibubuhos sa mga taong ito.24

Nais kong itanim ang alituntuning ito sa ating mga puso upang hindi natin ito malimutan kailanman. Gaya ng maraming beses ko nang sinabi, alam ko na patatawarin ng Panginoon ang mga Banal sa mga Huling Araw sa kanilang kapabayaan noon sa pagbabayad ng ikapu, kung sila ay magsisisi ngayon at matapat na magbabayad ng ikapu magmula ngayon.25 [Tingnan sa mungkahi 2 sa pahina 188.]

Kapag nagbabayad tayo ng ikapu, nag-aambag tayo sa gawain ng Simbahan.

Hindi makapagpapatuloy ang Simbahang ito maliban na mayroon ditong pumapasok na pera, at ang perang ito ay inilaan ng Diyos [sa pamamagitan ng batas ng ikapu]. Ang ating mga templo, kung saan natin natatanggap ang pinakamataas na mga pagpapalang ipinagkakaloob sa mortal na tao, ay itinayo sa pamamagitan ng perang ito. Hindi natin kailanman maipadadala ang … mga Elder sa daigdig upang ipangaral ang Ebanghelyo, gaya ng ginagawa natin ngayon, maliban kung may perang magagamit para magawa ito. … At nariyan ang libu-libo pang mga bagay na palaging nangyayari na nangangailangan ng panustos. …

Kung ang ilan sa mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagbayad ng ikapu ang apat nating mga Templo dito [noong 1899] ay hindi kailanman maitatayo, at ang mga kahatulan at kautusan ng Diyos hinggil sa kadakilaan at kaluwalhatian ay hindi sana nasunod. Ang unang hakbang na ginagawa ng mga Banal sa mga Huling Araw ay dalisayin ang lupain sa pamamagitan ng pagsunod sa batas na ito ng ikapu at paglalagay sa kanilang sarili sa katayuan kung saan maaari nilang matanggap ang mga ordenansang may kinalaman sa kadakilaan at kaluwalhatian ng ating mga yumao.26 [Tingnan sa mungkahi 3 sa pahina 188.]

Pagpapalain tayo ng Panginoon kapwa sa temporal at espirituwal sa pagsunod natin sa batas ng ikapu.

Ang batas ng ikapu ay isa sa mga pinakamahalagang naihayag sa tao. … Sa pagsunod sa batas na ito ang mga pagpapala ng kaunlaran at tagumpay ay ibibigay sa mga Banal.27

Kung susundin natin ang batas na iyon … ang lupain ay pababanalin, at maituturing tayong karapat-dapat na tumanggap ng mga pagpapala ng Panginoon at itataguyod at susuportahan sa ating mga pananalapi at sa lahat ng ating ginagawa, sa temporal gayundin sa espirituwal.28

Ang temporal na kaligtasan ng Simbahang ito … ay nakasalalay sa ating pagsunod sa batas na ito.29

Nagkakaroon ng kahirapan sa mga Banal sa mga Huling Araw, at laging magkakaroon hanggang sa masunod natin ang batas ng ikapu.30

Talagang naniniwala ako na kung susundin ng mga Banal sa mga Huling Araw ang batas na ito ay maaari tayong maligtas mula sa bawat kasamaan na maaaring dumating sa atin.31

Narito ang isang batas na inihayag para sa ating proteksyon at kaligtasan, gayundin para sa ating ikasusulong sa landas ng kabutihan at kabanalan; isang batas na kung saan ang lupain na ating tinitirhan ay mapababanal; isang batas kung saan maaaring itayo at maitatatag ang Sion upang hindi na kailanman maalis sa kinalalagyan nito ng mga taong masasama at walang paggalang sa Diyos.32

Mayroon tayong mga templo, at natatanggap natin ang mga pagpapalang kaugnay ng mga ito, maging ang pinakamataas na mga ordenansang naisagawa sa tao sa lupa, dahil sa ating pagsunod sa batas na ito.33

Hindi tayo kailanman magiging handa sa pagharap sa Diyos hangga’t hindi tayo maingat sa pagbabayad ng mga ikapu at ng iba pang mga tungkulin.34

Malinaw ko nang sinabi, at sinasabi kong mula sa Panginoon ang sinabi ko sa inyo tungkol sa ikapu. Kumilos kayo ngayon ayon sa Espiritu ng Panginoon, at ang inyong mga mata ay mabubuksan.35 [Tingnan sa mungkahi 4 sa pahina 188.]

Ang mga magulang at mga guro ay may responsibilidad na magbayad ng ikapu at pagkatapos ay turuan ang mga bata na gawin din ang gayon.

Turuan [ang mga anak] na magbayad ng kanilang ikapu habang bata pa sila. Kayong mga ina, turuan ang inyong mga anak na kapag nakatanggap sila ng pera dapat nilang ibayad ang ikasampung bahagi nito sa Panginoon, gaano man ito kaliit. Turuan silang bayaran nang buo ang kanilang ikapu.36

Nararapat lamang na … tanggapin ng mga opisyal at guro [sa Simbahan] sa kanilang puso at kaluluwa ang diwa ng batas na ito, upang lubusan silang maging marapat na ibahagi ang gayon, at upang bigyang-diin sa susunod na henerasyon ang kahalagahan at kasagraduhan nito. Mga kapatid, hindi lamang ninyo kailangang sundin ang batas sa inyong sarili, kundi ituro ito sa iba, maging sa susunod na henerasyon, … at ayon na rin sa natatanggap ninyong diwa nito, ay magagawa ninyong ibahagi at ituro ito. …

… Hinihiling ko sa inyo, na hindi lamang sundin ito, kundi ituro ito sa mga anak ng mga Banal sa mga Huling Araw, at ikintal ito sa kanilang isipan, upang kapag tumuntong na sila sa edad ng pananagutan ay masabing itinuro ito sa kanila, at sinunod nila ito mula sa kanilang pagkabata.37 [Tingnan sa mungkahi 5 sa pahina .]

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda kayong magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–x.

  1. Repasuhin ang tala ng pagtanggap ni Pangulong Snow ng paghahayag tungkol sa ikapu (mga pahina ). Isipin ang kahandaan niyang magbiyahe papuntang St. George at ang kahandaan ng mga tao na sundin ang batas ng ikapu. Ano ang matututuhan natin mula sa pangyayaring ito?

  2. Sa paanong paraan “isang batas na hindi mahirap sundin” ang ikapu? (Para sa ilang halimbawa, tingnan ang mga pahina 183–184.) Bakit iniisip ng ilang tao na mahirap sundin ang batas ng ikapu? Paano makatutulong ang mga itinuro ni Pangulong Snow para magkaroon ang isang tao ng patotoo sa pagbabayad ng ikapu?

  3. Pag-aralan ang unang bahagi na nagsisimula sa pahina 186. Ano ang ilan sa mga pagpapalang natanggap ninyo at ng mga mahal ninyo sa buhay sa pamamagitan ng mga gusali at programang pinondohan ng ikapu? Bakit isang pribilehiyo ang magbayad ng ikapu?

  4. Nagpatotoo si Pangulong Snow na pagpapalain tayo sa pagsunod natin sa batas ng ikapu (mga pahina ). Ano ang ilang pagpapala na idinulot ng batas ng ikapu sa inyong buhay? sa buhay ng mga miyembro ng inyong pamilya at mga kaibigan?

  5. Isipin ang payo ni Pangulong Snow sa mga magulang at mga guro (pahina ). Sa inyong palagay bakit mahalagang magbayad ang mga bata ng kanilang ikapu, “kahit gaano man ito kaliit”? Ano ang ilang paraan na matuturuan ang mga bata na magbayad ng ikapu at mga handog?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Malakias 3:8–10; D at T 64:23; 119:1–7

Tulong sa pagtuturo: “Maging maingat na huwag madaliing tapusin ang magagandang talakayan sa pagtatangkang mailahad ang lahat ng materyal na inyong inihanda. Bagaman mahalagang tapusin ang materyal, mas mahalagang tulungan ang mga mag-aaral na madama ang impluwensya ng Espiritu, masagot ang kanilang mga katanungan, mapalawak ang kanilang pagkaunawa sa ebanghelyo, at mapalalim ang kanilang pangakong sundin ang mga kautusan” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin, 79–80).

Mga Tala

  1. Sa “In Juab and Millard Stakes,” Deseret Evening News, Mayo 29, 1899, 5.

  2. Sa “In Juab and Millard Stakes,” 5.

  3. Millennial Star, Ago. 24, 1899, 532–33; tingnan din sa Deseret Evening News, Mayo 17, 1899, 2; Deseret Evening News, Mayo 18, 1899, 2. Sinasabi sa Millennial Star na ibinigay ni Pangulong Snow ang pananalitang ito noong Mayo 8, ngunit ipinapakita ng iba pang makabagong mga lathalain na ibinigay niya ito noong Mayo 18. Nagsalita rin si Pangulong Snow tungkol sa ikapu noong Mayo 17.

  4. Sa “President Snow in Cache Valley,” Deseret Evening News, Ago. 7, 1899, 1.

  5. Sa “Pres. Snow Is Home Again,” Deseret Evening News, Mayo 27, 1899, 1. Ang Simbahan ay mayroong 40 stake noong panahong iyon.

  6. Sa “Pres. Snow Is Home Again,” 1.

  7. Deseret Evening News, Hunyo 24, 1899, 3.

  8. Sa “Pres. Snow Is Home Again,” 1.

  9. Tingnan sa “The Annual Conference of the Young Men’s and Young Ladies’ Mutual Improvement Associations,” Improvement Era, Ago. 1899, 792–95; tingnan din sa Ann M. Cannon, “President Lorenzo Snow’s Message on Tithing,” Young Woman’s Journal, Abr. 1924, 184–86.

  10. B. H. Roberts, sinipi sa “The Annual Conference of the Young Men’s and Young Ladies’ Mutual Improvement Associations,” 795.

  11. Tingnan sa B. H. Roberts, Comprehensive History of the Church, 6:359–60.

  12. Sa Conference Report, Okt. 1899, 28.

  13. Sa “President Snow in Cache Valley,” Deseret Evening News, Ago. 7, 1899, 2.

  14. Tingnan, halimbawa, sa Deseret Evening News, Hunyo 24, 1899, 3. Ang mga rekord ng mga talumpati ni Pangulong Snow at mga artikulo sa pahayagan tungkol sa kanyang mga paglalakbay noong kanyang panahon ay nagpapakita na bagamat nangako siya sa mga Banal na pansamantala silang pagpapalain sa temporal gayundin sa espirituwal sa pagsunod nila sa batas ng ikapu, hindi niya partikular na ipinangako na magwawakas na ang tagtuyot sa katimugang Utah.

  15. Tingnan sa Western Regional Climate Center, http://www.wrcc.dri.edu/cgi-bin/cliMONtpre.pl?utstge.

  16. Tingnan, halimbawa, sa “The Annual Conference of the Young Men’s and Young Ladies’ Mutual Improvement Associations,” 793.

  17. Sa Conference Report, Abr. 1907, 7.

  18. Sa Conference Report, Okt. 1899, 28.

  19. Deseret Semi-Weekly News, Hulyo 28, 1899, 10.

  20. Sa Conference Report, Abr. 1899, 51.

  21. Deseret Evening News, Hunyo 24, 1899, 3.

  22. Sa “President Lorenzo Snow’s Message on Tithing,” 185; mula sa katitikan ng isang pulong na ginanap sa Assembly Hall sa Salt Lake City noong Mayo 29, 1899.

  23. Deseret Semi-Weekly News, Hulyo 28, 1899, 10.

  24. Sa “President Snow in Cache Valley,” 2.

  25. Sa Conference Report, Okt. 1899, 28.

  26. Sa Conference Report, Okt. 1899, 27–28.

  27. Sa “In Juab and Millard Stakes,” 5.

  28. Deseret Evening News, Hunyo 24, 1899, 3.

  29. Sa “The Annual Conference of the Young Men’s and Young Ladies’ Mutual Improvement Associations,” 794.

  30. Deseret Semi-Weekly News, Hulyo 28, 1899, 10.

  31. Sa “President Lorenzo Snow’s Message on Tithing,” 185.

  32. “Tithing,” Juvenile Instructor, Abr. 1901, 216.

  33. “Tithing,” 215.

  34. Sa “Conference of Granite Stake,” Deseret Evening News, Mayo 21, 1900, 2; mula sa detalyadong pakahulugan ng isang talumpati na ibinigay ni Pangulong Snow sa kumperensya ng Granite Stake noong Mayo 20, 1900.

  35. Deseret Semi-Weekly News, Hulyo 28, 1899, 10.

  36. Millennial Star, Ago. 31, 1899, 546.

  37. “Tithing,” 215–16.

Ang St. George Tabernacle. Sa gusaling ito, ibinigay ni Pangulong Lorenzo Snow ang una sa kanyang maraming talumpati tungkol sa batas ng ikapu.

Pinayuhan ni Pangulong Snow ang mga magulang at mga guro na turuan ang mga bata na magbayad ng ikapu.

Ang pondo ng ikapu ay ginagamit upang tumulong sa pagbabayad ng pagpapatayo at pagpapanatiling maayos ng mga templo.