Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 15: Tapat at Masigasig na Paglilingkod sa Kaharian ng Diyos


Kabanata 15

Tapat at Masigasig na Paglilingkod sa Kaharian ng Diyos

“Batid na totoo ang ating relihiyon dapat tayo ang maging pinakatapat na mga tao sa balat ng lupa sa mithiing ating tinanggap.”

Mula sa Buhay ni Lorenzo Snow

Sa huling bahagi ng 1851, inilathala ng Unang Panguluhan ang isang liham kung saan hiniling nila na lahat ng miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol ay “tapusin ang mga gawain sa iba’t iba nilang misyon” at bumalik sa Salt Lake City pagsapit ng Abril 1853.1 Sa gayon nagsimulang matapos ang misyon ni Elder Lorenzo Snow sa Italy. Noong Pebrero 1852, ipinabahala niya ang gawain doon sa pamumuno ni Brother John Daniel Malan, isang bagong binyag, at naglakbay sila ni Elder Jabez Woodard patungo sa pulong bansa ng Malta. Mula sa Malta, umasa si Elder Snow na makasasakay siya ng barko papuntang India. Ang mga unang misyonero sa lupaing iyon ay kumikilos noon sa ilalim ng kanyang pamamahala, at nakadama siya ng malaking hangaring makasama sila. Mula roon nagplano siyang “libutin ang buong mundo,” at tatawid ng Dagat Pasipiko pauwi sa kanlurang bahagi ng Estados Unidos.2

Nagbago ang mga plano ni Elder Snow pagdating nila ni Elder Woodard sa Malta. Nalaman niya na maaantala siya sa pulo sa loob ng ilang linggo dahil nasiraan ang isang bapor sa Red Sea. Sa halip na magreklamo tungkol sa pagkaantala, nagpasiya siyang kumilos at gumawa. Sa isang liham na may petsang Marso 10, 1852, isinulat niya, “Palagay ko malaking kabutihan ang ibubunga ng pamamahala ng Panginoon sa paggamit ng oras ko ngayon, dahil napaliligiran ako ng nakatutuwang mga tao, at sa napakahalagang paggawa, kung saan isang dakilang gawain ang maisasakatuparan, tungo sa kalapit na mga bansa.” Iniulat niya na hiniling niya kay Elder Thomas Obray, isang misyonero sa Italy, “na magpunta kaagad, at magdala ng maraming polyeto at aklat.” Kahit hindi talaga alam ni Elder Snow kung ano ang gagawin nila ng kanyang mga kasama sa Malta, nagpakita siya ng hangaring magtatag ng isang branch ng Simbahan doon. Ang hakbang na ito, sabi niya, “ay mag-aalis sa mga espirituwal na hadlang sa maraming bansa, dahil ang mga Maltese, sa kanilang mga pakikipagkalakalan, ay nakakalat sa mga baybayin ng Europe, Asia, at Africa.”3

Noong Mayo 1, 1852, nagpadala ng liham si Elder Snow na nag-uulat ng pag-unlad ng gawain sa Malta. Isinulat niya: “Palaging nagtatanong ang mga tao ngayon tungkol sa ‘kakaibang relihiyon’ na ito; ilang gabi na mula noon, minsan ay pinuntahan kami, sa aming pribadong tirahan, ng ilang ginoo mula sa walong iba’t ibang bansa, na nagmula sa iba’t ibang bahagi ng lungsod upang kausapin kami tungkol sa ating mga doktrina: kabilang sa mga taong iyon ay mga taga-Poland at Greece, na lubos na interesadong nagbabasa ngayon ng ating mga lathalain. Dalawang matatalino at masisigasig na binata, na mga unang bunga ng aming paglilingkod sa islang ito, ang makatutulong sa pagsusulong ng mithiin na ating kinasasangkutan; isa sa kanila ang inorden naming Elder na mahusay magsalita ng ilang wika.”3

Hindi kailanman natupad ni Elder Snow ang pangarap niya na maglingkod sa India at malibot ang buong mundo. Sa halip, masigasig niyang sinunod ang kalooban ng Panginoon sa hindi inaasahang pananatili niya sa Malta, at sinimulan niyang itatag ang gawaing misyonero doon. Nang sa wakas ay makasakay siya ng barko noong Mayo 1852, nagpunta siya sa kanluran sa halip na magpunta sa silangan, na sinusunod ang bilin ng kanyang mga pinuno na bumalik sa Salt Lake City. Makalipas ang halos dalawang buwan, sina Elder Woodard at Obray ay nagtatag ng isang branch ng Simbahan sa Malta.5 [Tingnan sa mungkahi 1 sa pahina .]

Mga Turo ni Lorenzo Snow

Dahil natanggap natin ang kabuuan ng ebanghelyo, tayo ay nagsisilbing mga kinatawan ni Cristo.

Pinatototohanan natin sa buong mundo na alam natin, sa pamamagitan ng banal na paghahayag, maging sa pamamagitan ng mga paghahayag ng Espiritu Santo, na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng buhay na Diyos, at na personal siyang nagpakita kay Joseph Smith katulad ng ginawa niya sa kanyang mga apostol noon, matapos siyang magbangon mula sa libingan, at ipinaalam niya kay Joseph [ang] mga banal na katotohanan na siyang tanging makapagliligtas sa sangkatauhan. Ito … ay isang napakahalaga at mabigat na tungkulin, at alam nating pananagutin tayo ng Diyos kung paano natin pinangangasiwaan ang sagradong gawaing ito na ipinagkatiwala niya sa atin.

Tulad ng pagharap ng mga sinaunang apostol sa sanlibutan, matapos nilang matanggap ang utos ng nabuhay na mag-uling Manunubos, na ipangaral ang ebanghelyo ng kaharian sa lahat ng bansa, na ipinapangako ang Kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay sa lahat ng naniwala sa kanilang salita, tayo rin ay humaharap sa sanlibutan sa gayong paraan. Gaya ng pagpapahayag nila nang buong katiyakan, dahil sa kanilang tungkulin at awtoridad, sa gitna ng pang-uusig at oposisyon, na ang ebanghelyo ang kapangyarihan ng Diyos tungo sa kaligtasan sa lahat ng naniwala at sumunod, gayon din ang ating ipinapahayag. Gaya ng pangangaral nila ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, pagbibinyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan, at pagpapatong ng mga kamay, ng mga taong binigyang-karapatan, para matanggap ang Espiritu Santo, na kinakailangan sa kaligtasan, gayon din ang ating ipinapangaral. Gaya ng sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo ay naging mga saksi sila ng Panginoong Jesucristo, at matatapat na tagapaghatid ng mensahe ng kanyang ebanghelyo sa lahat ng mga Gentil, sa gayon ding paraan, sa pamamagitan ng Banal na Espiritung iyon, naging mga saksi niya tayo, at dahil tinawag tayo sa banal na tungkuling iyon, gayon din ang ating ginagawa.

Sa gayon, dahil tinanggap natin ang tungkuling ito, tinatanggap natin ang lahat ng responsibilidad ng mga kinatawan ni Cristo, nananagot tayo sa ating mga ginagawa at sa paraan ng paggamit natin ng mga talento at kakayahang ipinagkaloob sa atin ng Panginoon.6 [Tingnan sa mungkahi 2 sa pahina 219.]

Ang pagiging miyembro ng Simbahan ay isang tungkulin na tulungan ang iba na makatanggap ng kaligtasan.

Kapag tinawag ng Panginoon ang isang tao o grupo ng mga tao sa mundo, hindi ito laging para sa kapakinabangan ng tao o ng grupong iyon. Hindi lamang kaligtasan ng iilang tao na tinatawag na mga Banal sa mga Huling Araw ang mithiin ng Panginoon … , kundi ang kaligtasan ng lahat ng tao, ng mga buhay at mga patay. Nang tawagin ng Panginoon si Abraham may mga ipinangako Siya tungkol sa kaluwalhatiang mapapasakanya at sa kanyang mga inapo, at sa mga pangakong ito makikita natin ang kapansin-pansing pahayag na ito: na sa kanya at sa kanyang binhi lahat ng bansa ng mundo ay pagpapalain [tingnan sa Genesis 22:15–18; Abraham 2:9–11]. … Ang plano ng Panginoon ay pagpalain hindi lamang siya at ang kanyang mga inapo, kundi lahat ng mag-anak sa mundo. …

… Nang pumarito si Jesus, dumating Siya upang magsakripisyo hindi lamang para sa kapakanan ng Israel, o ng mga inapo nina Abraham, Isaac at Jacob, kundi para sa kapakanan ng buong sangkatauhan, upang dahil sa Kanya ay mapagpala ang lahat ng tao, upang dahil sa Kanya ay maligtas ang lahat ng tao; at ang Kanyang misyon ay ihanda ang buong mag-anak ng tao na matanggap ang mga biyaya ng walang-hanggang Ebanghelyo, hindi lamang ang Israel, tulad ng sabi ko, kundi ang buong lahi ng tao; at hindi lamang ang mga naninirahan sa mundo, kundi maging ang mga nasa daigdig ng mga espiritu. …

… Taglay natin ang Priesthood na tinaglay ni Jesus, at kailangan nating gawin ang ginawa Niya, na isakripisyo ang sarili nating mga hangarin at damdamin na tulad Niya, marahil ay hindi ang magbuwis ng buhay na tulad Niya, kundi kailangan nating magsakripisyo para isakatuparan ang mga layunin ng Diyos, dahil kung hindi natin gagawin ito hindi tayo magiging karapat-dapat sa banal na Priesthood na ito, at magiging mga tagapagligtas ng mundo. Layon ng Diyos na gawin tayong mga tagapagligtas hindi lamang ng maraming tao na naninirahan ngayon sa mundo, kundi ng maraming nasa mundo ng mga espiritu: hindi lamang Niya tayo bibigyan ng kakayahang mailigtas ang ating sarili, kundi bibigyan Niya tayo ng higit na kakayahan na tulungang matubos ang marami sa mga anak ng Makapangyarihang Diyos.7 [Tingnan sa mungkahi 3 sa pahina 219.]

Bawat tungkulin at responsibilidad ay mahalaga sa gawain ng Panginoon.

Ang tanong ngayon ay, nauunawaan ba natin ang ating tungkulin, lubos ba nating nauunawaan ang uri ng gawaing isinasagawa natin? Kung minsan ay gusto ko nang maniwala na handa ang ilan sa ating mga kapatid, na mga Elder sa Israel, na talikuran ang mga obligasyong napasakanila nang makipagtipan sila, tila halos ubos na ang pananampalatayang dati nilang taglay, at tila nasisiyahan na sila sa pagiging miyembro lang ng Simbahan nang walang ginagawa.

Iniisip naman ng iba na dahil hindi naman sila gaanong kilala, dahil marahil … kakaunti ang kanilang nakakasalamuha, na hindi mahalaga kung ano ang gawin nila, o anong klaseng mga halimbawa ang ipakita nila sa kanilang mga kapatid. Subalit, kung mataas ang kanilang katungkulan, tulad ng Panguluhan ng Simbahan, o tagapayo, o kung kabilang sila sa Korum ng Labindalawa, o sila ang Pangulo ng High Council, o ng mga High Priest o Pitumpu, ituturing nilang mahalaga ang ipinapakita nilang pag-uugali. Dito ay nagpapakita sila ng malaking kahinaan o kamangmangan, lumalamlam ang kanilang ilawan o hindi nila nauunawaan kailanman ang tungkuling tinanggap nila nang taglayin nila sa kanilang sarili ang mga responsibilidad ng ebanghelyo.

Sinabihan tayo sa talinghaga ng Tagapagligtas na ang kaharian ng langit ay tulad sa isang may-ari ng bahay na ipinabahala ang kanyang mga pag-aari sa kanyang mga alipin bago siya nagpunta sa isang malayong bansa. Ang isa ay binigyan niya ng limang talento, ang isa ay dalawa, at ang isa pa ay isa. Ang tumanggap ng limang talento ay nangalakal, at kumita ng lima pang talento, kaya nadoble ang perang ipinagkatiwala sa kanya, at ginawa rin ito ng tumanggap ng dalawang talento at kumita rin ng dalawa pa. Ngunit siya na tumanggap ng isang talento, ay umalis at naghukay sa lupa, at ibinaon ang pera ng kanyang panginoon. Walang duda na inisip niyang napakaliit ng kanyang responsibilidad kaya wala siyang gaanong magagawa, at dahil dito ay hindi niya ginamit ang kaunting talento. [Tingnan sa Mateo 25:14–30.] Hindi ba ito hayagang tumutukoy sa sitwasyon ng ilan sa ating mga elder? Sabi ng isa, “Karpintero lang ako, o sastre, o baka tagabuhat lang ng semento [katulong ng ladrilyero], kaya hindi gaanong mahalaga ang ikinikilos ko, kung tapat ko mang ginagampanan o hindi ang mga tungkulin ko sa maliit kong nasasakupan. Ngunit magiging malaki ang kaibhan kung mayroon akong mas mabigat at mahalagang katungkulan.”

Magtigil ka, kapatid; huwag kang palinlang sa gayong nakatutuksong kaisipan. Totoo na maaaring isa ka lamang tagabuhat ng semento, pero alalahanin mo na isa kang elder sa Israel, isa kang kinatawan ng Panginoong Jesucristo, at kung ginagampanan mo ang iyong tungkulin ay taglay mo ang isang bagay na hindi kayang ibigay ni kunin ng mundo; at pananagutan mo sa Diyos ang tapat na paggamit ng talentong ipinagkatiwala sa iyo, malaki man iyon o maliit.

Muli, naiimpluwensyahan ninyo ang iba kahit paano, at napakaliit man nito ay naaapektuhan nito ang isang tao o mga tao, at mananagot kayo sa mga ibubunga ng impluwensya ninyo. Samakatwid, aminin man ninyo o hindi, may halaga kayo sa mata ng Diyos at ng tao na hindi mababalewala at hindi kayo mare-release dito kung nais ninyong patuloy na taglayin ang pangalang taglay ninyo.

At ano ang mga maaasahan ng taong iyon? Sinasabi ko na kung bibigyang-dangal niya ang kanyang tungkulin, at makikitang tapat siya sa pagtitiwalang ipinagkaloob sa kanya, malaki ang pag-asa niyang maligtas at dakilain sa kaharian ng Diyos na katulad ng sinuman. Kung nauunawaan niya ang kanyang tungkulin at namumuhay ayon dito, malaki rin ang pag-asa niya katulad ng sinumang nabuhay noong mga panahon ni amang Adan hanggang ngayon; at mahalaga rin na kumilos siya nang wasto ayon sa lugar na kanyang ginagalawan, katulad ng dapat gawin ng ibang tao, na maaaring matawag na gumanap sa mas mataas na katungkulan; o, sa madaling salita, pagkatiwalaan sila ng mas maraming talento. …

… Walang gaanong inaasahan ang Panginoon sa taong iisa lang ang talento, hindi tulad sa taong mahigit sa isa ang taglay; ngunit, ayon sa kung anong mayroon siya, iyon ang aasahan sa kanya. Samakatwid, lakasan ng lahat ang kanilang loob, at hangaring paghusayin ang mga talentong taglay nila; at yaong may isang talento ay gamitin ito at huwag itong ibaon sa lupa; ibig sabihin, hayaang mapaunlad ng taong may kaunting kakayahan ang kanyang sarili, at huwag magreklamo na naging malupit sa kanya ang kapalaran hindi tulad sa kanyang mas mapalad na kapatid. Makuntento tayong lahat sa sitwasyon natin sa buhay, at kung hindi man ito lubhang kanais-nais na tulad ng gusto natin, dapat tayong maging masigasig na paunlarin ito, na laging nagpapasalamat na naririto tayo sa lupa, at lalo na sa Espiritu ng Diyos na natanggap natin dahil sa pagsunod sa Ebanghelyo. …

Naaalala ko na may nabasa akong isang kuwento … tungkol sa isang lalaking nakilala nang husto, dahil sa kanyang karunungan at pagkamakabayan, ngunit dahil sa inggit ay inilipat siya sa isang katungkulan na itinuturing na napakababa. Nang ginagawa na niya ang kanyang mga tungkulin dito, ganito raw ang makabuluhan niyang sinabi: “Kung hindi nagbibigay-dangal sa akin ang katungkulang ito, bibigyang-dangal ko ito.” Maraming hirap ang maiiwasan, at mas makapagbibigay ng pag-asa ang ating kundisyon at sitwasyon kung bibigyang-dangal nating lahat ang katungkulang ibinigay sa atin. Sinabi sa atin na ang Panginoon mismo ay gumawa ng mga damit para sa una nating mga magulang, o, sa madaling salita, sa pagkakataong iyon, isa siyang sastre; at si Jesucristo ay isa ring karpintero. Ngayon, malamang naging kagalang-galang at tapat na karpintero ang Tagapagligtas, dahil kung hindi, hindi na sana napasakanya ang katungkulang ginampanan niya kalaunan. Kung maipapakita natin sa mga kapatid na lalaki at babae ang kahalagahan ng pagkilos nang tapat sa kani-kanilang tungkulin, marami sa mga pagkayamot at problemang nararanasan natin ngayon ang maiiwasan, at ang gawain ng Diyos ay magpapatuloy nang mas mabilis, at lahat ng kanyang layunin ay mas mabilis na maisasakatuparan; at bukod pa rito, bilang Kanyang mga tao, magiging mas handa tayo para sa paghahayag ng kanyang kalooban. …

Nawa’y pagpalain kayo ng Diyos, mga kapatid ko, at bigyan kayo ng kakayahang kumilos palagi bilang matatalinong tagapamahala sa mga bagay na ipinagkatiwala sa inyo.8 [Tingnan sa mungkahi 4 sa pahina 220.]

Kapag pinaglingkuran natin ang Diyos nang may pananampalataya, sigasig, at saya, palalakasin Niya tayo at tutulungan tayong magtagumpay.

Sinasabi ko, hayaang maglingkod nang tapat at masigasig ang mga tao, at maging masaya. … May mga pagkakataon na napupunta ang mga tao sa mga kalagayan na napakahirap, kung hindi man imposible, upang maging masaya. Ngunit bihira lang ang gayong mga pagkakataon.9

Batid na totoo ang ating relihiyon dapat tayong maging pinakatapat na mga tao sa balat ng lupa sa mithiing ating tinanggap. Batid ang dapat nating gawin, o dapat malaman, na ipinapangako ng ebanghelyong natanggap natin ang lahat ng maaaring naisin o hangarin ng ating puso, kung tayo ay tapat, dapat tayong maging napakatapat, puno ng debosyon, masigasig at determinado na isakatuparan ang mga plano at nais ng Panginoon na inihahayag Niya sa pana-panahon sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod. Hindi tayo dapat maging matamlay o pabaya sa pagganap sa ating mga tungkulin, kundi buong kakayahan, lakas at kaluluwa nating unawain ang diwa ng ating tungkulin at ang uri ng gawaing ating ginagawa.

Noong narito pa sa lupa si Jesus, iniutos niya sa Kanyang mga disipulo na humayo at ipangaral ang ebanghelyo nang walang supot o salapi, na hindi iniisip kung ano ang kanilang kakainin, o iinumin, o kung ano ang kanilang isusuot; kundi humayo at magpatotoo lamang tungkol sa mga bagay na inihayag sa kanila. Sa paggawa nito nakamtan nila ang mga pagpapala ng Makapangyarihang Diyos, at nagtagumpay sila sa lahat ng kanilang pagsisikap. Talagang nakatakdang magtagumpay sila; walang kapangyarihang naging balakid at hadlang sa kanila para matamo ang pinakamalaking tagumpay dahil humayo sila sa lakas ng Makapangyarihang Diyos para isagawa ang Kanyang kalooban, at gawain Niyang suportahan sila at tulungan at ibigay ang lahat ng kailangan nila para magtagumpay. Sa pagsunod sa mga utos ng Panginoon nakamit nila ang mga pagpapala sa buhay na may pribilehiyong magbangon sa umaga ng unang pagkabuhay na mag-uli, at tiniyak sa kanila na dahil sa kanilang mga pagsisikap ay walang kapangyarihan sa lupa na makahahadlang sa kanila. Ito ang uri ng mga posibilidad na gugustuhin ko kung ako ang nasa kalagayan nila, o sa iba pang kalagayan, sapagkat sa taong nag-iisip ang pagtatagumpay sa huli sa anumang gawain ay lubhang kasiya-siya.

Ngayon kung ang mga apostol, sa halip na gawin ang iniutos sa kanila, ay nag-akalang maisasakatuparan nila ang layunin ding iyon sa pamamagitan ng paggawa ng ibang bagay, hindi sana sila nagtagumpay nang husto sa kanilang mga gawain, ni hindi sana sila nagkaroon ng katiyakan na magtagumpay na walang dudang pinagmumulan ng kanilang patuloy na tuwa at kasiyahan, maging sa harap ng lahat ng pagsubok at pang-uusig.

… Kung inakala ng mga apostol o pitumpu noong mga panahon ni Jesus na matutupad nila ang mga misyon na ibinigay sa kanila sa paggawa ng isang arka tulad ng ginawa ni Noe, o pagtatayo ng kamalig at pag-iimbak ng mga butil tulad ng ginawa ni Jose nagkamali sana sila.

Si Jose sa lupain ng Egipto ay tinawag upang isagawa ang isang partikular na uri ng mga tungkulin, na iniutos sa kanya. Hindi siya tinawag upang ipangaral ang ebanghelyo nang walang supot o salapi; kundi upang magtayo ng mga kamalig, at gamitin ang lahat ng kanyang impluwensya sa Hari, sa mararangal na tao at mga taga-Egipto upang mag-imbak ng kanilang butil para sa panahon ng taggutom. … Ngayon kung si Jose ay nagtrabaho at gumawa ng isang arka, hindi sana siya sinuportahan ng Panginoon, ni hindi niya sana nailigtas ang mga taga-Egipto ni ang sambahayan ng kanyang ama. Nang utusan si Noe na gumawa ng arka, ngunit kung sa halip ay nagtayo siya ng mga kamalig, siya at ang kanyang sambahayan ay hindi sana nakaligtas. Kaya tayo, kapag may mga tungkuling ipinagagawa sa atin, … anuman ang kailangan nating gawin sa loob ng hangganan ng kaharian ng Makapangyarihang Diyos, kailangan tayong kumilos ayon sa mga tungkuling ito at gampanan ang mga ito kung nais nating matamo ang kapangyarihan at impluwensya ng ating Diyos.10 [Tingnan sa mungkahi 5 sa pahina ]

Kung minsan ay mahirap ang gawain ng Panginoon, ngunit naghahatid ito ng malaking kagalakan.

Dumaranas tayo ng maraming bagay na kaakibat ng gawaing ito na hindi nakasisiya, ngunit may malaking kasiyahang kaugnay nito. Kapag naaalala natin ang ating determinasyong ilaan ang ating sarili sa mithiin ng katotohanan at tuparin ang ating mga tipan, lubos tayong nagagalak, dahil ang diwa ng ating tungkulin ay napakahalaga sa atin, at kung hindi dahil sa diwang ito hindi tayo makaaagapay sa kaharian ng Diyos.11

Dapat nating panibaguhin ang ating mga tipan sa harap ng Diyos at ng mga banal na anghel, na, dahil palaging tumutulong sa atin ang Diyos, ay higit pa natin siyang paglilingkuran nang tapat sa darating na mga taon kaysa noon, upang ang ating buhay sa harap ng tao at sa pribado, ang ating mga kilos at diwa at impluwensya ay manatiling akma sa sawikaing, “Kung hindi rin lang para sa Kaharian ng Diyos, huwag na lang.” Tiwala ako … na maaari nating ilaan nang buung-buo ang ating sarili sa paglilingkod sa ating Diyos sa pagtatatag ng kanyang Sion sa lupa, na masigasig na gumagawa para sa layunin ng katotohanan at kabutihan sa lupa, hanggang sa magalak tayong gawin ito, nang maging ugali na natin ang maglingkod sa Diyos at sundin ang kanyang mga utos, at sundin ang batas ng kahariang selestiyal, at magalak tayo nang husto sa Banal na Espiritung nasa ating puso upang madaig natin ang mundo at maikintal ang batas ng kahariang selestiyal sa ating isipan at makagawian natin ito; upang maunawaan natin ang ating sarili at ang ating mga pribilehiyo nang sa gayon matamo natin ang mga pagpapala sa buhay na ito na may kaugnayan sa batas ng kahariang selestiyal, na matatamasa sa kaluwalhatiang selestiyal.12 [Tingnan sa mungkahi 6 sa pahina .]

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda kayong magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–x.

  1. Repasuhin ang salaysay sa mga pahina 209–210. Anong mga salita ang gagamitin ninyo upang ilarawan ang saloobin ni Lorenzo Snow tungkol sa paglilingkod sa Panginoon? Isipin kung ano ang magagawa ninyo para masunod ang kanyang halimbawa.

  2. Pag-isipan ang bahaging nagsisimula sa pahina 211. Bakit sa palagay ninyo gayon kabigat ang mga responsibilidad ng mga miyembro ng Simbahan? Ano ang kahulugan sa inyo ng pagiging kinatawan ni Cristo?

  3. Itinuro ni Pangulong Snow na ang ating mga tungkulin sa Simbahan ay mga pagkakataong “tumulong sa pagtubos” sa mga anak ng Diyos (mga pahina 212–213). Paano makakaapekto ang pag-unawang ito sa paraan ng paglilingkod natin sa Simbahan?

  4. Sinabi ni Pangulong Snow na dapat tayong maglingkod nang masigasig, gaano man kaliit ang ating responsibilidad (mga pahina “213–216). Kailan kayo nakakita na binigyang-dangal ng isang tao ang isang tila maliit na tungkulin o gawain?

  5. Basahin ang bahaging nagsisimula sa pahina 216. Sa anong mga paraan naiimpluwensyahan ng pananampalataya, sigasig, at pagiging masaya ang ating paglilingkod?

  6. Basahin ang huling bahagi sa kabanata (mga pahina 218–219). Kailan ninyo naranasan ang kagalakan sa paglilingkod sa kaharian ng Panginoon? Paano tayo masisiyahan sa ating paglilingkod kahit hindi madali ang mga iniatas sa atin? Ano ang magagawa natin para matulungan ang mga bata at kabataan na tapat na maglingkod sa Panginoon?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Mga Awit 100:2; I Mga Taga Corinto 12:12–31; Jacob 1:6–7; 2:3; Mosias 4:26–27; D at T 64:33–34; 72:3; 76:5–6; 107:99–100; 121:34–36

Tulong sa Pagtuturo: “Makinig nang taos sa puso sa mga puna ng mga mag-aaral. Mahihikayat sila ng inyong halimbawa na makinig [na] mabuti sa isa’t isa. Kung hindi ninyo nauunawaan ang pahayag ng isa, magtanong. Maaari ninyong sabihing, ‘Hindi ko gaanong naunawaan. Maaari bang ipaliwanag mo iyon muli?’ o ‘Maaari bang bigyan mo ako ng halimbawa ng ibig mong sabihin?’” ( Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin, 80).

Mga Tala

  1. Tingnan sa Brigham Young, Heber C. Kimball, at Willard Richards, “Sixth General Epistle of the Presidency of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints,” Millennial Star, Ene. 15, 1852, 25.

  2. Tingnan sa “Address to the Saints in Great Britain,” Millennial Star, Dis. 1, 1851, 365.

  3. “The Gospel in Malta,” Millennial Star, Abr. 24, 1852, 141–42.

  4. “The Malta Mission,” Millennial Star, Hunyo 5, 1852, 236.

  5. Tingnan sa Jabez Woodard, “Italian Correspondence,” Millennial Star, Set. 18, 1852, 476.

  6. Deseret News: Semi-Weekly, Ene. 23, 1877, 1.

  7. Deseret News: Semi-Weekly, Ene. 23, 1883, 1.

  8. Deseret News: Semi-Weekly, Ene. 23, 1877, 1.

  9. Deseret Semi-Weekly News, Mar. 30, 1897, 1.

  10. Deseret News: Semi-Weekly, Mar. 31, 1868, 2.

  11. Millennial Star, Okt. 29, 1888, 690.

  12. Sa Conference Report, Abr. 1880, 81.

Elder Lorenzo Snow

“Kung ginagampanan mo ang iyong tungkulin taglay mo ang isang bagay na hindi kayang ibigay ni kunin ng mundo.”