Ang Buhay at Ministeryo ni Lorenzo Snow
Nang mangabayo ang 21-taong-gulang na si Lorenzo Snow paalis sa tahanan ng kanyang mga magulang isang araw noong 1835, nagtungo siya sa Oberlin College sa Oberlin, Ohio. Hindi niya akalain na sa maikling paglalakbay na ito, magkakaroon siya ng isang karanasang magpapabago sa takbo ng kanyang buhay.
Pagdaan niya sa lansangan ng kanyang bayang-sinilangang Mantua, Ohio, nakilala niya ang isang lalaking nakakabayo rin. Ang lalaking ito, na ang pangalan ay David W. Patten, ay naorden kamakailan lang bilang Apostol ng Panginoong Jesucristo. Pabalik ito sa mga Banal sa mga Huling Araw sa Kirtland, Ohio, matapos makapaglingkod sa isang misyon. Magkasamang naglakbay nang mga 30 milya (50 kilometro) ang dalawa. Kalaunan ay isinalaysay ni Lorenzo Snow:
“Napunta sa relihiyon at pilosopiya ang aming usapan, at dahil bata pa ako at nakapag-aral, noong una ay babalewalain ko sana ang kanyang mga opinyon, lalo na’t mali-mali ang gramatika niya; ngunit habang patuloy niyang tapat at mapagpakumbabang binubuksan ang aking isipan tungkol sa plano ng kaligtasan, tila hindi ko mapaglabanang hindi tanggapin na siya ay isang taong maka-Diyos at totoo ang kanyang sinasabi.”1
Si Lorenzo Snow ay hindi miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw nang makilala niya si Elder Patten, ngunit pamilyar siya sa ilang katuruan ng Simbahan. Sa katunayan, napuntahan na ni Propetang Joseph Smith ang tahanan ng pamilya Snow, at nabinyagan at nakumpirmang mga miyembro ng Simbahan ang ina at mga kapatid na babae ni Lorenzo na sina Leonora at Eliza. Gayunman, si Lorenzo, tulad ng sabi niya, ay “abala sa ibang mga bagay” noon, at ang gayong mga bagay ay “lubos na naalis sa [kanyang] isipan.”2 Nagsimulang magbago iyon nang makausap niya si Elder Patten. Tungkol sa karanasang iyon, sinabi niya, “Ito ay napakahalagang sandali sa buhay ko.”3 Inilarawan niya kung ano ang nadama niya sa kanilang pag-uusap:
“Naantig ang puso ko. Malinaw na naunawaan niya ito, sapagkat halos ang huling sinabi niya sa akin matapos magpatotoo ay na dapat akong manalangin sa Panginoon bago matulog sa gabi at ako mismo ang magtanong sa kanya. Ginawa ko ito at magmula nang makilala ko ang dakilang Apostol na ito, lahat ng mithiin ko sa buhay ay lumaki at naging mas mabuti.”
Ang “lubos na katapatan, kasigasigan at espirituwal na lakas” ni Elder Patten4 ay nagkaroon ng walang-hanggang impluwensya sa binatang balang-araw ay maglilingkod bilang Apostol. At ang tahimik na pag-uusap na iyon ay humantong sa iba pang mga karanasang maghahanda kay Lorenzo Snow na maging Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang tagapagsalita ng Diyos sa lupa.
Paglaki sa Isang Tahanang Puno ng Pananampalataya at Kasipagan
Nagkasama ang dalawang matatag na pamilya, sagana sa pananampalataya at tradisyon sa relihiyon, nang pakasalan ni Oliver Snow si Rosetta Leonora Pettibone noong Mayo 6, 1800. Ang magkasintahan ay mga inapo ng ilan sa pinakaunang Europeong nanirahan sa Estados Unidos—mga manlalakbay na mula sa Inglatera na tumawid ng Atlantic Ocean noong 1600s para takasan ang pang-uusig sa kanilang relihiyon. Nanirahan sina Oliver at Rosetta sa unang ilang taon ng kanilang pagsasama sa estado ng Massachusetts, kung saan isinilang ang mga anak nilang sina Leonora Abigail at Eliza Roxcy. Pagkatapos ay lumipat sila sa Mantua, Ohio, na noon ay isa sa mga pamayanan sa pinakamalayong kanluran sa Estados Unidos. Sila ang ikalabing-isang pamilyang lumipat sa lugar. Sa Mantua, dalawa pang anak na babae, sina Amanda Percy at Melissa, ang isinilang sa pamilya. Si Lorenzo, ang ikalima at unang anak na lalaki nina Oliver at Rosetta, ay isinilang sa Mantua noong Abril 3, 1814. Kalaunan ay nagkaroon siya ng dalawang nakababatang kapatid: sina Lucius Augustus at Samuel Pearce.5
Gamit ang mga tradisyon ng kanilang pamilya, itinuro nina Oliver at Rosetta sa kanilang mga anak ang kahalagahan ng pananampalataya, kasipagan, at edukasyon. Nang ikuwento nila ang mahihirap na naranasan nila para mabuo ang kanilang tahanan, natuto ang kanilang mga anak na huwag panghinaan ng loob at pasalamatan ang mga pagpapala ng Diyos sa kanilang buhay. Isinulat ni Eliza: “Talagang masasabi namin tungkol sa aming mga magulang na ang kanilang integridad ay hindi matatawaran, at mapagkakatiwalaan sila sa lahat ng pakikitungo sa buhay at pagnenegosyo; at maingat nilang tinuruan ang kanilang mga anak na magsipag, magtipid, at maging disente.”6 Nagpasalamat si Lorenzo na lagi nila siyang pinakikitunguhan nang buong “pagmamahal at magiliw.”7
Nang lumaki na si Lorenzo, masigasig siyang gumawa sa temporal at intelektuwal na mga aktibidad. Kadalasan ay wala sa bahay ang kanyang ama, na naglilingkod sa komunidad “sa pagsisilbi sa publiko.” Kapag wala si Oliver, si Lorenzo, ang kanyang panganay na anak na lalaki, ang namamahala sa sakahan—isang responsibilidad na sineryoso niya at matagumpay na isinagawa. Kapag hindi nagtatrabaho si Lorenzo, karaniwan ay nagbabasa siya. “Ang kanyang aklat,” sabi ni Eliza, “ang lagi niyang kasama.”8
Sa paggunita sa gumagandang personalidad ni Lorenzo, naobserbahan ni Eliza, “Bata pa ay nagpakita na [siya] ng kasigasigan at katatagan ng pagpapasiya na nakita rin sa buong buhay niya.”9
Pagdaig sa mga Hilig ng Kabataan
Sina Oliver at Rosetta Snow ay naghikayat ng tapat na pag-aaral tungkol sa relihiyon. Hinayaan nilang matuto ang kanilang mga anak tungkol sa iba’t ibang simbahan, at binuksan ang kanilang pintuan sa “mabubuti at matatalinong tao sa lahat ng sekta.” Sa kabila ng panghihikayat na ito, si Lorenzo ay “hindi gaano o ni hindi pinansin ang paksa ukol sa relihiyon, o hindi iyon sapat para makapagdesisyon kung aling sekta ang sasapian.”10 Ang pangarap niya ay maging pinunong-militar, at higit na nangibabaw ang pangarap na ito sa iba pang mga bagay sa buhay niya, “hindi dahil mahilig siya sa digmaan,” pagsulat ng mananalaysay na si Orson F. Whitney, kundi dahil siya ay “naakit sa karangalan at kagitingan ng isang militar.”11 Ngunit hindi nagtagal at napalitan ng iba ang ambisyong ito. Nilisan niya ang kanilang tahanan at nag-enroll sa kalapit na Oberlin College para mag-aral sa “kolehiyo.”12
Nang mag-aral si Lorenzo sa Oberlin, nagkaroon siya ng panibagong interes sa relihiyon. Naimpluwensyahan pa rin ng pinag-usapan nila ni Elder Patten, hindi lamang niya pinagnilayan ang mga doktrina ng ipinanumbalik na ebanghelyo kundi ibinahagi niya ang mga ito sa iba sa Oberlin—kahit sa mga nag-aaral para maging pastor. Sa isang liham sa kapatid niyang si Eliza, na naroon kasama ng mga Banal sa Kirtland, isinulat niya: “Sa mga pastor at magiging pastor ay matagumpay ako, iyan ang titiyakin ko sa iyo, sa pagtataguyod ng Mormonismo. Totoong kaunti pa lang ang nakukumbinsi kong sumapi, dahil ako mismo ay hindi pa sumasapi, subalit halos napaamin ko na ang ilan sa kanila na nakakita sila ng ilang [katalinuhan] sa inyong mga doktrina. Hindi madaling alisin ang matinding diskriminasyon laban sa Mormonismo sa isipan ng isang estudyante sa Oberlin.”
Sa liham ding ito, sumagot si Lorenzo sa imbitasyong natanggap niya mula kay Eliza. Inayos ni Eliza ang lahat upang tumira si Lorenzo sa kanyang bahay sa Kirtland at mag-aral ng Hebreo sa klaseng dinadaluhan ni Propetang Joseph Smith at ng ilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabi niya: “Natutuwa akong malaman na labis kang nasisiyahan sa Kirtland; bagaman sa ngayon ay hindi ako interesadong lumipat sa lugar ninyo; subalit kung ang mga pagkakataong makapag-aral diyan ay pareho, palagay ko ay baka gustuhin ko nang lumipat diyan. Dahil, kung wala nang iba, matutuwa ako at marahil ay makikinabang sa pakikinig sa ipinangaral na mga doktrinang iyon na matagal ko nang pinagsisikapang ipagtanggol at suportahan dito sa Oberlin.”
Kahit humanga si Lorenzo sa mga doktrina ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, nag-atubili siyang sumapi sa Simbahan. Pero interesado siya. Sa kanyang liham kay Eliza, marami siyang tanong tungkol sa Simbahan. Sinabi niya na ang mga estudyante sa Oberlin na naghahandang maging pastor ay kailangang “maglaan ng pitong taon o mahigit pa para mag-aral nang husto bago sila payagang magsalita sa mga taong hindi naniniwala na may Diyos sa Langit, gaya ng isang abugado na dapat magkaroon ng ilang kwalipikasyon bago siya bigyan ng pahintulot na magsalita.” Sa kabila nito, sinabi niya sa kanyang kapatid, “Palagay ko mas umaasa ang mga tao ninyo sa banal na tulong kaysa sa natututuhan sa kolehiyo, kapag nangaral kayo ng inyong mga doktrina.” Nagpahayag siya ng hangaring maunawaan ang mga paramdam ng Espiritu, na tinatanong kung maaaring ipagkaloob ang Espiritu Santo sa mga tao “sa panahong ito.” Kung maaaring matanggap ng mga tao ang Espiritu Santo, tanong niya, “lagi bang ipinagkakaloob ito ng Diyos sa pamamagitan ng ibang tao?”13 Sa madaling salita, gusto niyang malaman kung kailangan ang awtoridad ng priesthood para matanggap ang Espiritu Santo.
Pinahalagahan ni Lorenzo ang kanyang mga kaibigan at ang natutuhan niya sa Oberlin College, ngunit unti-unti siyang hindi nasiyahan sa mga turo doon tungkol sa relihiyon. Kalaunan nilisan niya ang kolehiyo at tinanggap ang imbitasyon ng kanyang kapatid na mag-aral ng Hebreo sa Kirtland. Sinabi niya na klase lang sa Hebreo ang dinaluhan niya para makapaghanda siya sa pag-aaral sa isang kolehiyo sa silangang Estados Unidos.14 Gayunman, napansin ni Eliza na bukod pa sa pag-aaral ng Hebreo, “marami rin siyang natutuhan tungkol sa walang-hanggang Ebanghelyo, at napuspos ang kanyang puso ng pananampalataya rito.”15 Hindi naglaon at natagpuan niya ang mga sagot sa mga tanong niya sa Oberlin College, at noong Hunyo 1836 bininyagan siya ni Elder John Boynton, isa sa orihinal na mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol sa dispensasyong ito. Nakumpirma rin siyang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Pagkaraan ng halos dalawang linggo tinanong siya ng isang kaibigan, “Brother Snow, natanggap mo na ba ang Espiritu Santo mula nang binyagan ka?” Paggunita niya, “Halos makadama ako ng pagkalito at kalungkutan sa tanong na iyon. Ang totoo ay, kahit natanggap ko na ang lahat ng kailangan ko, marahil ay hindi ko pa natanggap ang inaasam ko”—ibig sabihin ay bagaman nakumpirma na siya, hindi pa siya nakatanggap ng espesyal na paghahayag ng Espiritu Santo. “Hindi ako nasiyahan,” wika niya, “hindi sa nagawa ko, kundi sa sarili ko. Taglay ang damdaming iyon pagsapit ng gabi ay nagpunta ako sa isang lugar kung saan ko nakasanayang manalangin sa Panginoon.” Lumuhod siya para manalangin at agad na nakatanggap ng sagot sa kanyang mga panalangin. “Hinding-hindi iyon mabubura sa aking alaala hangga’t may alaala ako,” sabi niya kalaunan. “… Nakatanggap ako ng lubos na kaalaman na may isang Diyos, na si Jesus, na namatay sa Kalbaryo, ay Kanyang Anak, at na natanggap ng Propetang si Joseph ang awtoridad na sinasabi niyang taglay niya. Hindi maipaliwanag ang kasiyahan at kaluwalhatian ng paghahayag na iyon! Nagbalik ako sa aking tinitirhan. Mapatototohanan ko na ngayon sa buong mundo na alam ko, nang buong katiyakan, na ang Ebanghelyo ng Anak ng Diyos ay naipanumbalik na, at na si Joseph ay isang Propeta ng Diyos, binigyan ng karapatang magsalita sa Kanyang pangalan.”16
Napalakas ng karanasang ito, inihanda ni Lorenzo ang kanyang sarili na maging misyonero. Sabi nga ng kapatid niyang si Eliza, ang kanyang pagbabago ay humantong sa pagbabago sa kanyang mga ambisyon at “nagbukas ng mga bagong oportunidad sa kanya.” Sinabi niya, “Sa halip na katanyagang militar sa mundong ito, pumasok na siya sa labanan ng mga kampeon kasama ang mga hukbo ng langit.”17
Pagharap sa mga Hamon Bilang Full-Time Missionary
Sinimulan ni Lorenzo Snow ang kanyang misyon sa estado ng Ohio noong tagsibol ng 1837. Gaya ng desisyon niyang sumapi sa Simbahan, kinailangan niyang baguhin ang kanyang mga pananaw at plano nang magdesisyon siyang maglingkod bilang full-time missionary. Isinulat niya sa kanyang journal, “Noong 1837 lubos [kong] kinalimutan ang lahat ng gusto kong gawin.”18 Tinalikuran niya ang plano niyang makapag-aral ng “classical education” sa isang kolehiyo sa silangang bahagi ng Estados Unidos.19 Pumayag din siyang maglakbay nang walang dalang supot o salapi—sa madaling salita, humayo nang walang pera, na umaasa sa kabutihan ng iba na maglaan ng pagkain at tirahan. Lalong mahirap ito para sa kanya dahil noong kabataan niya lagi niyang nadarama na mahalagang mabuhay sa sarili, gamit ang perang kinita nila ng kanyang ama sa bukirin ng pamilya. Sabi niya: “Hindi ako sanay umasa kaninuman para sa pagkain o tirahan. Kung papunta ako sa malayo, titiyakin ng aking ama na marami akong pera para sa mga gastusin ko. At ngayon, napakahirap sa akin ang lumabas at manghingi ng makakain at matutulugan, dahil ibang-ibang iyon sa nakasanayan ko.”20 Siya ay “nagpasiyang gawin iyon,” ngunit dahil lamang sa tumanggap siya ng “tiyak na kaalaman na iniutos iyon ng Diyos.”21
Dumalo ang ilan sa mga tiyo, tiya, pinsan, at kaibigan ni Elder Snow sa mga unang pulong na idinaos niya bilang misyonero. Nang gunitain niya ang unang pagkakataong nangaral siya, sinabi niya: “Medyo mahiyain pa ako noon, at … hirap na hirap akong humarap at mangaral sa mga kaanak ko at kapitbahay na nagsidating doon. Naaalala ko na halos buong araw akong nanalangin bago noong gabing nagsalita ako. Lumabas akong mag-isa at hiniling ko sa Panginoon na ituro sa akin ang sasabihin. Sinabi sa akin ng tiya ko pagkatapos na halos manginig siya nang makita akong umakyat para magsalita, pero ibinuka ko ang aking bibig, at hindi ko nalaman kailanman kung ano ang aking sinabi, ngunit sabi ng tiya ko ay maganda raw ang sinabi ko sa loob ng halos 45 minuto.”22 Ginunita niya nang may pasasalamat: “Naniwala ako at natiyak ko na ibibigay ng Espiritu ng inspirasyon ang aking sasabihin. Nanalangin ako at nag-ayuno—nagpakumbaba ako sa harapan ng Panginoon, tumawag sa Kanya sa taimtim na panalangin na bahaginan ako ng kapangyarihan at inspirasyon ng banal na Priesthood; at habang nakatayo ako sa harapan ng kongregasyong iyon, bagaman hindi ko alam ang sasabihin, nang buksan ko ang aking bibig para magsalita, sumaakin ang Espiritu Santo, pinuspos ng liwanag ang aking isipan at binigyan ako ng mga ideya at wastong pananalitang ibabahagi ko sa kanila.”23 Nang lisanin niya ang lugar, nabinyagan at nakumpirma niya ang isang tiyo, isang tiya, at ilang pinsan at kaibigan.24
Matapos ibahagi ang ebanghelyo sa kanyang pamilya at mga kaibigan, patuloy na nagmisyon si Elder Snow sa ibang mga lungsod at bayan, sa loob ng mga isang taon. Iniulat niya, “Habang nasa misyong ito, naglakbay ako sa iba’t ibang bahagi ng Estado ng Ohio, at noon ay nabinyagan ko ang maraming taong nanatiling tapat sa katotohanan.”25
Halos kauuwi pa lang ni Lorenzo Snow mula sa una niyang misyon nang madama niya ang pagnanais na muling ipangaral ang ebanghelyo. “Napakatindi ng diwa ng pagmimisyon sa aking isipan,” wika niya, “kaya’t nasabik akong magmisyong muli.”26 Sa pagkakataong ito ipinangaral niya ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa mga estado ng Missouri, Kentucky, at Illinois at muli sa Ohio.
Galit ang ilang tao kay Elder Snow at sa mensaheng kanyang ibinahagi. Halimbawa, ikinuwento niya ang isang karanasan niya sa Kentucky nang magtipon ang isang grupo ng mga tao sa bahay ng isang tao para pakinggan siyang mangaral. Pagkatapos niyang mangaral, nalaman niya na plano ng ilan sa mga tao na saktan siya pagkaalis niya. Naalala niya na “sa gitna ng pagsisiksikan ng mga tao” sa bahay, isa sa mga lalaki ang “hindi sadyang naipasok ang kanyang kamay sa isa sa mga bulsa ng amerikana ko, na bigla niyang ikinatakot.” Nang may maramdamang matigas na bagay sa bulsa ni Elder Snow, agad niyang binalaan ang kanyang mga kaibigan na may baril ang misyonero. Kalaunan ay isinulat ni Elder Snow, “Sapat na iyon—kinalimutan ng mga salarin ang masama nilang balak.” Medyo natutuwang idinagdag pa ni Elder Snow, “Ang inakala nilang baril na ikinatakot nila at nagprotekta sa akin, ay ang maliit kong Biblia, na isang mahalagang regalo sa akin ng pinakamamahal na Patriarch, si Amang Joseph Smith [Sr.]”27
Tinanggap ng ibang tao si Elder Snow at ang mensaheng ibinahagi niya. Sa isang pamayanan sa Missouri tinuruan niya ang limang taong nabinyagan sa gitna ng taglamig. Kinailangang basagin ni Elder Snow at ng iba ang yelo mula sa ilog para maisagawa niya ang ordenansa. Sa kabila ng lamig, ilan sa mga nagbalik-loob ang “umahon mula sa tubig, na pumapalakpak, at sumisigaw ng mga papuri sa Diyos.”28
Ang unang dalawang misyon ni Elder Snow ay nagtagal mula tagsibol ng 1837 hanggang Mayo 1840. Inilarawan sa mga bahagi ng kanyang mga liham ang panahong ito ng paglilingkod sa Panginoon: “Ginugol ko ang natitirang mga araw ng taglamig [ng 1838–39] sa paglalakbay at pangangaral, … na iba-iba ang naging tagumpay, at pakikitungo—kung minsan ay napakagalang nila at nakinig sila sa akin nang may malaking interes, at, sa ibang mga pagkakataon, ininsulto at nilait nila ako; ngunit kailanman ay hindi ako ginawan nang mas malala kaysa ginawa kay Jesus, na ipinapahayag kong aking sinusunod.”29 “Kapag ginugunita ko ang mga naranasan ko, … namamangha ako at nanggigilalas.”30 “Sumaakin ang Panginoon, at labis akong pinagpala sa pagganap sa aking mahihirap na tungkulin.”31
Misyon sa England
Noong mga unang araw ng Mayo 1840, sumama si Lorenzo Snow sa mga Banal sa Nauvoo, ngunit hindi siya nanatili roon nang matagal. Pinatawid siya ng Atlantic Ocean at pinaglingkod sa isang misyon sa England, at nilisan niya ang Nauvoo sa buwan ding iyon. Bago siya lumisan, binisita pa niya ang mga pamilya ng ilan sa siyam na Apostol na naglilingkod na sa England.
Nang bisitahin niya ang pamilya ni Brigham Young, nakita niya na ang bahay nilang yari sa troso ay walang hugpong sa mga puwang sa pagitan ng mga troso, kaya “nakalantad sila sa hangin at unos.” Pagod si Sister Young dahil kababalik lang nito mula sa walang-kinahinatnang paghahanap sa baka ng pamilya. Sa kabila ng kanyang hirap, sinabi nito kay Elder Snow, “Nakikita mo ang sitwasyon ko, pero sabihin mo sa kanya [sa asawa ko] na huwag mag-abala, o mag-alala sa akin kahit kaunti—gusto ko siyang manatili sa kanyang ginagawa hanggang sa marangal siyang i-release.” Naantig sa “dukha at kaawa-awang kundisyon” ni Sister Young, gustong tumulong ni Elder Snow: “Kakaunti lang ang pera ko—ni hindi sapat para makarating ako sa aking misyon, na walang maisip na mapagkukunan ng kapupunan ng perang kailangan ko, at paalis na ako kinabukasan. Dumukot ako ng kaunting pera sa bulsa ko, … ngunit tinanggihan niya ito; habang iginigiit kong kunin niya ito, at pilit siyang tumatanggi—sadya man at hindi, nalaglag ang pera sa sahig, at gumulong ito sa malalaking siwang ng sahig, na lumutas sa pagtatalo, at nang magpaalam ako, iniwan ko siya para pulutin iyon kung kailan niya gusto.”32
Mula Illinois, naglakbay si Elder Snow patungong New York, kung saan sumakay siya ng barko upang maglayag patawid ng Atlantic Ocean. Sa loob ng 42-araw na paglalayag, tatlong malalakas na unos ang yumanig sa barko. Naliligiran ng takot at nag-iiyakang mga kapwa pasahero, nanatiling payapa si Elder Snow, na nagtitiwalang poprotektahan siya ng Diyos. Pagdaong ng barko sa Liverpool, England, ang puso ni Elder Snow ay “puno ng malaking pasasalamat sa Kanya na nagliligtas at tumutulong sa mga taong Kanyang tinawag at isinugo bilang mga ministro ng kaligtasan sa mga bansa ng daigdig.”33
Matapos maglingkod bilang misyonero sa England nang mga apat na buwan, tumanggap ng dagdag na responsibilidad si Elder Snow. Hinirang siyang pangulo ng London Conference, isang tungkuling kapareho ng sa district president ngayon. Patuloy siyang nangaral ng ebanghelyo, at pinamahalaan din niya ang gawain ng mga lider ng priesthood, tulad ng mga branch president, sa lugar na iyon. Habang naglilingkod sa pamunuang ito, madalas siyang mag-ulat kay Elder Parley P. Pratt, isang miyembro ng Korum ng Labindalawa at pangulo ng misyon. Sumulat siya tungkol sa maraming tao na “nagtatanong kung paano magtamo ng kaligtasan,” sa isang kuwartong “umaapaw sa dami ng tao” para sa isang pulong sa araw ng Linggo, at sa “kasiyahang magbinyag [ng mga nagbalik-loob] sa kawan ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo.” Sabik at maganda ang pananaw tungkol sa gawain, sinabi niya, “Kahit naliligiran ng lahat ng anyo ng walang-pakundangang kasamaan, nagsisimulang lumabas ang Sion, at, tiwala ako, hindi magtatagal at magiging maningning na ilaw ito sa lungsod na ito.”34
Malaki ang iniunlad ng London Conference noong si Elder Snow ang pangulo. Habang tuwang-tuwa si Elder Snow sa tagumpay na ito, nahirapan din siya sa mga responsibilidad sa pamumuno. Sa isang liham kay Elder Heber C. Kimball ng Korum ng Labindalawa, inamin niya na ang mga hamong ito ang nagtulak sa kanya na “pangangasiwaan sa ibang paraan ang pamumuno kaysa rati.”35 Sinabi niya kay Elder Kimball: “Sinabi ninyo ni Elder [Wilford] Woodruff na dapat mapatunayan na ito ay isang makatuturang karanasan, na siya namang totoo. … Mula nang dumating ako rito may paisa-isang bagong pangyayari sa mga Banal. Hindi pa man natatapos ang isa ay may iba na namang nangyayari.” Ibinahagi niya ang katotohanan na madali siyang natuto sa mga bago niyang responsibilidad: “Hindi ko makakayanan ang mga hirap, [maliban kung] tulungan ako nang husto ng Diyos.”36 Gayon din ang damdaming ipinahayag niya sa isang liham kay Elder George A. Smith ng Korum ng Labindalawa: “Ang munting nagawa ko ay hindi ako ang may gawa kundi ang Diyos. Ang isang bagay na lubos kong natutuhan sa aking karanasan habang sinisikap na gampanan ang aking tungkulin bilang guro sa Israel, ibig kong sabihin, kung ako lang ay wala akong alam ni magagawa: malinaw ko ring nakikita na walang Banal na uunlad maliban kung sumunod siya sa mga tagubilin at payo ng mga taong tinawag na mamuno sa Simbahan. Tiwala ako na basta’t sinusunod ko ang kanyang mga batas, tutulungan at susuportahan ako ng Diyos sa aking katungkulan. … Habang namumuhay ako nang may pagpapakumbaba sa kanyang harapan, bibigyan niya ako ng kapangyarihang magbigay at tumanggap ng payo sa kabutihan at diwa ng paghahayag.”37
Bukod sa pangangaral ng ebanghelyo at paglilingkod bilang pangulo ng London Conference, sumulat si Elder Snow ng isang tract, o polyeto tungkol sa relihiyon para tulungan ang mga misyonero na ipaliwanag ang ipinanumbalik na ebanghelyo. Ang polyetong ito, na tinawag na The Only Way to Be Saved [Ang Tanging Paraan para Maligtas], ay isinalin kalaunan sa ilang wika at ginamit sa buong huling kalahati ng ika-19 na siglo.
Si Elder Snow ay naglingkod sa England hanggang Enero 1843. Bago siya lumisan, tinupad niya ang isang gawaing iniatas sa kanya ni Pangulong Brigham Young. Sa gilid ng isang pahina sa kanyang journal, dito lamang niya binanggit ang tungkol sa gawaing ito: “Naghatid ng dalawang Aklat ni Mormon kina Queen Victoria at Prince Albert sa kahilingan ni Pangulong B. Young.”38
Nang lisanin ni Elder Snow ang England, pinamunuan niya ang isang grupo ng mga Briton na Banal sa mga Huling Araw na nandarayuhan sa Nauvoo. Isinulat niya sa kanyang journal: “Pinamahalaan ko ang isang grupo ng dalawangdaan at limampu, at marami sa kanila ang matatalik kong kaibigan na pumasok sa tipan dahil sa aking pagtuturo. Ang sitwasyon ko ngayon sa muling pagtawid ng dagat na naliligiran ng mga kaibigan ay napakasaya kumpara sa kalungkutang naranasan ko sa paglalakbay noong nakaraang dalawa at kalahating taon.”39 Ang mga karanasan ni Elder Snow sa barkong Swanton ay nagpakita ng kanyang galing sa pamumuno at pananampalataya sa Diyos. Ang sumusunod na salaysay ay hango sa kanyang journal:
“Tinipon ko [ang mga Banal] at sa pagsang-ayon ng lahat ay binuo ko sila sa mga dibisyon at subdibisyon, at naghirang ako ng mga wastong opisyal sa bawat isa, at nagtatag ng mga reglamento kung paano pamamahalaan ang grupo. Nalaman ko na may ilang High Priest, at mga tatlumpung Elder kaming kasama, at batid ang likas na hangarin ng maraming Elder na makagawa ng kahit maliit na bagay para kilalanin sila kahit kaunti, at kung hindi nila ito magawa sa isang paraan ay kahit sa ibang paraan, naisip ko sa huli na mas mabuting ako na lang ang magsabi sa kanila ng gagawin; kaya nga humirang ako ng marami hangga’t maaari sa isang katungkulan o iba pa at binigyan ko silang lahat ng pananagutan. Nagtipon ang buong grupo bawat gabi sa linggong iyon [para] manalangin. Nangaral kami nang dalawang beses sa isang linggo; nagpulong kami tuwing Linggo at nakibahagi sa sakramento.
“Ang aming kapitan, na nais kong maging kaibigan, ay mukhang masungit at walang kibo. … Nadarama ko na inis siya sa amin.—Mga dalawang linggo na kaming naglalayag, at wala pang mahalagang nangyayari maliban sa karaniwang nangyayari sa dagat, nang mangyari ang sumusunod.
“Naaksidente ang katiwala ng kapitan, isang bata pang German, at muntik na itong mamatay. Dahil napakabuti, mahinahon at matatag, at nakasama na ng kapitan [sa] ilang paglalayag, lubha siyang napamahal sa kapitan, sa mga opisyal at tripulante; lubha ring napalapit sa kanya ang mga Banal. Dahil dito ang posibilidad na mamatay siya … ay nagpalungkot at nagpadalamhati sa lahat ng nasa barko.
“Magdurugo ang bibig niya, kasabay ng matinding pamumulikat at pagkawala ng malay at panginginig. Sa wakas, matapos subukan ang iba’t ibang remedyo nang walang resulta, naglaho ang lahat ng pag-asang mabubuhay pa siya. Hiniling ng kapitan sa mga marino, bago natulog ang mga ito, na isa-isang magpunta sa cabin para magpaalam sa kanya; na sinunod nila nang walang kahit katiting na pag-asa na makikita pa nila siyang buhay kinabukasan. Maraming matang lumuha paglabas nila mula sa cabin.
“Sinabi ni Sister Martin [isa sa mga Banal sa mga Huling Araw na sakay ng barko] sa katiwala, habang nakaupong mag-isa sa tabi ng kanyang kama, na maaari akong ipatawag para basbasan siya at baka sakaling gumaling siya. Masaya siyang pumayag. Natutulog ako sa aking higaan nang ipatawag ako, mga alas-dose na iyon ng gabi. Agad akong bumangon at tumuloy sa cabin, [at] sa daan ay nasalubong ko ang pangalawang pinuno sa barko, na kagagaling lang sa kanya. Pagdaan niya sa akin, nasalubong niya ang isang Brother Staines na nagsabi sa kanya na babasbasan ni Mr. Snow ang katiwala. ‘Pero,’ sabi niya (sa malungkot na tinig), ‘wala nang saysay iyon; mamamatay na ang kawawang bata.’ ‘Ah,’ sabi ni Elder Staines, ‘mapapagaling siya ng Panginoon sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay para siya basbasan.’ ‘… Siya nga?’ tugon ng marino na walang kamalay-malay.
“Habang naglalakad nasalubong ko ang kapitan sa pintuan ng cabin, na mukhang matagal nang umiiyak. ‘Salamat at dumating ka, Mr. Snow,’ sabi nito, ‘kahit wala nang saysay iyan, dahil malapit nang mamatay ang katiwala.’ Pumasok ako sa silid nito at naupo sa tabi ng kanyang kama. Kapos na siya sa paghinga at parang naghihingalo na siya. Hindi siya makapagsalita nang malakas, ngunit ipinaalam niya sa akin [na] dapat ko siyang basbasan. Nalaman ko na may asawa’t dalawang anak siya sa Hamburg, Germany, na umaasa sa kanyang suporta. Tila alalang-alala siya tungkol sa kanila.
“Ipinatong ko ang aking mga kamay sa kanyang ulo, at hindi pa ako tapos sa pagbabasbas sa kanya nang umupo na siya sa kama, pinagdaop ang kanyang mga kamay, na humihiyaw ng papuri sa Panginoon sa kanyang paggaling; pagkatapos nito ay bumangon siya mula sa kanyang kama [at] lumabas sa cabin at lumakad sa kubyerta [ng barko].
“Kinabukasan nagulat ang lahat na makitang buhay ang katiwala, at namanghang makita siya na ginagawa ang dati niyang gawain. Sinabi ng lahat ng marino na iyon ay himala; alam ng mga Banal na himala nga ito, nagalak sila at pinuri ang Panginoon; matatag na pinaniwalaan iyon ng kapitan at labis itong nagpasalamat, at mula noon ay napalapit na kami sa kanyang puso. Ipinagkaloob niya ang lahat ng kailangan at kasiyahan namin na kaya niyang ipagkaloob, at laging sinisiguro na komportable kami; dumalo siya sa lahat ng pulong namin, binili at binasa niya ang aming mga aklat. Gayon din ang ginawa ng mga marino, at nang iwan namin sila sa New Orleans [Louisiana,] nangako sila na magpapabinyag sila. Nakatanggap ako ng liham mula sa punong marino pagkaraan ng halos isang taon, na ipinaalam sa akin na … natupad na nila ang kanilang pangako. Ipinahayag din ng kapitan ang balak niyang tanggapin ang ebanghelyo pagdating ng panahon at mamuhay sa piling ng mga Banal. Nabinyagan din ang katiwala pagdating namin sa New Orleans; at bago kami naghiwalay ay binigyan niya ako ng isang Biblia, na iniingatan ko ngayon.”40
Isinulat ni Elder Snow: “Ilan sa mga marino ang umiyak nang tuluyan na kaming umibis ng Swanton. Sa katunayan, lahat kami ay malungkot.”41 Mula sa New Orleans, sumakay ng barko si Elder Snow at ang kapwa niya mga Banal at naglakbay sa Mississippi River. Dumating sila sa Nauvoo noong Abril 12, 1843.
Patuloy na Katapatan sa Gawain ng Panginoon
Matapos maglingkod bilang full-time missionary nang halos pitong taon, nakita ni Lorenzo Snow na sumandaling nagbago ang kanyang mga pagkakataong maglingkod. Noong taglamig ng 1843–44, inalok siya ng mga namamahala ng isang lokal na paaralan na magtrabaho bilang guro. Tinanggap niya ang alok, kahit alam niya na marami sa mga estudyante ang “nagmamalaki na inaabuso nila ang mga guro at sinisira nila ang paaralan.” Ipinasiya niya na ang paraan para igalang siya ng mga estudyante ay ang igalang sila. Isinulat ng kapatid niyang si Eliza: “Kinausap niya ang mga lalaking iyon na para bang kagalang-galang silang mga ginoo. … Sinikap niyang ipadama sa kanila na interesado siya sa kanilang kapakanan” at hangad niyang “tulungan silang magpatuloy sa kanilang pag-aaral. … Sa ganitong paraan, sa pamamagitan ng kabaitan at panghihikayat, napanatag ang kanilang damdamin—nakuha niya ang kanilang tiwala, at sa pagtitiyaga at patuloy na pagsusumikap, ang magugulong kabataan ay naging magagalang na estudyante; at bago pa natapos ang pasukan, nakakagulat ang kanilang pag-unlad, at natuto silang mag-aral nang mabuti.”42
Noong 1844 tumanggap siya ng bagong tungkulin sa Simbahan. Inatasan siyang maglakbay sa Ohio at pamahalaan ang isang kampanyang iboto si Joseph Smith bilang pangulo ng Estados Unidos. Hindi nagustuhan ng Propeta ang pagtrato ng pamahalaan ng Estados Unidos sa mga Banal sa mga Huling Araw, at sumulat siya sa tumatakbong mga kandidato noon sa pagkapangulo na pag-aralan ang pakikitungo nila sa Simbahan. Dahil hindi nasiyahan sa kanilang mga sagot, nagpasiya siyang tumakbo mismo sa pagkapangulo.
Hinirang ng Korum ng Labindalawa si Lorenzo Snow at ang iba pa upang “bumuo ng isang organisasyon sa pulitika sa buong estado ng Ohio para suportahan ang pagtakbo ni Joseph para sa Pagkapangulo.”43 Sa paggawa nito, naipaalam nila sa publiko kung paano nalabag ang mga karapatang pantao ng mga Banal ayon sa konstitusyon. Sinabi ni Lorenzo na siya ay “lubhang natuwa nang panahong iyon.”44 Matinding tinutulan ng ilang tao ang pagkandidato ng Propeta, samantalang nadama naman ng iba na mapapamunuan ni Joseph Smith ang bansa tungo sa tagumpay at kaunlaran.
“Sa gitna ng pagtatalu-talong ito,” paggunita ni Lorenzo Snow, “biglang natapos ang aking gawain, nang matiyak ko ang ulat na pinaslang ang Propeta at ang kapatid niyang si Hyrum.”45 Nagbalik siya sa Nauvoo “na malungkot ang puso.”46
Kahit nangyari ang trahedyang ito, masigasig na gumawa ang mga Banal para itayo ang kaharian ng Diyos. Sabi nga ni Lorenzo kalaunan, “Sa patnubay ng Makapangyarihang Diyos, sumulong ang kaharian.”47 Patuloy nilang ipinangaral ang ebanghelyo at pinalakas ang isa’t isa, at sama-sama nilang tinapos ang pagtatayo ng templo sa kanilang lungsod.
Nang tipunin ni Lorenzo Snow ang mga Banal sa Nauvoo, naipasiya niyang huwag nang mag-asawa, at sa halip ay ilaan ang kanyang buhay sa pangangaral ng ebanghelyo. Sinabi ng kapatid niyang si Eliza kalaunan, “Ang ilaan ang kanyang oras, mga talento, at lahat-lahat sa ministeryo ang tanging hangad niya.” Naisip niya na kahit paano ay “mababawasan ang maitutulong niya” sa gawain ng Panginoon kapag nag-asawa siya.48
Ang mga pananaw ni Lorenzo tungkol sa pag-aasawa at pagpapamilya ay nagsimulang magbago noong 1843 nang kausapin niya nang sarilinan si Propetang Joseph Smith sa baybayin ng Mississippi River. Pinatotohanan ng Propeta ang paghahayag na natanggap nito hinggil sa pagkakaroon ng mahigit sa isang asawa. Sinabi niya kay Lorenzo, “Binuksan ng Panginoon ang daan para matanggap at masunod mo ang batas ng Selestiyal na Kasal.”49 Sa payong ito, naunawaan ni Lorenzo na ang pag-aasawa ay isang utos ng Panginoon at isang mahalagang bahagi ng plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit.
Noong 1845, nagkaroon ng mahigit sa isang asawa si Lorenzo Snow, na ginagawa noon sa Simbahan, nang pakasalan niya sina Charlotte Squires at Mary Adaline Goddard. Kalaunan ay nabuklod siya sa iba pang mga babae. Ang katapatan niya sa kanyang mga asawa at mga anak ay naging bahagi ng kanyang katapatan sa gawain ng Panginoon.
Patuloy na itinayo ng mga Banal ang kaharian ng Diyos sa Nauvoo, ngunit nagpatuloy rin ang pang-uusig. Noong Pebrero 1846, sa ginaw ng taglamig, pinuwersa sila ng mga mandurumog na lisanin ang kanilang mga tahanan at templo. Nagsimula silang maglakbay papuntang kanluran tungo sa isang bagong tahanan.
Pagtulong sa mga Banal na Magtipon sa Salt Lake Valley
Bagaman nilisan ni Lorenzo Snow at ng kanyang pamilya ang Nauvoo kasama ang mga Banal, nakarating lang sila sa Salt Lake Valley pagkaraan ng mahigit isang taon matapos dumating ang unang grupo ng mga pioneer. Gaya ng karamihan sa naunang mga pioneer na Banal sa mga Huling Araw, nanatili sila sa pansamantalang mga tirahan sa kanilang paglalakbay. Sandaling nanatili si Lorenzo at ang kanyang pamilya sa isang pamayanan sa Iowa na tinatawag na Garden Grove, kung saan nagtayo sila ng mga bahay na yari sa troso para sa mga Banal na susunod sa kanila. Mula roon ay lumipat sila sa isang pamayanan na tinatawag na Mount Pisgah, doon din sa Iowa.
Sa Mount Pisgah, nagtrabaho si Lorenzo at ang kanyang pamilya at iba pang mga Banal, at muling inilaan ang mga pangangailangan nila at ng mga susunod sa kanila papunta sa Salt Lake Valley. Nagtayo sila ng mga tahanang yari sa troso at nagtanim pa at naglinang ng mga pananim, batid na malamang na aanihin ito ng iba pa. Habang nasa Mount Pisgah sila, tinawag si Lorenzo na mamuno sa pamayanan. Sa paglaganap ng lungkot, sakit, at kamatayan sa mga tao, pati na sa sarili niyang pamilya, masigasig siyang nagtrabaho upang tulungan ang mga tao na magkaroon ng pag-asa, mapalakas ang isa’t isa, at manatiling masunurin sa mga utos ng Panginoon.50
Noong tagsibol ng 1848, nagbilin si Pangulong Brigham Young kay Lorenzo Snow na lisanin ang Mount Pisgah at maglakbay patungong Salt Lake Valley. Muling binigyan ng katungkulan sa pamumuno si Lorenzo, sa pagkakataong ito bilang kapitan ng mga grupo ng mga pioneer. Dumating ang mga grupo sa Salt Lake Valley noong Setyembre 1848.
Paglilingkod bilang Miyembro ng Korum ng Labindalawa
Noong Pebrero 12, 1849, tumanggap ng mensahe si Lorenzo Snow na pinadadalo siya sa isang pulong ng Korum ng Labindalawang Apostol. Kaagad niyang itinigil ang kanyang ginagawa at nagpunta sa pulong, na nagsisimula na. Habang nasa daan, inisip niya kung bakit siya pinahaharap sa Korum ng Labindalawa. Nagtaka siya—pinaratangan ba siya na may ginawa siyang masama? Batid na naging tapat siya sa pagganap sa kanyang tungkulin, inalis niya ang pag-aalala. Pero hindi niya mawari kung ano ang naghihintay sa kanya. Pagdating niya, nagulat siyang malaman na natawag siyang maglingkod bilang miyembro ng korum. Sa pulong ding iyon, inorden siya at ang tatlong iba pa—sina Elder Charles C. Rich, Elder Franklin D. Richards, Elder Erastus Snow, isang malayong pinsan—bilang mga Apostol.51
Ang ordenasyon kay Lorenzo Snow sa pagka-apostol ay kitang-kita sa kanyang buhay. Ang kanyang tungkulin na maging isa sa “mga natatanging saksi sa pangalan ni Cristo” (D at T 107:23) ay nakaimpluwensya sa lahat ng ginawa niya. Kalaunan ay ipinahayag niya ang kanyang damdamin tungkol sa mga responsibilidad ng isang Apostol:
“Una, ang isang Apostol ay kailangang magtaglay ng Banal na kaalaman, sa pamamagitan ng paghahayag mula sa Diyos, na si Jesus ay buhay—na Siya ang Anak ng buhay na Diyos.
“Ikalawa, kailangan siyang pahintulutan ng langit na ipangako ang Espiritu Santo; isang Banal na alituntuning naghahayag ng mga bagay ng Diyos, na ipinaaalam ang Kanyang kalooban at mga layunin, na humahantong sa lahat ng katotohanan, at nagpapakita ng mga bagay na darating, ayon sa ipinahayag ng Tagapagligtas.
“Ikatlo, binigyan siya ng kapangyarihan ng Diyos na mangasiwa sa mga sagradong ordenansa ng Ebanghelyo, na pinagtitibay sa bawat tao sa pamamagitan ng Banal na patotoo. Libu-libong tao na naninirahan ngayon sa mga lambak ng kabundukang ito, na tumanggap ng mga ordenansang ito dahil sa aking pangangaral, ang mga buhay na saksi sa katotohanan ng pahayag na ito.”52
Bukod sa responsibilidad ng kanyang tungkulin, matibay ang paniniwala ni Elder Snow sa kahalagahan ng pagiging miyembro ng Korum ng Labindalawa: “Kami, ang Labindalawa, ay determinadong talikuran ang lahat ng makagagambala sa aming tungkulin, nang kami ay magkaisa tulad ng pagkakaisa ng [Unang] Panguluhan, at nabibigkis ng alituntunin ng pagmamahal na nagbibigkis sa Anak ng Diyos sa Ama.”53
Sa pagkaunawang ito sa kanyang personal na tungkulin at sa misyon ng Korum ng Labindalawa, inilaan ni Elder Lorenzo Snow ang kanyang buhay sa pagtulong na maitayo ang kaharian ng Diyos sa lupa. Tumugon siya sa tawag na maglingkod sa maraming iba’t ibang paraan at lugar.
Ang Italian Mission
Sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1849, tinawag si Elder Snow na magtatag ng isang misyon sa Italy. Bagaman hindi siya pamilyar sa lupain at sa mga kultura at wika nito, hindi siya nag-atubiling tanggapin ang tungkulin. Wala pang dalawang linggo pagkatapos ng kumperensya, handa na siyang umalis, nang magawa na niya ang lahat para may mag-asikaso sa kanyang mga asawa at mga anak habang wala siya.
Habang naglalakbay siya at ang iba pang mga misyonero papunta sa silangang bahagi ng Estados Unidos, kung saan sasakay sila ng barko patawid ng Atlantic Ocean, natuon ang kanyang isipan sa kanyang pamilya at sa mga taong malapit na niyang paglingkuran. Sa isang liham sa kapatid niyang si Eliza, isinulat niya: “Nagtatalo ang aking damdamin. … Nagmamadali kaming makalayo mula sa humahatak sa amin nang malakas—ANG TAHANAN! ngunit alam namin na ang ginagawa namin ay maghahatid ng liwanag sa mga nakaupo sa kadiliman, at sa Libis ng Lilim ng Kamatayan, at ang aming dibdib ay puno ng pagmamahal, at pinahiran ang aming mga luha.”54
Nakarating si Elder Snow at ang kanyang mga kasama sa Genoa, Italy, noong Hulyo 1850. Nakita nila na mabagal ang pag-unlad ng gawain ng Panginoon. Isinulat ni Elder Snow: “Nag-iisa ako at isang dayuhan sa malaking lungsod na ito, na walong libong milya ang layo mula sa pinakamamahal kong pamilya, naliligiran ng isang lahi [na] ang mga kilos at pag-uugali ay hindi pamilyar sa akin. Narito ako para liwanagin ang kanilang isipan, at ituro sa kanila ang mga alituntunin ng kabutihan; ngunit wala akong makitang paraan para maisakatuparan ang adhikaing ito. Tila hindi mangyayari ito.” Sa pag-aalala tungkol sa “mga kalokohan, … kasamaan, malaking kadiliman, at pamahiin” ng mga taong paglilingkuran niya, isinulat niya: “Hinihiling ko sa aking Ama sa Langit na kaawaan ang mga taong ito. O Panginoon, kahabagan po Ninyo sila, nang hindi sila masawing lahat. Patawarin po Ninyo ang kanilang mga kasalanan, at nawa’y makilala nila ako, nang Kayo ay makilala nila, at malaman na isinugo Ninyo ako upang itayo ang Inyong Kaharian. … Mayroon po ba Kayong ilang tao na pinili sa kanila kaya po ako isinugo para sa kanila? Ihatid po Ninyo ako sa kanila, at ang Inyong pangalan ay luluwalhatiin sa pamamagitan ni Jesus na Inyong Anak.”55
Natagpuan ni Elder Snow ang “mga piling taong ito” sa isang grupo ng mga taong tinatawag na mga Waldenses. Ang mga Waldenses ay nakatira sa isang lambak sa bundok sa Piedmont, sa timog lang ng hangganan ng Italy at Switzerland at sa silangan ng hangganan ng Italy at France. Ang kanilang mga ninuno ay inusig at pinalayas sa lahat ng dako dahil naniwala sila sa awtoridad ng mga sinaunang Apostol at nais nilang sundin ang mga turo ng mga Apostol kaysa sumapi sa mga relihiyon sa panahong iyon.
Sa isang liham kay Pangulong Brigham Young, isinulat ni Elder Snow na ang mga Waldenses ay nagdusa noong mga panahon ng “kadiliman at kalupitan” at “halos hindi natinag, tulad ng batong hinahampas ng mga alon sa maunos na karagatan.” Ngunit bago pa dumating ang mga misyonerong Banal sa mga Huling Araw sa Italy, nagsimulang magtamasa ng “panahon ng katiwasayan” ang mga Waldenses, at tila mas malaya na sila sa relihiyon kaysa iba pa sa Italy. “Sa gayon,” pagpuna niya, “nabuksan ang daan sa loob lang ng maikling panahon bago nagsimula ang misyon, at wala nang iba pang bahagi ng Italy na gayon kaluwag ang mga batas.”
Sa pagnanais na malaman pa ang tungkol sa mga taong ito, nagtungo sa silid-aklatan si Elder Snow para humanap ng aklat tungkol sa kanila. Isinalaysay niya: “Ipinaalam sa akin ng librarian na pinagtanungan ko na mayroon siya ng aklat na kailangan ko, ngunit may nakakuha na nito. Hindi pa siya tapos sa sinasabi niya nang pumasok ang isang babae na dala ang aklat. ‘Ah,’ sabi niya, ‘pambihirang sitwasyon ito, nagtatanong pa lang ang ginoong ito tungkol sa aklat na iyan.’ Hindi naglaon at nakumbinsi ako na karapat-dapat na matanggap ng mga taong ito ang unang pagpapahayag ng Ebanghelyo sa Italy.”56
Sabik si Elder Snow at ang kanyang mga kasama na ipangaral ang ebanghelyo sa Piedmont, ngunit nadama nila na dapat silang mag-ingat, at makipagkaibigan at ipakita sa mga tao na mapagkakatiwalaan sila. Nang madama nila na maganda na ang relasyon nila sa mga tao, umakyat sila sa kalapit na bundok, umawit ng “mga papuri sa Diyos ng langit,” at nanalangin, na inilalaan ang lupain ng Italy sa gawaing misyonero. Nagpahayag din sila ng kani-kanyang katapatan sa gawain, at nagbigay ng basbas ng priesthood si Elder Snow sa kanyang mga kasama na tulungan sila sa kanilang mga responsibilidad. Nabigyang-inspirasyon ng kanilang karanasan sa bundok, tinawag ni Elder Snow ang lugar na iyon na Mount Brigham.57
Kahit pagkatapos ng karanasang ito, halos dalawang buwan ang lumipas bago may taong nagpahayag ng hangarin na sumapi sa Simbahan. Noong Oktubre 27, 1850, tuwang-tuwa ang mga misyonero na makita sa wakas ang unang binyag at kumpirmasyon sa Italy.58 Kalaunan ay iniulat ni Elder Snow: “Mabagal at mahirap ang gawain dito. … Gayunman, naitatag na ang Simbahan. Naitanim na ang puno at nag-uugat na ito.”59
Isang gabi nagkaroon si Elder Snow ng panaginip na nakatulong sa kanya na maunawaan ang katangian ng kanyang misyon sa Italy. Sa panaginip, namimingwit sila ng kanyang mga kaibigan. “Natuwa kaming makita ang malaki at magandang isda sa ibabaw ng tubig, sa buong paligid, sa malayo,” wika niya. “Nakita namin ang maraming tao na naglalatag ng kanilang mga lambat at linya; ngunit tila hindi sila nagsisigalaw; samantalang kami ay patuloy na gumagalaw. Nang maraanan ko ang isa sa kanila, natuklasan ko na may nahuling isang isda sa bingwit ko, at naisip ko na baka magalit ang lalaking ito na parang naunahan ko siyang makahuli; gayunman, nagpatuloy kami, at nakarating sa pampang. Pagkatapos ay hinatak ko ang pisi ng bingwit ko, at nagulat ako at nahiya sa kaliitan ng nabingwit ko. Naisip ko na lubhang kataka-taka na, sa dami ng mas magaganda at malalaking isda, napakaliit ng nabingwit ko. Ngunit napawi ang lahat ng kabiguan ko nang matuklasan ko na napaka-pambihira ng mga katangian nito.”60
Propesiya ang panaginip ni Elder Snow. Kakaunti ang nakita niyang nabinyagan sa Italy, at, ayon sa naobserbahan kalaunan ng isa pang misyonero, ang mga tumanggap sa ebanghelyo ay “hindi ang mayayaman at mararangal.”61 Gayunman, si Elder Snow at ang kanyang mga kasama ay naging kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon sa pagdadala ng mga taong mabubuti at tapat sa kaharian ng Diyos—mga taong nagpasalamat na sila ay “nagsimulang lumakad sa landas ng bago at walang-hanggang buhay.”62 At dahil sa pamumuno ni Elder Snow, ang Aklat ni Mormon ay naisalin sa wikang Italian.
Makalipas ang halos isa at kalahating siglo, isa pang Apostol, si Elder James E. Faust, ang nagsalita tungkol sa mga lalaki at babaeng sumapi sa Simbahan dahil sa ginawa ni Elder Snow at ng kanyang mga kasama: “Ang ilan ay kasama sa unang mga handcart company na dumating sa Salt Lake Valley. … Marami sa kanilang mga inapo ang nag-alaga sa mga ubasan ng kapanunumbalik na simbahan at ngayon ay gumagawa ng malalaking kontribusyon sa simbahan sa iba’t ibang dako ng mundo, na naniniwala, tulad ng kanilang mga ninuno, na hawak ng mga Apostol ang mga susing hinding-hindi kakalawangin.”63
Pagtatatag ng Simbahan
Kalaunan ay naglingkod si Elder Snow sa iba pang mga misyon, na ginagampanan ang kanyang tungkulin bilang miyembro ng Korum ng Labindalawa na sikapin “sa ilalim ng pamamahala ng [Unang] Panguluhan ng Simbahan … na itayo ang simbahan, at pamahalaan ang lahat ng gawain nito sa lahat ng bansa” (D at T 107:33).
Noong 1853 tinawag ni Pangulong Brigham Young si Lorenzo Snow na mamuno sa isang grupo ng mga pamilya sa isang pamayanan sa hilagang bayan ng Box Elder sa Utah. Ang naroong pamayanan ay maliit, hindi organisado, at mahina. Agad kumilos si Elder Snow, inorganisa ang mga tao alinsunod sa mga alituntunin ng batas ng paglalaan ayon sa itinuro ni Propetang Joseph Smith. Itinatag ng mga tao ang isang umuunlad na lungsod, na pinangalanan ni Elder Snow na Brigham City bilang papuri kay Pangulong Young. Nagtutulungan at nagsusuportahan, nagtayo ang mga mamamayan ng isang paaralan, mga pabrika, isang patubig, isang pamilihan, at maging ng isang pangteatrong samahan. Bagaman hindi nila ipinamuhay ang kabuuan ng batas ng paglalaan, ginabayan sila ng mga alituntuning ito, at ipinakita kung ano ang magagawa ng isang komunidad na nagtutulungan at masipag na gumagawa. “Walang tamad sa Brigham City,” pagsulat ng anak ni Pangulong Snow na si Leslie. “Umiral ang isang panahon ng pagsulong at pag-unlad na marahil ay hindi napantayan kailanman sa kasaysayan ng anumang pamayanan sa estado.”64
Nanirahan si Elder Snow at ang kanyang pamilya sa Brigham City sa loob ng maraming taon. Namuno siya sa mga Banal doon, na umaalis paminsan-minsan upang maglingkod sa maiikling misyon sa ibang lugar. Noong 1864, mga tatlong buwan siyang nawala, na naglilingkod sa isang maikling misyon sa Hawaiian Islands. Sumama siya kay Elder Ezra T. Benson, na noon ay miyembro rin ng Korum ng Labindalawa, at kina Elder Joseph F. Smith, Alma Smith, at William W. Cluff.65 Noong 1872–73, sinamahan ni Elder Snow at ng iba pa si Pangulong George A. Smith, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, sa isang siyam-na-buwang paglilibot sa mga bahagi ng Europe at Middle East, pati na sa pagbisita sa Banal na Lupain. Pinasama sila ni Pangulong Brigham Young, na umasang makakatulong ang mabuti nilang impluwensya para maihanda ang iba pang mga bansa sa pagtanggap sa ipinanumbalik na ebanghelyo.66 Noong 1885, pinapunta si Elder Snow sa ilang grupo ng mga American Indian sa hilagang Estados Unidos at sa estado ng Wyoming. Mula Agosto hanggang Oktubre, nagtatag siya ng mga misyon doon at nag-organisa ng mga lider ng Simbahan upang tulungan ang mga nabinyagan at nakumpirma.
Gawain sa Templo
Napansin ni Pangulong Heber J. Grant, ang ikapitong Pangulo ng Simbahan, na si Pangulong Lorenzo Snow ay “inilaan ang kanyang buhay nang maraming taon sa paggawa sa Templo.”67 Ang pagmamahal na ito sa gawain sa templo ay nagsimula noong mga unang araw matapos mabinyagan si Pangulong Snow at lumalim pa nang maglingkod siya bilang Apostol. Dumalo siya sa mga pulong sa Kirtland Temple pagkatapos na pagkatapos siyang mabinyagan at makumpirma. Kalaunan masigasig niyang tinanggap ang isang tawag na mangolekta ng mga donasyon para maitayo ang templo sa Nauvoo. Nang maitayo na ang Nauvoo Temple, naglingkod siya bilang officiator doon, na tinutulungan ang mga Banal sa mga Huling Araw na tumanggap ng mga ordenansa ng endowment at pagbubuklod bago sila maglakbay patungong Kanluran. Nagpatuloy ang kanyang mga responsibilidad sa templo at naragdagan ito nang tawagin siyang maglingkod bilang Apostol. Nagsalita siya sa mga serbisyo ng paglalaan sa Logan Utah Temple. Matapos ilaan ni Pangulong Wilford Woodruff ang Manti Utah Temple, binasa ni Pangulong Snow ang panalangin ng paglalaan sa mga sesyon noong sumunod na mga araw. Nang ilagak ang capstone [batong pinakaibabaw] sa tore ng Salt Lake Temple, pinangunahan niya ang isang malaking kongregasyon sa Sigaw ng Hosana. Matapos ilaan ang Salt Lake Temple, naglingkod siya bilang unang temple president doon.
Noong ika-80 kaarawan ni Pangulong Snow, isinama ng isang lokal na pahayagan ang papuring ito: “Sa huling bahagi ng kanyang buhay, [siya ay] abala at masigasig pa rin sa dakilang layunin na pinag-ukulan niya ng panahon noong kabataan niya, patuloy siya sa mga banal na gawain sa loob ng mga sagradong silid ng Templo na pinaglaanan niya at ng kanyang mga kasamahan ng kanilang buhay—mga gawaing napakahalaga sa mundong ito na pinahihirapan ng kasalanan at kamatayan.”68
Paglilingkod sa mga Tao
Habang palipat-lipat ng lugar si Pangulong Snow, na nagtuturo sa malalaking grupo ng mga tao, nag-ukol siya ng panahon sa paglilingkod sa mga tao at pamilya. Halimbawa, noong Marso 1891, nang naglilingkod siya bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawa, nagsalita siya noon sa isang kumperensya sa Brigham City. Sa kalagitnaan ng kanyang pagsasalita, may naglagay ng sulat sa pulpito. Sinabi ng isang nakasaksi na siya ay “tumigil sa kanyang pagsasalita, binasa ang sulat at pagkatapos ay ipinaliwanag sa mga Banal na iyon ay isang tawag na bisitahin ang ilang tao na lubhang nalulungkot.” Nagpaalam siya at bumaba sa pulpito.
Ang sulat ay nanggaling sa isang mamamayan ng Brigham City na ang pangalan ay Jacob Jensen. Sinabi roon na namatay na ang anak ni Jacob na si Ella matapos magkasakit ng scarlet fever nang ilang linggo. Isinulat iyon ni Brother Jensen para lamang ipaalam kay Pangulong Snow na patay na ang bata at para hilingin sa kanya na isaayos ang libing. Ngunit gustong bisitahin kaagad ni Pangulong Snow ang pamilya, kahit kinailangan niyang tapusin agad ang kanyang mensahe at lisanin ang pulong na pinamunuan niya. Bago nilisan ni Pangulong Snow ang pulong, nagpasama siya kay Rudger Clawson, na siyang pangulo noon ng Box Elder Stake.
Isinalaysay ni Jacob Jensen ang nangyari pagdating nina Pangulong Snow at President Clawson sa bahay niya:
“Matapos tumayo sa tabi ng kama ni Ella nang isa o dalawang minuto, nagtanong si Pangulong Snow kung may inilaang langis [consecrated oil] kami sa bahay. Gulat na gulat ako, ngunit sinabi ko sa kanya na mayroon at kinuha ko iyon para sa kanya. Iniabot niya ang bote ng langis kay Brother Clawson at pinapahiran nito ng langis si Ella. Pinagtibay [ni Pangulong Snow] ang pagpapahid ng langis.
“Habang isinasagawa ito lalo akong humanga sa ilan sa mga salitang ginamit niya at tandang-tanda ko pa ang mga iyon ngayon. Sabi niya: ‘Mahal naming Ella, inuutusan kita, sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, na magbalik at mabuhay, hindi pa tapos ang iyong misyon. Mabubuhay ka pa upang isagawa ang isang dakilang misyon.’
“Sinabi niya na mabubuhay pa siya upang magkaroon ng malaking pamilya at magbigay-saya sa kanyang mga magulang at kaibigan. Tandang-tanda ko pa ang mga salitang ito. …
“… Nang matapos na ni Pangulong Snow ang pagbabasbas, bumaling siya sa aming mag-asawa at sinabing; ‘Ngayon, huwag na kayong magdalamhati o malungkot pa. Magiging maayos ang lahat. Abala kami ni Brother Clawson at kailangan na naming umalis, hindi kami maaaring magtagal, ngunit magtiyaga lamang kayo at maghintay, at huwag magdalamhati, dahil magiging maayos ang lahat.’ …
“Nanatili si Ella sa ganitong kalagayan nang mahigit isang oras matapos siyang basbasan ni Pangulong Snow, o mahigit tatlong oras sa kabuuan ng pagkamatay niya. Nakaupo kami roon at nakamasid sa tabi ng higaan, kami ng kanyang ina, nang bigla niyang imulat ang kanyang mga mata. Tumingin siya sa paligid ng silid, nakita niya kaming nakaupo roon, ngunit may hinahanap pa rin siyang iba, at ang una niyang sinabi ay: ‘Nasaan po siya? Nasaan po siya?’ Itinanong namin, ‘Sino? Nasaan sino?’ ‘Si Brother Snow po,’ sagot niya. ‘Pinabalik po niya ako.’”69
Noong nasa daigdig ng mga espiritu si Ella, nakadama siya ng malaking kapayapaan at kaligayahan kaya ayaw na niyang magbalik. Ngunit sinunod niya ang tinig ni Pangulong Snow. Mula sa araw na iyon mismo, pinasaya niya ang mga miyembro ng kanyang pamilya at mga kaibigan, at tinulungan silang maunawaan na hindi nila kailangang magdalamhati para sa kanilang mga mahal sa buhay na pumanaw na.70 Kalaunan ay nag-asawa siya, nagkaroon ng walong anak, at tapat na naglingkod sa kanyang mga tungkulin sa Simbahan.71
Pamumuno sa Simbahan Bilang Propeta, Tagakita, at Tagapaghayag ng Panginoon
Noong Setyembre 2, 1898, namatay si Pangulong Wilford Woodruff matapos maglingkod bilang Pangulo ng Simbahan nang mahigit siyam na taon. Si Pangulong Lorenzo Snow, na noon ay naglilingkod bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay nasa Brigham City nang mabalitaan niya ito. Sumakay siya kaagad ng tren papuntang Salt Lake City, batid na ang responsibilidad ng pamumuno sa Simbahan ay nasa Korum ng Labindalawa na.
Nadaramang hindi niya kaya ngunit handa siyang sundin ang kalooban ng Panginoon, nagpunta si Pangulong Snow sa Salt Lake Temple at nanalangin. Bilang sagot sa kanyang panalangin, binisita siya ng Panginoon. Kalaunan ay pinatotohanan ni Pangulong Snow na “talagang nakita niya ang Tagapagligtas … sa Templo, at kinausap Siya nang harapan.” Sinabi sa kanya ng Panginoon na muling iorganisa kaagad ang Unang Panguluhan, na huwag nang maghintay na katulad ng ginawa nang mamatay ang naunang mga Pangulo ng Simbahan.72 Sinang-ayunan ng Korum ng Labindalawa si Pangulong Snow bilang Pangulo ng Simbahan noong Setyembre 13, 1898, at nagsimula na siyang maglingkod bilang Pangulo. Sinang-ayunan siya ng mga miyembro ng Simbahan noong Oktubre 9 at itinalaga bilang ikalimang Pangulo ng Simbahan noong Oktubre 10.
Sa pamamagitan ng halimbawa ni Pangulong Snow at mga paghahayag na natanggap niya, nakilala siya ng mga Banal sa mga Huling Araw bilang kanilang propeta. Iginalang din siya ng mga tao sa ibang relihiyon bilang isang taong totoong maka-Diyos.
Mga Pakikipag-usap sa mga Banal sa mga Huling Araw
Madalas mamuno si Pangulong Snow sa mga stake conference noong siya ang Pangulo ng Simbahan. Sa pakikipagpulong niya sa mga Banal, ipinahahayag niya ang kanyang pagmamahal at paggalang sa kanila. Nakita sa kanyang mga salita na kahit alam niya ang kasagraduhan ng kanyang tungkulin, hindi niya itinuring na mas magaling siya kaysa sa mga taong pinaglilingkuran niya.
Sa isang stake conference, dumalo si Pangulong Snow sa isang espesyal na sesyon para sa mga bata sa stake. Pinapila nang maayos ang mga bata para isa-isa nilang malapitan ang propeta at makamayan ito. Bago nila ito ginawa, tumayo siya at sinabing: “Kapag kinamayan ko kayo gusto kong tingnan ninyo ang mukha ko, para lagi ninyo akong maalala. Hindi naman ako mas magaling kaysa ibang mga lalaki, ngunit binigyan ako ng mabibigat na responsibilidad ng Panginoon. Mula nang ipakilala sa akin ng Panginoon ang Kanyang Sarili, nang lubusan, sinikap ko nang isagawa ang lahat ng tungkuling ibinigay sa akin. Dahil sa mataas na katungkulan ko kaya ko gustong maalala ninyo ako, maalala na nakamayan ninyo ang Pangulo ng Simbahan ni Jesucristo. Sana ay hindi ninyo malimutang ipagdasal ako at ang aking mga tagapayo na sina Pangulong Cannon at Smith, at ang mga Apostol.”73
Ibinahagi ng anak ni Pangulong Snow na si LeRoi ang sumusunod na salaysay mula sa isang stake conference sa Richfield, Utah: “Nasa isang stake conference sina Pangulong Lorenzo Snow at Francis M. Lyman [ng Korum ng Labindalawa] sa Richfield. Matapos mag-awitan itinanong ng stake president kay Brother Lyman kung sino ang dapat niyang tawagin para mag-alay ng pambungad na panalangin. Sabi ni Brother Lyman: ‘Tanungin mo si Pangulong Snow,’ ibig sabihin ay itanong kay Pangulong Snow kung sino ang dapat mag-alay ng panalangin. Gayunman, sa halip ay pinakiusapan ng stake president si Pangulong Snow na mag-alay ng panalangin. Malugod na tumugon si Pangulong Snow at bago niya sinimulan ang panalangin ay nagpasalamat siya na matawag at sinabi na matagal na siyang hindi nagkakaroon ng ganitong magandang pagkakataon. Sinasabi na nag-alay siya ng napakagandang panalangin.”74
Mga Pakikipag-usap sa mga Tao sa Ibang Relihiyon
Ang impluwensya ni Pangulong Snow ay higit pa sa kapwa niya mga Banal sa mga Huling Araw. Kapag nakikipagkita sa kanya ang mga tao sa ibang relihiyon, iginagalang nila siya at ang Simbahang kinakatawan niya. Binisita ni Reverend W. D. Cornell, isang pastor sa ibang simbahan, ang Salt Lake City at nagkaroon ng oportunidad na makasama si Pangulong Snow. Isinulat niya:
“Pormal akong iniharap sa kanya ng kanyang magalang at magaling na secretary, at natagpuan ko ang aking sarili na kinakamayan ang isa sa mga kalugud-lugod at kaibig-ibig na lalaking nakilala ko—isang lalaking may kakaibang kakayahan na mapanatag ang kaharap niya—sanay makipag-usap, pambihira ang talino, kaya maipadarama niya sa inyo na malugod niya kayong tinatanggap.
“Si Pangulong Snow ay isang taong may pinag-aralan, sa isipan at kaluluwa at katawan. Siya ay mahusay magsalita, diplomatiko, palakaibigan, matalino. Makikita sa kanyang mga kilos na nag-aral siya sa mahuhusay na paaralan. Ang kanyang kahinahunan ay tulad ng sa bata. Ipakikilala kayo sa kanya. Malulugod kayo sa kanya. Kakausapin ninyo siya, magugustuhan ninyo siya. Kung makakausap ninyo siya sa mahabang panahon, mamahalin ninyo siya.” Sa pagsasalita sa kanyang mga mambabasa, na mukhang mali ang mga iniisip tungkol sa Simbahan, sinabi ni Reverend Cornell: “Subalit, siya ay isang ‘Mormon!’ Aba, kung sakaling magtagumpay ang ‘Mormonismo’ na gawing walang-galang at malupit si Pangulong Snow, talagang marami itong gagawin. Kung ‘Mormonismo’ ang naghubog sa mundo ng isang lalaking mahinahon, napakadisiplinado, at matalino, talagang may kabutihan nga sa ‘Mormonismo.’”75
Isa pang ministro, si Reverend Prentis, ang sumulat tungkol sa pakikipag-usap niya kay Pangulong Snow: “Ang mukha na nagpapakita na naghahari ang Prinsipe ng Kapayapaan sa kanyang kaluluwa ang kanyang pinakamagandang katibayan. Paminsan-minsan sa isang buhay na ginugol sa pag-aaral tungkol sa mga tao, nakakita ako ng gayong katibayan. Gayon ang mukhang nakita ko ngayon. … Inasahan kong makakita ng katalinuhan, kabaitan, dangal, kahinahunan at lakas sa mukha ng Pangulo ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw; ngunit nang ipakilala ako kay Pangulong Lorenzo Snow, sandali akong natigilan. … Ang kanyang mukha ay larawan ng kapayapaan; ang kanyang presensya ay panalangin para sa kapayapaan. Sa kapayapaang nasa kanyang mga mata hindi lamang ‘tahimik na panalangin’ ang makikita, kundi espirituwal na lakas. Habang nagsasalita siya tungkol sa ‘lalong panatag na salita ng propesiya’ at sa katiyakan ng kanyang pag-asa, at sa matibay na pananampalatayang nakadaig sa mga pagsubok at hirap ng buhay, minasdan ko ang damdaming nakalarawan sa kanyang mukha at nahalinang pag-aralan ang ekspresyon sa kanyang mukha na napakalinaw na nagpapakita ng ginagawa ng kanyang kaluluwa; at nangibabaw sa akin ang lubhang kakaibang damdamin, na ‘nakatayo ako sa banal na lugar:’ na ang lalaking ito ay hindi pinakikilos ayon sa karaniwang patakaran, interes, o layunin, kundi siya ay ‘kumikilos nang kakaiba sa ibang tao.’ … Kung ang Simbahang Mormon ay nakalilikha ng gayong mga saksi, hindi nito masyadong kailangan ang kakayahan ng isang mahusay na manunulat o ang kahusayang magsalita ng dakilang mangangaral.”76
Paghahayag Tungkol sa Ikapu
Kilalang-kilala marahil si Pangulong Lorenzo Snow dahil sa isang paghahayag na natanggap niya tungkol sa batas ng ikapu. Noong Mayo 1899 nadama niya na kailangan niyang magpunta sa St. George, Utah, kasama ang iba pang mga lider ng Simbahan. Bagaman hindi niya alam kung bakit kailangan nilang pumunta roon, agad silang tumugon ng kanyang mga kapatid sa dikta ng Espiritu, at sa loob ng mga dalawang linggo ay nasa St. George na sila. Noong Mayo 17, pagdating sa St. George, natanggap ni Pangulong Snow ang paghahayag na dapat niyang ipangaral ang batas ng ikapu. Kinabukasan ipinarating niya sa mga Banal ang sumusunod na pahayag: “Ang salita ng Panginoon sa inyo ay hindi na bago; ito lamang ay: NA DUMATING NA ANG PANAHON UPANG LAHAT NG BANAL SA MGA HULING ARAW, NA HANGAD MAGHANDA PARA SA HINAHARAP AT MATATAG NA TUMAYO SA WASTONG PUNDASYON, AY GAWIN ANG KALOOBAN NG PANGINOON AT MAGBAYAD NG KANYANG BUONG IKAPU. Iyan ang salita ng Panginoon sa inyo, at ito ang magiging salita ng Panginoon sa bawat pamayanan sa buong lupain ng Sion.”77
Matapos ibigay ang mensaheng ito sa St. George, ibinahagi rin iyon ni Pangulong Snow at ng kanyang mga kasama sa paglalakbay sa mga bayan sa katimugang Utah at sa iba pang mga komunidad sa pagitan ng St. George at Salt Lake City. Nang makauwi na sila noong Mayo 27, nagdaos sila ng 24 na pulong kung saan nagbigay si Pangulong Snow ng 26 na mensahe at nakipagkamay sa 4,417 mga bata. Nilakbay nila ang 420 milya sakay ng tren at 307 milya sakay ng kabayo at karwahe.78 Napalakas ng karanasang ito si Pangulong Snow at nasabik siyang ituloy ang pangangaral ng batas ng ikapu sa buong Simbahan. “Labis akong nasiyahan sa resulta ng pagbisitang ito,” wika niya, “kaya iniisip kong maglakbay sa lahat ng stake sa Sion, sa malapit na hinaharap.”79 Namuno siya sa maraming stake conference, kung saan nangako siya sa mga Banal na ang pagsunod sa batas na ito ay maghahanda sa mga miyembro ng Simbahan na tumanggap ng mga pagpapalang temporal at espirituwal.80 Nangako rin siya na ang pagsunod sa batas ng ikapu ay magpapalaya sa Simbahan mula sa pagkakautang.81
Sa buong Simbahan, tumugon ang mga miyembro sa payo ni Pangulong Snow nang may panibagong katapatan. Noong 1904, isinulat ng mananalaysay na si Orson F. Whitney, na kalaunan ay maglilingkod bilang miyembro ng Korum ng Labindalawa: “Ang epekto ng payo na ito ay daglian. Kaagad na bumuhos ang maraming ikapu at handog na hindi pa nangyari sa nagdaang mga taon, at sa maraming paraan ay gumanda ang kundisyon ng Simbahan at lumiwanag ang hinaharap nito. Dati-rati ay taglay ni Pangulong Snow ang pagmamahal at tiwala ng kanyang mga miyembro, at ngayon ay lumago at nag-ibayo pa ang magagandang damdaming ito.”82 Si Pangulong Heber J. Grant, na noon ay miyembro ng Korum ng Labindalawa, nang tumanggap si Pangulong Snow ng paghahayag tungkol sa ikapu, ay nagsabi kalaunan: “Tinawag si Lorenzo Snow sa panguluhan ng Simbahan noong siya ay walumpu’t limang taong gulang, at kamangha-manghang isipin ang nagawa niya sa sumunod na tatlong taon ng kanyang buhay. … Sa tatlong maiikling taon ang lalaking ito, na napakatanda na sa tingin ng mundo para may magawa pa, ang lalaking ito na walang alam tungkol sa pananalapi, na naglaan ng kanyang buhay sa loob ng maraming taon sa paggawa sa Templo, ay pinamahalaan ang pananalapi ng Simbahan ni Cristo, sa ilalim ng inspirasyon ng buhay na Diyos, at sa tatlong taon na iyon ay binago ang lahat, tungkol sa pananalapi, mula sa kadiliman tungo sa liwanag.”83
Pagpapatotoo sa mga Huling Araw ng Kanyang Ministeryo
Noong Enero 1, 1901, dumalo si Pangulong Snow sa isang espesyal na pulong sa Salt Lake Tabernacle upang salubungin ang ika-20 siglo. Inimbitahang dumalo ang mga miyembro ng lahat ng relihiyon. Naghanda ng mensahe si Pangulong Snow para sa kaganapan, ngunit hindi niya nabasa ito dahil malubha ang kanyang sipon. Matapos ang pambungad na himno, panalangin, at pambansang awit na kinanta ng Tabernacle Choir, tumayo ang anak ni Pangulong Snow na si LeRoi at binasa ang mensahe, na pinamagatang “Pagbati sa Mundo ni Pangulong Lorenzo Snow.”84 Ang huling mga salita ng mensahe ay nagpahayag ng damdamin ni Pangulong Snow tungkol sa gawain ng Panginoon:
“Sa walumpu’t pitong taon ng buhay ko sa lupa, puno ako ng matinding hangarin para sa kapakanan ng tao. … Itinataas ko ang aking mga kamay at idinadalangin na pagpalain ng langit ang mga naninirahan sa daigdig. Nawa’y ngumiti sa inyo ang sikat ng araw. Nawa’y malayang sumibol ang mga yaman at bunga ng lupa para sa inyong kapakinabangan. Nawa’y pawiin ng liwanag ng katotohanan ang kadiliman sa inyong kaluluwa. Nawa’y mag-ibayo ang kabutihan at mawala ang kasamaan. … Nawa’y magtagumpay ang katarungan at mawala ang katiwalian. At nawa’y manaig ang kabanalan at kalinisang-puri at karangalan, hanggang sa madaig ang masama at malinis ang daigdig mula sa kasamaan. Paratingin ang mga damdaming ito sa buong mundo, bilang tinig ng ‘mga Mormon’ sa kabundukan ng Utah, at ipaalam sa lahat ng tao na ang ating hangarin at misyon ay para sa pagpapala at kaligtasan ng buong sangkatauhan. … Nawa’y luwalhatiin ang Diyos sa tagumpay laban sa kasalanan at kalungkutan at paghihirap at kamatayan. Sumainyong lahat ang kapayapaan!”85
Noong Oktubre 6, 1901, tumayo si Pangulong Lorenzo Snow upang magsalita sa kapwa niya mga Banal sa pangwakas na sesyon ng pangkalahatang kumperensya. Nagkasakit siya nang ilang araw, at nang makarating siya sa pulpito, sinabi niya, “Mahal kong mga kapatid, namamangha ako na nakapagsalita ako sa inyo ngayong hapon.” Nagbahagi siya ng maikling mensahe tungkol sa pamumuno sa Simbahan. Pagkatapos ay sinabi niya ang mga huling salitang maririnig ng lahat ng miyembro ng Simbahan mula sa kanya: “Pagpalain kayo ng Diyos. Amen.”86
Pagkaraan ng apat na araw, namatay sa pulmonya si Pangulong Snow. Pagkatapos ng burol sa Salt Lake Tabernacle, inilibing ang kanyang mga labi sa isang sementeryo sa pinakamamahal niyang Brigham City.