Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 16: ‘Upang Tayo ay Maging Isa’


Kabanata 16

“Upang Tayo ay Maging Isa”

“Tinawag tayo ng tinig ng Makapangyarihang Diyos mula sa gitna ng kalituhan … upang bumuo ng isang grupo at magandang kapatiran, kung saan dapat nating mahalin ang isa’t isa tulad ng pagmamahal natin sa ating sarili.”

Mula sa Buhay ni Lorenzo Snow

Bago pinalayas ang mga Banal sa Nauvoo, nagpulong sa templo ang namumunong mga Kapatid ng Simbahan. Nakipagtipan sila na “hinding-hindi [nila] ititigil ang [kanilang] mga pagsusumikap, gamit ang lahat ng paraan at impluwensya sa abot ng [kanilang] makakaya, hanggang sa ang lahat ng mga Banal na pinaalis sa Nauvoo ay maihanap ng lugar kung saan magkakatipun-tipon ang mga Banal.”1 Determinadong tuparin ang tipang ito, itinatag ni Pangulong Brigham Young ang Perpetual Emigrating Fund noong 1849. Sa programang ito, pinautang ng Simbahan ang nandarayuhang mga Banal sa kasunduang babayaran ng mga tao ang kanilang mga utang pagdating nila sa Utah at kapag nagkatrabaho sila.

Inutusan ni Pangulong Young si Elder Lorenzo Snow at ang iba pa na mangalap ng pondo para dito. Mahirap para kay Elder Snow na hingan ng donasyon ang mga Banal—sila mismo ay maralita, dahil napilitan silang magpalipat-lipat ng lugar bago nakapanirahan sa Salt Lake Valley. Isinulat niya sa kanyang journal: “Sa pagtupad sa misyon ng paghingi ng donasyon mula sa mga Banal na naglakbay nang mahigit isang libong milya, matapos silang pagnakawan at looban [ng mga mang-uusig], at mailagay sa isang tuyot at mapanglaw na lugar sa malaking ‘Disyerto ng Amerika,’ naging bahagi ako ng isang mahirap na gawain. Dahil iilan lang ang hindi naghihirap, kapos sa kabuhayan ang mga tao, o wala talaga silang maibigay.” Gayunman, saanman magpunta si Elder Snow, ibinigay ng mga tao ang lahat ng makakaya nilang ibigay. Iniulat niya: “Ang mga pagsisikap at kahandaan, na makikita saanman, na makakuha ng kahit kaunti sa kakarampot nilang pera—ang damdamin ng kabaitan at kadakilaan ng kaluluwa, na nakita ko sa kabila ng kahirapan, ang malugod na pagbating natanggap ko kahit sa kanilang karukhaan, ay nagdulot ng malaking kagalakan sa puso ko. Iginiit ng isang lalaki na kunin ko ang kaisa-isa niyang baka, dahil iniligtas daw siya ng Panginoon, at pinagpala siyang makaalis sa bayang sinilangan at makapunta sa isang payapang lupain; at sa pagbibigay ng kaisa-isa niyang baka, naisip niya na ginagawa lang niya ang tungkulin niya, at ang inaasahan niyang gagawin ng iba, kung nabaligtad ang sitwasyon.”

Matapos mangolekta ng mga donasyon sa hilagang Utah, sinabi ni Elder Snow, “Tapat ang puso ng mga Banal, at, sa kabila ng kanilang kalagayan, nagbigay sila nang bukas-palad at sagana, at kitang-kita ang kasiyahan nila sa paggawa nito.”2

Bagama’t kakaunti ang maibibigay ng mga tao, pinagpala ng sama-sama nilang pagsisikap ang maraming buhay. Ang Perpetual Emigrating Fund ay lumawak nang higit pa sa orihinal nitong layunin, na tinutulungan hindi lamang ang mga miyembro ng Simbahan na nasa Nauvoo. Nagpatuloy ito sa loob ng 38 taon, na tinutulungan ang libu-libong nabinyagan mula sa maraming lupain na matipong kasama ng kapwa nila mga Banal. [Tingnan sa mungkahi 1 sa pahina 230.]

Mga Turo ni Lorenzo Snow

Kapag nagkakaisa tayo sa ebanghelyo, ipinapakita ng Panginoon sa mundo ang Kanyang katangian sa pamamagitan natin.

Idinalangin ni Jesus sa kanyang Ama na yaong mga ibinigay niya sa kanya sa mundo ay maging isa na tulad nila ng Ama, at sinabi niya, idinadalangin ko na mahalin ninyo sila na katulad ng pagmamahal ninyo sa akin, nang ako ay mapasakanila at sila sa akin, upang lahat ay maging isa. May isang bagay na napakahalaga rito, at kailangang sanayin natin ang ating sarili hanggang sa maging katulad tayo ng Ama at ng Anak, na nagkakaisa sa lahat ng bagay.3

Mula sa mga talatang binasa ko [Juan 17:19–21] ang kahalagahan at pangangailangan ng mga Apostol na magkaisa ay ipinakita, upang ang mga layunin ng Panginoon ay mangyari sa mundo. Dahil kung hindi nagkakaisa ang mga Apostol at ang mga taong naniniwala sa kanila, hindi maniniwala ang mundo sa misyon at mga layunin ng Tagapagligtas. Samakatwid nanalangin si Jesus sa Ama na lahat ng ibinigay sa Kanya ng Ama ay maging isa na tulad Niya at ng Ama, upang maniwala ang mundo na isinugo Siya ng Ama. Sa katunayan ito ang plano ng Panginoon na mangyari sa pamamagitan ng Israel sa paglalabas sa kanila mula sa pagkaalipin sa Egipto; gusto Niyang gawin silang nagkakaisang lahi, isang bansang banal, isang bansa ng mga taong ikararangal at igagalang ng Diyos upang maniwala ang mundo, at matanggap nila ang mga pagpapalang nais Niyang ipagkaloob sa kanila, yamang ang sangkatuhan ay anak lahat ng Diyos; at kung nasunod ng Israel ang mga ipinagagawa Niya, tiyak na makikinabang nang malaki ang mundo, at ang mga layunin ng Diyos ay higit na maipatutupad. Nais ng Panginoon na ipakita ang Kanyang katangian, at ang katangian ng kalangitan, at nais niyang ipakita ang Kanyang pagmamahal at mga pagpapala sa buong sangkatauhan sa pamamagitan ng Israel; ngunit ang Israel ay suwail at ayaw dinggin ang Kanyang tinig. …

Kung hiwa-hiwalay tayo; kung hindi tayo nagkakaisa sa espirituwal o sa temporal, kailanman ay hindi mangyayari sa atin ang nais ng Diyos na kahinatnan natin, ni hindi tayo magiging mga kasangkapan sa Kanyang mga kamay para mapaniwala ang mundo na naipanumbalik na ang banal na Priesthood, at nasa atin ang walang-hanggang Ebanghelyo. Upang maipatupad natin ang mga layunin ng Diyos dapat nating gawin ang ginawa ni Jesus—iayon ang ating sariling kalooban sa kalooban ng Diyos, hindi lamang sa isang bagay, kundi sa lahat ng bagay, at mamuhay sa paraan na sumasaatin ang kalooban ng Diyos.4 [Tingnan sa mungkahi 2 sa pahina 230.]

Ang pagkakaisa ay mahalaga sa Simbahan at sa ating pamilya.

Dapat tayong magkaroon ng higit na pagkakaisa kaysa sa nakikita natin ngayon. Lubos na nagkakaisa ang korum ng Labindalawa. Hindi ba dapat lang na lubos na nagkakaisa ang korum na iyon? Tiyak na sasabihin ng lahat na Oo, dapat lang na lubos na nagkakaisa ang korum ng Labindalawang Apostol. … At may lubos ding pagkakaisa sa Unang Panguluhan, at dapat lang, di ba? Sasabihin ng lahat, oo naman, dapat lang. At hindi ba dapat lang na lubos na nagkakaisa ang pitong pangulo ng mga Pitumpu? Siguradong dapat ay nagkakaisa sila; sinasabi nating lahat na Oo. Hindi ba dapat lang na lubos na nagkakaisa ang mga High Council ng iba’t ibang Stake ng Sion? Talagang dapat na nagkakaisa sila, at may paraan para maisakatuparan ang pagkakaisang iyan. At gayundin sa iba pang mga organisasyon at korum. Hindi ba dapat lang na lubos na nagkakaisa ang mga panguluhan ng mga Stake? Walang duda, at kung pangulo ako ng isang Stake, hindi ako mapapakali gabi’t araw hangga’t hindi kami nagkakaisa ng mga tagapayo ko. Hindi ba dapat lang na nagkakaisa ang Bishop at ang kanyang mga Tagapayo? Siguradong dapat na nagkakaisa sila.

Kung gayon, ano ang mas mahalaga? Hindi ba dapat lang na nagkakaisa ang pamilya? … Siguradong dapat na nagkakaisa sila. At bakit hindi dapat mapanatag ang sinumang lalaki, ang sinumang asawa at ama ng isang pamilya hangga’t hindi siya nakalilikha ng lubos na pagkakaisa, ibig sabihin, hangga’t hindi nakakamtan ang lubos na pagkakaisa? At sa bagay na ito dapat gawing perpekto ng ama ang kanyang sarili sa abot ng makakaya ng isang lalaki sa buhay na ito sa harap ng kanyang pamilya. At dapat gawing perpekto ng ina ang kanyang sarili sa abot ng makakaya ng isang babae sa buhay na ito. Pagkatapos ay handa na nilang gawing perpekto ang kanilang mga anak kapag handa na ang mga ito at kaya nang maging perpekto. At dapat mag-ingat nang husto ang ama at ang ina. Hindi kailanman dapat magsalita nang walang paggalang ang babae sa kanyang asawa sa harapan ng kanyang mga anak. Kung sa tingin niya ay nakagawa ng pagkakamali ang kanyang asawa (maaaring nakagawa), hindi niya ito dapat banggitin sa harapan ng kanyang mga anak kailanman. Dapat wala sa harapan nila ang kanilang mga anak at doon lamang sabihin ang kanyang mga pagkakamali, sa mahinahong paraan, ngunit hindi siya dapat magsalita nang walang paggalang sa asawa sa harapan ng mga anak kailanman. At gayundin ang ama. Wala siyang karapatang magsalita nang walang paggalang sa kanyang asawa sa harapan ng mga anak nito. At dalangin ko sa Diyos na bigyan ng lakas at pang-unawa ang mag-asawa na itama ang kanilang sarili sa gayong mga bagay. Alam ko na ang maraming problemang lumalabas ngayon, at ang kawalang-galang ng mga kabataan sa priesthood, ay nagmumula sa katotohanang ito, na may mga problema sa tahanan, at nakikita nila ang kawalang-galang ng ina sa ama, o ng ama sa ina. Ngayon alam ko na totoo ang mga bagay na ito.5 [Tingnan sa mungkahi 3 sa pahina 231.]

Nagkakaisa tayo kapag nagtutulungan tayong matamo ang kapayapaan at kaligayahan.

Madalas nating pag-usapan ang alituntunin ng pagmamahal sa ating kapwa na katulad ng pagmamahal natin sa ating sarili; pinag-uusapan natin ito at kung minsan ay pinag-iisipan natin, ngunit gaano ba talaga natin isinasadiwa ang mga bagay na ito, at nauunawaan na ang problema ay nasa ating sarili? Dapat nating unawain na kailangan nating kumilos ayon sa ilang alituntunin para magkaisa tayo bilang isang lahi, magkaisa ang ating mga damdamin nang tayo ay maging isa, at hinding-hindi ito maisasakatuparan maliban kung maisagawa ang ilang bagay, at ang mga bagay na kailangan nating pagsumikapan.

Ano ang sisikapin ninyong gawin para magkaisa kayo? Ano ang sisikaping gawin ng isang tao para magkaisa sila ng kanyang kapwa? Kung magkasama ang dalawang lalaking hindi pa magkakilala, ano ang sisikapin nilang gawin para maging magkaibigan, maging malapit at mapamahal sa isa’t isa? Kailangang mayroong gawin, at hindi lamang isa ang gagawa, kundi silang dalawa ang dapat gumawa. Hindi maaaring isa lang sa kanila ang gagawa; hindi maaaring isa lang ang may gayong damdamin at siya lang ang gagawa, kundi para magkaisa sila sa kaisipan at damdamin—pareho silang kailangang kumilos. …

… May kailangang gawin ang [bawat] isa para mapatatag ang pagkakaibigan at magkaisa tayo bilang komunidad. …

… Lawakan ang inyong isipan upang maunawaan at magkaroon ng malasakit sa kapakanan ng inyong mga kaibigan na nakapaligid sa inyo, at gawin ninyo ang anumang bagay na kaya ninyong gawin para sa kapakanan ng inyong mga kaibigan, at makikita ninyo na ang mga bagay na kailangan ninyo ay mas mabilis na mapapasakamay ninyo kaysa kung sisikapin ninyong matamo ito para sa inyong sarili nang hindi iniisip ang kapakanan ng inyong mga kaibigan. Alam kong ito ay isang mabuti at mahalagang alituntunin. …

… Kailangan nating malaman na tungkulin nating tiyakin ang kapayapaan at kaligayahan ng mga taong nasa paligid natin, at huwag yapakan kailanman ang damdamin at mga karapatan ng ating kapwa. Kung halimbawang tinapakan ng isang tao ang mga karapatan ng isang kapatid, gaano kaya kabilis niyang masisira ang tiwalang umiral noon sa kanila? At kapag nasira na, gaano katagal kaya niya maibabalik ang dati nilang pagtitiwala sa isa’t isa? Tiyak na magtatagal. Ito ang dapat nating pagtuunan ng pansin; nadarama ko ito; sa lahat ng ating iniisip, sa lahat ng ating ikinikilos at sa ating lihim na pagmumuni-muni nais nating pag-isipan ang kapakanan ng lahat ng tao sa paligid; at isaisip na may mga karapatan at pribilehiyo silang katulad natin; dapat natin itong ikintal sa ating isipan.

Ngayon mag-isip ka ng isang taong patuloy na nagmamalasakit sa kapakanan ng mga tao sa kanyang paligid, at hayaang hangarin niya ang mga pagpapalang ilalaan para sa lahat ng bagay na pag-aari ng kanyang mga kapatid, at liligaya siya at ang mga tao sa paligid niya sa ganitong paraan. Masdan naman ang isang taong ginawa ang salungat dito at sa halip na tulungan ang iba at hangarin ang kanilang kapakanan, naghahanap siya ng mali at sinisiraan sila, magiging masaya rin kaya siya? Tiyak na hindi.

… Kung sa ating palagay ay tungkulin nating magsumikap pa kaysa rati upang matamo ang tiwala ng iba, magpapatuloy tayo kung kaya nating magdulot ng temporal na mga pagpapala at kabutihan para mapanatili ang pagkakaibigan sa mga nakapaligid sa atin. Sa ganitong paraan lamang tayo maaaring magkaisa at maipapakita natin na tayo ay mabait at mapagmalasakit.—Dapat nating ipakita ang damdaming ito sa pamamagitan ng ating mga gawa … sa halip na kamayan ang isang tao at sabihing pagpalain ka ng Diyos, kaibigan, at kinabukasan ay kaligtaan na ang sinabi natin at sinaktan ang kanyang damdamin.6

Kapag hindi handang magsakripisyo ang isang tao para sa kapakanan ng kanyang mga kapatid, at kapag alam niya na sinasaktan niya ang damdamin nila, … hindi tama ang taong iyon sa harapan ng Panginoon, at nasaan ang pagmamahal ng taong iyon sa kanyang kapatid?

Kapag hindi handang magdusa ang isang tao para sa kanyang kapatid, paano niya maipapakita na mahal niya ang kanyang kapatid? Sinasabi ko sa inyo na kahangalan at kahinaan natin na hindi tayo maging mapagparaya sa ating mga kapatid, ngunit kung pinakikialaman nila ang ating karapatan agad tayong gumaganti, at kung tinatapakan nila ang mga daliri ng ating paa agad din nating tinatapakan ang sa kanila. … Kapag nakita kong nasaktan ang isang kapatid, at bumalik siya at gumanti sa nanakit sa kanya, masasabi kong napakalayo na ng kapatid na iyon sa landas ng tungkulin, at sinasabi ko sa kanya na dapat kang matutong magpigil sa sarili dahil kung hindi ay hindi ka maliligtas sa kaharian ng Diyos kailanman.7

Babasahin ko ang ilang talata sa Aklat na Doktrina at mga Tipan:

“Ang aking mga disipulo, noong unang panahon, ay naghangad ng masama laban sa isa’t isa at hindi nila pinatawad ang isa’t isa sa kanilang mga puso, at dahil sa kasamaang ito sila ay pinahirapan at labis na pinarusahan.

“Dahil dito, sinasabi ko sa inyo, na nararapat ninyong patawarin ang isa’t isa; sapagkat siya na hindi nagpapatawad sa kanyang kapatid ng kanyang mga pagkakasala ay nahatulan na sa harapan ng Panginoon; sapagkat mananatili sa kanya ang mas malaking kasalanan.” [D at T 64:8–9.] …

Habang binabasa ko ito, may isang bagay na hindi isinagawa ng mga disipulo ng Tagapagligtas—hindi sila nagtagumpay sa pagkakaroon ng pagkakaisa ng diwa at damdaming dapat sana nilang taglayin, at pinarusahan sila ng Panginoon dahil dito. Sinabihan ng Panginoon ang mga tao na dapat nilang patawarin ang isa’t isa, hanggang sa makapitongpung pito. At kahit hindi humingi ng tawad ang kabilang panig, dapat tayong magpatawad. … Siya na hindi nagpapatawad sa kanyang kapatid, sabi sa atin, ay mananatili sa kanya ang mas malaking kasalanan—ibig sabihin, mas makasalanan siya kaysa sa taong nagkasala sa kanya. Sinabihan tayo ng Panginoon na mahalin ang ating kapwa tulad sa ating sarili—medyo mahirap kung tutuusin; ngunit kailangan nating marating ang kasakdalang iyon, at mararating natin iyon.8 [Tingnan sa mungkahi 4 sa pahina .]

Kapag nagkaisa tayo sa ebanghelyo, nag-iibayo ang ating liwanag at talino at naghahanda tayong manirahan sa piling ng Diyos.

Dapat tayong sama-samang magkaisa at kumilos na gaya nina David at Jonathan na iisa ang puso [tingnan sa I Samuel 18:1], at kalaunan mas gugustuhin pa nating putulin ang ating bisig mula sa ating katawan kaysa saktan ang isa’t isa. Magiging makapangyarihang lahi tayo kung ganito ang kalagayan natin, at kailangang matamo natin iyan, kahit gaano kaliit ang kagustuhan nating makipagkaibigan sa ngayon. Ang masasabi ko lang sa inyo ay darating ang panahon na dapat tayong magkaisa sa ganitong paraan kung gusto nating makapiling ang Diyos. Kailangan nating matutong mahalin ang ating kapwa tulad ng pagmamahal natin sa ating sarili. Kailangan nating gawin ito, kahit hindi pa natin ito nagagawa sa ngayon, ngunit magkagayunman, dapat nating matutuhan at maisapuso ang mga alituntuning ito. Ngayon ito ang malinaw kong nauunawaan, at iyan ang dahilan kaya ko binabanggit ang mga bagay na ito sa paraang ito, dahil nais kong itanim ang mga ito sa isipan ng mga Banal, at madama nila ang mga bagay na ito sa araw-araw.9

Tinawag tayo ng tinig ng Makapangyarihang Diyos mula sa gitna ng kalituhan, na siyang Babilonia, upang bumuo ng isang grupo at magandang kapatiran, kung saan dapat nating mahalin ang isa’t isa tulad ng pagmamahal natin sa ating sarili. Kapag lumihis tayo sa layuning ito, umaalis ang Espiritu ng Diyos ayon sa ating paglihis. Ngunit kung patuloy nating tutuparin ang mga tipang ginawa natin nang tanggapin natin ang Ebanghelyo, may kaukulang pag-iibayo ng liwanag at talino, at mabisang paghahanda para sa darating. At dahil sa ating katapatan at pagtupad sa mga tipang ginawa natin, ang pundasyong kinatatayuan natin ay nagiging parang mga haligi ng langit—hindi natitinag.10 [Tingnan sa mungkahi 5 sa pahina ]

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda kayong magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–x.

  1. Repasuhin ang karanasan ni Lorenzo Snow sa Perpetual Emigrating Fund (mga pahina ). Sa Simbahan ngayon, ano ang mga pagkakataon nating magbigay ng pera o mga bagay para matulungan ang iba? Sa anong mga paraan makatutulong ang mga pagsisikap na ito para tayo maging isa?

  2. Pagnilayan ang mga turo ni Pangulong Snow kung bakit nais ng Panginoon na magkaisa tayo (mga pahina 223–224). Sa palagay ninyo, bakit mas malamang na magkaroon ng patotoo ang ibang tao sa Panginoon at sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan kapag nakita nila na nagkakaisa tayo? Paano maaaring magbago ang kanilang damdamin kung makita nila na hindi tayo nagkakaisa?

  3. Suriin ang bahaging nagsisimula sa bandang ilalim ng pahina 224. Paano naaangkop ang payong ito sa ating mga tahanan? Pag-isipan kung ano ang magagawa ninyo na maghihikayat ng higit na pagkakaisa sa inyong pamilya.

  4. Paano tayo magkakaisa sa ating Relief Society o priesthood quorum, kahit iba-iba ang ating mga interes at ideya? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa mga pahina 226–229.) Sa anong mga paraan kayo nakinabang sa pagkakaisa sa inyong pamilya? sa Simbahan? sa komunidad?

  5. Sa palagay ninyo bakit tayo magiging “makapangyarihang mga tao” kung nagmamahalan tayo? Paano naiimpluwensyahan ng pagmamahal sa ating kapwa ang ating pamumuhay? Habang pinagninilayan o tinatalakay ninyo ang mga tanong na ito, repasuhin ang huling dalawang talata sa kabanata (mga pahina ).

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Mga Awit 133; Juan 13:34–35; Mga Taga Roma 12:5; Mosias 18:21; 4 Nephi 1:15–17; D at T 51:9; Moises 7:18

Tulong sa Pagtuturo: “Ang pinakamataas, nanghihikayat, nagpapabalik-loob na kapangyarihan ng pagtuturo ng ebanghelyo ay nakikita kapag ang isang binigyang-inspirasyong guro ay nagsasabing, ‘Nalalaman ko sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, sa pamamagitan ng paghahayag ng Banal na Espiritu sa aking kaluluwa, na ang mga doktrinang itinuturo ko ay totoo’” (Bruce R. McConkie, sinipi sa Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin, 53).

Mga Tala

  1. Sinipi sa Brigham Young, Heber C. Kimball, at Willard Richards, “Important from Salt Lake City,” Millennial Star, Abr. 15, 1850, 120; tingnan din sa Eliza R. Snow Smith, Biography and Family Record of Lorenzo Snow (1884), 107.

  2. Sa Biography and Family Record of Lorenzo Snow, 108.

  3. Deseret News, Ene. 14, 1857, 355.

  4. Deseret News: Semi-Weekly, Ene. 23, 1883, 1.

  5. Sa Conference Report, Okt. 1897, 32–33.

  6. Deseret News, Mar. 11, 1857, 3–4; sa orihinal na pinagmulan, ang pahina 3 ay nalagyan ng maling pahina 419.

  7. Deseret News, Ene. 14, 1857, 355.

  8. Sa Conference Report, Abr. 1898, 61, 63.

  9. Deseret News, Mar. 11, 1857, 4.

  10. Deseret Semi-Weekly News, Hunyo 4, 1889, 4.

Bago nilisan ng mga Banal ang Nauvoo, nakipagtipan ang mga lider ng priesthood na tutulungan ang mga Banal na gustong sumama sa pandarayuhan.

“Hindi ba dapat lang na nagkakaisa ang pamilya? … Siguradong dapat na nagkakaisa sila.”