Kabanata 7
Katapatan sa mga Oras ng Pagsubok: “Mula sa Kadiliman Tungo sa Maluwalhating Liwanag”
“Bawat lalaki at babae na naglilingkod sa Panginoon, gaano man sila katapat, ay may panahon ng kalungkutan; ngunit kung nabuhay sila nang matapat, ang buhay nila ay magliliwanag at magkakaroon sila ng kaginhawahan.”
Mula sa Buhay ni Lorenzo Snow
Noong Pebrero 1846 ang mga Banal sa mga Huling Araw ay sapilitang pinaalis sa kanilang mga tahanan sa Nauvoo, Illinois. Habang naghahanda sila para sa paglalakbay pakanluran tungo sa kanilang bagong lupang pangako, sinunod nila ang payo ni Pangulong Brigham Young na magtayo ng mga pamayanan sa kanilang madaraanan. Tumira sila sa mga pansamantalang tirahan at nagtanim para sa mga Banal na susunod sa kanila. Pagkatapos tumigil sandali sa estado ng Iowa sa isang pamayanan na tinatawag na Garden Grove, si Lorenzo Snow at ang kanyang pamilya ay nagpunta sa isang lugar na tinawag ng mga Banal na Mount Pisgah, doon din sa Iowa. Ang pamayanang ito ay isinunod sa pangalan ng bundok kung saan nakita ng propetang si Moises ang lupaing ipinangako sa kanyang mga tao.
Ilang buwan matapos dumating sa Mount Pisgah, si Lorenzo ay tinawag na mamuno sa pamayanang iyon. “Sa panahong ito,” itinala niya kalaunan, “lubhang napakahirap ng kalagayan ng mga Banal sa Pisgah, hindi lamang sa pagkain at kasuotan, kundi hirap din ang mga baka at kabayo at mga bagon na magpatuloy sa kanilang paglalakbay. Ang ilang pamilya ay wala nang makain, at umasa na lamang sa pagkakawanggawa o bigay ng kanilang mga kapitbahay, na, kadalasan, ay hirap ipakita ang gayong kabutihan. Ngunit, higit sa lahat ng ito, may dumapong matinding karamdaman na lumaganap sa buong pamayanan, kung saan kulang ang bilang ng mga taong walang karamdaman para alagaan ang mga maysakit; at kamatayan ang sumunod sa karamdaman, at ang mga ama, ina, mga bata, mga kapatid, at mahal na mga kaibigan ay nangamatay, at inilibing sa munting seremonya, at ang ilan ay walang angkop na damit pamburol. Nadagdagan ng kalungkutan at pagdadalamhati ang hirap na kalagayan.”
Naranasan mismo ni Lorenzo ang mga pagsubok na ito. Siya at ang kanyang pamilya ay dumanas ng karamdaman, pagkasiphayo, at sakit ng kalooban, kabilang ang pagkamatay ng kanyang bagong silang na anak na si Leonora. Isinulat niya, “Ang Munting si Leonora ay nagkasakit at namatay, at sa matinding kalungkutan ay inilibing namin ang kanyang mga labi sa tahimik nitong himlayan, at iniwang mag-isa, malayo sa kanyang ama at sa inang nagsilang sa kanya.”
Sa ganitong mga kalagayan, tinulungan ni Lorenzo ang mga Banal na harapin ang kanilang mga pagsubok nang may pananampalataya. Isinulat ng kanyang kapatid na si Eliza, “Taglay ang determinadong pagsisikap—isang praktikal na kaisipan, at katatagan ng layunin na hindi kailanman pinanghinaan ng loob, pinatunayan niyang kaya niyang harapin ang dagok na maaaring gumimbal sa mga taong pangkaraniwan lamang ang mga kakayahan.” Paggunita niya, “Kumilos muna siya upang bigyang-sigla at pagsama-samahin ang puwersa ng mga tao.” Bumuo siya ng mga grupo ng kalalakihan na magtatrabaho. May ilang nagpunta sa mga kalapit na bayan upang kumita ng pera na pambili ng mga pagkain at kasuotan. Ang iba ay nanatili sa kampo o pamayanan, kung saan pinangalagaan nila ang mga pamilyang naroon, nagtanim, at gumawa at nagkumpuni ng mga kalakal na maaaring magamit ng mga kalapit na pamayanan.
Bukod sa pagtulong sa mga Banal na sama-samang magtrabaho, hinikayat sila ni Lorenzo na pangalagaan ang kanilang mga sarili sa espirituwal at masiyahan sa makabuluhang libangan. “Sa mga buwan ng taglamig,” sabi niya, “hinangad kong panatilihin ang magandang diwa at lakas ng loob ng mga Banal sa Pisgah, hindi lamang sa pagpapasimula ng mga pulong para sa pagsamba at mga gawaing ukol sa relihiyon, sa iba’t ibang panig ng pamayanan, kundi maging sa paglalaan ng lugar at oras para sa, at paghikayat ng angkop na iba’t ibang uri ng mga libangan. …
“Bilang halimbawa, sisikapin kong ilarawan ang isa, na ako ang may gawa para malibang ang lahat ng mga taong maaaring magkasya sa abang mansiyon ng aking pamilya, na may isang palapag lamang, mga labinlimang talampakan at tatlumpung talampakan [mga apat at kalahating metro at siyam na metro] ang sukat, na yari sa troso, na lupa ang sahig at bubong, na sa isang dulo ay mayroong tsimineya na katamtaman ang taas, na yari sa damong galing sa Inang Lupa. Para sa okasyong iyon nilatagan namin ang sahig ng malinis na dayami, at nilagyan ng kurtina ang dingding gamit ang puting kumot na galing sa aming mga higaan.
“Pinag-isipan ding mabuti kung paano iilawan ang aming bulwagan para sa gaganaping ito, at kinailangan dito ang aming kahusayan sa paglikha. At nagtagumpay kami. Mula sa hukay na kinababaunan ng mga ito, pinili namin ang pinakamalalaki at pinakamagagandang singkamas—inalis ang laman nito, at naglagay ng maliliit na kandila sa mga ito, at halinhinang inilagay sa paligid ng dingding, na ang iba ay nasa gawing kisame na, na yari sa lupa at mga dahon ng iba’t ibang halaman. Ang mga ilaw na iyon ay nagbigay ng napakapayapa, tahimik … na kapaligiran, at ang liwanag na naaaninag sa mga balat ng singkamas ay napakagandang pagmasdan.
“Sa mga aktibidad nang gabing iyon, malugod na pinuri ng ilan sa mga kaibigan ko ang aming pamilya sa kakaibang panlasa at kahusayan sa paglikha na ipinakita sa mga kakaiba at hindi magastos na mga dekorasyon.”
Nagunita ni Lorenzo na “puno ng sigla ang bawat oras, at masaya itong lumipas.” Inaliw niya at ng kanyang mga panauhin ang isa’t isa sa pamamagitan ng mga talumpati, awitin, at tula. Sinabi niya, “Sa pagtatapos, tila nasiyahan nang lubos ang lahat, at umuwing masaya na para bang hindi sila nawalan ng mga tahanan.”1 [Tingnan sa mungkahi 1 sa pahina 130.]
Mga Turo ni Lorenzo Snow
Ang mga pagsubok at paghihirap ay tumutulong sa ating espirituwal na pagbuti at inihahanda tayo para sa kahariang selestiyal.
Imposible para sa atin ang pagsikapang makamit ang ating kaligtasan at maisakatuparan ang mga layunin ng Diyos nang walang mga pagsubok o walang mga pagsasakripisyo.2
Noon pa man ay dumaranas na ng mga pagsubok at kahirapan ang mga Banal sa mga Huling Araw. Gayon ang itinulot ng Diyos na mangyari. Naniniwala ako na sa [premortal] na daigdig ng mga espiritu, nang imungkahi sa atin na pupunta tayo sa mundong ito, at pagdaraanan natin ang mga dinaranas natin ngayon, sa pangkalahatan ay hindi iyon kalugud-lugod at nakasisiya; talagang hindi kapana-panabik ang mga mangyayari tulad ng inaasahan. Gayunman walang alinlangan na nakita at naunawaan nating mabuti doon na upang maisakatuparan ang ating kadakilaan at kaluwalhatian ay kailangan ang karanasang ito; at kahit sa tingin natin noon ay hindi ito nakasisiya, handa tayo noon na sumunod sa kagustuhan ng Diyos, at dahil doon ay narito tayo ngayon.3
Nagpasiya ang Panginoon sa Kanyang puso na susubukan Niya tayo hanggang sa malaman Niya kung ano ang maaari Niyang gawin sa atin. Sinubukan Niya ang Kanyang Anak na si Jesus. … Bago Siya [ang Tagapagligtas] naparito sa lupa pinagmasdan ng Ama ang Kanyang mga ginagawa at nalaman Niya na maaasahan Niya si Jesus kapag kaligtasan na ng mga daigdig ang nakataya; at hindi Siya nabigo. Gayundin naman sa atin. Susubukan Niya tayo, at patuloy tayong susubukan, upang mailagay Niya tayo sa pinakamatataas na kalagayan sa buhay at iatang sa ating mga balikat ang pinakasagradong mga responsibilidad.4
Kung matagumpay nating malalampasan ang dumarating na mabibigat na pagsubok sa pamamagitan ng ating buong katapatan at integridad, makaaasa tayo pagkatapos ng ating mga pagsubok, na dakila at makapangyarihan ang magiging pagbuhos ng Espiritu at kapangyarihan ng Diyos—isang napakalaking kaloob sa lahat ng mananatiling tapat sa kanilang mga tipan. …
Nagtanong ang ilan nating mga kapatid kung pagkatapos ba nito ay madarama nilang karapat-dapat sila sa lubos na pakikipagkapatiran sa mga Propeta at Banal noong una, na nangagtiis ng mga pagsubok at pahirap; at ng mga Banal … na nagdusa sa Kirtland, sa Missouri at sa Illinois. Ang mga kapatid na nabanggit ay nagpahiwatig ng panghihinayang na hindi nila naranasan ang gayong mga pangyayari. Kung narito man ngayon ang sinuman sa mga ito, masasabi ko sa ganitong mga tao, para sa kanilang kapanatagan, na kaunting panahon na lang ang inyong ipaghihintay at magkakaroon kayo ng gayunding mga pagkakataon, hanggang sa masiyahan kayo. Ikaw at ako ay hindi magiging perpekto maliban sa pamamagitan ng pagdurusa: gayundin si Jesus [tingnan sa Mga Hebreo 2:10]. Sa Kanyang panalangin at pagdurusa sa Halamanan ng Getsemani, ipinakita Niya ang nakadadalisay na prosesong kailangan ng mga nangangarap na makamtan ang kaluwalhatian sa kahariang selestiyal. Hindi dapat subukang takasan ito ng iba sa pamamagitan ng pagkokompromiso.5
Walang ibang paraan kung saan magkakaroon ng espirituwal na pag-unlad ang mga Banal at maihanda para sa mamanahin sa kahariang selestiyal kundi sa pamamagitan ng malaking hirap at dusa. Ito ang proseso kung saan nadaragdagan ang kaalaman at sa wakas ay magkakaroon ng kapayapaan sa lahat. May nagsabi na kung ang buong kapaligiran natin ay payapa at maunlad ngayon, ipagwawalang-bahala na lamang natin ang mga bagay na ito. Ito ay magiging kalagayan na hahangarin ng napakaraming tao; hindi na nila sisikaping makamit ang mga bagay ng kawalang-hanggan.6
Isaalang-alang man ito ng bawat isa o ng lahat, dumanas na tayo ng dusa o hirap at muling daranas nito, at bakit? Dahil ito ang hinihiling ng Panginoon na gawin natin para sa ating ikadadalisay.7 [Tingnan sa mungkahi 2 sa pahina .]
Kapag nananatili tayong tapat sa panahon ng mga pagsubok at tukso, ipinakikita nating mas mahal natin ang Diyos kaysa sa mundo.
Kabilang sa ating mga pagsubok ang mga tukso, at sa pamamagitan nito ay naipapakita natin kung gaano natin pinahahalagahan ang ating relihiyon. Pamilyar kayo sa karanasan ni Job sa bagay na ito. Binigyan siya ng kaalaman tungkol sa pagkabuhay na mag-uli, at tungkol sa Manunubos, at alam niya na kahit mamatay siya, gayunman sa mga huling araw ay makikita niya ang Kanyang Manunubos sa lupa [tingnan sa Job 19:25–26]. Ipinakita ng mga tuksong dinanas niya na pinahalagahan niya ang mga makalangit na bagay na ito nang higit sa ano pa man. …
… Dahil Kaibigan natin ang Diyos hindi tayo natatakot. Maaaring patuloy tayong dumanas ng maraming kalagayan na hindi kasiya-siya. Sa pamamagitan ng mga ito ay naipapakita natin sa mga anghel na higit nating minamahal ang mga bagay na ukol sa Diyos kaysa mga bagay ng daigdig.8 [Tingnan sa mungkahi 3 sa pahina 130.]
Habang nananatili tayong matapat, pinalalakas tayo ng Panginoon upang mapaglabanan ang mga tukso at mapagtiisan ang mga pagsubok.
Marami sa inyo ang maaaring maraming matitinding pagsubok, upang ang inyong pananampalataya ay maging mas perpekto, madagdagan ang inyong pagtitiwala, upang ang inyong kaalaman tungkol sa mga kapangyarihan ng langit ay lumawak; at ito ay bago maganap ang inyong pagkatubos. Kung darating ang mga problema … ; kung darating ang mapapait na pagsubok, at mapipilitan kayong dumanas ng pagsubok; kung si Satanas ay pawalan sa inyong kalipunan, taglay ang lahat ng kanyang mapang-akit na kapangyarihan ng palilinlang at katusuhan; kung makakaharap at kakalabanin kayo ng malakas at walang-awang kamay ng pang-uusig;—kapag dumating ang oras na iyon, iangat ang inyong mga ulo at magalak na itinuring kayong karapat-dapat na magdusang gaya ni Jesus, ng mga Banal, at ng mga banal na propeta; at dapat ninyong malaman na ang panahon ng inyong pagkatubos ay paparating na.
Dama ko, aking mga kapatid, na dapat ko kayong hiyakatin nang buong puso ko. Magalak kayo—huwag mawalan ng pag-asa; sapagkat mabilis na darating ang araw na papahirin ang inyong mga luha, aaluin ang inyong mga puso, at kakainin o tatamasahin ninyo ang mga bunga ng inyong pagsisikap. …
Maging tapat, maging mabuti, maging kagalang-galang, maging maamo at mapagpakumbaba, malakas ang loob at matapang, maging simple, maging tulad ng Panginoon; manangan pa rin sa katotohanan sa kabila ng apoy o tabak, pagpapahirap o kamatayan.9
Mula nang tanggapin natin ang Ebanghelyo hanggang sa ngayon, paulit-ulit tayong binibigyan ng Panginoon ng mga pagsubok at paghihirap, kung matatawag nga nating gayon ang mga ito; at kung minsan ang mga pagsubok na ito ay napakatindi kaya’t nahihirapan tayong tanggapin ito nang hindi dumaraing at nagrereklamo. Gayunman sa gayong mga sandali ay pinagpapala at binibigyan tayo ng Panginoon ng sapat na bahagi ng Kanyang Espiritu upang madaig natin ang mga tukso at mapagtiisan ang mga pagsubok.10
Bawat lalaki at babae na naglilingkod sa Panginoon, gaano man sila katapat, ay may panahon ng kalungkutan; ngunit kung nabuhay sila nang matapat, ang buhay nila ay magliliwanag at magkakaroon sila ng kaginhawahan.11
Ang tanging hinihiling na gawin natin upang maging ganap na ligtas tayo sa lahat ng pagkakataon sa kabila ng gulo at pang-uusig ay ang gawin ang kalooban ng Diyos, maging tapat, totoo at manatiling tapat sa mga alituntuning natanggap natin; gawin ang tama sa isa’t isa; huwag manghimasok sa karapatan ng sinuman; mabuhay sa bawat salitang nagmumula sa bibig ng Diyos at tutulungan tayo at aalalayan ng kanyang Banal na Espiritu sa lahat ng pagkakataon, at malalampasan natin ang lahat ng ito na masaganang pinagpapala sa ating mga bahay, sa ating mga pamilya, sa ating mga kawan, sa ating mga bukirin—at sa lahat ng paraan ay pagpapalain tayo ng Diyos. Bibigyan Niya tayo ng kaalaman sa kaalaman, katalinuhan sa katalinuhan, karunungan sa karunungan.
Nawa’y idagdag ng Diyos ang kanyang pagpapala sa mga taong ito. Nawa’y maging tapat tayo sa ating sarili, tapat sa lahat ng alituntuning natanggap natin, na buong pusong hinahangad ang kapakanan ng bawat isa, at ibubuhos sa atin ng Diyos ang kanyang Espiritu, at magtatagumpay tayo sa wakas.12 [Tingnan sa mungkahi 3 sa pahina .]
Sa pagbabalik-tanaw sa mahihirap na panahon, makikita natin na natulungan tayo ng ating mga pagsubok na maging mas malapit sa Diyos.
Kapag pinag-iisipan natin ang ginawa ng Panginoon para sa atin noon, ang kapaligiran natin ngayon, at ang mga maaaring kahinatnan natin, napakapalad nating mga tao! Minsan ay naisip ko na ang isa sa mga pinakadakilang katangian ng mga Banal sa mga Huling Araw ay ang pagtanaw ng utang na loob sa ating Ama sa Langit sa mga bagay na ipinagkaloob Niya sa atin at sa landas kung saan tayo ay Kanyang inakay. Maaaring ang pagtahak sa landas na iyon ay hindi palaging nakasisiya; ngunit kalaunan ay natuklasan natin na ang mga kalagayang iyon na talagang hindi kanais-nais ang kadalasang nagbibigay sa atin ng napakalaking pakinabang.13
Bawat pagsubok na pinagdaraanan ng isang tao, kung matapat siya sa kabila ng pagsubok na iyon at nagbibigay dangal sa Diyos at sa kanyang napiling relihiyon, pagkatapos ng pagsubok o kalungkutang iyon ang taong iyon ay mas napapalapit sa Diyos, mas napalapit dahil sa dagdag na pananampalataya, karunungan, kaalaman at kapangyarihan, at dahil dito ay mas nagtitiwala sa pagtawag sa Panginoon para sa mga bagay na kanyang hinahangad. May nakilala akong mga tao na natakot sa ideya na daranas sila ng matitinding pagsubok ngunit pagkatapos malampasan ang tukso ay sinabi nila na makalalapit na sila sa Panginoon nang mayroong higit na pagtitiwala at makahihiling ng mga pagpapalang nais nila. …
May dahilan tayong magalak at mapuspos ng kaligayahan at kasiyahan, sa kabila ng mga kahirapang nakapaligid sa atin. At gaano ba ang ating isinulong, gaanong kaalaman ang nakamtan natin at gaano pa ang makakayanan natin ngayon kaysa isa, dalawa o limang taon na ang nakararaan, at mas kaya na ba natin ngayon kaysa noong mga nagdaang taon? Pinalakas tayo ng Panginoon at dinagdagan sa ating pag-unlad. Tulad ng bata o ng sanggol, sa paglaki nito ay hindi nito alam kung paano ito unti-unting tumanggap ng lakas at kung paano ito lumaki. Mas malaki ito ngayong taon kaysa noong nakaraang taon. Gayundin ang ating espirituwal na pagsulong o pag-unlad. Dama nating mas malakas tayo ngayon kaysa noong isang taon.14
Ang mga pagsasakripisyong ginawa ninyo, ang mga kahirapang pinagtiisan ninyo at ang mga kagipitang dinanas ninyo ay … makakalimutan, at magagalak kayo na napasainyo ang karanasang dulot ng mga ito. … Ang ilang bagay na kailangan nating matutuhan sa mga bagay na sanhi ng ating pagdurusa, at ang kaalamang natamo sa gayong paraan, bagamat masakit ang proseso, ay magiging napakahalaga sa atin sa kabilang-buhay. …
… Alam kong hindi palaging masaya o mabuti ang inyong buhay; walang dudang dumaan kayo sa maraming pagsubok, at marahil nagkaroon ng maraming dusa at hirap; ngunit sa patuloy na pagkakaroon ng integridad hindi magtatagal kayo ay makaaahon sa mga paghihirap tungo sa maningning na kaluwalhatian ng mundong selestiyal.15 [Tingnan sa mungkahi 4 sa kasunod na pahina.]
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Pag-isipan ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda kayong magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–x.
-
Pag-isipan ang salaysay sa mga pahina . Paano naging masaya ang marami sa mga Banal sa kuwentong ito sa kabila ng kanilang pagdurusa? Ano ang magagawa natin upang himukin ang mga taong dumaranas ng mga pagsubok?
-
Pag-aralan ang mga turo ni Pangulong Snow tungkol sa kung bakit kailangan natin ang mga pagsubok (mga pahina 124–125). Ano sa inyong palagay ang ibig sabihin ng “sikaping makamit ang mga bagay ng kawalang-hanggan”? Sa inyong palagay bakit maraming tao ang hindi “magsisikap na makamit ang mga bagay ng kawalang-hanggan” kung walang mga pagsubok?
-
Sa paanong paraan tayo dapat tumugon sa mga pagsubok at tukso? (Para sa ilang halimbawa, tingnan ang mga pahina 125–128.) Paano tayo tinutulungan ng Panginoon sa mga oras ng pagsubok?
-
Basahin ang huling bahagi ng kabanatang ito. Ano ang nakamtan ninyo mula sa mga hamon na naranasan ninyo?
-
Hanapin ang isa o dalawang pangungusap sa kabanatang ito na nagbibigay sa inyo ng pag-asa. Ano ang ipinagpapasalamat ninyo tungkol sa mga pangungusap o pahayag na napili ninyo? Isipin ang mga paraan na maaari ninyong ibahagi ang mga katotohanang ito sa isang miyembro ng pamilya o kaibigan na nangangailangan ng panghihikayat.
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Deuteronomio 4:29–31; Mga Awit 46:1; Juan 16:33; Mga Taga Roma 8:35–39; II Mga Taga Corinto 4:17–18; Mosias 23:21–22; 24:9–16; D at T 58:2–4