Kabanata 6
Pagiging Perpekto sa Harap ng Panginoon: “Mas Bumubuti sa Bawat Araw”
“Huwag umasang maging perpekto kaagad. Kung ganito ang aasahan ninyo, panghihinaan kayo ng loob. Maging mas mabuti ngayon kaysa kahapon, at maging mas mabuti bukas kaysa ngayon.”
Mula sa Buhay ni Lorenzo Snow
Minsan ay dumalo si Pangulong Lorenzo Snow sa isang priesthood meeting kung saan ang isang kinatawan ng bawat korum ng mga elder ay tumayo at nagreport tungkol sa nagawa ng kanyang korum. Habang pinakikinggan ni Pangulong Snow ang mga kalalakihang ito, naalala niya ang sarili niya maraming taon na ang nakalilipas. Nang tumayo siya para magsalita, sinabi niyang:
“Kung maaari, gusto kong sabihin ang isang bagay na hindi ninyo malilimutan, at sa palagay ko ay magagawa ko ito.
“Nakikita ko, gaya ng palagi kong nakikita kapag magkakasama ang mga batang Elder, at sa katunayan kapag magkakasama rin ang mga may-edad nang Elder, ang isang uri ng pag-aatubili na magsalita sa harap ng mga tao. Nakita ko ito dito ngayong umaga sa mga binatang tumayo para ipahayag ang kanilang sarili at upang magbigay ng impormasyon tungkol sa partikular nilang gawain.
“Marahil, hindi naman mali kung magkukuwento ako nang kaunti sa inyo tungkol sa karanasan ko, nang magsimula akong magsalita sa harap ng maraming tao, noong bago pa ako naging Elder. Naaalala ko noong unang tawagin ako para ibigay ang aking patotoo. … Iyon ay isang bagay na talagang kinatatakutan ko, ngunit gayon pa man nadama kong tungkulin kong tumayo, pero naghintay pa ako na mauna ang iba. Nagpatotoo ang isa, may isa pang nagbigay ng kanyang patotoo, at may sumunod pa, at halos tapos na sila, ngunit takot pa rin akong tumayo. Hindi pa ako nakapagsalita sa harap ng maraming tao. … Sa [wakas] nagpasiya ako na oras na para tumayo ako. Iyon nga ang ginawa ko. Sa palagay ninyo gaano kaya ako katagal nagsalita? Sa palagay ko mga kalahating minuto —imposibleng lumampas pa iyon sa isang minuto. Iyon ang una kong pagsisikap; at ang pangalawa, palagay ko, halos ganoon din. Mahiyain ako noon, … ngunit nagpasiya ako, nang buong katatagan, na sa tuwing tatawagin akong gampanan ang aking tungkulin na tulad nito o ang iba pa, gagawin ko iyon kahit ano pa ang maging resulta. Bahagi iyan ng pundasyon ng aking tagumpay bilang Elder sa Israel.”
Sinabi ni Pangulong Snow sa mga kabataang lalaki na hindi nagtagal pagkatapos ng karanasang ito, ginanap niya ang kanyang unang pulong bilang full-time missionary. “Sa buong buhay ko ay wala akong kinatakutang pulong kundi ang pulong na iyon,” paggunita niya. “Maghapon akong nagdasal, nagpasiyang mapag-isa at nanalangin sa Panginoon. Hindi pa ako kailanman nakapagsalita sa harap [ng maraming tao] maliban sa mga pulong na iyon ng patotoo. Kinatakutan ko iyon. Sa palagay ko wala pang taong natakot nang gayon sa mga gawain nang higit sa akin sa sandaling iyon. Sinimulan na ang pulong, at halos puno ng mga tao ang silid. … Nagsimula akong magsalita at sa palagay ko mga apatnapu’t limang minuto ang inubos ko.”1 Sa isa pang salaysay tungkol sa pulong ding iyon, itinala niya: “Nang tumayo ako sa harap ng kongregasyong iyon, bagamat wala akong alam na sasabihin kahit isang salita, pagkabukas ko ng aking bibig para magsalita, napuspos ako ng Espiritu Santo, napuno ang aking isipan ng liwanag at mga ibabahaging ideya at wastong pananalita kung paano ko iyong sasabihin sa kanila. Nagulat at humanga ang mga tao at humiling ng isa pang pulong.”2
Ibinahagi ni Pangulong Snow ang aral na nais niyang matutuhan ng mga kabataang lalaki mula sa kanyang karanasan: “Mahal kong mga batang kaibigan, may pagkakataon kayong maging dakila—katulad ng nais ninyo. Sa umpisa ng inyong buhay maaaring matuon ang inyong mga puso sa mga bagay na napakahirap makamtan, ngunit marahil ang mga ito ay abot-kamay ninyo. Sa inyong mga unang pagsisikap na bigyang kasiyahan ang inyong mga hangarin ay maaaring mabigo kayo, at ang inyong patuloy na pagsisikap ay maaaring matawag na kabiguan. Ngunit kung talagang tapat kayo sa inyong mga pagsisikap, at kung talagang nakasalig sa kabutihan ang inyong mga hangarin, ang makakamit ninyong karanasan habang sinisikap na makamit ang mga hangarin ng inyong puso ay magiging kapaki-pakinabang sa inyo, at kahit ang inyong mga pagkakamali, kung makagagawa man kayo ng mga pagkakamali, ay magiging kapaki-pakinabang para sa inyo.”3
Ito ay paboritong paksa o tema noon ni Pangulong Snow. Madalas niyang ipaalala noon sa mga Banal ng Panginoon ang utos na maging perpekto o ganap, at tiniyak niya sa kanila na sa pamamagitan ng kanilang kasigasigan at sa tulong ng Panginoon, masusunod nila ang utos na iyon. Itinuro niya, “Dapat nating madama sa ating puso na ang Diyos ang ating Ama, at na habang nakagagawa tayo ng mga pagkakamali at mahina tayo gayon pa man kung halos perpekto ang ating pamumuhay magiging maayos ang lahat sa atin.”4
Mga Turo ni Lorenzo Snow
Sa pamamagitan ng pagsusumigasig, pagtitiyaga, at tulong mula sa langit, masusunod natin ang utos ng Panginoon na maging perpekto.
“At nang si Abram ay may siyam na pu’t siyam na taon, ay napakita ang Panginoon kay Abram at sa kaniya’y sinabi, Ako ang Dios na Makapangyarihan sa lahat; lumakad ka sa harapan ko, at magpakasakdal ka.” [Genesis 17:1.]
Kaugnay nito ay babanggitin ko ang bahagi ng mga salita ng Tagapagligtas sa kanyang sermon sa Bundok, gaya ng nakasaad sa huling talata ng ika-5 kabanata ng Mateo.
“Kayo nga’y mangagpakasakdal, na gaya ng inyong Ama sa kalangitan na sakdal.” [Mateo 5:48.] …
Nalaman natin na nagpakita ang Panginoon kay Abraham at gumawa ng mga dakilang tipan sa kanya, at na bago siya inihanda sa pagtanggap sa mga ito ay may kinailangan siyang gawin, na siya [si Abraham] ay dapat maging perpekto sa harap ng Panginoon. At gayon din ang hiniling ng Tagapagligtas sa kanyang mga Disipulo, na sila ay maging perpekto o ganap, tulad ng Siya at ang Kanyang Ama sa Langit ay perpekto. Naniniwala ako na ang paksang ito ay ipinag-aalala ng mga Banal sa mga Huling Araw; at gusto kong magbigay ng kaunting mensahe na mga mungkahi lamang, para pag-isipan ng mga kinauukulan.
Iminumungkahi ng Panginoon na ibibigay Niya ang pinakamataas na mga pagpapala sa mga Banal sa mga Huling Araw; ngunit, tulad ni Abraham, kailangan nating ihanda ang ating sarili para sa mga ito, at para magawa ito ang batas ding ito na ibinigay sa kanya ng Panginoon ay ibinigay sa atin para sundin natin. Hinihiling din na maging perpekto tayo sa harap ng Panginoon; ang Panginoon sa situwasyong ito, tulad din sa iba, ay hindi hihingin ang bagay na hindi makakayang sundin, ngunit sa kabilang banda, ibinigay Niya sa mga Banal sa mga Huling Araw ang paraan na gagamitin upang makasunod sila sa Kanyang banal na utos. Nang hingin ito ng Panginoon kay Abraham, ibinigay Niya sa kanya ang paraan kung saan magiging kuwalipikado siyang sundin ang batas na iyon at lubusang maisagawa ang kinakailangan. Nasa kanya ang pribilehiyo na makasama ang Banal na Espiritu, gaya ng sinabi sa atin na ipinangaral ang ebanghelyo kay Abraham, at sa pamamagitan ng ebanghelyong iyon makakamit niya ang banal na tulong na iyon na magiging daan para maunawaan niya ang mga bagay na ukol sa Diyos, at kung wala ito ay hindi ito mauunawaan ng sinumang tao; kung wala ito hindi mararating ng tao ang perpektong kalagayan sa harap ng Panginoon.
Ganito rin sa mga Banal sa mga Huling Araw; hindi nila mararating ang gayong moral at espirituwal na pamantayan kung wala ang kahima-himalang tulong mula sa langit. Ni hindi natin inaasahan na ang mga Banal sa mga Huling Araw ay kaagad na makasusunod sa batas na ito sa lahat ng pagkakataon at kalagayan. Kailangan ng panahon; kailangan ng mahabang pagtitiyaga at disiplina ng puso’t isipan upang masunod ang kautusang ito. At kahit maaaring mabigo tayo sa una nating mga pagtatangka, gayunman hindi nito dapat pahinain ang kalooban ng mga Banal sa mga Huling Araw sa pagsisikap na magkaroon ng determinasyon na sundin ang kinakailangang sundin. Si Abraham, bagamat maaaring nagkaroon siya ng pananampalataya na lumakad sa harap ng Panginoon batay sa kanyang banal na batas, gayunman ay may mga pagkakataon na sinubukang mabuti ang kanyang pananampalataya, ngunit hindi pa rin siya pinanghinaan ng loob dahil ipinakita niya ang determinasyong sundin ang kalooban ng Diyos.
Maaaring isipin natin na hindi natin masusunod ang batas na maging perpekto, na ang pagperpekto sa ating sarili ay napakahirap. Maaaring totoo ito kahit paano, ngunit naroon pa rin ang katotohanan na ito ay isang utos ng Makapangyarihang Diyos sa atin at hindi natin ito maaaring ipagwalang-bahala. Kapag dumaranas tayo ng mga pagsubok, iyon ang panahon para gamitin natin ang dakilang pribilehiyo na manalangin sa Panginoon at humingi ng lakas at pang-unawa, katalinuhan at biyaya upang sa pamamagitan niyon ay madaig natin ang kahinaan ng laman na patuloy nating dapat paglabanan.5 [Tingnan sa mga mungkahi 1 at 2 sa mga pahina 116–117.]
Kapag sumusunod tayo sa hinihiling ng Panginoon, tayo ay perpekto sa aspetong iyon.
Si Abraham ay tinawag upang iwanan ang kanyang mga kamag-anak at bansa [tingnan sa Abraham 2:1–6]. Kung hindi niya sinunod ang hinihinging ito, hindi sana siya kinasihan ng Panginoon. Ngunit sumunod siya; at habang nililisan niya ang kanyang tahanan walang alinlangan na masunurin niyang ipinamumuhay ang banal na batas na ito ng pagiging perpekto. Kung nabigo siya rito tiyak na hindi sana niya nasunod ang mga hinihingi ng Makapangyarihang Diyos. At habang paalis siya sa bahay ng kanyang ama, habang dinaranas niya ang pagsubok na ito ay ginagawa niya ang sinasabi ng kanyang budhi at ng Espiritu ng Diyos na makatwiran niyang gawin, at walang sinumang makagagawa nang higit pa rito, maliban kung may ginawa siyang mali habang isinasagawa niya ang gawaing ito.
Nang matanggap ng mga Banal sa mga Huling Araw ang ebanghelyo sa iba’t ibang panig ng mundo, at nang sabihin sa kanila ng tinig ng Makapangyarihang Diyos na lisanin ang lupain ng kanilang mga ninuno, na iwan ang kanilang mga kamag-anak gaya ng ginawa ni Abraham, sa tuwing sinusunod nila ang hinihinging ito, sila ay sumusunod sa batas na ito, at sila’y perpektong gaya ng ibang tao sa gayong mga kalagayan at sa lugar na kanilang ginagalawan, hindi ko sinasabing perpekto sila sa kaalaman o kapangyarihan, atbp.; kundi sa kanilang damdamin, sa kanilang integridad, mga layunin at determinasyon. At habang tinatawid nila ang malalim na karagatan, kung hindi sila bumubulong-bulong o nagrereklamo, at sa halip ay sumunod sa mga payong ibinigay sa kanila at sa lahat ng paraan ay maayos na kumilos, sila ay perpekto na gaya ng hinihingi sa kanila ng Diyos.
Layon ng Panginoon na dalhin tayo sa kahariang selestiyal. Ipinaalam Niya sa pamamagitan ng direktang paghahayag na tayo ay Kanyang mga anak, na isinilang sa mga daigdig na walang hanggan, na naparito tayo sa mundong ito para sa natatanging layuning ihanda ang ating sarili upang matanggap ang kabuuan ng kaluwalhatian ng ating Ama kapag babalik na tayo sa Kanyang piling. Dahil dito, kailangan nating hangaring magkaroon ng kakayahang sundin ang batas na ito upang mapadalisay ang ating mga layunin, hangarin, at damdamin upang tayo ay maging dalisay at banal at ang ating kalooban sa lahat ng bagay ay mapailalim sa kalooban ng Diyos, at hindi na magkaroon ng sariling hangarin kundi ang gawin ang kalooban ng ating Ama. Ang gayong tao ay perpekto sa kanyang kilos, at makakamtan niya ang pagpapala ng Diyos sa lahat ng kanyang ginagawa at saan man siya magpunta.
Ngunit nakagagawa tayo ng mga kahangalan, dahil sa kahinaan ng laman at humigit-kumulang tayo ay ignorante, at dahil diyan ay maaaring makagawa ng pagkakamali. Oo, ngunit hindi iyan dahilan upang hindi natin hangaring sumunod sa utos na ito ng Diyos, lalo na at nakikita natin na ibinigay niya at abot-kamay na natin ang paraan upang maisagawa ang gawaing ito. Sa pagkaunawa ko ito ang ibig sabihin ng salitang pagiging perpekto, gaya ng sinabi ng ating Tagapagligtas at ng Panginoon kay Abraham.
Ang isang tao ay maaaring maging perpekto sa ilang bagay at hindi sa iba. Ang taong matapat na sumusunod sa word of wisdom ay perpekto kung ang batas na iyon ang pag-uusapan. Nang pagsisihan natin ang ating mga kasalanan at nabinyagan para sa kapatawaran ng mga ito, tayo ay naging perpekto hinggil sa bagay na iyon.6 [Tingnan sa mungkahi 3 sa pahina .]
Sa halip na panghinaan ng loob kapag nabibigo tayo, maaari tayong magsisi at hilingin sa Diyos na bigyan tayo ng lakas na makagawa pa nang mas mabuti.
Ngayon ay sinabi sa atin ni Apostol Juan, na “mga anak tayo ng Dios, at hindi pa nahahayag kung magiging ano tayo: nalalaman natin na kung siya’y mahayag, tayo’y magiging katulad niya; sapagka’t siya’y ating makikitang gaya ng kaniyang sarili. At sinomang mayroon ng pag-asang ito sa kaniya ay naglilinis sa kaniyang sarili, gaya naman [ni Cristo na] malinis.” [Tingnan sa I Juan 3:2–3.] Umaasa ang mga Banal sa mga Huling Araw na mararating nila ang estadong ito ng pagiging perpekto; umaasa tayong maging gaya ng ating Ama at Diyos, mga anak na karapat-dapat mamuhay sa kanyang piling; umaasa tayo na kapag nagpakita ang Anak ng Diyos, matatanggap natin ang ating katawan na pinanibago at niluwalhati, at na “magbabago [ang] katawan ng ating pagkamababa, upang maging katulad ng katawan ng kaniyang kaluwalhatian.” [Tingnan sa Mga Taga Filipos 3:21.]
Ito ang ating mga inaasahan. Ngayon hayaang itanong ito ng lahat ng narito sa kanyang sarili: May basehan ba ang ating mga inaasahan? Sa madaling salita, hinahangad ba nating gawing dalisay ang ating sarili? Paano madarama ng isang Banal sa mga Huling Araw na siya ay nabigyang-katwiran maliban kung hangad niyang dalisayin ang kanyang sarili na gaya ng Diyos, maliban na hangad niyang panatilihing malinis ang kanyang budhi sa harap ng Diyos at ng tao sa bawat araw ng kanyang buhay? Walang duda na marami sa atin ang lumalakad sa harap ng Diyos sa bawat araw at sa bawat linggo, at sa bawat buwan, na nadaramang siya ay hindi isinumpa, na wasto ang ating mga kilos at masigasig at buong pagpapakumbabang hinahangad ang Espiritu ng Diyos upang gabayan ang ating gawain sa araw-araw; gayunman may mga pagkakataon sa ating buhay na napakarami nating pagsubok at marahil ay nabibigatan na; kahit ganito, walang dahilan para hindi natin subukang muli, at gawin iyan nang may ibayo pang lakas at determinasyon upang maisagawa ang ating pakay.7
Nais ng Panginoon na magpakita ng kaluwagan sa Kanyang mga anak sa lupa, ngunit hinihiling Niyang magsisi silang tunay kapag nakagawa sila ng kasalanan o kapag nabigo silang gampanan ang anumang tungkulin. Umaasa Siyang magiging masunurin sila at sisikapin nilang talikuran ang lahat ng kasalanan, upang mapadalisay ang kanilang sarili at talagang maging Kanyang mga tao, Kanyang mga Banal, upang maihanda sila sa pagpasok sa Kanyang kinaroroonan, matulad sa Kanya sa lahat ng bagay at magharing kasama Niya sa Kanyang kaluwalhatian. Upang magawa ito kailangan nilang lumakad sa tuwid at makipot na landas, gawing mas maliwanag at mas mabuti ang kanilang buhay, puspos ng pananampalataya at pag-ibig sa kapwa-tao, na siyang dalisay na pag-ibig ni Cristo, at matapat na gampanan ang bawat tungkulin sa Ebanghelyo.8
Kung mababasa lamang natin ang detalye ng buhay ni Abraham o ang buhay ng iba pang mga dakila at banal na kalalakihan walang duda na makikita natin na ang kanilang mga pagsisikap na maging mabuti ay hindi palaging puno ng tagumpay. Kaya’t hindi tayo dapat panghinaan ng loob kung madaig man tayo sa sandali ng kahinaan; bagkus, kaagad na pagsisihan ang maling nagawa natin, at hangga’t maaari ay ayusin ang kasiraang dulot nito, at pagkatapos ay humiling sa Diyos ng panibagong lakas na makapagpatuloy at gumawa nang mas mabuti.
Perpekto ang ikinikilos ni Abraham sa harap ng Diyos sa araw-araw nang paalis na siya sa bahay ng kanyang ama, at nagpakita siya ng higit na nakauunawa at napaka-disiplinadong isipan sa iminungkahi niya nang makipag-away ang kanyang mga pastol sa mga pastol ng pamangkin niyang si Lot [tingnan sa Genesis 13:1–9]. Gayunman dumating sa buhay ni Abraham ang isang pagkakataon, na marahil ay napakalaking pagsubok; sa katunayan mahirap isipin na mayroong hihigit pa rito; ito ay noong iutos sa kanya ng Panginoon na ialay ang kanyang pinakamamahal at nag-iisang anak, maging siya na inasahang magiging katuparan ng dakilang pangakong ginawa sa kanya ng Panginoon; ngunit sa pagpapakita ng wastong pagpapasiya ay nakayanan niyang lampasan ang pagsubok, at pinatunayan ang kanyang pananalig at integridad sa Diyos [tingnan sa Genesis 22:1–14]. Mahirap isipin na minana ni Abraham ang gayong pag-iisip mula sa kanyang mga magulang na sumamba sa mga diyus-diyusan; ngunit kapani-paniwala na sa basbas ng Diyos ay nagkaroon siya ng ganitong kaisipan, pagkatapos dumanas ng pakikibaka sa laman na gaya natin, at walang dudang may mga pagkakataon na nadaig siya at pagkatapos ay nagtagumpay naman hanggang sa makayanan na niya ang napakatinding pagsubok.
“Mangagkaroon kayo sa inyo ng pagiisip,” sabi ni Apostol Pablo, “na ito’y na kay Cristo Jesus din naman: na siya bagama’t nasa anyong Dios, ay hindi niya inaring isang bagay na nararapat panangnan ang pagkapantay niya sa Dios.” [Tingnan sa Mga Taga Filipos 2:5–6.] Ngayon ang bawat taong palaging nag-iisip sa bagay na ito ay padadalisayin ang kanyang sarili gaya ng Diyos na dalisay, at sisikaping kumilos nang wasto sa kanyang harapan. Nakagagawa tayo ng mumunting kahangalan at nariyan ang ating mga kahinaan; dapat nating sikaping daigin kaagad ang mga ito hangga’t maaari, at dapat nating maitimo ang damdaming ito sa puso ng ating mga anak, upang magkaroon sila ng takot sa Diyos mula sa kanilang pagkabata, at matuto silang kumilos nang wasto sa Kanyang harapan sa lahat ng pagkakataon.
Kung ang isang lalaki ay mabubuhay nang isang araw sa piling ng kanyang asawa nang hindi nakikipag-away o nang hindi nagmamalupit sa sinuman o nang hindi sinasaktan ang damdamin ng Espiritu ng Diyos sa anumang paraan, napakainam niyan; siya ay perpekto sa gayong aspeto. Pagkatapos ay hayaang sikapin niyang gawin ang gayon din sa susunod na araw. Ngunit halimbawang nabigo siya sa pagtatangkang gawin ito kinabukasan, hindi iyon dahilan upang hindi niya matagumpay na magawa ito sa ikatlong araw. …
Dapat palaging linangin ng mga Banal sa mga Huling Araw ang hangaring ito na napakalinaw na itinuro ng mga apostol noong unang panahon. Dapat nating sikaping lumakad sa bawat araw na may malinis na konsiyensya sa harap ng lahat ng tao. At naglagay ang Diyos sa Simbahan ng mga paraan para matulungan tayo, at ito ay ang mga Apostol at Propeta at Ebanghelista, atbp., “para sa ikasasakdal ng mga Banal,” atbp. [Tingnan sa Mga Taga Efeso 4:11–12.] At ipinagkaloob din niya sa atin ang kanyang Banal na Espiritu na isang gabay na hindi nagkakamali, na tulad ng isang anghel ng Diyos, na nasa ating tabi, na nagsasabi ng dapat nating gawin at binibigyan tayo ng lakas at tulong kapag may mga hindi magagandang pangyayari sa ating landas. Hindi natin dapat hayaang manghina ang ating kalooban sa tuwing matutuklasan natin ang ating mga kahinaan. Halos wala tayong makikitang pagkakataon sa lahat ng maluluwalhating halimbawang ipinakita sa atin ng mga propeta, noong unang panahon o ngayon, kung saan hinayaan nilang pahinain ni Satanas ang kanilang kalooban; kundi sa halip ay patuloy nilang hinangad na magtagumpay, na makamit ang gantimpala at sa gayon ay maihanda ang kanilang sarili para sa kaganapan ng kaluwalhatian.9 [Tingnan sa mungkahi 4 sa pahina 117.]
Sa tulong ng langit, maaari nating mapagtagumpayan ang mga kahangalan at makamundong mga hangarin.
Kapag pumasok na sa ating isipan na talagang may kapangyarihan tayo sa pamamagitan ng tinanggap nating ebanghelyo, na daigin ang ating mga pagnanasa, ang mga pita ng ating katawan at sa lahat ng bagay ay ipailalim ang ating kalooban sa kalooban ng ating Ama sa Langit, at, sa halip na pagmulan ng hindi magandang saloobin sa ating pamilya, at ng mga kahalubilo natin, ay tumulong nang malaki upang makalikha ng munting langit sa lupa, kung gayon ay masasabi nating napanalunan natin ang kalahati ng digmaan. Ang isa sa matitinding hirap na dinaranas ng marami, ay ang madali nating pagkalimot sa dakilang layunin ng buhay, ang layunin ng ating Ama sa Langit sa pagpapadala sa atin dito sa mortalidad, gayundin ang banal na tungkuling ibinigay sa atin; at dahil dito, sa halip na iwasan ang walang kabuluhan at panandaliang bagay ng panahon, madalas ay hinahayaan nating maimpluwensiyahan tayo ng mundo nang hindi ginagamit ang banal na tulong na itinakda ng Diyos, na sapat na para mapagtagumpayan ang mga ito. Katulad din tayo ng iba pa sa mundo kung hindi natin pag-iibayuhin ang hangaring maging perpekto, na gaya ng ating Ama sa langit na perpekto.
Ito ang payo ng Tagapagligtas sa mga banal noong una, mga taong may gayunding simbuyo ng damdamin at napaiilalim din sa mga tuksong katulad ng dinaranas natin, at alam Niya kung makasusunod dito ang mga tao o hindi; hindi kailanman ginawa noon ng Panginoon, ni hindi Niya hihilingin sa Kanyang mga anak ang mga bagay na imposible nilang magawa. Ang mga Elder ng Israel na umaasang makahahayo sa mundo upang ipangaral ang ebanghelyo ng kaligtasan sa gitna ng liko at balakyot na henerasyon, sa mga taong puno ng kasamaan at katiwalian ay dapat pag-ibayuhin ang hangaring ito. At hindi lamang sila, kundi lahat, bawat lalaki at babae na kabilang sa Simbahang ito na karapat-dapat tawaging banal ay dapat pag-ibayuhin ang hangaring mamuhay nang naaayon sa hinihinging ito upang maging malinis ang kanilang konsiyensya sa harap ng Diyos. Napakagandang magkaroon ang bata man o matanda ng ganitong hangarin; lalong nakasisiyang makita ang ating mga kabataan na nagpapasiya sa paraan na ang kanilang anyo at pagkatao ay kakikitaan ng liwanag at katalinuhan ng Diyos, nang sa gayon ay magkaroon sila ng wastong pagkaunawa sa buhay at makapamuhay nang hindi ginagawa ang mga kahangalan at kapalaluan ng mundo at mga kamalian at kasamaan ng tao.10
Hindi kailangang mabahala ang mga Banal sa mga Huling Araw sa mga bagay ng mundong ito. Lilipas ang mga ito. Dapat matuon ang ating mga puso sa makalangit na bagay; na sikaping makamit ang pagiging perpekto na taglay ni Cristo Jesus, na lubusang masunurin sa Ama sa lahat ng bagay, at dahil doon ay nakamtan ang Kanyang kadakilaan at naging huwaran sa Kanyang mga kapatid. Bakit tayo mababalisa at mababahala sa mga temporal na bagay na ito kung ang ating tadhana ay lubhang dakila at maluwalhati? Kung mananatili tayo sa Panginoon, susundin ang Kanyang mga kautusan, gagawing huwaran ang Kanyang kasakdalan at sisikaping marating ang walang hanggang mga katotohanan ng Kanyang makalangit na kaharian, lahat ay magiging maayos sa atin at magtatagumpay tayo at makakamit ang gantimpala sa huli.11
Sa lahat ng inyong mga kilos at pag-uugali ay palaging isaisip na naghahanda kayo ngayon para sa buhay na inyong ipagpapatuloy sa mga kawalang-hanggan; huwag sundin ang alituntunin na ikahihiya ninyo o hindi ninyo handang gawin sa kalangitan, huwag gumamit ng mga paraan sa pagkakamit ng isang bagay na hindi matatanggap ng naliwanagang selestiyal na konsiyensya. Bagamat nagaganyak kayo ng damdamin at mga mithiin na kumilos, hayaang palaging maghari at mangibabaw ang mga alituntuning dalisay, marangal, banal, at malinis.12
Hindi tayo magiging perpekto kaagad, ngunit maaari tayong bumuti nang unti-unti bawat araw.
Ang bata ay lumalaki at nagiging binatilyo, at mula sa pagiging binatilyo ay magiging binata, at magpapatuloy siya sa paglaki; ngunit hindi niya masasabi kung paano o kailan nagaganap ang paglaki. Hindi niya napapansin na lumalaki pala siya; ngunit sa pagsunod sa mga batas ukol sa kalusugan at sa pagiging maingat sa buhay kalaunan siya ay isa nang binata. Gayundin tayo na mga Banal sa mga Huling Araw. Umuunlad at lumalago tayo. Hindi natin ito napapansin sa ngayon; ngunit paglipas ng isang taon o higit pa matutuklasan natin, sa madaling salita, na nasa itaas na tayo ng burol, malapit na sa tuktok ng bundok. Dama nating may pananampalataya tayo sa Panginoon; na palagi tayong nakikinabang sa Kanyang mga biyaya; na may kaugnayan tayo sa Kanya; na Siya talaga ang ating Ama, at pinapatnubayan Niya tayo sa buhay.13
Huwag asahang maging perpekto kaagad. Kung ganito ang iisipin ninyo, panghihinaan kayo ng loob. Maging mas mabuti ngayon kaysa kahapon, at maging mas mabuti bukas kaysa ngayon. Huwag nating hayaang daigin pa tayo bukas ng mga tuksong marahil ay dumaraig sa atin ngayon. Kaya’t patuloy na bumuti nang unti-unti bawat araw; at huwag hayaang lumipas ang buhay nang wala tayong nagagawang kabutihan sa iba gayundin sa ating sarili.14
Bawat pinakahuling araw o bawat pinakahuling linggo ay dapat maging pinakamainam na naranasan natin, ibig sabihin, dapat tayong sumulong nang kaunti sa bawat araw, sa kaalaman at karunungan, at sa kakayahang gumawa ng kabutihan. Habang tumatanda tayo dapat tayong mamuhay nang mas malapit sa Panginoon sa bawat araw.15 [Tingnan sa mungkahi 5 sa pahina 117.]
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Pag-isipan ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda kayong magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–x.
-
Inamin ni Pangulong Snow na ang kautusan na maging perpekto ay ikinababahala ng ilang Banal sa mga Huling Araw (mga pahina 106–108). Habang binabasa ninyo ang kabanatang ito, hanapin ang payo na maaaring makapagbigay ng kapanatagan sa isang taong nababahala sa utos na maging perpekto.
-
Sa simula ng bahagi sa pahina 106, ang katagang “hinding pangkaraniwang tulong” ay tumutukoy sa tulong na mula sa Panginoon. Sa paanong mga paraan tayo tinutulungan ng Panginoon na maging perpekto?
-
Sa pahina 109, suriin ang mga sinabi ni Pangulong Snow tungkol kay Abraham at sa mga pioneer na Banal sa mga Huling Araw noon. Ano sa inyong palagay ang ibig sabihin ng maging perpekto “sa lugar na [ating] ginagalawan”? Pag-isipan pa kung ano ang magagawa ninyo upang maging higit na perpekto sa inyong “damdamin, … integridad, layunin at determinasyon.”
-
Sinabi ni Pangulong Snow, “Hindi natin dapat hayaang manghina ang ating kalooban sa tuwing matutuklasan natin ang ating kahinaan” (pahina 114). Paano natin madaraig ang damdamin ng panghihina ng kalooban? (Para sa ilang halimbawa, tingnan ang mga pahina 110–114.)
-
Paano nakatutulong sa inyo na malaman na hindi kayo dapat “umasa na maging perpekto kaagad”? (Tingnan sa pahina .) Mag-isip ng mga paraan para masunod ninyo ang payo ni Pangulong Snow na “bumuti nang unti-unti sa bawat araw.”
-
Maghanap ng isa o dalawang pangungusap sa kabanatang ito na talagang nagbibigay-inspirasyon sa inyo. Ano ang nagustuhan ninyo tungkol sa mga pahayag na ito?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: 1 Nephi 3:7; 3 Nephi 12:48; Eter 12:27; Moroni 10:32–33; D at T 64:32–34; 67:13; 76:69–70