Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 2: Pagbibinyag at ang Kaloob na Espiritu Santo


Kabanata 2

Pagbibinyag at ang Kaloob na Espiritu Santo

“Ito … ang kaayusan ng Ebanghelyo noong panahon ng mga apostol, paniniwala kay Jesucristo, pagsisisi, pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan, at pagpapatong ng mga kamay para matanggap ang Espiritu Santo. Nang maunawaan ang kaayusang ito at nabigyan ng matamang pansin, sumunod kaagad ang kapangyarihan, mga kaloob, pagpapala, at maluwalhating mga pribilehiyo.”

Mula sa Buhay ni Lorenzo Snow

Kahit nakatanggap na ng patotoo na si Joseph Smith ay isang propeta, nahirapan pa rin si Lorenzo Snow sa desisyon na pagsapi sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nalaman niya na kung magiging miyembro siya ng Simbahan, kailangan niyang talikuran ang ilan sa kanyang mga nais kamtin sa mundo. Ngunit pagkatapos maranasan ang tinawag niyang “pinakamahirap na pakikibaka ng kanyang puso at kaluluwa,” pumayag siyang magpabinyag. Isinalaysay niya: “Sa tulong ng Panginoon—dahil talagang dama kong tinulungan nga Niya ako—inialay ko sa altar ang aking pagmamataas, ambisyon at hangarin, at, sa pagpapakumbabang gaya ng sa isang bata ay lumusong ako sa tubig ng binyag, at tinanggap ang mga ordenansa ng ebanghelyo. … Natanggap ko ang pagbibinyag at ang ordenansa ng pagpapatong ng mga kamay ng isang taong nagsasabing siya ay nagtataglay ng banal na awtoridad.”1

Pagkatapos niyang matanggap ang pagpapalang ito, nasabik siyang ibahagi ito sa iba. Sa isang liham na isinulat niya bilang misyonero sa Italy, sinabi niyang: “Sa maraming bansa ang pagbubukas ng pintuan ng kaharian ng Diyos ay may kahalong hirap at pag-aalala. Kami mismo ay maraming naranasang tulad nito. Kaya’t tuwang-tuwa ako nang lumusong ako sa tubig kasama ang unang kandidato sa buhay na walang hanggan. Hindi kailanman naging matamis sa amin ang wikang Italian na gaya ng napakagandang sandaling ito, nang isagawa ko ang sagradong ordenansang ito, at mabuksan ang isang pintuang hindi maisasara ng sinumang tao.”2 [Tingnan sa mungkahi 1 sa pahina 62.]

Mga Turo ni Lorenzo Snow

Tumatanggap tayo ng mga pagpapala mula sa Diyos kapag sinusunod natin ang itinakda Niyang mga alituntunin.

May partikular na mga alituntuning itinakda ang Diyos, na kapag naunawaan at sinunod ay magbibigay sa mga tao ng espirituwal na kaalaman, mga kaloob, at pagpapala. Noong bago pa lang ang daigdig, gayundin noong panahon ng mga apostol, napasakamay ng mga tao ang mga espirituwal na kapangyarihan at iba’t ibang pribilehiyo sa pamamagitan ng pag-unawa at matapat na pagsunod sa mga patakarang itinakda ng Panginoon. Tulad ni Abel, na isa sa mga anak ni Adan, nang malaman na ang pag-aalay ng mga hain ay isang sistemang itinakda ng Diyos, na sa pamamagitan nito ang mga tao ay makatatanggap ng mga pagpapala, siya ay kumilos, sinunod ang utos, isinagawa ang pag-aalay, kung saan maluwalhating nagpakita sa kanya ang Kataas-taasang Diyos [tingnan sa Genesis 4:4; Mga Hebreo 11:4].

Muli, nang maging masama ang mga Antediluvian [mga taong nabuhay bago ang malaking baha], at nang paparating na ang panahon ng kanilang pagkalipol, inihayag ng Panginoon ang isang landas kung saan maaaring makatakas sa pagkalipol ang mabubuting tao; alinsunod dito, lahat ng nakaunawa at sumunod sa landas ay nakamit ang ipinangakong pagpapala [tingnan sa Genesis 6–8].

Si Joshua, bago mapasakanya ang Jerico, ay kinailangang sumunod sa mga hakbanging itinakda ng Diyos. Nang masunod nang wasto ang mga hakbang, sang-ayon sa kautusan, ang pakay, o ang Jerico, ay kaagad na napasakanyang mga kamay. [Tingnan sa Josue 6.]

Isa pang pagkakataon: ang kaso ni Naaman, na kapitan ng hukbo ng Asiria;—tila, dahil sa sakit niyang ketong at nang madinig ang tungkol kay Eliseo, na propeta, ay nagpunta siya kay Eliseo para maalis ang karamdaman. Ang propeta, na may presensya ng Espiritu Santo, na siyang [nagpapabatid] sa Kaisipan ng Diyos, ay sinabi sa kanya na sa pamamagitan ng paghuhugas sa mga tubig ng Jordan nang pitong beses, siya ay gagaling. Noong una, naisip ni Naaman na napakasimple nito at hindi siya nasiyahan at ayaw niyang sumunod—ayaw niyang sundin ang napakasimpleng paraan. Gayunman, pagkatapos na makapag-isip-isip, nagpakumbaba siya, humayo siya at sumunod sa mga patakaran; at masdan! kaagad na sumunod ang pagpapala. [Tingnan sa II Mga Hari 5:1–14.] …

Nang pasimulan ang dispensasyon ng Ebanghelyo, ang mga kaloob at pagpapala ay nakamtan sa gayunding mga alituntunin; sa pamamagitan ng pagsunod sa itinakdang mga patakaran. Binanggit pa ng Panginoon ang ilang gagawin, na nangangako ng partikular na mga pribilehiyo sa lahat ng susunod sa mga ito; at kapag ginawa ang mga iyon—na sinusunod ang bawat detalye—ang ipinangakong mga pagpapalang iyon ay tiyak na makakamtan.3

Ang panlabas na mga ordenansa ng binyag at kumpirmasyon ay hindi maaaring ihiwalay sa panloob na mga gawa ng pananampalataya at pagsisisi.

Walang-saysay ang pag-iisip ng ilan na sa dispensasyon ng Ebanghelyo, ang mga kaloob at pagpapala ay hindi nakakamtan sa pamamagitan ng panlabas na pagsunod, o mga panlabas na gawa, kundi sa pamamagitan lamang ng pananampalataya at pagsisisi, sa pamamagitan ng pag-iisip, na walang kinalaman sa pisikal. Ngunit, sa pagsasantabi sa mga tradisyon, pamahiin, at mga kredo ng mga tao, titingin tayo sa salita ng Diyos, kung saan matutuklasan natin na ang panlabas na mga gawa, o panlabas na mga ordenansa, sa ilalim ng dispensasyon ng Ebanghelyo, ay hindi maaaring ihiwalay sa panloob na mga gawa, na pananampalataya at pagsisisi. Bilang patunay nito, ilalahad ko ang sumusunod na obserbasyon:—

Sinabi ng Tagapagligtas, “Bakit tinatawag ninyo ako, Panginoon, Panginoon, at di ninyo ginagawa ang mga bagay na aking sinasabi?” [Lucas 6:46.] Muli; sinasabi niya, “Ang bawa’t dumirinig ng aking mga salitang ito at ginaganap, ay matutulad sa isang taong matalino, na itinayo ang kaniyang bahay sa ibabaw ng bato.” [Tingnan sa Mateo 7:24.] At, “Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas.” [Marcos 16:16.] Gayundin sinabi niya, “Maliban na ang tao’y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, ay hindi siya makapapasok sa kaharian ng Dios.” [Juan 3:5.] Hinihiling ng mga kasabihang ito ng ating Tagapagligtas na magsagawa ng panlabas na gawain ang mga tao upang matanggap nila ang kanilang kaligtasan.

Sa araw ng Pentecostes, sinabi ni Pedro sa mga tao sa paligid, “Mangagsisi kayo at mangagbautismuhan ang bawa’t isa sa inyo sa … ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan, at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo.” [Tingnan sa Mga Gawa 2:38.] Sa pahayag na ito ng propeta, nalaman natin na dapat magsagawa ng panlabas na gawain ang mga tao, ang pagbibinyag sa tubig, upang matanggap nila ang kapatawaran ng mga kasalanan, at pagkatapos ay matanggap ang kaloob na Espiritu Santo. Ngunit, bago gawin ang panlabas na gawa, kailangan munang gawin ang panloob na gawa—pananampalataya at pagsisisi. Ang pananampalataya at pagsisisi ay nauuna sa pagbibinyag; at ang pagbibinyag ay nauuna sa kapatawaran ng mga kasalanan at sa pagtanggap ng Espiritu Santo. …

Sinasabi ng ilan na mali ang ibilang ang binyag sa mahahalagang alituntuning inorden ng Diyos, na kailangang gawin upang makamtan ang kapatawaran ng mga kasalanan. Bilang sagot, sinasabi natin na gayon ang ginawa ng Tagapagligtas at ng mga apostol na nauna sa atin; dahil dito, obligasyon nating sundin ang kanilang halimbawa. … Pagbibinyag … ngayon ang nag-aalis sa ating mga kaluluwa ng mga kasalanan at polusyon, sa pamamagitan ng pananampalataya sa dakilang pagbabayad-sala. …

Malinaw na isinasaad na kailangang gawin ang mga panlabas na gawa, gayundin ang pananampalataya at pagsisisi, upang matanggap ang mga pribilehiyong dulot ng Ebanghelyo.4 [Tingnan sa mungkahi 2 sa pahina 62.]

Ang pagbibinyag ay isinasagawa sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig, at ang kaloob na Espiritu Santo ay ipinagkakaloob sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay.

Mapapansin natin na dahil sa ang binyag sa tubig ay bahagi ng Ebanghelyo ni Cristo, tiniyak ng mga lingkod ng Diyos noong unang panahon na naisasagawa ito nang wasto. …

Sandali natin ngayong sisikapin na magkaroon ng wastong pananaw ukol sa paraan ng pagsasagawa ng binyag. Malinaw na iisa lamang ang paraan ng pagsasagawa ng ordenansang ito, at ang paraang iyon ay naipaliwanag ng mga apostol at mahigpit na sinunod sa lahat ng kanilang mga pangangasiwa. Upang magkaroon tayo ng wastong palagay sa paksang ito, kailangang tingnan ang mga kalagayan nang isagawa ang pagbibinyag.

Sinasabi na si Juan [Bautista] ay nagbinyag sa Enon, sapagkat maraming tubig doon [tingnan sa Juan 3:23]; kung pagwiwisik ang paraan, mahirap namang isipin na pupunta pa siya sa Enon, dahil sa maraming tubig sa lugar na iyon, dahil sa kaunting tubig lamang ay maaari nang mawisikan ang buong Judea, na maaari niyang makuha nang hindi na maglalakbay pa papuntang Enon. Sinabi rin sa atin na nagbinyag siya sa Jordan, at na pagkatapos maisagawa ang ordenansa sa ating Tagapagligtas, umahon siya mula sa tubig, na malinaw na nagpapahiwatig na galing siya sa paglusong sa tubig, upang maisagawa ang ordenansa sa wastong paraan [tingnan sa Mateo 3:16]. Muli; binabanggit nito ang bating (o Eunuch), na kasama ni Felipe na lumusong sa tubig, at sila ay umahon sa tubig [tingnan sa Ang Mga Gawa 8:26–38]; ngayon dapat kilalanin ng lahat ng nagsasabing may batayan sila na kung sapat na pala sa pagbibinyag ang pagwiwisik ng kaunting tubig sa noo, ang mga taong iyon ay hindi na sana lumusong pa sa tubig para tanggapin ang ordenansa. Si Pablo, sa pagsulat sa mga banal, ay nagbigay ng malinaw na patotoo na sumusuporta sa paglulubog sa tubig. … Binanggit doon ng apostol na ang mga banal ay nailibing na kasama ni Cristo sa pamamagitan ng binyag [tingnan sa Mga Taga Roma 6:4; Colosas 2:12].

Malinaw na hindi sila maaaring ilibing sa pamamagitan ng binyag kung hindi sila lubusang napaliligiran o nakalubog sa tubig. Ang isang bagay ay hindi masasabing nakabaon kung may nakalitaw na anumang bahagi nito; kaya’t gayundin na ang isang tao ay hindi maililibing sa tubig maliban kung nakalubog ang kanyang buong katawan sa tubig. Ang paliwanag na ito ng apostol ukol sa paraan ng pagbibinyag ay talagang tugma o naaayon sa ibinigay ng ating Tagapagligtas na, Maliban na kayo’y ipanganak ng tubig, atbp. Ang maipanganak ng isang bagay ay nangangahulugan ng pagkalagay sa bagay na iyon; at ang paglitaw, o paglabas mula rito. Ang maipanganak ng tubig, ay mangangahulugan din ng pagkalagay sa loob ng mga tubig at pag-ahon mula rito.

Naniniwala ako na sapat na ang nasabi upang makumbinsi ang bawat makatuwiran at walang kinikilingang isipan na ang paglulubog sa tubig ang paraan ng pagsasagawa ng ordenansa ng binyag noong mga unang araw ng Kristiyanismo, nang ipahayag ang Ebanghelyo sa kadalisayan at kabuuan nito, at dahil dito, tatapusin ko na ang aking mga puna sa puntong ito.

Nalaman natin mula sa ika-6 [na kabanata] ng Mga Hebreo na ang pagpapatong ng mga kamay ay kabilang sa mga alituntunin ng Ebanghelyo. Alam ng lahat na ang ordenansang ito, gayundin ang pagbibinyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan, sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig, ay talagang ipinagwawalang-bahala sa mga simbahang Kristiyano sa panahong ito; dahil dito umaasa ako na ang ilang puna tungkol sa paksang ito ay makatutulong. Mayroon tayong ilang pagkakataon kung saan ipinatong ni Cristo ang kanyang mga kamay sa mga maysakit at pinagaling sila; at sa kanyang utos sa mga apostol, sa huling kabanata ng Marcos, sinabi niyang, Lalakip ang mga tandang ito sa nagsisisampalataya; ipapatong nila ang kanilang mga kamay sa mga maysakit, at sila’y magsisigaling, atbp. Ipinatong ni Ananias ang kanyang mga kamay kay Saulo, na kaagad nakakita o pinanumbalikan ng kanyang paningin pagkatapos maisagawa ang ordenansang ito [tingnan sa Ang Mga Gawa 9:17–18]. Si Pablo, noong masira ang barkong sinakyan niya sa pulo ng Melita, ay ipinatong ang kanyang mga kamay sa ama ni Publio, na pangulo ng pulo, at pinagaling ang kanyang lagnat [tingnan sa Ang Mga Gawa 28:8]. Malinaw na ipinakikita ng ilang pananalitang ito na itinakda ng Diyos ang pagpapatong ng mga kamay bilang [paraan] ng pagtanggap ng mga pagpapala ng langit.

Bagamat ang pagpapagaling ng maysakit ay may kaugnayan sa pagsasagawa ng ordenansang ito, gayunman, kapag pinag-aralan pa nating lalo ang paksa, matutuklasan natin na may mas malaki pang pagpapala na nauugnay sa ordenansang ito. Sinabi sa atin, na sa lungsod ng Samaria, ang kalalakihan at kababaihan ay nangabinyagan ni Felipe, na naging sanhi ng malaking kagalakan sa kanila na nangabinyagan. Malamang na nagalak sila dahil sa pagkatanggap ng kapatawaran ng mga kasalanan, sa pamamagitan ng pananampalataya, pagsisisi, at binyag, at pagtanggap ng bahagi ng Banal na Espiritu ng Diyos, na sadyang sumunod na nangyari sa kanila, pagkatapos makamtan ang kalinisan ng budhi sa pagkakapatawad ng kanilang mga kasalanan. Sa pamamagitan ng bahaging ito ng Banal na Espiritu, na napasakanila, nagsimula nilang makita ang kaharian ng Diyos. Dahil muling magugunita na sinabi ng ating Tagapagligtas na, Maliban na ang tao’y ipanganak na muli, ay hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos; at sa kasunod na talata, sinabi niyang, Hindi siya makakapasok dito, maliban na ipanganak siya nang dalawang beses; una ay ng tubig, pagkatapos ay ng Espiritu [tingnan sa Juan 3:3–5].

Ngayon ang mga taong iyon sa Samaria ay naipanganak ng tubig—natanggap nila ang unang pagsilang, samakatwid, nasa katayuan sila na maaari nilang makita ang kaharian ng Diyos, na makikita nang may mata ng pananampalataya ang maraming pagpapala, pribilehiyo, at mga kaluwalhatian; ngunit dahil hindi pa sila ipinapanganak sa ikalawang pagkakataon, ibig sabihin, ng Espiritu, hindi pa sila nakapasok sa kaharian ng Diyos—hindi pa nila natanggap ang kabuuan ng mga pribilehiyo ng Ebanghelyo. Nang marinig ng mga apostol sa Jerusalem ang tagumpay ni Felipe, pinapunta nila sina Pedro at Juan sa Samaria, sa layon na isagawa ang pagpapatong ng mga kamay. Alinsunod dito, pagdating nila sa Samaria, ipinatong nila ang kanilang mga kamay sa mga taong nabinyagan, at natanggap nila ang Espiritu Santo. [Tingnan sa Ang Mga Gawa 8:5–8, 12, 14–17.]5 [Tingnan sa mungkahi 3 sa pahina 62.]

Ang mga pagpapala ng binyag at kumpirmasyon ay dumarating lamang kapag naisagawa ng wastong awtoridad ang mga ordenansang iyon.

Maliban na [ang mga ordenansa] ay maisagawa ng isang taong talagang isinugo ng Diyos, hindi susunod ang mga pagpapalang iyon. Ang mga apostol at pitumpu ay inorden ni Jesucristo na mangasiwa sa mga ordenansa ng Ebanghelyo, upang sa pamamagitan nito ay matamasa ang mga kaloob at pagpapala ng mga daigdig na walang hanggan. Kaya’t sinabi ni Cristo sa mga apostol, Sinomang inyong patawarin ng mga kasalanan, ay ipinatatawad sa kanila; at sinomang hindi ninyo patawarin ng mga kasalanan, ay hindi pinatatawad [tingnan sa Juan 20:23]: ibig sabihin, bawat taong lumalapit nang may pagpapakumbaba, na taos-pusong nagsisisi ng kanyang mga kasalanan, at tatanggap ng pagbibinyag mula sa mga apostol ay mapapatawad sa kanyang mga kasalanan sa pamamagitan ng nagbabayad-salang dugo ni Jesucristo, at sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ay matatanggap ang Espiritu Santo; ngunit ang mga taong tatangging tumanggap sa kaayusang ito ng mga bagay-bagay mula sa mga apostol ay mananatili sa kanila ang kanilang mga kasalanan. … Ang kapangyarihan at awtoridad na ito ng pangangasiwa ng Ebanghelyo ay ipinagkaloob ng mga apostol sa ibang tao; upang hindi lamang ang mga apostol ang mayhawak ng tungkuling ito na may pananagutan. … Ngayon, hangga’t walang taong mayhawak ng ganitong katungkulan, isang taong may karapatang magbinyag at magpatong ng mga kamay, hindi obligado ang sinuman na tanggapin ang mga ordenansang iyon, ni hindi nila kailangang asahan ang mga pagpapala, maliban kung isinagawa ito ng taong may awtoridad.

… Ang karapatang magsagawa ng mga ordenansa ng Ebanghelyo ay nawala sa loob ng maraming siglo. … Ang simbahang itinatag ng mga apostol ay unti-unting nawala, naligaw sa ilang, at nawalan ng awtoridad, ng priesthood, at dahil nagbago at hindi na ayon sa orden ng Diyos, nawala din ang mga kaloob at biyaya nito; nilabag nito ang mga batas at binago ang mga ordenansa ng Ebanghelyo; ginawang pagwiwisik ang paglulubog sa tubig, at talagang kinaligtaan ang pagpapatong ng mga kamay; kinutya ang propesiya at hindi naniwala sa mga tanda. …

Si Juan, sa kanyang [aklat na] Apocalipsis, na nakakita at nagsalita tungkol sa pagkaligaw ng simbahan tungo sa kadiliman, … ay nagsalita, sa [kabanata 14, talata 6], tungkol sa panunumbalik ng Ebanghelyo. “Nakita ko ang ibang anghel na lumilipad sa gitna ng langit, na may mabuting balita na walang hanggan upang ibalita [ang walang hanggang Ebanghelyo] sa mga nananahan sa lupa;” kaya’t malinaw na matutupad ang propesiyang iyon balang-araw bago ang ikalawang pagdating ng ating Tagapagligtas.

… Ako ngayo’y nagpapatotoo, taglay ang pinakamatibay na katiyakan sa pamamagitan ng paghahayag mula sa Diyos, na ang propesiyang ito ay natupad na, na isang Anghel mula sa Diyos ang dumalaw sa tao sa mga huling araw na ito at ipinanumbalik ang matagal nang nawala, maging ang priesthood,—ang mga susi ng kaharian,—ang kabuuan ng walang hanggang Ebanghelyo.6 [Tingnan sa mungkahi 4 sa pahina 63.]

Kapag tinutupad natin ang tipan sa binyag at hinahangad ang patnubay ng Espiritu Santo, tiyak na susunod ang ipinangakong mga pagpapala.

Ito, kung gayon, ang kaayusan ng Ebanghelyo noong panahon ng mga apostol, paniniwala kay Jesucristo, pagsisisi, pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan, at pagpapatong ng mga kamay para matanggap ang Espiritu Santo. Nang maunawaan at sinunod ang orden na ito, ang kapangyarihan, mga kaloob, pagpapala, at maluwalhating mga pribilehiyo ay kaagad na sumunod; at sa bawat panahon, kapag sinusunod ang mga hakbang na ito at ginagawa sa wastong lugar at kaayusan ng mga ito, tiyak na kasunod ang mga pagpapala ring iyon; ngunit kapag hindi ginawa, ang kabuuan man o bahagi nito, mawawala ang lahat ng mga pagpapalang iyon, o kaya’y malaki ang magiging kabawasan ng mga ito.

Si Cristo, nang tawagin niya ang mga apostol, ay nagsalita tungkol sa ilang kahima-himalang kaloob na natanggap ng mga taong sumunod sa orden o kaayusang ito ng mga bagay [tingnan sa Marcos 16:15–18]. Si Pablo … ay nagbigay ng mas buong salaysay tungkol sa maraming kaloob na hatid ng kaganapan ng Ebanghelyo; binanggit niya ang siyam sa mga ito at sinabihan tayo na ang mga ito ay epekto o bunga ng Espiritu Santo [tingnan sa 1 Corinto 12:8–10]. Ngayon ay ipinangako ang Espiritu Santo sa lahat, maging sa lahat ng tatawagin ng Panginoon [tingnan sa Ang Mga Gawa 2:37–39]. Ang kaloob na ito, na hindi nagbabago sa likas na katangian at gamit nito, at hindi maaaring mahiwalay dahil sa pangakong kaakibat ng huwaran o orden ng mga bagay, ay makatwiran, naaayon, at batay sa Banal na Kasulatan ay dapat lamang asahan ang mga kaloob at pagpapala ring ito. Nariyan si Noe, na pagkatapos maitayo ang Arka ay maaaring makamtan ang kanyang temporal na kaligtasan sang-ayon sa pangako [tingnan sa Moises 7:42–43]. Nariyan si Josue, na matapos palibutan ang Jerico ayon sa binanggit na bilang ay nakaakyat sa bumagsak na mga pader at nabihag ang mga naninirahan doon [tingnan sa Josue 6:12–20]. Ang mga Israelita, matapos ihain ang ipinag-utos na mga alay, ay napatawad sa kanilang mga kasalanan pagkatapos [tingnan sa Levitico 4:22–35]. Si Naaman, matapos sumunod sa utos ni Eliseo na maghugas nang pitong beses sa mga tubig ng Jordan ay nahingi at nakamtan ang kanyang paggaling [tingnan sa II Mga Hari 5:1–14]. Sa huli ay nariyan ang lalaking bulag, na matapos maghugas sa tangke ng Siloe ay nakamtan niya ang ipinangakong gantimpala [tingnan sa Juan 9:1–7]. Dahil dito ay masasabi ko nang may katumpakan at katiyakan na sa tuwing isasantabi ng tao ang kanyang pagkiling, at mga paniniwala ng ibang sekta, at mga maling tradisyon, at aayon sa buong orden o kaayusan ng ebanghelyo ni Jesucristo, walang anumang bagay sa ilalim ng mga mundong selestiyal na makahahadlang sa pag-angkin at pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo at sa lahat ng mga pagpapalang kaugnay ng Ebanghelyo sa panahon ng mga apostol.

Upang makamtan ang relihiyon na magliligtas sa atin sa presensya ng Diyos, kailangan nating makamtan ang Espiritu Santo, at upang makamtan ang Espiritu Santo, kailangan tayong maniwala sa Panginoong Jesus, pagkatapos ay pagsisihan ang ating mga kasalanan, ibig sabihin, talikuran ang mga ito, at sumulong at mailubog sa tubig para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan, at pagkatapos ay matanggap ang pagpapatong ng mga kamay.7

Nang matanggap natin ang Ebanghelyong ito, nakipagtipan tayo sa Diyos na paaakay tayo, na pasasakop tayo, at susundin ang mga mungkahi ng Banal na Espiritu, na susundin natin ang mga mungkahi ng alituntunin na nagbibigay-buhay, na nagbibigay ng kaalaman, na nagbibigay ng pang-unawa sa mga bagay na ukol sa Diyos, na nagpapaalam sa kaisipan ng Diyos; at na magsisikap tayo para maisakatuparan ang mga layunin ng Diyos sa kaligtasan ng sangkatauhan, na ipinamumuhay ang motto na, “Ang Kaharian ng Diyos, o wala.” Kung gaano natin natupad ang mga tipang ito … at nasunod ang mga pahiwatig ng Banal na Espiritu, tayo na mismo ang hahatol. Kung nagawa natin ito, natanggap natin ang mga pagpapala ng Makapangyarihang Diyos, at ang ating isipan ay naliwanagan, lumawak ang ating pang-unawa, at nakasulong tayo sa landas ng kabanalan, sa landas tungo sa pagiging perpekto. … Kung nagkulang tayo sa ating katapatan, … ibig sabihin hindi tayo nagtagumpay sa gawaing sinimulan natin upang makamtan sana ang buhay na walang-hanggan, upang magkaroon ng sapat na karunungan at kaalaman at banal na katalinuhan upang mapaglabanan ang kasamaan at mga tuksong nakapaligid sa atin. At ayon sa pagsunod natin sa mga mungkahi nitong banal na Espiritu, nakadama tayo ng kapayapaan at kagalakan sa ating mga kaluluwa, nadaig natin ang kaaway, nakapag-imbak tayo para sa ating sarili ng mga kayamanan na hindi kinakain ng kalawang, nakasulong tayo sa landas ng kahariang selestiyal.8 [Tingnan sa mungkahi 5 sa kasunod na pahina.]

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda kayong magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–x.

  1. Habang binabasa mo ang mga salaysay sa mga pahina 52–53, isipin ang sarili mong binyag at kumpirmasyon o ang isang pagkakataong nakita mong tinanggap ng isang tao ang mga ordenansang ito. Ano ang ginawa mong mga tipan nang matanggap mo ang mga ordenansang ito? Paano naimpluwensyahan ng mga tipang ito ang iyong buhay?

  2. Bakit hindi sapat ang pananampalataya at pagsisisi kung walang mga ordenansa? Bakit hindi sapat ang mga ordenansa kung walang pananampalataya at pagsisisi? Habang pinag-iisipan mo o tinatalakay ang mga tanong na ito, repasuhin ang mga itinuro ni Pangulong Snow tungkol sa panloob na mga gawa at ng panlabas na mga ordenansa (mga pahina 53–55).

  3. Pag-aralan ang mga turo ni Pangulong Snow sa mga pahina 55–58, na pinapansin ang binanggit niyang mga talata. Sa paanong paraan nadagdagan ng mga talatang ito ang iyong pang-unawa ukol sa pangangailangan ng paglubog sa tubig? Bakit sa palagay mo “mas malaking pagpapala” ang pagpapatong ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo kaysa sa pagpapatong ng mga kamay para basbasan ang maysakit?

  4. Basahin ang bahaging nagsisimula sa pahina Ano ang “mga kaloob at biyaya” na nasa inyong buhay dahil sa naipanumbalik na ang priesthood?

  5. Pag-aralan ang huling dalawang talata ng kabanata. Ano ang ibig sabihin sa iyo ng paakay at pamunuan ng “mga mungkahi ng Banal na Espiritu”?

  6. Paano nauugnay ang Doktrina at mga Tipan 68:25–28 sa mga itinuturo sa kabanatang ito? Ano ang magagawa ng mga magulang upang matulungan ang kanilang mga anak na maunawaan ang pananampalataya, pagsisisi, pagbibinyag, at ang kaloob na Espiritu Santo?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: 2 Nephi 31:12, 17–20; Mosias 18:8–10; Alma 5:14; D at T 20:37; 36:2; 39:6; 130:20–21

Tulong sa Pagtuturo: “[Iwasan] ang tuksong talakayin ang napakaraming materyal. … Nagtuturo tayo ng mga tao, hindi lamang ng paksa; at … bawat balangkas ng lesson na nakita ko na ay tiyak na mas maraming nilalaman kaysa sa maituturo natin sa itinakdang oras” (Jeffrey R. Holland, “Pagtuturo at Pag-aaral sa Simbahan,” Liahona, Hunyo 2007, 59).

Mga Tala

  1. “How He Became a ‘Mormon,’” Juvenile Instructor, Ene. 15, 1887, 22.

  2. “Organization of the Church in Italy,” Millennial Star, Dis. 15, 1850, 373.

  3. The Only Way to Be Saved (polyeto, 1841), 2–3; inalis ang italics sa orihinal; isinunod sa pamantayan ang pagbabantas. Isinulat ni Lorenzo Snow ang polyetong ito walong taon bago siya tinawag na maglingkod bilang Apostol. Isinalin ito kalaunan sa iba pang mga wika, kabilang ang Italian, French, Dutch, Danish, German, Swedish, Bengali, Turkish Armenian, at Turkish Greek. Paulit-ulit itong inilimbag sa nalalabing panahon ng 1800s, noong kanyang ministeryo bilang Apostol.

  4. The Only Way to Be Saved, 3–4, 6; inalis ang italics sa orihinal.

  5. The Only Way to Be Saved, 6–9.

  6. The Only Way to Be Saved, 10–12; inalis ang italics sa orihinal.

  7. The Only Way to Be Saved, 9–10.

  8. Sa Conference Report, Abr. 1880, 79–80.

Ipinakita sa atin ni Jesucristo ang halimbawa nang Siya ay mabinyagan sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig.

Sa araw ng Pentecostes, mga 3,000 tao ang nabinyagan.

Natatanggap natin ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay.