Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 3: Habambuhay na Pagbabago: Patuloy sa Pagsulong sa mga Alituntunin ng Katotohanan


Kabanata 3

Habambuhay na Pagbabago: Patuloy sa Pagsulong sa mga Alituntunin ng Katotohanan

“Ang ating relihiyon ay dapat nakalangkap sa ating sarili, isang bahagi ng ating pagkatao na hindi maaaring alisin.”

Mula sa Buhay ni Lorenzo Snow

Si Lorenzo Snow ay nabinyagan at nakumpirma noong Hunyo 1836. Sa paggunita sa kanyang lumalagong patotoo, sinabi niya kalaunan: “Naniwala ako noon na nasa kanila [mga Banal sa mga Huling Araw] ang tunay na relihiyon, at sumapi ako sa Simbahan. Noong panahong iyon, ang aking pagbabalik-loob ay nababatay lamang sa katwiran.”1 Paggunita niya, “Talagang nasiyahan ako na nagawa ko ang inaakala kong dapat kong gawin sa gayong mga kalagayan.”2 Bagamat pansamantala siyang nakuntento sa ganitong pag-unawa, hindi nagtagal ay hinangad niya ang natatanging pagpapamalas ng Espiritu Santo. Sabi niya, “Wala pa akong nakita o namalas, ngunit umasa akong magkakaroon ako nito.”3

“Ang pagpapamalas na ito ay hindi kaagad sumunod pagkatapos akong mabinyagan, gaya ng inasahan ko,” paggunita niya. “Ngunit, bagamat natagalan bago ito dumating, nang matanggap ko na ito, mas ganap, tunay at kahima-himala ang katuparan nito kaysa sa aking inaasahan. Isang araw, habang nag-aaral ako, mga dalawa o tatlong linggo pagkatapos akong mabinyagan, napag-isip-isip ko ang katotohanan na wala akong alam sa katotohanan ng gawain—na hindi ko natanto ang katuparan ng pangakong: ‘Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo;’ [tingnan sa Juan 7:17] at nagsimula na akong hindi mapalagay.

“Itinabi ko ang aking mga libro, umalis ng bahay at naglakad-lakad sa bukid dama ang kalungkutan at kawalan ng pag-asa, habang tila nababalot ako ng hindi maipaliwanag na mabigat na pakiramdam. Nakasanayan ko na, pagkatapos ng maghapon, na lihim na manalangin sa isang kakahuyan, na hindi kalayuan sa aking tahanan, ngunit sa sandaling ito ay wala akong hangaring gawin ang gayon.

“Lumisan ang diwa ng panalangin, at para bang nagsara ang kalangitan. Sa huli, nang matanto ko na oras na para sa lihim na panalangin, nagpasiya ako na hindi ko tatalikuran ang nakagawian kong pananalangin, at, para maging pormal, lumuhod ako para manalangin, at sa aking nakasanayang lugar, ngunit wala ang dating pakiramdam.

“Hindi ko pa man naibubuka ang mga labi ko para manalangin nang bigla akong may narinig na tunog, sa uluhan ko lamang, na gaya ng lagaslas ng mga batang yari sa seda, at kaagad na bumaba sa akin ang Espiritu ng Diyos, na bumalot sa buo kong pagkatao, na pumuspos sa akin mula sa tuktok ng aking ulo hanggang sa aking talampakan, at napakatindi ng kagalakan at kaligayahang nadama ko! Walang salitang makapaglalarawan sa biglaang pagbabago ng pakiramdam mula sa makapal na ulap ng kadiliman sa isipan at espiritu tungo sa busilak na liwanag at kaalaman, tulad ng ipinagkaloob sa aking pang-unawa sa oras na iyon. Pagkatapos ay nakatanggap ako ng ganap na kaalaman na buhay ang Diyos, na si Jesucristo ang Anak ng Diyos, at na naipanumbalik ang Banal na Priesthood, at ang kabuuan ng ebanghelyo.

“Iyon ay kumpletong binyag—isang pisikal na paglulubog sa makalangit na alituntunin o elemento, ang Espiritu Santo; at mas totoo at pisikal ang mga epekto nito sa bawat bahagi ng aking katawan kaysa paglulubog sa tubig; na habampanahong inaalis, habang nasa wastong kaisipan at may alaala ang isang tao, ang lahat ng posibilidad ng pag-aalinlangan at pangamba sa katotohanang ipinabatid sa atin ng kasaysayan, na ang ‘Sanggol ng Bet-lehem’ ang tunay na Anak ng Diyos; gayundin ang katotohanan na Siya ay inihahayag ngayon sa mga anak ng tao, at nagbibigay ng kaalaman, gaya noong panahon ng mga apostol. Lubos ang aking kasiyahan, gaya ng nararapat kong madama, dahil natupad ang mga inaasahan ko, palagay ko’y masasabi kong walang katapusan ang kasiyahan ko.

“Hindi ko masabi kung gaano katagal ako nanatili sa impluwensya ng labis na kasiyahan at banal na kaliwanagang ito, ngunit mga ilang minuto rin bago dahan-dahang nawala ang selestiyal na damdaming pumuspos at pumalibot sa akin. Sa pagtayo ko mula sa aking pagkakaluhod, habang nag-uumapaw ang aking puso sa malaking pasasalamat sa Diyos na halos hindi ko ito maipaliwanag, nadama ko—alam ko na ipinagkaloob niya sa akin ang bagay na tanging ang Makapangyarihang Nilalang ang maaaring magkaloob—ang bagay na higit na mahalaga kaysa lahat ng kayamanan at papuring maibibigay ng mga daigdig.”4

Si Lorenzo Snow ay nanatiling tapat sa patotoong natanggap niya noong araw na iyon, at nagsikap siyang mabuti upang madagdagan ang kanyang espirituwal na kaalaman at tinulungan ang iba na gawin din ang gayon. “Magmula noon,” sabi niya, “sinikap kong mamuhay sa paraan na hindi mawawala ang Kanyang Banal na Espiritu, bagkus ay patuloy akong magabayan nito, sinisikap na alisin ang aking pagkamakasarili at anumang maling ambisyon, at sinikap na guwawa para sa Kanyang layunin.”5 Sinabi niya, “Hangga’t mayroong alaala at may kawastuhan ng isipan, hindi ko kailanman papayagan na manahimik lamang ang malakas na patotoo at kaalaman na ipinaalam sa akin noon.”6 [Tingnan sa mungkahi 1 sa pahina 74.]

Mga Turo ni Lorenzo Snow

Ang pagkakaroon ng patotoo ay mabuting simulain para sa mga Banal sa mga Huling Araw.

Ang pundasyong pinagsaligan ng ating pananampalataya ay malaki at maluwalhati. Alam ko ito mismo. Bago pa lamang ako noon sa Simbahan nang matagumpay na napasaakin ang pinakaperpektong kaalaman na mayroong Diyos, na mayroong Anak, si Jesucristo, at na kinilala ng Diyos si Joseph Smith bilang Kanyang propeta. Iyon ay kaalaman na hindi maipababatid ng sinumang tao. Dumating ito sa pamamagitan ng paghahayag mula sa Makapangyarihang Diyos. Iyan ay napakabuting panimula para sa isang Banal sa mga Huling Araw, at kahit paano ito ay isang bagay na kakailanganin ng bawat tao na may hangaring sumulong sa landas na ito. Bawat tao ay malalagay sa katayuan na kakailanganin niya ng lakas, at ang lakas na iyon ay magmumula sa kaalaman ng katotohanan na ang landas na kanyang tinatahak ang maghahatid sa kanya sa pinakamataas at pinakamainam niyang mga hangarin.7

Mga kapatid, may mga bagay tayong dapat pag-isipan. Dumating na ang panahon na kailangang malaman ng bawat lalaki at bawat babae sa kanilang sarili ang pundasyon na kanilang kinatatayuan. Dapat magsikap tayong lahat na mas mapalapit sa Panginoon. Kailangang sumulong tayo nang kaunti at magkaroon ng lubos na kaalaman sa mga bagay na dapat higit nating nauunawaan. Ito ay pribilehiyo ng bawat Banal sa mga Huling Araw.8 [Tingnan sa mungkahi 2 sa pahina 75.]

Madaragdagan natin ang ating pananampalataya at espirituwal na kaalaman.

Maaaring dagdagan ng kalalakihan at kababaihan ang kanilang espirituwal na kaalaman; mas mabuti ang kanilang pag-unlad habang nagkakaedad sila.9

Nadarama ko na sumusulong ang mga Banal sa mga Huling Araw; na sila ay nakatatanggap ng edukasyon. Pataas tayo nang pataas. Sumusulong tayo sa mas mataas na katayuan at kalagayan at sa mas mataas na lugar, at tumatanggap tayo ng edukasyon kung kaya’t ang karunungan ng mundo at lahat ng nakakamtan nito at mga maling doktrina at alituntunin, ay walang epekto sa mga Banal sa mga Huling Araw, dahil mas mataas sila kaysa mga teoriya at kuru-kuro ng mga naiimbento ng tao at namamayagpag sa mga bagay ng katotohanan na nag-aangat sa kaisipan, dumadakila sa pang-unawa, at lalo silang tumatatag sa totoong mga alituntunin ng buhay at kaluwalhatian. Puspos sa ganitong mga katotohanan ang ating mga puso at hindi natin masasabi ang araw o ang oras kung kailan nadagdagan ang ating pananampalataya, ngunit nadarama natin, kapag nilingon natin ang nakaraang linggo, buwan, o taon, na nadagdagan ang ating pananalig at kaalaman sa pananampalataya at sa kapangyarihan ng Diyos; alam natin na mas napalapit tayo sa ating Diyos at nadarama nating malapit tayo sa Diyos na ating Ama.10 [Tingnan ang mungkahi 3 sa pahina 75.]

Kung nais nating madagdagan ang ating pananampalataya at espirituwal na kaalaman, kailangan nating dagdagan ang ating pagsisikap.

Bawat tao ay kailangang matutong umasa sa kanyang sariling kaalaman; hindi niya ito maaaring iasa sa kanyang kapwa; kailangang makatayo sa sariling paa ang bawat tao; kailangan siyang lubusang umasa sa kanyang Diyos. Nasa kanya na kung lalampasan niya ang gulo at mapagtatagumpayan ang mga balakid na inilagay sa landas ng buhay upang hadlangan ang kanyang pag-unlad. Ang isang tao ay makakukuha ng impormasyon sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, at malalapit siya sa Diyos at madaragdagan ang kanyang pananampalataya batay sa kanyang sigasig o pagsisikap.11

Imposibleng sumulong sa mga alituntunin ng katotohanan, madagdagan ang makalangit na kaalaman, [maliban kung] gagamitin natin ang ating kakayahang mag-isip at magsisikap nang husto sa mabuting paraan. May isang pagkakataon na nakatala sa Doktrina at mga Tipan tungkol sa hindi pagkaunawa ni Oliver Cowdery, hinggil sa alituntuning ito. Ipinangako ng Panginoon sa kanya ang kaloob na maisaling-wika ang mga sinaunang tala. Tulad ng marami sa atin ngayon, mali ang kanyang mga palagay tungkol sa paggamit sa kaloob. Inakala niya na ang kailangan lamang niyang gawin, yamang ipinangako sa kanya ng Diyos ang kaloob na ito, ay hayaang maghintay ang kanyang isipan nang walang kahirap-hirap, hanggang sa kusa na lamang itong gumana. Ngunit nang ilagay sa kanyang harapan ang mga talaang iyon, walang ibinigay na kaalaman, nanatiling nakapinid ang mga ito, gaya ng dati, sapagkat hindi dumating sa kanya ang kapangyarihang magsaling-wika.

Bagamat ang kaloob na makapagsaling-wika ay naipagkaloob, hindi niya magawa ang gawain, dahil nabigo siyang kumilos sa harapan ng Diyos sa pag-asang mapaunlad ang kaloob na nasa kanya; at labis siyang nasiphayo, at ang Panginoon, sa kanyang kabutihan at biyaya, ay ipinaalam sa kanya ang kanyang pagkakamali, gamit ang kasunod na salita—

“Masdan, hindi mo naunawaan; inakala mo na aking ibibigay ito sa iyo, gayong wala kang inisip maliban sa ito ay itanong sa akin; subalit, masdan, sinasabi ko sa iyo, na kailangan mong pag-aralan ito sa iyong isipan; pagkatapos kailangang itanong mo sa akin kung ito ay tama, at kung ito ay tama aking papapangyarihin na ang iyong dibdib ay mag-alab,” atbp. [Tingnan sa D at T 9.]

Gayundin sa atin, isaalang-alang ang mga bagay na ating ginagawa. Kung umaasa tayong bubuti, na susulong kaagad sa gawaing nasa ating harapan, at sa huli ay makamtan ang mga kaloob at kaluwalhatiang iyon, makarating sa inaasam nating kalagayan ng kadakilaan, kailangan tayong mag-isip at magnilay-nilay, kailangang maging masigasig tayo, at gawin iyan sa abot ng ating makakaya.12

Dapat … mapasaatin mismo ang Espiritu, at huwag masiyahan na lumakad sa liwanag na taglay ng ibang tao; dapat mailakip ang Espiritung ito sa ating espiritu. …

Ang isang taong nagsisimulang mag-aral na tumugtog ng plauta ay nahihirapan sa una na patunugin ang mga nota, at upang matugtog nang wasto ang himig ay kailangan ang malaking pagsisikap at tiyaga. Kailangan niyang magpatuloy, tumigil sandali, bumalik sa una at muling magsimula, ngunit sa paglipas ng panahon ay makakaya niya, sa pamamagitan ng matinding pagpupunyagi, na mahusay na tugtugin ang himig. Kapag hinilingang tugtugin ang himig pagkatapos niyon, hindi na niya kailangan pang tandaan kung saan ilalagay ang mga daliri, dahil kusa na niya itong matutugtog. Hindi iyon natural o likas sa una; kailangan ang matinding tiyaga at pagsisikap, bago niya likas na natugtog ang himig.

Gayundin sa mga bagay na nauukol sa Diyos. Kailangan tayong magsikap nang mabuti at unti-unting matanggap ang bawat biyaya, upang ang batas ng pagkilos ay malangkap sa ating sarili, upang likas o kusa nating magawa ang mga bagay na hinihiling sa atin.13 [Tingnan sa mungkahi 4 sa pahina 75.]

Habang pinag-aaralan nating mabuti ang mga bagay na ukol sa Diyos at nananatiling tapat, ang ating relihiyon ay nagiging bahagi ng ating pagkatao.

May panganib kapag nasisiyahan tayo sa paimbabaw na pagsulong, na pakunwari lamang na sumusulong. Pinag-uusapan natin ang paglakad sa liwanag ng Espiritu at ang pagkadama nito sa ating buhay, ngunit ginagawa ba natin ang mga bagay na ito? Kailangan nating pag-aralan pang mabuti ang mga bagay na ukol sa Diyos, ilatag ang ating pundasyon sa ibabaw ng bato, hanggang sa marating natin ang tubig na magsisilbi sa atin bilang walang katapusang bukal ng buhay na walang hanggan.14

May ilan tayong kasamahan na minsang kinasihang mabuti ng Espiritu ng Makapangyarihang Diyos, na ang mga balakin ay minsang naging kasingbuti at kasing-dalisay ng sa mga anghel, at nakipagtipan noon sa Diyos na maglilingkod sila sa Kanya at susundin ang Kanyang kautusan kahit ano pa ang mangyari. … Ngunit kumusta na ngayon ang ilan sa mga Elder na iyon? Wala na sa kanila ang patotoong iyon. Ang kanilang damdamin ay nakatuon sa mga bagay ng daigdig na itinulot ng Panginoon na mapasakanila, na naghihintay sila ngayon hanggang sa tawagin sila, at sa maraming pagkakataon kapag tinawag sila, higit ang pagsunod nila sa hangarin na mapanatili ang kanilang katayuan at kalagayan, sa halip na buong pusong maglingkod sa katungkulang ibinigay sa kanila.

Ganito ang katayuan ng lahat ng tao, kahit gaano pa kaganda ang kanilang pagsisimula, na hinahayaan ang kanilang isipan at damdamin na sumunod sa agos ng mundo, at ito ay malinaw at hindi mapabubulaanang katibayan na kapag ganito ang situwasyon ng mga tao higit ang pagmamahal nila sa mundo kaysa pagmamahal nila sa Panginoon at sa Kanyang gawain sa lupa. Dahil sa pagtanggap sa liwanag ng walang hanggang Ebanghelyo, at sa pakikibahagi sa mabubuting bagay ng kaharian, at sa pagiging binhi ni Israel at mga tagapagmana sa mga dakila at maluwalhating pangako, dapat tayong gumawa nang buong katapatan at pagsisikap upang maisakatuparan ang nilayon ng Diyos na gawin sa pamamagitan natin. Dapat tayong maging mga lalaki at babae ng pananampalataya at kapangyarihan gayundin ng mabubuting gawa, at kapag natuklasan nating pabaya o may kinikilingan tayo kahit paano, dapat sapat na ito upang ituwid ang ating mga landas at bumalik sa landas ng pagtupad sa tungkulin.15

Wala nang mas hangal na ideya kaysa sa paghuhubad ng isang tao ng kanyang relihiyon na para lang itong balabal o damit. Walang taong maghuhubad ng kanyang relihiyon nang hindi hinuhubad ang kanyang sarili. Ang ating relihiyon ay dapat nakalangkap sa ating sarili, isang bahagi ng ating pagkatao na hindi maaaring alisin. Kung mayroon mang taong maghuhubad ng kanyang relihiyon, sa sandaling gawin niya iyon ay nalalagay siya sa katayuan na wala siyang kaalam-alam, ipinauubaya niya ang kanyang sarili sa mga kapangyarihan ng kadiliman, wala siya sa kanyang sariling teritoryo, wala siyang magagawa roon. Ang ideya na nagmumura, nagsisinungaling at naglalasing ang mga Elder sa Israel ay masyadong alangan sa kanila; hindi sila dapat naiimpluwensyahan ng gayong mga bagay. Alisin natin sa ating sarili ang bawat kasamaan at mamuhay ayon sa bawat salitang nagmumula sa bibig ng Diyos [tingnan sa D at T 98:11]. Gampanan natin ang bawat tungkuling inatas sa atin taglay ang pangarap at lakas upang mapasaatin ang diwa o espiritu ng ating Diyos, upang patuloy na mapasaatin ang liwanag ng katotohanan at mga paghahayag ni Jesucristo.16

Manatili sa barko ng Sion. Kung magpunta man sa gilid ang mga bangka, na naggagandahan ang mga kulay at may napakagagandang pangako, huwag lisanin ang barko para magpunta sa pampang sakay ng ibang bangka; sa halip ay manatili sa barko. Kung nasasaktan man kayong mabuti ng sinumang nakalulan sa barko, na hindi nagtataglay ng tamang diwa, tandaan na ang barko mismo ay tama. Hindi natin dapat hayaang magkaroon ng galit sa ating isipan dahil sa maaaring gawin sa atin ng mga taong lulan ng barko; ayos ang barko, at ayos din ang mga opisyal nito, at magiging maayos din ang kalagayan natin kung mananatili tayo sa barko. Tinitiyak ko sa inyo na dadalhin kayo nito sa lupain ng kaluwalhatian.17

May [ilalahad] akong halimbawa tungkol sa pagkakaroon ng gayong diwa sa ating sarili, at sa pagiging lubos na tapat upang kapag nariyan na ang mga tukso at pagsubok ay hindi tayo maligaw ng landas. Maglagay ng isang pipino sa isang bariles ng suka at kaunti lang ang epektong dulot nito sa unang oras, at sa unang 12 oras. Suriin ninyo ito at makikita ninyo na sa balat lamang ang epekto nito, dahil kailangan ng mas mahabang panahon para gawin itong pickle o atsara. Ang pagkabinyag ng isang tao sa simbahang ito ay may epekto sa kanya, ngunit hindi ang epekto na magiging atsara siya kaagad. Hindi nito maipauunawa sa kanya ang batas ng karapatan at ng tungkulin sa unang 12 o 24 na oras; dapat siyang manatili sa simbahan, tulad ng pipino na nakababad sa suka, hanggang sa mapuno siya ng tamang diwa o espiritu, hanggang sa maging atsara siya sa ‘Mormonismo,’ sa batas ng Diyos; dapat malangkap sa ating sarili ang mga bagay na iyon.

… Mga kapatid, iniiwan ko … ang paksa para suriin ninyong mabuti, isaalang-alang at pagnilayin, dumadalangin sa Panginoong Diyos ng ating mga ninuno na ibuhos ang Kanyang Espiritu sa Kanyang mga tao. Kayo ang mga pinili ng Panginoon na lumuwalhati sa Kanya sa Kanyang harapan, at nawa’y pagpalain kayo ng Panginoon at puspusin kayo ng Kanyang Espiritu, at nawa’y maging malinaw ang inyong paningin upang mahiwatigan ang mga bagay na may kinalaman sa inyong kaligtasan. At kung mayroon mang lalaki o babae na medyo hindi pa gising, nawa’y dumating agad ang panahon na mapasakanila ang Espiritu at ang kapangyarihan ng Espiritu Santo, upang maituro nito sa kanila ang mga bagay ng nakalipas, ng kasalukuyan, at ng hinaharap, at sa tulong ng Panginoon ay maitanim ang kabutihan at ang alituntunin ng katotohanan sa kanilang mga sarili, upang maging handa sila sa paparating na mga unos.18 [Tingnan sa mungkahi 5 sa pahina 75.]

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda kayong magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–x.

  1. Repasuhin ang karanasan ni Lorenzo Snow na nakatala sa mga pahina 65–68. Paano naging tunay ang iyong patotoo? Isiping ibahagi ang inyong karanasan sa isang miyembro ng pamilya o sa isang kaibigan, gaya ng isang pinaglilingkuran mo bilang home teacher o visiting teacher.

  2. Sinabi ni Pangulong Snow na ang pagkakaroon ng patotoo ay “napakagandang simulain para sa isang Banal sa mga Huling Araw” (pahina ). Bakit simula lamang ang isang patotoo—hindi ang huling patutunguhan?

  3. Sa bahaging nagsisimula sa ibaba ng pahina , inihambing ni Pangulong Snow ang edukasyon ng mundo sa “mas mataas” na edukasyong iniaalok ng Panginoon. Paano natin sisikaping makamit ang “mas mataas na edukasyong” ito? Ano ang mga pagpapalang dumating sa inyo sa paggawa nito?

  4. Basahin ang bahaging nagsisimula sa pahina . Kailan mo kinailangang “umasa sa [iyong] sariling kaalaman”? Ano ang maaaring gawin ng mga magulang at mga guro para matulungan ang mga bata at kabataan na umasa sa kanilang sariling kaalaman?

  5. Repasuhin ang payo ni Pangulong Snow sa huling bahagi ng kabanata (mga pahina 72–74). Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng “pag-aralang mabuti ang mga bagay ukol sa Diyos”? Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng “ilangkap sa ating sarili” ang ating relihiyon?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: 2 Nephi 31:20; Mosias 5:1–4, 15; Alma 12:9–10; 3 Nephi 9:20; Moroni 10:5; D at T 50:24

Tulong sa Pagtuturo: “Ang ilang pagtuturong ginagawa sa Simbahan ay masusi, ito ay parang lektyur. Hindi tayo gaanong tumutugon sa mga lektyur sa mga silid-aralan. Nauunawaan natin ito sa sacrament meeting at mga kumperensya, ngunit maaaring pagpapalitan ng mga ideya ang pagtuturo upang maaari kayong magtanong. Madali kayong makapagtatanong kapag nasa klase” (Boyd K. Packer, “Mga Alituntunin ng Pagtuturo at Pag-aaral,” Liahona, Hunyo 2007, 87).

Mga Tala

  1. Sa Frank G. Carpenter, “A Chat with President Snow,” sinipi sa Deseret Semi-Weekly News, Ene. 5, 1900, 12.

  2. “The Grand Destiny of Man,” Deseret Evening News, Hulyo 20, 1901, 22.

  3. Sa “A Chat with President Snow,” 12.

  4. Juvenile Instructor, Ene. 15, 1887, 22–23.

  5. “The Object of This Probation,” Deseret Semi-Weekly News, Mayo 4, 1894, 7.

  6. Millennial Star, Abr. 18, 1887, 242.

  7. “Glory Awaiting the Saints,” Deseret Semi-Weekly News, Okt. 30, 1894, 1.

  8. Millennial Star, Abr. 18, 1887, 244.

  9. Deseret News: Semi-Weekly, Mar. 31, 1868, 2.

  10. Salt Lake Daily Herald, Okt. 11, 1887, 2.

  11. Deseret Evening News, Abr. 11, 1888, 200; mula sa detalyadong pakahulugan ng isang diskursong ibinigay ni Lorenzo Snow sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 1888.

  12. Deseret News, Hunyo 13, 1877, 290.

  13. Deseret News, Ene. 28, 1857, 371.

  14. Deseret News, Ene. 28, 1857, 371.

  15. Deseret News: Semi-Weekly, Ago. 15, 1882, 1.

  16. Deseret News: Semi-Weekly, Mar. 31, 1868, 2.

  17. Deseret Semi-Weekly News, Mar. 30, 1897, 1.

  18. Deseret News, Ene. 28, 1857, 371.

“Kailangan nating pag-aralan pang mabuti ang mga bagay na ukol sa Diyos, ilatag ang ating pundasyon sa ibabaw ng bato, hanggang sa marating natin ang tubig na magsisilbi sa atin bilang walang katapusang bukal ng buhay na walang hanggan.”

Kaagad pagkatapos mabinyagan at makumpirma, natanggap ni Lorenzo Snow ang payapa at nakapagpapabago ng buhay na pagpapamalas ng Espiritu Santo.

“Maaaring dagdagan ng kalalakihan at kababaihan ang kanilang espirituwal na kaalaman; mas mabuti ang kanilang pag-unlad habang nagkakaedad sila.”