Kabanata 20
Sumusulong ang Kaharian ng Diyos
“Responsibilidad ng mga taong nagsasabing ginagawa nila ang gawain ng [Diyos] na magpatuloy, na sumulong. … Hangga’t may gagawin, dapat gawin iyon.”
Mula sa Buhay ni Lorenzo Snow
Noong 1844, habang gumaganap sa isang tungkulin sa silangang Estados Unidos, nalaman ni Lorenzo Snow na pinaslang si Propetang Joseph Smith at ang kapatid nitong si Hyrum. Sabi niya: “Ang malungkot na balitang ito, mangyari pa, ay talagang hindi inaasahan, at labis akong nabigla at nagdalamhati, na hindi mailalarawan ng mga salita.” Sa pagsunod sa mga bilin ng Korum ng Labindalawang Apostol, naghanda siyang umuwi sa kanyang tahanan sa Nauvoo, Illinois.1
Kalaunan ay ginunita niya: “Inisip ng ilan noong panahon ni Joseph na hindi uunlad ang Simbahang ito kung hindi si Joseph ang gagabay dito, at nang dumating ang panahon na pumanaw na siya sa mundong ito bilang martir tungo sa mundo ng mga espiritu, lubhang nabalisa ang mga Banal sa buong kaharian ng Diyos. Iyon ay isang bagay na hindi inaasahan. Hindi nila alam kung paano magpapatuloy ang mga bagay-bagay pagkatapos niyon. Sa gayon ay napasa-Korum ng Labindalawang Apostol ang responsibilidad [na pamunuan ang Simbahan]; at sa pamamagitan ng mga pagpapala ng Diyos sa kanila at sa inspirasyong namayani sa kanilang puso, at sa patnubay ng Makapangyarihang Diyos, umunlad ang kaharian.”2
Ang ikalawang Pangulo ng Simbahan, si Brigham Young, ay namatay noong 1877, matapos pamunuan ang Simbahan sa loob ng 33 taon. Muling nasaksihan ni Elder Lorenzo Snow, na noon ay miyembro ng Korum ng Labindalawa, ang pagbabago sa pamunuan ng Simbahan sa lupa. Kalaunan ay sinabi niya na si Pangulong Young ay “pumanaw nang halos hindi inaasahan. Hindi gaanong handa ang mga Banal para doon. Subalit sumulong pa rin ang kaharian ng Diyos.”3
Nang mamatay si John Taylor, ang ikatlong Pangulo ng Simbahan, noong 1887, pinanatag ni Elder Snow ang mga Banal, “Niloob ng Panginoon na tawagin na ang ating pinakamamahal na kapatid na si Pangulong Taylor, na ilayo sa mundong ito na puno ng pagdurusa, pagpaslang; at sumusulong pa rin ang Simbahan.”4
Noong 1898, mga 11 taon matapos mapanatag ni Lorenzo Snow ang mga Banal sa libing ni Pangulong Taylor, nadama rin niya na kailangan niya ang gayong kapanatagan. Naglilingkod siya noon bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawa. Naglilingkod noon si Pangulong Wilford Woodruff bilang Pangulo ng Simbahan, at mahina na ang kanyang katawan. Alam ni Pangulong Snow na ayon sa paraang itinatag sa paghalili sa pangulo ng Simbahan, siya ang mangungulo sa Simbahan kung mauunang pumanaw si Pangulong Woodruff kaysa sa kanya. Isang gabi nabigatan siyang lalo sa posibilidad na mangyari ito. Nadaramang hindi niya kayang pamunuan ang Simbahan, pumasok siyang mag-isa sa isang silid sa Salt Lake Temple upang manalangin. Hiniling niya sa Diyos na huwag munang kunin si Pangulong Woodruff, ngunit ipinangako rin niya na gagampanan niya ang anumang tungkuling ibigay sa kanya ng Diyos.
Namatay si Pangulong Woodruff noong Setyembre 2, 1898, hindi pa katagalan matapos manalangin nang taimtim si Pangulong Snow sa templo. Si Pangulong Snow ay nasa Brigham City, mga 60 milya (100 kilometro) sa hilaga ng Salt Lake City, nang matanggap niya ang balita. Siniguro niyang makasakay ng tren patungong Salt Lake City noong gabi ring iyon. Pagdating niya roon, muli siyang pumasok sa isang pribadong silid sa templo upang manalangin. Inamin niya ang kanyang kakulangan ngunit ipinahayag niya ang kanyang kahandaang sundin ang kalooban ng Panginoon. Humiling siya ng patnubay at naghintay ng sagot, ngunit hindi ito dumating. Kaya’t lumabas na siya ng silid.
Pagpasok sa maluwang na pasilyo, natanggap niya ang sagot—at ang kapanatagan—na hiniling niya. Nakatayo sa kanyang harapan ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas, na nagsabi sa kanya kung ano ang kailangan niyang gawin. Kalaunan ay ikinuwento ni Pangulong Snow sa kanyang apong si Alice Pond ang karanasang ito. Itinala ni Alice ang pag-uusap nila ng kanyang lolo sa Salt Lake Temple:
“Sa maluwang na pasilyo patungo sa silid-selestiyal, nauuna ako ng ilang hakbang kay lolo nang patigilin niya ako at sinabing: ‘Sandali, Allie, may sasabihin ako sa iyo. Dito mismo nagpakita sa akin ang Panginoong Jesucristo noong mamatay si Pangulong Woodruff. Pinagbilinan Niya ako na muling iorganisa kaagad ang Unang Panguluhan ng Simbahan at huwag nang maghintay pa tulad ng ginagawa noon pagkamatay ng dating mga pangulo, at na ako ang papalit kay Pangulong Woodruff.’
“Pagkatapos ay lumapit nang isang hakbang ang lolo ko at iniunat ang kanyang kaliwang kamay at sinabi: ‘Dito Siya mismo nakatayo, mga tatlong talampakan ang taas mula sa sahig. Mukhang nakatayo Siya sa isang tuntungang yari sa solidong ginto.’
“Sinabi sa akin ni Lolo kung gaano kaluwalhating personahe ang Tagapagligtas at inilarawan ang Kanyang mga kamay, paa, mukha at maganda at puting kasuotan, na lahat ay napakaputi at napakakinang ng kaluwalhatian na hindi niya Siya halos matingnan.
“Pagkatapos ay lumapit ng isa pang hakbang [si Lolo] at inilagay ang kanyang kanang kamay sa ulo ko at sinabi: ‘Ngayon, apo, gusto kong alalahanin mo na ito ang patotoo ng lolo mo, na sinabi niya sa iyo mula mismo sa sarili niyang mga labi na talagang nakita niya ang Tagapagligtas, dito sa Templo, at nakipag-usap sa Kanya nang harapan.’”5
Ang pakikipag-usap ni Pangulong Snow sa Tagapagligtas ay isang sagradong katibayan ng isang katotohanan na maraming taon na niyang alam—na si Jesucristo ang pinuno ng Simbahan. Nabigyang-inspirasyon ng katotohanang ito, madalas patotohanan ni Pangulong Snow na ang Simbahan ay patuloy na uunlad sa kabila ng oposisyon. Ipinahayag niya ang kanyang pasasalamat sa pribilehiyong makibahagi sa pagsusulong ng gawain ng Panginoon sa mga huling araw. Sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1898, kung saan sinang-ayunan siya bilang Pangulo ng Simbahan, sinabi niya: “Pagpasiyahan natin sa ating puso, patotohanan natin sa Panginoon sa ating kalooban, na magiging mas mabubuti tayong tao, mas nagkakaisa sa susunod nating Kumperensya kaysa ngayon. Ito dapat ang maging damdamin at determinasyon ng bawat lalaki at babaeng nasa dakilang pagtitipong ito. Nadarama ko sa puso ko na sisikapin kong maging mas tapat kaysa rati sa kapakanan ng kaharian ng Diyos at sa pagsasakatuparan ng Kanyang mga layunin.”6 [Tingnan sa mungkahi 1 sa pahina .]
Mga Turo ni Lorenzo Snow
Para maisakatuparan ang propesiya, ipinanumbalik ng Panginoon ang Kanyang Simbahan sa lupa.
Bilang lingkod ng Diyos pinatototohanan ko na inihayag Niya ang Kanyang kalooban dito sa ikalabing-siyam na siglo. Ipinarating ito ng Kanyang sariling tinig mula sa kalangitan, sa personal na pagpapakita ng Kanyang Anak at sa paglilingkod ng mga banal na anghel. Inuutusan Niya ang lahat ng tao sa lahat ng dako na magsisi, talikuran ang kanilang kasamaan at masasamang hangarin, magpabinyag para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan, upang matanggap nila ang Espiritu Santo at makasama Niya. Sinimulan na Niya ang gawain ng pagtubos na binanggit ng lahat ng mga banal na propeta, matatalinong tao at mga tagakita sa lahat ng panahon at sa lahat ng lahi ng tao.7
Hindi sinasabi ng Mormonismo, ang bansag sa tunay na relihiyon ng mga Banal sa mga Huling Araw, na bago ito, maliban sa henerasyong ito. Ipinapahayag nito na ito ang orihinal na plano ng kaligtasan, na itinatag sa kalangitan bago pa nilikha ang mundo, at inihayag ito ng Diyos sa tao sa iba’t ibang panahon. Na ito ang relihiyon noon nina Adan, Enoc, Noe, Abraham, Moises, at iba pang sinaunang mga tao na karapat-dapat, sa magkakasunod na dispensasyon, na pinaniniwalaan natin bilang isang lahi. … Mormonismo, sa madaling salita, ang sinaunang pananampalatayang Kristiyano na ipinanumbalik, ang sinaunang Ebanghelyo na muling ibinalik—sa pagkakataong ito upang simulan ang huling dispensasyon, pasimulan ang Milenyo, at tapusin ang gawain ng pagtubos na may kaugnayan sa planetang ito.8
Nakikita natin ang kamay ng Makapangyarihang Diyos na itinatatag ang kahariang binanggit noong araw ni Daniel na Propeta,—isang kahariang lalago at lalaganap hanggang sa mapuno nito ang buong daigdig [tingnan sa Daniel 2:44], kung kailan ang liwanag at katalinuhan ay malawak na lalaganap na hindi na kailangang sabihin ninuman sa kanyang kapwa na, “Iyong kilalanin ang Panginoon; sapagka’t makikilala nilang lahat [siya], mula sa kaliitliitan sa kanila hanggang sa kadakidakilaan sa kanila;” [tingnan sa Jeremias 31:34] at kung kailan ang Espiritu ng Panginoon ay ibubuhos sa lahat ng tao kaya makakapagpropesiya ang kanilang mga anak na lalaki at babae, mananaginip ang kanilang matatandang lalaki, makakakita ng mga pangitain ang kanilang mga kabataang lalaki [tingnan sa Joel 2:28], at kung kailan walang mananakit o makakapanira sa buong banal na bundok ng Panginoon [tingnan sa Isaias 11:9].9 [Tingnan sa mungkahi 2 sa pahina 278.]
Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay itinayo sa tunay na saligan, at patuloy itong susulong sa kabila ng oposisyon.
Mga kapatid, itinatag ng Diyos ang Kanyang Simbahan at Kaharian sa lupa para sa kapakanan at pagpapala ng mag-anak ng tao, upang gabayan sila sa landas ng katotohanan, ihanda sila para sa kadakilaan sa Kanyang presensya at para sa Kanyang maluwalhating pagparito at sa kaharian sa lupa. Ang Kanyang mga layunin ay maisasakatuparan sa kabila ng lahat ng oposisyon na maaaring iharap laban sa kanila ng masasamang tao at ng mga kapangyarihan ng kadiliman. Lahat ng hadlang sa gawaing ito ay aalisin. Walang makatatalo sa Kanyang kapangyarihan, kundi lahat ng Kanyang iutos ay lubos at ganap na maisasakatuparan. Ang pag-ibig ng Diyos para sa Kanyang mga tao ay magpapatuloy at mananatili at magtatagumpay sila sa Kanyang lakas.10
Tingnan natin kung may makawasak sa kahariang ito! … Aba, mabuti pang sungkitin ninyo ang mga bituin sa langit o ang buwan o araw mula sa kinaroroonan nito! Hinding-hindi ito magagawa, dahil gawain ito ng Makapangyarihang Diyos.11
Ang kaharian ng Diyos ay kumikilos nang may puwersa at kapangyarihan, at may maringal at maluwalhating tagumpay.12
Ang gawaing ito ay nakatayo sa tunay na saligan, na nakatayo sa malaking bato. … May maligaw man ng landas at mawalan ng pananampalataya, magpapatuloy pa rin ang Simbahan.13
Tatayo ang Simbahan, dahil matatag ang saligan nito. Hindi ito nagmula sa tao; hindi ito nagmula sa pag-aaral ng Bagong Tipan o ng Lumang tipan; hindi ito resulta ng pag-aaral na natanggap natin sa mga kolehiyo o seminaryo, kundi tuwiran itong nagmula sa Panginoon. Ipinakita ito sa atin ng Panginoon sa pamamagitan ng paghahayag ng alituntunin ng Banal na Espiritu ng katotohanan at bawat tao ay maaaring tanggapin ang espiritung ito.
… Binibigyan Niya tayo ng kaalaman sa dapat nating gawin hangga’t handa tayong isakripisyo ang ating buhay sa halip na salungatin ang kaalamang iyan. Binubuksan Niya sa atin ang mga lihim ng kahariang selestiyal, at palagi niyang ipinahahayag sa atin ang mga bagay na dati-rati ay hindi natin alam. Ang kaalaman at katalinuhang ito ay patuloy na lumalago sa atin.
… Napakarami na nating alam para mapigilan pa tayo sa ating mga layunin. Ang mga taong naghahangad na usigin at ibagsak ang Mormonismo, hayaan ninyo silang gawin ito. … Ang tungkulin natin ay umunlad sa kaalaman ng Diyos, sundin ang mga utos ng Diyos, maging tapat at patuloy na lumago at lalong higit na maging perpekto habang tumatanda tayo.14 [Tingnan sa mungkahi 3 sa pahina 278.]
Tayo ay mga tao ng Diyos, at poprotektahan Niya tayo habang sumusulong tayo at ginagawa ang lahat ng iniuutos Niya.
Sa maraming pagkakataon … kung saan tila hindi maiwasang mapuksa ang mga tao ng Diyos, at walang paraan para makatakas … biglang may mangyayari o may inihanda para sa kanilang kaligtasan para hindi sila mapuksa. Nakita natin ito sa mga Israelita nang pamunuan sila ni Moises. Pagdating nila sa Dagat na Pula, at napipinto silang mapuksa ng mga sundalong Egipcio mula sa kanilang likuran, tila hindi na sila makakatakas, ngunit sa mismong sandali na kailangan silang iligtas, masdan, nagkaroon ng paraan at nakaligtas sila [tingnan sa Exodo 14:10–25].
Gayon nga ang nangyari at gayon din ang mangyayari sa atin. Napakatindi man ng ating mga paghihirap, magkakaroon din ng paraan para tayo makatakas kung gagampanan natin ang mga tungkuling ibinigay sa atin bilang mga anak ng Diyos. Ngunit maaaring kailanganin sa hinaharap—at ito ang nais kong sabihin—na ilan sa mga Banal ay tularan si Esther, ang reyna, at maging handang isakripisyo ang lahat-lahat ng hinihingi sa kanilang mga kamay sa layuning mailigtas ang mga Banal sa mga Huling Araw.
Una dapat nating malaman na tayo ay mga tao ng Diyos. … Responsibilidad nating kumilos katulad ng ginawa ni Esther, at maging handang isuko ang lahat para sa kaligtasan ng mga tao. Nang tanggapin niya ang kanyang tungkulin, sinabi ni Esther, “Kung ako’y mamatay ay mamatay.” [Tingnan sa Esther 4:3–16.] … Ngunit hindi mamamatay ang mga tao ng Diyos. Laging magkakaroon ng isang korderong mahuhuli sa kadawagan para sila maligtas [tingnan sa Genesis 22:13]. …
… Sabi ng Panginoon, “Aking napagpasiyahan sa aking puso, na akin kayong susubukin sa lahat ng bagay, kung kayo ay mananatiling tapat sa aking tipan, maging hanggang sa kamatayan, nang kayo ay matagpuang karapat-dapat. Sapagkat kung kayo ay hindi mananatili sa aking tipan kayo ay hindi karapat-dapat sa akin.” [Tingnan sa D at T 98:14–15.] May dahilan tayo para mabuhay; ngunit mas marami tayong dahilan para ibigay ang ating buhay para sa Panginoon. Ngunit walang kamatayan sa mga bagay na ito. May kaligtasan at may buhay kung ang mga tao ng Diyos—yaong mga nagtataglay ng pangalan ng Panginoong Jesucristo—ay susundin ang Kanyang mga utos at gagawin ang katanggap-tanggap sa Kanyang paningin. Wala sa plano ng Makapangyarihanng Diyos na tulutang mapuksa ang Kanyang mga tao. Kung gagawin natin ang tama at susundin ang Kanyang mga utos tiyak na ililigtas Niya tayo sa lahat ng paghihirap.15 [Tingnan sa mungkahi 4 sa pahina 278.]
Oras na para tayo magpakumbaba sa harapan ng Diyos at isakatuparan ang gawaing ipinagkatiwala Niya sa atin.
Responsibilidad ng mga taong nagsasabi na ginagawa nila ang Kanyang gawain na magpatuloy, na sumulong, … nang hindi nagrereklamo o napipilitan; hangga’t mayroong gagawin, dapat gawin iyon.16
Panahon na para magpakumbaba ang mga Banal sa mga Huling Araw sa harapan ng Makapangyarihang Diyos. … Panahon na para malaman ng mga Banal sa mga Huling Araw ang ipinangako nilang gagawin; panahon na para pagsisihan ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kanilang mga kasalanan at kahangalan at manawagan sa Makapangyarihang Diyos, nang matanggap nila ang Kanyang tulong; … upang tayo ay makasulong at maisagawa natin ang dakilang gawaing ipinagkatiwala sa atin.17
Ginagawa natin ang gawain ng Diyos. Maluwalhati ang mga posibilidad na naghihintay sa atin, ngunit matuwa tayo, sa bawat gawa ng ating mga kamay, na tayo ay mga lingkod ng Diyos at ginagawa natin ang Kanyang kalooban. Huwag nating hayaang masira ang ating integridad, kundi patuloy na pag-ibayuhin ang ating pananampalataya habang nabubuhay tayo. Masisiyahan akong kumilos kung saan ako inilagay ng Diyos, at tatanungin ko sa Panginoon kung ano ang magagawa ko para makatulong sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos sa lugar na iyon, at hihilingin kong tulungan akong mailaan ang mga pangangailangan ng aking pamilya.18
Maaaring maragdagan ang ating kaalaman at lakas, at ang ating kakayahang itayo ang kaharian ng Diyos sa lupa, at mangyayari iyan kung tayo ay magsusumigasig at magpapakumbaba at magiging tapat sa mga tipang ginawa natin.19
Maaaring dahil hindi natin alam ay hindi natin lubos na nauunawaan ang mga pamamaraan ng Panginoon at ang Kanyang mga layunin, na sa pagsasakatuparan natin ng plano ng Panginoon, kung minsan ay tumitigil tayo sandali, ngunit ang totoo ay, wala naman ito sa plano, at hindi maaaring magkaroon nito, habang patuloy ang mga tao sa kanilang mga gawain at nagtitiwala sa mga pangako ng Diyos. …
… Maging tapat at magpakasigasig ang bawat tao sa pagsunod sa mga utos ng Diyos, at hangaring gumawa ng mabuti sa mga nasa paligid niya; at kung, sa paggunita sa nakaraan, malaman natin na hindi natin lubos na nasunod ang mga dikta ng ating konsiyensya at tungkulin, ayusin natin ang ating buhay sa harapan ng Diyos at ng tao, upang maging handa tayo sa anumang maaaring mangyari. Ipagpatuloy ang pagtatayo ng mga templo at bahay-sambahan; patuloy [nating] turuan ang [ating] mga anak at palakihin sila na may takot sa Panginoon, at hayaang mapalaganap ang Ebanghelyo sa malalayong bansa. …
Ito ang gawain ng Diyos, at pinapatnubayan Niya ang tinatahak at pag-unlad nito sa lupa, at ang gawaing ito ay dapat manguna palagi sa ating isipan; at habang ginagawa natin ang ating tungkulin tiyak na mananatili tayong matatag at di-natitinag at determinado sa ating layunin, at sa gayon ay maipapakita natin sa mundo ang ating pananampalataya at katapatan sa mga alituntunin ng katotohanang inihayag ng Diyos. …
Maaaring bigyan tayo ng Panginoon ng mabigat na pasanin, na mangangailangan ng malaking sakripisyo mula sa mga kamay ng kanyang mga tao. Ang tanong ay, gagawin ba natin ang sakripisyong iyon? Ang gawaing ito ay gawain ng Makapangyarihang Diyos at ang mga pagpapalang inaasam natin na ipinangako ay darating matapos nating mapatunayan ang ating sarili at malagpasan ang pagsubok. Hindi ko sinasabi sa mga taong ito na mayroon, o wala, silang mahirap na pagsubok na pagdaraanan; ang tanong ay, handa ba akong tanggapin at gamitin nang wasto ang anumang pagpapalang inilaan ng Panginoon para sa akin at sa Kanyang mga tao; o, sa kabilang banda, handa ba akong gawin ang anumang sakripisyong ipagagawa Niya sa akin? Hindi ko ibibigay ang mga abo ng tangkay ng palay para sa anumang relihiyon na hindi nararapat ipamuhay at alayan ng buhay; at hindi ko tutulungan ang taong hindi handang isakripisyo ang lahat alang-alang sa kanyang relihiyon.
[Sinasabi] ko sa lahat, Magpatuloy! magpatuloy, at saksihan ang pagliligtas ng Panginoon, at huwag tumayo lamang.20 [Tingnan sa mungkahi 5 sa pahina 278.]
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Pag-isipan ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda kayong magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–x.
-
Repasuhin ang mga salaysay sa mga pahina 267–270 Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng ang kaharian ng Diyos ay sumusulong? Anong mga karanasan ang nakatulong sa inyo na masaksihan ang pagsulong ng kaharian ng Diyos?
-
Sa unang talata sa pahina 273, tinukoy ni Pangulong Snow ang apat na propesiya sa Lumang Tipan. Sa anong mga paraan natutupad ang mga propesiyang ito ngayon?
-
Pag-aralan ang mga turo ni Pangulong Snow tungkol sa pagsulong ng Simbahan sa kabila ng oposisyon (mga pahina 273–274). Paano maaaring makatulong sa atin ang mga turong ito kapag inuusig tayo ng mga tao dahil sa ating pananampalataya? Paano ninyo hinarap ang oposisyon sa inyong patotoo?
-
Suriin ang una at ikalawang talata sa pahina 275. Kapag pinagawa tayo ng mga sakripisyo, ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Esther? Sa palagay ninyo, sa ganitong mga sitwasyon, paano makatutulong sa atin ang “malaman na tayo ay mga tao ng Diyos”?
-
Sa huling bahagi ng kabanata, pinayuhan ni Pangulong Snow ang mga miyembro na itayo ang kaharian ng Diyos saanman sila inilagay ng Panginoon. Sa anong mga paraan nakatutulong ang mga pagsisikap ng mga magulang sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos sa buong daigdig? Paano maitatayo ng mga home teacher at visiting teacher ang kaharian ng Diyos?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Mateo 24:14; Eter 12:27; Moroni 7:33; D at T 12:7–9; 65:1–6; 128:19–23