Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 19: Gawaing Misyonero: ‘Maantig ang Puso ng Bawat Tao’


Kabanata 19

Gawaing Misyonero: “Maantig ang Puso ng Bawat Tao”

“May paraan para maantig ang puso ng bawat tao, at tungkulin ninyong humanap ng paraan para maantig ang puso ng mga taong pinaglilingkuran ninyo.”

Mula sa Buhay ni Lorenzo Snow

Si Lorenzo Snow ay bininyagan sa Kirtland, Ohio, kung saan siya nag-aral ng Hebreo sa isang klase kasama si Propetang Joseph Smith at iba pang mga pinuno ng Simbahan. Umasa siyang balang-araw ay makapag-aral siya ng “classical education” sa isang kolehiyo sa silangang Estados Unidos.1 Ngunit nang pagsikapan niyang gawin ito, nadama niya na parang may humihila sa kanya sa isa pang layunin. Kalaunan ay ginunita niya:

“Tinanggap ko [ang mga katotohanan ng ebanghelyo] nang bukal sa puso, at determinado akong huwag tumigil doon. … Medyo nag-alala ako kung nararapat bang manatili ako, matapos matanggap ang napakagandang kaalamang ito, nang hindi nagpapatotoo tungkol dito. Ang mga kabataang lalaking ipinadala sa misyon ay nagsisibalik at nagpapatotoo noon sa mga pagpapalang natanggap nila … , at naisip ko na, sa halip na ihanda ang aking sarili sa isang kolehiyo o unibersidad sa silangan, dapat akong magsimula at magpatotoo sa kaalamang lubos na ibinigay sa akin ng Panginoon. Kasabay nito ayaw ko ring isuko ang pagkakataon kong makapag-aral, dahil matagal ko na itong pinag-isipan, at nagkaroon nga ako ng pagkakataon at paraan para maisagawa ito.”

Naghihirap ang kalooban, humingi siya ng payo sa isang pinagkakatiwalaang kaibigan: “Sinabi ko sa kanya ang gusto ko, at sabi niya, ‘Brother Snow, hindi ko ipapayo sa ibang tao ang payong nadarama kong dapat kong ibigay sa iyo, sa sitwasyong ito. Kung ako ikaw, itutuloy ko ang mga plano ko at mag-aaral ako.’ Iyon mismo ang nais kong marinig sa kanya, at nasiyahan ako. Nakuntento ako sandali; ngunit pagsapit ng taglamig, nang marinig kong magpatotoo ang mga binatang Elder na ito tungkol sa tagumpay nila sa pangangaral ng Ebanghelyo, lalo ko itong pinag-isipan. Ipinaalam sa akin ng Panginoon na paparito Siya sa lupa, at may paghahandang kailangang gawin: ibinigay na Niya sa akin ang lahat ng hiling ko, at higit pa roon; dahil sa binyag kung saan tinanggap ko ang Espiritu Santo at ang lubos na kaalamang ibinigay sa akin pagkatapos ay mas makatotohanan at nakakukumbinsi kaysa sa aking binyag; at nadama ko na may responsibilidad na nakaatang sa akin. Kaya’t isinara ko ang aking mga aklat [at] isinantabi ang pag-aaral ko ng Latin at Greek.”2

Pagkatapos magpasiya, nagmisyon si Lorenzo Snow sa estado ng Ohio noong 1837. Kalaunan ay naglingod siya sa iba pang mga misyon—una sa mga estado ng Missouri, Illinois, Kentucky, at Ohio, pagkatapos ay sa England, Italy, Hawaiian Islands, hilagang-kanlurang Estados Unidos, at sa estado ng Wyoming. Habang nasa England, lumiham siya sa kanyang tiya, na ipinaliliwanag kung bakit handa siyang lisanin ang kanilang tahanan at maglingkod bilang misyonero: “Ang isiping ako ay nasa apat hanggang limang libong milya mula sa tahanang kinalakhan ko at sa lahat ng kakilala at kababata ko, naitanong ko, Bakit ako narito? … Narito ako dahil nagsalita ang Diyos, at nagbangon ng isang Propeta, na sa pamamagitan niya ay ipinanumbalik Niya ang kabuuan ng walang-hanggang Ebanghelyo, pati na ang lahat ng kaloob, kapangyarihan, ordenansa, at pagpapala nito; na may pagpapahayag sa lahat ng tao, ‘Mangagsisi kayo, sapagka’t malapit na ang kaharian ng langit.’ Sa awa at tulong ng Diyos, tinawag ako bilang kinatawan, upang dalhin ang mensaheng ito sa mga bansa ng mundo, na nalalaman kong nagbigay sa akin ng isang malaking responsibilidad na hindi ko magagawa kung wala ang tulong ng Makapangyarihang Diyos.”3

Laging nagpapasalamat si Pangulong Snow sa desisyon niyang maglingkod sa Panginoon bilang misyonero. Noong Setyembre 1901, sa edad na 87, sinabi niya: “Natutuwa ako kahit ngayon kapag naiisip ko ang mga panahon ng aking misyon. Ang damdaming nilikha ng mga natatanging karanasang ito ay naging bahagi ng aking pagkatao.”4 [Tingnan sa mungkahi 1 sa pahina 265.]

Mga Turo ni Lorenzo Snow

Dahil natanggap natin ang kabuuan ng ebanghelyo, hangad nating tulungan ang iba na magalak din sa mga pagpapalang ito.

Kapag nakatanggap ng kaalaman ang isang tao, nadarama niyang ibahagi ito sa iba; kapag masaya ang isang tao, tinuturuan siya ng kanyang damdamin na sikaping mapasaya ang iba. … May pagkakataon bang sumaya ang isang tao nang wala siyang alam tungkol sa ebanghelyo ni Cristo? … Bagaman sa mundo sinisikap [ng mga tao] na pasayahin ang kanilang sarili, hindi pa rin sila nagtatagumpay sa sinisikap nilang isagawa. Hindi sila maaaring lumigaya, maliban sa isang alituntunin, at iyan ay ang tanggapin ang kabuuan ng ebanghelyo, na nagtuturo sa atin na hindi na natin kailangang maghintay na makarating sa kawalang-hanggan bago natin simulang pasayahin ang ating sarili, kundi itinuturo nito na sikapin nating pasayahin ang ating sarili at ang ibang nakapaligid sa atin sa mga pagpapala ng Makapangyarihang Diyos.

Ito, kung gayon, ang dapat maging mithiin at layunin natin: matuto tayong maging kapaki-pakinabang; maging mga tagapagligtas sa ating kapwa-tao; pag-aralan kung paano sila ililigtas; ipaalam sa kanila ang mga alituntuning kailangan para maiangat sila sa antas ng ating katalinuhan.5

Kaibiganin ang mga taong nakapaligid sa inyo; o pumili ng isa at subukang pasiglahin ang kanyang damdamin, pananampalataya, sitwasyon at isipan at subukan silang pagpaliwanagan at kung sila ay makasalanan, sikaping iligtas sila mula sa kanilang mga kasalanan, at ialis sila sa pagkaalipin upang makabahagi sila sa liwanag at kalayaang kinabibilangan ninyo, dahil sa ganitong paraan may mabuti kayong magagawa sa pamamagitan ng paggamit ng impormasyong ibinahagi sa inyo ng Panginoon.6 [Tingnan sa mungkahi 2 sa pahina 265.]

Ang mga misyonero ay handang magsakripisyo upang matulungan ang iba na malaman ang katotohanan.

Hindi pa natatagalan sa paninirahan ang mga Banal sa mga lambak na ito [sa Utah] nang muling ibaling ng mga lingkod ng Panginoon ang kanilang pansin sa dakilang gawaing misyonerong nakaatang sa Simbahan.

Tayo ay nasa gitna ng kahirapan at sinisikap na linangin ang lupain, ngunit hindi natin maaaring kaligtaan ang obligasyon nating palaganapin ang Ebanghelyo sa ibang bansa; dahil iniutos ng Panginoon na dapat itong ipangaral sa buong mundo. Isa ito sa mga katibayan ng kabanalan ng gawaing ito na sa kabila ng lahat ng pagpapalayas at pang-uusig ay matapat na hinangad ng mga Banal sa mga Huling Araw na sundin ang utos na ito ng Panginoon.

Sa pangkalahatang kumperensya ng Simbahan noong Oktubre, 1849—dalawang taon lamang pagkaraang pumasok ang mga pioneer sa lambak [ng Salt Lake]—may ilang Elder na tinawag na magbukas ng mga misyon sa iba’t ibang panig ng mundo. Apat sa Labindalawang Apostol ang hinirang na mamuno. Si Apostol Erastus Snow ay pinapunta sa Scandinavia, si Apostol John Taylor sa France, ako sa Italy, at si Apostol Franklin D. Richards sa England, kung saan naitatag na ang isang misyon. Sa ilalim ng mahihirap na sitwasyon na kinasadlakan namin noon, na halos hikahos ang aming mga pamilya, mabigat na gawain ito sa para amin; ngunit tumawag ang Panginoon, at nadama naming dapat kaming tumugon, anumang sakripisyo ang kailangan naming gawin.7

Inilalaan namin ang aming buhay na para bang hindi na ito ganoon kahalaga sa amin, upang maunawaan ng mundo na may isang Diyos sa mga walang-hanggang mundo; upang maunawaan nila na ang Diyos ay may gagawin sa kasalukuyan sa mga gawain ng mga anak ng tao. Dumarami ang nagsasabi sa mundo na hindi mali ang magtaksil sa asawa. Kahit sa mga pamilyang Kristiyano, libu-libo at sampu-sampung libo ang hindi naniniwala na may kaugnayan ang Diyos sa mga anak ng tao bagaman ayaw nilang ipagtapat ito dahil hindi ito tanggap ng marami. Kailangan tayong manindigan at magsakripisyo upang maiparating ang paniniwala at kaalamang iyan sa mga anak ng tao.8

Kapag pinapunta natin ang ating mga binatang misyonero sa mga bansa ng mundo, pinag-iisipan nila ang bagay na ito, at dahil narinig na nila ang karanasan ng mga nakapagmisyon na, hindi napakagandang ideya na isipin ng isang tao ang mga pagsubok at hirap na kanilang pagdaraanan. Ngunit ang kabanalan ay nasa kahandaan nilang magsimula, at sumunod sa mga kailangang gawin.9

May mga bagay tungkol sa misyon na hindi nakasisiya sa ating mga binatang Elder. Alam nila na kailangan nilang isakripisyo ang mga kasiyahan sa tahanan, at nauunawaan nila na makikihalubilo sila sa mga taong hindi laging nagpapasalamat sa sasabihin nila; subalit, sa kabilang dako, nadarama nila na hawak nila ang potensyal na magtamo ng buhay na walang hanggan, at na kung makahahanap sila ng isang tapat na lalaki o babae, aantigin ng Espiritu ng Panginoon ang kanilang puso at marahil ay tatanggapin nila ang maluwalhating mensaheng ito na kailangan nilang ihatid. Ito ang magbibigay sa kanila ng kasiyahan. Ang isa pa, nakikita nila sa karanasang ito ang isang pagkakataon upang makamtan ang bagay na magiging napakahalaga sa kanilang mga tungkulin sa hinaharap. Nakapagtataka na sa libu-libong liham na natanggap ko mula sa mga tinawag na magmisyon—na karamihan ay mga binata—isa lang ang naiisip kong pagkakataon na may tinanggihan. Bakit kaya? Ito ay dahil sa ang diwa ng pagmamahal at imortalidad, ang Espiritu ng Makapangyarihang Diyos, ay nasa mga binatang Elder na ito, at natanggap nila ang mga paghahayag na nagbigay-inspirasyon sa kanila na gawin ang isang bagay na walang ibang makapagtutulak sa kanilang gawin.10 [Tingnan sa mungkahi 3 sa pahina 265.]

Hindi dapat kalimutan ng mga misyonero na sila ay mga sugo ng langit, nagtataglay ng mabuti at masayang balita.

Ipinapadala natin ang ating mga Elder upang ipangaral ang Ebanghelyo. Sino ang nagsusugo sa kanila? … Ang Diyos ng Israel ang nagsusugo sa kanila. Ito ay Kanyang gawain. Walang mortal na taong lubhang interesado sa tagumpay ng isang Elder kapag ipinapangaral niya ang Ebanghelyo maliban sa Panginoon na nagsugo sa kanya na mangaral sa mga tao na mga anak ng Panginoon. Sila ay mga anak Niya mula sa ibang daigdig, at pumarito sila dahil nais ng Panginoon na pumarito sila.11

Palagay namin ay magkakaroon kayong [mga misyonero] ng malaking tagumpay, dahil nadarama at alam namin na kayo ay tinawag ng Diyos. Hinding-hindi maiisip ng karunungan ng tao ang gawaing katulad nito. Namamangha ako kapag naiisip ko ang kadakilaan nito. Masasabi ko na ito ang mismong gawaing kailangan sa panahong ito: at tiwala ako na makikibahagi kayo rito nang buong kaluluwa ninyo. Pagyamanin ang Diwa ni Jesus noong sabihin niya na wala siyang magagawa kundi yaong ipinagagawa sa kanya ng kanyang Ama [tingnan sa Juan 5:30].

Huwag pansinin ang inyong mga paghihirap at kawalan; kalimutan ang sarili ninyong kapakanan, at magiging malaki at maluwalhati ang inyong tagumpay, at madarama ng buong Simbahan ang mga epekto ng inyong mga pagsisikap.

Huwag pansinin ang pagwawalang-bahala ng ilan sa mga tuturuan ninyo ng ebanghelyo, at ang maliliit na kabiguang mararanasan ninyo; sasainyo ang Espiritu ng Panginoon, at maaantig ninyo ang espiritu ng mga taong pinaglilingkuran ninyo, at masusupil ang kanilang pagwawalang-bahala; … masisiyahan kayo na natapos ninyo ang gawaing ipinagawa sa inyo. …

Ganap ang awtoridad na ipinagkaloob sa inyo, ngunit hindi na ninyo kailangan pang pag-usapan ito. Matutuklasan ninyo na hindi kailangang pag-usapan ito; pagtitibayin ito ng Espiritu ng Panginoon, at madarama ng mga tao na taglay ninyo ito, at ang pagpapatibay at damdaming ito ang magiging awtoridad ninyo.

Masusumpungan ninyo ang ilan na nag-iisip na mas marami silang alam kaysa sa inyo, ngunit kung gagawin ninyo ang inyong tungkulin tulad ng iminungkahi, bago ninyo sila lisanin, madarama nila na mas marami kayong alam kaysa sa kanila, at na napagpala at natulungan ninyo sila. …

Sikaping maging kalugud-lugod sa mga pinaglilingkuran ninyo. Ang pagpapakumbabang ipinapakita ninyo at ang Espiritu ng Panginoon na sumasainyo ang magpapakita na karapat-dapat kayo sa katungkulang ibinigay sa inyo. Sikaping unawain ang likas na tao at kumilos alinsunod dito, upang mapasaya ang lahat ng tao at maging kalugud-lugod ang lahat ng bagay. …

May paraan para maantig ang puso ng bawat tao, at tungkulin ninyong humanap ng paraan para maantig ang puso ng mga taong pinaglilingkuran ninyo. …

Nais kong sabihin mula sa puso ko na, pagpalain kayo ng Diyos. Itatalaga kayo bago kayo humayo, at ipagdarasal namin kayo at susubaybayan namin kayo. Maging maamo at mapagpakumbaba. Kapag tumingin kayo sa mga nakikinig, dalawang motibo ang maaaring magbigay sa inyo ng inspirasyon; una, na makapagsalita kayo nang mahusay at humanga sa inyo ang mga nakikinig; at, ang isa pa, ang katanungan na, bakit ako narito? Para maitanim sa puso ng mga nakikinig ang hangaring magtamo ng buhay na walang hanggan; dapat ay magkaroon ng panalangin sa inyong puso, “O Panginoon, nawa’y mangyari ito; maaari po bang magkaroon ako ng kapangyarihan sa pamamagitan ng inyong Espiritu na maantig ang puso ng inyong mga tao na naririto?” Ang napakaikling panalanging iyon lamang ang kailangan bigkasin ng isang elder. Iyon lang ang kailangan ninyong idalangin. “Maaari po ba akong magsalita para sa ikaliligtas ng mga kaluluwang ito?” Ito ang nais ipagawa sa inyo ng Unang Panguluhan … at ng lahat ng inyong mga kapatid.12

Ibaling ang inyong pansin sa paghahanda ng inyong espirituwal na sandata. Nalaman ko na kapag isinantabi ko ang mga temporal na bagay, ang aking mata ay nakatuon sa mga espirituwal na bagay. Manalangin, mga kapatid, at isipin ang mga pakinabang ng pag-aayuno. … Huwag masyadong magbiro, [at] mag-ingat upang hindi magdamdam ang Espiritu. Nalaman ko noong nasa misyon ako, pagkaraan ng isa o dalawang linggo na hindi ko na iniisip ang aming tahanan, at pinasigla ako ng Espiritu ng Diyos. Ang Espiritu ay naghahatid ng kalayaan at kagalakan, ngunit huwag masyadong magpakasaya. … Patuloy na manalangin upang mapasainyo ang Espiritu ng Diyos mula sa inyong ulo hanggang sa inyong talampakan.13

Hindi dapat makalimutan ng mga Elder na gumagawa sa ubasan ang katotohanan na sila ay mga sugo ng langit, nagdadala ng mabuti at masayang balita sa mga taong hindi nakakikilala sa Panginoon. …

Nang papuntahin ni Propetang Joseph Smith ang unang mga Elder sa ibang bansa, nakinita niya kung paano sila tatanggapin ng mga tao, at sinabi niya sa kanila na kahit may ilang tatanggap sa kanila bilang mga lingkod ng Diyos, tatanggihan sila ng karamihan, at hindi pakikinggan ang kanilang mensahe. Ganito ang sitwasyon ng mga lingkod ng Diyos noon pa man, at dapat tayong masiyahan sa mga resulta ng tapat na pagsisikap, kahit kakaunti ang nakaalam sa katotohanan sa pamamagitan natin. …

Dalangin ko na sana’y walang Elder na nagsisikap … ang makalimot sa kanyang sarili hanggang sa siya ay mabihag ng mga pang-aakit ng mundo. Iisa lang ang ligtas na paraan para makaiwas sa mga ito, at iyan ay ang iwaksi ang kasamaan, oo, maging ang mismong anyo ng kasamaan. Ihaharap sa kanila ang iba’t ibang anyo ng tukso. Ganito magtrabaho ang kaaway ng ating kaligtasan; ngunit gawain ng mga Elder ng Israel na labanan ang tukso, at para matagumpay na magawa ito kailangan nilang manatiling walang bahid-dungis sa mundo. … Dahil pinauunlad at itinatangi nila ang diwa ng kanilang misyon, at natatanto ang kahalagahan ng kanilang mataas na tungkulin kay Cristong Jesus, at nabubuhay sa diwa nito, nakakaya nilang maging gabay at tagapagligtas sa mga tao, nakikita sa kanila ang liwanag ng langit, at naiiba sila sa ibang kalalakihan; ngunit kung patutukso sila sa kaaway at magkakasala, babawian sila ng lakas at magiging katulad sila ng ibang kalalakihan, akma lamang na umuwi at madama ang lungkot ng isang makasalanan, at maging dahilan para magdalamhati ang mga mahal sa buhay dahil sa kanilang kalagayan. … Ngunit kung patuloy silang mapagpakumbabang dudulog sa Panginoon, na nakatuon ang mata sa Kanyang karangalan at kaluwalhatian, at hinahangad sa kanilang puso ang kaligtasan ng mga kaluluwa ng tao, at ginagawa ang lahat para sa kanilang kaligtasan, magagalak sila nang higit pa sa kanilang pinagsikapan sa laman, at sa wakas ay makakabahagi sila kasama ng Ama at ng Anak sa mga bagay na napakadakila at maluwalhati na hindi kayang maunawaan ng mga mortal.14 [Tingnan sa mga mungkahi 4 at 5 sa pahina 265.]

Nagagalak ang ating puso kapag tinutulungan natin ang iba na matanggap ang kabuuan ng ebanghelyo.

Nadarama … natin, na para maisakatuparan ang gawaing ito, kailangan ang malaking pasensya, pananampalataya, sipag, tiyaga, at mahabang pagtitiis; ngunit sa mga lungsod … kung saan kalaunan ay libu-libo ang tumanggap sa Ebanghelyo, maraming buwan ang iniukol sa ilan sa mga lungsod na ito sa tila walang-saysay na pagsisikap bago natiyak na nagawa nang tama at nasunod ang mga alituntuning ito. … Sa ilang [pagkakataon] maaaring hindi lang ilang buwan ang kailanganin natin, kundi marahil mga taon pa; ngunit nakatitiyak tayo, na sa pamamagitan ng pananampalataya, panalangin, pagsisikap, at pagpapala ng Panginoon, madaraig at mapagtatagumpayan natin ang lahat ng paghihirap na ito para sa karangalan at kaluwalhatian ng Diyos; at bukod dito, tayo man ay masisiyahan na nagawa natin ang ating tungkulin, at nalinis ang ating kasuotan sa dugo ng lahat ng tao.15

Sa [isang] pagkakataon, bago ako tumuloy sa Italy, binisita ko ang Manchester, Macclesfield, Birmingham, Cheltenham, London, Southampton at South Conferences [sa England]. … Nalugod akong makita ang maraming taong nadala ko sa Simbahan [walong taon na ang nakalipas]; at hindi ko na kailangan pang sabihin sa inyo na tuwang-tuwa akong makitang muli ang mga taong ito na palaging nagpapasaya sa aking isipan. Sinabi ni Apostol Juan noong kanyang kapanahunan, “Nalalaman nating tayo’y nangalipat na sa buhay mula sa kamatayan, sapagka’t tayo’y nagsisiibig sa mga kapatid.” [I Juan 3:14.] Ang pagmamahal na nadarama ng mga misyonerong Elder ng ating Simbahan para sa mga tao ng daigdig, at ang pagmamahal na nadarama ng mga tao para sa mga Elder na naghatid ng mensahe ng Ebanghelyo sa kanila, ay sapat na patotoo para makumbinsi ang isang taong tapat ang puso na ang pinagmulan nito ay banal, at na sumasaatin ang Diyos. Ang sagrado at banal na damdaming ito, na pinukaw sa atin ng Espiritu Santo, ay inihiwalay na tayo bilang isang komunidad mula sa ibang mga tao; at ito ang damdaming magpapabago sa buong mundo, at kukumbinsi sa taong ayaw maniwala na ang Diyos ay hindi lamang Ama nating lahat, kundi na tayo ay Kanyang mga kaibigan at mga lingkod.16

Inilaan ko na ang buhay ko sa paglilingkod sa Panginoon; isinakripisyo ko na ang lahat ng mayroon ako, upang mabigyan ko siya ng karangalan, matanggap ang kanyang kalooban, at maipalaganap ang mga alituntunin ng buhay sa mga anak ng tao. Kapag iniisip ko ang nakaraan, at nakikita ang kamay ng Panginoon na kagila-gilalas na nagbubukas sa aking daan, at pinauunlad ako sa lahat ng bagay na may kaugnayan sa mga misyong ito nang higit pa sa inaasahan ko, lalong lumalakas ang loob ko na sumulong sa hinaharap; hindi mailarawan ng salita ang malaking pasasalamat sa puso ko para sa kanyang mga pagpapala. Ang mga kapatid at mga Banal na ang kabaitan ng kaluluwa at interes sa gawain ng Diyos ay talagang nakita sa mga misyon nila, nawa’y sagana ring maibuhos sa kanila ang mga pagpapala ng Kataas-taasan, at kapag sa paglipas ng mga taon ay marinig nila ang matamis na hiyaw ng papuri ng libu-libo at sampu-sampung libo ng mga bansang iyon sa Makapangyarihang Diyos para sa liwanag ng paghahayag, magagalak din ang kanilang puso sa masayang kaalaman na naging bahagi rin sila sa pagsasakatuparan ng maluwalhating pagtubos na ito.17 [Tingnan sa mungkahi 6 sa pahina 265.]

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda kayong magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–x.

  1. Basahin ang mga pahina 255–256, at pag-isipan ang mga sagot ni Lorenzo Snow sa tanong na “Bakit ako narito?” Sa anong mga paraan maiimpluwensyahan ng tanong na ito ang lahat ng miyembro ng Simbahan sa mga pagkakataon nating magbahagi ng ebanghelyo?

  2. Pagnilayan ang payo ni Pangulong Snow sa bahaging nagsisimula sa itaas ng pahina 257. Pag-isipan kung paano ninyo masusunod ang payong ito para tulungan ang isang tao na tunay na lumigaya.

  3. Ikinuwento ni Pangulong Snow ang mga sakripisyong ginawa niya at ng iba para maibahagi nila ang ebanghelyo (mga pahina ). Anong mga halimbawa ng sakripisyo ang nakita ninyong ginawa ng mga tao para maibahagi ang ebanghelyo? Bakit sa palagay ninyo handang gawin ng mga tao ang mga sakripisyong ito?

  4. Paano makatutulong ang mga pagtiyak sa mga pahina sa isang full-time missionary? Paano ito makatutulong sa bawat isa sa atin sa pagbabahagi ng ebanghelyo? Sa paanong paraan natin magagamit ang mga turong ito para tulungan ang isang tao na nag-aatubiling magmisyon?

  5. Kapag nirepaso ninyo ang payo ni Pangulong Snow sa mga pahina 260–263, pag-isipan kung paano ito naaangkop sa buhay ng lahat ng miyembro ng Simbahan. Halimbawa: Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “kalimutan ang sarili ninyong kapakanan”? Ano ang iba’t ibang paraan para ating “maantig ang puso ng bawat tao”?

  6. Basahin ang huling talata sa kabanata, kung saan ikinuwento ni Pangulong Snow ang walang-katapusang kagalakang dulot ng gawaing misyonero. Kailan ninyo naranasan ang kagalakang dulot ng gawaing misyonero? Bakit kailangan nating magpasensya kung minsan bago natin lubos na maranasan ang kagalakang ito?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Alma 26:1–8, 35–37; D at T 12:7–8; 18:10–16; 84:88

Tulong sa Pagtuturo: “Papiliin ng isang bahagi ang mga miyembro ng klase at ipabasa ito nang tahimik sa kanila. Anyayahang maggrupo nang dalawahan o tatluhan ang mga taong pipili ng magkakaparehong bahagi at ipatalakay ang natutuhan nila” (mula sa pahina ng aklat na ito).

Mga Tala

  1. Journal and Letterbook, 1836–1845, Church History Library, 33; tingnan din sa “The Grand Destiny of Man,” Deseret Evening News, Hulyo 20, 1901, 22.

  2. “The Grand Destiny of Man,” 22.

  3. Sa Eliza R. Snow Smith, Biography and Family Record of Lorenzo Snow (1884), 48.

  4. “Letter from President Snow,” Millennial Star, Set. 12, 1901, 595.

  5. Deseret News, Mayo 15, 1861, 82.

  6. Deseret News, Mar. 11, 1857, 3; sa orihinal na pinagmulan, ang pahina 3 ay nalagyan ng maling pahina 419.

  7. Sa “Scandinavians at Saltair,” Deseret Evening News, Ago. 17, 1901, 8.

  8. Sa “Laid to Rest: The Remains of President John Taylor Consigned to the Grave,” Millennial Star, Ago. 29, 1887, 549.

  9. Sa “Report of the Funeral Services Held over the Remains of Daniel Wells Grant,” Millennial Star, Hunyo 20, 1895, 386.

  10. Sa Conference Report, Abr. 1901, 2–3.

  11. Deseret Weekly, Mayo 12, 1894, 637.

  12. “Instructions to Missionaries,” Improvement Era, Dis. 1899, 126–29; ipinayo ito ni Lorenzo Snow sa mga kapatid na kailan lang tinawag na maglingkod bilang mga misyonero para sa Mutual Improvement Association. Kasama ang kanyang sermon sa Improvement Era na may paliwanag na iyon ay “puno ng makatutulong na patnubay at payo sa bawat nagsisikap na maisakatuparan ang layunin.”

  13. Sa Journal History, Abr. 9, 1862, 4.

  14. “Letter from President Snow,” 595–96.

  15. “The Malta Mission,” Millennial Star, Hunyo 5, 1852, 237.

  16. “Letter from President Snow,” 595.

  17. “Address to the Saints in Great Britain,” Millennial Star, Dis. 1, 1851, 365.

“Kapag nakatanggap ng kaalaman ang isang tao, nadarama niyang ibahagi ito sa iba; kapag masaya ang isang tao, tinuturuan siya ng kanyang damdamin na sikaping mapasaya ang iba.”

“Kalimutan ang sarili ninyong kapakanan, at magiging malaki at maluwalhati ang inyong tagumpay, at madarama ng buong Simbahan ang mga epekto ng inyong mga pagsisikap.”