Kabanata 21
Pagmamahal sa Diyos nang Higit Kaysa Pagmamahal Natin sa Mundo
“Kailangan nating mamuhay ayon sa … mas marangal na pamantayan: kailangan nating mahalin ang Diyos nang higit kaysa pagmamahal natin sa mundo.”
Mula sa Buhay ni Lorenzo Snow
Kaagad pagkatapos mabinyagan at makumpirma si Lorenzo Snow sa Kirtland, Ohio, ilang Banal sa mga Huling Araw, pati na ilang pinuno ng Simbahan, ang kumalaban kay Propetang Joseph Smith. Ayon kay Lorenzo Snow, ang pag-apostasiyang ito ay dahil sa pagsasapalaran, o, sa madaling salita, kakaibang pakikipagsapalaran para yumaman kaagad. Nabulagan ng paghahangad sa mga pansamantalang bagay ng mundo, tinalikuran ng mga tao ang mga walang-hanggang pagpapala ng ebanghelyo.
Pagkaraan ng halos 50 taon, nagsalita si Pangulong Snow, na naglilingkod bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, sa isang grupo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Logan, Utah. Ikinuwento niya sa kanila ang paghihirap na nasaksihan niya sa Kirtland at binalaan sila na hindi magtatagal at daranasin din nila ang mga pagsubok na ito. “Mabilis na darating ang isang pagsubok sa inyo, na marahil ay hindi pa ninyo nararanasan,” wika niya. “Gayunman, ang kailangan lang nating gawin ngayon ay suriin ang ating mga pagkakamali at kahinaan, kung mayroon man. Kung hindi tayo naging tapat noong araw, panibaguhin natin ang ating mga tipan sa Diyos at magpasiya, sa pamamagitan ng pag-aayuno at pagdarasal, na humingi ng kapatawaran sa ating mga kasalanan, nang ang Espiritu ng Makapangyarihang Diyos ay mapasaatin, at baka-sakaling matakasan natin ang malalaking tuksong dumarating. Malalaking tukso ang dumarating. Nakita ninyo ang mga bunga ng pagsasapalarang ito sa Kirtland. Kaya nga, binabalaan ko kayo.”1
Dahil angkop pa rin ang babala ni Pangulong Snow sa mga Banal sa mga Huling Araw ngayon, kabilang sa kabanatang ito ang karamihan sa kanyang sermon sa mga Banal sa Logan. Sabi niya, “Marahil ang ilang salita tungkol sa ating kundisyon noon [sa Kirtland] ay maaaring makatulong sa atin sa hinaharap—maaaring makapagbigay sa atin ng ilang mabuting aral.”2 [Tingnan sa mungkahi 1 sa pahina 288.]
Mga Turo ni Lorenzo Snow
Kapag tinulutan ng mga tao na mamayani ang kamunduhan sa kanilang puso’t isipan, tinatalikuran nila ang mga walang-hanggang alituntunin.
Malinaw kong naaalala ang magugulong panahong naranasan ko sa Kirtland … , kung saan tumira ang Propeta ng Diyos, kung saan nagpakita ang Diyos Mismo, maging si Jesus, ang Anak ng Diyos, at ipinakita ang Kanyang kaluwalhatian. Nakatayo Siya sa sandigan ng pulpito ng Templo, na itinayo ayon sa kautusan. Naroon sa ilalim ng Kanyang mga paa ang isang gawa na nalalatagan ng lantay na ginto, na kakulay ng amarilyo. Ang Kanyang buhok ay kasimputi ng busilak na niyebe. Ang Kanyang mukha ay nagniningning nang higit pa sa liwanag ng araw. Ang Kanyang tinig ay tulad ng lagaslas ng mga tubig. [Tingnan sa D at T 110.] Ang kamangha-manghang pagpapakitang ito ay nangyari sa templo na itinayo sa Kanyang karangalan. Nasa Kirtland ako noon, kung saan natin naranasan ang mga pangyayari na kung minsan ay naiisip kong sinisimulan nating ulitin ngayon. Ang mga sitwasyong nakapaligid sa mga Banal sa mga Huling Araw noon ay kakatwa; kahit paano, ang mga epekto nito sa mga tao ay kakaiba. … Namayani noon ang pagsasapalaran sa isipan ng mga tao sa bansang ito. Nakipagsapalaran sila sa pera, sa bangko, sa mga lupain, sa mga lote sa lungsod, at sa ilan pang bagay. Nagkaroon ng pagsasapalaran sa mundo, at lumaganap ito sa puso ng mga Banal na parang malakas na alon o rumaragasang agos ng tubig, at maraming tumalikod at nag-apostasiya sa Simbahan.3
Nagsimulang magsapalaran ang ilan sa kanila [mga Banal sa Kirtland]; nalimutan nila ang kanilang relihiyon, nalimutan nila ang mga alituntuning inihayag sa kanila, at marami sa kanila ang tumanggap sa pilosopiya ng panahong iyon at nagsimulang magsapalaran. Nagkaroon ng mga problema—inggit at awayan—at ang Panginoon, na hindi nalugod sa kanila, ay naghatid ng pagkawasak at nagkawatak-watak sila.4
Bago nangyari ang malawakang apostasiyang ito ay nagbuhos ng magagandang pagpapala ang Panginoon sa mga tao. Ang mga kaloob ng ebanghelyo ay nabuhos nang husto—mga kayamanan ng kawalang-hanggan. Dinalaw sila ng mga anghel. Kinausap ng Anak ng Diyos ang Kanyang mga lingkod, tulad ng sinabi ko. Sa paglalaan ng Templo kamangha-mangha ang mga pagpapalang natanggap ng mga tao. Noong panahong iyon na sagana ang mga biyaya ng Diyos, dumalo ako mismo sa mga pulong na ginanap sa Templo. Nagkaroon kami ng mga pulong para manalangin at magpatotoo, at napakagaganda ng mga patotoong ibinahagi ng mga kapatid. Sila ay nagpropesiya, nagsalita sa ibang mga wika, at nagkaroon ng pambihirang pagpapaliwanag ng mga wika. Ang mga pagpapalang ito ay natamo ng halos lahat ng tao sa Kirtland. Tapat ang kanilang puso noon; pakiramdam nila ay maisasakripisyo nila ang anumang mayroon sila. Pakiramdam nila ay halos kapiling nila ang Diyos, at natural na madama nila iyon sa gayong kagila-gilalas na mga pagpapala.
Lahat ng pagpapalang ito, at marami pang iba na wala akong panahong isa-isahin, ay natamasa ng mga Banal sa mga Huling Araw bago nagsimulang mamayani ang pagsasapalarang ito sa puso ng mga tao. Naisip siguro ng isang tao na matapos matanggap ang kamangha-manghang mga pagpapakitang ito walang tuksong makapananaig sa mga Banal. Ngunit nanaig ang mga tukso, at ikinalat sila nito, tulad ng nangyari, sa apat na sulok ng mundo.
Tila pambihira, ang pagsasapalarang ito ay lumaganap sa korum ng Labindalawang Apostol at sa korum ng Pitong Pangulo ng mga Pitumpu; tunay ngang walang korum sa Simbahan na hindi apektado ng pagsasapalarang ito. Nang mag-ibayo ang pilosopiyang iyon, nawala ang pagkakaisa. Nagsimulang magsiraan at mag-away-away ang mga kapatid, dahil hindi nagkakaisa ang kanilang mga hangarin.
Ganito ba ang mangyayari sa mga Banal sa mga Huling Araw na kausap ko ngayon? Nangangamba ako na baka mangyari ito, ngunit hindi ko alam kung gaano kayo maaapektuhan nito. Gayunman, daranasin ninyo ito; at marahil ay talagang kailangang danasin ninyo ito.
… Kalahati ng korum ng mga Apostol, noong panahong iyon sa Kirtland, ang napatangay sa masasamang impluwensyang ito. Ang pilosopiyang ito, ang pagmamahal na ito sa ginto—ang diyos ng mundo—ang nagdulot ng napakalungkot na epektong ito. At kung ganito ang epekto nito sa mga maytaglay ng pinakamataas na priesthood sa lupa, paano pa kaya tayo, na marahil ay walang katalinuhan, impormasyon at karanasang gaya ng taglay nila noon? …
Ngayon, kayo ay mabubuting tao. … Mahal kayo ng Diyos. Nalulugod Siya sa inyong kabutihan, at ayaw Niyang makita ang mga tagpong nangyari… sa Kirtland. Hindi na ito kailangan. Nasa mga kamay natin ang kapangyarihang ingatan ang ating sarili sa mga bagay na iyon na naging sanhi ng pagkakahati-hati ng mga Banal sa Kirtland at dumaig sa kalahati ng Labindalawa. Ayaw ng Panginoon na muling masaksihan ang mga tagpong ito sa mga huling araw na ito.5
Dapat ay napakarunong at napakatalino na ng mga Banal sa mga Huling Araw para mahulog pa sa ganitong klaseng mga bitag. Wala silang mapapala rito. Walang mapapala ang tao kung tatalikod siya sa maluluwalhating alituntuning ito at sa mga bagay na natanggap niya mula sa mga mundong walang-hanggan—kung tatalikod tayo sa mga bagay na ito at malilito at ilalaan ang ating sarili sa mga walang-kuwentang bagay ng mundo. Wala tayong mapapala rito. Anumang tukso ang dumating sa atin o nakalantad sa atin dapat tayong makinig sa kasaysayan ng nakaraan at huwag tayong padaig, o labis natin itong pagsisisihan.6 [Tingnan sa mungkahi 2 sa pahina .]
Nakipagtipan tayo na hihiwalay tayo sa kamunduhan at ilalaan natin ang ating sarili sa kaharian ng Diyos.
Ginto at pilak (pera) ang diyos ng mundo. Sinasamba ng mundo ang diyos na ito. Ang mga ito ay makapangyarihan para sa kanila, kahit maaaring ayaw nilang aminin ito. Ngayon, nasa plano, sa patnubay at tulong ng Diyos, na ipakita ng mga Banal sa mga Huling Araw kung nagkaroon na sila ng dagdag na kaalaman, karunungan at kapangyarihan ng Diyos na hindi na sila madaraig pa ng diyos ng mundo. Dapat tayong dumating sa puntong iyan. Kailangan din nating mamuhay ayon sa isa pang pamantayan, isang mas marangal na pamantayan: kailangan nating mahalin ang Diyos nang higit kaysa sa pagmamahal natin sa mundo, higit kaysa sa pagmamahal natin sa ginto o pilak, at mahalin natin ang ating kapwa tulad ng pagmamahal natin sa ating sarili.7
Kung tayo ay … mabigong tuparin ang mga tipang ginawa natin, katulad ng, gamitin ang ating panahon, talento at kakayahan sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos sa lupa, paano natin makatwirang aasamin na makabangon sa umaga ng unang pagkabuhay na mag-uli, na ukol sa dakilang gawain ng pagtubos? Kung tayo, sa ating pamamaraan, pag-uugali at pakikitungo, ay gagaya sa … mundo, sa gayon ay ibinibilang natin ang ating sarili sa mundo, palagay ba ninyo, mga kapatid, ipagkakaloob sa atin ng Diyos ang mga pagpapalang nais nating makuha? Sinasabi ko sa inyo, hindi! … Dapat nating taglayin sa ating sarili ang kabutihan ng langit at itanim sa ating puso ang kabutihan ng Diyos. Sinabi ng Panginoon, sa pamamagitan ng propetang si Jeremias, “Aking itatala ang aking kautusan sa kanilang kalooban, at aking isusulat sa kanilang puso; at ako’y magiging kanilang Dios, at sila’y magiging aking bayan.” [Jeremias 31:33.] Ito ang pinagsisikapang gawin ng Panginoon, at isasakatuparan niya ito sa atin kung susundin natin ang kanyang kalooban.8
Salamat sa Diyos na sa mga panahong ito ng katiwalian at kasamaan sa mundo, mayroon tayong mga banal at matwid na lalaki at babae na mailalaan ang mahuhusay na talentong iyon na ipinagkaloob sa kanila ng Diyos para purihin at luwalhatiin Siya. At masasabi ko pa, na may libu-libong banal at mararangal na lalaki at babae, na tinipon ng Panginoon mula sa mga bansa, na handa ring ilaan ang kanilang panahon at mga talento sa pagsasakatuparan ng gawain ng Diyos para sa kapakanan ng Kanyang mga anak.9 [Tingnan sa mungkahi 3 sa pahina .]
Sinusunod natin ang halimbawa ng Tagapagligtas kapag tumanggi tayong ipagpalit ang mga kaluwalhatian ng kawalang-hanggan sa mga kayamanan ng mundo.
Maaasahan ninyo … na mahaharap kayo sa mga balakid sa buhay, na lubhang susubok sa inyong determinasyong sundin ang mataas na mga pamantayan, at ang ilan sa inyo ay maaaring matuksong lumihis mula sa landas ng katotohanan at karangalan, at, gaya ni Esau, naising isuko ang mga kaluwalhatian para sa ilang panandaliang kasiyahan [tingnan sa Genesis 25:29–34]; kung gayon … gamitin ang oportunidad ninyong tularan ang halimbawa ng ating Tagapagligtas nang ialok sa kanya ang kaluwalhatian ng mundong ito, na gumawa siya ng kalokohan; sumagot siya sa nanunukso sa kanya, “Lumagay ka sa likuran ko, Satanas!” [Tingnan sa Lucas 4:5–8.]10
Nalaman ko, sa aking pag-iisip, na ang buhay sa mundong ito ay maikli kumpara sa kawalang-hanggan; na tayo ay may taglay na katalinuhan, kabanalan, noon pa man, na hindi nilikha kailanman, at mananatili sa buong kawalang-hanggan [tingnan sa D at T 93:29]. Dahil dito, makabubuting malaman natin, bilang matatalinong nilalang, na ang buhay na ito ay magwawakas sa loob ng ilang araw, at kasunod nito ang buhay na walang hanggan; at ayon sa pagsunod natin sa mga kautusan, magiging mas mapalad tayo kaysa mga taong nabigong magpakabuti.11
Pinagkakaisa ng ebanghelyo ang mga puso ng lahat ng sumusunod dito, walang pagkakaiba, wala itong kinikilalang pagkakaiba ng mayaman at mahirap; lahat tayo ay magkakabigkis bilang isang indibiduwal na gumaganap sa mga tungkuling ibinigay sa atin. … Ngayon magtatanong ako, Sino ang mayroong anumang bagay, na tunay na makapagsasabi na kanya ang anumang bagay sa mundong ito? Hindi ako mangangahas na sabihing oo, ipinagkatiwala lang sa akin ang isang bagay na napakaliit, at mananagot ako sa Diyos sa paggamit nito at sa pagpapasiya ko ukol dito. Natanggap ng mga Banal sa mga Huling Araw ang batas ng ebanghelyo sa pamamagitan ng mga paghahayag ng Diyos, at isinulat ito nang napakalinaw para maunawaan ng lahat. At kung naunawaan natin ang mga pangakong ginawa natin nang makipagtipan tayo noong binyagan tayo para mapatawad sa mga kasalanan, dapat pa rin nating mabatid ang katotohanan na iniuutos sa atin ng batas na iyon na hangarin muna ang kaharian ng Diyos, at gamitin ang ating panahon, talento at kakayahan para sa kapakanan nito [tingnan sa Mateo 6:33; 3 Nephi 13:33]. Kung hindi, paano natin aasahan sa hinaharap, kapag naging tahanan na ng Diyos at ng kanyang Anak ang daigdig na ito, na magmamana tayo ng buhay na walang hanggan at mamumuhay at mamumuno na kasama niya?
Sinong magsasabing ang mayayaman, o yaong may maraming talento, ay mas makaaasa na magmana ng mga pagpapalang ito kaysa mga maralita, o yaong may isang talento lamang? Ang pagkaintindi ko, ang lalaking nagtatrabaho sa pagawaan, bilang sastre man, karpintero, sapatero o sa iba pang industriya, at namumuhay ayon sa batas ng Ebanghelyo, at tapat at nananalig sa kanyang tungkulin, ang lalaking iyon ay karapat-dapat ding tumanggap ng mga ito at lahat ng pagpapala ng Bago at Walang-Hanggang Tipan na tulad ng iba; sa pamamagitan ng kanyang pananalig magmamana siya ng mga trono, pamunuan at kapangyarihan, ang kanyang mga anak ay magiging kasingdami ng mga bituin sa langit o buhangin sa tabing-dagat. Sino, ang tanong ko, ang may mas malaking pag-asa kaysa rito?12 [Tingnan sa mga mungkahi 3 at 4 sa ibaba.]
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Pag-isipan ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda kayong magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–x.
-
Pag-isipan ang mga salaysay sa mga pahina . Ano ang mayroon sa kamunduhan na umaakay sa mga tao na kalimutan ang kanilang relihiyon? Paano natin maiingatan ang ating mga pangangailangang temporal nang hindi nadaraig ng kamunduhan?
-
Pagnilayan ang bahaging nagsisimula sa pahina 282. Paano makatutulong ang ating pagmamahal sa Diyos para hindi tayo madaig ng kamunduhan?
-
Itinuro ni Pangulong Snow na nakipagtipan tayong “gamitin ang ating panahon, talento at kakayahan sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos sa lupa” (pahina 286). Pag-isipan kung ano ang magagawa ninyo para matupad ang tipang ito.
-
Repasuhin ang huling bahagi sa kabanata. Sa paanong paraan makatutulong ang sumusunod na mga katotohanan para matupad natin ang ating mga tipan? “Ang buhay sa mundong ito ay maikli kumpara sa kawalang-hanggan.” Walang sinumang “tunay na makapagsasabi na kanya ang anumang bagay sa mundong ito.”
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Mateo 6:19–24; Juan 17:15; I Ni Juan 2:15–17; Jacob 2:13–19; Mormon 8:35–39; D at T 38:39; 63:47–48; 104:13–18