Ano ang Kailangang Maunawaan ng Lahat ng Mayhawak ng Aaronic Priesthood
Ang ordenasyon ninyo sa Aaronic Priesthood ay napakahalaga sa pagtulong sa mga anak ng Diyos na matanggap ang nagbabayad-salang kapangyarihan ni Cristo.
Mga kapatid, isang pribilehiyo ang makasama kayo sa makasaysayang kumperensyang ito. Noong ako ay isang bagong mission president, sabik ako na matanggap ang aming unang grupo ng mga bagong missionary. Ilan sa aming mga mas may karanasang missionary ay naghahanda para sa maikling miting kasama nila. Napansin ko na inayos nila ang mga upuang pambata nang kalahating pabilog.
“Para saan ang maliliit na mga upuang iyan?” tanong ko.
Sinabi ng mga missionary, na tila nahihiya, “Para sa mga bago pong missionary.”
Naniniwala ako na kung paano natin nakikita ang iba ay malaki ang nagiging epekto sa kanilang pagkilala sa kung sino sila at kung ano ang maaaring kahinatnan nila.1 Ang aming mga bagong missionary ay umupo sa mga upuang pangmatanda noong araw na iyon.
Minsan, ikinakatakot ko, na parang binibigyan natin ang ating mga kabataang lalaki ng Aaronic Priesthood ng mga upuang pambata sa halip na tulungan sila na makita na binigyan sila ng Diyos ng sagradong pagtitiwala at ng mahalagang gawaing dapat tuparin.
Ipinayo sa atin ni Pangulong Thomas S. Monson na kailangang maunawaan ng mga kabataang lalaki kung “ano ang ibig sabihin … ng maging mga mayhawak ng priesthood ng Diyos. Kailangan nilang magabayan na espirituwal na maunawaan ang kasagraduhan ng inordenang tungkulin sa kanila.”2
Ngayon, ipinapanalangin ko na patnubayan tayo ng Espiritu Santo tungo sa mas malalim na pang-unawa tungkol sa kapangyarihan at kasagraduhan ng Aaronic Priesthood at mabigyang-inspirasyon tayo na magtuon nang mas masigasig sa ating mga tungkulin sa priesthood. Ang aking mensahe ay para sa lahat ng maytaglay ng Aaronic Priesthood, pati na rin sa maytaglay ng Melchizedek Priesthood.
Itinuro sa atin ni Elder Dale G. Renlund na ang layunin ng priesthood ay maibigay sa mga anak ng Diyos ang daan patungo sa nagbabayad-salang kapangyarihan ni Jesucristo.3 Upang matanggap sa ating mga buhay ang nagbabayad-salang kapangyarihan ni Cristo, kailangan nating maniwala sa Kanya, magsisi sa ating mga kasalanan, gumawa at sumunod sa mga tipan sa pamamagitan ng mga ordenansa, at matanggap ang Espiritu Santo.4 Ang mga ito ay hindi mga alituntuning minsan lang natin gagawin; sa halip, nagtutulungan ang mga ito, pinalalakas at pinatitibay ng mga ito ang bawat isa sa isang patuloy na proseso ng paitaas na pag-unlad na “lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya.”5
Kaya, ano ang tungkulin ng Aaronic Priesthood dito? Paano tayo nito tinutulungang marating ang daan patungo sa nagbabayad-salang kapangyarihan ni Cristo? Naniniwala ako na makikita ang sagot sa mga susi ng Aaronic Priesthood—ang mga susi ng paglilingkod ng mga anghel at ng panimulang ebanghelyo.6
Ang Paglilingkod ng mga Anghel
Magsimula tayo sa isang aspeto ng paglilingkod ng mga anghel. Bago magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo ang mga anak ng Diyos, kailangan nilang makilala Siya at maturuan ng Kanyang ebanghelyo. Tulad ng sinabi ni Apostol Pablo:
“Paano silang magsisisampalataya sa kaniya na hindi nila napakinggan? at paano silang mangakikinig na walang tagapangaral?
“At paano silang magsisipangaral, kung hindi sila nga sinugo? …
“Kaya nga ang paniniwala’y nanggagaling sa pakikinig, at ang pakikinig ay sa pamamagitan ng salita ni Cristo.”7
Mula sa simula ng panahon, ang Diyos ay “[nagsugo ng] … mga anghel upang maglingkod sa mga anak ng tao, upang ipaalam ang … pagparito ni Cristo.”8 Ang mga anghel ay mga nilalang mula sa langit na nagdadala ng mensahe ng Diyos.9 Kapwa sa Hebreo at Griyego, ang salitang ugat ng angel ay “sugo.”10
Sa halos ganunding paraan na ang mga anghel ay mga awtorisadong sugong ipinadala ng Diyos upang ipahayag ang Kanyang salita at sa ganoon ay mapalakas ang pananampalataya, tayo na mga mayhawak ng Aaronic Priesthood ay inordenahan upang “[magturo], at [mag-anyaya] sa lahat na lumapit kay Cristo.”11 Ang ipangaral ang ebanghelyo ay isang tungkulin ng priesthood. At ang kapangyarihang kaakibat ng tungkuling ito ay hindi lang para sa mga propeta o maging para lang sa mga missionary. Ito ay para sa inyo!12
Kaya paano natin nakukuha ang kapangyarihang ito? Paano magagawa ng isang 12-taong-gulang na deacon—o kahit sino sa atin—na maipadama ang pananampalataya kay Cristo sa mga puso ng mga anak ng Diyos? Nagsisimula tayo sa pamamagitan ng pagpapahalaga sa Kanyang salita upang mapasaatin ang kapangyarihan nito.13 Ipinangako Niya na kung gagawin natin iyon, makakamtan natin “ang kapangyarihan ng Diyos sa ikahihikayat ng mga tao.”14 Maaaring maging oportunidad ito upang magturo sa isang korum miting o bumisita sa tahanan ng isang miyembro. Maaaring isang bagay ito na mas hindi pormal, tulad ng pakikipag-usap sa isang kaibigan o kapamilya. Alinman sa mga tagpong ito, kung naghanda tayo, maituturo natin ang ebanghelyo sa paraang ginagawa ng mga anghel: sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.15
Kamakailan ay narinig ko si Jacob, isang mayhawak ng Aaronic Priesthood sa Papua New Guinea, na nagpatotoo tungkol sa kapangyarihan ng Aklat ni Mormon at kung paano ito nakatulong sa kanya na malabanan ang kasamaan at sundin ang Espiritu. Ang kanyang mga salita ay nagdagdag sa aking pananampalataya at sa pananampalataya ng iba. Ang aking pananampalataya ay lumago rin sa aking pakikinig sa mga mayhawak ng Aaronic Priesthood sa kanilang pagtuturo at pagpatotoo sa mga korum miting.
Mga kabataang lalaki, kayo ay mga awtorisadong sugo. Sa pamamagitan ng inyong mga salita at gawa, maipadadama ninyo ang pananampalataya kay Cristo sa mga puso ng mga anak ng Diyos.16 Tulad ng sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Kayo ay magiging mga naglilingkod na anghel sa kanila.”17
Ang Panimulang Ebanghelyo
Ang dagdag na pananampalataya kay Cristo ay palaging humahantong sa pagnanais na magbago o magsisi.18 Kaya lohikal na ang susi ng paglilingkod ng mga anghel ay samahan ng susi ng panimulang ebanghelyo, ang “ebanghelyo ng pagsisisi at ng pagbibinyag, at ang kapatawaran ng mga kasalanan.”19
Habang pinag-aaralan ninyo ang mga tungkulin ninyo sa Aaronic Priesthood, makikita ninyo ang isang malinaw na atas na anyayahan ang iba na magsisi at magpakabuti.20 Hindi ibig sabihin nito na tatayo tayo sa isang kanto sa kalsada habang sumisigaw ng, “Magsisi kayo!” Mas madalas, ang ibig sabihin nito ay tayo ay nagsisisi, tayo ay nagpapatawad, at sa ating paglilingkod sa iba, inihahandog natin ang pag-asa at kapayapaan na dulot ng pagsisisi—sapagkat naranasan natin ito sa ating sarili.
Nakasama ko ang mga mayhawak ng Aaronic Priesthood sa kanilang pagbisita sa mga kapwa miyembro ng korum. Nasaksihan ko ang kanilang pag-aalaga na nagpalambot ng mga puso at tumulong sa kanilang mga kapatid na madama ang pagmamahal ng Diyos. Narinig ko ang isang kabataang lalaki na nagpatotoo sa kanyang mga kasamahan tungkol sa kapangyarihan ng pagsisisi. Sa paggawa niya nito, napalambot ang mga puso, nagkaroon ng mga pangako, at nadama ang nagpapagaling na kapangyarihan ni Cristo.
Itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Isang bagay ang magsisi. Isa pang bagay ang mabawasan o mapatawad ang ating mga kasalanan. Ang kapangyarihang magdudulot nito ay matatagpuan sa Aaronic Priesthood.”21 Ang mga ordenansa ng Aaronic Priesthood na binyag at sakramento ay sumasaksi at kumukumpleto ng ating pagsisisi para sa kapatawaran ng mga kasalanan.22 Sa ganitong paraan ito ipinaliwanag ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Tayo ay inutusan na pagsisihan ang ating mga kasalanan at lumapit sa Panginoon nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu at makibahagi sa sakramento. … Kapag pinaninibago natin ang ating mga tipan sa binyag sa ganitong paraan, pinaninibago ng Panginoon ang nakalilinis na epekto ng ating binyag.”23
Mga kapatid, isang sagradong pribilehiyo ang pangasiwaan ang mga ordenansa na nagdudulot ng kapatawaran ng mga kasalanan sa mga nagsisising puso sa pamamagitan ng nagbabayad-salang kapangyarihan ng Tagapagligtas.24
Kamakailan ay may nagsabi sa akin tungkol sa isang priest, na nahihirapan sa pagpapahayag ng panalangin sa pagbasbas ng sakramento sa kauna-unahang pagkakataon. Habang ginagawa niya iyon, isang makapangyarihang espiritu ang napasakanya at napasa kongregasyon. Kalaunan sa miting na iyon, nagbahagi siya ng isang payak subalit malinaw na patotoo tungkol sa kapangyarihan ng Diyos na nadama niya sa ordenansang iyon.
Sa Sydney, Australia, apat na miyembro ng isang priest quorum ang nagbinyag sa mga miyembro ng pamilya Mbuelongo. Ikinuwento sa akin ng nanay ng isa sa mga priest kung paano lubos na nakaapekto sa kanyang anak ang karanasang ito. Naunawaan ng mga priest na ito kung ano ang ibig sabihin ng maging “naatasan ni Jesucristo.”25
Tulad ng alam na ninyo, ang mga priest ay makapagsasagawa na ngayon ng mga binyag para sa mga patay sa templo. Kamakailan ay bininyagan ako ng aking 17-taong-gulang na anak para sa ilan sa aming mga ninuno. Kapwa kami nakadama ng lubos na pasasalamat para sa Aaronic Priesthood at sa pribilehiyo na kumilos para sa kaligtasan ng mga anak ng Diyos.
Mga kabataang lalaki, sa inyong masigasig na pakikilahok sa mga tungkulin ninyo sa priesthood, nakikibahagi kayo sa Diyos sa Kanyang gawain na “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.”26 Ang mga karanasang tulad nito ay nagdaragdag sa inyong pagnanais at inihahanda kayo na magturo tungkol sa pagsisisi at magbinyag ng mga nagbalik-loob bilang mga missionary.Inihahanda rin kayo ng mga ito para sa inyong panghabambuhay na paglilingkod sa Melchizedek Priesthood.
Si Juan Bautista, ang Ating Halimbawa
Mga mayhawak ng Aaronic Priesthood, nasa atin ang pribilehiyo at tungkulin na maging kapwa tagapaglingkod ni Juan Bautista. Si Juan ay ipinadala bilang isang awtorisadong sugo upang magpatotoo tungkol kay Cristo at anyayahan ang lahat na magsisi at mabinyagan—ang ibig sabihin, ginamit niya ang mga susi ng Aaronic Priesthood na tinalakay natin. Pagkatapos ay inihayag ni Juan, “Sa katotohanan ay binabautismuhan ko kayo sa tubig sa pagsisisi: datapuwa’t ang dumarating sa hulihan ko ay lalong makapangyarihan kay sa akin … : siya ang sa inyo’y magbabautismo sa Espiritu Santo at apoy.”27
Kaya, ang Aaronic Priesthood, taglay ang mga susi ng paglilingkod ng mga anghel at ng panimulang ebanghelyo, ay inihahanda ang daan para sa mga anak ng Diyos na matanggap, sa pamamagitan ng Melchizedek Priesthood, ang kaloob na Espiritu Santo, ang pinakadakilang kaloob na matatanggap natin sa buhay na ito.28
Napakalaking responsibilidad na ibinigay ng Diyos sa mga mayhawak ng Aaronic Priesthood!
Isang Paanyaya at Pangako
Mga magulang at mga lider ng priesthood, nadarama ba ninyo ang kahalagahan ng payo ni Pangulong Monson na tulungan ang mga kabataang lalaki na maunawaan “kung ano ang ibig sabihin … ng maging mga mayhawak ng priesthood ng Diyos”?29 Ang pag-unawa at pagpapalawak ng Aaronic Priesthood ay maghahanda sa kanila na maging matatapat na mayhawak ng Melchizedek Priesthood, mga missionary na puno ng kapangyarihan, at matwid na mga asawa at ama. Sa pamamagitan ng kanilang paglilingkod, mauunawaan at madarama nila ang katotohanan ng kapangyarihan ng priesthood, ang kapangyarihang kumilos sa pangalan ni Cristo para sa kaligtasan ng mga anak ng Diyos.
Mga kabataang lalaki, ang Diyos ay may gawaing ipinagagawa sa inyo.30 Ang ordenasyon ninyo sa Aaronic Priesthood ay napakahalaga sa pagtulong sa mga anak Niya na matanggap ang nagbabayad-salang kapangyarihan ni Cristo. Ipinapangako ko na habang ginagawa ninyong nasa sentro ng inyong buhay ang mga sagradong tungkuling ito, madarama ninyo ang kapangyarihan ng Diyos na hindi pa ninyo kailanman nadama. Mauunawaan ninyo ang inyong pagkatao bilang anak na lalaki ng Diyos, na may banal na tungkulin na gawin ang Kanyang gawain. At, tulad ni Juan Bautista, tutulong kayo na maihanda ang daan para sa pagparito ng Kanyang Anak. Ang mga katotohanang ito ay pinatototohanan ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.