Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 5: Ang Espiritu Santo at Personal na Paghahayag


Kabanata 5

Ang Espiritu Santo at Personal na Paghahayag

Batay sa ating katapatan ay matatanggap natin ang patnubay ng Espiritu Santo na magpapaunawa at gagabay sa ating buhay at aakay sa atin sa buhay na walang hanggan.

Mula sa Buhay ni Wilford Woodruff

Noong Oktubre 1880, sinabi ni Pangulong Wilford Woodruff na binisita siya kamakailan nina Pangulong Brigham Young, na namatay noong 1877, at Pangulong Heber C. Kimball, na namatay noong 1868. “Nang makarating kami sa aming pupuntahan,” kuwento ni Pangulong Woodruff, “tinanong ko si Pangulong Young kung tuturuan niya kami. Sabi niya, ‘Hindi, nakapagpatotoo na ako sa mundo. Hindi na ako magsasalita pa sa mga taong ito.’ ‘Subalit,’ sabi niya, ‘naparito ako para makita ka; para bantayan ka, at tingnan ang ginagawa ng mga tao.’ Pagkatapos, sabi niya, ‘Gusto kong turuan mo ang mga tao—at gusto kong sundin mo mismo ang payo na ito—na dapat silang gumawa at mamuhay sa paraan na mapapasakanila ang Banal na Espiritu, sapagkat kung wala ito hindi ninyo maitatayo ang kaharian. Kung walang Espiritu ng Diyos, kayo ay nanganganib na lumakad sa kadiliman, at nanganganib na di-maisakatuparan ang inyong tungkulin bilang mga apostol at elder sa simbahan at kaharian ng Diyos.’ ”1

Hindi na bago ang payo na ito kay Pangulong Woodruff. Kilala siya ng kanyang mga kapatid bilang “isang taong sensitibo sa mga pahiwatig ng Espiritu ng Panginoon, isang taong ginagabayan ng inspirasyon sa pagsasagawa ng kanyang tungkulin, nang higit pa sa anumang kaloob na karunungan o kahusayan sa pagpapasiya na taglay niya mismo.”2 Madalas niyang ikuwento ang isang karanasan ng pagpapahiwatig ng Espiritu. Nangyari ito noong silang pamilya ay naglakbay sa silangang bahagi ng Estados Unidos, kung saan tinawag siyang magmisyon. Sabi niya:

“Pinatakbo ko ang aking karwahe isang gabi sa bakuran ni Brother Williams [isang miyembro sa Simbahan natin doon]. Si Brother Orson Hyde [ng Korum ng Labindalawang Apostol] ay nagpapatakbo ng bagon sa aking tabi. Nakasakay ang aking asawa at mga anak sa karwahe. Pagkatapos kong pakainin ang aking mga kabayo at makapaghapunan ako, nahiga na ako sa karwahe. Ilang minuto pa lang akong nakahiga roon nang sabihin sa akin ng Espiritu, ‘Bumangon ka at ilipat mo ang karwaheng iyan.’ Sinabi ko sa asawa ko na kailangan kong bumangon at ilipat ang karwahe. Sabi niya, ‘Bakit pa?’ Sabi ko, ‘Hindi ko alam.’ Iyon lamang ang itinatanong niya sa akin sa ganoong mga pangyayari; kapag sinasabi ko sa kanyang hindi ko alam, sapat na iyon. Bumangon ako at inilipat ang aking karwahe. … Lumingun-lingon ako sa paligid at nahiga na. At muli sinabi ng Espiritu, ‘Puntahan mo at alisin ang iyong mga hayop sa puno ng oak na iyan.’ … Pumunta ako at inalis ang aking mga kabayo at inilagay ang mga ito sa maliit na puno ng hickory. Muli akong nahiga.

“Pagkalipas ng tatlumpung minuto isang ipuipo ang dumaan at iniangat ang punong iyon ng oak nang dalawang talampakan ang taas mula sa lupa. Winasak nito ang tatlo o apat na bakod at eksaktong bumagsak sa bakurang iyon, malapit sa bagon ni Brother Orson Hyde, at sa mismong lugar na unang kinalagyan ng aking karwahe. Ano kaya ang nangyari kung hindi ako nakinig sa Espiritung iyon? Aba, siguradong namatay ako, ang aking asawa at mga anak. Iyan ang marahan at banayad na tinig sa akin—hindi lindol, hindi kulog, hindi kidlat; kundi ang marahan, at banayad na tinig ng Espiritu ng Diyos. Iniligtas nito ang buhay ko. Ito’y diwa ng paghahayag sa akin.”3

Binigyang-diin ni Pangulong Woodruff na kinakailangang magabayan ng Espiritu Santo ang lahat ng miyembro ng Simbahan—sa paghahangad ng personal na paghahayag. Sinabi niya, “Hindi nagtatagal ang Simbahan ng Diyos nang dalawampu’t apat na oras nang walang paghahayag.”4

Mga Turo ni Wilford Woodruff

Ang Espiritu Santo ay isang personaheng espiritu na sumasaksi sa Diyos Ama, kay Jesucristo, at sa katotohanan ng ebanghelyo.

Ang Espiritu Santo ay isa sa mga personahe sa Panguluhang Diyos. May tabernakulo [katawang may laman at buto] ang Diyos Ama at Diyos Anak, at nilikha mismo ng Diyos ang tao sa Kanyang wangis; subalit ang Espiritu Santo ay isang personaheng Espiritu, na sumasaksi sa Ama at Anak sa mga anak ng tao [tingnan sa D at T 130:22].5

Ano ang pinakadakilang patotoo na matatamo ng sinumang lalaki o babae maliban sa ito ay gawain ng Diyos? Sasabihin ko sa inyo ang pinakadakilang patotoong nakamtan ko, ang pinakatiyak na patotoo, iyon ay ang patotoo ng Espiritu Santo, ang patotoo ng Ama at Anak.6

Maaaring madaya ang ating mga mata at tainga ng katusuhan at panloloko ng tao; subalit hindi kailanman dinadaya ng Espiritu Santo ang sinuman.7

Sinasabi sa atin ng mga banal na kasulatan na may espiritu sa tao at ang inspirasyon ng Makapangyarihang Diyos ay nagbibigay ng pag-unawa [tingnan sa Job 32:8]. Dahil sa alituntuning ito kaya nalaman natin ang katotohanan at ang kapangyarihan ng ebanghelyo na natanggap natin. Ang mga alituntunin ng buhay na walang hanggan ay ipinakita sa atin sa pamamagitan ng inspirasyon ng Espiritu Santo, sapagkat nananahan sa atin ang Espiritu, naiimpluwensyahan nito ang ating isipan, at kung susundin natin ang mga turong iyon, nang may tamang damdamin, mauunawaan nating mabuti ang mga bagay na ito.8

Ang bawat matapat na Banal sa mga Huling Araw ay makatatanggap ng kaloob na Espiritu Santo, na siyang pinakadakilang kaloob na matatanggap ninuman sa buhay na ito.

Ang bawat taong nagsisisi ng kanyang mga kasalanan, nabinyagan para sa kapatawaran nito, alinsunod sa orden ng Diyos, at kawangis ni Jesucristo, na inilubog sa tubig na wangis ng kanyang kamatayan, at babangon na wangis ng kanyang pagkabuhay na muli, ay may karapatan sa Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo ay ipinangako, at pag-aari niya; karapatan ng lahat ng tao na matamasa ito, at kung natanggap nila ang Espiritu Santo at [Kanyang] mga kaloob, sila’y magkakaroon ng inspirasyon, liwanag at katotohanan; makakikita sila, makaririnig, at makauunawa.9

Ngayon, kung nasa inyo ang Espiritu Santo—at dapat mapasainyong lahat ito—masasabi kong wala nang hihigit pang kaloob, wala nang hihigit pang biyaya, wala nang hihigit pang patotoo na ibinigay sa sinumang tao sa mundo. Maaaring mapasainyo ang paglilingkod ng mga anghel; makakita ng maraming himala; makakita ng maraming kababalaghan sa lupa; pero masasabi ko na ang kaloob na Espiritu Santo ang pinakadakilang kaloob na maibibigay sa tao. Dahil sa kapangyarihan nito kung kaya naisagawa natin ang bagay na nasa atin. Ito ang tumutulong sa atin sa lahat ng pag-uusig, pagsubok at paghihirap na dumarating sa atin.10

Ang bawat lalaki o babae na pumasok sa simbahan ng Diyos at nabinyagan para sa kapatawaran ng mga kasalanan ay may karapatan sa paghahayag, karapatan sa Espiritu ng Diyos, na tutulong sa kanilang mga gawain, sa pangangalaga at pagpapayo sa kanilang mga anak at sa mga taong inatas na pamunuan nila. Ang Espiritu Santo ay hindi lamang para sa kalalakihan, o sa mga apostol o mga propeta; ito’y para sa bawat matapat na lalaki at babae, at sa bawat bata na nasa hustong edad para tumanggap ng ebanghelyo ni Cristo.11

Dapat nating sanayin ang ating sarili sa marahan, at banayad na tinig ng Espiritu Santo—ang tinig ng paghahayag.

May itinalagang pamamaraan … kung saan natatanggap ang paghahayag mula sa Panginoon para sa pamamahala ng kanyang simbahan. Iisang tao lamang sa mundo, sa isang panahon, ang maytaglay ng kapangyarihang ito. Subalit bawat miyembro ay may pagkakataong tumanggap ng paghahayag mula sa Panginoon na papatnubay sa kanyang sariling mga gawain, at magpapatotoo sa kanya ukol sa kawastuhan ng mga turo at pagkilos ng tao.12

Ano ang paghahayag? Ito’y inspirasyong bigay ng Espiritu Santo sa tao. Sinabi ni Joseph Smith kay Brother John Taylor noon: “Brother Taylor, pansinin mo ang ipinahihiwatig ng Espiritu ng Diyos; pansinin mo ang mga bulong ng Espiritu sa iyo; gawin mo ito sa iyong buhay, at [ito] ay magiging alituntunin ng paghahayag sa iyo, at malalaman at mauunawaan mo ang Espiritu at kapangyarihang ito.” Ito ang susi, ang batong pundasyon ng lahat ng paghahayag. … Sa sarili kong karanasan, sinikap kong makilala ang Espiritung ito, at matutuhan ang pagkilos nito.13

Ilan na sa inyo ang nakatanggap ng paghahayag? Ilan na sa inyo ang nabulungan ng Espiritu Santo—ang marahan at banayad na tinig? … Marami na akong patotoo mula nang maugnay ako sa Simbahan at kahariang ito. Maraming beses na akong nabiyayaan ng ilang kaloob at biyaya, paghahayag at pagmiministeryo; subalit sa pagkakaroon nito ay hindi ako kailanman nakakita ng anumang bagay na higit kong maaasahan maliban sa marahan at banayad na tinig ng Espiritu Santo.14

Ang tao ay mahilig tumingin o umasa sa malalaki at kagila-gila las na mga bagay kaya kadalasan inaakala nila itong Espiritu ng Diyos at inspirasyon ng Makapangyarihang Diyos. Wala sa kulog o hangin ang hinahanap nating Espiritu ng Diyos kundi sa marahan at banayad na tinig [tingnan sa I Mga Hari 19:11–12].15

Sa pamamagitan ng kaloob na Espiritu Santo, tumatanggap tayo ng mga biyaya na gagabay sa ating buhay ngayon at maghahanda sa atin sa buhay na walang hanggan.

Mapalilibutan ninyo ang sinumang lalaki o babae ng lahat ng kayamanan at kaluwalhatian na maiisip ng tao, ngunit masisiyahan ba naman sila? Hindi. Mayroon pa ring kulang sa buhay nila. Sa kabilang dako, kung may isang pulubi sa kalsada, at nasa kanya ang Espiritu Santo, at puspos ang isipan ng Espiritu at kapangyarihan, iyon ang taong may kapayapaan sa isipan, na nagtataglay ng totoong mga kayamanan, at ng mga kasiyahang hindi makukuha ng sinuman sa iba pang paraan.16

Kapag tinatamasa natin ang Banal na Espiritu, kapag sinisikap nating ipamuhay ang ating relihiyon dito sa lupa, tayo ang pinakamaligayang tao sa mundo, anuman ang ating kalagayan. Wala akong pakialam kung tayo man ay mayaman o mahirap, masaya o namimighati, kung ipinamumuhay ng tao ang kanyang relihiyon at tinatamasa ang pagpapala at Espiritu ng Diyos, balewala sa kanya ang mga nangyayari sa mundo. Maaaring magkaroon ng lindol, digmaan, sunog o alitan sa lupain, subalit nadarama niyang ayos lang ito sa kanya. Ganito ang nadarama ko.17

Bawat tao na tumatanggap ng Espiritung iyon ay may mangaaliw na kasama—isang lider na magbibigay ng tagubilin at gagabay sa kanya. Ipinahahayag ng Espiritung ito, araw-araw, sa bawat tao na nananampalataya, ang mga bagay para sa kanyang kapakanan. … Ang inspirasyong ito ng Diyos sa kanyang mga anak sa bawat kapanahunan ng mundo ang isa sa mahahalagang kaloob para tulungan ang tao at makapamuhay sa pananampalataya, at humayo at sundin ang lahat ng tagubilin at utos at paghahayag na ibinigay ng Diyos sa Kanyang mga anak para gabayan at patnubayan sila habambuhay.18

Dapat matamo ng bawat tao ang Espiritu ng Diyos, at sundin ang mga tagubilin nito. Ito ay paghahayag. Mahalaga ang sinasabi ng Espiritu na gagawin ninyo; hindi kayo nito kailanman sasabihang gumawa ng masama.19

Napalilibutan tayo ng … masasamang espiritu na kumakalaban sa Diyos at sa lahat ng nangangasiwa sa pagtatatag ng kaharian ng Diyos; at kailangan natin ang Banal na Espiritung ito para mapaglabanan ang mga impluwensyang iyon. …

… Ang Espiritung ito ang dapat mapasaatin upang maisakatapuran ang mga layunin ng Diyos sa mundo. Mas kailangan natin ito kaysa sa ibang kaloob. … Napapagitnaan tayo ng mga kaaway, ng kadiliman at tukso, at kailangan nating magabayan ng Espiritu ng Diyos. Dapat tayong manalangin sa Panginoon hanggang sa mapasaatin ang Mang-aaliw. Ito ang pangako sa atin nang tayo’y binyagan. Ito’y espiritu ng liwanag, ng katotohanan, at ng paghahayag at mapapasa ating lahat nang sabay-sabay.20

Makikita ninyo na kapag hinangad nating gawin ang ibang bagay sa halip na gawin ang mga tagubilin ng Banal na Espiritu ay mapupunta tayo sa kadiliman at kaguluhan, at walang direksyon ang ating buhay. Sa araw-araw na nabubuhay tayo kailangan natin ang kapangyarihan ng Panginoon—ang kapangyarihan ng kanyang Banal na Espiritu at ang lakas ng priesthood ay mapasaatin nawa upang malaman natin ang dapat nating gawin. At kung namuhay tayo nang matwid sa harapan ng Panginoon, ipahahayag sa atin ng Espiritu sa araw-araw ang ating mga tungkulin. Hindi mahalaga sa akin kung ano ang ginagawa natin, dapat muna nating alamin ang kalooban ng Panginoon at gawin ito pagkatapos, at nang sa gayon magawa nating mabuti ang ating gawain at maging karapat-dapat ito sa harapan ng Panginoon.21

Sa buong buhay ko at gawain, kapag sinasabihan ako ng Espiritu ng Panginoon na gawin ang anumang bagay, palagi kong nakikitang mabuti itong gawin. Ako’y napangalagaan ng kapangyarihang iyon. … Kamtin ninyo ang diwa ng paghahayag. At kapag nakamit ninyo ito, ligtas na kayo, at gagawin ninyo nang husto ang nais ng Panginoon na gawin ninyo.22

Ang isiping makasusunod tayo at mapababanal ng ebanghelyo, at makapaghahanda para magmana ng buhay na walang hanggan, ay isa sa mga pinakamaluwalhating alituntunin na inihayag sa tao. … Umaasa tayo sa isang bagay na hindi nalalaman ng mundo, at hindi nila ito maiisip. Maliban sa sila’y ipanganak sa Espiritu ng Diyos, hindi nila kailanman makikita ang kaharian ng Diyos, at hindi sila makapapasok dito maliban sa sila’y ipanganak sa tubig at sa Espiritu [tingnan sa Juan 3:5]. Dahil dito, hindi sila makababahagi sa nakalulugod na pag-asa na tinataglay natin. Ang kanilang mga mata, tainga at puso ay hindi bukas para makita at marinig at madama ang kapangyarihan ng ebanghelyo ni Cristo.23

May pribilehiyo tayong sundin ang mga tagubilin ng Espiritu ng Panginoon, at mapasaatin ito para gabayan tayo at samahan. Sa pamamagitan ng paggawa nito ang mga biyaya ng kalangitan ay mapapasaatin kaagad kung handa tayong tanggapin ang mga ito.24

Ang pagsama tuwina ng Espiritu ay nangangailangan ng palagiang paggawa at katapatan natin.

Umaasa ako … na maisasagawa nating mga tao ang ating tungkulin, maipamumuhay ang ating relihiyon, mapananatili ang pananampalataya, mamumuhay nang matwid sa harapan ng Panginoon upang makasama natin sa tuwina ang Espiritu Santo na gagabay sa atin sa mga araw na darating. Ito ang aking dalangin at hangarin.25

Alam kong kailangan ang patuloy na pagsisikap, paggawa at katapatan sa harapan ng Panginoon para laging mapasaatin ang Banal na Espiritu, at mamuhay sa paraang makakamtan natin ang mga biyayang ito.26

Wala tayong ibang dapat sikaping makamit habang nasa mundong ito maliban sa Espiritu ng Diyos, ang Espiritu Santo, ang Mang-aaliw, na karapatan nating matanggap dahil sa pagsunod sa mga hinihingi ng Ebanghelyo.27

Ang magandang pangako na kaakibat ng pangangaral ng Ebanghelyo, tulad ng inihayag ng langit sa ating panahon, ay ang ipagkakaloob ang Espiritu Santo sa mga tunay na nagsisi at sumusunod sa mga banal na ordenansa nito. Sa pamamagitan ng Espiritu Santo, naipaaalam ang mga bagay ng nakaraan, kasalukuyan at darating at naipaaalam ang isipan at kalooban ng Ama. Sa paraang ito naihahayag ng Makapangyarihang Diyos ang Kanyang mga layunin sa mga sumusunod sa Kanyang mga kautusan na namuhay ng dalisay at karapat-dapat sa Kanya, nang sa gayon maging handa sila sa lahat ng mangyayari at pagsubok na daraanan nila.

Kung mayroon mang mga miyembro ng Simbahan na hindi nalamang totoo ito sa pamamagitan ng sarili nilang karanasan, siguradong hindi nila ipinamumuhay ang kanilang mga pribilehiyo. Ang lahat ng Banal ay dapat na malapit sa Espiritu Santo, at, sa pamamagitan nito, ay mapalapit sa Ama, dahil kung hindi malamang na madaig sila ng masama at maligaw ng landas.

Samakatwid, sinasabi namin sa mga Banal sa mga Huling Araw: Ang Espiritu Santo ay hindi mananahan sa maruming tabernakulo. Kung nais ninyong matamasa ang buong kapangyarihan at mga kaloob ng inyong relihiyon, dapat kayong maging dalisay. Kung nakokonsensya kayo sa mga kahinaan, kalokohan, at mga kasalanan ninyo, kailangang pagsisihan ninyo ang mga ito; dapat ninyo itong lubos na iwaksi. Wala ng iba pang paraan na malulugod sa atin ang Diyos. “Tao ng Kabanalan” ang Kanyang pangalan [tingnan sa Moises 6:57], at nalulugod Siya sa mga pagsisikap ng Kanyang mga anak na maging dalisay.28

Kung wala tayong paghahayag, ito ay dahil sa hindi tayo namumuhay nang karapat-dapat, hindi natin tinutupad ang ating [mga tungkulin sa] priesthood, na tulad ng nararapat. Kung namuhay tayo sa wastong paraan hindi tayo mawawalan ng paghahayag, lahat ay makagagawa nang mabuti.29

Iwaksi natin ang masasamang ugali, lahat ng mga gawi na hahadlang sa ugnayan natin sa Diyos. … Kung ang maliliit na bagay na ito ay magiging hadlang sa ating kaligayahan at magpapababa ng ating pagkatao sa harap ng Panginoon, dapat natin itong iwaksi at ipakita ang determinasyon na gawin ang kalooban ng ating Ama sa Langit, at isakatuparan ang ipinagagawa sa atin. … Kapag nakagagawa ako ng anumang bagay na nagiging hadlang sa pagtamasa ko ng Espiritu ng Panginoon, sa sandaling mapagtanto ko ito ay kaagad ko itong iwinawaksi.30

Sinisikap nating sumunod sa selestiyal na batas ng Diyos; ipinangangaral natin ang ebanghelyo ni Jesucristo at masigasig na isinasagawa ang mga alituntunin nito. Ang tanong ngayon ay, makikinabang ba tayo sa paggawa nito? Makikinabang ba tayo sa pagiging matapat? Makikinabang ba tayo sa pagtatagumpay natin sa anumang pagsubok o paghihirap, o pag-uusig, o maging kamatayan mismo, para sa kaharian ng Diyos, para sa kaligtasan at buhay na walang hanggan, na siyang pinakadakilang kaloob na maibibigay ng Diyos sa mga anak ng tao? Sinasabi kong oo, at umaasa ako na ang mga Banal sa mga Huling Araw, na lahat ng kalalakihang may awtoridad—ay magiging tapat lahat sa harapan ng Panginoon. Maalala nawa natin ang ating mga panalangin, sikaping masapasaatin ang Banal na Espiritu, sikaping alamin ang isipan at kalooban ng Diyos, nang sa gayon malaman natin ang landas na ating tatahakin, upang matamo natin ang Espiritu ng Panginoon at ang Espiritu Santo, at madaig ang daigdig at magawa ang ating tungkulin hanggang sa matapos ang ating buhay dito sa lupa.31

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Isaisip ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang Kabanatang ito o naghahanda para magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina v–x.

  • Ano ang natutuhan ninyo sa mga kuwento sa mga pahina 50–51?

  • Sa pag-aaral ninyo sa Kabanatang ito, ano ang natutuhan ninyo tungkol sa Espiritu Santo at sa Kanyang mga tungkulin?

  • Rebyuhin ang buong huling talata sa pahina 53. Bakit maaari nating ituring ang kaloob na Espiritu Santo bilang “pinakadakilang kaloob” na matatanggap natin sa mortalidad? Rebyuhin ang huling talata sa Kabanata, sa mga pahina 59. Paano tayo inihahanda ng kaloob na Espiritu Santo sa buhay na walang hanggan, na siyang “pinakadakila sa lahat ng kaloob”?

  • Paano makatutulong sa atin ang mga turo ni Pangulong Woodruff sa pagkilala sa mga panghihikayat ng Espiritu Santo? (Tingnan sa mga pahina 51, 54–55; tingnan din sa D at T 6:15, 22–23; 11:12–14.) Bakit mahalagang tandaan na karaniwang nakikipag-usap ang Espiritu Santo sa “marahan at banayad na tinig”?

  • Basahin ang ikalawang talata sa pahina 55. Ano ang ilan sa mga “tunay na kayamanan” na tinatanggap natin kapag nasa atin ang Espiritu Santo? (Tingnan sa mga pahina 55–57.)

  • Mag-isip ng isang karanasan kung saan nagabayan kayo ng Espiritu Santo. Sa paanong paraan kayo nabiyayaan ng pagsama ng Espiritu Santo?

  • Rebyuhin ang huling bahagi ng Kabanata (mga pahina 58–59). Bakit kailangan nating palagiang gumawa upang mapasaatin tuwina ang Espiritu Santo? Ano ang maaaring humadlang sa atin sa pagdama sa impluwensya ng Espiritu Santo? Ano ang makatutulong sa atin para madama ang impluwensya ng Espiritu Santo?

Mga Kaugnay na Banal na Kasulatan: Juan 14:26; 15:26; 16:13; I Mga Taga Corinto 2:9–14; 1 Nephi 10:17–19; 2 Nephi 32:1–5; Moroni 10:5; D at T 8:2–3; 14:7

Mga Tala

  1. The Discourses of Wilford Woodruff, pinili ni G. Homer Durham (1946), 290; tingnan din sa pahina 289.

  2. Joseph F. Smith, Gospel Doctrine, ika-5 edisyon (1939), 171.

  3. Deseret Weekly, September 5, 1891, 323.

  4. The Discourses of Wilford Woodruff, 61

  5. Deseret Weekly, September 21, 1889, 393.

  6. Deseret News: Semi-Weekly, Setyembre 7, 1880, 1.

  7. Deseret News: Semi-Weekly, Hulyo 30, 1878, 1.

  8. Deseret News, Hunyo 26, 1861, 130.

  9. Deseret News: Semi-Weekly, Mayo 2, 1876, 4.

  10. Deseret Weekly, April 6, 1889, 451.

  11. The Discourses of Wilford Woodruff, 53.

  12. The Discourses of Wilford Woodruff, 54.

  13. The Discourses of Wilford Woodruff, 45–46.

  14. The Discourses of Wilford Woodruff, 45.

  15. Journal of Wilford Woodruff, Enero 20, 1872, Archives of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints.

  16. The Discourses of Wilford Woodruff, 5.

  17. Deseret News: Semi-Weekly, Hulyo 20, 1875, 1.

  18. The Discourses of Wilford Woodruff, 7–8.

  19. The Discourses of Wilford Woodruff, 293–94.

  20. Deseret Weekly, November 7, 1896, 643.

  21. Deseret News, Marso 4, 1857, 411.

  22. Sa Conference Report, Abril 1898, 31.

  23. Deseret News: Semi-Weekly, Marso 4, 1873, 3.

  24. Deseret News, Disyembre 26, 1860, 338.

  25. Deseret Weekly, March 6, 1897, 371.

  26. Deseret News: Semi-Weekly, Hulyo 20, 1875, 1.

  27. Contributor, August 1895, 637.

  28. “Epistle,” Woman’s Exponent, Abril 15, 1888, 174; mula sa isinulat na liham ni Pangulong Woodruff alangalang sa Korum ng Labindalawa.

  29. The Discourses of Wilford Woodruff, 51.

  30. Deseret News, Pebrero 26, 1862, 274.

  31. The Discourses of Wilford Woodruff, 129.

gift of the Holy Ghost

Ang kaloob na Espiritu Santo ay maibibigay “sa bawat matapat na lalaki at babae at sa bawat bata na nasa hustong edad na para tumanggap ng ebanghelyo ni Cristo.”

two men conversing

Ang karapat-dapat na mga Banal sa mga Huling Araw ay makatatanggap ng Espiritu Santo “na tutulong sa kanilang mga gawain, sa pangangalaga at pagpapayo sa kanilang mga anak at sa mga taong iniatas na pamunuan nila.”