Kabanata 22
Temporal at Espirituwal na Paggawa, “Magkasama”
Sa ating pagsisikap na palakasin ang ating mga pamilya at itatag ang kaharian ng Diyos sa lupa, dapat tayong magsikap kapwa sa temporal at espirituwal.
Mula sa Buhay ni Wilford Woodruff
Sa mga unang araw ng Simbahan, madalas hikayatin ng mga propeta at apostol ang mga tao na gawin ang kanilang bahagi sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos. Kailangan sa pagsisikap na ito ang espirituwal at temporal na paggawa. Dagdag pa sa pananalangin, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at pagbabahagi ng ebanghelyo, ang mga Banal ay nagtayo ng mga bahay at lungsod, pampublikong paaralan, nagsaka at pinatubigan ang tigang na lupa, at humila ng granito mula sa mga bundok para itayo ang Salt Lake Temple. Noong 1857, sampung taon makalipas ang unang pagpasok sa Salt Lake Valley ng mga pioneer na Banal sa mga Huling Araw, sinabi ni Elder Wilford Woodruff: “Kung magtatrabaho tayo at itatayo ang kaharian ng Diyos sa halip na ang ating sarili, hindi na mahalaga ang paraan kung paano ito itatayo, maging ito man ay paggawa ng kanal, o pagtatayo ng templo, pangangaral ng ebanghelyo, pagsasaka, o anupaman. … Makikita nating tutulungan at itataguyod tayo ng Panginoon, at bibigyan ng lakas ng Kanyang kapangyarihan, at tutulungan tayo sa lahat ng kailangan nating gawin.”1
Alam ng mga nakakakilala kay Pangulong Woodruff na hindi lamang siya nagsasalita tungkol sa kahalagahan ng kasipagan—isinasagawa rin niya ang alituntuning ito sa kanyang buhay. Dagdag pa sa pagtupad niya sa kanyang mga tungkulin sa priesthood, siya ay masipag sa mga gawaing temporal, maging sa kanyang katandaan. Itinala ni Andrew Jenson, mananalaysay na Banal sa mga Huling Araw, na: “Ang kanyang kasipagan ay kahanga-hangang bahagi ng kanyang pagkatao kaya’t noong, sa edad na siyamnapu, ay nalamangan lamang siya nang kaunti ng isa sa kanyang mga apong lalaki sa pag-aasarol ng ilang gulay sa hardin, tila nahihiyang sinabi niya na: ‘Aba, ito ang unang pagkakataon sa aking buhay na nadaig ako sa pag-aasarol ng isa sa aking mga [apo].’ ”2
Puna ng isang kasabayan ni Pangulong Woodruff: “Mahal niya ang paggawa, hindi lamang dahil sa pakinabang nito, kundi dahil ito ay kasama sa banal na utos. Sa kanya hindi lamang ito isang paraan para mabuhay sa mundo, o makaragdag ng kaginhawaan sa sariling buhay gayundin sa mga umaasa sa kanya. Para sa kanya ito ay isang biyaya, isang pribilehiyo, isang pagkakataon na lagi niyang sinasamantala sa tuwing may libreng oras siya sa kanyang tungkulin. … Ang magtrabaho, ay isang banal na kautusan na mahalaga tulad ng pananalangin; at sa kanyang buhay ay ipinakita niya sa pinakamataas na antas na ang simpleng buhay- Kristiyano ang bumubuo sa pisikal, mental, at moral na kapakanan ng tao. Lubos siyang naniniwala sa labis na kabutihan ng pagtatrabaho ng katawan. Mahal niya ito at ikinasisiya ito.”3
Mga Turo ni Wilford Woodruff
Sa pagtatayo natin ng kaharian ng Diyos, may mga temporal na tungkulin tayong isasagawa.
Madalas sabihin sa atin ng ating Pangulo [si Brigham Young] na hindi natin mahihiwalay ang temporal sa espirituwal, sa halip ang mga ito ay dapat magkasama, at gayon nga at dapat tayong gumawa patungkol sa pagtatayo ng simbahan at kaharian ng Diyos.4
Iniisip ng ilang tao na di dapat makialam ang Panguluhan ng Simbahang ito at ang Labindalawang Apostol sa mga bagay na temporal. Malalagay tayo sa di magandang sitwasyon kung hindi natin pakikialaman ang mga bagay na temporal.5
Itinatayo natin ang literal na kaharian ng Diyos dito sa lupa, at may mga temporal na tungkulin tayong isinasagawa. Mayroon tayong temporal na katawan, kumakain, nagtatayo ng mga temporal na tahanan, nag-aalaga ng mga hayop at pananim; binubunot natin ang mga damo, at sinusugpo ang mga peste sa ating lupa. Ang mga bagay na ito ay nangangailangan ng pangangalaga at paggawa ng maraming mahihirap na temporal na tungkulin, at tunay na ang mga ito, ay kasama sa ating relihiyon.6
Hindi natin maitatayo ang Sion nang nakaupo lamang sa isang malapad na kahoy na nagkakantahan at inilalayo ang ating sarili sa walang hanggang kaligayahan. Kailangan nating bungkalin ang lupa, kumuha ng mga bato at elemento mula sa mga bundok at magtayo ng mga templo sa Diyos na Kataastaasan. Ang temporal na gawaing ito ay hinihingi sa ating mga kamay ng Diyos ng langit, tulad ng kailangan niyang hilinging mamatay si Cristo para tubusin ang sanlibutan, o tulad ng hiningi ng Tagapagligtas kina Pedro, Santiago at Juan na humayo at ipangaral ang ebanghelyo sa mga bansa ng mundo. Ito ay dakilang dispensasyon kung saan dapat na maitatag ang Sion ng Diyos, at tayo bilang mga Banal sa mga Huling Araw ang nagtatatag nito.7
Sa mga bagay na temporal, dapat nating tanggapin ang payo ng Panginoon at ng Kanyang mga tagapaglingkod.
Sa simula pa ng gawaing ito hanggang sa kasalukuyan mas naging mahirap ang gawain ng mga tagapaglingkod ng Diyos na ihanda ang puso ng mga tao na ipaubaya sa Panginoon ang pangangasiwa at pamamahala sa kanilang mga temporal na gawain at kabuhayan bukod sa mga bagay na nauukol sa kanilang walang hanggang kaligtasan. …
Medyo nakakatuwa ang bagay na ito, pero sa palagay ko, malamang na resulta ito ng tungkuling hinahawakan natin. May tabing sa pagitan ng tao at ng mga walang hanggang bagay; kung aalisin ang tabing at makikita natin ang mga bagay na walang hanggan tulad ng pagtingin ng Panginoon dito, walang taong matutukso sa ginto, pilak o sa mga bagay ng daigdig na ito, at walang tao, na dahil sa mga ito, ang hindi papayag na hindi sila pamunuan ng Panginoon. Subalit may kalayaan tayong pumili rito, at tayo ay sinusubukan, at may tabing sa pagitan natin at ng mga bagay na walang hanggan, sa pagitan natin at ng ating Ama sa Langit at ng daigdig ng mga espiritu. Ito ay dahil sa matalino at tamang layunin ng Panginoon nating Diyos, na patunayan kung susundin o hindi ng mga anak ng tao ang kanyang batas sa sitwasyong kinalalagyan nila rito sa lupa. Mga Banal sa mga Huling Araw, pag-isipan ang mga bagay na ito. Tinatanggap natin, lakip ang nadarama ng ating puso, na dapat tayong gabayan at patnubayan nina Joseph Smith, Pangulong Young at ng mga lider ng mga tao ukol sa ating walang hanggang kapakanan. Ang mga biyayang ibinuklod sa atin sa pamamagitan ng kanilang awtoridad ay hanggang sa kabilang buhay at may bisa matapos ang kamatayan, at maapektuhan nito ang ating patutunguhan sa walang katapusang panahon ng kawalang-hanggan.
Ang kalalakihan, noong panahon nina Abraham, Isaac at Jacob, at Jesus at ng mga Apostol, ay may mga biyayang ibinuklod sa kanila, mga luklukan, nasasakupan, pamunuan at kapangyarihan, kasama ang lahat ng biyaya ng Bago at Walang Hanggang Tipan. Maaaring maitanong, may kapakinabangan ba ang mga walang hanggang biyayang ito? Oo mayroon, o dapat lang. Ang mga biyaya bang ito ay mahalaga sa ating kayamanan dito sa lupa, kaunti man o marami ang nasa atin? Ang kaligtasan ba, ang buhay na walang hanggan ba ay nagkakahalaga ng dalawang baka, isang bahay, apatnapung hektaryang lupain, o ng anumang bagay na pag-aari natin sa mundong ito? Kung ganito nga, talagang dapat tayong maging handa na ipaubaya sa Panginoon ang pangangasiwa at pamamahala sa lahat ng ating temporal na gawain tulad sa ating mga espirituwal na gawain.
Muli, kapag namatay ang tao hindi niya madadala ang kanyang bakahan, mga kabayo, bahay o lupain; pupunta siya sa libingan— ang kahahantungan ng lahat ng katawan. Walang taong makatatakas dito, ang batas ng kamatayan ay napasalahat. Kay Adan ang lahat ay nangamatay, gayon din naman kay Cristo ang lahat ay bubuhayin [tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:22]. Nauunawaan nating lahat na mamamatay ang lahat ng tao, subalit … walang sinuman sa atin ang nakaaalam kung kailan tayo mamamatay, bagamat alam nating hindi ito magiging makabuluhan bago tayo natawag na sumunod sa mga henerasyong nauna sa atin. Kapag iniisip natin ang mga bagay na ito, sa palagay ko lahat tayo ay dapat maging handang magpagabay sa Panginoon sa ating mga temporal na gawain.8
Ang pamumuhay ng ebanghelyo ay kinapapalooban ng espirituwal at temporal na edukasyon na sinasamahan ng tapat na paggawa.
May isang sawikain o kasabihan na maraming beses ko nang narinig sa aking buhay, na sa palagay ko ay napakahalaga, at iyon ay, “ang katotohanan ay makapangyarihan at mananaig.” Sa palagay ko ito ay nakikita sa lahat ng gawain kung saan ginagamit ang katotohanan, tumutukoy man ito sa temporal o espirituwal; sa gawain ng mga bansa o pamilya o indibiduwal; sa daigdig o sa kaharian man ng Diyos.9
Buong katapatan kong sasabihin na ang pagtatatag ng Sion ng Diyos sa mga huling araw na ito ay kinapapalooban ng bawat bahagi ng gawain, sa temporal at espirituwal, kung saan tayo gumagawa. Hindi natin pag-uusapan ang anumang paksa na naaayon sa batas at legal sa paningin ng Diyos at tao na hindi kasama sa ating relihiyon. Ang ebanghelyo ni Jesucristo na ating tinanggap, at ating ipinangangaral, ay kinapapalooban ng lahat ng katotohanan, at bawat matwid na tungkulin at gawain ng tao.10
Hindi natin dapat pabayaan ang ating mga anak; dapat silang makapag-aral sa mga bagay na espirituwal at temporal. Iyan ang pinakamabuting pamanang maiiwan ng sinumang magulang sa kanilang mga anak.11
Sa paghusay sa tinatawag nating pag-aaral ng mga bagay mula sa mga aklat at akademya, hindi natin dapat balewalain ang pagtatrabaho ng ating kamay. Ang edukasyon ng isipan at edukasyon ng katawan ay dapat magkasama. Ang bihasang isipan ay dapat samahan ng bihasang kamay. Dapat nating ipagmalaki ang gawa ng kamay at laging ikarangal. Ang nakagawian, na karaniwan sa mga panahong ito sa mga kabataang lalaki, na mag-aral nang kaunti at pagkatapos ay isiping hindi sila bagay sa mekanikal o iba pang matrabahong gawain ay isang bagay na hindi nararapat mangibabaw sa atin. … Dapat ikarangal ng bawat isa ang maging tagagawa ng produkto, at hindi mamimili lamang. Dapat nating turuan ang ating mga anak na itaguyod ang kanilang sarili sa pamamagitan ng kanilang sariling pagsisikap at kakayahan. Ituro din na huwag basta gawin lamang ito, kundi tulungan ding itaguyod ang iba, at ang paggawa nito sa pamamagitan ng matapat na pagtatrabaho ay isa sa mga pinakamarangal na paraang ibinigay ng Diyos sa Kanyang mga anak dito sa lupa. Ang paksa tungkol sa pagpapaaral sa mga kabataan ng Sion ay isa sa mga pinakamahalagang gawin.12
Sa ating pagsisikap na magkapera, dapat nating tustusan ang pangangailangan ng ating pamilya, sundin ang batas ng ikapu, maging bukas-palad sa pamamagitan ng ating yaman, at iwasang mangutang.
Tungkol sa mga bagay na temporal, kailangan nating magtrabaho at tustusan ang sarili nating pangangailangan.13
Tungkol naman sa mga kayamanan, hindi ko gusto ang mga ito kung ipapahamak lamang ako nito. Gusto kong magkaroon nang sapat upang mabihisan ko, masapatusan at mapakain ang aking [pamilya], at mapaginhawa sila, kung makukuha ko ito nang tapat sa harapan ng Panginoon; subalit mas gugustuhin ko pang maging mahirap kaming lahat kaysa yumaman at mapahamak. Ang kayamanan ay mapanganib maliban kung gagamitin natin ito sa tamang paraan para hindi tayo mapahamak; kung hindi natin magagamit ang mga ito para sa kaluwalhatian ng Diyos at pagtatayo ng Kanyang kaharian, mas mainam pang wala tayo nito.14
Inaakala ng ilang tao na ang batas ng ikapu ay isang uri ng buwis at nabibigatan sila rito, pero para kanino ba ito? Ang ating ikapu, pagtatrabaho, at lahat ng ginagawa natin sa kaharian ng Diyos, para kanino ba lahat ito? … Ang ating ikapu, pagtatrabaho, mga ginagawa ay hindi para sa kadakilaan ng Makapangyarihang Diyos, kundi para sa atin. … Unawain natin ito sa ganitong paraan at makagagawa tayo nang mabuti. Ang pagbabayad ng ating ikapu, ang pagsunod sa bawat batas na ibinigay sa atin para madakila tayo at mapabuti, ay pawang para sa ating kapakanan at ng ating mga anak, at hindi ito para sa kapakanan ng Panginoon. Siya’y nasisiyahan na sa katapatan ng kanyang mga anak at hangad na makitang lumalakad sila sa landas patungo sa kaligtasan at buhay na walang hanggan.15
Kailangan lamang nating tumingin sa ating paligid para makumbinsi tayo … na ang mga taong bukas-palad sa pagtulong sa gawain ng Diyos ay pinagpapala ng Panginoon. Ito ang karanasan ng Israel noong una, at karanasan din natin ngayon. Gayunman, tungkol sa boluntaryong pagbibigay ng donasyon ay mayroong labis na kapabayaan, sa kabila ng lahat ng mahahalagang pangakong kaugnay nito. Dapat paalalahanan ang mga Banal tungkol sa obligasyong nakaatang sa kanila. Dapat ding ituro sa ating mga anak ang tungkuling ito, nang sa gayo’y makasanayan nilang gawin kaagad ang mga bagay na ito. Ang mga tapat na suumsunod sa mga hinihinging ito ay makapagpapatotoo sa malaking kaligayahan at maraming biyayang natanggap nila sa kanilang pagsunod.
Lumilitaw na ang batas na ito ng pagiging bukas-palad ay isa sa mga pananggalang na pinagtibay ng Panginoon para ilayo sa mga taong ito ang masasamang ibubunga ng pagyaman. Sinabi Niya sa atin na ang mga kayamanan ng mundo ay Kanya upang ibigay; subalit binalaan Niya na iwasan ang kapalaluan, kung hindi’y magiging katulad tayo ng mga Nephita noong una [tingnan sa D at T 38:39]. Alam natin ang idinulot na kapahamakan nito sa kanila, at dapat tayong mag-ingat at iwasan ang masamang epekto ng kayamanan sa atin. Marami ang nakapagtitiis sa hirap at naging mapagpakumbaba, at namumuhay nang malapit sa Panginoon, [subalit] nadadaig ng yaman. Sila’y nagiging palalo, at mapag-imbot, at kinakalimutan ang kanilang Diyos. Gayunman, ang mga nakaaalala palagi sa mga turo ng Panginoon tungkol sa mundo at sa mga naninirahan dito, at ginagamit ang ibinigay sa kanila ng Panginoon para tulungan ang mahihirap at isulong ang gawain ng Diyos, ay nadidisiplina ang sarili at binabawasan ang kapangyarihan ni Satanas na iligaw sila.16
Binibigyang-babala namin ang mga Banal sa mga Huling Araw na iwasan ang masamang kaugalian ng pangungutang at pagkakaroon ng mga obligasyon na kadalasan ay di kayang bayaran, at nagdudulot ng pagkawala ng kanilang mga tahanan at ari-arian. Alam namin na uso ngayon ang labis-labis na pangungutang o credit. … Napakasama nito at dapat natin itong iwasang mabuti, bilang mga tao at indibiduwal. Ang ating negosyo ay dapat na pinatatakbo, hangga’t maaari, sa prinsipyo ng pagbabayad ng ating mga binibili, at ang ating mga pangangailangan ay di dapat lumampas sa ating kinikita. Ang pakikipagsapalaran at pagbabaka-sakali sa mga negosyo sa anupamang uri ay dapat itigil. … Makuntento sa katamtamang kita, at huwag malinlang sa maling akalang yayaman. Alalahanin ang sinabi ng matalinong tao: “Nguni’t siyang nagmamadali sa pagyaman ay walang pagsalang parurusahan.” [Tingnan sa Mga Kawikaan 28:20.] Turuan din ang ating mga anak na ugaliing magtipid, at huwag bigyang-layaw ang mga hangaring hindi nila kayang tustusan nang hindi nangungutang.17
Sa lahat ng ating pagsisikap, hanapin muna natin ang kaharian ng Diyos.
Makikita sa karamihan sa mga tao ang hangaring yumaman, at magtrabaho para sa sarili sa halip na sa kaharian ng Diyos. Pero ano ang pakinabang sa inyo o sa akin ng di pananalangin at magtrabaho na lang at magpayaman? Sapagkat ano ang mapapakinabang ng tao, kung makamtan man niya ang buong sanglibutan, ngunit mapahamak naman ang kaniyang kaluluwa? Wala. Ano ang ibibigay ng tao bilang kapalit ng kanyang kaluluwa kapag siya’y nasa kabilang buhay na? [Tingnan sa Marcos 8:36–37.]
Labis akong nagtataka kung bakit hindi gaanong pansin ng halos lahat ng tao sa mundo ang kanilang magiging kalagayan sa hinaharap. Ang lahat ng tao ngayon dito ay mananahan sa kabilang buhay tulad ng kanyang Tagapaglikha—sa walang katapusang panahon ng kawalang-hanggan, at ang walang hanggang destinasyon ng bawat tao ay ibabatay sa paraan ng paggugol niya sa maikling panahon ng buhay dito sa lupa. Itinatanong ko sa pangalan ng Panginoon, ano ang kapakinabangan ng popularidad sa inyo o sa akin? Ano ang ginto o pilak, o ang mga bagay ng mundong ito sa sinuman sa atin, maliban sa nakukuha natin dito ang kailangan nating pagkain, inumin at isusuot, at pagtatayo ng kaharian ng Diyos. At ang pagtigil natin sa pagdalangin at pagkahibang sa pagkakamit ng kayamanan ng daigdig ay lalong kahangalan at kalokohan.
Batay sa nakikitang ikinikilos ng ilang tao, iisipin ninyong dito na sila sa lupa maninirahan habampanahon, at ang walang hanggan nilang destinasyon ay batay sa dami ng kanilang salapi. Kung minsan ay tinatanong ko sa mga Banal sa mga Huling Araw kung magkano ang pera natin nang dumating tayo rito? Magkano ang dala natin, at saan ito galing? … Palagay ko walang sinuman sa atin na isinilang na may kabayo o karwahe, o may dalang dokumento ng mga stock na inilagak sa perokaril (railroad) at bakahan at tirahan. Sa halip tayo’y isinilang na hubad tulad ni Job, at palagay ko lilisan tayo rito na hubad din tulad niya [tingnan sa Job 1:20–21]. At tungkol sa mga bagay ng mundong ito, ano ba ang halaga ng mga ito sa atin, at magpapatangay tayo sa mga ito at mawawalan ng kaligtasan dahil dito? Sinasabi kong mas mabuti pang maging mahirap ako habambuhay. Kung ipapahamak din lamang ako ng mga kayamanan at kukunin sa akin ang kaluwalhatian na inaasam kong matatamo sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos, dalangin ko sa Diyos na huwag ko nang makamtan ang mga ito kailanman.
Hawak ng Diyos ang mga yaman ng mundong ito sa kanyang kamay: ang mga ginto at pilak, ang mga hayop at ang mundo ay Kanya at ibibigay Niya sa nais niyang bigyan. Nang si Cristo ay nasa bundok, ipinakita sa kanya ni Lucifer, ang diyablo, ang lahat ng kaluwalhatian sa sanlibutan at nag-alok na ibibigay ito sa kanya kung siya ay magpapatirapa at sasambahin siya [tingnan sa Mateo 4:8–9]. Subalit alam ba ninyo na hindi nagmamay-ari ang hamak na diyablo ng kahit isang pirasong lupa sa buong mundo, at wala rin siyang katawan, o tabernakulo? Ang lupa ang tuntungan ng Panginoon, at kung sakali mang mayroon tayo nito, ibinigay ito sa atin ng Panginoon; at kung mayroon tayong sampung bilyong dolyar kailangan nating maging tapat sa ating relihiyon na para bang wala tayo ni isang sentimo. Ang buhay na walang hanggan ang dapat nating hangarin, at, anuman ang kalagayan at kondisyon natin sa buhay, ito ang dapat nating unahin. …
… Nakapagsalita na ako tungkol sa pagyaman. Wala akong nakikitang masama sa kayamanan. Ang mga ginto at pilak ay sa Panginoon. Gusto nating [magtayo] ng mga bahay at dapat nating bungkalin ang lupa. Tama ang lahat ng ito. Walang masama sa pagyaman ng tao. Ang masama ay ipinagbibili natin ang kaharian ng Diyos, ang ating pagkapanganay [o birthright], ipinagbibili ang ebanghelyo at pinagkakaitan ang ating sarili ng buhay na walang hanggan para bigyang-kasiyahan ang pita ng laman, ang kapalaluan ng buhay at ang mga kaugalian ng mundo, at itinutuon ang ating puso sa mga bagay na ito.18
Babanggitin ko ang mga salita ni Jesucristo na sinabi niya sa kanyang mga tagasunod: “Hanapin muna ninyo ang kaharian [ng Diyos], at ang kaniyang katuwiran; at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.” [Tingnan sa Mateo 6:33.] Sasabihin ko sa inyo, mga kapatid, maaari natin itong subukan habambuhay, maaari nating subukan ang bawat landas at bawat alituntunin sa mundong ito at tayo bilang mga Banal ay hindi uunlad sa ibang pamamaraan maliban kung hahanapin muna natin ang kaharian ng langit at ang katuwiran nito. Kapag ginawa natin ito, lahat ng pagpapala, mabubuting bagay, kadakilaan, kaloob, biyaya, hangarin o anumang naisin ng mabuting tao na kapaki-pakinabang at mabuti sa buhay na ito at sa kawalanghanggan, ay ibibigay sa atin.
Sinusubukan ng maraming tao na hanapin ang kaligayahan nang hindi muna hinahanap ang kaharian ng langit, … subalit palaging nahihirapan silang makamtan ito, at gayundin tayo kung gagawin natin ito.19
Dakila ang ating layunin. Hangad nating magkaroon ng lugar sa kahariang selestiyal ng Diyos, makamit ang buhay na walang hanggan, ang pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos sa tao. Ang lahat ng karangalan, kaluwalhatian at kayamanan ng mundong ito ay dapat mabalewala sa ating isipan kung ihahambing sa mana natin sa piling ng Diyos at ng Kordero, kasama ang lahat ng propeta, apostol, at banal, kasama ang sambahayan ng ating ama. Samantalang ang isa ay panandalian lamang at kaagad nawawala, ang isa naman ay nananatili magpasawalang-hanggan.20
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Isaisip ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang Kabanatang ito o naghahanda para magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina v–x..
-
Ano ang ginawa ni Pangulong Wilford Woodruff para sundin ang mga alituntuning inilahad sa Kabanatang ito? (Tingnan sa mga pahina 247, 249.)
-
Bakit hindi natin “maihihiwalay ang temporal sa espirituwal”? (Tingnan sa mga pahina 249–50; tingnan din sa D at T 29:34–35.) Paano natin maipamumuhay ang katotohanang ito sa araw-araw? sa paglilingkod natin sa Simbahan?
-
Napuna ni Pangulong Woodruff na maraming tao ang hindi sumusunod sa payo ng Panginoon tungkol sa mga bagay na temporal. Sa palagay ninyo, bakit kaya ganito? (Tingnan sa mga pahina 250–51.) Ano ang ibinigay na payo ng kasalukuyang Pangulo ng Simbahan tungkol sa mga bagay na temporal?
-
Rebyuhin ang pangalawang talata sa pahina 253. Ano ang ilang kapakinabangan ng pagtatrabaho na gamit ang ating kamay [manual labor]? Sa palagay ninyo ano ang ibig sabihin ng “maging tagagawa ng produkto, at hindi mamimili lamang”?
-
Anong mga babala ang ibinigay ni Pangulong Woodruff tungkol sa pera? (Tingnan sa mga pahina 253–58.) Ano ang ibinigay niyang payo tungkol sa utang at credit? Ano ang magagawa natin para mapanatili ang tamang pananaw?
-
Sa paanong mga paraan naging “para sa ating kapakanan at ng ating mga anak” ang mga ikapu at handog-ayuno? (Tingnan sa pahina 254.)
-
Ano ang ibig sabihin sa inyo ng turo ng Tagapagligtas sa Mateo 6:33? (Tingnan din sa mga pahina 256–58.)
-
Basahing mabuti ang Kabanata, na hinahanap ang mga alituntunin na dapat ituro ng mga magulang sa kanilang mga anak. Ano ang partikular na mga bagay na magagawa ng mga magulang sa kanilang mga anak sa pagtuturo ng mga alituntuning ito? Ano ang mga karanasan ninyo sa pagkatuto at pagtuturo ng mga alituntuning ito?
Mga Kaugnay na Banal na Kasulatan: Malakias 3:8–11; Mateo 6:19–21; Santiago 2:14–26; Jacob 2:12–19; D at T 42:42; 58:26–28