Kabanata 11
Manalangin Upang Matanggap ang mga Biyaya ng Langit
Kapag tapat tayong nananalangin, inihahanda natin ang ating sarili sa pagtanggap ng mga biyayang inilaan sa atin ng Ama sa Langit.
Mula sa Buhay ni Wilford Woodruf
Noong Marso 1835, habang nasa kanyang unang misyon, kinailangang dumaan sa mga ilog at latian si Wilford Woodruff sa kanyang paglalakbay sa katimugan ng Estados Unidos. Para matawid ang mga latian, pinutol nilang magkompanyon ang isang puno at ginawa itong bangka. Ligtas silang nagsagwan nang mga 150 milya bago bumaba ng bangka at naglakad. Kalaunan ginunita ni Pangulong Woodruff nang maglakad sila ng 270 kilometro sa daanang “tumutumbok sa mga sapa, at halos natatabunan ng putik at matubig. Maghapon kaming naglakad ng mga 64 kilometro sa putik at tubig na hanggang tuhod ang lalim. Noong ika-24 ng Marso, matapos maglakbay ng mga 16 na kilometro sa putik, napaika ako sa matinding kirot sa tuhod. Naupo ako sa troso.”
Sa bahaging ito ng paglalakbay, ipinasiya ng kompanyon niya, na napagod sa ginagawa nila, na umuwi, at iniwan siya roong nakaupo sa troso sa latiang pinamumugaran ng mga buwaya. Taglay pa rin ang tatag ng loob, bumaling si Wilford Woodruff sa Panginoon. Sinabi niya, “Lumuhod ako sa putik at nanalangin, at pinagaling ako ng Panginoon, at masaya akong nagpatuloy sa paglalakbay.”1
Pagkalipas ng ilang taon, ipinakita ni Pangulong Woodruff ang kanyang pananampalataya nang maglakbay silang mag-asawa at ilang kasama sakay ng barko upang maglingkod sa England. “Tatlong araw at gabi kaming naglakbay sa gitna ng malakas na hangin, na tumatangay sa amin pabalik,” paggunita niya. “Sa huli, hiniling ko sa aking mga kasama na samahan ako sa kamarote, at sinabi ko sa kanilang ipanalanging baguhin ng Panginoon ang direksyon ng hangin. Hindi ako natatakot maligaw; ngunit ayokong matangay pabalik sa New York, dahil gusto kong ipagpatuloy ang aking paglalakbay. Lahat kami, lalaki at babae, ay ganoon ang idinalangin; at nang matapos kami, tumuntong kami sa kubyerta at wala pang isang minuto ay parang may isang taong kumuha ng espada at pinutol ang malakas na hangin, at makapaghahagis ka ng panyo roon at ni hindi ito matatangay ng hangin.”2
Mga Turo ni Wilford Woodruff
Tungkulin nating ipanalangin nang tapat ang tulong na kailangan natin.
May ipinayo ang ating Tagapagligtas na dapat sundin ng lahat ng mga Banal ng Diyos, ngunit nangangamba ako na hindi natin ginagawa ito tulad ng dapat asahan sa atin, at iyan ay, ang manalangin sa tuwina at huwag manghina [tingnan sa Lucas 18:1; D at T 88:126]. Nag-aalala ako, na bilang tao, hindi sapat ang pananalangin natin nang tapat. Dapat tayong magsumamo sa Panginoon sa masigasig na panalangin, at ipaalam sa Kanya ang lahat ng gusto natin. Sapagkat kung hindi Niya tayo pangangalagaan at ililigtas, wala ng iba pang makagagawa nito. Kaya dapat tayong lubos na magtiwala sa Kanya. Kaya dapat na ang ating mga panalangin ay umabot sa pandinig ng ating Ama sa Langit araw at gabi.3
Hindi natatanto ng mga tao sa mundo ang epekto at kapakinabangan ng panalangin. Pinakikinggan ng Panginoon ang panalangin ng kalalakihan, kababaihan at mga bata. Ang panalangin ay mas makapangyarihan, nang higit-higit pa kaysa halos anumang bagay, na ibuhos ang mga biyaya ng Diyos.4
Kapag ang daigdig ay sumasalungat sa kaharian ng Diyos sa mga huling araw na ito, dapat bang matakot ang mga Banal? … Hindi. May isang bagay tayong dapat gawin, at iyan ay, magdasal sa Diyos. Ginagawa ito ng bawat mabuting tao; maging si Jesus na Tagapagligtas, ang Bugtong ng Ama sa laman, ay kinailangang manalangin, mula sa sabsaban hanggang sa krus, sa buong panahon; araw-araw kinailangan Niyang manalangin sa Kanyang Ama na pagpalain Siya upang mapalakas Siya sa oras ng Kanyang paghihirap at makayanang inumin ang mapait na saro. Gayundin ang Kanyang mga disipulo.5
Anuman ang kailangan nating matanggap at matamasa, tungkulin nating hingin ito sa Panginoon. Dapat tayong manalangin sa Kanya sa ating mga tagong lugar at ipaalam ang mga gusto natin, nang ang ating mga panalangin ay marinig at masagot. Dito nakasalalay ang ating lakas. Ang ating tiwala ay nasa Diyos, at hindi sa tao.6
Tungkulin ng bawat Banal ng Diyos … na ipaabot ang kanyang mga panalangin sa pandinig ng Panginoon ng mga Hukbo, araw at gabi sa tamang panahon, sa loob ng tahanan at sa mga pribadong lugar, upang mapalakas ng Panginoon ang Kanyang mga tao, maitatag ang Sion at matupad ang Kanyang mga pangako.…
… Mas higit ang paniniwala ko sa pananalangin sa Panginoon kaysa halos iba pang alituntunin sa mundo. Kung hindi tayo naniniwala sa pananalangin sa Diyos, hindi rin tayo naniniwala sa Kanya o sa ebanghelyo. Dapat tayong manalangin sa Panginoon at hilingin sa Kanya ang gusto natin. Hayaang patuloy na umabot ang mga panalangin ng mga taong ito sa harapan ng Panginoon sa tamang panahon, at hindi itataboy ng Panginoon ang mga ito, kundi pakikinggan sila at sasagutin, at ang kaharian ng Sion ng Diyos ay babangon at magniningning, isusuot niya ang kanyang magagarang damit at madaramitan ng kaluwalhatian ng kanyang Diyos, at isasakatuparan ang layunin ng kanyang pagkakatatag sa mundong ito [tingnan sa D at T 82:14].7
Bilang pangkat ng mga tao dapat tayong bumangon nang may pananampalataya at kapangyarihan sa harapan ng Diyos at dapat nating ipaalam ang mga nais natin, at ipaubaya ang ating kapalaran sa Kanyang mga kamay. Ito naman ay talagang naroon. Mananatili ito roon.8
Kailangan tayong manalangin upang maunawaan ang kagustuhan ng Panginoon at matanggap ang Kanyang patnubay.
Nadarama ko na dapat nating ibaling ang ating puso sa pananalangin sa Diyos na ating Ama sa Langit para sa Kanyang awa, at paggabay at pagtagubilin sa pamamagitan ng inspirasyon ng Espiritu Santo, upang maliwanagan ang ating isipan at mabuksan ang ating pang-unawa at maunawaan ang Kanyang iniisip at ninanais para sa Kanyang mga tao.9
Sa tuwing nag-aalinlangan kayo sa anumang tungkulin o gawain na kailangan ninyong gampanan, huwag kaagad gagawa ng anupaman hangga’t hindi kayo nananalangin nang lubos at hangga’t di ninyo nadarama ang Espiritu Santo. Anuman ang idikta ng Espiritu na puntahan ninyo o gawin, tama iyon; at, sa pagsunod ninyo sa mga idinikta nito, kayo’y mapapabuti.
Tayo ay dadalhin sa maraming lugar sa panahon ng ating paglilingkod sa mga bansa ng mundo, kung saan maaaring ituring nating tama ang isang partikular na hakbang; ngunit, kung hindi natin alam, makabubuting bumaling sa Panginoon, at tapat na manalangin upang magabayan tayo sa buhay.10
Tayo nang maglingkod nang tapat at ipanalangin sa Panginoon na bigyan tayo ng talino araw-araw, nang tayo ay magkaroon ng lakas na magtagumpay at manaig.11
Ang mga magulang ay may sagradong tungkuling turuan ang kanilang mga anak na manalangin at tiyaking sama-samang nananalangin ang pamilya.
Nasa isipan at kalooban ng Diyos na ang bawat lalaki at babae na ikinasal sa tipan, at nabigyan ng mga anak, ay dapat na turuang manalangin ang mga anak na iyon, sa sandaling sila’y nasa tamang edad.
Tungkulin ng mga Banal sa mga Huling Araw na turuang manalangin ang kanilang mga anak habang bata pa lang; turuan sila upang maunawaan nila ang mga alituntunin at pakinabang ng panalangin, upang makapanalangin sila para sa kanilang mga magulang at sa lahat ng kinakailangan. Kung sisimulan ninyo ang mga bata sa ganitong paraan, at palalakihin ninyo sila nang may takot sa Panginoon, mas malamang na hindi nila ito makalimutan. Hindi dapat na ang ulo ng pamilya lamang ang nagdarasal, kundi dapat niyang pagdasalin ang mga miyembro ng kanyang pamilya, at pababasbasan ang pagkain sa hapag-kainan.12
Kapag ipinamumuhay natin ang ebanghelyo, ang ating mga panalangin ay tutugunan ng pagpapala sa ating mga ulo.
Tayo bilang tao ay dapat maging mapagpakumbaba, madasalin, nagpapasakop sa kapangyarihan ng Diyos upang matanggap natin ang mga pangakong biyaya ng ating Ama sa Langit.13
Dapat tayong mamuhay sa paraan na makakaharap tayo sa Panginoon at makahihingi ng mga biyayang iyon, nang may pananampalataya at kapangyarihan, na kailangan natin upang tulungan tayong isagawa ang mga layunin ng Diyos.… Kailangan ito sa ating pag-unlad.14
Layon ng Diyos na ibigay sa Kanyang mga Banal ang mabubuting bagay ng daigdig, pati na ang mga biyaya ng langit, kapag kaya na nilang gamitin ang mga ito sa wastong paraan.…
… Marami sa inyo ang natuto nang magdasal; kung gayon huwag hayaang di makaabot ang inyong mga dalangin sa pandinig ng Diyos ng mga Hukbo; at kayo ay Kanyang pakikinggan.… Ngunit ang mga biyaya ng langit ay makakamtan at mapamamahalaan tanging alinsunod lamang sa mga alituntunin ng kabutihan.15
Wala tayong dapat sayanging panahon sa paghahanda sa ating sarili sa mangyayari sa mundo; at sino ang gustong mawalan ng gantimpala, karangalan, at pag-asa ng buhay na walang hanggan na taglay niya noon sa pagtanggap ng ebanghelyo ni Jesucristo? Wala sa sinumang tao na may bahagi ng Espiritu ng Diyos. Tayo nang kumilos at gampanan ang ating tungkulin, at gumawa sa harapan ng Diyos hanggang sa madama natin ang Espiritu Santo, at hanggang sa punitin ng ating mga panalangin ang tabing ng kawalang-hanggan at marinig ng Diyos ng mga Hukbo at tugunan ng mga pagpapala sa ating mga ulo.16
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Isaisip ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang Kabanata o naghahanda para magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina v–x.
-
Rebyuhin ang mga kuwento sa mga pahina 119–20. Pag-isipan o talakayin ang maaaring isagot ni Elder Woodruff sa bawat isa sa mga sitwasyong ito. Ano ang matututuhan natin sa kanyang mga sagot?
-
Ano ang nakapagbigay-inspirasyon sa inyo habang binabasa ninyo ang mga itinuro ni Pangulong Woodruff tungkol sa ating tungkuling manalangin? (Tingnan sa mga pahina 120–21.) Ano ang ibig sabihin sa inyo ng manalangin nang tapat? Bakit dapat tayong manalangin para matanggap ang mga biyayang kailangan natin? Ano ang ilan sa mga layunin ng panalangin?
-
Basahin ang buong ikatlong talata sa pahina 120. Bakit kailangang manalangin ang Tagapagligtas? Ano ang matututuhan natin sa Kanyang mga panalangin? (Tingnan sa Mateo 26:39; Juan 11:41; 3 Nephi 13:9–13.)
-
Paano nakatutulong sa atin ang panalangin kapag may desisyon tayong gagawin o kapag may mga tanong tayo tungkol sa ating mga tungkulin? (Tingnan sa pahina 121.)
-
Sa anong mga paraan sinagot ng Ama sa Langit ang inyong mga panalangin? Paano tayo dapat tumugon kapag ang sagot sa isang panalangin ay iba sa inaasahan natin?
-
Anong katiyakan ang ibinigay ni Pangulong Woodruff sa mga magulang na magtuturo sa kanilang mga anak na manalangin? (Tingnan sa pahina 122.) Ano ang ilang alituntunin ng panalangin na dapat ituro ng mga magulang sa kanilang mga anak? Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na gawing bahagi ng kanilang buhay ang panalangin?
-
Sa mga panalangin ng pamilya, bakit mahalagang mabigyan ng pagkakataong manalangin ang lahat ng miyembro ng pamilya? (Tingnan sa pahina 122.) Paano napalakas ng panalangin ang inyong pamilya?
-
Pag-aralan ang huling bahagi ng Kabanata (mga pahina 122–23), at hanapin ang mga katangian na dapat nating taglayin ayon kay Pangulong Woodruff. Bakit kailangan ang mga katangiang ito sa ating pagdarasal at habang humihingi tayo ng sagot sa ating mga panalangin?
Mga Kaugnay na Banal na Kasulatan: Mateo 7:7; Santiago 1:5–6; 5:16; 2 Nephi 32:8–9; Alma 33:3–11; 34:17–28; 37:36–37; 3 Nephi 18:19–21; D at T 10:5; 68:28; 112:10