Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 24: Paghahanda sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo


Kabanata 24

Paghahanda sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo

Sa paghihintay natin sa pagbabalik ng Tagapagligtas para pamahalaan ang mundo, dapat nating ihanda ang ating sarili bilang indibiduwal, bilang pamilya, at bilang mga tao.

Mula sa Buhay ni Wilford Woodruff

Sa pangkalahatang kumperensya na ibinigay noong Abril 1950, sinabi ni Elder Richard L. Evans ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Naalala ko ang isang iniulat na pahayag, na sa pagkakaalala ko ay tungkol kay Pangulong Wilford Woodruff. Ang ilan sa mga kapatid sa kanyang kapanahunan ay nasabing lumapit sa kanya … at nagtanong sa kanya ng nadarama niya kung kailan magaganap ang katapusan ng mundo—kailan darating ang Panginoon? Sa palagay ko hindi ganito ang eksaktong sinabi niya, pero nakasaad dito ang diwa ng sinasabing isinagot niya: ‘Mamumuhay ako na para bang ito’y kinabukasan na—pero nagtatanim pa rin ako ng mga puno ng cherry!’ ”1

Bagamat hindi ito ang eksaktong sinabi ni Pangulong Woodruff, nagpapakita ito ng kanyang nadarama tungkol sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Inaamin niyang: “Hindi masasabi ninuman ang oras ng pagparito ng Anak ng Tao. … Hindi tayo dapat umasang ipaaalam ang oras ng kaganapang iyon.”2 Gayunman, inaasam niya ang pagbabalik ng Tagapagligtas para mamahala sa mundo. Taglay ang patotoong naitatag na ang Simbahan sa mga huling araw, tinuruan niya ang mga Banal nang buong kasigasigan at pinayuhan sila na maghanda sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. “Ang mga palatandaan sa langit at lupa ay nagsasaad lahat ng pagparito ng Panginoong Jesucristo,” sabi niya. “Kapag ang aking isipan, sa ilalim ng impluwensya ng Espiritu ng Diyos, ay bukas sa pag-unawa sa mga bagay na ito, maraming beses akong namamangha, hindi lamang sa mundo kundi sa sarili rin natin, dahil hindi tayo gaanong nasasabik at masigasig sa paghahanda ng ating sarili at ng ating pamilya para sa kaganapang malapit nang mangyari, sapagkat mangawala man ang langit at ang lupa, ang isang tuldok o isang kudlit, sa salita ng Panginoon ay hindi mawawala hanggang sa maganap ang lahat.”3

Mga Turo ni Wilford Woodruff

Tayo ay nasa mga huling araw, at dapat nating bantayan ang mga palatandaan ng Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.

Sasabihin ko sa mga Banal sa mga Huling Araw, bilang lider sa Israel at bilang apostol ng Panginoong Jesucristo, na papalapit na tayo sa ilang mabibigat na hatol ng Diyos na ipapataw sa mundo. Masdan ninyo ang mga palatandaan ng mga panahon, ang palatandaan ng pagparito ng Anak ng Tao. Nagsisimula nang makita ang mga ito kapwa sa langit at lupa. … Nalalapit na tayo sa mga bagay na ito. Ang magagawa lamang ng mga Banal sa mga Huling Araw ay maging payapa, maingat, at matalino sa harapan ng Panginoon, bantayan ang mga palatandaan ng mga panahon, at maging tapat. Kapag nagawa ninyo ito mauunawaan ninyo ang maraming bagay na hindi ninyo nauunawaan sa ngayon. … Tayo ay nasa huling dispensasyon at kaganapan ng panahon. Ito’y isang dakilang panahon, at nakamasid sa atin ang lahat ng nasa langit, at ang mata mismo ng Diyos at lahat ng patriarch at propeta. Nakamasid sila sa inyo lakip ang masidhing damdamin, para sa inyong kapakanan; at ang mga propeta natin na pinatay, at itinatak ang kanilang dugo sa kanilang patotoo, ay nasa piling ng Diyos, na sumasamo para sa kanilang mga kapatid. Samakatwid, maging matapat tayo, at ipaubaya ang mga pangyayari sa kamay ng Diyos, at pangangalagaan Niya tayo kung ginagawa natin ang ating tungkulin.4

Ang Panginoong Jesucristo ay darating upang mamahala sa mundo. Maaaring sabihin ng sanlibutan na pinatatagal niya ang kanyang pagparito hanggang sa katapusan ng mundo. Subalit hindi nila nalalaman ang iniisip ni ang pamamaraan ng Panginoon. Hindi ipagpapaliban ng Panginoon ang kanyang pagparito dahil sa kanilang kawalan ng paniniwala, at ipinakikita ng mga palatandaan na kapwa nasa langit at lupa na malapit na ito. Nagsisimulang umusbong ang mga dahon ng puno ng igos sa paningin ng lahat ng bansa ng mundo [tingnan sa Joseph Smith—Mateo 1:38–40], at kung nasa kanila ang Espiritu ng Diyos makikita at mauunawaan nila ang mga palatandaan.5

Malalaman natin ang tungkol sa mga palatandaan ng Ikalawang Pagparito sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan.

Kung nais malaman ng sanlibutan ang mangyayari, basahin nila ang Biblia, ang Aklat ni Mormon, at ang Doktrina at mga Tipan; ipabasa sa kanila [ang] mga paghahayag ni San Juan. Kung paanong totoong buhay ang Diyos ay gayundin na tiyak na matutupad ang mga paghahayag. Lahat ng ito ay matutupad. At ang kamay ng Diyos ay nagsisimula nang makita sa mundo. Ang paghatol ay nalalapit na; nakaabang na ang kalamidad sa mga bansa ng mundo; subalit tayo mismo ay dapat handang tumayo sa mga banal na lugar habang ang mga paghahatol ng Diyos ay ipinapakita sa mundo.6

Sinabihan tayo sa ika-24 na Kabanata ng Mateo, na si Jesus, sa ilang pagkakataon, ay tinuruan ang kanyang mga disipulo ng maraming bagay tungkol sa kanyang ebanghelyo, sa templo, sa mga Judio, sa kanyang ikalawang pagparito at katapusan ng mundo; at siya’y tinanong nila—Panginoon, ano ang magiging tanda ng mga bagay na ito? Sinagot sila ng Tagapagligtas, subalit sa napakaikling paraan. Dahil napag-isipan ko na ito nakahanda akong basahin ang isang bahagi ng salita ng Panginoon sa atin, na ipinaliliwanag nang mas lubos ang bagay na ito kaysa paliwanag ng Tagapagligtas sa kanyang mga disipulo. Ang bahagi ng salita ng Panginoon na babasahin ko ay isang paghahayag na ibinigay sa mga Banal sa mga Huling Araw, Marso 7,1831. [Pagkasabi nito, binasa ni Elder Woodruff ang paghahayag na ngayon ay bahagi 45 ng Doktrina at mga Tipan.] …

Tayo ay nabubuhay sa huling panahon, bagamat totoong maraming malalaki at mahahalagang kaganapan ang mangyayari sa mga araw na ito. Subalit isang bagay ang sigurado, kahit hindi inihayag ng Panginoon ang araw ni ang oras ng pagparito ng Anak ng Tao, tinukoy niya ang henerasyon, at ang mga palatandaang ibinadya na mauuna sa dakilang pangyayaring iyon ay nagsimula nang makita sa langit at sa lupa, at magpapatuloy ang mga ito hanggang sa matupad ang lahat. Kung tayo, bilang mga Banal sa mga Huling Araw, ay nagnanais ng anumang bagay na hihikayat sa atin, basahin natin ang Biblia, Aklat ni Mormon at ang Aklat ng Doktrina at mga Tipan; sapat ang nilalaman ng mga ito para bigyang-sigla at tagubilinan tayo ukol sa mga bagay ng Diyos. Pahalagahan ang mga paghahayag ng Diyos at ang ebanghelyo ni Cristo na narito.7

Makahahanap kayo ng mga pagbabadya tungkol sa kanyang pagparito, tulad ng—“Ako’y dumarating na madali,” “Paririto [ako] sa oras na hindi ninyo iniisip,” “[Ang aking pagdating ay] malapit na, nasa mga pintuan nga,” “[Ako’y darating] na gaya ng magnanakaw [sa gabi],” “Darating ako sa oras na hindi ninyo ako hinihintay,” at “Pagpalain siya na naghihintay sa pagparito ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo.” Sinasabi ko na sa kabuuan ng mga Banal na Kasulatan—sa Luma at Bagong Tipan, sa Aklat ni Mormon, at sa Aklat ng Doktrina at mga Tipan, ang ikalawang pagparito ng Panginoon ang madalas banggitin; at ipinangako kaya ng Panginoon ang mga bagay na ito nang walang balak tuparin ang mga ito? Hindi, tutuparin Niya ang mga ito.8

Bilang mga pinagtipanang tao ng Panginoon, tungkulin nating ihanda ang daan para sa Kanyang Ikalawang Pagparito.

Gusto kong itanong kung sino ang umaasam sa katuparan ng mga pangyayaring ito, at sino na nasa mundo ang naghahanda ng sarili para sa katuparan ng salita ng Panginoon sa pamamagitan ng mga bibig ng mga propeta, patriarch at apostol sa nakaraang anim na libong taon? Wala akong alam na gayon, [maliban] na ang mga Banal sa mga Huling Araw, at ako mismo ay tila walang gaanong nalalaman na tulad sana ng nararapat mangyari, at hindi rin tayo gaanong handa tulad ng nararapat mangyari, para sa napakalaking kaganapan na sunud-sunod na darating sa mundo sa mga huling araw na ito. Sino pa ang aasahan ng Panginoon na maghahanda sa kanyang ikalawang pagparito maliban sa kanyang mga Banal? Wala na.9

Ang Panginoon ay may malaking gawain sa hinaharap at naghahanda siya ng mga tao na gagawa nito bago ang kanyang pagparito. Ngayon ito ang tanong, mga kapatid, handa na ba ang ating ating puso? Natatanto ba natin ang mga bagay na ito? Bilang mga tao natatanto ba natin ang ating mga responsibilidad sa harapan ng Panginoon? Ang Panginoon ay nagbangon ng isang kaharian ng priest dito sa mga huling araw upang itatag ang kanyang simbahan at kaharian, at ihanda ang daan sa ikalawang pagparito ng Anak ng Tao. Ipinagkaloob ng Diyos ng langit sa mga kamay ng kanyang mga tagapaglingkod ang mga susi ng kaharian, at sinabi niya na—“Anuman ang ihayag ko [sa mga tagapaglingkod kong ito] ay matutupad, sa kanila ibinigay ang kapangyarihang pagbubuklod kapwa sa lupa at sa langit, kung kailan ang poot ng [makapangyarihang] Diyos ay ibubuhos sa [mundo].” [Tingnan sa D at T 1:7–9.]

Sa palagay ko, maraming pagkakataon na tayo, bilang mga elder ng Israel at bilang mga Banal sa mga Huling Araw, ay lubhang hindi naunawaan ang ating katayuan sa harapan ng Panginoon. Ang gawaing hinihingi sa ating mga kamay ay dakila at malaki; ito’y gawain ng Makapangyarihang Diyos. Responsibilidad nating ipangaral ang ebanghelyo ni Cristo sa lahat ng bansa ng mundo. … Responsibilidad natin ang lahat ng ito at ang pagtatayo ng mga templo sa Kataastaasan, kung saan makapapasok tayo at maisasagawa ang mga ordenansa para sa kaligtasan ng ating mga patay. …

… Gaano ang pagsusumamo ng Panginoon sa mga bansa ng mundo para mabigyan sila ng kaluwalhatiang selestiyal, karangalan, imortalidad at buhay na walang hanggan? Nagsumamo siya sa kanila sa nakalipas na anim na libong taon, at nagbangon ng kanyang mga tagapaglingkod sa bawat panahon at nanawagan sa mga naninirahan sa mundo na ihanda ang kanilang sarili para sa dakilang araw ng kanyang ikalawang pagdating at pagparito, na nalalapit na. Siya ay nananawagan nang malakas sa kanila ngayon; at, tulad ng sinabi ko sa ilan sa mga kapatid ko kamakailan, gustong malaman ng Panginoon ngayon kung handa na ang mga Banal sa mga Huling Araw na tumulong sa kanya o hindi. Ito’y araw ng pagpapasiya.10

Bago dumating si Cristo dapat handa na ang mga tao sa pamamagitan ng pagiging banal sa harapan ng Panginoon. Dapat naitayo na ang mga templo; naitatag na ang Sion; dapat may ligtas na lugar para sa mga tao ng Diyos habang ang kanyang mga paghatol ay nagaganap sa mundo, dahil ang paghatol ng Panginoon ay dadalaw sa mundo, tiyak na mangyayari ito; ang mga paghahayag ay puno ng mga pangako tungkol dito, at tulad ng inihayag ng Panginoon, isasakatuparan niya ang kanyang salita.11

Palagay ko hindi natin nauunawaan ang kahalagahan ng gawaing ito. Mahirap para sa atin na maunawaan ang responsibilidad natin sa Diyos, sa kalangitan, sa mga patay, gayundin sa mga nabubuhay.

Ngayon, kapag tinitingnan ko ang mga bagay na ito, tinitingnan ko rin ang magaganap sa atin. Ang mga organisasyon, na itinatag sa Simbahang ito mula sa simula, ay pawang tulong at pamamahala, at magkakasama sa pagtupad sa dakilang gawaing ito. Ang mga mata ng kalangitan ay nakamasid sa atin. Ang Anak ng Diyos at lahat ng Propeta at Patriarch na nabuhay sa mundo ay nakamasid sa dakilang gawaing ito—ang dakilang organisasyong ito na naghahanda sa pagparito ng Anak ng Tao.12

Dapat indibiduwal nating ihanda ang ating sarili sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.

Nabubuhay tayo sa isang mahalagang panahon. Ang mga propesiya na may kaugnayan sa ating panahon ay dumarating na sa atin; handa ba tayong harapin ang mga ito?13

Inihalintulad ng Tagapagligtas … ang kaharian ng Diyos sa sampung dalaga, na kinuha ang kanilang mga ilawan upang salubungin ang kasintahang lalaki [tingnan sa Mateo 25:1]. “At ang lima sa kanila’y mga mangmang, at ang lima’y matatalino. Sapagka’t nang dalhin ng mga mangmang ang kanilang mga ilawan, ay hindi sila nangagdala ng langis; Datapuwa’t ang matatalino ay nangagdala ng langis sa kanilang sisidlan na kasama ng kanilang mga ilawan. Samantalang nagtatagal nga ang kasintahang lalake, ay nangag-antok silang lahat at nangakatulog. Datapuwa’t pagkahating gabi ay may sumigaw, Narito, ang kasintahang lalake; magsilabas kayo upang salubungin siya. Nang magkagayo’y nagsipagbangong lahat ang mga dalagang yaon at pinag-igi ang kanilang mga ilawan. At sinabi ng mga mangmang sa matatalino, Bigyan ninyo kami ng inyong langis; sapagka’t nangamamatay ang aming mga ilawan. Datapuwa’t nagsisagot ang matatalino, na nangagsasabi, Baka sakaling hindi magkasiya sa amin at sa inyo; magsiparoon muna kayo sa nangagbibili, at magsibili kayo ng ganang inyo. At samantalang sila’y nagsiparoon sa pagbili, ay dumating ang kasintahang lalake, at ang mga nahahanda ay nagsipasok na kasama niya sa piging na kasalan: at inilapat ang pintuan. Pagkatapos ay nagsirating naman ang mga ibang dalaga, na nagsipagsabi, Panginoon, Panginoon, buksan mo kami. Datapuwa’t sumagot siya at sinabi, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi ko kayo nangakikilala.” [Mateo 25:2–12.] Ngayon, ang mga taong may langis sa kanilang mga ilawan ay mga taong ipinamumuhay ang kanilang relihiyon, nagbabayad ng kanilang ikapu, nagbabayad ng kanilang mga utang, sinusunod ang mga utos ng Diyos at hindi nilalapastangan ang kanyang pangalan; mga lalaki at babae na lumalakad sa liwanag ng Panginoon; mga lalaki at babae na hindi ipinagbibili ang kanilang pagkapanganay para sa pagkain o sa kaunting ginto o pilak; ito ang mga taong magiging matatag sa pagpapatotoo kay Jesucristo.

Ganito ang nadarama ko ngayon. Dama ko na dapat kong bigyang- babala ang aking mga kapatid, ang mga Banal sa mga Huling Araw, na ipamuhay ang kanilang relihiyon, pag-igihin ang kanilang mga ilawan, dahil yamang buhay ang Panginoon ang kanyang salita ay matutupad. Nalalapit na ang pagdating ni Jesus at nasa pintuan na nga. … Hindi maliligtas ng taong mabuti ang masama. Kailangan tayong magpakabuti, at sundin ang mga utos ng Diyos.14

Ang parabula ng sampung dalaga ay paglalarawan ng ikalawang pagparito ng Anak ng tao, ang pagdating ng Kasintahang Lalaki para salubungin ang kasintahang babae, ang simbahan, ang asawa ng Kordero, sa mga huling araw. At umaasa akong makatwiran ang Tagapagligtas nang sabihin niya, sa pagtukoy sa mga miyembro ng simbahan, na ang lima sa kanila ay matatalino at ang lima’y mga mangmang; sapagkat kapag pumarito ang Panginoon ng langit sa kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian upang hatulan ang bawat tao ayon sa mga gawang kanilang ginawa sa lupa, kung makahahanap siya ng kalahati sa mga taong nagsasabing miyembro sila ng kanyang simbahan na handang maligtas, ito’y magiging kasing dami ng naghihintay ng hatol ayon sa daang tinatahak ng marami.15

Ang salita ng Panginoon sa akin ay panahon na para bumangon ang Sion at magliwanag; at ang patotoo ng Espiritu ng Diyos sa akin ay tinupad na nang buong kahariang ito, ang dakilang kahariang ito ng mga priest … na maytaglay ng priesthood, ang buong isang bahagi ng parabula tungkol sa sampung dalaga. At ano iyon? Iyon ay dahil habang nagtatagal ang kasintahang lalaki ay nangagantok at nangatulog tayo; bilang isang simbahan at kaharian nangag- antok at nangatulog tayo, at ang salita ng Panginoon sa akin ay matagal na tayong nangatutulog; at pagkakataon natin ngayong bumangon at pag-igihin ang ating mga ilawan at maglagay ng langis sa ating sisidlan. Ito ang salita ng Panginoon sa akin.16

Ngayon ang tanong ay, paano natin mapapanatili ang langis sa ating mga ilawan? Sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan ng Diyos, pag-alalang manalangin, at [pag]gawa ng sinasabi sa atin ng mga paghahayag ni Jesucristo, o kaya’y pagtulong sa pagtatayo ng Sion. Kapag gumagawa tayo para sa kaharian ng Diyos, magkakaroon tayo ng langis sa ating mga ilawan. Ang ilawan natin ay magliliwanag at madarama natin ang patotoo ng Espiritu ng Diyos. Sa kabilang dako, kung ating itinutuon ang ating puso sa mga bagay ng daigdig na ito, at naghahangad ng mga parangal ng tao, tayo ay magsisilakad sa kadiliman, at hindi sa liwanag. Kung hindi natin pahahalagahan ang ating priesthood, at ang gawain ng priesthood na ito, ang pagtatatag ng kaharian ng Diyos, pagtatayo ng mga templo, ang pagtubos sa ating mga patay, at pagsasakatuparan ng dakilang gawain kung saan inorden tayo ng Diyos ng Israel—kung hindi natin nadaramang higit na mahalaga ang mga bagay na ito kaysa sa mga bagay ng daigdig, wala tayong langis sa ating mga ilawan, walang liwanag, at hindi tayo makaparoroon sa handaan ng kasal ng Kordero.17

Sino ang maghahanda sa pagdating ng Mesiyas? [Yaong] nagtatamasa ng Espiritu Santo at namumuhay ayon sa inspirasyon ng Makapangyarihang Diyos, na tapat kay Jesucristo at nagdadala ng bunga sa karangalan at kaluwalhatian ng Diyos. At wala nang iba pa.18

Dalangin ko na mamuhay tayo sa gayong paraan at huwag mapabilang sa mga dalagang mangmang, sa halip ay maunawaan ang mga palatandaan ng panahon, gawin ang ating tungkulin, panatilihin ang ating katapatan, daigin ang mundo, at maging handa upang tanggapin ang ating Manunubos sa kanyang pagdating, sa kagalakan, at hindi sa kalungkutan at kahihiyan.19

Magtiwala sa Diyos. Gawin ang inyong tungkulin. Alalahanin ang inyong mga panalangin. Manampalataya sa Panginoon, at maging tapat at itatag ang Sion. Magiging mabuti ang lahat. Dadalawin ng Panginoon ang kanyang mga tao, at kanyang paiikliin ang kanyang gawain sa kabutihan, dahil baka walang taong makaligtas [tingnan sa D at T 84:97; Mateo 24:22]. Sinasabi ko sa inyo, masdan ang mga palatandaan ng panahon, at ihanda ang inyong sarili sa yaong darating.20

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Isaisip ang ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang Kabanatang ito o naghahanda para magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina v–x.

  • Rebyuhin ang unang talata sa pahina 274. Anong mga aral ang natutuhan ninyo sa mga sinabi ni Elder Evans tungkol kay Pangulong Woodruff?

  • Paano natin malalaman ang mga palatandaan ng Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas? (Tingnan sa mga pahina 276–78.)

  • Ano ang mga layunin ng mga palatandaan ng Ikalawang Pagparito? (Tingnan sa mga pahina 275–78; tingnan din sa D at T 45:34–39.) Ano ang mga nakikita ninyong katibayan na ang ilan sa mga palatandaang ito ay natutupad na? Paano tayo mananatiling “payapa, maingat at matalino sa harapan ng Panginoon,” kahit na ang ilan sa mga palatandaang ito ay may kasamang trahedya?

  • Rebyuhin ang mga turo ni Pangulong Woodruff tungkol sa gagampanan ng Simbahan sa paghahanda ng daan sa Ikalawang Pagparito (mga pahina 278–79). Paano tayo makakasali sa gawaing ito?

  • Bakit higit tayong dapat mabahala sa sarili nating paghahanda kaysa sa eksaktong oras ng Ikalawang Pagparito? Sa paanong paraan natin matutulungang maghanda ang ating pamilya? Paano tayo maaaring “tumayo sa mga banal na lugar habang ang mga paghahatol ng Diyos ay ipinapakita sa mundo”? (pahina 276).

  • Sa parabula ng sampung dalaga, sino ang isinasagisag ng matatalino at mga mangmang na dalaga? ng kasintahang lalaki? ng kasintahang babae? Ano ang kinakatawan ng handaan sa kasal? ng langis sa mga ilawan? Sa paghahanda natin sa Ikalawang Pagparito, ano ang magagawa natin para “mapanatili ang langis sa ating mga ilawan”? (Tingnan sa mga pahina 279–80, 281–82; tingnan din sa D at T 45:56–57.)

Mga Kaugnay na Banal na Kasulatan: D at T 45:15–75; Joseph Smith—Mateo 1:21–55

Mga Tala

  1. Sa Conference Report, Abril 1950, 105.

  2. Journal of Wilford Woodruff, February 16, 1845.

  3. Deseret News: Semi-Weekly, Pebrero 4, 1873, 2.

  4. The Discourses of Wilford Woodruff, pinili ni G. Homer Durham (1946), 211–12.

  5. Deseret News: Semi-Weekly, Mayo 20, 1873, 1.

  6. Deseret Weekly, August 30, 1890, 305.

  7. Deseret News: Semi-Weekly, Pebrero 4, 1873, 2.

  8. Deseret News: Semi-Weekly, Mayo 2, 1876, 4.

  9. Deseret News: Semi-Weekly, Pebrero 4, 1873, 2.

  10. Deseret News: Semi-Weekly, Pebrero 29, 1876, 1.

  11. Deseret News: Semi-Weekly, Mayo 2, 1876, 4.

  12. Deseret Weekly, June 22, 1889, 824.

  13. Deseret News, Disyembre 16, 1857, 325.

  14. Deseret News: Semi-Weekly, Hulyo 6, 1880, 1.

  15. Deseret News: Semi-Weekly, Pebrero 29, 1876, 1.

  16. Deseret News: Semi-Weekly, Disyembre 28, 1875, 1.

  17. The Discourses of Wilford Woodruff, 124–25.

  18. Deseret News: Semi-Weekly, Pebrero 4, 1873, 2.

  19. Deseret News, Marso 21, 1855, 11.

  20. The Discourses of Wilford Woodruff, 252.

Second Coming of Christ

“Ang Panginoong Jesucristo ay paparito para pamahalaan ang mundo. … Hindi pinatatagal ng Panginoon ang kanyang pagdating.”

virgin with oil lamp

“Kapag gumagawa tayo sa kaharian ng Diyos, magkakaroon tayo ng langis sa ating mga ilawan, magliliwanag at madarama natin ang patotoo ng Espiritu ng Diyos.”