Kabanata 3
Ang Dispensasyon ng Kaganapan ng Panahon
Bilang mga Banal sa mga Huling Araw, may banal tayong tungkulin na tumulong sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos sa huling dispensasyong ito.
Mula sa Buhay ni Wilford Woodruff
Sa magkakaibang pagkakataon sa kasaysayan ng mundo ay itinatag ng Panginoon ang mga dispensasyon ng ebanghelyo. Sa bawat dispensasyon ay inihayag Niya ang Kanyang ebanghelyo sa pamamagitan ng isa o mas marami pang awtorisadong tagapaglingkod. Ang Propetang Joseph Smith ang instrumento ng Panginoon sa pagtatatag ng kasalukuyang dispensasyon, na binabanggit sa mga banal na kasulatan bilang “ang dispensasyon ng kaganapan ng panahon” (Mga Taga Efeso 1:10; D at T 128:20).
Noong tagsibol ng 1834, dumalo si Wilford Woodruff sa isang miting ng priesthood sa Kirtland, Ohio. Sa miting na ito ay nagsimula niyang maunawaan ang kahihinatnan ng Simbahan sa dispensasyong ito. Naikuwento niya sa huli:
“Nanawagan ang Propeta sa lahat ng maytaglay ng Pagkasaserdote na magtipon sa munting paaralang yari sa kahoy na naroon. Maliit na bahay lang ito, marahil ay mga 14 na piye- [4.2 metro] kuwadrado. Pero nagkasya rito ang lahat ng maytaglay ng Pagkasaserdote ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na noon ay nasa bayan ng Kirtland. … Iyon ang unang pagkakataong nakita ko si Oliver Cowdery, at narinig magsalita; unang pagkakataong nakita sina Brigham Young at Heber C. Kimball, at ang dalawang Pratt, at si Orson Hyde at marami pang iba. Wala pang mga apostol sa Simbahan noon maliban kina Joseph Smith at Oliver Cowdery. Nang magkasama-sama na kami, nanawagan ang Propeta sa mga Elder ng Israel na magpatotoo sa gawaing ito. Yaong mga nabanggit ko ay nagsalita, at maraming iba pa na hindi ko kilala ang nagpatotoo. Nang matapos sila ay sinabi ng Propeta, ‘Mga kapatid lubos akong napatibay at naturuan ng mga patotoo ninyo ngayong gabi, ngunit nais kong sabihin sa inyo sa harapan ng Panginoon, na hinggil sa kahihinatnan ng Simbahang ito, hindi nakahihigit ang nalalaman ninyo sa isang sanggol sa kandungan ng kanyang ina. Hindi ninyo nauunawaan ito.’ Bahagya akong nagulat. Sabi niya ‘kakaunti lang ang nakikita ninyong Pagkasaserdote ngayong gabi, subalit pupunuin ng Simbahang ito ang Hilaga at Timog Amerika—pupunuin nito ang daigdig.’ ”1
Inilaan ni Wilford Woodruff ang kanyang buhay sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos, at patuloy siyang tumanggap ng tagubilin mula kay Joseph Smith, kahit nang mamatay na ang Propeta. Ikinuwento niya ang isang pangitaing natanggap niya kung saan nakausap niya si Joseph Smith: “Nakita ko siya sa pintuan ng templo sa langit. Lumapit siya sa akin at kinausap niya ako. Sinabi niya na hindi siya maaaring huminto upang makipag-usap sa akin dahil siya ay nagmamadali. Ang sumunod na nakasalubong ko ay si Tatay Smith [Joseph Smith Sr.]; hindi rin siya maaaring makipag- usap sa akin dahil siya ay nagmamadali. Nakasalubong ako ng anim pang mga kapatid na lalaki na humawak ng matataas na tungkulin sa mundo, at wala isa man sa kanila ang maaaring huminto para kausapin ako dahil sila ay nagmamadali. Manghangmangha talaga ako. Maya-maya, nakita kong muli ang propeta at nagkaroon ako ang pagkakataong tanungin siya.
“ ‘Ngayon,’ sabi ko, ‘gusto kong malaman kung bakit po kayo nagmamadali. Lagi rin akong nagmamadali sa buong buhay ko; ngunit inasahan kong matatapos ang aking pagmamadali sa sandaling mapunta ako sa kaharian ng langit, kung mapupunta man ako roon.’
“Sabi ni Joseph: ‘Sasabihin ko sa iyo, Kapatid na Woodruff. Ang bawat dispensasyon na nagkaroon ng pagkasaserdote sa mundo at napunta sa kahariang selestiyal ay may kaukulang gawaing dapat gawin upang maghanda sa pagpunta sa mundo kasama ng Tagapagligtas sa sandaling maghari Siya sa mundo. Ang bawat dispensasyon ay may sapat na panahon para magawa ito. Tayo ay wala. Tayo ang huling dispensasyon at napakaraming dapat gawin, at kailangan nating magmadali upang maisakatuparan ito.’ ”2
Mga Turo ni Wilford Woodruff
Hinintay ng Panginoon at ng Kanyang mga propeta ang dispensasyong ito bago pa man likhain ang daigdig.
Lahat ng mga inspiradong tao, mula pa noong panahon ng amang Adan hanggang sa panahon ni Jesus, ay nakasulyap na, kahit paano, sa dakila at huling dispensasyon ng kaganapan ng panahon, kung saan kikilos ang Panginoon para ihanda ang mundo at ang mga tao para sa pagparito ng Anak ng Tao at sa paghahari ng kabutihan.3
Itinuturing ko ang gawain … na patuloy na ginagawa mula pa noong itatag ang simbahang ito, na pagsasakatuparan ng dakilang plano ng ating Ama sa Langit,—ang planong iyon na inorden magmula pa sa pagkakatatag ng daigdig. Sa katunayan walang dispensasyon na inasam na mabuti ng lahat ng mga propeta ng Diyos at mga inspiradong tao. …
Si Isaias, na may pananaw ng propeta sa araw na ito, ay gumamit ng mabigat na pananalita sa pagsisikap na maipahayag ang kanyang damdamin ukol dito. Minsan ay sinabi niyang “Ikaw ay umawit, Oh langit; at magalak, Oh lupa; at kayo’y biglang magsiawit, Oh mga bundok: sapagka’t inaliw ng Panginoon ang kaniyang bayan, at mahahabag sa kaniyang nagdadalamhati.” Sinabi ng Sion “Pinabayaan ako ni Jehova, at nilimot ako ng Panginoon.” “Malilimutan ba ng babae ang kaniyang batang pasusuhin; na siya’y hindi mahahabag sa anak ng kaniyang bahaybata?” “Oo,” sabi ng Panginoon, “ito’y makalilimot,” ngunit hindi Niya malilimot ang Sion. Sabi Niya “Narito aking inanyuan ka [Sion] sa mga palad ng aking mga kamay; ang iyong mga kuta ay laging nangasa harap ko.” [Tingnan sa Isaias 49:13–16.]
Ngayon ang Sion na ito ng Diyos ay nasa Kanyang harapan na bago pa man itatag ang daigdig.4
Hindi basta nilikha ng Panginoon ang daigdig na ito; wala siyang ginawa nang basta-basta lang. Ang mundo ay nilikha dahil sa tiyak na mga layunin; at isa sa mga layuning ito ay ang pagkatubos nito sa huli at ang pagkakatatag ng kanyang pamahalaan at kaharian dito sa mga huling araw, upang ihanda ito sa paghahari ng Panginoong Jesucristo, na Siyang may karapatang maghari. Ang takdang panahong iyon ay dumating na, ang dispensasyong iyon ay nasa ating harapan, nabubuhay tayo sa panahong iyon.5
Walang makapipigil sa magiging kapalaran ng Simbahan.
Ang simbahang ito’y patuloy na nagbangon. Ito lang ang tanging tunay na simbahan sa ibabaw ng buong mundo. Ang kasaysayan nito’y noon pang bago malikha ang mundo. Patuloy itong umunlad at dumami simula noong araw na itatag ito hanggang sa kasalukuyang panahon. … Nilikha ito ng Kataastaasang Diyos upang manatiling nakatayo sa ibabaw ng lupa sa kapangyarihan at kaluwalhatian at sakop, tulad ng pagkakita rito ng mga propeta ng Diyos sa kanilang panahon at henerasyon. Ito ang kahariang nakita ni Daniel, at patuloy itong lalaganap hanggang sa mapuno nito ang buong mundo [tingnan sa Daniel 2:34–35, 44–45; D at T 65:2).6
Naniniwala tayo na ihahanda ng Simbahang ito ang daan para sa pagdating ni Cristo upang maghari, at pagkatapos ang Simbahang ito ang magiging kaharian ng Diyos, na ipinagdarasal ng lahat ng Kristiyano na mangyari; upang ang kalooban ng Diyos ay matupad sa lupa gayundin sa langit [tingnan sa Mateo 6:10].7
Walang kapangyarihan sa mundong ito na makasisira sa Simbahang ito. Bakit? Dahil hawak ito ng Diyos sa Kanyang mga kamay. Siya ang May-akda nito, at nangako Siya, sa pamamagitan ng bibig ng napakaraming propeta, na mananatili itong nakatayo.8
Nang patayin nila sina Joseph at Hyrum hindi nila napatay ang “Mormonismo,” hindi nila napatay ang pananampalataya sa Diyos, hindi nila napatay ang pag-asa at ang tunay na pag-ibig ni Cristo, hindi nila naalis ang mga ordenansa ng bahay ng Diyos, ni ang kapangyarihan ng Banal na Priesthood. Ang Diyos ng kalangitan ang nag-orden sa mga bagay na ito.9
Ang kaharian ng Diyos ay susulong; hindi ito mabibigo o maglalaho.10
Nasaan ang Banal sa mga Huling Araw o ibang tao na nakakita sa kabiguan ng simbahan o kahariang ito? … Kahit ano pa ang ating naging kalagayan ang kahariang ito ay patuloy sa pagsulong at pag-angat hanggang sa mga oras na ito. Mabibigo o maglalaho ba ito? Hindi, kailanman. Ang Sion ng Panginoon, sa buong kagandahan, kapangyarihan at kaluwalhatian nito ay nasa mga palad ng Diyos, at laging nasa harapan Niya; itinakda ang kanyang mga utos at walang taong maaaring magbago nito.11
Kahit kalabanin pa tayo ng lahat ng kapangyarihan ng kadiliman, ang Panginoon ay ating Kaibigan at itataguyod Niya tayo at bibigyan tayo ng kapangyarihang itatag ang Sion at isulong ang gawaing ito hanggang sa pagparito ng Anak ng Tao. Samakatuwid, hayaang mapanatag ang inyong mga puso. … Dapat tayong lahat ay magkaisa sa layuning ating kinasasangkutan. Kapag ginawa natin ito ay magtatagumpay tayo.12
Hindi naman talaga madali para sa atin, nariyan ang digmaan at oposisyon mula sa simula hanggang sa ngayon; ngunit mapapanatag ang ating mga puso sa “Mormonismo,” dahil hindi ito titigil hanggang sa dumating ang Panginoong Jesucristo sa mga ulap ng langit.13
Ang ginto’t pilak ay maaaring maglaho; ang mga bahay at lupain ay maaaring mawala; lahat ng temporal na bagay ay lilipas; ngunit hindi kailanman ang priesthood, hindi ang kaligtasan, hindi ang kaharian ng Diyos, at ang propesiya ay palaging matutupad.14
Inireserba tayo sa daigdig ng mga espiritu para itayo ang kaharian ng Diyos sa dispensasyong ito.
Libu-libong taon tayong inireserba sa daigdig ng mga espiritu, para mabuhay sa mundo sa mga huling araw, at dalhin ang kaharian ng Diyos at itatag ito. Sa pagkaunawa sa mga bagay na ito, ano ngayon ang iniisip nating mga Banal sa mga Huling Araw? Masasabak tayo sa malaking digmaan. Si Lucifer, ang anak ng umaga, at lahat ng kanyang kampon, ay nagkakaisa laban sa atin. Kakaunti lang tayo, kung ikukumpara sa mga naninirahan sa mundo. Kakaunti lang ang mga lalaki at babae, sa alinmang panahon ng mundo, na may sapat na kakayahan para talikuran ang masama at maglingkod sa Panginoon. At itinuring tayong karapat- dapat na mapabilang sa Kanyang mga tao. Samakatuwid, panahon na para magising tayo at maging aktibo, at, dahil nasa atin ang kapangyarihan ng Diyos at ang Banal na Priesthood, dapat nating gamiting mabuti ang Priesthood na ito at kamtin ang mga biyayang nakapaloob dito.15
Wala pang grupo ng mga tao na tulad nito. Wala pang gawaing naging tulad nito simula nang likhain ng Diyos ang mundo. Totoo na may mga taong nangaral ng ebanghelyo; ngunit sa kaganapan ng panahon ay sinimulan ng Panginoon na itatag ang kanyang kaharian. Ito ang huling dispensasyon. Tumawag siya ng mga lalaki at babae na magsusulong ng kanyang gawain, at tulad ng madalas kong sabihin, marami sa atin ang pinamalagi sa daigdig ng mga espiritu mula noong itatag ang mundong ito hanggang sa ating kapanahunan.16
Ang mga paghahayag ng Diyos sa Biblia, Aklat ni Mormon at Doktrina at mga Tipan ay nangatutupad. Isinasakatuparan natin ang mga ito. At habang narito tayo manatili tayong tapat sa Diyos, ang Dakilang Elohim, ang Diyos ng mga Judio gayundin ng mga Gentil. Tayo lang ang Kanyang inaasahan. Umaasa siya sa mga Banal sa mga Huling Araw. Bakit? Dahil walang ibang taong nakatanggap ng kaganapan ng walang hanggang Ebanghelyo; walang ibang umako sa responsibilidad na itatag ang Kahariang ito. Nananalig ako at nadarama ko na hinirang tayo bago pa naitatag ang mundo, tulad ng mga sinaunang apostol, upang mabuhay sa mundo at simulan ang Kahariang ito, at kailangan nating gawin ito, dahil kung hindi ay isusumpa tayo. Iyan ang ating katayuan sa ngayon. Nakamasid sa atin ang mga hukbo ng langit; nakamasid sa atin mismo ang Diyos at ang kanyang anak na si Jesucristo at lahat ng apostol at mga propeta na nagbuwis ng kanilang buhay ay nakamasid sa mga taong ito. Dinadalaw nila kayo, pinagmamasdan ang ginagawa ninyo, dahil alam na alam nila na nakatadhanang itatag ninyo ang Kahariang ito, upang itatag ang Sion, pabanalin ito, pabanalin ang lupa at ihanda ang daigdig para sa pagparito ng Anak ng Tao.17
Bilang mga Banal sa mga Huling Araw, may malaking gawain tayong gagawin.
Si Joseph Smith … ay dumating bilang katuparan ng propesiya, isinagawa ang iniutos sa kanya, inilatag ang pundasyon ng gawain, tinanggap ang mga susi ng priesthood at pagka-apostol, at bawat kaloob at biyaya sa pag-oorganisa ng simbahan na kinakailangan upang maipagpatuloy ito. Tinawag tayo upang itayo ang pundasyong itinatag niya.18
Kung mabubuksan lamang ang pangitain sa ating mga isipan at matatanaw ang hinaharap at makikita ang kahariang ito at ang nakatakdang maisagawa nito, at ang kailangan nating gawin, ang digmaang dapat nating harapin, tiyak na makikita nating may malaking gawaing naghihintay sa atin.19
Ang ating natatanging tungkulin ay ang itayo ang Sion, at ihanda ang mga tao na tumayo sa mga banal na lugar habang ang mga paghuhukom ng Panginoon ay ibinubuhos sa masasama.20
Kagustuhan at kalooban ng Diyos na maunawaang mabuti ng mga Banal sa mga Huling Araw na sila ay nasa gitna ng dakila at huling dispensasyon ng Diyos sa mga tao; at na dapat nilang maunawaang mabuti ang mga responsibilidad na mapapasakanila bilang mga tauhan ng dispensasyong iyon. At hindi nila dapat kalimutan ang katotohanan na ang lahat ng pinagsama-samang kapangyarihan ng kadiliman ay hindi kailanman makahahadlang sa mga layunin ng Diyos sa gawaing sinimulan Niyang isagawa, sa ating panahon at henerasyon. Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay dapat mamuhay sa harap ng Panginoon sa paraang mauunawaan natin ang ating kinalalagyan, at ang mga tungkuling hinihingi sa atin. Ito ay dahil humihingi ang Panginoon ng ilang bagay sa ating panahon at henerasyon, tulad din ng ginawa Niya sa Kanyang mga tao sa bawat panahon, nang ibigay Niya sa kanila ang kaganapan ng walang hanggang Ebanghelyo, at ang kapangyarihan at awtoridad ng banal na priesthood. …
Nais din ng Diyos na magbayad tayo ng ating ikapu at mga handog; nais Niyang sundin natin ang Word of Wisdom; nais Niyang sundin natin ang mga utos, at ituro ang mga ito sa iba. Pananagutin tayo sa lahat ng di natin nagawa na dapat nating gawin, gayundin sa ating mga ginagawa. Dapat maging isa ang ating puso at isipan, at huwag hayaang ilayo tayo sa pagmamahal ng Diyos at ng tao ng anumang bagay na temporal o espirituwal.
… Dapat tayong magkaisa at magmalasakit sa kapakanan ng iba. Dapat nating ituro ang mga alituntunin ng Ebanghelyo ni Jesucristo sa ating mga anak, gayundin sa daigdig, at ihanda ang ating sarili sa mga mangyayari na binanggit sa mga paghahayag na ibinigay sa atin ng Panginoon. Nasimulan na Niya ang Kanyang gawain, ang Kanyang kagila-gilalas na gawain, at kamangha-mangha, sa mga tao sa mundo, na tinukoy ni Isaias [tingnan sa Isaias 29:14]. Hindi Niya kailanman aalisin ang Kanyang kamay hanggang sa maisagawa ang Kanyang mga layunin.21
May malaking gawaing naghihintay sa atin, at kailangan nito ang lahat ng ating pagsisikap at lahat ng ating talino at kakayahang gawin ito. Dapat nating hingin ang Espiritu ng Diyos upang alalayan tayo; dahil kung wala ang Espiritung ito kaunti lamang ang magagawa natin.22
Sinasabi ko sa inyo na kapag lumingon kayo sa inyong paligid at nakita ang kalagayan ng mundo sa isang panig at ang dapat nating gawin sa isa pang panig, at ano ang dapat marating ng kaharian ng Diyos upang maisakatuparan ang tadhana nito at ang mga paghahayag ni Jesucristo, ang dapat maging pangunahin nating layunin ay itayo ang kaharian ng Diyos at paunlarin ito. …
… Dapat nating hangarin ang pagtatayo ng kaharian, at hindi lang maghangad ng biyaya para sa ating sarili, kundi hangaring maging mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion, at sikaping gawin ang lahat ng magagawa nating kabutihan, at isulong ang adhikain at layunin ng Sion sa bawat bahagi nito kung saan tayo tinawag na maglingkod.
Sa pagpapatuloy ng adhikaing ito tayo ay uunlad, at magkakaroon lagi ng kapayapaan sa ating mga isipan at tulad nga ng sabi ng Panginoon, walang ipagkakait sa sinumang tao na naghahangad ng kabutihan at mga biyaya sa kaharian ng Diyos. …
… Maraming dakilang mangyayari sa atin, maraming dakilang pagbabago na magaganap sa mundo, at lumalago ang kaharian. Hinihikayat ko ang lahat ng Banal sa mga Huling Araw na nakakarinig sa akin sa araw na ito na pag-aralang mabuti ang katayuan ninyo ngayon. Saliksikin ang inyong mga puso at alamin kung tayo ba ay panig sa Panginoon nating Diyos, at pagkatapos ay patuloy tayong lumago sa ating pananampalataya, pag-asa, kabutihan, at sa bawat mabuting alituntuning kailangan natin upang palakasin tayo sa bawat pagsubok na maaari nating danasin upang patunayan kung tayo, bilang mga kaibigan ng Diyos, ay tutupad ba sa tipan o hindi. Susubukin tayo mula sa panahong ito hanggang sa pagdating ng Mesiyas o habang nabubuhay tayo sa mundo.23
Walang dapat ikatakot kung mananatili lamang tapat ang mga Banal sa mga Huling Araw sa mga tipang ginawa nila sa Diyos at mahigpit na sinusunod ang mga alituntuning sinabi Niya sa atin na dapat gumabay sa atin sa pagtatayo ng Kanyang Sion.
Subalit kung kinalimutan natin ang ating mga tipan, at lumayo at binalewala ang mga turong ibinigay Niya sa atin, kung gayon, asahan ninyo, mga Banal sa mga Huling Araw, na malalagay tayo sa panganib. Hindi mahahadlangan ang mga layunin ng Diyos; ngunit tayo’y magdurusa, at ang mga patuloy na lumilimot sa kanilang mga tipan ay di tatanggapin at pagkakaitan ng mga biyayang ipinangako sa Sion.24
Ang Panginoon ay nasa mga taong ito, ngunit bilang mga Banal sa mga Huling Araw, palagay ko’y hindi natin laging pinahahalagahan ang ating mga pribilehiyo. Tinawag tayo upang gawin ang isang gawain; ipinagkatiwala ng Panginoon “ang gawaing ito sa ating mga kamay, at tayo ay may responsibilidad sa langit at lupa na gamitin ang mga talino—ang liwanag at katotohanan, na ibinigay sa ating mga kamay.”25
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Isaisip ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang Kabanata o naghahanda para magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina v–x.
-
Rebyuhin ang mga pahina 27–28. Paano natupad ang propesiya ni Joseph Smith? Ano ang matututuhan natin sa pangitain ni Pangulong Woodruff?
-
Bakit hinihintay ng mga propeta ang dispensasyong ito? Bakit mahalagang maunawaan natin na “namumuhay tayo sa gitna ng” huling dispensasyon? (Tingnan sa mga pahina 29–30.)
-
Ano ang ibig sabihin ng patotoo natin na kasapi tayo sa “nag-iisang tunay na Simbahan sa buong mundo”? (pahina 30; tingnan din sa D at T 1:30). Paano natin mapagpakumbabang ibabahagi ang katotohanang ito sa iba?
-
Ano ang natanim sa inyong isipan habang pinag-aaralan ninyo ang mga turo ni Pangulong Woodruff tungkol sa kahihinatnan ng Simbahan? (Tingnan sa mga pahina 30–31.)
-
Tingnan ang mga pahina 30–31 at hanapin ang mga bagay na maglalaho at mananatili magpakailanman. Ano ang ilang pagkakaiba ng mga bagay na maglalaho at mananatili?
-
Basahin ang mga turo ni Pangulong Woodruff tungkol sa “[pagka]laan sa daigdig ng mga espiritu” upang isilang sa dispensasyong ito (mga pahina 32–33). Ano ang nadama ninyo habang pinag-iisipan ang mga pahayag na ito?
-
Tingnan ang larawan sa pahina 35. Ano ang kinalaman ng larawang ito sa pagtatatag ng kaharian ng Diyos? Ayon kay Pangulong Woodruff, ano ang ilan nating mga tungkulin sa pagtulong na itatag ang kaharian ng Diyos? (Tingnan sa mga pahina 33–36.)
-
Basahin ang huling talata sa pahina 35–36. Ano ang mga pribilehiyo natin sa dispensasyong ito? Sa palagay ninyo, ano ang ibig sabihin ng “pinahahalagahan ang ating mga pribilehiyo”?
Mga Kaugnay na Banal na Kasulatan: D at T 6:32–34; 64:33–34; 121:26–32; 138:53–56