Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 10: Mapagpakumbabang Pag-asa sa Diyos


Kabanata 10

Mapagpakumbabang Pag-asa sa Diyos

Ang tunay na lakas ay nagmumula sa mapagpakumbabang pag-asa sa Diyos.

Mula sa Buhay ni Wilford Woodruff

“Ang tanging ipinagtataka ko lang sa buong buhay ko,” sabi ni Pangulong Wilford Woodruff, “ay ang pagpili sa akin ng Panginoon sa lahat ng bagay, lalo na bilang Apostol at bilang Pangulo. Ngunit siya ang may gawa noon; hindi ako.”1

Bagama’t pinagtakhan ni Pangulong Woodruff ang mga tungkulin niya sa Simbahan, alam niya kung bakit siya tinawag ng Panginoon. Sinabi niya: “Bakit pinili ng Panginoon ang isang mahinang taong tulad ni Wilford Woodruff na mangulo sa Kanyang Simbahan? Bakit Niya pinili si Joseph Smith—isang batang walang pinag-aralan, tulad ng bansag sa kanya? Bakit Niya pinili ang ganoong klase ng kalalakihan? Dahil sila ay kaya Niyang hubugin. Pumipili Siya ng kalalakihang kumikilala sa kapangyarihan ng Diyos.”2

Laging kinikilala ni Pangulong Woodruff ang kapangyarihan ng Diyos, sa Kanyang personal na pag-unlad at pagsulong ng Simbahan. Sa mensaheng ibinigay niya sa Salt Lake Tabernacle, sinabi niya: “Pinasasalamatan ko ang Diyos sa buhay ko, sa Kanyang mga biyaya at awa sa akin. May dahilan para matuwa ako rito, at tungkulin kong ibigay sa Diyos ang karangalan sa lahat ng natanggap ko. Kung may nagawa man akong mabuti; kung nagawa ko mang ipangaral ang ebanghelyo at ginawa ang bagay na makapagpapabuti sa aking kapwa, sa bansang ito at sa ibang bansa, ito ay dahil sa kapangyarihan ng Diyos. … Nasa atin ang kapangyarihang ito. Kaya tayo narito ngayon. Kaya nakatayo ang Tabernakulong ito ngayon, bilang katuparan ng mga hula ng mga propeta ng Diyos noong unang panahon. Ito ang dahilan kung bakit nakatayo sa mga lambak na ito sa kabundukan ang Sion ng Diyos. Ito ay dahil sa kapangyarihan ng Diyos, at hindi ng tao.”3

Mga Turo ni Wilford Woodruff

Sa Diyos tayo umaasa sa lahat ng ating espirituwal at temporal na pagpapala.

Umaasa ako nang lubos sa Panginoon. Umaasa ako palagi sa buong buhay ko, sa aking mga pagbibiyahe at paglalakbay sa banal na lugar, sa pangangaral ng ebanghelyo ni Cristo sa aking kapwa.4

Dapat nasimulan nating unawain na ang mga pamamaraan ng Diyos ay walang alinlangang mas higit sa ating mga pamamaraan, at ang Kanyang mga payo, kahit na tila kailangan dito ang sakripisyo, ay laging siyang pinakamagaling at pinakaligtas para gamitin at sundin natin. Libu-libo sa atin ang makapagpapatotoo sa katunayan nito batay sa kaniya-kanyang karanasan. … Dapat din nating malaman ang dakilang katotohanang ito, na sa Diyos mapupunta ang lahat ng karangalan at parangal sa pagkakatatag ng Kanyang Simbahan at kaharian sa mundo. Hindi ito maaangkin ng tao ngayon o sa iba pa mang panahon ng mundo. Tanging kapangyarihan ng Diyos ang nakapagpalabas ng kabuuan ng Ebanghelyo, nakapagtatag ng Simbahan, nakapagtipon sa Kanyang mga tao sa Sion bilang katuparan ng paghahayag at nagsagawa ng gawaing naisagawa.5

Gusto nating isaisip na ang ating lakas, ating pag-asa at ating kapangyarihan ay nasa mga kamay ng Diyos, at hindi sa mga tao. Pinakilos ng Panginoon mismo ang Kanyang kamay upang itatag ang Simbahang ito, na Kanyang kaharian at Kanyang gawain. … Wala tayong kapangyarihan kung sa sarili lang natin. Kailanman ay hindi tayo nagkaroon ng kapangyarihang gabayan at pangasiwaan ang kahariang ito, tanging sa pamamagitan lang ng Pinakamakapangyarihang Diyos.6

Ang mismong katotohanan na tayo ay may pangkat ng mga tao, na tayo ay may Sion, may kaharian, may Simbahan at priesthood na may kaugnayan sa kalangitan, at may kapangyarihang antigin ang langit, at na ang kalangitan ay nakikipag-ugnayan sa atin, pinangangasiwaan ang pagsasagawa ng dakilang gawaing ito sa mga huling araw na kinabibilangan ng mga Banal sa mga Huling Araw, ay sapat nang katotohanan na dapat pumuspos sa ating puso ng kapakumbabaan sa harapan ng ating Panginoong Diyos. Ito ay dapat patuloy na magpaalala sa ating ikinikilos at nadarama tungkol sa responsibilidad natin sa Kanya at sa isa’t isa, gayundin sa ating pag-asa sa Kanya sa lahat ng biyayang tinatamasa natin, espirituwal at temporal man.7

Sa palagay ko ang Panginoon ay hindi kailanman nagkaroon ng mga tao mula pa noong panahon ni Amang Adan hanggang sa kasalukuyan na tinawag upang itayo ang Kanyang Kaharian at itatag ang Kanyang Sion sa daigdig, o mangaral ng ebanghelyo ng pagsisisi sa mga anak ng tao, na hindi lubos na umasa sa tulong ng Diyos [ng] langit.8

Nalalaman at nauunawaan nating mabuti na ang ating tadhana, ating katayuan, at ating mga biyaya ay nasa kanyang mga kamay.9

Sinasabi ko sa lahat ng tao—Judio at Gentil, maringal at hamak, mayaman at mahirap—na ang Pinakamakapangyarihang Panginoon ay may sariling kapangyarihan, at hindi umaasa sa sinumang tao, para isagawa ang Kanyang gawain; kaya’t kapag tumawag Siya ng kalalakihang gagawa ng Kanyang gawain dapat silang magtiwala sa Kanya.10

Pinipili ng Diyos ang mga mapagpakumbabang tao para sila ang gumawa ng Kanyang gawain.

Pinipili ng Panginoon ang mahihinang bagay ng daigdig para sila ang gumawa ng Kanyang gawain. At nagawa Niyang turuan ako, o ang sinuman sa aking mga kapatid sa Simbahan, tulad ng ginagawa Niya sa alinmang panahon sa mundo. Lagi niyang pinipili ang mahihinang bagay. Halimbawa ay si Moises na namuno sa mga anak ni Israel. Sinabi ni Moises na siya ay kiming magsalita at inisip niyang wala siyang magagawa. Ngunit sinabi ng Panginoon na siya ay magtatalaga ng tagapagsalita para sa kanya. Noong nais ng Panginoon ng hari para sa Israel, pinili niya si David, ang anak ni Jesse, na isang pastol. Ang lahat ng anak ni Jesse, maliban kay David, ay dinala sa harapan ng Propeta; pero hindi hinirang ni Samuel [ang sinuman] sa kanila. Tinanong niya si Jesse kung may iba pa siyang anak na lalaki. Sinabi ni Jesse na, Oo; may isa pang batang lalaki roon na nag-aalaga ng mga tupa. Gusto siyang makita ng Propeta. Nang siya’y dumating, hinirang siya ni Samuel bilang hari ng Israel. Ganoon din sa panahon ng mga Apostol. Sino ba sila? Mga [walang pinag-aralang] mangingisda. Ganoon din ngayon. Simulan ninyo kay Joseph Smith hanggang sa aming lahat. Sino ba kami? Kami’y mahihirap, mahihinang uod ng alabok. Ngunit pinili kami ng Panginoon dahil inisip Niya na may magagawa Siya sa amin. Sana nga magawa Niya.

Sa palagay ko mas matagal na akong Apostol kaysa sa sinumang tao sa ibabaw ng mundo sa mga huling araw na ito. Dapat ko bang ipagyabang ito o magmalaki at dakilain dahil napakatagal ko nang hawak ang Priesthood? Kung ginawa ko iyon, isa akong hangal. Obligasyon nating parangalan ang Diyos; tungkulin nating kilalanin ang kapangyarihan ng Diyos. Mula noong isilang ako hanggang sa ngayon hangad na ng diyablo na wasakin ako. Ngunit lagi nang nariyan ang Panginoon sa aking kanang kamay at iniligtas ako. May dalawang kapangyarihang kumikilos—ang isa ay upang wasakin ako, ang isa’y upang iligtas ako. At ako ay narito ngayon, isang mahinang kasangkapan sa mga kamay ng Diyos. Ngunit, dahil ang Diyos ay buhay, kung sasabihin Niya sa akin kung ano ang tungkulin ko, ito ay gagawin ko!

… Dalangin ko sa Diyos na bigyan tayo ng talino, at tulungan tayong maging mapagpakumbaba at tapat.11

Ilang beses ko na bang narinig ito sa mga tao sa paglalakbay ko—Bakit pinili ng Diyos si Joseph Smith, bakit niya pinili ang batang lalaking iyon para simulan ang dispensasyong ito at ilatag ang pundasyon ng Simbahang ito? Bakit hindi siya pumili ng magaling na tao … ? Iisa lang ang sagot ko sa tanong na iyan, ito ay, na walang magagawa ang Makapangyarihang Panginoon sa kanila, hindi Niya sila mapagpapakumbaba. Hindi sila ang klase ng mga tao na pinili para sa ganitong uri ng gawain sa alinmang panahon sa mundo. Pinipili ng Makapangyarihang Panginoon ang mahihinang bagay ng daigdig na ito. Kaya Niya silang hubugin. Kaya nga pinili niya si Joseph Smith dahil siya ay mahina, at sapat ang pag-iisip niya para malaman ito.12

Kapag mapagmataas ang mga tao, hindi sila nagtatagumpay.

Hindi ninyo kailanman nakita ang panahon, hindi ninyo kailanman makikita ang panahon, sa lupa man o sa kawalang hang gan, na hindi nangangailangan ng pangangalaga at pagkalinga ng Diyos. Kailangan ninyo ito habambuhay. Kapag inakala ng ating mga kabataang lalaki at babae, o ng mga nakatatanda sa atin, na narating na nila ang puntong hindi na nila kailangang umasa sa Panginoon, matutuklasan nilang nagkamali sila nang lubos.13

Kung sa pakiramdam ng Pangulo ng Simbahan o ng kanyang mga tagapayo o ng mga apostol o sino pa man na hindi makakaya ng Diyos kung wala siya, at napakaimportante niya para maisagawa ang gawain ng Panginoon, siya’y nalalagay sa panganib. Narinig kong sinabi ni Joseph Smith ang sinabi sa kanya ni Oliver Cowdery, na dating pangalawang apostol sa Simbahang ito, “Kung iiwan ko ang Simbahang ito, babagsak ito.”

Sinabi ni Joseph, “Oliver, sige subukan mo.” Sinubukan ito ni Oliver. Bumagsak siya: ngunit hindi bumagsak ang kaharian ng Diyos. May mga nakasama akong ibang apostol sa aking panahon na inakalang hindi makakaya ng Panginoon kung wala sila; ngunit nagpatuloy ang Panginoon sa Kanyang gawain kahit wala sila.14

Nakita ko si Oliver Cowdery noong nasa kanya pa ang kapangyarihan ng Diyos. Wala pa akong napakinggan na nagbahagi ng malakas na patotoo tulad ng ginawa niya noong nasa kanya pa ang impluwensya ng Espiritu. Ngunit nang sandaling iwan niya ang kaharian ng Diyos, ay iyon na rin ang sandali ng pagbagsak ng kanyang kapangyarihan. … Nawalan siya ng lakas, tulad ni Samson sa kandungan ni Dalila. Nawala sa kanya ang kapangyarihan at patotoong dati niyang taglay, at hindi niya ito ganap na nabawi noong buhay pa siya, bagama’t namatay siyang [miyembro ng] Simbahan.15

Sangkatlo ng hukbo ng langit ang itinaboy dahil sa kanilang paghihimagsik. … Sila ay nasa bawat lungsod at nayon kung saan nakatira ang mga tao sa mundo, lalo na kung saan may mga Banal sa mga Huling Araw. … Palagay ba ninyo nakapaligid sa atin ang mga diyablong ito nang walang anumang binabalak? Sinasabi ko sa mga kalalakihang may taglay na Priesthood, may malaking digmaan tayong gagawin laban sa mga espiritung ito. Hindi natin matatakasan ito. Ano ang gagawin nila sa inyo? Pipilitin nilang pagawain kayo ng anumang bagay na mali. Tuwang-tuwa ang mga diyablong ito kapag inisip namin ng aking mga kapatid sa simbahan na kami’y mga dakilang tao, mas marunong kaysa sa sinuman; upang paglaban-labanin kami, at udyukan kaming ipagtapat ang kasalanan ng aming kapatid sa halip na ipagtapat ang kasalanan namin. Kung gayon dapat din nating bantayan ang ating sarili. Dapat kong gawin ito; dapat itong gawin ng aking mga Tagapayo at ng mga Apostol; dapat nating gawing lahat ito. … At kung mulat ang ating mga mata sa pag-unawa sa mga bagay ng Diyos, mauunawaan natin ang ating mga responsibilidad; mauunawaan natin ang mga kapangyarihan ng Banal na Priesthood at ang ating pakikipag-ugnayan sa Diyos. Tunay ngang dapat tayong magpakumbaba sa harapan ng Panginoon.16

Maging mapagpakumbaba, maingat, mapagdasal. Mag-ingat sa kapalaluan, upang huwag bumagsak tulad ng iba.17

Kapag mapagpakumbaba tayong umaasa sa Panginoon, pinangangalagaan at pinalalakas Niya tayo.

May dalawang dakilang katangian … na nagbibigay sa tao ng kapangyarihan ng langit—integridad at dalisay na pag-uugali. Hayaang taglayin ito ng isang tao, hayaang maging tapat at di-nagbabago ang kanyang puso, hayaang maging dalisay ang kanyang buhay, at, kung daragdagan natin ito ng kapakumbabaan, siya ay [poprotektahan] laban sa napakaraming kahinaan at mapaglalabanan niya ang di mabilang na tukso. Lahat tayo ay may kahinaan; itinulot ito ng Diyos upang maturuan tayong magpakumbaba at pagmalasakitan ang iba.

Walang sinuman sa atin na perpekto habang narito tayo sa mundo; ngunit ang taong hindi kailanman nag-atubiling ipaglaban ang tama, hindi kailanman nagbago ng pagpanig sa katotohanan, at nanatiling masunurin sa kanyang mga tipan bilang pagpapakumbaba sa Diyos, ay taong dapat nating hangaan, at sikaping tularan, sa tulong ng langit.18

Nais kong sabihin sa mga Banal sa mga Huling Araw, na ang kailangan lang nating gawin ay maging tapat, sundin ang Kanyang mga utos, maging mapagpakumbaba, at manalangin nang tapat sa Kanya, at magiging maayos ang lahat para sa atin.19

Ang Diyos ay nasa mga taong ito. Ngunit inuutos sa ating makinig sa Kanyang tinig, sundin ang Kanyang mga utos, at magpakumbaba sa Kanya. … May kapanatagang nananaig sa mga Mormon—tulad ng tawag sa atin ng mga tao—na ipinagtataka at ikinamamangha ng mundo. … Panatag tayo dahil—kaibigan natin ang Diyos, Siya ang ating tagapagbigay ng batas, ating Tagapagligtas. Kung hindi mapapanatili ng Panginoon ang Kanyang gawain, walang dudang ganoon din tayo. Ngunit kaya Niya. Lagi na Niyang ginagawa ito, at gagawin hanggang wakas. Kaya nga sinasabi ko sa mga Banal, huwag matakot. Magtiwala sa Diyos. Huwag panghinaan ng loob. Paabutin sa pandinig ng Panginoon ng mga hukbo ang inyong mga dalangin araw at gabi. Hilingin ang gusto ninyo. Kapag ginawa ninyo iyan, sasagutin ng Panginoon ang inyong mga dasal, kung hihilingin ninyo ang tama. Diyan nakasalalay ang ating lakas. Ito ay nasa Diyos.20

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Isaisip ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang Kabanata o naghahanda para magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina v–x.

  • Bakit mahalagang kilalaning umaasa tayo sa Diyos? (Tingnan sa mga pahina 111–2.) Paano naiimpluwensiyahan ng pagkilalang ito ang ating pamumuhay?

  • Sino ang tinutukoy ni Pangulong Woodruff na “mahihinang bagay ng mundo”? (Tingnan sa mga pahina 109, 112–3; tingnan din sa I Mga Taga Corinto 1:25–28.) Bakit pinipili ng Panginoon ang ganoong mga tao para isagawa ang Kanyang gawain? Kailan ninyo nakitang kumilos ang Panginoon sa pamamagitan ng “mahihinang bagay ng mundo”?

  • Basahin ang buong unang talata sa pahina 114, at pag-isipan o pag-usapan kung ano ang magiging buhay ninyo kung wala ang pangangalaga at kalinga ng Diyos. Ano ang itinuturo nito sa inyo tungkol sa kapalaluan? Ano ang ilan sa mga resulta ng kapalaluan?

  • Ano ang matututuhan natin sa kuwento tungkol kay Oliver Cowdery sa mga pahina 114–15?

  • Basahin ang buong ikalimang talata sa pahina 114–15. Bakit gusto ni Satanas at ng kanyang hukbo na “isipin nating mas dakila [at] marunong tayo kaysa sinuman”? Bakit gusto nilang “ipagtapat [natin] ang mga kasalanan ng ating kapatid sa halip na ipagtapat ang kasalanan natin”? Paano natin mapaglalabanan ang mga tuksong ito?

  • Rebyuhin ang apat na huling talata ng Kabanata at pansinin ang mga salita at pariralang makahulugan sa inyo (mga pahina 115–6). Anong mga biyaya ang natatanggap natin kapag umaasa tayo sa Panginoon?

Mga Kaugnay na Banal na Kasulatan: Mga Kawikaan 3:5–7; Lucas 18:9–14; Jacob 2:13–21; Alma 36:3; Helaman 3:35; D at T 112:10; 121:34–40.

Mga Tala

  1. Millennial Star, November 21, 1895, 739.

  2. Millennial Star, November 21, 1895, 739.

  3. Deseret Semi-Weekly News, December 21, 1897, 1.

  4. The Discourses of Wilford Woodruff, pinili ni G. Homer Durham (1946), 275.

  5. “An Epistle to the Members of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints,” Millennial Star, Nobyembre 14, 1887, 729.

  6. Millennial Star, April 28, 1890, 258.

  7. Deseret News: Semi-Weekly, Mayo 14, 1878,1.

  8. Deseret News: Semi-Weekly, January 22, 1884, 1.

  9. In Conference Report, April 1880, 10.

  10. The Discourses of Wilford Woodruff, 123–24.

  11. Deseret Weekly, March 23, 1889, 391.

  12. Deseret News: Semi-Weekly, Setyembre 7, 1880, 1.

  13. Deseret Weekly, July 20, 1889, 115.

  14. The Discourses of Wilford Woodruff, 123.

  15. Deseret Weekly, March 23, 1889, 391.

  16. Deseret Weekly, April 20, 1889, 515.

  17. In Elders’ Journal, July 1838, 36.

  18. Millennial Star, July 9, 1888, 436.

  19. “Priesthood, and the Right of Succession,” Millennial Star, August 22, 1892, 532.

  20. Deseret News: Semi-Weekly, Enero 22, 1884, 1.

President Wilford Woodruff

Sinabi ni Pangulong Wilford Woodruff: “Tungkulin kong ibigay sa Diyos ang karangalan sa lahat ng natanggap ko. Kung may nagawa man akong mabuti … ito ay dahil sa kapangyarihan ng Diyos.”