Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 13: Mga Journal: ‘Higit na Mahalaga Kaysa Ginto’


Kabanata 13

Mga Journal: “Higit na Mahalaga Kaysa Ginto”

Mahalaga sa atin ang ating mga journal, at makapagdadala rin ang mga ito ng mga biyaya sa ating pamilya at sa lahat ng henerasyong darating.

Mula sa Buhay ni Wilford Woodruff

Noong 1835, sinimulan ni Wilford Woodruff ang kanyang unang journal, “naniniwalang ito ay magiging kapaki-pakinabang sa pagsusuri ng ating nakaraang buhay at hindi lamang ito pribilehiyo natin kundi tungkulin din nating sumulat ng tamang talaan ng ating mga ginawa.” Isinulat niya, “Sa layuning ito kaya sinikap ko mula noon na magsulat sa journal ng tungkol sa aking mga paglalakbay, upang kapag ako’y hiningian ay makapagbibigay ako ng ulat sa mga bagay na ipinagkatiwala sa akin.”1 Nagsulat siya sa journal sa loob ng 63 taon, na ang huling naisulat ay noong Agosto 31, 1898, dalawang araw bago siya mamatay. Ang mga nakasulat sa kanyang journal ay nag-iwan ng totoo at tunay na rekord ng kanyang personal na buhay, na nagpapakita ng pagmamahal niya sa kanyang pamilya, pagkawili sa kanyang kapaligiran, pagsisikap na matupad ang kanyang gawain sa arawaraw, pananampalataya sa panahon ng mga pagsubok, at patotoo at pagkaunawa sa ebanghelyo. Ang mga nakasulat ay nagbigaysulyap din sa buhay ng ibang miyembro ng Simbahan noong panahong iyon.

Dagdag pa sa pagsusulat ng tungkol sa kanyang personal na buhay at ministeryo, maingat ding itinala ni Wilford Woodruff ang kasaysayan ng Simbahan. Ipinaliwanag niya: “Ako’y nabigyang inspirasyon at nahikayat na magkaroon ng journal at isulat ang mga gawain ng Simbahang ito hangga’t makakaya ko. Hindi ko maunawaan kung bakit labis akong nahikayat na magsulat sa journal sa panahong nagsisimula pa lamang ang Simbahan, subalit ngayo’y nauunawaan ko na. Palagi na lang, kapag naririnig ko si Brother Joseph o ang Labindalawa na nagtuturo ng anumang alituntunin, di ako mapalagay tulad ng isang isdang inalis sa tubig hangga’t hindi ko naisusulat ito. At pagkatapos noon, magaan na ang aking pakiramdam. Maisusulat ko ang isang talumpati ni Joseph nang isang linggo pagkasabi nito nang halos eksaktong-eksakto ang mga salita, at matapos maisulat ito, hindi ko na ito maaalala. Ito ay kaloob ng Diyos sa akin.”2

Bilang bahagi ng kanyang pagsisikap na isalaysay ang kasaysayan ng Simbahan, inerekord ni Pangulong Woodruff ang mahahalagang detalye sa mga miting na kanyang dinaluhan. Sa isang miting, nagturo siya ng isang alituntunin na maisasagawa sa mga journal gayundin sa mga opisyal na rekord ng Simbahan: “Hindi na natin malalakarang muli ang tubig na nilakaran natin sa rumaragasang agos. Gayundin hindi natin maibabalik ang panahong lumipas. Kapag nilampasan natin ang silid kung saan idinaraos ang miting, ang mga ginawa sa miting na ito ay hindi natin malalaman kailanman. Hindi natin maibabalik ang oras ng gabing ito. Ngayon dapat ba nating irekord ang ating mga ginawa, itinuro, at ipinayo na ibinigay natin sa miting na ito? Dapat lang.”3

Sa pamamagitan ng kanyang mga journal, nagbigay si Pangulong Woodruff ng isang walang hanggang handog sa kanyang mga inapo at sa lahat ng miyembro ng Simbahan. Puna ng mananalambuhay na si Matthias F. Cowley: “Ang buhay ni Wilford Woodruff ay puno ng kahangang-hangang bagay. Isa itong simpleng buhay kung saan inihayag niya nang malaya ang kanyang saloobin at mga layunin. Ang hayagan niyang pagsasalita, pagiingat sa mga detalye, at tapat na pagsasaalang-alang sa katotohanan ang naglagay sa kanya, marahil, bilang pinakamahusay na mananalaysay ng mga pangyayari sa buong kasaysayan ng Simbahan.”4 Ganito ang isinulat ni Elder B. H. Roberts, miyembro ng First Council ng Seventy at kilalang mananalaysay ng Simbahan: “Si Pangulong Woodruff ay nagbigay ng isang napakahalagang serbisyo sa simbahan. Ang kanyang mga Journal, na palaging sinusulatan at may sistema at malinis ang pagkasulat at maayos na na-i-book-bind, … ay naglalaman ng orihinal na dokumentaryo ng yamang pangkasaysayan na walang kasinghalaga. Utang ng simbahan sa mga Journal na ito ang tunay na rekord ng mga turo at pananalita ng Propeta ng Bagong Dispensasyon—si Joseph Smith—na kung wala si Wilford Woodruff ay nawala na rin magpakailanman. Totoo rin ito sa mga turo at pananalita ni Brigham Young, at ng iba pang namumunong elder ng simbahan; [at] para sa mga kaganapan ng mahahalagang miting, desisyon, hatol, patakaran at marami pang opisyal na pribadong gawain ng konseho, na kung wala ang mga ito ay hindi makakukuha ang manunulat ng kasaysayan ng tamang pananaw sa maraming bagay— sa lahat ng bagay na ito napakahalaga ng mga Journal na ito ni Pangulong Woodruff.”5

Karamihan sa mga pahayag sa Kabanatang ito ay kinuha mula sa rekord ng mga pangangaral ni Pangulong Woodruff na kanyang sinabi sa mga miting ng priesthood. Kahit madalas niyang tukuyin ang mga elder sa mga pahayag na ito, ang mga turo niya ay mahalaga sa lahat ng miyembro ng Simbahan.

Mga Turo ni Wilford Woodruff

Kapag inererekord natin ang kasaysayan ng ating buhay, nakikinabang tayo, ang ating angkan, at Simbahan.

Ang rekord at kasaysayan ng Simbahan at kahariang ito ay kakailanganin sa hinaharap. Walang ibang dispensasyon sa mundo na magiging higit na kasiya-siya ang mga pangyayari kaysa sa dispensasyong ito ng ating buhay. …

Totoong nagsulat si Joseph Smith ng kasaysayan ng kanyang buhay at ng mga bagay na kahit paano’y may kaugnayan sa kanya. Patay na siya, gayunpaman ang kanyang buhay at patotoo ay nailalathala ngayon sa mundo. … Si Pangulong Young [ay may] mga tagasulat din na nagrekord ng kanyang pang-araw-araw na gawain at buhay, na tama at mabuti. Subalit nakarekord ba rito ang kasaysayan ng buhay at pakikitungo ng Diyos sa libu-libong Apostol at elder na naroon o mapaparoon sa bawat bansa sa buong mundo sa silong ng langit? Hinding-hindi. Kung gayon lahat kayong elder ng Israel ay magsulat ng inyong kasaysayan at ng pakikitungo ng Diyos sa inyo sa buong mundo para sa inyong kapakinabangan at ng inyong angkan, para sa kapakinabangan ng sambahayan ng Israel, ng Judio at Gentil, ng mga darating na henerasyon.6

Maaaring isipin ng iba na hindi mahalaga ang magsulat o magingat ng rekord ng ating gawain o gawain ng Diyos, subalit naniniwala akong mahalaga ito. Kung hindi, hindi bibigyang-inspirasyon ang mga propeta na hikayatin tayo na maging matapat sa bagay na ito. Sinabi ng Panginoon sa atin na anuman ang inyong ibinuklod sa lupa ay pagbubuklurin sa langit at anuman ang itinala natin sa lupa ay maitatala sa langit, at ang hindi ibinuklod o itinala sa lupa ay hindi pagbubuklurin o itatala sa langit [tingnan sa D at T 128:7–8]. Samakatwid lumalabas na napakahalaga na magsulat tayo nang totoo at tunay na rekord ng lahat ng bagay.7

Maaaring sabihin ng iba [na ang pagsusulat sa journal] ay malaking abala. Subalit huwag nating tawaging kaabalahan ang anumang bagay na may mabuting nagagawa. Itinuturing kong lubos na kapaki-pakinabang ang bahaging iyon ng aking buhay na ginugol ko sa pagsusulat sa mga journal at kasaysayan.8

Kahit na ang layunin lamang na nasa isipan natin sa pagsusulat sa journal ay mabasa natin itong muli at ng ating mga anak, makabuluhan na ang paggugol natin ng oras sa pagsusulat sa ating journal.9

Dapat nating irekord ang mga biyayang bigay ng Diyos sa atin at ang ating mga tungkulin sa Simbahan.

Bawat tao ay dapat sumulat ng maikling kasaysayan ng kanyang buhay: ang kanyang mga magulang, kapanganakan, relihiyon, kailan bininyagan at sino ang nagbinyag, kailan inorden, at anong katungkulan sa priesthood at sino ang nag-orden—magbigay ng maikling paliwanag sa lahat ng kanyang misyon at tungkulin at pakikitungo ng Diyos sa kanya. At kung namatay na siya at nais ilathala ng mga mananalaysay ang kanyang kasaysayan, may magagamit silang ilang impormasyon. Maaaring isipin ng marami na walang kuwenta ang paksang ito at hindi mahalaga, subalit hindi ito gayon sa akin.10

Pinapayo ko sa inyo na isulat ang lahat ng biyayang natanggap ninyo at ingatan ang mga ito. … Iniuutos ko sa inyo na irekord ang bawat nagampanang tungkulin sa inyong buhay. Kung nagbinyag kayo, nagkumpirma, nag-orden, o nagbasbas sa sinuman o nangasiwa sa maysakit, sumulat ng tala tungkol dito. Kung gagawin ito ng bawat tao, makasusulat ng tamang tala ang Simbahan tungkol dito. … Kung ang kapangyarihan at pagpapala ng Diyos ay ipinakita sa pagliligtas sa inyo sa panganib, … dapat ninyong irekord ito. Isulat ang tungkol sa pakikitungo ng Diyos sa inyo sa arawaraw. Isinusulat ko ang lahat ng biyayang natanggap ko, at hindi ko ito ipagpapalit sa ginto.11

Hindi ba dapat tayong magbigay-galang sa Diyos sa pamamagitan ng pagrerekord ng mga biyayang ibinuhos Niya sa atin at pagganap sa mga tungkulin natin sa Kanyang pangalan sa ibabaw ng lupa? Sa palagay ko dapat nating gawin ito.12

Ang Panguluhan ng Simbahan na namumuno sa atin ngayon … ay sumusulat ng kasaysayan ng mga pakikitungo ng Diyos at tao sa kanila … na magiging kapaki-pakinabang sa milyun-milyong tao sa hinaharap. Subalit dahilan ba ito [para huwag nang magsulat] ang libu-libong elder at high priest at Apostol na naglakbay nang maraming taon at nagtatag ng Simbahan at kahariang ito at may mga kaloob ng Espiritu Santo nang sa gayo’y may kapangyarihan sila na magpagaling ng mga may sakit at magtaboy ng mga diyablo, magbigay ng paningin sa mga bulag, magbigay ng pandinig sa mga bingi, at palakarin ang pilay …, at utusan ang mga demonyo at pasunurin dito, at maligtas sila sa panganib at kamatayan ng mga anghel na tagabantay nila? Sinasabi ko, pagkakalooban ba ang mga elder ng mga bagay na ito at hindi man lang nila maisip na mahalagang isulat ang mga ito? Hindi man lang ba ito isusulat para maiwanang nakarekord ang kuwento at mabasa ng kanilang mga anak at ng mga darating na henerasyon? Sinasabi kong dapat nilang gawin ito. Palagay ko hinihingi ito ng Diyos sa atin, at ito ay yaman at banal na pamana na nararapat lamang para sa ating angkan.13

Dapat nating irekord ang mga kaganapan ng mga tunay na pangyayari.

Tayo ay mga taong inorden ng Diyos para itatag ang Kanyang kaharian dito sa lupa, itayo ang Sion, at ihanda ang daan sa pagdating ni Jesucristo. Ngayon, dapat ba tayong magsulat sa journal, rekord, at kasaysayan ng mga pakikitungo ng Diyos sa [atin] na nakikita natin sa araw-araw? Dapat lang. …

…Sa halip na balewalain ang bahaging ito ng ating gawain hayaan ang bawat taong nakakasulat, na magsulat sa journal at magrekord ng mga kaganapan na nakikita nating nangyayari sa araw-araw. Ito ay magiging mahalagang pamana sa ating mga anak at malaking pakinabang sa mga darating na henerasyon sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng totoong kasaysayan ng pagkakatatag at pagsulong ng Simbahan at kaharian ng Diyos sa lupa sa huling dispensasyong ito, sa halip na ipaubaya ito sa ating mga kaaway na susulat ng maling kasaysayan tungkol sa totoong Simbahan ni Cristo.14

Hindi natin kaagad naiisip ang kahalagahan ng mga pangyayaring nakikita natin, subalit madarama natin ang kahalagahan nito pagkatapos. Nabubuhay tayo sa isa sa mga pinakamahalagang henerasyon mula nang mamuhay ang tao sa mundo, at dapat nating isulat ang mahahalagang pangyayaring nakita natin bilang katuparan sa mga propesiya at paghahayag ng Diyos. Marami nang mga paghahayag na natupad sa ating panahon, at habang nagaganap ito at nakikita natin ay gusto nating irekord ang mga ito.15

Dapat maagang simulan ng mga bata ang pagsusulat sa journal.

Gusto kong sabihin sa mga bata kong kaibigan na magiging malaking biyaya sa kanila, at sa kanilang mga anak, kung magsusulat sila araw-araw sa journal tungkol sa mga nangyayari sa kanila at sa paligid nila. Pakuhanin ng maliit na notbuk ang lahat ng batang lalaki at babae, at magpasulat nang kaunti rito araw-araw.

“Ano ang isusulat ko?” ang tanong mo. Sumulat ng tungkol sa anumang bagay na kapaki-pakinabang, o ng pinakamagandang nangyari sa iyo; at kung sisimulan mo ito habang bata ka pa, madali na ito para sa iyo kapag ika’y malaki na. Magiging kasiya-siya ito sa iyo, at sa iyong mga anak, tatlumpu, limampu, o walumpung taon mula ngayon, ang maupo at basahin ang nangyari sa iyong kamusmusan at kabataan! Hindi mo ba gugustuhing basahin ang nangyari sa ating mga ama, at ina, at lolo’t lola, noong sila’y bata pa at nabubuhay pa? Gayunpaman ang layunin ay hindi lamang magsulat sa journal habang ikaw ay bata pa kundi hanggang sa iyong paglaki, maging sa iyong buong buhay. Ito ay lalong kailangan sa henerasyong kinabibilangan mo, sapagkat nabubuhay ka sa mahalagang henerasyong nakita ng mga anak ng tao, at napakahalagang maaga kang magsimulang magsulat sa journal at gawin ito habang ika’y nabubuhay, kaysa ang ibang henerasyon ang gumawa nito.

Kayo ay mga anak ng Sion, at tinawag ng Diyos ang inyong mga magulang upang itatag ang Simbahan ni Cristo at ang Kaharian ng Diyos dito sa lupa sa mga huling araw, at sa sandaling mamatay ang inyong mga magulang, kayo ang papalit sa kanila. Kayo’y magiging mga ama at ina, at [kayo] na mga batang lalaki … ay magiging propeta, apostol at elder, at mamumuhay na naglalakbay at nangangaral ng ebanghelyo, at para tanggapin ang salita ng Panginoon. Kung gayon napakahalaga na magsulat kayo sa journal at itala ang mga pakikitungo ng Panginoon sa inyo. …

… Ngayon malaking kasiyahan sa akin at sa aking pamilya ang maupo at basahin ang tala ng aming mga paglalakbay, kung saan kami pumunta, at ano ang ginawa namin, at ang pakikitungo ng Diyos sa amin, at ang maraming masasayang panahon na kasama ang aming mga kaibigan. Mababasa ko sa aking mga journal ang magagandang turo na narinig ko maraming taon na ang nakalipas mula kina Pangulong Joseph Smith, Brigham Young, Heber C. Kimball, sa Labindalawang Apostol, at iba pang mabubuting elder, at ang masasayang sandali na sama-sama kami. Kung sisimulan na ng mga bata kong kaibigan na gawin ito at ipagpapatuloy ito, ito’y magiging higit pa kaysa ginto sa kanila sa hinaharap.16

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Isaisip ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang Kabanatang ito o naghahanda para magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa pahina v–x.

  • Bakit mahalaga ang mga journal ni Pangulong Woodruff sa Simbahan? (Tingnan sa mga pahina 137, 139–40.) Ano ang maaaring sabihin ni Pangulong Woodruff sa mga taong nag-iisip na walang idudulot na kaibhan sa iba ang kanilang mga journal?

  • Ano ang ilan sa mga kaganapan na nangyari sa Simbahan sa inyong kapanahunan? Paano makatutulong ang pagrerekord ng mga pangyayaring ito sa inyong mga anak at apo?

  • Rebyuhin ang unang talata sa pahina 139. Paano maiaangkop sa pagsusulat sa journal ang sinabi ni Pangulong Woodruff sa talatang ito? Isiping mabuti ang idudulot ng pagkawala ng mahahalagang pangyayari sa henerasyon sa kasalukuyan at sa hinaharap.

  • Basahing mabuti ang Kabanata, hanapin ang iba’t ibang uri ng impormasyon na maisasama natin sa ating journal. Paano tayo personal na nakinabang sa mga rekord na iyon? Sa paanong paraan makikinabang ang pamilya natin dito?

  • Ano ang gusto ninyong malaman sa buhay ng inyong mga ninuno? Ano ang iminumungkahi nito sa dapat ninyong isulat sa inyong journal?

  • Bakit mahalagang isulat ang mga pangyayari pagkatapos na pagkatapos maganap ang mga ito? (Tingnan sa pahina 142–43.) Ano ang magagawa natin para magkapanahon sa pagsusulat sa journal?

  • Ilipat sa mga pahina 143–45 at rebyuhin ang payo ni Pangulong Woodruff sa mga bata at kabataan. Paano maibabahagi ng mga magulang at lolo’t lola ang mga ideyang ito sa kanilang mga anak at apo? Paano ninyo magagamit ang mga ideyang ito sa family home evening o family council?

Mga Kaugnay na Banal na Kasulatan: 1 Nephi 1:1; Omni 1:17; Mosias 1:1–6; Alma 37:1–9; Moises 6:5–6

Mga Tala

  1. Journal of Wilford Woodruff, walang petsa, Archives of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints.

  2. Journal of Wilford Woodruff, Marso 17, 1857.

  3. Journal of Wilford Woodruff, Marso 17, 1857.

  4. Wilford Woodruff: History of His Life and Labors As Recorded in His Daily Journals (1964), v.

  5. A Comprehensive History of the Church, 6:354–55.

  6. Journal of Wilford Woodruff, Pebrero 15, 1853.

  7. Journal of Wilford Woodruff, Marso 17, 1857.

  8. Journal of Wilford Woodruff, Pebrero12, 1862.

  9. Journal of Wilford Woodruff, Setyembre 6, 1856.

  10. Journal of Wilford Woodruff, Marso 17, 1857.

  11. Journal of Wilford Woodruff, Setyembre 6, 1856.

  12. Journal of Wilford Woodruff, Pebrero 12, 1862.

  13. Journal of Wilford Woodruff, Nobyembre 18, 1855.

  14. Journal of Wilford Woodruff, Pebrero 12, 1862.

  15. Journal of Wilford Woodruff, Setyembre 6, 1856.

  16. “Keep a Journal,” Juvenile Instructor, Enero 1, 1867, 5–6.

Wilford Woodruff’s journal

Sa pahinang ito ng kanyang journal, isinulat ni Wilford Woodruff ang kanyang damdamin tungkol sa pagpapakasal niya kay Phoebe Whittemore Carter.

mother and daughter with journal

“Pakuhanin ng maliit na notbuk ang lahat ng batang lalaki at babae, at magpasulat nang kaunti rito araw-araw.”