Kabanata 9
Pagpapahayag ng Ebanghelyo
Dapat tayong maging masigasig at tapat sa pagtulong sa iba na matanggap ang mga biyaya ng ibinalik na ebanghelyo.
Mula sa Buhay ni Wilford Woodruff
Di nagtagal matapos mabinyagan at makumpirmang miyembro ng Simbahan si Wilford Woodruff, siya ay “nagkaroon ng matinding hangaring ipangaral ang Ebanghelyo.” Naalaala niya: “Isang Linggo ng gabi mag-isa akong pumunta sa kakahuyan, at taimtim na nanalangin sa Panginoon, na bigyang-daan na makaalis ako at maipangaral ang Ebanghelyo sa mga tao sa mundo. Ipinadama sa akin ng Espiritu ng Panginoon na narinig ang aking panalangin, at dapat sagutin. Masaya akong tumayo, at lumakad ng [mga dalawandaang metro o dalawandaan at dalawampung yarda], at nakasalubong si Elias Higbee, isang High Priest, kung saan nakitira ako noon nang ilang buwan. Habang palapit ako sa kanya, sinabi niya: ‘Brother Wilford, sinasabi sa akin ng Espiritu ng Panginoon na dapat kang maorden, at magmisyon.’ Sumagot ako, ‘Nakahanda ako.’ ”1
Sa ilalim ng patnubay ng kanyang bishop, si Wilford Woodruff ay naordenang priest noong Nobyembre 5, 1834, at tinawag na magmisyon sa Katimugan ng Estados Unidos. Naglingkod siya nang tapat at masigasig, sinimulan ang habambuhay na paglilingkod bilang misyonero na nakatulong para tanggapin ng libu libong tao ang ibinalik na ebanghelyo. Ito ang sinabi ni Pangulong Heber J. Grant tungkol sa kanya, “Naniniwala ako na walang ibang taong nabuhay sa mundo na higit na makapagbabalik- loob ng kaluluwa sa ebanghelyo ni Jesucristo.”2
Noong Enero 1840, pagkaorden bilang Apostol, dumating si Elder Wilford Woodruff sa England upang maglingkod bilang misyonero. Sinimulan niya ang paglilingkod sa bayan ng Staffordshire at nagtagumpay nang lubos. “May karagdagang 40 ang nabinyagan sa simbahan,” ang iniulat niya, “at maraming nabuksang pagkakataon; at sa gitna ng pag-unlad ng gawain, nang tumayo ako upang magsalita sa malaking kongregasyon sa Hanly, sa unang araw ng Marso, ipinahiwatig sa akin ng Panginoon na ito na ang huling pagkakataon na dapat kong bigyang-babala ang mga taong iyon sa loob ng maraming araw. Nang ipaalam ko sa mga tao na iyon na ang huling pagkakataon na maririnig nila ang tinig ko sa loob ng maraming araw, nagtaka sila, dahil inaasahan nila, at gayundin ako, nang pumasok ako sa bahay, na magtatagal ako sa piling nila; ngunit ang pamamaraan at isipan ng Diyos ay iba sa pamamaraan at iniisip natin sa bawat aspeto.”
Kinabukasan, nanalangin si Elder Woodruff sa Panginoon, nagtatanong kung saan siya dapat pumunta. Isinalaysay niya: “Dahil naniniwala ako na pribilehiyo at tungkulin ko ang malaman ang kagustuhan ng Diyos sa bagay na ito, kaya hiniling ko sa aking Ama sa Langit sa pangalan ni Jesucristo na ituro sa akin ang kagustuhan niya sa bagay na ito, at habang nagtatanong ako, sumagot ang Panginoon, at ipinakita sa akin na gusto niyang pumunta ako kaagad sa katimugang bahagi ng England. Nakipag-usap ako kay Brother William Benbow tungkol sa bagay na ito, na natira noon sa Herefordshire at may mga kaibigang nakatira pa roon. Gustunggusto niyang mabisita ko ang lugar na iyon, at bukas-palad [niyang] inalok na samahan ako sa bahay ng kanyang kapatid at bayaran ang pamasahe ko, na kaagad ko namang tinanggap.”3
Noong ika-4 ng Marso, 1840, dumating sina Elder Woodruff at William Benbow sa tahanan ng kapatid ni William na si John. “Isang oras pagkarating ko sa bahay niya,” paggunita ni Pangulong Woodruff, “Nalaman ko kung bakit ako ipinadala ng Panginoon doon. … Natagpuan ko ang pangkat ng mga anim na raang kalalakihan at kababaihan, na nagsama-sama sa ilalim ng grupong United Brethren, at nagsisikap na iayos ang mga bagay-bagay ayon sa sinauna. Gusto nilang ituro sa kanila ang Ebanghelyo ayon sa pagkakaturo ng mga propeta at apostol, na ginusto ko rin noong kabataan ko.”4
Mabilis na tinanggap ng pamilyang Benbow ang mensahe ng Panunumbalik, at nagbalik si William sa Staffordshire “matapos makamit ang masayang pribilehiyong makita ang kanyang kapatid na si Brother John Benbow, at lahat ng kanyang kamag-anak, … na mabinyagan sa bago at walang hanggang tipan.”5 Namalagi si Elder Woodruff sa lugar nang mga walong buwan. Ikinuwento niya kalaunan: “Sa unang tatlumpung araw pagkarating ko sa Herefordshire nagbinyag ako ng apatnapung-limang mangangaral at ilang daan pang miyembro. … Nakapagbinyag kami sa Simbahan ng 2,000 katao pagkalipas ng mga walong buwang pagpupunyagi.”6
Sa pagtukoy sa karanasang ito, isinulat ni Pangulong Woodruff: “Ipinakita ng buong kasaysayan ng misyong ito sa Herefordshire ang kahalagahan ng pakikinig sa marahan at banayad na tinig ng Diyos at sa mga paghahayag ng Espiritu Santo. Inihanda ng Panginoon ang mga tao roon para sa Ebanghelyo. Nagdarasal sila para sa liwanag at katotohanan, at ipinadala ako ng Panginoon sa kanila.”7
Mga dalawang taon bago naglingkod sa England si Elder Woodruff, dinala siya ng Espiritu para mangaral ng ebanghelyo sa mas maliit na pangkat ng mga tao—ang kanyang sariling pamilya. Sa kanyang patriarchal blessing, na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith Sr., pinangakuan siya na kanyang “dadalhin ang sambayanan ng [kanyang] ama sa kaharian ng Diyos.”8 Noong 1838, habang nagmimisyon siya sa lugar na malapit sa bayang pinagmulan niya, nadama niya na dumating na ang oras para matupad ang propesiyang ito: Isinulat niya:
“Gumugol … ako ng labingwalong araw sa Farmington at Avon sa pagbisita sa kamag-anak ng aking ama, aking mga tiyuhin, tiyahin, pinsan, kapitbahay at kaibigan ko, sa pangangaral ng Ebanghelyo ni Jesucristo sa kanila, at pagsisikap na madala sila sa kaharian ng Diyos. … Sa tulong ng Diyos, tapat akong nangaral ng Ebanghelyo sa mga kaanak ng aking ama at sa lahat ng kasama niya, gayundin sa iba ko pang kamag-anak.”
Noong Hulyo 1, 1838, nagbinyag si Elder Woodruff ng anim katao, kabilang ang lahat ng nakatira sa bahay ng kanyang ama, tulad ng ipinangako sa kanyang patriarchal blessing. “Napakasaya ng araw na iyon para sa akin,” sabi niya. “Kabilang sa nabinyagan ang aking ama, pangalawang ina at kapatid na babae sa ama. Pagkatapos ay nagbinyag pa ako ng ilang kamaganak. Para sa akin sobra-sobrang kabayaran sa lahat ng pagod ko sa misyon ang nangyari noong araw na iyon.
“Sino ang makauunawa sa galak, luwalhati, kaligayahan at aliw na nadarama ng isang Elder ng Israel sa pagiging kasangkapan ng Diyos sa pagdadala ng kanyang ama, ina, kapatid na babae’t lalaki, o sinuman sa angkan ni Adan sa pintuang papasok sa buhay at kaligtasan? Walang sinumang makauunawa, maliban kung naranasan niya ang mga bagay na ito, at nagtataglay ng patotoo kay Jesucristo at sa inspirasyon ng Pinakamakapangyarihang Diyos.”9
Mga Turo ni Wilford Woodruff
Tayo ay binigyan ng responsibilidad ng Diyos na ibahagi ang ebanghelyo sa iba.
Ang mga tao sa lahat ng panahon ay naghahanap ng kaligayahan; gusto nila ng payapang lipunan at tahanan; at kapag iniisip nila ang malaking hinaharap, gusto nilang makibahagi sa mga biyayang binabanggit tungkol sa panahong iyon; pero hindi nila alam kung paano makakamit ang mga iyon, maliban kung darating ang isang tagapaglingkod ng Diyos at ituturo ang paraan.10
Tayo lamang ang mga taong binigyan ng banal na ebanghelyo, priesthood at mga tipang ito sa ating panahon, at pananagutan natin kung paano natin gagamitin ito. Kaya dapat tayong maging masigasig at tapat sa pag-aalok ng dakilang kaligtasang ito sa mga anak ng tao at pagtatayo ng Sion at kaharian ng ating Diyos.”11
Gaano man kaliit ang halaga ng mga taong ito sa mga mata ng mundo, binigyan tayo ng responsibilidad ng Diyos ng langit na ipangaral ang Ebanghelyong ito sa bawat bansa sa ibabaw ng mundo, at kailangan nating gawin ito dahil kung hindi tayo ay parurusahan. Hindi natin maiiwasan ito. Bakit? Sapagkat, tulad ng sabi ni Pablo: “Sa aba ko, kung hindi ko ipangaral ang evangelio.” [1 Mga Taga Corinto 9:16.] Mayroon lamang isang Ebanghelyo; kailanman noo’y iisa lang, at mananatiling iisa kailanman; at sinabi ni Pablo: “Datapuwa’t kahima’t kami, o isang anghel na mula sa langit, ang mangaral sa inyo ng anomang evangelio na iba sa aming ipinangangaral sa inyo, ay matakuwil.” [Mga Taga Galacia 1:8.] Ang Ebanghelyong iyon, mga Banal ng buhay na Diyos, … ay nasa ating mga kamay, ipinadala sa atin sa pamamagitan ng paglilingkod ng mga Anghel—ang Ebanghelyong itinuro din mula kay Adan hanggang kay Cristo, at mula kay Cristo hanggang sa ating panahon at henerasyon, kapag ang Diyos ay may mga tao sa mundo.12
Wala pa kailanman noon na pangkat ng mga tao mula nang likhain ng Diyos ang mundo na may mas mabigat na responsibilidad na bigyang-babala ang henerasyong ito, na isigaw natin nang matagal at malakas, gabi’t araw hangga’t may pagkakataon tayo at ipahayag ang mga salita ng Diyos sa henerasyong ito. Inuutos sa ating gawin ito. Ito ang ating tungkulin. Ito ang ating gawain.13
Nilusong ko ang mga latian at nilangoy ang mga ilog, at nagba bahay upang humingi ng pagkaing pantawid-gutom, at inilaan ang halos limampung taon sa gawaing ito. At bakit? May sapat bang ginto sa California para upahan akong gawin ito? Wala, sa totoo lang; at ang ginawa ko at ng aking mga kapatid sa Simbahan, ay ginawa namin dahil inutusan kami ng Diyos. At ito ang tungkulin natin sa ngayon. Mangaral at maglingkod tayo sa sariling bayan at sa ibang bansa, at layunin nating ipagpatuloy ang ating gawain, sa tulong ng Diyos, hangga’t malaya tayong gawin ito.14
Palagay ko, bilang mga elder ng Israel, maraming beses na di natin gaanong nauunawaan ang katayuan natin sa harap ng Panginoon. Ang gawaing inuutos sa atin ay dakila at mabigat; Ito ay gawain ng Pinakamakapangyarihang Diyos. Responsibilidad nating ipangaral ang ebanghelyo ni Cristo sa lahat ng bansa sa mundo. … Responsibilidad natin ang lahat ng ito at ang pagtatayo ng mga templo sa Kataas-taasan, kung saan makapapasok tayo at makagagawa ng mga ordenansa para sa kaligtasan ng ating mga patay.15
At sumunod, napapaligiran tayo sa tahanan ng mga taong tungkulin nating turuan, dahil kailangan ding turuan sila tulad ng mga nasa ibang lugar.16
Nagkakaroon tayo ng malaking kagalakan sa pagtulong sa iba na lumapit kay Cristo at sumusulong tungo sa kadakilaan.
Bigyan mo ang sinumang tao ng mga alituntunin ng buhay at kaligtasan at igawad ang mga ordenansang ito sa kanya, at naging kasangkapan ka ng Diyos sa kaligtasan ng taong iyon. Walang ibinigay sa mga anak ng tao na makapapantay dito. …
… Ang Panginoon [ay nagsabi], “At kung mangyayaring kayo ay gagawa nang buo ninyong panahon sa pangangaral ng pagsisisi sa mga taong ito, at magdala, kahit isang kaluluwa sa akin, anong laki ng inyong kagalakang kasama niya sa kaharian ng aking Ama.” [D at T 18:15.] … Ipinangaral natin ang Ebanghelyo sa bawat bansa, lahi, wika, at tao hangga’t ang Panginoon ay nagbibigay-daan sa atin at may pribilehiyo tayong magpatuloy. Hanggang ngayon puno pa rin ang daigdig ng mga taong hindi pa nakarinig ng Ebanghelyo ni Jesucristo; at habang nasa ating mga balikat ang Priesthood, obligasyon at responsibilidad pa rin natin ang kaligtasan ng mga anak ng tao, hangga’t may pagkakataon tayong ibigay ang mga handog na ito sa mga anak na lalaki at babae ni Adan. Isipin lang na sa pagtanggap ng Ebanghelyo ni Cristo tayo magiging mga tagapagmana sa Diyos, at mga kasamang tagapagmana ni Jesucristo, na tayo ay may bahagi sa unang pagkabuhay na mag-uli, at babangon mula sa ating mga libingan at madaramitan ng kaluwalhatian, kawalangkamatayan at buhay na walang hanggan, at makapapasok sa kinaroroonan ng Diyos at ng Kordero at makakasama sila nang walang hanggan sa langit! Sino ang makauunawa nito? Ang mga nilalang ba sa mundo? Hindi nila magagawa. … Ako mismo ay umaasa sa Panginoon sa lahat ng bagay. Ang Panginoon ang ating tagapangalaga. Siya ang gumawa ng ating kaligtasan. Inalay ni Jesucristo ang Kanyang buhay sa atin upang tubusin tayo ng Kanyang dugo, at sa pamamagitan niyan ay maibigay sa atin ang mga biyayang ito. …
… Hindi makatatanggap ang isang tao ng tungkuling higit na dakila kaysa sa pagkakaroon ng karapatang ito at pribilehiyong humayo at iligtas ang kaluluwa ng mga tao—iligtas sila sa pamamagitan ng pangangaral ng Ebanghelyo, sa paggawad sa kanila ng mga ordenansa sa bahay ng Diyos, nang sila mismo ay handang makapasok sa kaharian ng langit at sa selestiyal na kaluwalhatian. …
Palagay ko sa maraming pagkakataon hindi natin pinahahalagahan mismo ang mga biyayang tinatamasa natin at naghihintay sa atin. Ang ating mga puso ay dapat na nakatuon sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos, ng Sion ng Diyos, at ng gawain ng Diyos, habang tayo ay narito at may kapangyarihang gawin ang mga bagay na ito. Tungkulin namin bilang Panguluhan at mga Apostol, na hindi lamang maglingkod mismo, kundi ipadala ang mga Elder ng Israel sa mga bansa ng mundo upang ipahayag ang Ebanghelyo. Nariyan na ang mga oportunidad sa nakararaming bansa para ipalaganap ang Ebanghelyo ni Cristo, at ilapit ang mga tao kay Cristo, upang matanggap nila ang mga biyayang ito.17
Halos buong buhay ay ginugol ko sa Simbahang ito; at mula nang dumating ako sa Simbahan, nagpunta ako sa mga misyon at hindi kailanman tumigil mula noon hanggang ngayon. Lagi kong ikinatuwa ito noon at hanggang ngayon. Kapag ako’y namatay at inihimlay ang aking katawan, ayokong may sinumang magbangon at magsabing hindi ko ginawa ang aking tungkulin na sikaping iligtas siya sa abot ng aking makakaya. Lagi akong nagagalak na ipangaral ang Ebanghelyo; Nagagalak ako sa paggawad ng mga ordenansa ng buhay at kaligtasan sa bayan ko at sa ibang bayan, dahil nalaman ko na ito ay gawain ng Diyos, at alam ko na ito ay ganoon din ngayon. 18
Sa halip na pintasan ang relihiyon ng iba, dapat tayong mamuhay sa paraang makikita ang katotohanan at kabutihan ng ating sariling relihiyon.
Kapag kayo’y nagpunta sa isang komunidad upang ipangaral ang ebanghelyo, huwag ninyong tangkaing sirain ang relihiyon ng iba, bago ninyo siya bigyan ng mas mabuting relihiyon; kailanma’y huwag ninyong tuligsain ang relihiyon ng ibang tao, saanman kayo naroon. Maging handa na hayaang tamasahin ng bawat tao ang kanyang sariling relihiyon. Karapatan niyang gawin iyon. Kung hindi niya matanggap ang inyong patotoo tungkol sa Ebanghelyo ni Cristo, siya na ang bahala roon, at hindi kayo. Huwag ninyong gugulin ang panahon sa paninira ng ibang sekta at relihiyon. Wala tayong panahong gawin iyon. Kailanman hindi tamang gawin iyan.19
Manampalataya, magdasal, at magpakumbaba, upang magtamo ng katalinuhan, at ng Espiritu ng Diyos na gagabay sa lahat ng inyong mga ginagawa. Ang talino ay isa sa mga pinakadakilang handog ng Diyos, at hindi sasabihin sa atin ng tinig ng katalinuhan na gugulin ang panahon sa pakikipagtalo sa mga sekta, pagsalungat sa mga opinyon ng tao, pangungutya sa mga relihiyong nakapalibot sa atin, na nagiging sanhi ng di pakikinig ng mga tao sa atin, pagsasara ng puso ng tao sa liwanag at katotohanan. Ang mga opinyon at relihiyon ng ibang tao ay mahalaga sa kanila tulad din naman na mahalaga sa atin ang ating opinyon at relihiyon. … Hayaang pagusapan ninyo ang Kaligtasan nang may kapakumbabaan, taglay ang kapangyarihan ng walang hanggang katotohanan, talino, liwanag at kaalaman na nakatago sa unang mga alituntunin ng ebanghelyo ng Anak ng Diyos. Sa pamamagitan ninyo maaaring maligtas ang kaluluwa ng mga tao, at kasama ninyo silang magagalak dahil nakita nila ang liwanag ng ebanghelyo; hindi tayo dapat magturo nang hindi bahagi ng ebanghelyo o isantabi ito para magturo ng naiiba sa ating katungkulan; o makipagtalo sa mga bagay na walang kabuluhan; kung ano ang puno siya rin ang bunga; kung tapat tayo sa Panginoon, tahakin ang matalino at mabuting landas, walang dudang mabuting bunga ang dulot ng ating pagpapakahirap.20
Dapat maging layunin ng lahat ng miyembro ng Simbahan na ipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo. Walang ibang paraan na higit nating makukumbinsi ang daigdig sa katotohanan ng mga ito maliban sa makita nila sa ating mga kilos at pakikitungo sa isa’t isa at sa sangkatauhan ang nakapagpapabuting epekto ng mga ito sa atin. Nagsasabi tayo ng mga espirituwal na bagay, at dapat lang na mamuhay tayo nang may mataas na pamantayan ng kali nisang puri upang tumugma sa mga sinasabi natin.21
Ginagabayan ng Espiritu Santo ang nagbabahagi ng ebanghelyo at ang mga tumatanggap nito.
Ang buong sikreto ng ating tagumpay kung pag-uusapan ang pagpapabalik-loob ay ang pangangaral natin ng ebanghelyo ring ito sa buong kasimplihan at kalinawan nito na itinuro ni Jesus, at na ang Espiritu Santo ay lumalagi sa tumatanggap nito, pinupuno ng di mailarawang tuwa at galak ang kanilang mga puso, at pinagiisa sila; at pagkatapos niyon ay makikilala nila ang doktrina kung ito’y sa Diyos o sa tao.22
Bakit ang daan-daan at libu-libong Elder ng Israel na ito … ay may kapangyarihang mangibang-bansa … at ipangaral ang Ebanghelyo para hikayatin ang mga anak na lalaki at babae ni Adan? Nagawa ito dahil sa kapangyarihan ng Diyos. Walang Elder sa Simbahang ito ang may kapangyarihang humayo at gawin ang kagustuhan ng Diyos [maliban] sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Kung mayroon man tayong kapangyarihan, ito ay sa Diyos, at dapat tayong magtiwala sa Kanya sa lahat ng bagay.23
Kapag siya na may awtoridad ay nangangaral ng ebanghelyo, ipinangangako niya, sa pangalan ni Jesucristo, sa lahat ng naniniwala at sumusunod, na ibibigay sa kanila ang Espiritu Santo. Sa bisa ng pangakong ito, lahat ng taong iyon, ay makikilala sa kanilang sarili, kung ito ay sa Diyos o sa tao. Kung hahayo ang isang taong di binigyan ng awtoridad, na nagkukunwaring ipinangangaral ang ebanghelyong ito, gaano man siya kahusay o katalino ay matutuklasang di tunay ang kanyang doktrina. Ito ay dahil sa ang mga ipinangako sa mga naniniwala kay Cristo ay hindi matutupad, hindi matatanggap ang Espiritu Santo na nagbibigay ng kaloob sa mga tao, at dahil dito, mabubunyag ang kamalian ng mga doktrina ng tao, upang wala ni isa mang malinlang.24
Kapag kayo ay humayo para ipangaral ang Ebanghelyo, hindi ninyo magagawa ang tungkulin ninyo maliban kung nasa inyo ang Espiritu Santo; at kapag nasa inyo ang Espiritu Santo, kayo ay ligtas saanman kayo pumunta at magkakaroon ng epekto ang mga sinasabi ninyo sa puso ng matatapat at mapagpakumbaba.25
Walang problema anuman ang edad ng isang nangangaral ng ebanghelyo; dalawampu’t limang taong gulang man siya o siyamnapu, o limandaang taon basta’t siya ay may inspirasyon ng Espiritu at kapangyarihan ng Diyos.26
Nawa’y gabayan tayo ng Diyos at ihanda ang daan at bigyan tayo ng puwang sa puso ng mga tao, upang maisagawa ang kabutihan at maipalaganap ang kaharian ng Diyos.27
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Isaisip ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang Kabanata o naghahanda para magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan ang mga pahina v–x.
-
Rebyuhin ang salaysay tungkol sa pagpunta ni Elder Wilford Woodruff sa tahanan ni John Benbow (mga pahina 98–99). Sa anu-anong paraan napapunta si Elder Woodruff sa bukid ni Benbow? Sa pagbabasa ninyo ng salaysay na ito, ano ang natutuhan ninyo mula sa halimbawa ni William Benbow?
-
Sa mga pahina 99–100, hanapin ang mga salita o parirala na nagpapakita ng nadama nina William Benbow at Wilford Woodruff nang tanggapin ng kanilang pamilya ang ebanghelyo. Ano ang nadama ninyo nang sumapi sa Simbahan ang mga mahal ninyo sa buhay o naging aktibong muli sa Simbahan?
-
Rebyuhin ang mga salita ni Pangulong Woodruff tungkol sa ating responsibilidad na ibahagi ang ebanghelyo (mga pahina 100–102). Anu-ano ang magagawa natin para maibahagi ang ebanghelyo sa mga miyembro ng pamilya at kaibigan? Sa anong mga paraan tayo maaaring makipagtulungan sa mga misyonero sa gawaing ito?
-
Sa anong mga paraan natin magagampanan ang ating responsibilidad na ituro ang ebanghelyo “sa lahat ng bansa sa mundo”? (pahina 102).
-
Bakit kung minsan ay nag-aalangan tayong ibahagi ang ebanghelyo? Paano natin mapaglalabanan ang ating takot?
-
Bakit napakasayang karanasan ang gawaing misyonero? (Tingnan sa mga pahina 103–104.) Anu-anong karanasan ang nagpasaya sa inyo sa pagbabahagi ng ebanghelyo?
-
Bakit mahalagang iwasang pintasan ang relihiyon ng iba? (Tingnan sa pahina 104.) Paano tayo makapagpapatotoo sa katotohanan ng Simbahan nang hindi pinipintasan ang ibang simbahan?
-
Rebyuhin ang unang talata sa pahina 105. Sa anong mga paraan naiimpluwensiyahan ng ating mga kilos ang opinyon ng mga tao tungkol sa Simbahan?
-
Habang binabasa ninyo ang sinabi ni Pangulong Woodruff tungkol sa Espiritu Santo at gawaing misyonero, ano ang natutuhan ninyo? (Tingnan sa mga pahina 105–107.) Ano ang dapat nating gawin para maging karapat-dapat na makasama ang Espiritu?
Mga Kaugnay na Banal na Kasulatan: Mateo 28:19–20; D at T 4; 18:10–16; 42:11–14; 50:13–22; 60:2–3; 84:88; 88:81