Ang Buhay at Ministeryo ni Wilford Woodruff
“Ang Diyos ay sadyang mahiwaga sa Kanyang likhain; Sa dagat Siya’y nakalakad, bagyo’y aakayin.”1 Ito ang panimula ng paboritong himno ni Pangulong Wilford Woodruff na, “Diyos ay Sadyang Mahiwaga.”
“Mahal na mahal niya [ang himnong iyon],” sabi ni Pangulong Heber J. Grant, na naglingkod bilang Apostol noong si Wilford Woodruff pa ang Pangulo ng Simbahan. “Lagi naming inaawit ito, minsan ay dalawang beses sa isang buwan sa aming lingguhang mga miting sa Templo. Bihirang lumipas ang isang buwan nang hindi hinihiling ni Brother Woodruff na kantahin namin ang awiting iyon. Naniniwala siya nang buong puso at kaluluwa sa gawaing ito, at ginamit niya ang lahat ng kapangyarihang ibinigay sa kanya ng Diyos para sa ikasusulong ito.”2
Napansin din ni Matthias F. Cowley, na naglingkod ding kasama ni Pangulong Woodruff na: “Siguro wala nang iba pang tao sa Simbahan na nakadamang mabuti sa katotohanan ng mga salitang, ‘Diyos ay Sadyang Mahiwaga sa Kanyang likhain,’ kaysa kay Wilford Woodruff. Napaka-espirituwal niya, masyadong deboto sa paglilingkod sa Diyos, kung kaya’t sa buong buhay niya ay ibinigay nang sagana ang mga mahimalang pagpapamalas ng mga layunin ng Diyos. Hindi niya kailanman ibinatay ang kanyang pananampalataya sa mga himala, ang mga iyon ay patunay lamang ng kanyang pinaniniwalaan nang buong puso. Sinuportahan nito ang kanyang mga ideya tungkol sa mga turo ng Banal na Kasulatan.”3
Gaya ng napuna nina Pangulong Grant at Brother Cowley, ang paboritong himno ni Pangulong Woodruff ay angkop na tema sa kanyang buhay. Paglalarawan din ito ng nasaksihan niyang pagunlad ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Pagpapatuloy pa ng himno:
H’wag nang matakot mga banal
Ulap na makapal;
Dulot nito’y bagong ulan
Biyaya’y kakamtan.
Layunin Niya’y malalaman,
Uusbong ng labis;
Mapait man ang halaman,
Bunga ay tatamis.
Kapag walang pananalig
Kabigua’y tiyak;
Tanging Diyos ang magsasabi,
Lilinawin lahat.
Si Wilford Woodruff ay bantog na kalahok sa maraming mahahalagang kaganapan ng kasaysayan ng Simbahan noong una. Dumanas din siya ng pagsubok na sa huli’y naghatid ng biyaya sa matatapat na miyembro ng Simbahan. Naranasan niya ang pait ng pag-uusig at pagdurusa, ngunit sa kabila ng lahat ng ito ay natikman din niya ang tamis ng pag-akay ng kamay ng Diyos. Nasaksihan niya ang Panunumbalik ng ebanghelyo, nagkaroon siya ng malinaw na pang-unawa sa gawain ng Diyos.
Kabataan ni Wilford Woodruff: Isang Matatag na Pundasyong Itinatag sa Tahanan
Si Wilford Woodruff ay isinilang noong Marso 1, 1807, sa Farmington, Connecticut, kina Aphek Woodruff at Beulah Thompson Woodruff. Noong 15 buwang gulang siya, namatay ang kanyang ina dahil sa matinding karamdamang dulot ng “rickettsia.” Makalipas ang mga tatlong taon, muling nag-asawa si Aphek. Si Wilford at ang dalawa niyang kuya ay pinalaki ng kanilang ama at ng kanilang stepmother o pangalawang ina na si Azubah Hart Woodruff. Sina Aphek at Azubah ay nagkaroon pa ng anim na anak, at apat sa mga ito ay namatay habang sanggol pa lamang o kaya’y sa kanilang kabataan.
Ipinakikita ng mga isinulat ni Wilford Woodruff na lumaki siyang tulad ng iba pang mga batang lalaki noong kanyang kapanahunan. Nag-aral siya at nagtrabaho sa bukirin ng pamilya. Nagtrabaho rin siya sa lagarian ng kanyang ama noong siya’y batang-bata pa. Ito ang nagbigay sa kanya ng karanasan na nakatulong sa kanyang pagtanda nang magkaroon siya ng sariling lagarian. Ang isa sa kanyang mga libangan ay pangingisda. Sila ng kanyang mga kapatid na lalaki ay madalas mangisda sa ilog na malapit sa lagarian ng kanilang ama.
Mahal niya ang kanyang pamilya at napakalaki ng respeto sa kanyang mga magulang. May paghanga at pasasalamat niyang inilalarawan ang kanyang ama bilang malakas at malusog na lalaki na palaging “maraming ginagawa” at “isang taong mapagkawanggawa, tapat, may integridad at makatotohanan.”5 Binanggit din niya kung paano siya naakay ng mga turo ng kanyang pangalawang ina tungkol sa ebanghelyo tungo sa pagsasaliksik sa totoong Simbahan ng Panginoon.6
Maging nang tumanda na siya, marami sa mga pinakamaligayang sandali ng kanyang buhay ay nauugnay sa kanyang mga magulang at kapatid. Sumapi siya sa Simbahan sa araw din ng pagsapi ng kanyang kuyang si Azmon. Nagalak siya nang maturuan niya at mabinyagan ang kanyang ama at pangalawang ina at ang kanilang sambahayan. Sa dakong huli ng kanyang buhay tiniyak niyang naisagawa ang gawain sa templo para sa kanyang ina, isang pribilehiyo na para sa kanya ay sapat na kabayaran ng lahat ng pinagpaguran niya sa kanyang buhay.7
“Ang Proteksiyon at Awa ng Diyos”
Sa pagbabalik-tanaw sa kanyang kabataan, kinilala ni Wilford Woodruff ang kamay ng Panginoon na maraming beses na nagligtas sa kanyang buhay. Sa isang lathalain na pinamagatang “Chapter of Accidents,” inilarawan niya ang ilan sa mga aksidenteng pinagdaanan niya. Nanggigilalas siya na buhay pa siya at naikuwento ang mga ito. Halimbawa, ikinuwento niya ang isang karanasan sa bukirin ng pamilya: “Noong anim na taong gulang ako, muntik na akong mapatay ng nagwawalang toro. Pinapakain namin ni Itay ng kalabasa ang baka, [nang bigla] itong itinaboy ng nagwawalang toro mula sa kinakain nito. Kinuha ko ang natirang kalabasa, at noon ako sinuwag ng toro. Sinabi sa akin ni Itay na itapon ko ang kalabasa at tumakbo. Pababa akong tumakbo sa matarik na burol, na dala ko pa rin ang kalabasa, dahil naisip kong talagang para sa baka ito. Hinabol ako ng toro. Nang halos malampasan na niya ako, natapakan ko ang isang lubak at nadapa ako; tinalunan ako ng toro, na ang habol ay ang kalabasa, at pinira-piraso ito sa pamamagitan ng kanyang mga sungay. Gayundin sana ang ginawa niya sa akin kung hindi ako nadapa.”8
Ikinuwento rin niya ang isang aksidente noong 17 taong gulang siya: “Nakasakay ako noon sa salbaheng kabayo na hindi ko pa gamay. Habang pababa sa napakatarik na mabatong burol, sinamantala ng kabayo ang pagkakataon at bigla itong tumalon mula sa daan, at ubod nang bilis na tumakbong pababa sa mabatong dalisdis. Nagsimula itong dumamba, at tinangka ako nitong ihagis papunta sa mga bato. Napunta ako sa bandang uluhan, at mahigpit kong hinawakan ang magkabilang tainga nito. Naisip ko na anumang sandali ay malalasog ang katawan ko kapag humampas ako sa mga bato. Habang nasa ganitong posisyon, na nakasakay sa kanyang batok, at walang giya maliban sa kanyang mga tainga, ito’y ubod nang bilis na bumulusok pababa ng burol, hanggang sa tumama ito sa isang bato, at lumagpak sa lupa. Tumilapon ako mula sa kanyang ulo at sa mga bato [nang mga limang metro], at lumagpak sa lupa na nakatayo sa aking mga paa. Para sa akin ito lang ang bagay na nakapagligtas sa aking buhay; dahil kung tumama ang iba pang bahagi ng aking katawan, marahil namatay ako kaagad. Pakiramdam ko’y nagkadurug-durog ang aking mga buto. Dalawa ang naging bali ng kaliwang binti ko, at nalisya kapwa ang mga bukung-bukong ko, at halos magulungan ako ng kabayo sa pagsisikap nitong tumayo. Nakita ng aking tiyo na si Titus Woodruff ang pagbagsak ko, humingi siya ng tulong, at pinasan niya ako pauwi sa kanilang bahay. Nanatili akong nakahiga mula alas 2:00 ng hapon hanggang alas 10:00 ng gabi, nang walang medikal na tulong. Pagkatapos ay dumating ang Tatay ko, kasama si Dr. Smith ng Farmington. Inayos niya ang aking mga buto, sinimento ang aking paa, at isinakay ako sa kanyang karwahe sa layong walong milya nang gabing iyon papunta sa bahay ng Tatay ko. Matindi ang sakit na dinanas ko. Gayunman, inasikaso akong mabuti, at sa loob ng walong linggo ay nakalabas na ako ng bahay gamit ang aking saklay.”9
Patuloy na naligtas ang buhay ni Wilford Woodruff, sa kabila ng madalas na pagkaaksidente maging sa pagtanda niya. Sa edad na 41, nagbigay siya ng buod ng mga dinanas niyang aksidente, na nagpapasalamat sa mapagligtas na kamay ng Panginoon:
“Nabali ang magkabilang binti ko—ang isa’y dalawa ang naging bali—ang magkabilang bisig ko, ang buto ko sa dibdib at tatlong tadyang, at nalisya ang magkabilang bukung-bukong ko. Nalunod na ako, nanigas sa lamig, nabanlian at nakagat ng asong ulol—nahulog sa dalawang water wheel—inatake ng ilang matitinding sakit, at dumanas ng matinding pagkalason—bumagsak sa labi ng nawasak na riles ng tren—muntik nang tamaan ng ligaw na bala, at maraming ulit na muntik nang mamatay.
“Talagang himala ito para sa akin, dahil sa kabila ng lahat ng pinsala at pagkabali ng mga buto, ay hindi ako nalumpo. Sa halip ay nakayanan kong tiisin ang pinakamabigat na trabaho, pagkalantad at paglalakbay—madalas akong maglakad nang apatnapu, limampu, at minsan pa nga ay animnapung milya sa isang araw. Palaging naroon ang proteksiyon at awa ng Diyos, at hanggang sa ngayon ay buhay ako. Ang mga biyayang ito’y buong-puso kong pinasasalamatan sa aking Ama sa Langit, na dumadalangin na ang nalalabi kong buhay ay magugol sa paglilingkod sa Kanya at sa pagtatayo ng Kanyang kaharian.”10
Pagsasaliksik at Paghahanap sa Totoong Simbahan ng Panginoon
Binatilyo na si Wilford Woodruff nang una niyang hangarin na maglingkod sa Panginoon at malaman ang tungkol sa Kanya. Sabi niya, “Sa murang gulang ay natuong mabuti ang aking isipan sa mga paksa ng relihiyon.”11 Gayunman, pinili niyang huwag sumapi sa alinmang simbahan. Sa halip determinado siyang hanapin ang nag-iisang totoong Simbahan ni Jesucristo. Dahil nabigyang-inspirasyon ng mga turo ng kanyang mga magulang at iba pang mga kaibigan at ng Espiritu, nakumbinsi siya “na ang Simbahan ni Cristo ay wala sa mundo—na nagkaroon ng pagtalikod sa dalisay na relihion at walang dungis sa harapan ng ating Dios at magkakaroon ng malaking pagbabago.”12 Nahikayat siya lalo ng mga turo ng isang taong nagngangalang Robert Mason, na nagpropesiya na mabubuhay si Wilford upang matikman ang bunga ng ibinalik na ebanghelyo (tingnan sa mga pahina 1–3 sa aklat na ito).
Makalipas ang maraming taon, sa paniniwalang makikinabang ang iba pang mga Banal sa mga Huling Araw mula sa kanyang personal na mga karanasan,13 madalas ikuwento ni Pangulong Wilford Woodruff ang tungkol sa kanyang pagsasaliksik sa katotohanan. Naalaala niyang:
“Wala akong makitang anumang denominasyon na ang mga doktrina, paniniwala o kaugalian, ay nakaayon sa Ebanghelyo ni Jesucristo, o sa mga ordenansa at kaloob na itinuro ng mga Apostol. Bagama’t itinuro ng mga ministro noong panahong iyon na ang pananampalataya, biyaya, himala at ordenansa, na tinamasa ng mga Banal noong una, ay wala na at hindi na kailangan, hindi ako naniwalang totoo ito, maliban na lang kung nawala ang mga ito dahil na rin sa kawalan ng pananalig ng mga anak ng tao. Naniwala ako na ang mga kaloob, biyaya, himala at kapangyarihan ay ipamamalas sa isang kapanahunan ng daigdig tulad sa isa pa, kapag nasa ibabaw ng lupa ang Simbahan ng Diyos, at na muling itatayo ang Simbahan ng Diyos sa lupa, at mabubuhay ako para makita ito. Nanatili sa aking isipan ang mga alituntuning ito dahil sa pagbabasa ko sa Luma at Bagong Tipan, nang may taimtim na panalangin na ipakikita sa akin ng Panginoon kung ano ang tama at mali. Naniwala akong aakayin Niya ako sa landas ng kaligtasan, anuman ang mga opinyon ng tao; at itinuro sa akin ng mga pagbulong ng Espiritu ng Panginoon sa loob ng tatlong taon na itatayo na Niya ang Kanyang Simbahan at kaharian sa lupa sa mga huling araw.”14
“Natuong mabuti ang kaluluwa ko sa mga bagay na ito,” sabi niya. “Binatilyo pa lang ako’y gabi’t araw ang dalangin ko na makakita ng isang propeta. Siguro lalakbayin ko ang libong milya para lang makita ang propeta, o ang isang tao na makapagtuturo sa akin ng mga bagay na nababasa ko sa Biblia. Hindi ako makasapi sa alinmang simbahan, dahil wala akong makitang simbahan noon na nagtataguyod sa mga alituntuning ito. Marami akong hatinggabing ginugol, sa tabi ng ilog, sa kabunduhan, at sa aking lagarian …, sa pagdalangin sa Diyos na mabuhay nawa ako para makakita ng isang propeta o ng taong magtuturo sa akin ng mga bagay na nauukol sa kaharian ng Diyos habang binabasa ko ang mga ito.”15
Natapos ang paghahanap ni Wilford Woodruff noong siya’y 26 na taong gulang. Noong Disyembre 29, 1833, narinig niya ang sermon na ipinangaral ni Elder Zera Pulsipher, isang misyonerong Banal sa mga Huling Araw. Inilarawan niya sa kanyang journal ang tugon niya sa sermon ni Elder Pulsipher:
“Sinimulan niya ang miting sa pamamagitan ng pambungad na pananalita at pagkatapos ay nagdasal. Nadama ko ang pagsaksi ng Espiritu ng Diyos na siya ay lingkod ng Diyos. Pagkatapos ay nagsimula na siyang mangaral, at ginawa niya iyon nang may awtoridad. Nang matapos niya ang kanyang talumpati talagang nadama ko na iyon ang kauna-unahang sermon ng ebanghelyo na narinig ko. Naisip kong iyon na ang hinahanap ko. Parang ayaw kong lisanin ang bahay nang hindi nagpapatunay sa katotohanan sa mga tao. Binuksan ko ang aking mata para makita, ang aking tainga para marinig, ang aking puso para maunawaan, at pinapasok ko ang taong naglingkod sa amin.”16
Inimbita ni Wilford Woodruff sina Elder Pulsipher at ang kanyang kompanyon na si Elijah Cheney na mamalagi sa tahanan ng mga Woodruff. Makaraan ang dalawang araw, matapos magbasa sa Aklat ni Mormon at makipagkita sa mga misyonero, si Brother Woodruff ay nabinyagan at nakumpirmang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nagbago ang kanyang buhay simula nang araw na iyon. Dahil natagpuan niya ang katotohanan, inilaan niya ang kanyang sarili sa paghahatid nito sa iba.
“Isang Hangarin na Humayo at Ipangaral ang Ebanghelyo”
Determinadong sundin ang mga tipan na ginawa niya sa binyag, si Wilford Woodruff ay handang maging instrumento sa mga kamay ng Panginoon, laging handang gawin ang Kanyang kalooban. Sa dakong huli ng 1834 “nagkaroon siya ng hangarin na humayo at ipangaral ang Ebanghelyo,”17 at nakatanggap siya ng tawag na maglingkod sa timog-silangang Estados Unidos. Alam niyang nakaabang ang mga pagsubok sa kanya at maaaring manganib ang buhay niya habang siya’y naglalakbay, ngunit nagkaroon siya ng kalakasan sa kanyang patotoo at pananampalataya. Sa huli’y naalaala niya: “Alam kong ang Ebanghelyong inihayag ng Panginoon kay Joseph Smith ay totoo, at napakahalaga nito kung kaya gusto kong sabihin ito sa mga taong hindi pa nakarinig nito. Napakaganda at napakasimple nito, na para bang kaya kong papaniwalain ang mga tao tungkol dito.”18
Nang simulan ni Wilford Woodruff ang kanyang unang misyon, kaoorden pa lang niya na priest sa Aaronic Priesthood. Ang kompanyon niya, na naorden nang elder, ay nanatiling kasama niya sa mga unang pagsubok sa misyon pero di nagtagal ay pinanghinaan ng loob at umuwi sa kanyang tahanan sa Kirtland, Ohio. Magisang naiwan sa di-kilalang lugar, nagdasal si Wilford para humingi ng tulong at nagpatuloy sa kanyang gawaing misyonero, na tumatawid sa mga latian at mapuputik na lupain. Sa huli’y nakarating siya sa lungsod ng Memphis, Tennessee, “na pagod at gutom.”19 Sa unang karanasan niya doon bilang misyonero siya ay nagsalita sa maraming tao. Pag-alaala niya:
“Nagpunta ako sa pinakamagandang bahay panuluyan [o otel] sa lugar, na pag-aari ni Mr. Josiah Jackson. Sinabi kong ako ay isang estranghero, at wala akong pera. Tinanong ko kung puwede akong makituloy nang isang gabi. Tinanong niya kung bakit ako naroon. Sinabi kong mangangaral ako ng Ebanghelyo. Nagtawa siya, at sinabing hindi ako mukhang mangangaral. Hindi ko siya masisi, dahil lahat ng mangangaral na nakilala niya ay nakasakay sa magagandang kabayo o magagarang karuwahe, magaganda ang kasuotan, at malalaki ang sahod, at mamarapating mapunta sa impiyerno ang buong mundo kaysa tumawid sa putikan para lamang iligtas ang mga tao.
“Gusto ng may-ari ng kaunting kasiyahan, kaya’t sinabi niyang patutuluyin niya ako kung mangangaral ako. Gusto niyang malaman kung kaya ko ngang mangaral. Aaminin ko na sa sandaling ito ay medyo naging pilyo ako, at nakiusap na huwag na niyang hilingin na mangaral ako. Habang nakikiusap ako na huwag na akong mangaral ay lalo namang naging desidido si Mr. Jackson na mangaral ako. …
“Naupo ako sa malaking bulwagan para kumain ng hapunan. Bago pa ako matapos, nagsimulang mapuno ang silid ng ilan sa mayayaman at pustiryosong mga tao ng Memphis, suot ang magagara nilang damit at lino. Ang hitsura ko naman ay hindi ninyo mawawari, matapos akong maglakbay sa putikan. Nang matapos akong kumain, binuhat na ng mga tao ang mesa at inilabas ng silid. Napunta ako sa sulok ng silid, kasama ang patungan na may Biblia, himnaryo at kandila, at napalilibutan ng isang-dosenang kalalakihan kung saan ang may-ari ang nasa gitna. Mga limang daan ang mga taong nagtipon doon, hindi para makinig ng sermon ng Ebanghelyo kundi para magkatuwaan. … Gusto ba ninyo ang ganitong katayuan? Sa inyong unang misyon, nang walang kasama o kaibigan, at matawag na mangaral sa gayong kongregasyon? Para sa akin iyon ang isa sa mga pinaka-kalugud-lugod na sandali ng aking buhay, bagama’t dama kong gusto ko sanang may kasama ako.
“Binasa ko ang isang himno, at hiniling na umawit sila. Wala ni isang umawit ng kahit isang salita. Sinabi ko sa kanilang hindi ako binigyan ng kakayahan na umawit; ngunit sa tulong ng Panginoon, kapwa ako magdarasal at mangangaral. Lumuhod ako para magdasal, at lumuhod din ang kalalakihan na nakapaligid sa akin. Nagdasal ako sa Panginoon na ibigay sa akin ang Kanyang Espiritu at nawa’y maantig ko ang puso ng mga tao. Sa pagdarasal ko’y nangako ako sa Panginoon na ihahatid ko sa kongregasyong iyon ang anumang ibigay Niya sa akin. Tumayo ako at nagsalita sa loob ng isa’t kalahating oras, at isa iyon sa mga pinakamagandang sermon ng aking buhay.
“Ipinakita sa aking isipan ang uri ng pamumuhay ng kongregasyong iyon, at sinabi ko sa kanila ang masasama nilang gawain at ang gantimpalang kakamtin nila. Nagsiyuko ang kalalakihang nakapaligid sa akin. Nang matapos akong mangaral, wala ni isang taong naiwan sa silid dahil sa kahihiyan nila sa ginagawa nilang kasalanan.
“Di nagtagal ay hinatid na ako sa higaan, sa isang silid na katabi ng malaking silid kung saan nakatipon ang marami sa kalalakihan na pinangaralan ko ng ebanghelyo. Dinig ko ang pag-uusap nila. Isang lalaki ang nagsabi na gusto niyang malaman kung paano nalaman ng batang Mormon ang buhay nila noon. Ilang sandali pa’y nagtatalo na sila tungkol sa ilang punto ng doktrina. May isang nagmungkahi na tawagin ako para ako ang magpasiya. Sinabi ng may-ari na, ‘hindi; sapat na ang narinig natin.’
“Kinabukasan, ang sarap ng kinain kong almusal. Sinabi ng may-ari na kung mapapadaan akong muli ay magpunta ako sa kanyang bahay, at mamalagi doon hangga’t gusto ko.”20
Noong Nobyembre 1836, natapos ni Wilford Woodruff ang kanyang misyon sa timog-silangang Estados Unidos. Isinulat niya sa kanyang journal na noong 1835 at 1836 ay nakapaglakbay siya ng 15,688 kilometro, nakapagdaos ng 323 miting, at nakabuo ng 4 na sangay ng Simbahan. Nakapagbinyag din siya ng 70 katao at nakapagkumpirma ng 62, nakapagsagawa ng 11 ordenasyon sa priesthood, at nakapagpagaling ng 4 katao sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay. Nailigtas din siya sa kamay ng 6 na magkakaibang mandurumog.21 Naordena siyang elder noong Hunyo 1835 at naging Pitumpu noong Mayo 1836.
Nang magbalik si Elder Woodruff sa Kirtland, nakita niya na maraming mga miyembro ng Simbahan doon ang nag-apostasiya at nagsasalita ng laban kay Propetang Joseph Smith. “Noong panahon ng apostasiya sa Kirtland,” ang sabi niya sa huli, “hirap si Joseph Smith na malaman kung ang taong kahalubilo niya ay kaibigan o kaaway, maliban kung ihayag ito sa kanya ng Espiritu ng Diyos. Karamihan sa mga kalalakihan na namumuno ay kumakalaban sa kanya.”22
Kahit “sa gitna ng kadilimang iyon,”23 nanatiling tapat si Wilford Woodruff sa Propeta at tapat sa kanyang determinasyong ipangaral ang ebanghelyo. Tinawag siya sa Unang Korum ng Pitumpu, at sa gayong kapasidad ay nagpatuloy sa pagsaksi sa katotohanan, na naglalakbay para dumalo sa mga kumperensya sa lugar. Wala pang isang taon pagkagaling niya sa Kirtland, sinunod niya ang inspirasyong magmisyon nang full-time sa Fox Islands, na nasa baybayin lamang ng estado ng Maine. Sabi niya:
“Sinabi sa akin ng Espiritu ng Diyos, ‘Pumili ka ng kasama at dumiretso ka na sa Fox Islands.’ Wala akong alam tungkol sa Fox Islands tulad ng nasa Kolob. Pero pinapunta ako ng Panginoon, kaya nagpunta nga ako. Pinili ko si Jonathan H. Hale, at sumama siya sa akin. Nagtaboy kami ng ilang diyablo doon, ipinangaral ang Ebanghelyo at nagsagawa ng ilang himala. … Nakarating ako sa Fox Islands, at maganda ang nagawa ko roon.”24 Nang dumating sina Elder Woodruff at Hale sa Fox Islands, natagpuan nila “ang mga tao roon na naghahangad ng mga bagay noong sinauna.” Sa huli’y inireport niya, “Kahit hindi ako natira doon, masasabi kong nakapagbinyag ako ng mahigit 100 katao habang naroon.”25
Patuloy na Pagmimisyon Bilang Apostol ng Panginoong Jesucristo
Habang nasa misyon siya sa Fox Islands noong 1838, nakatanggap siya ng tawag na nagpalawak sa kanyang paglilingkod bilang misyonero sa buong buhay niya. “Noong ika-9 ng Agosto, nakatanggap ako ng sulat,” sabi niya, “mula kay Thomas B. Marsh, na noo’y Pangulo ng Labindalawang Apostol. Sinabi niya na si Joseph Smith, ang Propeta, ay nakatanggap ng paghahayag, kung saan pinangalanan ang mga taong pinili bilang kapalit ng mga natiwalag: John E. Page, John Taylor, Wilford Woodruff at Willard Richards.
“Idinagdag pa ni Pangulong Marsh sa kanyang sulat, ‘Dapat mong malaman, Brother Woodruff, sa pamamagitan ng sulat na ito, na ikaw ay hinirang bilang kapalit ng isa sa Labindalawang Apostol, at ito’y sang-ayon sa salita ng Panginoon, na kabibigay lamang, na kaagad kang magpunta sa Far West, at sa ika-26 ng Abril, iwan mo ang mga Banal dito at magpunta ka sa iba pang mga lugar sa ibayong-dagat.’ ”
Ganito ang sabi ni Pangulong Woodruff sa bandang huli, “Ang nilalaman ng sulat na ito’y ilang linggo nang naihayag sa akin, pero hindi ko ito binanggit kahit kanino.”26
Ang tagubilin na “magpunta ka sa iba pang mga lugar sa iba yong-dagat” ay tumutukoy sa utos ng Panginoon na magmisyon ang Labindalawa sa Great Britain. Kaagad pagkatapos maorden bilang Apostol noong Abril 26, 1839, si Elder Wilford Woodruff ay umalis at nagpunta sa Great Britain bilang isa sa “mga natatanging saksi ng pangalan ni Cristo sa buong daigdig” (D at T 107:23).
Sa huli’y magmimisyon pa si Elder Woodruff sa Estados Unidos at sa Great Britain. Nakilala siya bilang isa sa mga pinakadakilang misyonero sa kasaysayan ng Simbahan. Ang aklat na ito’y naglalaman ng maraming kuwento mula sa kanyang mga karanasan bilang misyonero.
Pagtulong sa mga Banal na Magkatipun-tipon
Ngayon ang mga Banal sa mga Huling Araw ay hinihikayat na itayo ang kaharian ng Diyos sa mga lugar kung saan sila nakatira, nang sa gayo’y mapatatag ang Simbahan sa buong mundo. Noong bago pa lang ang Simbahan, hinikayat ng mga misyonerong Banal sa mga Huling Araw ang mga bagong binyag na manirahan sa headquarters ng Simbahan, maging ito man ay sa Kirtland, Ohio, o sa Jackson County, Missouri, o sa Nauvoo, Illinois, o sa Salt Lake City, Utah.
Mga dalawang taon matapos patayin sina Joseph at Hyrum Smith, napilitan ang mga Banal na iwan ang kanilang tahanan sa Nauvoo, at nagtayo ng pansamantalang tirahan sa Winter Quarters, Nebraska. Si Elder Woodruff, na nasa misyon sa England, ay nagbalik sa pangunahing pangkat ng Simbahan. Pag-alis ng Winter Quarters, tumulong siyang pamunuan ang mga Banal sa kanilang bantog na pandarayuhan: ang paglalakbay nila patawid ng kapatagan at mga kabundukan ng Estados Unidos tungo sa kanilang lupang pangako sa Salt Lake Valley. Bilang bahagi ng unang pangkat ng mga pioneer, isinakay niya sa bagon si Pangulong Brigham Young, na may sakit noon, sa huling bahagi ng paglalakbay. Naroon si Elder Woodruff nang bumangon si Pangulong Young mula sa kanyang higaan sa bagon, at suriin ang lupaing nasa harapan nila, at sinabing: “Hanggang dito na lang tayo. Ito ang tamang lugar. Tayo na.”27
Patuloy na tinulungan ni Elder Woodruff ang mga Banal na matipon sa kanilang lupang pangako. Sa isa sa kanyang mga misyon, gumugol siya at ang kanyang pamilya ng dalawa’t kalahating taon sa Canada at sa hilagang-silangang Estados Unidos, sa pagtulong sa mga miyembro ng Simbahan na manirahan sa Salt Lake Valley. Kasama siya ng huling grupo ng mga Banal na ito nang maranasan niya ang sumusunod, na nagpapakita ng kanyang pagiging sensitibo sa mga paramdam ng Espiritu:
“Nakita kong naghahanda na sa pag-alis ang barko. Pinuntahan ko ang kapitan at tinanong ko siya kung ilan ang kanyang pasahero. ‘Tatlong daan at limampu.’ ‘Kaya mo ba ang isang daan pa?’ ‘Oo.’ Sasabihin ko na sana sa kanyang sasakay kami sa barko nang sabihin sa akin ng Espiritu na, ‘Huwag kayong sumakay sa barkong iyan, ikaw ni ang iyong mga kasama.’ Sige, ang sabi ko. May natutuhan ako tungkol sa marahan at banayad na tinig na iyon. Hindi ako sumakay sa barkong iyon, at naghintay hanggang kinaumagahan. Mga tatlumpung minuto pa lang nakaaalis ang barko nang masunog ito. Sa halip na tanikalang bakal ay mga lubid ang gamit, at hindi sila makalapit sa pampang. Madilim ang gabing iyon, at wala ni isang kaluluwang naligtas. Kung hindi ko sinunod ang paramdam ng Espiritu, sana’y naroon din ako, sampu ng aking mga kasama.”28
Paglilingkod sa Salt Lake Valley
Nang makapanirahan na sa Salt Lake Valley ang mga Banal, nagbago ang mga tungkulin ni Elder Woodruff. Hindi na siya ipinadadala sa malalayong lugar para magmisyon. Sa halip ay napabilang sa mga gawain niya ang pagtulong sa mas marami pang mga Banal na dumadayo sa headquarters ng Simbahan. Nakikipagkita rin siya sa mga dumadalaw sa lugar, naglingkod siya bilang mambabatas, nagtrabaho para mapatubigan at malinang ang lupain, at bumuo ng mga pamamaraan sa pagtatanim at pagsasaka. Madalas niyang dalawin ang mga tirahan ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Utah, Arizona, at Idaho, na ipinapangaral ang ebanghelyo at hinihikayat ang mga Banal sa kanilang mga tungkulin.
Si Wilford Woodruff ay nagsilbi bilang Assistant Church Historian mula 1856 hanggang 1883 at bilang Church Historian mula 1883 hanggang 1889. Malaking bahagi ng panahong ito ang iniukol niya sa paglilingkod sa Korum ng Labindalawang Apostol. Bagama’t nangailangan ng maraming oras ang responsibilidad na ito, itinuring niya itong isang pribilehiyo, naniniwalang “ang kasaysayan ng Simbahang ito ay mananatili sa panahong ito at sa kawalang-hanggan.”29 Ang paglilingkod niya bilang mananalaysay ay pagpapatuloy ng kanyang gawain simula pa noong 1835, nang magsimula siyang magsulat sa journal—isang personal na tala ng kanyang buhay at ng kasaysayan ng Simbahan (tingnan sa mga pahina 137–40).
Sa patuloy niyang pagsisikap na patatagin ang Simbahan, paglingkuran ang komunidad, at tustusan ang kanyang pamilya, sinunod ni Wilford Woodruff ang mga alituntuning natutuhan niya mula sa kanyang masipag na ama. Sinabi ni Elder Franklin D. Richards ng Korum ng Labindalawang Apostol na si Elder Woodruff noon ay “kilala sa kanyang pagiging aktibo, kasipagan at tibay ng katawan. Bagama’t hindi siya malaking lalaki, nagawa niya ang mga trabahong malamang na nagpahapo sa kalalakihan na karaniwan lang ang pangangatawan.”30
Ang journal ni Elder Woodruff ay puno ng mga tala tungkol sa mga maghapong paggawa ng mabibigat na trabaho. Binanggit niya na minsan noong edad 67 siya ay inakyat niya ang hagdanang 12-talampakan ang taas kasama ang kanyang anak na si Asahel para mamitas ng mga peras mula sa puno nito. Nagsimulang mawalan ng panimbang si Asahel. Sa pagsisikap na iligtas si Asahel ay si Elder Woodruff ang nahulog. Ganito ang isinulat niya: “Nahulog ako sa hagdanan sa taas na mga 10 talampakan at bumagsak sa ilalim nito. Tumama ang aking kanang balikat at balakang at talagang napakasakit nito. Hindi gaanong nasaktan si Asahel. Masakit ang buong katawan ko at magdamag akong di makalakad.”31 Kinabukasan ay isinulat niyang, “Ang sakit pa rin ng katawan ko ngayon at di pa rin ako makalakad, pero nagpunta pa rin ako sa bukid at gabi nang umuwi.”32 Ganito ang sinabi ni Matthias Cowley tungkol sa pangyayaring ito: “Magtataka ka kung ano ang ginagawa ng lalaking kasintanda niya sa itaas ng puno. Pero kay Elder Woodruff kasi ay balewala ang edad kapag may nakita siyang isang bagay na sa tingin niya ay dapat gawin, at basta kaya rin lang niyang gawin. Makikita mo siya kahit saan. … Handa siya sa anumang biglang pangangailangan sa lahat ng oras. Kapag may nakita siyang sanga sa itaas ng puno ng mansanas na dapat alisin, makikita mong nasa itaas na siya agad ng puno, at laging mahirap para sa kanya ang ipagawa sa iba ang isang bagay na kaya naman niyang gawin mismo.”33
Pagtatayo ng Templo at Gawain sa Templo
Sa tuwing lalagi ang mga Banal sa isang lugar sa mahabang panahon, sila ay nagtatayo ng templo. Ginawa nila ito sa Kirtland, sa Nauvoo, at sa huli ay sa Salt Lake City. Sa ganitong paraan ay tapat sila sa paghahayag ng Panginoon sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith—isang paghahayag na itinala ni Elder Woodruff sa kanyang journal:
“Ano ba ang layunin ng pagtitipon sa mga Judio, o sa mga tao ng Diyos sa anumang kapanahunan sa mundo? Ang pangunahing layunin ay magtayo sa Panginoon ng isang bahay kung saan maihahayag Niya sa Kanyang mga tao ang mga ordenansa ng Kanyang bahay at ang mga kaluwalhatian ng Kanyang kaharian at ituro sa mga tao ang mga paraan ng kaligtasan. Dahil may mga partikular na ordenansa at alituntunin na kapag itinuturo at isinasagawa ay kailangang gawin sa isang lugar o bahay na itinayo para sa layuning iyon. Nasa isip na ito ng Diyos bago pa man itatag ang daigdig, at dahil sa layuning ito kung kaya pinlano ng Diyos na sama-samang tipunin nang madalas ang mga Judio, ngunit tumatanggi sila. Ito rin ang dahilan kung kaya sama-samang tinitipon ng Diyos ang mga tao sa mga huling araw—para magtayo sa Panginoon ng bahay na maghahanda sa kanila para sa mga ordenansa at mga endowment, paghuhugas at pagpapahid ng langis, atbp.”34
Madalas hikayatin ni Elder Woodruff ang mga kapwa niya Banal na makibahagi sa mga biyayang nakakamit sa templo. Sabi niya: “Itinuturing ko ang pagtatayo ng mga templo na isa sa pinakamahahalagang bagay na ipinagagawa ng Panginoon sa mga Banal sa mga Huling Araw sa dispensasyon ng kaganapan ng panahon, upang makapasok tayo sa mga templong ito at hindi lamang tubusin ang mga buhay kundi para tubusin rin ang ating mga patay.”35 Taglay ang gayong kasigasigan, nagpakita siya ng halimbawa ng gawain sa templo, na tinitiyak na magagawa ang gawain para sa libu-libo niyang mga ninuno.
Tulad ng iba pang mga propeta noong kanyang kapanahunan, nagpropesiya si Elder Woodruff na darating ang araw na magkakaroon ng mga templo sa buong mundo.36 Nagalak siya sa pagkakataon na makita ang pagsisimula ng katuparan ng propesiyang iyon, nang itayo at ilaan ang apat na templo sa Teritoryo ng Utah sa loob ng unang 46 na taon matapos ang pagdating ng mga Banal sa Salt Lake Valley—sa mga lungsod ng St. George, Logan, Manti, at Salt Lake City.
Inialay ni Pangulong Woodruff ang mga panalangin ng dedikasyon para sa mga templo sa Manti at Salt Lake City. Sa isang mensahe sa lahat ng miyembro ng Simbahan, siya at ang kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan ay nagpatotoo sa mga biyayang dumarating sa mga taong dumadalo sa dedikasyon ng mga templo na may diwa ng taimtim na pagsamba: “Ang matamis na inspirasyon ng Banal na Espiritu ay ibibigay sa kanila pati ang mga kayamanan ng Langit, ang pakikipag-usap ng mga anghel, ay paulit-ulit na idaragdag, dahil ito ay ipinangako [ng Panginoon] at hindi ito mabibigo!”37 Isinulat niya ang isang gayong karanasan, sa dedikasyon ng Logan Temple:
“Habang dumadalo sa dedikasyon ng templong ito, muli kong naisip ang maraming oras na ginugol ko sa panalangin noong binatilyo pa ako. Sumasamo ako noon sa Diyos na payagan akong mabuhay sa daigdig upang makita ang pagkatatag ng Simbahan ni Cristo at ang mga taong tatanggap sa sinaunang ebanghelyo at maninindigan sa pananampalatayang minsang ipinagkaloob sa mga Banal. Ipinangako sa akin ng Panginoon na mabubuhay ako para makita ang mga tao ng Diyos at magkakaroon ako ng pangalan at alaala … sa kanyang bahay, isang pangalan na maigi kaysa mga anak na lalaki at babae, isang pangalan na hindi mapaparam. At ngayon ay nagagalak ako na magkaroon ng pangalan sa kanyang mga tao at makatulong sa dedikasyon ng isa pang templo sa kanyang pinakabanal na pangalan. Purihin ang Diyos at ang Kordero habampanahon.”38
Ang Paglilingkod ni Wilford Woodruf Bilang Pangulo ng Simbahan
Nang mamatay si Pangulong John Taylor noong Hulyo 25, 1887, ang Korum ng Labindalawang Apostol ang nangasiwa sa Simbahan, kasama si Pangulong Woodruff bilang pinuno. Dama ang bigat na dulot ng pamumuno sa buong Simbahan, itinala ni Pangulong Woodruff ang mga kaisipang ito sa kanyang journal: “Inilagay ako nito sa isang kakaibang sitwasyon, isang posisyong hindi ko kailanman inasam sa aking buhay. Ngunit sa awa ng Diyos ito ay ipinagkaloob sa akin, at dalangin ko sa Diyos na aking Ama sa Langit na tulungan ako sa responsibilidad na ito. Mataas at malaking pananagutan sa sinumang tao ang maupo at malagay sa posisyon na nangangailangan ng dakilang karunungan. Hindi ko inisip na mas matagal akong mabubuhay kaysa kay Pangulong Taylor. … Pero nangyari na. … Ang masasabi ko na lang ay, Kagila-gilalas ang iyong mga landas, O Panginoong Diyos na Makapangyarihan, dahil sadyang pinili mo ang mahihinang bagay ng daigdig na ito na magsagawa ng iyong gawain sa lupa. Nawa’y maging handa ang iyong lingkod na si Wilford sa anumang naghihintay sa kanya sa lupa at magkaroon ng kapangyarihan na isagawa anuman ang ipagawa sa kanyang mga kamay ng Diyos ng Kalangitan. Hiling ko ang basbas na ito sa aking Ama sa Langit sa pangalan ni Jesucristo, ang Anak ng Diyos na Buhay.”39 Si Pangulong Woodruff ay sinang-ayunan bilang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw noong Abril 7, 1889. Siya ang pang-apat na Pangulo ng Simbahan sa dispensasyong ito.
Pagpapatotoo sa Gawain ng Panginoon sa mga Huling Araw
Sa kanyang mga mensahe sa mga miyembro ng Simbahan, paulit-ulit na pinatotohanan ni Pangulong Woodruff ang Panunumbalik ng ebanghelyo, tulad ng ginawa niya sa kanyang buong ministeryo. Gayunman, nagbigay siya ng patotoo nang may dagdag na kahalagahan sa nalalabing siyam na taon ng kanyang buhay. Siya ang huling taong naglingkod bilang Apostol na kasama ni Joseph Smith, at nadama niyang kailangang mag-iwan ng malinaw at matatag na patotoo hinggil sa Propeta ng Panunumbalik. Mga isang taon bago siya namatay, sinabi niyang:
“Maraming bagay akong hindi nauunawaan, at isa na ang bakit ako narito ngayon sa edad kong ito. Hindi ko maunawaan kung bakit ako nanatili nang ganito katagal samantalang marami nang mga Apostol at Propeta ang pinauwi. … Ako na lang ang taong nabubuhay na nakatanggap ng mga endowment sa kamay ni Propetang Joseph Smith. Ako na lang ang taong nabubuhay na nakasama ng Labindalawang Apostol nang ihabilin niya sa kanila ang kaharian ng Diyos at iutos sa kanila na isulong ang kahariang ito. Mga tatlong oras siyang tumayo sa silid at ibinigay sa amin ang kanyang huling lektyur. Napuspos ang silid ng tila nag-aalab na apoy. Ang kanyang mukha ay kasing-linaw ng baga; ang kanyang mga salita ay tila matalim na kidlat sa amin. Tumimo ito sa bawat bahagi ng aming katawan mula sa tuktok ng aming uluhan hanggang sa aming mga talampakan. Sabi niya, ‘Mga Kapatid, ibinuklod ng Panginoong Makapangyarihan sa aking uluhan ang bawat Priesthood, ang bawat susi, bawat kapangyarihan, bawat alituntunin ng huling dispensasyon ng kaganapan ng panahon, at sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos. Naibuklod ko sa inyong uluhan ang lahat ng mga alituntuning iyon, ang Priesthood, pagkaapostol, at mga susi ng kaharian ng Diyos, at ngayon kailangan ninyong pasanin at isulong ang kahariang ito dahil kung hundi ay susumpain kayo.’ Hindi ko nalilimutan ang mga salitang iyon—hinding-hindi habang ako’y nabubuhay. Iyon ang huling pananalita niya noong nabubuhay pa siya. Di nagtagal siya ay pinaslang at pinauwi sa kaluwalhatian.”40
Bilang Pangulo ng Simbahan, hinikayat ni Pangulong Woodruff ang mga Banal na hangarin at sundin ang patnubay ng Espiritu Santo, maging tapat sa kanilang mga tipan, ipangaral ang ebanghelyo sa tahanan at sa ibang bansa, maging tapat sa kanilang temporal na mga responsibilidad, at maging masigasig sa gawain sa templo at sa kasaysayan ng mag-anak. Inulit sa kanyang payo ang pahayag niya noong siya ay miyembro pa ng Korum ng Labindalawa: “Gaano man tayo kabuti dapat nating patuloy na sikaping humusay pa at lalong bumuti. Iba ang sinusunod nating batas at ebanghelyo kumpara sa sinusunod ng ibang tao. Kaiba ang pananaw natin sa kaharian, at ang ating layunin ay marapat lang na mas mataas sa harapan ng Panginoon nating Diyos. Dapat nating pangasiwaan at kontrolin ang ating sarili sa wastong paraan, at dasal ko sa Diyos na aking Ama sa Langit na mapasaatin ang Kanyang Espiritu at tulungan tayong gawin ang gayon.”41
Pagpapalabas ng Manipesto
Dahil pinalakas ng gumagabay na kamay ng Panginoon, pinamunuan ni Pangulong Woodruff ang mga Banal sa mga Huling Araw sa isa sa mga pinakamaligalig na panahon sa dispensasyong ito. Noong mga huling bahagi ng 1880s patuloy pa ring ginagawa sa Simbahan ang pag-aasawa nang mahigit sa isa bilang pagsunod sa utos ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith. Gayunman, nagpalabas ng mga batas ang pamahalaan ng Estados Unidos laban sa gawaing ito, na may mabigat na kaparusahan sa paglabag ng mga batas na ito, kabilang na ang pagkumpiska sa ari-arian ng Simbahan at pagkakait sa mga miyembro ng Simbahan ng kanilang karapatang-pantao, tulad ng karapatang bumoto. Ang mga pagbabagong ito ay nagbukas din ng legal na paraan para malitis ang mga Banal sa mga Huling Araw na nag-aasawa nang mahigit sa isa. Umapela sa mga korte ang Simbahan, pero walang nangyari.
Lubhang nabahala sa mga bagay na ito si Pangulong Woodruff. Inalam niya ang kalooban ng Panginoon tungkol sa bagay na ito at sa wakas ay nakatanggap ng paghahayag na dapat nang itigil ng mga Banal sa mga Huling Araw ang pag-aasawa nang mahigit sa isa. Sa pagsunod sa utos ng Panginoon, ipinalabas niya ang nakilala bilang Manipesto—isang inspiradong pahayag na nananatiling basehan ng paniniwala ng Simbahan tungkol sa paksa ng pagaasawa ng mahigit sa isa. Sa pahayag na ito sa publiko, noong Setyembre 24, 1890, binanggit niya ang kanyang intensiyon na pasailalim sa mga batas ng lupain. Pinatotohanan din niya na itinigil na ng Simbahan ang pagtuturo ng pag-aasawa nang mahigit sa isa.42 Noong Oktubre 6, 1890, sa isang sesyon ng pangkalahatang kumperensya, sinang-ayunan ng mga Banal sa mga Huling Araw ang pahayag ng kanilang propeta, nagkakaisang sumuporta sa pahayag na siya ay “awtorisado sa pamamagitan ng kanyang katungkulan na ipalabas ang Manipesto.”43
Pagpapatibay sa Kawalang Hanggan ng Pamilya
Mga tatlong buwan bago pinatay si Propetang Joseph Smith, nagbigay siya ng isang diskurso sa malaking grupo ng mga Banal. Sinabi ni Elder Wilford Woodruff, na nagtala ng buod ng diskursong ito, na nagsalita ang Propeta tungkol sa “isa sa mga pinakamahalaga at nakatutuwang paksang inilahad sa mga Banal.”44 Bilang bahagi ng kanyang sermon, nagpatotoo ang Propeta sa kawalang hanggan ng mga pamilya. Binanggit niya na kailangan tayong mabuklod sa ating mga magulang at ipagpatuloy ang ordenansang iyon ng pagbubuklod sa ating mga henerasyon:
“Ito ang espiritu ni Elijah, na tubusin natin ang ating mga patay at iugnay ang ating sarili sa ating mga ninuno na nasa langit na at ibuklod ang ating mga patay para magbangon sa unang pagkabuhay na mag-uli, at dito’y gusto nating mabuklod ng kapangyarihan ni Elijah ang mga nakatira sa lupa sa mga nakatira sa langit. … Humayo kayo at ibuklod ang inyong mga anak sa inyong sarili at ang inyong sarili sa inyong mga ninuno sa walang hanggang kaluwalhatian.”45
Sa sumunod na ilang dekada, alam ng mga Banal sa mga Huling Araw na magkakaroon ng “pag-uugnay ng anumang uri o iba pa sa pagitan ng mga ama at ng mga anak” (D at T 128:18). Gayunman, ang mga pamamaraan nila ay hindi lubusang naisaayos; tulad ng napansin ni Pangulong Woodruff, hindi nabuhay nang matagal si Propetang Joseph para “magsalita pa ng tungkol sa mga bagay na ito.”46 Sa pagkilos batay sa “lahat ng liwanag at kaalamang nasa [kanila],”47 madalas ay nagpapabuklod sila, o “nagpapaampon,” kina Joseph Smith, Brigham Young, o sa iba pang mga pinuno ng Simbahan noong kanilang kapanahunan sa halip na sa kanilang sariling ama at ina. Bilang Pangulo ng Simbahan, ganito ang sinabi ni Pangulong Woodruff sa gawaing ito: “Hindi natin lubusang naitaguyod ang mga alituntuning iyon bilang kaganapan ng mga paghahayag ng Diyos sa atin, sa pagbubuklod ng puso ng mga ama sa mga anak at ng mga anak sa mga ama. Hindi ako nasisiyahan, ni si Pangulong [John] Taylor, ni ang sinumang tao simula noong kay Propetang Joseph na nag-aasikaso sa ordenansa ng pagbubuklod sa mga templo ng ating Diyos. Pakiramdam namin ay mas marami pang dapat ihayag tungkol sa paksang ito kaysa sa natanggap na natin.”48
Ang karagdagang paghahayag na iyon ay dumating kay Pangulong Woodruff noong Abril 5, 1894.49 Makaraan ang tatlong araw, sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya, ikinuwento niya ang tungkol sa paghahayag: “Nang lumapit ako sa Panginoon para malaman kung kanino ako dapat magpabuklod …, sinabi sa akin ng Espiritu ng Diyos, ‘Wala ka bang sariling ama?’ ‘Meron po.’ ‘Kung gayon, bakit hindi mo siya igalang? Bakit hindi ka sa kanya paampon?’ ‘Opo,’ sabi ko, ‘tama nga po.’ Nabuklod ako sa aking ama, at minarapat na ipabuklod ang aking ama sa kanyang ama, at gayundin ang mga nauna pa; at ang tungkulin na gusto kong tiyaking naisagawa ng bawat taong namumuno sa isang templo mula sa araw na ito at magpakailanman, maliban na lamang kung iba ang ipag-utos ng Makapangyarihang Panginoon, ay ang magpabuklod ang bawat tao sa kanyang ama. … Iyan ang kalooban ng Diyos sa mga taong ito. Nais kong itanim ito sa isipan ng lahat ng taong namumuno sa mga templong ito sa mga kabundukang ito ng Israel. May karapatan ba akong alisan ng karapatan sa lipi ang sinumang tao? May karapatan ba ang sinumang tao na gawin ito? Wala; sinasabi ko na hayaang mabuklod ang bawat tao sa kanyang ama; at sa gayon ay magagawa ninyo mismo ang sinabi ng Diyos nang ipahayag Niya na isusugo Niya ang propetang si Elijah sa mga huling araw [tingnan sa Malakias 4:5–6]. …
“Gusto naming saliksikin ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kanilang mga talaangkanan hangga’t makakaya niya, at mabuklod sa kanilang mga ama at ina. Ibuklod ang mga anak sa kanilang mga magulang, at ipagpatuloy ang gawaing ito hanggang sa abot ng makakaya ninyo. …
“Mga kapatid, isapuso ninyo ang mga bagay na ito. Patuloy nating gawin ang ating mga rekord, punan ang mga ito nang matwid sa harap ng Panginoon, at itaguyod ang mga alituntuning ito, at mapapasaatin ang mga pagpapala ng Diyos, at pagpapalain tayo ng mga matutubos balang-araw. Dalangin ko sa Diyos na bilang mga tao ay makita ng ating mga mata, marinig ng ating mga tainga, at maunawaan ng ating puso ang dakila at malaking gawain na nakaatang sa ating mga balikat, at hinihingi sa atin ng Diyos ng kalangitan.”50
“Para sa Inyo Kami’y Nagdarasal”
Noong Marso 1, 1897, nagtipon ang mga Banal sa mga Huling Araw sa Salt Lake Tabernacle para ipagdiwang ang ika-90 kaarawan ni Pangulong Wilford Woodruff. Doo’y narinig nila ang isang bagong himno: “Para sa Inyo Kami’y Nagdarasal.” Hinango ni Evan Stephens ang musika ng isang himno noon at sumulat ng mga bagong salita para magbigay-pugay sa mahal na propeta ng Simbahan:
Para sa ‘Nyo kami’y nagdarasal,
O propeta naming minamahal,
Na mabigyang ligaya at ginhawa,
Habang mga tao’y lumilipas,
Liwanag N’yo sana’y ‘di kukupas.
Para sa ‘Nyo kami’y nagdarasal,
Nang buong puso at pagmamahal,
Upang bigyang lakas sa ‘Nyong gawain
Nang sa t’wina kami ay payuhan,
At tanglawan nawa aming daan.
Para sa ‘Nyo kami’y nagdarasal,
At taimtim yaring pagmamahal.
Pakikinggan ng Diyos, aming dalangin
Inyong kailanga’y ibibigay,
Bibiyayaan N’ya habang buhay.
Makaraan ang labingwalong buwan, noong Setyembre 2, 1898, namatay si Pangulong Wilford Woodruff, at sa huli’y nakasama ang kanyang mga kapwa Banal na nauna nang nangamatay. Sa kanyang libing, na ginanap sa Salt Lake Tabernacle, isang “diwa ng kapayapaan … ang bumalot sa kaganapang iyon, at nanaig sa mga tao at nagpayapa sa damdamin ng lahat.” Ang loob ng Tabernacle ay “buong gandang ginayakan ng puting kurtina,” na may kasamang “marami at magagandang” bulaklak at bungkos ng mga trigo. “Sa magkabilang panig ng organo ay nakasulat ang 1847 at malalaking bungkos ng palumpong at sunflower [at] dulo ng mga pine tree,” na gumugunita sa pagpasok ng mga pioneer sa Salt Lake Valley noong Hulyo 1847. Sa itaas ay ang malaking larawan ni Pangulong Woodruff, ang pahayag na “Bagama’t siya’y patay na ay nagsasalita pa” ay natatanglawan, bilang papugay sa isang propeta ng Diyos na ang mga turo at halimbawa ay patuloy na magbibigay ng inspirasyon sa mga Banal sa mga Huling Araw sa kanilang pagsisikap na tumulong sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos.52