Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 7: Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo


Kabanata 7

Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo

Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay napakahalagang alituntunin ng kaligtasan at pangunahing pinagmumulan ng pag-asa ng lahat ng tao.

Mula sa Buhay ni Wilford Woodruff

Nang magsimula si Elder Wilford Woodruff sa kanyang ministeryo bilang Apostol, siya at ang kanyang mga kapatid ay nagturo sa mga tao sa Estados Unidos at Inglatera na sumasamba kay Jesucristo bilang Anak ng Diyos at Manunubos ng sangkatauhan. Dahil alam nila na ang kanilang mga tagapakinig ay mayroon nang batayan ng paniniwala sa Pagbabayad ni Jesucristo, itinuon nila ang kanilang pagtuturo sa mga paksang tulad ng pagkatawag kay Propetang Joseph Smith, ang pagdating ng Aklat ni Mormon, at panunumbalik ng priesthood.1 Gayunpaman, nang tutulan ng mga tao ang doktrina ng Pagbabayad-sala, pinatunayan ni Elder Woodruff nang may kapangyarihan at kalinawan na sila ay mali. Pinatotohanan niya na “ang layunin ng misyon ni Cristo sa mundo ay ialay ang Kanyang sarili bilang sakripisyo upang tubusin ang sangkatauhan sa walang hanggang kamatayan.”2

Noong 1845, isang miyembro ng Simbahan sa British Isles ang naglathala ng isang polyeto sa pagtatangkang patunayan na hindi na kinakailangan na magdusa at mamatay si Jesucristo para matubos ang sangkatauhan. Hayagang pinabulaanan ni Elder Woodruff, na noon ay naglilingkod bilang nangungulong awtoridad ng Simbahan sa British Isles, ang pahayag na ito sa isang artikulo na pinamagatang “Rationality of the Atonement.” Sa paglalathala ng artikulo, tiniyak niya “na ang pananaw [ng Simbahan] sa paksa ay mauunawaang mabuti ng lahat, at magiging handa ang mga Banal ng Diyos na labanan ang mga pagsalakay ng pangunahing kaaway ng kaligtasan ng tao, at upang tuluyan nang masagot ang tanong na ito sa isipan ng mga taong naniniwala sa mga paghahayag ng Diyos.”3 Ang kanyang mga salita, sa paglaban sa maling turo at pagpuri sa Tagapagligtas, ay naghahayag ng kanyang matibay na pagmamahal sa Panginoon at lubos na pasasalamat sa plano ng pagtubos.

Nagpahayag siya ng kalungkutan na ang taong nagsulat ng polyeto “ay labis na nagpadaig sa mga kapangyarihan ng kadiliman, kaya’t naligaw nang lubos sa kaayusan at payo ng kaharian ng Diyos.” Sinabi pa niya na, “Mas mainam pa sa isang tao na lubusang mawalan ng mga talento, kaysa gamitin ang mga ito sa pagsisikap na patunayang hindi na kailangan ang pagbabayadsala ni Cristo, at tuligsain ang pinakamahalagang alituntunin ng kaligtasan tulad ng ginawa niya.”4

Itinuon ni Elder Woodruff ang karamihan sa kanyang mga artikulo sa pagsipi mula sa mga banal na kasulatan, at ipinakita ang “napakaraming patotoo” mula sa mga propeta noon at sa Panginoon mismo.5 Sinabi niya na ang doktrina ng Pagbabayad-sala ay “hindi lamang paksa na malugod na ipinangaral ng mga propeta at tagapaglingkod ng Diyos noon, kundi ito ang pangunahing pinagmumulan ng lahat ng kanilang inaasam, at ang pinagkukunan nila ng lakas at tulong.”6

Mga Turo ni Wilford Woodruff

Ayon sa kagustuhan ng Kanyang Ama, naparito si Jesucristo sa lupa para tubusin tayo sa mga epekto ng Pagkahulog.

Naniniwala ako na alam ng Makapangyarihang Diyos ang Kanyang gagawin sa mundong ito bago Niya ito nilikha. Alam niya kung anong uri ng mga espiritu ang mananahan dito, at anong uri ng gawain ang gagawin upang iligtas ang Kanyang mga anak na lalaki at babae na isisilang dito sa mundo. At sa pagbabasa ng kasaysayan ng pakikitungo ng Diyos sa mga tao, mula sa paglikha ng mundo hanggang sa dispensasyong ito, nakita nating kumikilos ang Ama upang pagpalain ang Kanyang mga anak. Ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak upang mamatay para matubos ang sanlibutan—isang sakripisyo na tanging Diyos lamang mismo ang makapagbibigay. At sa mga huling araw na ito pinasimulan Niya ang pagtatatag ng dakila at huling dispensasyon—ang pinakadakila sa lahat ng dispensasyon.7

Ipinaalam sa atin mismo ng Tagapagligtas ang layunin ng Ama sa Kanyang pagsilang sa mundo. “Sapagkat gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan: sapagkat hindi sinugo ng Dios ang Anak sa sanglibutan upang hatulan ang sanglibutan; kundi upang ang sanglibutan ay maligtas sa pamamagitan niya.” [Juan 3:16–17.]

Ang mga paghahayag na ibinigay ng Diyos sa tao, ay lubos na nagpapatunay na batas na selestiyal ang sinusunod ng Diyos at ng mga walang hanggang daigdig; at upang makamtan ng tao ang gayunding kaluwalhatian ng Diyos, kinakailangang sundin ng tao ang batas ding iyon, “yaong pinamamahalaan ng batas ay pinangangalagaan din ng batas at ginagawang ganap at pinababanal ng gayon din.” [D at T 88:34.] Subalit ang tao, na nagkasala sa batas ng Diyos, ay nararapat lamang na kamtan ang sumpa ng di pagsunod, at dahil doon hindi niya kayang tubusin ang kanyang sarili, ni ng iba pa liban sa walang hanggang sakripisyo na ibabayad sa kanyang pagkakasala.

Ang epekto ng di niya pagsunod, ay malinaw na kamatayan, at ang sumpang ito ay napasalahat ng angkan ni Adan. Alalahanin natin na ang tao, habang napapasailalim sa kaparusahang ito, ay walang taglay na sariling kapangyarihan, upang maisakatuparan niya ang kanyang pagkabuhay na mag-uli at pagbalik sa kinaroroonan ng Diyos at kaluwalhatian nito. Siya ngayon ay napapasailalim sa kapangyarihan at sakop ng kamatayan, at upang mapagtagumpayan ang kamatayan kailangang mapasok ng isang mas banal at dalisay kaysa taong nagkasala ang sakop ng kamatayan, nang sa gayon mawasak niya ito. Kung hindi ito maisasagawa, ang paghahari ng kamatayan sa sangkatauhan ay magiging walang hanggan. Mangangailangan ng kaunting pagtatalo upang patunayan na ang Anak ng Diyos, sa lahat ng bagay, ay may kakayahan na gawin ito. Ito ay sa dahilang Siya ay dalisay, banal, at walang kasalanan; at [ang katotohanang] siya ang taong itinalaga upang isakatuparan ito, ay lubos na pinatunayan ng patotoo ni Juan hinggil sa kanya—“Narito, ang Cordero ng Dios, na nagaalis ng kasalanan ng sanglibutan” [tingnan sa Juan 1:29]—na “Sapagkat kung paanong kay Adam ang lahat ay nangamamatay, gayon din naman kay Cristo ang lahat ay bubuhayin.” [I Mga Taga Corinto 15:22.] …

… Ito’y lubos nang naitatag sa kabila ng lahat ng kontrobersiya, mula sa maraming patotoo … mula sa mga paghahayag ng Diyos, na ibinigay sa iba’t ibang dispensasyon at panahon ng mundo, at sa iba’t ibang dako ng mundo, na ang layunin ng misyon ni Cristo sa lupa ay ialay ang kanyang sarili bilang sakripisyo para tubusin ang sangkatauhan mula sa walang hanggang kamatayan, at lubos na naaayon sa kalooban ng Ama na isagawa ang gayong pagsasakripisyo. Mahigpit Niyang sinunod ang kalooban ng Ama sa lahat ng bagay mula sa simula, at ininom ang mapait na saro na ibinigay sa Kanya. Kalakip nito ang inihayag na kaluwalhatian, karangalan, imortalidad, at buhay na walang kamatayan, kasama ang pag-ibig sa kapwa na mas dakila sa pananampalataya o pag-asa, sapagkat isinagawa ng Kordero ng Diyos ang bagay na hindi maisasagawa ng tao sa kanyang sarili.8

Matatanggap natin ang kaloob na kadakilaan sa pamamagitan lamang ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at pagsunod natin sa mga batas at ordenansa ng ebanghelyo.

Bilang mga tao, dapat alam natin ang katotohanan na ginawa ng Ama sa Langit ang lahat ng kanyang magagawa para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Ipinaalam niya sa atin ang mahahalagang batas para sa kadakilaan at kaluwalhatian ng tao at nagawa ang lahat sa pamamagitan ng batas. … Namatay si Jesus para tubusin ang lahat ng tao; subalit upang makinabang sila sa Kanyang kamatayan at malinis sila ng Kanyang dugo sa lahat ng kasalanang nagawa sa lupa, dapat nilang sundin ang batas ng ebanghelyo. Natubos na tayo ng dugo ni Cristo mula sa mga kasalanan ni Adan; at upang makamtan ang kaligtasan dapat tayong maging masunurin at matapat sa mga tuntunin ng ebanghelyo.9

Kung sakali mang makamtan ko ang lubos na kaligtasan ito’y sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas ng Diyos.10

Sa kabilang dako ang katarungan ay natugunan, at ang mga salita ng Diyos ay napatunayan—“Sapagkat sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka.” [Tingnan sa Genesis 2:17.] Kaya, sa kabilang dako, ipinakita ang pagkahabag, at nakita ang pagmamahal ng Diyos sa paglagot sa gapos ng kamatayan, upang muling magsama ang mga espiritu at katawan. Ang mga espiritu ng matwid ay tatanggap ng kadakilaan sa kinaroroonan ng Diyos at Kordero—sa gayunding tabernakulo [katawan] kung saan sila nagpagal, nagtrabaho, at naghirap habang nasa lupa, na kung wala ang pagsasamang iyon hindi makatatanggap ang mga kaluluwa ng mga tao ng lubos na kaluwalhatian. May kaluwalhatian na kasama ito, iyon ay magiging walang hanggang pagmumulan ng kagalakan ng bawat mamamayan ng kahariang selestiyal. Ang mga espiritu naman ng mga tumanggi sa Ebanghelyo ni Cristo at hinamak ang awa na ibinigay ng Diyos sa kanila, ay kailangang bumalik sa kanilang mga katawan sa huling pagkabuhay na mag-uli upang tanggapin nang lubusan ang kanilang kaparusahan sa gayunding katawan na pinanahanan nila habang kinakalaban ang Diyos. Sa pamamagitan ng mensaheng ito, binibigyang babala namin ang lahat ng makaririnig sa mga salitang ito, na magsisi ng kanilang mga kasalanan at sundin ang ebanghelyo ng Anak ng Diyos.11

Ano ang ebanghelyo na tinuro mismo ni Jesus? Ang pinakaunang alituntunin ay pananampalataya sa Mesiyas; ito ang unang alituntunin na laging itinuturo sa tao. Nang si Adan, matapos paalisin sa Halamanan ng Eden, ay pumunta sa Adan-ondi-Ahman upang magalay ng sakripisyo, tinanong siya ng anghel ng Panginoon kung bakit niya ginawa ito. Sumagot si Adan na hindi niya alam, maliban sa inutusan siya ng Panginoon na gawin ito. Sinabi sa kanya na dapat ibuhos sa altar ang dugo ng mga toro at, kambing, lalaking tupa at batang tupa bilang simbolo ng dakila at huling sakripisyo na iaalay para sa mga kasalanan ng sanlibutan. [Tingnan sa Moises 5:4–7.] Samakatwid, ang unang alituntunin na itinuro kay Amang Adan ay pananampalataya sa Mesiyas, na paparito sa kalagitnaan ng panahon upang ialay ang Kanyang buhay sa pagtubos sa tao. Ang pangalawang alituntunin ay pagsisisi. At ano ang pagsisisi? Pagwaksi ng kasalanan. Ang taong nagsisisi, kung siya’y sinungaling, ay hindi na magsisinungaling; o isang magnanakaw, ay di na magnanakaw; iwawaksi niya ang lahat ng dating kasalanan at hindi na uulitin pa ito. Hindi pagsisisi ang sabihing, nagsisisi na ako ngayon, at pagkatapos ay magnanakaw kinabukasan; ganito ang pagsisisi ng sanlibutan, na hindi kasiya-siya sa paningin ng Diyos. Pagsisisi ang pangalawang alituntunin.

Narinig kong sinasabi ng maraming tao na di na kailangan ang mga ordenansa, na ang kailangan lamang para maligtas ay paniniwala sa Panginoong Jesucristo. Ako mismo ay hindi natutuhan iyon mula sa anumang paghahayag ng Diyos sa tao, sa sinauna o makabagong panahon man. Subalit sa kabilang dako, ang pananampalataya kay Cristo, pagsisisi, at pagpapabinyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan ay itinuro ng mga patriarch at propeta at ni Jesucristo at ng Kanyang mga apostol. Ang pagpapabinyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan ay ordenansa ng ebanghelyo. Sabi ng isa, hindi kailangan ang binyag para maligtas. Hindi lamang ito itinuro ni Jesus, kundi sinunod Niya ito mismo. Hindi Siya nabinyagan para sa kapatawaran ng mga kasalanan—kundi, tulad ng sabi Niya, para sa “pagganap ng buong katwiran.” Sa gayon, tulad ng lahat ng iba pang bagay, ito ay nagbibigay ng halimbawa na susundin ng lahat [tingnan sa Mateo 3:15]. Kapag ang mga alituntuning ito ng ebanghelyo ay sinunod, handa na ang isang tao na tanggapin ang Espiritu Santo; at ibinibigay ang banal na kaloob na ito ngayon tulad noon, sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng mga lalaking maytaglay ng awtoridad na mangasiwa sa mga ordenansa ng ebanghelyo. Ito ang mga unang alituntunin ng ebanghelyo na pinaniniwalaan ng mga Banal sa mga Huling Araw at itinuturo sa ating kapwa.12

Kapag sinabing magsisi ang mga tao ng kanilang mga kasalanan, ang tinutukoy nito ay ang sarili nilang kasalanan, hindi ang kasalanan ni Adan. Ang tinatawag na orihinal na kasalanan ay binayaran sa pamamagitan ng kamatayan ni Cristo na di nagsa alang-alang ng anumang paggawa sa panig ng tao; ang sariling kasalanan ng tao ay binayaran sa pamamagitan ng sakripisyo ding iyon, subalit sa kundisyong susundin niya ang plano ng kaligtasan ng ebanghelyo kapag narinig niyang ipinangaral ito.13

Ang lahat ng bata na [nasa] edad ng pananagutan ay nagkasala. Likas na sa tao ang gumawa ng masama tulad ng likas na papaitaas ang lipad ng alipato. “Ano ang gagawin natin para maligtas” ang tanong ng mga tao na nakarinig sa mga pangangaral ni Pedro noong araw ng Pentecostes [tingnan sa Mga Gawa 2:37]. Ito ay maaari ding iangkop sa lahat ng tao sa bawat henerasyon. Ang sagot ay, sundin ang batas ng Ebanghelyo. Ito ang ligtas na paraan na ibinigay para sa kaligtasan ng sangkatauhan.14

Nadarama ko na tayo bilang mga tao ay nararapat magalak; at dapat nating pahalagahan ang mga kaloob at biyayang ito na ibinigay sa atin ng Diyos. Dapat nating hangaring gampanan ang ating mga tungkulin, at bilang mga tao dapat nating ibigay ang inaasahan ng ating Ama sa Langit, at ng mga nauna sa atin. …

… Ang Ebanghelyo ni Cristo ay isa sa mga pinakadakilang biyaya na maibibigay sa tao. Ang buhay na walang hanggan, sabi ng Panginoon, ay pinakadakilang kaloob ng Diyos [tingnan sa D at T 14:7]. Makakamtan natin ito, sa pamamagitan lamang ng pagsunod sa Ebanghelyo. Ito, mga kapatid, ang ating biyaya.15

Ang taimtim kong dalangin ay mapasaatin ang mga biyaya ng Diyos sa buhay na ito, upang kapag namatay na tayo at pupunta sa kabilang buhay, ay nagawa na natin ang lahat ng iniutos sa atin, at maging handa na manahan kasama ang pinabanal at ganap na pinasakdal sa pamamagitan ng dugo ng Kordero.16

Sa pamamagitan ng mga biyaya ng Pagbabayad-sala, magiging ganap tayo kay Cristo.

Walang nilalang na may kapangyarihang iligtas ang mga kaluluwa ng tao at bigyan sila ng buhay na walang hanggan, maliban kay Jesucristo, sa utos ng Kanyang Ama.17

Mahalagang pag-aralan nating pahalagahan ang mga salita ng buhay nang sa gayo’y sumulong tayo sa biyaya at sa kaalaman sa Diyos at maging ganap kay Cristo Jesus, upang matanggap natin ang kabuuan at maging tagapagmana ng Diyos at kasamang tagapagmana ni Jesucristo. [Tingnan sa Mga Taga Roma 8:16–17.]18

Mga kapatid, hindi ba tayo mga anak na lalaki at babae ng Diyos, at kung siya’y mahayag, at tayo’y tapat, magiging katulad ba niya tayo? [Tingnan sa I Ni Juan 3:2.] Oo; at kapag dumating ang maluwalhating araw ay magkakaroon tayo minsan pa ng pagkakataong tumayo sa mundong ito at makasama sa kagalakan at pasasalamat … ang libu-libong iba pa na nangaghugas ng kanilang mga damit at pinaputi sa dugo ng Kordero, at na, sa pamamagitan ng mga biyaya ng Kanyang pagbabayad-sala, ay hinirang na mga hari at saserdote sa Diyos at kasama Niyang mamamahala na nadakila sa Kanyang kaharian. Nawa’y maging karapat-dapat tayo sa gantimpalang ito; at ngayon, samantalang naglalakbay tayo sa daigdig na ito na pabagu-bago at malungkot, nawa’y sundin natin ang halimbawang ipinakita ng mga matwid … at, higit sa lahat, sundan ang mga yapak ng dakilang Huwaran ng lahat ng kabutihan, na ating Panginoong Jesucristo, na ang biyaya ay mapasainyo nawang lahat.19

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Isaisip ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang Kabanatang ito o habang naghahanda para magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina v–x.

  • Ano ang inihayag ng kuwento sa mga pahina 73–74 na nadarama ni Pangulong Woodruff tungkol kay Jesucristo?

  • Rebyuhin ang mga turo sa mga pahina 74–76. Ano ang itinuro ni Pangulong Woodruff tungkol sa pangangailangan natin sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas?

  • Basahing mabuti ang Kabanata at pag-aralan ang ilan sa mga banal na kasulatan na nakasulat sa ibaba ng pahinang ito. Sa paggawa ninyo nito, hanapin ang mga pariralang naglalarawan sa hirap na tiniis ni Jesucristo para mailigtas tayong lahat sa kamatayan ng katawan at ibigay sa atin ang kaligtasan mula sa ating mga kasalanan. Ano ang nadama ninyo habang pinag-iisipan ninyong mabuti ang ginawa ng Tagapagligtas para sa inyo?

  • Ano ang sasabihin mo sa isang tao na nagsasabing “walang kailangang mga ordenansa, kailangan lamang na maniwala sa Panginoong Jesucristo upang maligtas?” (Tingnan sa mga pahina 77–80.)

  • Basahin ang huling bahagi ng Kabanatang ito (pahina 80–81). Pagtuunang mabuti ng pansin ang pariralang “ang mga biyaya ng Kanyang Pagbabayad-sala.” Pagkatapos ay pag-aralan ang 2 Nephi 2:6–8 at Alma 22:14. Paano pinalakas ng mga turong ito ang iyong pang-unawa sa Pagbabayad-sala?

  • Paano nakaimpluwensya sa inyong buhay ang inyong patotoo sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas?

Mga Kaugnay na Banal na Kasulatan: Sa artikulo na binanggit sa mga pahina 73–74, sinipi o binanggit ni Elder Woodruff ang sumusunod na talata sa mga banal na kasulatan tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo: Job 19:25; Mateo 26:28; 27:52; Juan 1:29; 3:16–17; Mga Gawa 2:23; 4:12; 20:28; Mga Taga Roma 3:24–25; I Mga Taga Corinto 15:22; Mga Taga Galacia 3:17–24; Mga Taga Efeso 1:7; Mga Taga Colosas 1:19–20; Mga Hebreo 9:28; 10:7–10, 29; 11:26, 35; I Ni Pedro 1:18–21; I Ni Juan 2:2; Apocalipsis 1:5; 5:9–10; 13:8; 1 Nephi 10:5–6; 11:32–33; 2 Nephi 2:26; 9:3–14; 26:23–24; Jacob 6:8–9; Mosias 3:11, 16–18; 15:19–20; 18:2; Alma 7:12; 11:42; 21:9; 34:8–15; 42:13–17; 3 Nephi 11:9–11; 27:14; Mormon 9:13; Eter 3:14; Moroni 10:33; D at T 18:10–11; 19:16–19; 35:2; 38:4; 45:3–4; 88:34

Mga Tala

  1. Tingnan sa Dallin H. Oaks, sa Conference Report, Oktubre 1990, 38; o Ensign, Nobyembre 1990, 31.

  2. “Rationality of the Atonement,” Millennial Star, Oktubre 1, 1845, 118.

  3. Millennial Star, Oktubre 1, 1845, 113.

  4. Millennial Star, Oktubre 1, 1845, 113.

  5. Millennial Star, Oktubre 1, 1845, 118.

  6. Millennial Star, Oktubre 1, 1845, 113–14.

  7. Deseret Weekly, August 17, 1889, 225.

  8. Millennial Star, Oktubre 1, 1845, 114–15, 118.

  9. Deseret News: Semi-Weekly, Agosto 11, 1868, 2.

  10. The Discourses of Wilford Woodruff, pinili ni G. Homer Durham (1946), 23.

  11. Millennial Star, Oktubre 1, 1845, 118–19.

  12. The Discourses of Wilford Woodruff, 18–19.

  13. The Discourses of Wilford Woodruff, 3–4.

  14. Deseret News: Semi-Weekly, Hunyo 13, 1882, 1.

  15. Deseret News: Semi-Weekly, Agosto 11, 1868, 2.

  16. Deseret News: Semi-Weekly, Hulyo 26, 1881, 1.

  17. Deseret Semi-Weekly News, February 15, 1898, 7.

  18. Deseret News, Abril 1, 1857, 27.

  19. Millennial Star, July 9, 1888, 436–37.

Christ in the Garden of Gethsemane

“Isinagawa ng Kordero ng Diyos ang bagay na hindi maisasagawa ng tao sa kanyang sarili.”

the Crucifixion

“Ang layunin ng misyon ni Cristo sa mundo ay ialay ang kanyang sarili bilang sakripisyo para tubusin ang sangkatauhan mula sa kamatayang walang hanggan.”

Christ holding a lamb

“Walang nilalang na may kapangyarihang iligtas ang kaluluwa ng mga tao at bigyan sila ng buhay na walang hanggan, maliban sa Panginoong Jesucristo, sa utos ng Kanyang Ama.”