Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 1: Ang Panunumbalik ng Ebanghelyo


Kabanata 1

Ang Panunumbalik ng Ebanghelyo

Sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, ibinalik ng Panginoon ang Kanyang ebanghelyo sa tunay na kaluwalhatian, kapangyarihan, kaayusan, at liwanag nito.

Mula sa Buhay ni Wilford Woodruff

Noong bata pa si Wilford Woodruff, kinaibigan niya at ng kanyang pamilya si Robert Mason, isang lalaking kilala sa kanyang kakaibang paniniwala sa relihiyon. Naalaala pa ni Pangulong Woodruff na:

“Naniwala siya na kailangang mayroong mga propeta, apostol, panaginip, pangitain at paghahayag sa simbahan ni Cristo, tulad nila na mga nabuhay noong mga unang panahon; at naniwala siya na hihirang ang Panginoon ng isang grupo ng mga tao at ng simbahan, sa mga huling araw, na may mga propeta, apostol at lahat ng mga kaloob, kapangyarihan, at pagpapala, na palaging taglay nito sa alinmang kapanahunan ng mundo. … Madalas siyang magpunta sa bahay namin noong maliit pa ako, at itinuro sa akin at sa mga kapatid kong lalaki ang mga alituntuning iyon; at naniwala ako sa kanya.

“Maraming beses [siyang] nanalangin, at nagkaroon ng mga panaginip at pangitain, at ipinakita sa kanya ng Panginoon ang maraming bagay, sa pamamagitan ng mga pangitain, na mangyayari sa mga huling araw.

“Isasalaysay ko ang isang pangitain, na ikinuwento niya sa akin. Noong huli ko siyang nakita, sabi niya: ‘Nagtatrabaho ako sa bukid noon sa katanghaliang-tapat nang mabalot ako ng isang pangitain. Napunta ako sa malawak na kagubatang puno ng mga namumungang punungkahoy: Gutom na gutom ako, at mahaba ang nilakad ko sa taniman, sa paghahanap ng prutas na makakain; pero wala akong makita sa buong taniman, at nanangis ako dahil doon at habang nakatayo ako roon at nagtataka kung bakit walang prutas, nagsimulang magbagsakan sa magkabila ko ang mga puno, hanggang sa wala na ni isang puno na natirang nakatayo sa buong taniman; at habang namamangha ako sa aking nakita, nakita ko ang mumunting usbong mula sa mga ugat ng mga punong nagbagsakan, at bumuka ang mga ito at nakita kong nagsimulang lumaki ang mga ito. Nagsimula itong sumibol, namulaklak, at namunga hanggang sa mapuno ang mga ito ng pinakamaiinam na prutas na noon ko lang namasdan, at nagalak ako sa nakita kong napakaraming bunga. Lumapit ako sa isang puno at napakarami ng napitas kong bunga, at namangha ako sa kagandahan nito, at nang titikman ko na sana ito ay natapos na ang pangitain, at nakita ko ang aking sarili sa bukiring kinaroroonan ko nang magsimula ang pangitain.

“ ‘Pagkatapos ay lumuhod ako sa lupa, at nagdasal sa Panginoon, at hiniling sa kanya, sa ngalan ni Jesucristo, na ipakita sa akin ang ibig sabihin ng pangitain. Sinabi sa akin ng Panginoon: “Narito ang kahulugan ng pangitain; ang malalaking puno ng kagubatan ay kumakatawan sa iyong henerasyon ngayon. Walang simbahan ni Cristo, ni walang kaharian ng Diyos sa lupa sa iyong henerasyon. Walang bunga ng Simbahan ni Cristo sa lupa. Walang taong naorden ng Diyos para mangasiwa sa alinman sa mga ordenansa ng ebanghelyo ng kaligtasan sa lupa sa panahon at henerasyong ito. Ngunit sa susunod na henerasyon, Ako na Panginoon ay itatatag ang aking kaharian at aking Simbahan sa lupa. Ang mga bunga ng kaharian at ng simbahan ni Cristo, na kasunod ng mga propeta, apostol at mga banal sa bawat dispensasyon, ay muling matatagpuan sa kanilang kaganapan sa ibabaw ng lupa. Makikita mo ang araw na iyon, at mahahawakan mo ang bunga; ngunit hindi mo ito matitikman sa buhay na ito.” ’ ”

Pagpapatuloy pa ni Pangulong Woodruff: “Pagkatapos [niyang] ikuwento ang pangitain at pakahulugan, sinabi niya sa akin, … ‘Hindi mo matitikman ang bungang ito sa buhay dito sa lupa; pero matitikman mo ito, at malaki ang gagampanan mong papel sa kahariang iyon.’ At siya’y tumalikod at iniwan na ako. Ito ang mga huling salitang binigkas niya sa akin sa lupa. …

“Natanggap niya ang pangitaing ito noong bandang 1800, at ikinuwento niya ito sa akin noong 1830—sa tagsibol ding iyon nang itinatag ang Simbahang ito.

“Ang pangitaing ito, pati na ang iba pang mga turo niya sa akin, ay nakintal na mabuti sa aking isipan, at maraming beses akong nagdasal sa Panginoon na akayin ako sa pamamagitan ng kanyang Espiritu, at ihanda ako para sa kanyang Simbahan kapag narito na ito.”

Nang sumapi sa Simbahan si Wilford Woodruff, sumulat siya sa kaibigan niyang si Robert Mason. “Sinabi ko … sa kanyang natagpuan ko na ang Simbahan ni Cristo na binanggit niya sa akin noon,” paggunita niya sa bandang huli. “Sinabi ko sa kanya ang tungkol sa organisasyon nito at ang paglitaw ng Aklat ni Mormon; na ang Simbahan ay mayroong mga propeta, apostol, at lahat ng kaloob at pagpapala ay narito, at ang tunay na bunga ng kaharian at ng Simbahan ni Cristo ay makikita sa mga Banal gaya ng ipinakita sa kanya ng Panginoon sa pangitain. Natanggap niya ang sulat ko, at maraming beses itong binasa, at nahawakan ito gaya ng pagkahawak niya sa bunga o prutas sa pangitain; pero napakatanda na niya, at di nagtagal ay namatay siya. Hindi na niya nakita ang sinumang Elder para mangasiwa ng mga ordenansa ng Ebanghelyo sa kanya.

“Sa unang oportunidad ko, matapos maihayag ang doktrina ng binyag para sa mga patay, ay nagpabinyag ako para sa kanya.”1

Mga Turo ni Wilford Woodruff

Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay walang hanggan at hindi nagbabago.

Maraming beses na iniunat ng Panginoon ang Kanyang kamay sa iba’t ibang dispensasyon para itatag ang Kanyang kaharian sa mundo; humirang Siya ng kalalakihan—na magigiting na espiritu— na pumarito at nabuhay bilang mga mortal sa mundo sa magkakaibang panahon. Binigyang-inspirasyon Niya ang mga lalaking iyon; binigyan sila ng mga paghahayag; pinuno sila ng inspirasyon, ng liwanag, ng katotohanan, ng mga bagay ng kaharian ng Diyos.2

Kung makikita mo lang si amang Adan, kasama sina Seth, Moises, Aaron, Cristo, o ang mga apostol, ituturo nilang lahat ang mga alituntuning itinuro sa atin; walang kahit kaunting pagkakaiba rito. Ang ebanghelyo ay likas na walang hanggan at hindi ito nagbabago.3

Iisa lamang ang ebanghelyo at wala ng ibibigay pang iba sa mga anak ng tao, at hindi iyan kailanman nagbago at hindi kailanman magbabago sa panahon o sa kawalang hanggan. Iisa lang ito sa bawat panahon ng mundo; iyon pa rin ang mga ordenansa nito. Ang mga naniniwala sa ebanghelyo ay nanampalataya kay Jesus bago pa siya nagkatawang-tao, at ang pagsisisi ng mga kasalanan ay ipinangaral na noon pa mang una; nagsagawa din sila ng binyag para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan at ng pagpapatong ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo; at nasa kanila ang organisasyon ng simbahan na kinabibilangan ng mga inspiradong tao. … Ang mga bagay na ito ay kailangan sa bawat kapanahunan ng daigdig.4

Sa tuwing nasa lupa ang Simbahan ng Panginoon, at natatanggap ng Simbahang iyon ang Ebanghelyo ni Cristo, at natatamasa nila ang Espiritu Santo, bawat kaloob at biyayang nasa Simbahan ng Diyos ay nasa Simbahang iyon.5

Itinayo ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan noong kanyang mortal na ministeryo, pero kaagad nag-apostasiya ang mga tao pagkatapos ng Kanyang pagkamatay at Pagkabuhay na Mag-uli.

Dinala ni Jesucristo … ang Ebanghelyo sa mga Judio at itinayo ang Kanyang kaharian sa kalipunan nila, at kasama rito ang lahat ng kaloob, biyaya at kapangyarihan: napagaling ang mga maysakit; naitaboy ang mga demonyo; naipamalas sa kanila ang mga kaloob. Ngunit tinanggihan Siya ng mga Judio, at sa huli ay pinatay Siya. … Hindi Siya tinanggap; at pagkatapos, ayon sa utos, ang Ebanghelyong ito ay napunta sa mga Gentil.6

Nang ibigay ang kaharian sa mga Gentil, kasama na nito ang mga apostol at propeta, ang mga kapangyarihan na magpagaling, ang mga paghahayag na mula sa Diyos, at bawat kaloob at biyaya na pinaniniwalaan ng mga Gentil, at tinatama habang nananatili silang tapat: perpektong organisasyon ito nang mapunta ito sa mga Gentil, ngunit sa paglipas ng panahon ay binago nila ang mga ordenansa ng kaharian ng Diyos, at muling nauwi sa kawalan ng pananampalataya, at sa loob ng maraming siglo ay nanatiling wala sa kanila ang tunay na kaayusan ng langit. … Sa paglipas ng panahon ay inalis ang mga kaloob, at biyaya, at kapangyarihan ng kaharian ng Diyos, at ang kalalakihan na nangasiwa sa simbahan ng Diyos noong una ay halos ipapatay lahat; pinatay sila dahil sinikap nilang panatilihin ang kadalisayan nito, at ginawa ang lahat ng magagawa nila para maitatag ang mga alituntuning inihayag ng Diyos.7

Maraming siglo ang lumipas. Milyun-milyong tao ang isinilang, nanirahan sa mundo, namatay, at napunta sa daigdig ng mga espiritu, at wala ni isang kaluluwa sa kanila, ayon sa pagkakaalam natin, ang nagkaroon ng kapangyarihan na humayo sa sangkatauhan at nangasiwa sa mga ordenansa ng Ebanghelyo ng buhay at kaligtasan. Walang dudang milyun-milyong mabubuting kalalakihan, na kumilos batay sa kanilang pang-unawa …, ang humayo noong panahon nila at nangaral ng Ebanghelyo batay sa pang-unawang nasa kanila. Ngunit wala silang kapangyarihang mangasiwa sa isang ordenansang may bisa pa rin kahit sa kabilang-buhay. Hindi nila hawak ang banal na Priesthood.8

Halos walang alam ang daigdig tungkol sa katotohanan, at sa Espiritu Santo na ibinuhos para akayin ang sangkatauhan sa landas ng katotohanan. … Ang katotohanan na ang bawat henerasyong naitatag at nagkaroon ng mga sistema at organisasyon, at nagsasabing nakaayon sila sa plano ng kaligtasan, ngunit nagsasalungatan naman, hanggang sa makabuo sila ng maraming simbahan na magkakaiba sa mga punto ng doktrina, ay patunay na mayroong pagkakamali.9

Matapos ang daan-daang taon ng apostasiya, ibinalik ng Panginoon ang kaganapan ng ebanghelyo sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith.

Ang ebanghelyo ay lumaganap sa ating panahon sa tunay na kaluwalhatian, kapangyarihan, kaayusan, at liwanag nito, na laging nangyayari kapag may kinikilalang mga tao ang Diyos. Ang organisasyon at ebanghelyong pinag-alayan ng buhay ni Cristo, at pinagbuwisan ng dugo ng mga apostol bilang pagpapatunay, ay muling itinatag sa henerasyong ito. Paano ito dumating? Sa pamamagitan ng ministeryo ng isang banal na anghel mula sa Diyos, mula sa langit, na [nakipag-usap] sa tao, at inihayag sa kanya ang kadilimang bumabalot sa mundo. Ipinakita niya sa tao ang makapal na kadiliman na nakapalibot sa mga bansa, ang mga eksenang magaganap sa henerasyong ito, at mabilis na magkakasunod na mangyayari hanggang sa pagdating ng Mesiyas [tingnan sa Joseph Smith— Kasaysayan 1:30–49]. Itinuro ng anghel kay Joseph Smith ang mga alituntunin na kailangan para sa kaligtasan ng daigdig. Binigyan siya ng Panginoon ng mga kautusan, at ibinuklod sa kanya ang priesthood, at binigyan siya ng kapangyarihang mangasiwa sa mga ordenansa ng bahay ng Panginoon. Sinabi niyang wala sa mga tao ang ebanghelyo, at walang totoong organisasyon ang kanyang kaharian sa mundo. Sinabi rin niyang tumalikod ang mga tao sa kanyang tunay na orden, binago ang mga ordenansa at sinira ang walang hanggang tipan, at nagmana ng mga kasinungalingan at mga bagay na walang pakinabang. Sinabi niyang dumating na ang panahon na dapat nang ilatag ang pundasyon para sa pagtatayo ng Kaharian ng Diyos sa mga tao sa huling pagkakataon bilang paghahanda sa katapusan ng mundo.10

Ano ang ginawa ni Joseph Smith matapos matanggap [ang] priesthood at ang mga ordenansa nito? Sasabihin ko sa inyo kung ano ang ginawa niya. Ginawa niya ang hindi nagawa ng lahat ng pari at ministro ng mga relihiyong Kristiyano at ng buong mundo sa loob ng labimpitong siglo at limampung henerasyon—siya, bagama’t [di-nakapag-aral] na kabataan, ang nagbigay sa mundo ng ebanghelyo ni Jesucristo sa kaganapan, kalinawan, at kasimplihan nito, tulad ng pagkaturo ng May-akda nito at ng kanyang mga apostol; ibinigay niya ang simbahan ni Jesucristo at ang kaharian ng Diyos sa perpektong organisasyon nito, tulad ng paglalahad ni Pablo sa mga ito—ang ulo at mga paa, bisig at kamay, bawat miyembro ng katawan ay perpekto sa langit at lupa [tingnan sa 1 Mga Taga Corinto 12:12–28]. Paano niya, na [di-nakapag-aral] na bata, nagawa ang bagay na nabigong gawin ng buong Kristiyanismo sa loob ng labimpitong siglo? Dahil inantig siya ng kapangyarihan ng Diyos, tinuruan siya ng mga lalaking nangaral mismo ng ebanghelyong iyon noong nasa lupa pa sila, at sa paggawa ng gayon ay naisakatuparan niya ang lahat ng naipropesiya nina Amang Adan, Enoc, Moises, Elias, Isaias, Jeremias at ni Jesus at ng kanyang mga apostol.

Tulad nga ng sabi ni Pablo—“Hindi ko ikinahihiya ang evangelio: sapagka’t siyang kapangyarihan ng Dios sa ikaliligtas ng bawa’t sumasampalataya.” [Tingnan sa Mga Taga Roma 1:16.] Kaya’t maaari ding sabihin ng mga Banal sa mga Huling Araw—“Hindi namin ikinahihiya ang ebanghelyo ni Jesucristo.” Hindi ko ikahihiyang sabihing si Joseph Smith ay propeta ng Diyos; hindi ko ikinahihiyang magpatotoo na tinawag siya ng Diyos, at inilatag niya ang pundasyon ng simbahan at kahariang ito sa lupa, dahil totoo ito, at sinumang lalaki o babae na nabigyang inspirasyon ng Espiritu Santo ay makikita at mauunawaan ang mga bagay na ito.

… Nabuhay siya hanggang sa matanggap niya ang bawat susi, ordenansa at batas na noon lang ibinigay sa tao sa lupa, mula kay Amang Adan hanggang sa dispensasyong ito. Nakatanggap siya ng mga kapangyarihan at susi mula sa mga kamay ni Moises para sa pagtitipon ng sambahayan ni Israel sa mga huling araw; natanggap niya mula sa mga kamay ni [Elijah] ang mga susi ng pagbubuklod ng puso ng mga ama sa mga anak at ng puso ng mga anak sa mga ama; natanggap niya mula sa mga kamay nina Pedro, Santiago at Juan ang pagka-apostol, at lahat ng nabibilang doon; natanggap niya mula sa mga kamay ni Moroni ang lahat ng susi at kapangyarihang kailangan sa tungkod [ni] Jose sa mga kamay [ni] Ephraim; natanggap niya mula sa mga kamay ni Juan Bautista ang Aaronic priesthood, kasama ang lahat ng susi at kapangyarihan nito; at lahat ng iba pang mga susi at kapangyarihan na nabibilang sa dispensasyong ito, at hindi ko ikinahihiyang sabihing siya ay propeta ng Diyos.11

Si Joseph Smith, sa halip na mabuhay nang halos isang libong taon tulad ng nangyari kay Adan, ay nabuhay nang hanggang mga tatlumpu’t walong taon lamang. Siya ang nagdala ng rekord ng tungkod [ni] Jose sa kamay [ni] Ephraim—ang kasaysayan ng mga nanirahan sa kontinenteng ito noong unang panahon. Sa kapangyarihan ng Diyos ay isinalin niya iyon, at nailathala ito sa maraming wika. Bukod dito, itinayo niya ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa ibabaw ng kinasasaligan ng mga apostol at propeta, na si Cristo Jesus din ang pangulong bato sa panulok [tingnan sa Mga Taga Efeso 2:20]. Naorden sa Priesthood ang kalalakihan at isinugo, mula sa iba’t ibang uri ng kalagayan sa buhay, para ihatid ang Ebanghelyong ito sa daigdig. Sinabihan ng Diyos si Joseph Smith na tinawag siya para minsan pang pungusan ang halamanan sa huling pagkakataon bago ang pagparito ng Anak ng Tao [tingnan sa D at T 24:19]. Simula noon, libu-libong mga Elder ng Israel ang isinugo sa daigdig para mangaral ng Ebanghelyo. … Hayaang basahin ng bawat tao ang mga paghahayag sa Aklat ng Doktrina at mga Tipan, na ibinigay sa pamamagitan niya sa kaunting panahong inilagi niya rito sa lupa. Isa ito sa mga pinakadakilang rekord na naibigay ng sinumang tao sa sangkatauhan. Hindi lang iyan, inayos din niya ang mga endowment at marami pang ibang ginawa. Sino ang mag-aakalang sa maikling panahon ng kanyang buhay sa lupa ay makagagawa siya ng higit pa sa ginawa niya? Natanggap ko ang aking endowment sa kanyang mga kamay. Dinala niya ang mga ordenansang ito na ibinigay sa mga Banal sa mga Huling Araw. Sa katunayan, kagilagilalas at kahanga-hanga na ganoon karami ang nagawa niya.12

May pribilehiyo tayo ngayong lumakad sa liwanag ng ibinalik na ebanghelyo.

Itinuturing kong pinagpala ng Panginoon ang sinumang tao na pinaghayagan niya ng ebanghelyo ni Jesucristo, na binigyan niya ng banal na priesthood at awtoridad na mangasiwa sa mga ordenansa ng kanyang bahay. … Ito ang itinuturing kong katayuan natin ngayon; may pribilehiyo tayong lumakad sa liwanag, may pribilehiyo tayong maunawaan at malaman ang katotohanan, na malaman ang paraan kung paano maligtas at madakila sa piling ng ating Ama at Diyos. Nasa katayuan tayo na kaya nating alamin ang kanyang kalooban at kagustuhan, sa pamamagitan ng kanyang mga lingkod, ang mga propeta. Binigyan tayo ng Panginoon ng mga guro at inspiradong mga tao, mga taong binigyang inspirasyon ng Espiritu at ng kapangyarihan ng Diyos; ibinigay sa kanila ang katotohanan at pinagkalooban sila ng karunungan na ituro sa atin sa lahat ng oras ang landas na dapat nating tahakin. Malaking biyaya ito.13

Habang pinag-iisipan ko … ang kalagayan ng sangkatauhan, at tinitingnan ang kaibahan natin sa iba pang mga grupo ng tao, nadarama ko na talagang dapat tayong magpasalamat sa ating mapagpalang Diyos. Milyun-milyon ang pamilya ng sangkatauhan na nagtitipon sa iba’t ibang bahay, sa mga katedral, simbahan at kapilya, para sumamba sa Diyos, pero may isa man lang ba sa mga kongregasyong iyon na sama-samang nagtitipon na nakauunawa sa katotohanan, maliban kung may Elder na Banal sa mga Huling Araw na tinawag na mangaral sa mga tao ng mundo? Nauunawaan ba nila sa pagtitipun-tipong iyon ang mga alituntunin ng ebanghelyong iyon, ang plano ng kaligtasang iyon, ang ebanghelyo ni Jesucristo, sa paraan na mapagkakaisa sila nito?

Ngayon, hindi mapagkakaisa ng Diyos ang mga tao sa gayon karaming uri ng pananampalataya, at sa gayon karaming doktrina, na salungat sa isa’t isa, gaya ng umiiral sa daigdig, ngunit mapalad tayo; nasa atin ang mga alituntunin ng pagkakasundo at pagkakaisa, at sa pagsunod sa mga ito ay mapagkakasundo at mapagkakaisa tayo.

Dahil sa alituntuning ito kung kaya’t napagpapala ang mga Banal sa mga Huling Araw, at nagiging malaya. Naliligtas tayong mabuti sa mga kaguluhan at kalituhan, mga maling doktrina, sa kadiliman, sa pagkakamali at pamahiin na nagpalabo sa ating kaisipan hanggang sa maipamalas ang liwanag sa mga anak ng tao na sila ay nasa kadiliman, dahil ito ang katayuan nating lahat; noong wala pa ang liwanag ay talagang nangangapa tayo sa dilim. Bagama’t tapat tayo, at kahit na maaaring mahikayat ng pinakamabuti at pinakabanal na damdamin, kung hindi naihayag ang kaganapan ng ebanghelyo, ang daigdig ay tulad ng bulag na nangangapa sa paghanap sa dingding [tingnan sa Isaias 59:9–11]. Wala tayong mga Apostol, walang mga Propeta, walang inspiradong kalalakihan na tatayo at magsasabi sa atin kung ano ang dapat nating gawin para maligtas, at daranasin natin ang lahat ng kaguluhan, kalungkutan at kadiliman na gumagapi sa mga anak ng tao habang namumuhay sa maling mga doktrina, maling tradisyon, at huwad na mga guro. …

Napalaya na tayo mula sa mga bagay na ito, inalis na sa atin ang lambong ng kadiliman, at ang liwanag ng walang hanggang katotohanan ay nagsimulang sumikat sa ating isipan. …

Itinuturing ko itong isa sa mga pinakamalaking pagpapalang ibinigay ng Diyos sa mga anak ng tao, ang maituro sa kanila ang malinaw na katotohanan. …

May lalaki o babae ba na nakauunawa ng anumang bagay tungkol sa Diyos o sa kawalang hanggan kung hindi inihayag ni Joseph Smith ang kaganapan ng ebanghelyo? Kaya kong basahin ang mga bagay sa Biblia na ngayon ay pinaniniwalaan at tanggap natin, pero napalilibutan ako ng mga tradisyon ng daigdig at hindi ko maunawaan ang mga ito.

Paulit-ulit na itinuturo sa atin ngayon, ang mga simpleng alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo, ang plano ng kaligtasan— ang paraan ng pamumuhay para makalugdan ng ating Ama sa Langit. Hindi ba’t pinakamalaking pagpapala ito? Kung nauunawaan lamang ng mga taong ito ang kanilang pagpapala hindi sila kailanman malulungkot. Kung nauunawaan lamang ng mga taong ito ang kanilang katayuan at tunay nilang kaugnayan sa Diyos ay tiyak na lubos silang masisiyahan, at matatanto nila na maawain ang ating Ama sa langit at pinagkalooban Niya tayo ng mga dakila at maluwalhating pagpapala.14

Salamat sa Diyos na nabuhay ako sa araw at panahong ito ng daigdig, ngayon na narinig ng aking mga tainga ang tinig ng ebanghelyo ni Cristo.15

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Isaisip ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan mo ang Kabanata o habang naghahanda ka para magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina v–x.

  • Rebyuhin ang kuwento sa mga pahina 1–3. Ano ang kulang sa buhay ni Robert Mason? Ano ang itinuturo ng kuwentong ito tungkol sa Malawakang Apostasiya at ng Panunumbalik ng ebanghelyo?

  • Pag-aralan ang mga pahina 3–6, hanapin ang mga katangian ng totoong Simbahan ng Panginoon. Bakit mahalaga na palaging itatag ang Simbahan sa gayunding paraan?

  • Sang-ayon kay Pangulong Woodruff, ano ang naging sanhi ng Malawakang Apostasiya? Ano ang ilang bunga ng Malawakang Apostasiya? (Tingnan sa mga pahina 4–6.) Paanong nakikita ang mga resulta nito ngayon?

  • Rebyuhin ang mga pahina 6–9, hanapin ang ilan sa mga nagawa ni Propetang Joseph Smith sa Panunumbalik ng ebanghelyo. Paanong naimpluwensyahan ng mga nagawang ito ang inyong buhay?

  • Basahin ang pahayag na nagsisimula sa ibaba ng pahina 7. Paano natin maipakikita na hindi natin ikinahihiya ang ibinalik na ebanghelyo ni Jesucristo?

  • Pansinin ang mga salitang kadiliman at liwanag sa mga pahina 9–11. Ano ang natutuhan ninyo mula kay Pangulong Woodruff sa paggamit niya sa mga salitang ito? Ano ang maaaring wala sa buhay ninyo kung hindi ninyo tinanggap ang ibinalik na ebanghelyo?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Isaias 29:10–14; Amos 8:11–12; Mormon 1:13–14; D at T 128:19–21

Mga Tala

  1. “Leaves from My Journal,” Millennial Star, Mayo 23, 1881, 334–35.

  2. Deseret News: Semi-Weekly, Hulyo 1, 1866, 2.

  3. The Discourses of Wilford Woodruff, seleksiyon ni G. Homer Durham (1946), 24.

  4. Deseret News: Semi-Weekly, Enero 12, 1875, 1.

  5. “The Faith of the Latter-day Saints,” Millennial Star, Hulyo 25, 1892, 478.

  6. Deseret News: Semi-Weekly, Hunyo 13, 1882, 1.

  7. Deseret News, Marso 21, 1855, 10.

  8. Deseret Weekly, Nobyembre 14, 1891, 658.

  9. Deseret News, Setyembre 26, 1860, 234.

  10. Deseret News, Marso 21, 1855, 10.

  11. Deseret News: Semi-Weekly, Nobyembre 25, 1873, 1.

  12. “Discourse by President Wilford Woodruff,” Millennial Star, Mayo 21, 1894, 324–25.

  13. Deseret News, Disyembre 26, 1860, 338.

  14. Deseret News, Enero 6, 1858, 350.

  15. Deseret News: Semi-Weekly, Disyembre 28, 1875, 1.

Joseph Smith’s First Vision

Simula noong Unang Pangitain ni Joseph Smith, “ang ebanghelyo ay lumaganap sa ating panahon sa tunay na kaluwalhatian, kapangyarihan, kaayusan, at liwanag nito.”

Christ and the apostles

“Dinala ni Jesucristo … ang Ebanghelyo sa mga Judio at itinayo ang Kanyang kaharian sa kalipunan nila.”

Prophet Joseph Smith receiving the apostleship

Natanggap ng Propetang Joseph Smith “mula sa mga kamay nina Pedro, Santiago at Juan ang pagka-apostol, at lahat ng nabibilang doon.”