Kabanata 6
Pagtuturo at Pag-aaral sa Pamamagitan ng Espiritu
Kailangan natin ang patnubay ng Espiritu Santo habang pinag-aaralan natin ang ebanghelyo at itinuturo ito sa iba.
Mula sa Buhay ni Wilford Woodruff
Habang naghahanda si Elder Wilford Woodruff para sa kumperensya noong Oktubre 1855, nanalangin siya para humingi ng patnubay. Itinanong niya kung ano ang dapat niyang ituro at ng mga kapatid sa mga tao. Bilang sagot sa kanyang panalangin, natanggap niya ang paghahayag na ito: “Tamuhin ng aking mga tagapaglingkod ang Espiritu Santo at panatilihin ang aking Espiritu sa kanila, at ito ang patuloy na magtatagubilin sa kanila ng ituturo sa mga tao; at tagubilinan sila na panatilihin ang aking Espiritu sa kanila, at mauunawaan nila ang salita ng Panginoon kapag itinuro ang mga ito sa kanila.”1
Taglay ang matibay na patotoo tungkol sa alituntuning ito, madalas simulan ni Pangulong Woodruff ang kanyang mga mensahe sa kumperensya sa pagbanggit sa kanyang hangarin na magturo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Dagdag pa rito, madalas niyang paalalahanan ang mga Banal sa kanilang tungkulin na makinig at matuto sa pamamagitan ng kapangyarihan ding iyon. Minsan sinabi niya, “Tayong lahat ay umaasa sa Espiritu ng Panginoon, sa paghahayag, sa inspirasyon, sa Espiritu Santo, upang maging karapat-dapat tayo na magturo sa mga tao dahil ito ang ating tungkulin. At kung hindi ibibigay ng Panginoon ang Banal na Espiritu sa akin sa hapong ito, tinitiyak ko sa inyong lahat [na] wala kayong gaanong matututuhan mula kay Brother Woodruff.”2
Mga Turo ni Wilford Woodruff
Ituturo lamang natin ang ebanghelyo kapag tayo’y nabigyang-inspirasyon ng Espiritu Santo.
Ako o sinuman ay hindi makapagtuturo sa mga anak ng tao at hindi sila mapalalakas sa Ebanghelyo ni Jesucristo kung wala ang Banal na Espiritu, ang paghahayag, ang inspirasyon ng Makapangyarihang Diyos. Samakatwid, kailangan ko ang pananampalataya ng mga Banal sa mga Huling araw, at ang kanila ring mga panalangin. Kailangan ko ang Espiritu ng Diyos upang tulungan ako, tulad ng bawat taong nagbabalak magturo sa mga tao ng mga bagay ukol sa kaharian ng langit.3
Naniniwala ako na walang tao, dito o sa iba pang henerasyon, ang makapagtuturo at makapagpapalakas sa mga naninirahan sa mundo kung walang inspirasyon ng Espiritu ng Diyos. Bilang mga tao tayo’y nalagay sa mga tungkulin … na nagtuturo, sa lahat ng ating pangangasiwa at paggawa, ng mahalagang kilalanin ang kamay ng Diyos sa lahat ng bagay. Dama natin ang kahalagahan nito ngayon. Alam ko na hindi ako karapat-dapat magturo sa mga Banal sa mga Huling araw o sa daigdig man nang wala ang Espiritu ng Diyos. Hangad ko ito … gayundin ang inyong pananampalataya at mga panalangin, na maituon ang aking isipan sa paraang magiging kapakipakinabang sa inyo. Sa pagtuturo ko sa mga tao, hindi ko hinahayaang sundin ng aking isipan ang anumang paraan maliban kung ito ang sinasabi sa akin ng Espiritu, at ito ang tungkulin nating lahat kapag pinupulong natin ang mga Banal, o kapag ipinangangaral natin ang ebanghelyo.4
Sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Joseph Smith: “At anuman ang kanilang sasabihin kapag pinakikilos ng Espiritu Santo ay magiging mga banal na kasulatan, ang magiging kalooban ng Panginoon, ang magiging kaisipan ng Panginoon, ang magiging salita ng Panginoon, ang magiging tinig ng Panginoon, at ang kapangyarihan ng Diyos tungo sa kaligtasan” [D at T 68:4]. Bakit ganito? Dahil ang Espiritu Santo ay isa sa Panguluhang Diyos, at samakatwid kapag ang isang tao ay nagsasalita sa pamamagitan ng Espiritu Santo, ito ay salita ng Panginoon. Dapat nating hangaring makamtan ang Espiritung ito upang ito’y mapasaatin tuwina at maging alituntunin ng paghahayag sa atin.5
Kailangang patuloy na turuan ang isipan ng mga taong ito, at lahat tayo ay dapat umasa sa Banal na Espiritu at sa Panginoon na magtuturo sa ating isipan mula sa saganang bukal ng katalinuhan na nanggagaling sa Diyos. Ito ay dahil sa hindi tayo makakakuha ng kaalaman sa iba pang panggagalingan para maturuan ang imortal na isipan ng tao.6
Taglay ng tao ang espiritu na mabubuhay magpakailanman, isang espiritu na nanggaling sa Diyos, at kung hindi siya naturuan sa pinanggalingan o kapangyarihang iyon na siyang lumikha sa kanya hinding-hindi siya masisiyahan.7
Kung wala sa atin ang Espiritu Santo wala tayong karapatan na magturo.8
Sa pagtuturo natin ng ebanghelyo, dapat nating alalahanin na ang mga pinakamalinaw at pinakasimpleng katotohanan ang higit na nagpapatibay sa isang tao.
Itinuro sa atin ng mga paghahayag ni Jesucristo na isinilang ang Tagapagligtas sa mundong ito, at sinabi ng Ama na hindi Niya ibinigay sa simula ang kaganapan kundi nagpatuloy Siya nang biyaya sa biyaya hanggang sa tanggapin Niya ang kaganapan at tawagin Siyang Anak ng Diyos sapagkat hindi Niya tinanggap ang kaganapan sa simula [tingnan sa D at T 93:12–14]; dapat ding hangarin natin nang buong kaluluwa sa ganitong paraan na umunlad sa biyaya, liwanag at katotohanan, upang sa takdang panahon ay matanggap natin ang kaganapan [tingnan sa D at T 93:20].
Ang Panginoon ay may maraming dakilang alituntunin na nakahanda para sa atin, at ang mga pinakadakilang alituntunin na ibibigay niya sa atin ay mga pinakasimple at pinakamalinaw. Ang mga unang alituntunin ng ebanghelyo na umaakay sa atin sa buhay na walang hanggan ang pinakasimple ngunit walang hihigit sa kaluwalhatian o kahalagahan nito sa atin. Maaaring sikapin ng mga tao na maipakita ang kanilang talento, natutuhan at kaalaman sa pagsusulat o pangangaral. Maaari nilang subukang ipangaral ang mga hiwaga at ilahad ang bagay na kakaiba, maganda at kahanga-hanga, at gagawin nila ito nang buo nilang lakas, sa espiritu at lakas ng tao nang walang tulong ng Banal na Espiritu ng Diyos. Gayunpaman, hindi mapalalakas ang mga tao at hindi gaanong magbibigay ng kasiyahan ang kanilang pangangaral. Ang pinakamalinaw at pinakasimpleng mga bagay ang higit na nagpapalakas sa atin, kung ituturo ito sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos, at wala nang higit na mahalaga o kapakipakinabang sa atin. Kapag nananahan ang Espiritu sa atin, kapag patuloy itong nananatili sa atin, nililiwanag nito ang ating isipan sa araw at gabi—nasa ligtas tayong daan. 9
Gusto kong sabihin na batay sa pagkakaalam ko sa Simbahang ito ay may nakikita akong kalalakihan na paminsan-minsan ay lumilitaw at nagtatangkang maging mga tagapaglingkod ng Diyos. Sinusubukan nilang ipaliwanag ang mga bagay na hindi nila malalaman, para ipakitang sila’y magaling. Maraming ganito sa panahong ito. Minsa’y isang kilalang Elder ng Simbahan ang nagpunta sa mga tao at nangaral ng ilang alituntunin. Nabalitaan ito ni Joseph at hiniling sa kanya na ipakita sa kanya ang doktrina nang nakasulat. Isinulat niya ito, at nang matapos, binasa niya ito sa Propeta. Tinanong niya si Joseph kung ano ang palagay niya rito. Sabi ni Joseph, “Ito’y magandang sistema, isa lang ang mali rito—.” “Ano iyon, Brother Joseph?” Sabi ni Joseph—“Hindi ito totoo.” Kaya’t sinasabi ko, na minsan ay may tao na dahil sa pagaakalang siya’y magaling, ay nagtatangkang ituro ang mga bagay na wala sa Doktrina at mga Tipan at mga aklat ng Simbahan, at hindi ito totoo. …
… Ipangaral ang katotohanan ayon sa pagkaunawa ninyo nito. Huwag ninyong hulaan ang mga bagay na hindi ninyo alam, sapagkat walang makikinabang dito. Kung makikinig kayo sa maling doktrina, ililigaw kayo ng masasamang espiritu. Alalahanin at sundin ito, at mapapabuti kayo. Manatili sa mga landas ng katotohanan, at magiging mainam ang lahat sa inyo.10
Kapag nagmimiting tayo para pag-aralan ang ebanghelyo, kailangan din natin ang Espiritu tulad ng guro.
Tiwala ako na hindi lamang mananahan ang Espiritu ng Diyos sa mga nagsasalita at nagtuturo … kundi maging sa mga nakaupo at nakikinig.11
Kailangan nating lahat ang inspirasyon ng Makapangyarihang Diyos …, nangangaral man tayo o nakikinig.12
Sinasabi ko sa aking mga kapatid, sikapin natin at ihanda ang ating isipan at puso sa pamamagitan ng pananalangin sa Panginoon, nang sa gayon ay makamtan natin nang sapat ang liwanag ng Espiritu at ang impluwensya ng Espiritu Santo, upang makaunawa at maligtas sa landas ng buhay. At kapag tinanggap natin ang mga turo at payo ng mga tagapaglingkod ng Diyos, alalahanin natin ang mga ito at pahalagahan sa ating puso at ipamuhay.13
Kung nasa atin ang bahagi ng Espiritu ng Diyos na pribilehiyo nating matamasa, at tinutupad ang ating tungkulin, magkakaroon tayo ng patotoo na dapat mapasaatin kapag may inilahad na bagong doktrina, o dating doktrina na ipinaliliwanag pa nang lubos. Sa ganitong paraan makikinabang tayo sa pangangaral ng ating mga kapatid, at mapahahalagahan natin ang mga alituntunin ng buhay na walang hanggan.14
Umaasa ako at dumadalangin na habang nagtitipon tayo ay mapasaatin ang Espiritu ng Diyos at magkaisa ang ating mga puso na para bang iisang tao lang tayo. Mabigkas nawa natin ang ating mga panalangin sa harapan ng Panginoon, mapasaatin ang Kanyang mga biyaya at nawa’y magawa ito ng mga magsasalita sa atin sa pamamagitan ng inspirasyon ng Espiritu Santo at kapangyarihan ng Diyos. 15
Makinig tayo sa [guro], ipagdasal natin siya at manampalataya, at kung ginagawa natin ito matatanggap natin mula sa kasaganaan ng kanyang puso ang mga bagay na kapaki-pakinabang sa atin.16
Kapag tumatayo ang sinuman sa Panguluhan ng Simbahang ito, o ang Korum ng Labindalawa, o sinuman sa mga Elder … para magsalita, nagtitiwala ang mga taong ito sa kanila, at umaasang matatamasa nila ang Banal na Espiritu na sapat para magsalita sila ng mga bagay na magpapasigla sa kanila; halos inaasahan ito ng mga tao. Sasabihin ko rin sa kabilang dako na ang Panguluhan, ang Labindalawa, at ang mga Elder … ay umaasa na mapasa mga tao [rin] ang Espiritu ng Panginoon upang makaunawa sila, at ito’y hinihiling rin, upang maunawaan nila ang sinabi sa kanila tulad ng hinihiling sa mga kapatid na nagsasalita upang ituro ang doktrina, alituntunin, katotohanan at mga paghahayag ni Jesucristo.
Kapag ang isipan ng mga tao ay napasigla at naliwanagan ng kapangyarihan ng Diyos at ng kaloob na Espiritu Santo, at dahil dito’y mapahalagahan nila ang mga alituntunin ng walang hanggang katotohanan at mga paghahayag na ibinigay ng Diyos … ibig sabihin sila’y handa nang makinabang sa mga biyayang ibibigay sa kanila. Sinuman sa inyo na tumanggap ng mga biyayang ito, at palagay ko minsan na itong naranasan ng lahat, ay namangha sa ilang panahon sa kanilang buhay kaya’t nagkaroon ng kaibhan sa kanilang isipan. Nangyari na ito sa akin at palagay ko sa iba rin.
May pagkakataong nabuksan ang kakayahan ng aking pag-una wa sa salita ng Diyos at mga turo ng kanyang mga tagapaglingkod.—Ang pang-unawa ko ay nabuksan at pinasigla ng kapangyarihan ng Diyos at kaloob na Espiritu Santo. Kaya nang makaupo ako rito at marinig ang Panguluhan, at ang mga tagapaglingkod ng Diyos na itinuturo ang alituntunin ng kabutihan, at ang salita ng Diyos sa amin, nadama ko ang lakas, ang kapangyarihan at kahalagahan ng mga walang hanggang katotohanang ito. Inilahad nila ito sa aming mga isipan, bagamat maaaring naituro na sa ibang pagkakataon ang mga katotohanang iyon, subalit naglaho lang at hindi man lang nag-iwan ng gayunding impresyon sa aking isipan.
… Para sa akin ay mahalagang sikaping makamtan ang Espiritu, palakasin ito sa atin at makasama ito para kapag tinuturuan tayo ay handa itong tanggapin ng ating isipan. …
Sasabihin ko sa inyo ngayon na dahil marami sa atin ang tumanggap ng ebanghelyo at natipon kasama ng mga Banal ng Diyos, mahalagang magsikap tayo ngayon, mamuhay sa impluwensya ng Espiritung iyon upang patuloy itong lumakas at gabayan tayo sa ating mga gawain sa mga anak ng tao.—Ngayon kapag nasa tao ang Banal na Espiritu at narinig ang malinaw at mga simpleng katotohanan ng kaligtasan, ang mga ito’y nagiging mas mahalaga kaysa iba pa, at handa siyang isakripisyo ang lahat ng bagay na temporal upang matiyak ang kanyang kaligtasan. Ngunit kapag madilim ang isipan ng mga tao, nawawala sa kanila ang Banal na Espiritu at ang kahalagahan ng ebanghelyong iyon, at hindi nila natatanto ang pribilehiyo at karangalan na mapabilang sa mga Banal ng Diyos …, ni hindi sila mananatiling tapat sa ating Ama sa Langit, at hindi rin nila igagalang ang Kanyang pangalan dito sa lupa ni pahahalagahan ang samahan nila ng mga maytaglay ng banal na priesthood, at samakatwid mapupunta sila sa kadiliman. … Nagtataka at nagugulat tayo kapag napasisigla tayo ng Espiritu ng Diyos at ng mga paghahayag na ibinigay niya sa atin. Kapag naunawaan natin ang kahalagahan ng mga bagay na ito, makikita natin ang epektong idudulot nito sa atin. Hindi lamang magiging handa ang ating mga isipan sa pagpunta sa daigdig ng mga espiritu, kundi ihahanda rin tayo nito sa pagharap sa ating Ama sa Langit.17
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Isaisip ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang Kabanatang ito o naghahanda para magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina v–x.
-
Basahin ang mga pahayag ni Pangulong Woodruff sa unang dalawang talata ng Kabanatang ito (pahina 63). Anong mga kaalaman ang ibinibigay ng mga pahayag na ito tungkol sa kanya? Ano ang mga ibinibigay na kaalaman ng mga ito tungkol sa pagtuturo at pag-aaral?
-
Ano ang natutuhan ninyo sa mga salita ni Pangulong Woodruff tungkol sa pagtuturo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu? (Tingnan sa mga pahina 63, 64–65; tingnan din sa 2 Nephi 33:1–2.) Paano tayo makapaghahanda na tanggapin ang patnubay ng Espiritu Santo kapag nagtuturo tayo?
-
Ano ang mga naranasan ninyo tungkol sa pagtuturo at pagaaral sa pamamagitan ng Espiritu?
-
Rebyuhin ang bahaging nagsisimula sa pahina 65. Bakit mapanganib na magbigay ng kuru-kuro sa mga bagay na hindi natin nauunawaan? Bakit higit tayong napapasigla ng malinaw at simpleng mga katotohanan?
-
Ano ang ilang tungkulin ng mga nag-aaral? (Tingnan sa mga pahina 66–69.) Paano tayo makikinabang na mabuti mula sa aralin o pangaral ng ebanghelyo? Isipin o pag-usapan ang mga paraan kung paano kayo magiging handa na maturuan ng Espiritu.
-
Rebyuhin ang ikaapat na talata sa pahina 67. Sa inyong mga karanasan sa pagtuturo ng ebanghelyo, paano kayo nakinabang sa “pakikinig, panalangin at pananampalataya” ng mga tinuturuan ninyo?
-
Paano makatutulong sa atin ang mga alituntunin sa Kabanatang ito sa pag-aaral natin ng aklat na ito? (Tingnan din sa mga pahina v–x.) Paano maipamumuhay ang mga alituntuning ito habang pinag-aaralan natin at itinuturo ang ebanghelyo sa ating mga tahanan?
Mga Kaugnay na Banal na Kasulatan: Sa Mga Hebreo 4:2; II Ni Pedro 1:21; 2 Nephi 31:3; Alma 17:2–3; D at T 11:18–21; 42:14; 50:13–22; 52:9; 100:5–8