Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 18: Gawain sa Templo: Pagiging Tagapagligtas sa Bundok ng Sion


Kabanata 18

Gawain sa Templo: Pagiging Tagapagligtas sa Bundok ng Sion

Hawak natin ang mga susi ng kaligtasan para sa ating mga ninuno na namatay nang walang ebanghelyo.

Mula sa Buhay ni Wilford Woodruff

Noong Oktubre 1841, pagkabalik agad sa Nauvoo mula sa misyon sa England, dumalo si Elder Wilford Woodruff sa miting kung saan itinuro ni Joseph Smith ang doktrina ng pagtubos sa mga patay. Ito ang unang pagkakataon na narinig ni Elder Woodruff na makatatanggap ang mga buhay na miyembro ng Simbahan ng nakapagliligtas na ordenansa para sa kanilang mga namatay na ninuno. Sabi niya: “Para itong sinag ng liwanag mula sa trono ng Diyos tungo sa aming puso. Nabuksan nitong mabuti ang aming mga isipan.”1 Sabi pa niya: “Para sa akin ang Diyos na nagpahayag ng alituntuning ito sa tao ay matalino, makatarungan at totoo, taglay ang pinakamagagandang katangian at mabuting isipan at kaalaman. Nadama kong hindi pabagu-bago ang kanyang pagmamahal, awa, katarungan at paghatol, at minahal ko nang higit ang Panginoon. … Gusto kong purihin nang lubos ang Diyos nang ilabas ang paghahayag sa amin tungkol sa binyag para sa mga patay. Nadama kong may karapatan tayong magalak sa mga biyaya ng Langit.”2

Pagkarinig sa doktrinang ito, naisip ni Elder Woodruff ang kanyang ina. “Ang unang pumasok sa isip ko,” sabi niya, “ay ako’y may ina sa daigdig ng mga espiritu. Namatay siya noong 14 na buwan ako. Hindi ko nakilala ang [aking] ina. Naisip ko, May kapangyarihan ba akong ibuklod ang aking ina sa aking ama? Ang sagot ay, oo.”3 Kalaunan binanggit niya ang panahong nagkaroon siya ng pagkakataong maipabuklod ang kanyang ina sa kanyang ama: “Magkakaroon siya ng bahagi sa simula ng pagkabuhay na muli, at ito lang para sa akin ay sapat ng kabayaran ng lahat ng pagpupunyagi ko sa buhay.”4 Pinatotohanan din niya ang galak na nadama niya nang isagawa niya ang mga ordenansa sa templo para sa iba pa niyang namayapang kapamilya: “Nagkaroon ako ng biyaya at pribilehiyo na tubusin sa Templo ng ating Diyos ang mga apat na libo sa kaanak ng aking ama’t ina. Sinasabi ko ito dahil isa ito sa ating mga biyaya, ang kaganapan at kaluwalhatian na hindi natin malalaman hangga’t hindi nabubuksan ang tabing.”5

Habang naglilingkod bilang Pangulo ng Simbahan, inilaan ni Wilford Woodruff ang Salt Lake Temple. Sa okasyong iyon hiniling niya sa Panginoon na tulungan ang mga Banal sa pagsisikap nilang tubusin ang mga patay: “Maaari ba ninyong … tulutang dalawin kami ng mga banal na sugo sa loob ng mga sagradong gusaling ito at ipaalam sa amin ang gawaing dapat naming gawin para sa aming mga patay. At, hikayatin ninyo ang puso ng marami pang di nakikipagtipan sa inyo na saliksikin ang kanilang mga ninuno, upang matunton nila ang angkan ng marami sa inyong mga Banal. Idinarasal namin sa inyo na nawa’y pag-ibayuhin ninyo ang naising ito sa kanilang puso, upang sa pamamagitan nito ay makatulong sila sa pagsasagawa ng inyong gawain. Idinadalangin po namin na pagpalain ninyo sila, sa kanilang ginagawa, nang hindi sila magkamali sa paggawa ng kanilang talaangkanan; at bukod pa riyan, hiling namin sa inyo na ihayag sa kanila ang mga bagong mapagkukunan ng impormasyon, at ibigay sa kanila ang mga nakaraang tala, nang di lamang maging tama ang kanilang ginagawa kundi kumpleto rin.”6

Mga Turo ni Wilford Woodruff

Ang Ama sa Langit ay maawain sa lahat ng Kanyang mga anak at hindi pinarurusahan ang mga namatay na hindi nagkaroon ng pagkakataong matanggap ang ebanghelyo.

Kung hindi narinig ng mga patay ang Ebanghelyo, hindi sila ipadadala ng Panginoon sa impiyerno dahil hindi nila natanggap ito. Ang Panginoon ang Ama ng lahat. Siya ay maawain sa lahat. … Milyun-milyong tao ang isinilang, nabuhay at namatay, na hindi kailanman nakita ang mukha ng propeta sa kanilang buhay; hindi kailanman nakakita ng taong tinawag ng Diyos at may karapatang mangasiwa sa isa mga ordenansa sa Bahay ng Diyos. Parurusahan ba sila ng Diyos dahil hindi nila natanggap ang ebanghelyo? Hindi.7

Ang Diyos ay hindi nagtatangi ng mga tao; hindi Siya magbibigay ng mga pribilehiyo sa isang henerasyon at ipagkakait ito sa iba. Ang buong mag-anak ng tao, mula kay Amang Adan hanggang sa ating panahon, ay kailangang magkaroon ng pribilehiyo, saan man, na marinig ang ebanghelyo ni Jesucristo. Ang mga henerasyong di nakarinig ng ebanghelyo sa kabuuan, kapangyarihan at kaluwalhatian nito, ay di kailanman papananagutin ng Diyos sa di pagsunod dito. Ni hindi niya sila parurusahan sa pagtanggi sa batas na hindi nila kailanman nakita o naunawaan; at kung naging marapat sila sa kaalamang mayroon sila, mabibigyang-katwiran na sila niyon, at sila ay kailangang maturuan sa daigdig ng mga espiritu.8

Tayo ay magiging mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion sa pagtatayo natin ng mga templo at pagtanggap ng mga nakapagliligtas na ordenansa para sa mga patay.

Marami sa ating mga ninuno, na ngayon ay nasa daigdig na ng mga espiritu, ang hindi kailanman nakakita ng apostol, propeta, o taong binigyang-inspirasyon, at sila ay nakabilanggo. Sina Joseph Smith, Heber Kimball, George A. Smith at libu-libo pang mga elder, ay maaaring mangaral sa mga espiritung iyon, at maaari nilang tanggapin ang mga patotoong ibinahagi ng mga elder; subalit ang mga naniniwala doon ay hindi bibinyagan ng mga elder; wala nang binyag sa daigdig ng mga espiritu, ni pag-aasawa at pagpapakasal.9

Ang ilang tao o mga tao na nabubuhay pa ang dapat gumawa nito para sa kanila; dahil pareho lang ang gagawing pagliligtas sa isang namatay na hindi kailanman nakatanggap ng Ebanghelyo at sa isang buhay pa. At lahat ng mga namatay nang walang Ebanghelyo ay may karapatang asahan ang isang taong buhay na gawin ang gawaing ito para sa kanila.10

Tungkulin nating kumilos at itayo ang mga Templong ito. Itinuring ko ang bahaging ito ng ating gawain bilang misyon na singhalaga ng pangangaral sa mga buhay; maririnig ng mga patay ang tinig ng mga tagapaglingkod ng Diyos sa daigdig ng mga espiritu, at hindi sila makababangon sa pagsisimula ng [unang] pagkabuhay na muli, maliban kung naisagawa ang ilang ordenansa, para sa kapakinabangan nila at alang-alang sa kanila, sa mga Templong itinayo sa ngalan ng Diyos, … May dapat tumubos sa kanila, sa pamamagitan ng paggawa ng mga ordenansang iyon para sa kanila dito sa lupa dahil hindi nila magagawa ito para sa kanilang sarili sa daigdig ng mga espiritu. Para magawa ito, dapat may mga templong paggagawaan ng mga ito, at nais kong sabihin sa inyo, mga kapatid, na ang Diyos ng Langit ang nag-uutos sa ating kumilos at itayo ang mga ito, upang mapadali ang gawain ng pagtubos. Kakamtin natin ang gantimpala kapag tayo’y namatay na. …

… Hindi ako nagtataka sa sinabi ni Pangulong [Brigham] Young na nadama niya na kailangang sabihan niya ang mga Banal sa mga Huling Araw na bilisan ang pagtatayo ng mga Templong ito. Nadama niya ang kahalagahan ng gawain; ngunit ngayong wala na siya, tungkulin nating ipagpatuloy ito, at pagpapalain ng Diyos ang ating mga paggawa at magagalak tayo dito. Ito ang paghahandang kailangan para sa ikalawang pagparito ng Tagapagligtas. Kapag naitayo na natin ang mga Templo na ngayo’y nakaplano na, makikita natin na kailangang magtayo ng iba pa, dahil batay lamang sa laki ng ating pagsisikap sa gawaing ito natin mauunawaan ang lawak ng gawaing dapat isagawa, at ang kasalukuyan ay simula pa lang. Kapag dumating ang Tagapagligtas, libong taon ang ilalaan sa gawaing ito ng pagtubos, at ang mga Templong ito ay makikita sa buong lupaing ito ni Joseph,—sa Hilaga at Timog Amerika—at sa Europa rin at sa lahat ng dako. At lahat ng inapo nina Sam, Chem at Japhet na hindi nakatanggap ng ebanghelyo noong buhay pa sila, ay dapat gawan ng ordenansa sa mga Templo ng Diyos bago maipagkaloob ng Tagapagligtas ang kaharian sa Ama, at sabihing, “Natapos na.”11

Naipakita na sa inyo … ang ilang bagay tungkol sa pagtubos ng ating mga patay, at ang ilang bagay tungkol sa pagtatayo ng mga templo. Ang mga ito, mga kapatid, ay mahahalagang gawain. Ito ang mga ginagawa natin para sa ibang hindi makagagawa nito para sa kanilang sarili. Ito ang ginawa ni Jesucristo nang ialay Niya ang Kanyang buhay para sa ating kaligtasan, dahil hindi natin maililigtas ang ating sarili. May mga ama at ina at mga kaanak tayo sa daigdig ng mga espiritu, at may gawain tayong dapat gawin para sa kanila. Bilang indibiduwal malaki ang malasakit ko sa gawaing pagtubos ng mga patay, gayundin ang aking mga kapatid. Ito ang gawaing dapat nating ipagpatuloy hangga’t may pagkakataon tayo. … Ito ang gawaing nakaatang sa mga Banal sa mga Huling Araw. Gawin ang lahat ng magagawa ninyo sa mga bagay na ito, upang kapag kayo’y mamatay, bibiyayaan kayo ng inyong mga ama, ina, kamag-anak at kaibigan dahil sa ginawa ninyo, at dahil kayo ang naging mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos sa pagtatamo ng kanilang kaligtasan. Makikilala kayo bilang mga Tagapagligtas sa Bundok ng Sion sa pagsasakatuparan ng propesiyang ito [tingnan sa Obadias 1:21].12

Tayo ay nabiyayaan ng kapangyarihan at awtoridad, hawak ang Banal na Priesthood sa utos ng Diyos, na tumayo sa ibabaw ng mundo at iligtas ang mga buhay at mga patay. Kung hindi natin nagawa ito, parurusahan tayo at aalisin sa mundo, at ang Diyos ng Israel ay magpapadala ng mga taong gagawa nito.13

Mga kapatid, isapuso ninyo ang mga bagay na ito. Ipagpatuloy natin ang ating mga rekord sa family history, punan ang mga ito ng impormasyon sa matwid na paraan sa harap ng Panginoon, at isagawa ang alituntuning ito, at ang mga biyaya ng Diyos ay mapasasaatin, at pagpapalain tayo ng mga natubos sa mga araw na darating. Dalangin ko sa Diyos na bilang mga tao ay mabuksan ang ating mga mata, marinig ng ating mga tainga, at maunawaan ng ating mga puso, ang dakila at makapangyarihang gawaing nakaatang sa ating mga balikat, at siyang inuutos sa atin ng Diyos sa langit. Dakila at maluwalhati ang mga alituntuning ito na inihayag sa atin ng Diyos tungkol sa pagtubos ng ating mga patay.14

Sabik na ang mga patay na tanggapin natin ang mga ordenansa para sa kanila, at tinitingnan din mismo ng Diyos ang gawain sa templo nang buong pagmamalasakit.

Malaki ang gawaing kinakaharap natin sa pagtubos sa ating mga patay. Ang gawaing ginagawa natin ay tinitingnan nang may pagmamalasakit ng buong kalangitan.15

Umaasa ang ating mga ninuno na gagawin natin ito. Minamasdan nila tayo nang may labis na pag-aalala, at hangad na matapos natin ang mga templong ito, at gumawa ng ilang ordenansa para sa kanila, upang sa simula ng pagkabuhay na muli ay makabangon sila at matamasa ang mga biyayang tinatamasa rin natin.16

“Lahat ng nangamatay na walang kaalaman sa ebanghelyong ito, na kanilang tatanggapin ito kung sila lamang ay pinahintulutang manatili, ay magiging mga tagapagmana ng kahariang selestiyal ng Diyos, gayundin ang lahat ng mamamatay magmula ngayon, na walang kaalaman dito, na tatangap nito nang buo nilang puso, ay magiging tagapagmana ng kahariang yaon, sapagka’t ako, ang Panginoon, ay hahatulan ang lahat ng tao alinsunod sa kanilang mga gawa, alinsunod sa pagnanais ng kanilang mga puso.” [Dat T 137:7–9.] Gayundin ito sa inyong mga ninuno. Kakaunti lang, kung mayroon man, ang hindi tatanggap ng Ebanghelyo. … Ang mga ninuno ng mga taong ito ay tatanggap sa ebanghelyo.17

Sinabi sa atin ni Pangulong Young, at tunay namang ganoon, na kung magagawa lamang ng mga patay, magsasalita sila sa wikang singlakas ng sampung libong kulog, mananawagan sa mga tagapaglingkod ng Diyos na kumilos at magtayo ng mga templo, gampanan ang kanilang tungkulin at tubusin ang kanilang mga patay.18

Kung alam at nauunawaan [natin] ang damdamin ni Propetang Joseph Smith, at ng kanyang mga kapatid [sa Simbahan] na kasa-kasama niya, at ang damdamin ng milyunmilyong pamilya ng tao na nakabilanggo, hindi tayo maghihinawa. … Magtatrabaho tayo para tubusin ang mga patay.19

Nakatuon sa atin ang mga mata ng kalangitan; ang mga mata ng Diyos mismo, ang mga mata ng bawat Propeta at Apostol sa daigdig ng mga espiritu, ay nakamasid sa inyo, nakamasid sa Priesthood na ito, upang makita kung ano ang ginagawa nila at ano ang gagawin nila. Mas mahalaga ito kaysa nalalaman at nauunawaan natin. Ating alamin ang kahalagahan ng mga ordenansa sa Bahay ng Diyos at gawin ang ating tungkulin, nang tayo’y mabiyayaan.20

Kapag nagkita-kita tayo ng ating mga ninuno sa daigdig ng mga espiritu, ito ay magiging panahon ng galak o panghihinayang, depende sa ginawa natin dito para sa kanila.

Nasa inyo ang kapangyarihan na … tubusin ang inyong mga patay. Marami na sa inyo ang mga nakagawa nito, at umaasa ako na ipagpapatuloy ninyong lahat ito hangga’t may mga patay kayong dapat tubusin. Huwag tigilan ang gawain hangga’t may kapangyarihan kayong pumasok sa Templo. … May libu-libo na akong natubos dito. Nakagawa na ako ng pagbibinyag, pag-oorden, paghuhugas at pagpapahid ng langis, endowment at pagbubuklod para sa kanila, na para bang sila mismo ang gumagawa nito para sa kanilang sarili. Papanaw ako at makikita sila sa kabilang buhay. Papanaw kayo at makikita ang inyong mga kamag-anak.21

Kapag nahimlay na ang aking katawan sa libingan at pumunta na ang aking espiritu sa daigdig ng mga espiritu, magagalak ako at maluluwalhating kasama nila sa simula ng pakabuhay na muli, dahil tinanggap nila ang mga alituntuning ito. “Subalit,” marahil ay sasabihin ninyo, “paano kung nabinyagan ako para sa taong hindi naman tumanggap sa Ebanghelyo?” Kasalanan na nila iyon, hindi sa akin. Ito ang tungkuling nakaatang sa buong Israel, na gampanan nila ang gawaing ito, hangga’t may pagkakataon sila sa lupa.22

Ano ang madarama ko, matapos mabuhay nang matagal, angkin ang mga pribilehiyong makapunta sa templo, kapag pumunta na ako sa daigdig ng mga espiritu nang hindi ginawa ang gawaing ito? Makikita ko ang pamilya ng aking ama, makikita ko ang pamilya ng aking ina, mga ninuno, at nakabilanggo sila; taglay ko ang mga susi ng kanilang kaligtasan pero wala akong nagawa para sa kanila; ano ang madarama ko, o ano ang [magiging] damdamin nila sa akin?23

Ayokong pumunta sa daigdig ng mga espiritu at makita ang aking mga ninunong hindi kailanman nakarinig sa Ebanghelyo, sa kanilang panahon at sa henerasyon, at sasabihin nila sa akin, “Nasa kamay mo ang kapangyarihang kumilos at tubusin ako, at hindi mo ito ginawa.” Ayokong mangyari iyon. Ayokong mangyari iyon sa mga Banal sa mga Huling Araw. Palagay ko, mahusay naman ang ating ginagawa. Mayroon tayong apat na templong itinayo sa mga lambak na ito ng kabundukan [noong 1897], at maayos namang ginagamit ito ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ngunit gusto nating ipagpatuloy ito hanggang sa matubos natin ang lahat ng kaya nating matubos. Kung isasagawa natin ang alituntuning ito, mabibiyayaan tayo nito. Tataglayin natin ito sa simula ng pagkabuhay na muli, kapag ang ating mga ama at ina at ninuno ay babangong kasama natin dahil tinubos natin sila.24

Kung hindi natin gagawin ang hinihingi sa atin sa bagay na ito, parurusahan tayo. Kung gagampanan natin ito, at nakita natin ang ating mga kaibigan sa kahariang selestiyal, sasabihin nila, “Kayo ang aming mga tagapagligtas, dahil may kapangyarihan kayong gawin ito. Ginawa ninyo ang mga ordenansang ito na hiningi ng Diyos sa inyo.”25

Tayo ay tinawag bilang mga Tagapagligtas sa Bundok ng Sion, hangga’t ang kaharian ay sa Panginoon. Maluwalhati ang mga alituntuning ito. Ang maligtas tayo mismo, at maligtas ang ating kapwa, ay napakaluwalhating bagay! Ano ang ginto at pilak, ano ang mga yaman ng mundong ito! Kumukupas ang mga ito kapag ginagamit. Namamatay tayo at iniiwan ang mga ito. Ngunit kung tayo ay may buhay na walang hanggan, kung patuloy tayong mananampalataya at madadaig ang mundo, magagalak tayo kapag tayo’y sumakabilang-buhay na. Nagagalak ako sa lahat ng bagay na ito. Wala ni anumang alituntunin na inihayag ng Panginoon na ikinagalak ko nang higit pa sa pagtubos sa ating mga patay; na makakasama natin ang ating mga ama, ating ina, ating asawa at mga anak sa samahan ng pamilya, sa simula ng pagkabuhay na muli at sa Kahariang Selestiyal. Ito ay maringal na mga alituntunin. Sulit ang bawat sakripisyo para sa mga ito.26

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Isaisip ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang Kabanata o naghahanda para magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan ang mga pahina v–x.

  • Ano ang nadama ni Pangulong Wilford Woodruff nang una niyang marinig ang doktrina ng pagtubos sa mga patay? Ano ang una niyang naisip? (Tingnan sa pahina 202.) Ano ang matututuhan natin sa mga sagot na ito?

  • Sinabi ni Pangulong Wilford Woodruff na ang gawain sa templo para sa mga patay ay kasinghalaga ng gawaing misyonero para sa mga buhay (sa pahina 206). Pag-isipang mabuti o pagusapan ang kahalagahan ng pahayag na ito. Anong mga karanasan ang nagpakita sa inyo ng kaugnayan ng gawain sa templo at gawaing misyonero?

  • Sinabi ni Pangulong Woodruff na kapag tumatanggap tayo ng mga ordenansa para sa mga patay, gumagawa tayo ng gawain para sa iba na “hindi nila magagawa para sa kanilang sarili” (pahina 207). Paano naiimpluwensyahan ang nadarama ninyo ng pagkaunawang ito sa gawain sa templo?

  • Rebyuhin ang bahaging nagsisimula sa pahina 208. Ayon kay Pangulong Woodruff, ano ang nadarama ng ating mga ninuno tungkol sa gawain sa templo? Paano pinahahalagahan ng Diyos Ama ang gawain? Ano ang nadama ninyo habang binabasa ninyo ang pahayag na ito?

  • Rebyuhin ang huling bahagi ng Kabanata, simula sa pahina 209. Isipin ninyo kung ano ang mararamdaman ninyo kapag nakita ninyo ang inyong mga ninuno sa daigdig ng mga espiritu.

  • Paano tayo makapaglalaan ng oras para sa gawain sa templo at family history? Anu-anong mga mapagkukunan ang ibinibigay ng Simbahan sa atin para gabayan at tulungan tayo?

  • Paano makapagpapalakas sa atin ang gawain sa templo at family history? Ano ang magagawa natin para matulungan ang mga kabataan sa Simbahan na makahanap ng galak sa kanilang responsibilidad na tubusin ang mga patay?

Mga Kaugnay na Banal na Kasulatan: I Mga Taga Corinto 15:29; D at T 128; 138

Mga Tala

  1. Deseret Weekly, December 25, 1897, 34.

  2. Deseret News, Mayo 27, 1857, 91.

  3. Deseret Weekly, December 25, 1897, 34.

  4. Deseret Weekly, February 24, 1894, 288.

  5. Deseret Weekly, February 24, 1894, 288.

  6. The Discourses of Wilford Woodruff, pinili ni G. Homer Durham (1946), 341.

  7. Deseret Weekly, April 19, 1890, 562.

  8. The Discourses of Wilford Woodruff, 149.

  9. Deseret News: Semi-Weekly, Mayo 2, 1876, 4.

  10. Deseret News: Semi-Weekly, Mayo 14, 1878, 1.

  11. Deseret News: Semi-Weekly, Marso 26, 1878, 1.

  12. Millennial Star, November 21, 1887, 742–43.

  13. Millennial Star, May 21, 1894, 324.

  14. Millennial Star, May 28, 1894, 341.

  15. Deseret News: Semi-Weekly, Oktubre 18, 1881, 1.

  16. The Discourses of Wilford Woodruff, 150.

  17. Millennial Star, May 28, 1894, 339– 40.

  18. Deseret News: Semi-Weekly, Marso 26, 1878, 1.

  19. Deseret News: Semi-Weekly, Oktubre 26, 1880, 1.

  20. Sa Conference Report, Oktubre 1897, 47.

  21. Deseret Weekly, August 6, 1892, 193.

  22. Deseret Weekly, April 25, 1891, 555.

  23. Millennial Star, May 14, 1896, 309.

  24. Deseret Weekly, December 25, 1897, 34.

  25. Sa Conference Report, Oktubre 1897, 47.

  26. Deseret Weekly, August 30, 1890, 308.

Salt Lake Temple

Ang Salt Lake Temple, inilaan ni Pangulong Wilford Woodruff noong Abril 6, 1893.

Winter Quarters Nebraska Temple

Ang Winter Quarters Nebraska Temple, itinayo sa pinagkampohan ng maraming Banal sa mga Huling Araw noong taglamig ng 1846–47 bago sila naglakbay patungong Salt Lake Valley.

St. George Utah Temple

Ang St. George Utah Temple, kung saan naglingkod si Pangulong Wilford Woodruff bilang temple president.