Panimula
Ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol ay nagpasimula ng seryeng Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan para tulungan ang mga miyembro ng Simbahan na mapalalim ang pagkaunawa nila sa mga doktrina ng ebanghelyo at lalong mapalapit sa Panginoon sa pamamagitan ng mga turo ng mga propeta sa dispensasyong ito. Sa pagdaragdag ng Simbahan ng tomo sa mga seryeng ito, magkakaroon kayo ng koleksyon ng mga sangguniang aklat ng ebanghelyo sa inyong tahanan.
Tampok sa aklat na ito ang mga turo ni Pangulong Wilford Woodruff, na naglingkod bilang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw mula Abril 1889 hanggang Setyembre 1898.
Personal na Pag-aaral
Habang pinag-aaralan mo ang mga turo ni Pangulong Wilford Woodruff, hangarin ang inspirasyon ng Espiritu. Tandaan ang inspiradong pangako ni Nephi: “Sapagkat siya na naghahanap nang masigasig ay makasusumpong; at ang mga hiwaga ng Diyos ay ilalahad sa kanila, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo” (1 Nephi 10:19).
Sa hulihan ng bawat Kabanata, makikita mo ang “Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo.” Ang mga tanong, ideya, at sangguniang ito ng banal na kasulatan ay makatutulong para maunawaan at maisagawa mo ang mga salita ni Pangulong Woodruff. Rebyuhin ang mga ito bago mo simulang basahin ang Kabanata. Pag-isipan ding mabuti ang mga tanong na ito habang ikaw ay nag-aaral:
-
Anong alituntunin ang itinuturo ni Pangulong Woodruff? Ano ang maaari kong matutuhan mula rito?
-
Paano kaya ako matutulungan ng mga turo ni Pangulong Woodruff sa aking personal na buhay? Paano kaya ako matutulungan ng mga turong ito sa aking mga responsibilidad sa tahanan at sa Simbahan?
-
Ano ang dapat kong gawin bilang resulta ng mga bagay na natutuhan ko?
Pagtuturo mula sa Aklat na Ito
Kung ikaw ay nagtuturo sa Relief Society, korum ng mga elder, o sa grupo ng mga high priest, magkakaroon ka ng pagkakataon na magturo mula sa aklat na ito. Makatutulong sa iyo ang sumusunod na mga gabay.
Magpokus sa mga Salita ni Pangulong Woodruff at sa mga Banal na Kasulatan
Iniutos ng Panginoon na tayo ay “wala nang ibang bagay [na dapat ituro] kundi ang mga isinulat ng mga propeta at apostol, at ang yaong mga itinuro sa kanila ng Mang-aaliw sa pamamagitan ng panalangin na may pananampalataya” (D at T 52:9).
Kung minsan ay matutukso kang isantabi ang aklat na ito at maghanda ng mga lesson mula sa iba pang mga materyal. Pero ang tungkulin mo ay tulungan ang iba na matutuhan ang ebanghelyo sa pamamagitan ng mga salita ni Pangulong Woodruff at ng mga banal na kasulatan. Ituon ang bawat lesson sa mga siping binanggit sa aklat na ito at sa kaugnay na mga banal na kasulatan sa hulihan ng bawat Kabanata. Ilaan ang malaking bahagi ng lesson sa pagbabasa at pagtalakay sa mga salita ni Pangulong Woodruff.
Hikayatin ang mga kasali na pag-aralan ang mga Kabanata bago magkita-kita sa araw ng Linggo at dalhin sa simbahan ang aklat. Kapag kaagad silang nakapagbabasa, mas magiging handa sila sa pagsali at pagpapalakas sa bawat isa.
Hangarin ang Patnubay ng Espiritu Santo
Habang nagdarasal ka para humingi ng tulong at masigasig na naghahanda, gagabayan ka ng Espiritu Santo sa iyong mga pagsisikap (tingnan sa Alma 17:2–3; D at T 11:21; 42:14; 88:77–78). Sa pamamagitan ng isang marahan at banayad na tinig sa iyong puso at isipan, tutulungan ka Niyang piliin ang mga sipi mula sa aklat na hihikayat sa iba na pag-aralan at ipamuhay ang ebanghelyo.
Kapag ikaw ay nagtuturo, idalangin na samahan ng kapangyarihan ng Espiritu ang iyong mga salita at mga talakayan sa klase. Sabi ni Nephi, “kapag ang isang tao ay nagsasalita sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, ang kapangyarihan ng Espiritu Santo ang nagdadala nito sa puso ng mga anak ng tao” (2 Nephi 33:1; tingnan din sa D at T 50:13–22).
Maghanda ng Outline ng Lesson
Kapag nagpadama ang Espiritu sa iyo ng mga ideya para sa pagtuturo, isulat ang mga ideyang iyon para matandaan mo ang mga iyon. Bago ka magturo, maghanda ng nakasulat na outline para maisaayos ang mga ideya at makagawa ng lesson plan. Isiping gamitin ang simpleng paraan na ito na may apat na hakbang:
-
Pag-aralan ang Kabanata. Basahin ang Kabanata para maging pamilyar sa mga turo ni Pangulong Woodruff. Sundin ang payo sa ilalim ng “Personal na Pag-aaral,” na nasa pahina v.
-
May panalanging piliin ang mga pahayag na magiging lubos na kapaki-pakinabang sa iyong mga tinuturuan. Minsan pang pag-aralan ang Kabanata. Rebyuhin ang naka-bold na mga subheading, na nagbibigay-diin sa mga alituntuning dapat mong ituro. Hilingin na patnubayan ka ng Panginoon sa pagpili ng mga pahayag na makatutulong na mabuti sa mga miyembro na matutuhan at maisagawa ang mga alituntuning iyon. Dahil ang bawat Kabanata ay naglalaman ng mas maraming impormasyon kaysa tatalakayin ninyo sa loob ng isang pagkikita sa klase, hindi ka dapat maobliga na ituro ang lahat ng alituntunin o gamitin ang lahat ng pahayag.
-
Magpasiya kung paano ituturo ang mga pahayag. Kapag nakapili ka na ng mga pahayag, handa ka nang magplano ng mga paraan ng pagtuturo ng mga ito. May panalanging hangarin ang patnubay ng Espiritu habang ginagawa mo ito. Maghanap ng mga ideya sa “Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo” na nasa hulihan ng Kabanata. Alalahanin na dapat matulungan ng pagtuturo mo ang mga miyembro na maunawaan, talakayin, at isagawa ang mga salita ni Pangulong Woodruff.
-
Sumulat ng outline para maisaayos ang iyong mga ideya. Ang maikling nakasulat na outline ay makatutulong para maisaayos mo ang iyong mga ideya at mapangasiwaan ang lesson. Dapat may tatlong pangunahing bahagi ang iyong outline:
-
Panimula. Maghanda ng maikling panimula para tulungan ang mga miyembro na maipokus ang kanilang pansin sa mga salita ni Pangulong Woodruff.
-
Pagtalakay sa mga turo ni Pangulong Woodruff. Isulat ang iyong mga plano sa pagtuturo ng mga pahayag na napili mo. Maaari mong hatiin ang bahaging ito ng iyong outline batay sa mga alituntunin sa naka-bold na mga subheading ng Kabanata.
-
Katapusan. Maghandang ibuod nang maikli ang mga alituntuning tinalakay mo at magpatotoo tungkol sa mga alituntuning iyon. Maaari ka ring magplano ng mga paraan para imbitahin ang iba na magbahagi ng kanilang mga patotoo.
-
Magsagawa ng Nagbibigay-siglang mga Talakayan
Inihayag ng Panginoon ang mga alituntunin ng epektibong pagtuturo nang sabihin Niyang, “Magtalaga sa inyo ng isang guro, at huwag maging mga tagapagsalita ang lahat kaagad; sa halip magsalita ang isa-isa at makinig ang lahat sa kanyang sinasabi, upang kapag ang lahat ay nakapagsalita na ang lahat ay mapasigla ng lahat, at upang ang bawat tao ay magkaroon ng pantay na pribilehiyo” (D at T 88:122). Ang sumusunod na gabay ay makatutulong sa iyo upang mahikayat at makapagsagawa ng nagbibigay-siglang mga talakayan:
-
Hangarin ang patnubay ng Espiritu Santo. Maaari Niyang ipadama sa iyo na maging partikular sa pagtatanong o kaya’y isali ang partikular na mga tao sa talakayan.
-
Tulungan ang mga kasali na magtuon ng pansin sa mga turo ni Pangulong Woodruff. Ipabasa sa kanila ang kanyang mga salita para masimulan ang talakayan at masagot ang mga tanong. Magalang na ibalik ang talakayan na nagsisimulang lumayo sa paksa.
-
Magpatotoo nang madalas tungkol sa mga katotohanang tinatalakay. Imbitahin ang mga kasali na magbahagi rin ng kanilang mga patotoo.
-
Kung naaangkop, magbahagi ng mga karanasang nauugnay sa mga alituntunin sa Kabanata. Hikayatin ang iba na magbahagi ng mga karanasan kapag hinihikayat sila ng Espiritu Santo na gawin ang gayon.
-
Huwag magsalita nang magsalita. Hikayatin ang iba na ibahagi ang kanilang mga kaisipan, magtanong, at turuan ang isa’t isa.
-
Huwag matakot sa pananahimik matapos magtanong. Kadalasan ay kailangan ng mga kasali ng panahon para makapag-isip o kaya’y titingin sa kanilang mga aklat bago sila magbahagi ng mga ideya, patotoo, at karanasan.
-
Kilalanin ang lahat ng kontribusyon sa talakayan. Makinig nang tapat, at sikaping unawain ang mga komentaryo ng mga kasali. Pasalamatan ang kanilang mga pagsisikap.
-
Kapag nagbabahagi ng ilang ideya ang mga kasali, isiping hilingan ang isang tao na ilista ang mga ideya sa pisara.
-
Huwag putulin ang magandang talakayan sa pagtatangkang talakayin ang buong materyal na inihanda mo. Ang mahalaga ay nadarama ng mga kasali ang impluwensya ng Espiritu at lalo silang nangangako na ipamuhay ang ebanghelyo.
Ang magagandang tanong ay humahantong sa pagkatuto, talakayan, at pagsasagawa. Sa hulihan ng bawat Kabanata sa aklat na ito, makikita mo ang kapaki-pakinabang na mga tanong sa “Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo.” Madalas na sumangguni sa mga tanong na ito. Kung kinakailangan, maaari kang bumuo ng sarili mong mga tanong. Maghanda ng mga tanong na aakay sa mga miyembro na saliksikin, suriin, at isagawa ang mga turo ni Pangulong Woodruff, gaya ng makikita sa ibaba.
-
Ang mga search question ay hihimok sa mga kasali na basahin at talakayin ang mga pahayag ni Pangulong Woodruff. Halimbawa, maaari mong itanong na, “Ano ang maaari nating matutuhan sa payo ni Pangulong Woodruff tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo?”
-
Ang mga analysis question ay aakay sa mga kasali na isiping mabuti ang mga turo ni Pangulong Woodruff at laliman ang kanilang pang-unawa sa mga alituntunin ng ebanghelyo. Halimbawa, matapos sagutin ng mga kasali ang mga search question sa itaas, maaari mong itanong na, “Bakit napakasayang karanasan ang gawaing misyonero?”
-
Ang mga application question ang tutulong sa mga kasali upang makita kung paano sila makapamumuhay batay sa mga turo ni Pangulong Woodruff. Halimbawa, maaari mong itanong na, “Ano ang ilang partikular na bagay na maaari nating gawin para maibahagi ang ebanghelyo?”
Impormasyon Tungkol sa mga Pinagkunan na Binanggit sa Aklat na Ito
Ang mga turo ni Pangulong Woodruff sa aklat na ito ay direktang sinipi sa kanyang mga sermon, nakalimbag na mga lathalain, at mga journal o talaarawan. Sa mga siping mula sa kanyang journal, ginawang makabago ang mga bantas, pagbaybay, ang malalaking titik, at kaayusan ng mga talata. Hindi binago sa iba pang mga pagsipi sa orihinal na mga pinagkunan ang bantas, pagbaybay, ang malalaking titik, at kaayusan ng talata, maliban na lamang kung kinakailangan ang mga editoryal o tipograpikal na pagbabago para mapaganda ang pagbabasa sa mga ito. Dahil dito, maaaring mapansin ninyo ang ilang bahagyang pag-iiba-iba sa teksto. Halimbawa, ang salitang ebanghelyo ay nagsisimula sa maliit na titik sa ilang pagbanggit at nagsisimula sa malaking titik sa iba.
Isa pa, madalas gamitin ni Pangulong Woodruff ang mga salitang tulad ng kalalakihan, lalaki, o sangkatauhan sa pagtukoy sa lahat ng tao, kapwa lalaki at babae. Pangkaraniwan ito sa wikang gamit noong kanyang kapanahunan. Sa kabila ng kaibahan ng makaluma at mas makabagong wika, ang mga turo ni Pangulong Woodruff ay angkop kapwa sa kababaihan at kalalakihan.