Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 19: Pagsunod sa Buhay na Propeta


Kabanata 19

Pagsunod sa Buhay na Propeta

Sa pagsunod natin sa salitang ipinahayag ng Panginoon sa buhay na propeta, makahahanap tayo ng kaligtasan at kaligayahan sa mundong ito at kadakilaan sa susunod na daigdig.

Mula sa Buhay ni Wilford Woodruff

Nasa bahay noon si Elder Wilford Woodruff isang tanghali nang sabihan siya na gusto siyang makausap ni Pangulong Brigham Young sa Church Historian’s Office. Pagkatanggap ng kahilingang ito mula sa Pangulo ng Simbahan “kaagad na pumunta sa opisina1 si Elder Wilford Woodruff,” kung saan naglilingkod siya bilang Assistant Church Historian. Isinulat niya sa kanyang journal kalaunan:

“Pagdating ko roon, sinabi sa akin ni Pangulong Young, ‘May pulutong ka ba [ng mga kabayo]?’ Sabi ko mayroon akong isang pares ng buriko. Tinanong niya kung maaari kong ipamigay ang mga ito. Sandali akong nag-atubili at sinabi, ‘Oho sir, gagawin ko ho ang lahat ng kailangang gawin.’ Pagkatapos ay sinabi niya, ‘May isang pares ako ng matitikas na kabayo na gusto kong ibigay sa iyo dahil nagtatrabaho ka rito.’ Nabigla ako nang husto. Hindi ko inaasahan iyon. Tinanggap ko ang mga kabayo at nagpasalamat, bagama’t hindi ko yata nasabi iyon nang oras na iyon.”2

Nang pumayag si Elder Woodruff na ibigay ang kanyang mga buriko, sinunod lamang niya ang sinabi ni Pangulong Young; hindi siya umasang gagantimpalaan siya sa kanyang ginawa. Gayunman, alam niya ang biyayang dulot ng pagsunod sa buhay na propeta. Ilang buwan bago iyon, ipinahayag niya, “Bubuksan ng Panginoon ang isipan ni Brother Brigham at aakayin siya sa mga alituntuning patungkol sa kaligtasan ng mga taong ito, at hindi natin maaaring isara ang mga isipan natin at sabihing hanggang dito na lang kami at hindi na susunod pa; hindi natin magagawa ito nang hindi sinisira ang ating katayuan sa harapan ng Diyos.”3

Ang pahayag na ito ay nakita sa walang maliw na katapatan niya sa mga Pangulo ng Simbahan nang maglingkod siya bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Nang siya na mismo ang Pangulo ng Simbahan, nagpatotoo siya sa kanyang banal na tungkulin at binigyang-katiyakan ang mga Banal na sila ay laging pamumunuan ng buhay na propeta. Sinabi niya:

“Nang ibigay ng Panginoon ang mga susi ng kaharian ng Diyos, ang mga susi ng Melchizedek Priesthood, ng pagkaapostol, at iginawad ito sa ulo ni Joseph Smith, iginawad Niya ito sa kanyang ulo upang manatili sa mundo hanggang sa pagdating ng Anak ng Tao. Angkop lamang sabihin ni Brigham Young na, ‘Ang mga susi ng kaharian ng Diyos ay narito.’ Nasa kanya ang mga ito hanggang sa araw na mamatay siya. Pagkatapos ay ipinasa ang mga ito sa ulo ng isa pang tao—si Pangulong John Taylor. Hawak niya ang mga susi hanggang sa siya’y mamatay. Pagkatapos, ayon sa kagustuhan ng Diyos, ay ipinasa ang mga ito kay Wilford Woodruff.

“Sinasabi ko sa mga Banal sa mga Huling Araw na narito ang mga susi ng kaharian ng Diyos, at mananatili rin ang mga ito, hanggang sa pagdating ng Anak ng Tao. Ipaunawa ito sa buong Israel. Maaaring nasa aking ulo ang mga ito sa kaunting panahon lamang ngunit pagkatapos nito ay igagawad ito sa ulo ng isa pang apostol, at sa isa pa na susunod sa kanya, at magpapatuloy ito hanggang sa pagdating ng Panginoong Jesucristo sa mga alapaap ng kalangitan.”4

Mga Turo ni Wilford Woodruff

Mula sa panahon ni Adan, ang Panginoon ay nagpadala ng mga propeta para pamunuan ang Kanyang Simbahan at magbabala sa mga naninirahan sa mundo.5

Pinamunuan ng Diyos ang Simbahang ito mula sa simula, sa pamamagitan ng mga propeta at mga taong binigyang-inspirasyon. Pamumunuan niya ang Simbahang ito hanggang sa magunaw ang mundo.5

Ang Diyos ay hindi kailanman nagkaroon ng simbahan o mga tao, sa alinmang panahon sa daigdig, na hindi pinamahalaan at pinangasiwaan sa pamamagitan ng paghahayag. Ang mga buhay na orakulo ng Diyos ay nasa kanila—na mga humawak ng susi ng kaharian, at kailangang makatanggap sila ng paghahayag upang matulungan sila sa kanilang gawain.6

Ang Panginoon kailanman ay hindi humusga sa alinmang henerasyong nalalaman natin hangga’t hindi siya nagpapadala ng mga propeta at mga taong binigyang-inspirasyon upang bigyangbabala ang mga naninirahan sa mundo. Ito ang paraan ng pakikitungo ng Panginoon sa lahat ng tao mula sa mga panahon ni Amang Adan hanggang sa kasalukuyan.7

Sa pamamagitan ng mga buhay na propeta, inihahayag ng Panginoon ang Kanyang nais para sa Simbahan at inaakay tayo sa landas ng buhay na walang hanggan.

Itinuro sa atin ng Panginoon … na hindi mahalaga kung nagsasalita siya mula sa langit sa kayang sariling tinig, o sa pamamagitan ng paglilingkod ng mga anghel, o sa tinig ng kanyang mga tagapaglingkod, kapag naantig ng Espiritu Santo, lahat ng ito ay iisa sa isipan at kagustuhan ng Diyos [tingnan sa D at T 1:38].8

Ang batas ng Diyos ay nasa mga bibig ng mga taong hinirang na mamuno sa atin.9

Kung nasa atin ang bawat paghahayag na ibinigay ng Diyos sa tao; kung nasa atin ang Aklat ni Enoc; kung nasa atin sa wikang Ingles ang di naisaling lamina; kung nasa atin ang mga nakasarang talaan ng Tagapaghayag na si San Juan, at iba pang mga paghahayag, at nakasalansan ang mga ito nang sandaang talampakan ang taas, ang simbahan at kaharian ng Diyos, ay hindi lalago, sa panahong ito o sa alinmang panahon ng daigdig, nang walang mga buhay na orakulo ng Diyos.10

May mga paghahayag tayo. Totoo na ang mga lider ng Simbahang ito mula nang mamatay si Propetang Joseph Smith ay hindi [nagpalabas] ng maraming paghahayag. Si Joseph Smith ay naglabas ng Aklat ng Doktrina at mga Tipan, at ito’y malaking tomo ng paghahayag—isa sa mga maluwalhating talang ibinigay ng Diyos sa tao. Ngunit gusto kong sabihin na hindi nabuhay si Brother Brigham Young nang walang paghahayag. Lagi siyang may paghahayag. Hindi siya makagagawa nang wala ito; hindi siya makapangangaral o makagagawa ang kagustuhan ng Diyos nang wala ito. Ni hindi magagawa ng sinumang taong nasa tungkuling ito. Hindi pahihintulutan ng Panginoon ang sinuman na mamuno sa Simbahang ito maliban kung siya’y pinamamahalaan at ginagabayan ng paghahayag. Tayo ay mahihinang kasangkapan— mahihinang uod ng alabok; ngunit pinili ng Diyos ang mahihina ng sanglibutan upang itatag ang Kanyang Sion, at binigyan Niya tayo ng paghahayag at ipinaalam sa atin ang Kanyang isipan at kagustuhan.11

Kaiba tayo sa daigdig; mayroon tayong pangunahing mapagkukunan na pinagmumulan ng ating liwanag, kaalaman at mga biyaya. … Maaari ninyong kunin ang pinakamamatalinong tao na pinahusay ng talento at pag-aaral at ilagay sila sa Simbahan ng Diyos, at hindi nila kailanman mauungusan ang kanilang mga lider. Mapapalitan ng kahangalan ang kanilang katalinuhan. Bakit? Dahil hindi sila tinawag na mamuno. Kung hindi natutong magbasa kailanman ang isang tao, at tinawag siya ng Panginoon na pamunuan ang simbahan at kaharian ng Diyos, siya ay bibigyan niya ng kapangyarihang gawin ito. Itinuturo sa atin araw-araw ang mga aral na ito, hinihikayat tayong magkaisa, at pag-isahin ang ating mga puso na parang sa iisang tao upang nang ang ating dalangin at gawa ay mapag-isa sa pagsunod sa payo ng ating pinuno.

Aakayin ng Panginoon [ang Pangulo ng Simbahan] kung saan niya nais na papuntahin ito. Alam nating kasama niya ang Diyos at lagi siyang ginagabayan. … Kinakailangang [ang propeta] ang magsabi sa atin kung ano ang tama at mali sa maraming bagay, dahil iyon ang katayuan at tungkulin niya. … Isang perpektong pamamaraan ang nasa pagitan niya at ng Panginoon kung saan siya nagtatamo ng talino, na pinalalaganap sa mga tao sa ibang pamamaraan. Alam natin iyan. Kailangan nating matutuhang gamitin ang kaalamang ito.12

Ang Panginoon kailanman ay hindi ako pahihintulutan o sinupamang tao na nagsisilbing Pangulo ng Simbahang ito na iligaw kayo. Wala ito sa programa. Wala ito sa isipan ng Diyos. Kung tatangkain ko iyon, tatanggalin ako ng Panginoon sa aking tungkulin.13

Umaasa akong tatahakin natin ang landas na inihayag sa atin ng mga tagapaglingkod ng Panginoon, dahil kung gagawin natin ito alam ko na mapapanatag tayo sa mundong ito, at makasisigurong liligaya at dadakilain sa susunod na daigdig. … Kung tayo ay tapat, aakayin nila tayo sa daan ng buhay, at dahil naniniwala tayo sa kanilang mga tagubilin, sa mga turo ng Banal na Espiritu sa pamamagitan nila, mananatili tayo sa ligtas na daan, at makatitiyak na gagantimpalaan.14

Sinasang-ayunan natin ang ating buhay na propeta at ibang mga lider ng Simbahan kung ipinagdarasal natin sila at sumusunod sa kanilang payo.

Ako at ang iba pang kalakihan, ang mga apostol, at lahat ng tinawag na mamuno sa pangalan ng Panginoon ay kailangan ng pananamapalataya at mga dasal ng mga Banal sa mga Huling Araw.15

Habang ako’y nabubuhay nais kong maging totoo at tapat sa aking Diyos at sa mga Banal. Isa sa pinakamalalaking biyaya ng Diyos sa akin ay ang katotohanang kami ng aking mga tagapayo ay mahal ng mga Banal sa mga Huling Araw, at ako’y lubos na napakumbaba sa harapan ng Panginoon dahil dito. Alam namin na kami’y inyong ipinagdarasal. Alam namin na kami’y inyong iginagalang. At kami’y namumuhay sa alituntuning ito. … Ang Panginoon ay “pinili … ang mga bagay na mahihina ng sanglibutan upang hiyain Niya ang mga bagay na malalakas; … at ang mga bagay na walang halaga upang mawalanghalaga ang mga bagay na mahahalaga.” [Tingnan sa I Mga Taga Corinto 1:27–28.] Nadarama natin ang ating mga kahinaan. Ako mismo’y humihiling na sana’y maging mas mabuti akong tao kaysa ngayon. Siyempre pa, nagpupunyagi akong gawin ang pinakamahusay kong magagawa sa aking kahinaan. Hinihiling ko pa ring magawa iyon. Ngunit umaasa ako sa Panginoon at sa mga dalangin ng mga Banal, tulad ng aking mga kapatid na lalaki sa Simbahan.16

Umaasa akong madarama ng lahat ng Banal sa mga Huling Araw na sang-ayunan ang Panguluhan ng Simbahang ito sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya, mga gawa, at dalangin, at huwag silang hayaang pasanin ang lahat ng responsibilidad habang tayo ay lumiligtas sa ating tungkulin. Kung gagawin natin ito, hindi tayo karapat-dapat, hindi tayo karapat-dapat sa katayuan natin bilang mga Elder ng Israel, at mga ama at ina sa Israel. Hayaang gawin ng bawat isa ang bahagi nila sa tungkulin; at kung itatama natin ang ating mga mali, at ilalagay sa ayos ang ating mga sarili, at gagawin ang tama, kung gayo’y makagagawa tayo ng ilang kabutihan, at makakatulong na mapagaan ang pasanin ng mga namumuno. … Napakalungkot para [sa Pangulo ng Simbahan] kapag nakikita niyang walang ingat na tumatahak ang mga tao sa kanilang sariling landas na humahantong sa pagkawasak nila; kapag hindi sila handang pakinggan ang payo at hindi sinusunod ang mga doktrinang itinuturo niya; ngunit kapag nakikita niyang handang pakinggan ng mga tao ang mabubuting payo at nagpupunyaging pabanalin ang kanilang sarili sa harap ng Panginoon, siya ay napalalakas at napasisigla.17

Hindi natin dapat balewalain ang payo ng Pangulo ng Simbahan.

Kapag binigyang-inspirasyon ng Panginoon ang kalalakihan at ipinadala sila sa alinmang henerasyon, pinananagot niya ang henerasyong iyon sa paraan ng pagtanggap nila ng patotoo ng kanyang mga tagapaglingkod.18

Kinakailangang gamitin ng lahat ng miyembro ng Simbahan ang kanilang kakayahang mangatwiran at mag-isip, at unawaing mabuti kung bakit dapat nilang sundin ang landas na ipinakikita sa kanila ng Diyos. Ang matalinong pagsunod ng Kanyang mga Banal ay hangad ng ating Ama sa Langit. Tayo’y binigyan Niya ng kalayaang mamili at kumilos para sa ating sarili, sa ating sariling hangarin, upang magkaroon ng sariling patotoo mula sa Kanya tungkol sa katotohanan ng mga alituntuning Kanyang itinuturo, at pagkatapos ay maging matatag at di natitinag sa paggawa ng lahat ng kailangan para sa kaligtasan.19

Pribilehiyo natin na mamuhay at magkaroon ng Espiritu ng Diyos na magpapatotoo sa katotohanan ng alinmang paghahayag na mula sa Diyos sa pamamagitan ng tinig ng Kanyang propetang namumuno sa Kanyang mga tao. Pangunahing prinsipyo sa akin na kapag ang propetang namumuno ay nagpahayag ng doktrina o alituntunin o nagsasabing “ganito ang sabi ng Panginoon” sinisikap kong tanggapin iyon kahit na salungat ito sa aking nakaugalian o pananaw, na lubos na naniniwala na ihahayag ng Panginoon ang katotohanan sa Kanyang propeta na tinawag Niya upang mamuno sa Kanyang Simbahan bago Niya ito sabihin sa akin. At ang salita ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta ay di mapag-aalinlanganang tunay na batas para sa akin.20

Gusto kong sabihin sa aking mga kapatid sa Simbahan na [ang Pangulo ng Simbahan] ang ating lider, siya ang tagabigay sa atin ng batas sa Simbahan at Kaharian ng Diyos. Siya’y tinawag sa katungkulang ito; tanging karapatan niya ang sabihin sa mga taong ito ang dapat gawin, at tungkulin nating sundin ang payo na ibinibigay niya sa atin ngayon sa mga kapatid sa Simbahan. Tayo, bilang mga tao, ay di dapat na balewalain ang payong ito, dahil sasabihin ko sa inyo sa pangalan ng Panginoon, at naobserbahan ko ito mula nang maging miyembro ako ng Simbahang ito, na walang tao na sumusuway sa payo ng binigyang-awtoridad na mamuno sa mga taong ito, ang umunlad, at walang ganoong tao ang uunlad kailanman.21

Ayon sa sinaunang kaugalian nalaman natin na [ang mga pastol] ay laging nauuna at inihahanda ang daan upang malaman kaagad kung mayroon mang nakaambang panganib at nang maligtas sa oras ang mga tupa. Kapag hinayaang mauna [ang mga tupa] sa pastol, malamang na mahuli sila at mapatay ng mga lobo. Sa oras din na tangkain ng mga tao sa kahariang ito na pangunahan o salungatin ang kanilang mga lider, sa alinmang paraan, mapapahamak sila sa mga mapaminsala.

Ito ang paksang pinag-isipan ko nang lubos, at nagkaroon ako ng kaunting makabuluhang kaalaman sa pagmamasid ko sa paguugali ng mga tao, at sa nakita ko, lagi nang nangyayari na kapag sumalungat ang mga tao sa payo ng kanilang mga lider, … nalalagay sila sa gulo at nagdurusa dahil dito.

Ngayon anumang kaalaman ang natamo ko, sa pagsasaliksik at pag-aaral tungkol sa mga sining at agham ng tao, anumang alituntunin ang maaaring natanggap ko sa aking siyentipikong pananaliksik, kung sasabihin sa akin ng propeta ng Diyos na ang gayong alituntunin, o teoriya na natutuhan ko ay hindi totoo, wala akong pakialam kung ano ang naging ideya ko, dapat kong ituring na tungkulin ko, sa mungkahi ng aking lider na kalimutan ang alituntunin o teoriyang iyon. …

Nakakita ako ng mga tao sa panahon ni Joseph na nagpahayag ng mga alituntunin, at nagbabasa at nagtuturo at nagmumungkahi ng mga teoriya kahit sinasabi ng propeta na “hindi tamang gawin ito, hindi totoo ang mga ito.” Ang mga taong ito ay patuloy pa ring nakikipagtalo, iginigiit ang pinaniniwalaan nila, at nagsusulat upang ipaglaban ang kanilang mga teoriya kapag pinagsabihan na sila ng propeta, at sasabihin pa nila, “hindi kami naniniwala sa teoriya mo, ni sa sistemang sinasabi mo.”

Sa sandaling gawin iyon ng isang tao, sinasalungat niya ang tagapaglingkod ng Diyos na itinalagang manguna sa daan patungo sa buhay at kaligtasan. Ito ang bagay na dapat pakaiwasan ng mga Elder. Sa katunayan napakaraming dakilang bagay na itinuturo sa pagtatayo ng kahariang ito na tila kakaiba sa atin, salungat sa ating tradisyon, at naglalayong subukan ang mga tao. Gumamit si Brother Joseph ng napakaraming paraan upang subukan ang integridad ng mga tao. Nagturo siya ng napakaraming bagay na dahil sa tradisyon ay kinailangan ng panalangin, pananampalataya at patotoo mula sa Panginoon bago paniwalaan ang mga ito ng marami sa mga Banal. …

Tungkol naman sa pagsalungat sa sinumang hinirang na mamuno sa atin, hindi natin dapat gawin ito, at wala akong pakialam kung anuman ang ating damdamin o pananaw sa paksang ito kung ang pag-uusapan ay ang ating mga tradisyon o edukasyon.

Kung may ihahayag man ang Diyos, ihahayag niya ito sa taong namumuno. … Walang ibang plano, walang ibang sistema, na gagabay at mamamahala sa mga tao sa kahariang ito, tanging yaon lamang binuo sa pamamagitan ng mga paghahayag ng Diyos para sa kaayusan ng Kanyang simbahan at kaharian, at ang pinuno ay dapat mamuno, magpayo at mamahala sa lahat ng dispensasyon kung saan ang kagustuhan ng Diyos ay ihahayag sa tao.22

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Isaisip ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang Kabanata o naghahanda para magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina v–x.

  • Anu-anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa kuwento sa pahina 215?

  • Anu-ano ang mga responsibilidad ng mga propeta? (tingnan sa mga pahina 216–19.) Paano ginagampanan ng kasalukuyang Pangulo ng Simbahan ang mga responsibilidad na ito?

  • Rebyuhin ang buong ikatlong talata sa pahina 217. Bakit mas mahalagang mapamunuan ng isang buhay na propeta kaysa ang mag-angkin ng mga talaan ng mga propeta noong unang panahon?

  • Rebyuhin ang buong huling talata sa pahina 218. Paano nakatutulong sa inyo ang katiyakang ito?

  • Ano ang magagawa natin upang masang-ayunan at masuportahan ang Pangulo ng Simbahan? (Tingnan sa mga pahina 219–20.) Isipin kung ano ang personal ninyong ginagawa upang masang-ayunan ang buhay na propeta.

  • Anong payo ang natanggap natin sa kasalukuyang Pangulo ng Simbahan? Ano ang ginawa ninyo upang masunod ang payong iyon? Anu-anong mga biyaya ang natanggap ninyo dahil sa inyong pagsunod?

  • Anong mga babala ang ibinigay ni Pangulong Woodruff sa mga tumatanggi o di pumapansin sa mga salita ng buhay na propeta? (Tingnan sa mga pahina 220–23.)

  • Basahin ang buong ikalawang talata sa pahina 220. Ano ang natutuhan ninyo sa mga katagang “matalinong pagsunod”?

  • Paano natin matuturuan ang mga bata na sumang-ayon sa Pangulo ng Simbahan?

Mga Kaugnay na Banal na Kasulatan: Amos 3:7; Mateo 10:41; I Mga Taga Tesalonica 5:25; Mosias 2:7–9; D at T 21:4–7; 28:6–7; 43:1–3; 107:22

Mga Tala

  1. Journal of Wilford Woodruff, Agosto 26, 1857, Archives of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints.

  2. Journal of Wilford Woodruff, Agosto 26, 1857.

  3. Deseret News, Mayo 27, 1857, 91; mula sa mensaheng ibinigay noong Abril 9, 1857.

  4. Millennial Star, September 2, 1889, 547.

  5. Deseret Weekly, September 5, 1891, 324.

  6. The Discourses of Wilford Woodruff, pinili ni G. Homer Durham (1946), 53–54.

  7. The Discourses of Wilford Woodruff, 223.

  8. Deseret News: Semi-Weekly, Marso 26, 1878, 1.

  9. The Discourses of Wilford Woodruff, 56.

  10. The Discourses of Wilfodrd Woodruff, 53.

  11. Millennial Star, March 5, 1896, 148.

  12. Deseret News, Disyembre 16, 1857, 324–25.

  13. The Discoures of Wilford Woodruff, 212.

  14. Deseret News, Mayo 27, 1857, 91.

  15. Millennial Star, September 2, 1889, 547–48.

  16. Deseret Weekly, September 5, 1891, 324.

  17. Deseret News, Marso 21, 1855, 11.

  18. Deseret News, Hulyo 1, 1863, 1

  19. “An Epistle to the Members of the The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints,” Millennial Star, Nobyembre 14, 1887, 724.

  20. Journal ni Wilford Woodruff, Enero 27, 1860.

  21. Deseret News: Semi-Weekly, Setyembre 20, 1870, 2.

  22. Deseret News, Mayo 27, 1857, 91.

President Woodruff

Si Wilford Woodruff ay naglingkod bilang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw mula Abril 7, 1889, hanggang Setyembre 2, 1898.

sustaining vote

Kapag itinataas natin ang ating mga kamay sa boto ng pagsang-ayon, nangangako tayong “sasang-ayunan ang Panguluhan ng Simbahang ito sa pamamagitan ng [ating] pananampalataya, mga gawa, at dasal.”