Mga Turo ng mga Pangulo
kabankata 16: Pag-aasawa at Pagiging Magulang: Paghahanda sa Ating mga Pamilya para sa Buhay na Walang Hanggan


Kabanata 16

Pag-aasawa at Pagiging Magulang: Paghahanda sa Ating mga Pamilya para sa Buhay na Walang Hanggan

Sa paggabay ng mabubuti at mapagmahal na mga magulang, magkakaisa ang mga pamilya para makatulong sa pagtatatag ng kaharian ng Diyos at pakikibahagi sa lahat ng mga biyaya ng langit.

Mula sa Buhay ni Wilford Woodruff

Sina Wilford Woodruff at Phoebe Whittermore Carter ay ikinasal noong Abril 13, 1837 sa Kirtland, Ohio. Sa buong pagsasama nila, maraming pagsubok ang kanilang tiniis na lalong nagpatindi ng kanilang katapatan sa isa’t isa, sa kanilang mga anak, at sa kaharian ng Diyos. Isa sa mga pagsubok na ito ang nangyari noong taglamig ng 1838, mga limang buwan bago tawaging apostol si Wilford Woodruff. Habang pinangungunahan ni Brother Woodruff ang grupo ng mga Banal upang makipagtipon sa ibang mga miyembro ng Simbahan, nagkasakit nang malubha ang kanyang asawa. Isinalaysay niya kalaunan:

“Noong ika-23 ng Nobyembre, nakaramdam ng matinding sakit ng ulo ang asawa kong si Phoebe, na humantong sa brain fever. Lalong nadagdagan ang paghihirap niya sa araw-araw naming paglalakbay. Napakahirap para sa isang babaeng may karamdaman ang maglakbay sa baku-bakong daan. Malubha rin ang sakit ng aming anak noong panahong iyon.”

Nang sumunod na mga araw, lumala ang kondisyon ni Sister Woodruff, kahit na huminto sila sandali at nakahanap na ng mapagpapahingahan. Ginunita ni Brother Woodruff: “Noong ika-3 ng Disyembre lalong lumala ang sakit ng aking asawa. Buong araw ko siyang inalagaan, at kinabukasan bumalik ako sa Eaton [na kalapit bayan] upang kumuha ng ilang bagay para sa kanya. Tila unti-unti na siyang nanghihina at kinagabihan ay iniwan na ng kanyang kaluluwa ang kanyang katawan, at siya’y namatay.

“Umiiyak na pinalibutan ng mga kapatid na babae ang kanyang katawan habang malungkot akong nakatingin sa kanya. Nagsimulang mapasaakin ang Espiritu at kapangyarihan ng Diyos, [at] sa unang pagkakataon ng pagkakasakit niya, napuno ng pananampalataya ang aking puso, bagama’t siya’y patay na.”

Napalakas sa kanyang pananampalataya, binigyan ni Wilford Woodruff ang kanyang asawa ng basbas ng priesthood. “Ipinatong ko ang aking mga kamay sa kanya,” sabi niya, “at sa pangalan ni Jesucristo nilabanan ko ang kapangyarihan ng kamatayan at ng maninira, at inutusan ito na lumisan kay [Phoebe], at pumasok sa kanyang katawan ang espiritu ng buhay.

“Nagbalik ang kanyang espiritu sa kanyang katawan, at mula sa oras na iyon siya’y gumaling; at nadama naming lahat na papurihan ang pangalan ng Diyos, at magtiwala sa kanya at sundin ang kanyang mga utos.

“Habang nangyayari ang mga ito (ayon sa ikinuwento ng asawa ko pagkatapos nito) nilisan ng kanyang kaluluwa ang kanyang katawan, at nakita niyang nakahiga ang kanyang katawan, at umiiyak ang kababaihan. Tiningnan niya sila at ako, at ang aming sanggol, at habang minamasdan ang tagpong ito, dalawang personahe ang pumasok sa silid. … Sinabi ng isa sa mga sugo na makapipili siya: maaari na siyang mamahinga sa daigdig ng mga espiritu, o, sa isang kondisyon, bibigyan siya ng pagkakataong bumalik sa kanyang katawan at ipagpatuloy ang kanyang gawain sa mundo. Ang kondisyon ay kung sa palagay niya ay mananatili siyang susuporta sa kanyang asawa, at kasamang haharapin ang lahat ng suliranin, pagsubok, hirap at pasakit ng buhay na ipadaranas sa kanyang [asawa] alang-alang sa Ebanghelyo hanggang sa huli. Nang makita niya ang kalagayan ng kanyang asawa at anak sinabi niyang: ‘Oo, gagawin ko ito!’

“Sa sandali ng pagpapasiyang iyon napasaakin ang kapangyarihan ng pananampalataya, at nang basbasan ko siya, pumasok ang kanyang kaluluwa sa kanyang katawan. …

“Noong umaga ng ika-6 ng Dis., sinabi sa akin ng Espiritu: ‘Bumangon ka, at magpatuloy sa inyong paglalakbay!’ at sa pamamagitan ng awa ng Diyos nakayanan ng aking asawa na bumangon at magbihis mag-isa at lumakad papunta sa bagon, at masaya kaming naglakbay.”1

Tapat sa kanyang pangako, sinuportahan ni Sister Woodruff ang kanyang asawa, kahit na kinailangan niyang malayo sa pamilya sa matagal na panahon dahil na rin sa tungkulin bilang Apostol ng kanyang asawa. Noong ika-4 ng Mayo, 1840, habang nasa misyon si Elder Woodruff sa England, pinadalhan niya ito ng sulat, na nagsasabing: “Alam ko na kagustuhan ng Diyos na magtrabaho ka sa kanyang ubasan; kaya nga, sumasang-ayon ako sa kanya sa mga bagay na ito. Hindi ako bumulung-bulong o nagreklamo mula nang iwan mo ako, kundi inaasam ko ang araw na uuwi ka sa piling ng iyong pamilya, na naisagawa ang iyong misyon nang may pagmamahal at takot sa Diyos. Lalagi ka sa piling ko sa pagharap ko sa trono ng Diyos. Kapag humihingi ako ng proteksyon at biyaya para sa sarili ko at mga anak natin, hinihingi ko rin ang mga iyon para sa mahal kong asawa, na malayo sa akin, at nasa ibang bansa, upang mangaral ng kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo.”2

Sa ganyang mga sandali ng paghihiwalay, nagpahayag din ng pangungulila si Pangulong Woodruff, kasama ang pasiyang gagawin ang nais ng Panginoon. Noong Abril 3, 1847, naghanda siya para maglakbay kasama ng unang pangkat ng mga pioneer papuntang Salt Lake Valley. Isinulat niya sa kanyang Journal: “Ngayon lang ako nakadama ng higit na pag-aalala sa mga panahong iniiwan ko ang pamilya ko para magmisyon. Idinasal ko sa Diyos na tulungan Niya ako at ang aking pamilya na muling magkita sa mundong ito sa ubasan ng Panginoon tulad ng mga ginawa niya sa mga naging misyon ko.”3 Apat na araw mula noon minasdan ng kanyang pamilya ang pag-alis niya sa panirahan ng mga Banal sa Winter Quarters, Nebraska. Huminto siya sa tuktok ng palupo na di kalayuan sa lugar na iyon, at tiningnan muli ang kanyang pamilya gamit ang largabista.4

Nagalak si Wilford Woodruff sa pagkaalam na maaaring maging walang hanggan ang kanyang pamilya. Ang katotohanang ito ang nagpalakas sa kanya para matiis ang mga suliranin sa buhay. Sabi niya, “Maraming beses kong naisip na kung maglilingkod ako hanggang maging singtanda ko si Matusalem at bunga niyon ay makakasama ko ang aking pamilya nang maluwalhati sa kawalanghanggang mga daigdig, masusulit ang lahat ng hirap at pasakit ko sa mundong ito.”5 Ang pangako ng buhay na walang hanggan ang umimpluwensya sa pakikitungo niya sa kanyang pamilya. Sa kanyang sulat sa anak na si Blanche, sinabi niyang: “Umaasa tayong mamumuhay na magkakasama magpakailanman matapos ang kamatayan. Palagay ko tayo bilang mga magulang at anak ay dapat kayaning lahat ang pasakit na makakaya natin upang mapasaya ang bawat isa hangga’t buhay tayo upang wala tayong pagsisihan.”6

Mga Turo ni Wilford Woodruff

Ang mga biyaya ng pag-aasawa at pagiging magulang ay higit na dakila kaysa yaman ng mundo.

Ipinaalam sa atin ng Panginoon na ang kasal ay inorden ng Diyos sa tao [tingnan sa D at T 49:15]. Ang institusyon ng kasal, sa ilang komunidad na nababasa natin, ay halos di na tinatanggap. Sinasabing dumarami na ang ganito sa atin. Ang sanhi nito ay walang dudang resulta ng pagyaman at ang pagtanggi ng mga kabinataan sa responsibilidad na magkaroon ng asawa at mga anak. Sa paglipas ng mga simpleng buhay ng naunang panahon, asahan na nating titindi ang ganitong saloobin dahil mapipigilan ang mga kabinataan na mag-alok ng kasal sa mga kadalagahan hangga’t hindi nila sila nabibigyan ng komportableng tirahan tulad ng tinatamasa nila sa piling ng kanilang mga magulang. Ang pagkasanay sa luho rin ng mga kabataang babae ay makapipigil sa kanila para magpakasal sa mga kabataang lalaki. … Dapat maituro sa mga kabataang ito na di kinakailangan ang kayamanan para lumigaya sa buhay may-asawa.7

Kapag ang kababaihan ng Simbahan ay inaalok ng kasal ng kalalakihan, sa halip na itanong na—“Ang lalaki bang ito ay may kongkretong bahay, may pares ng matitikas na kabayo at magarang karwahe?” ang dapat nilang itanong ay—“Siya ba ay maka-Diyos? Nasa kanya ba ang Espiritu ng Diyos? Siya ba ay Banal sa mga Huling Araw? Nagdarasal ba siya? Nasa kanya ba ang Espiritu para maging marapat sa pagtatayo ng kaharian?” Kung oo ang sagot nila sa mga ito, huwag nang isipin pa ang karwahe at kongkretong bahay, tanggapin siya at magpakasal ayon sa batas ng Diyos.8

Tungkulin ng mga kabataang lalaking ito [sa] Sion na pakasalan ang mga kabataang babae ng Sion, at maghanda ng mga tabernakulo [pisikal na mga katawan] para sa mga espiritu ng mga tao, na mga anak ng ating Ama sa Langit. Maghihintay sila ng mga katawan, inorden silang pumarito, at dapat lang na isilang sa lupain ng Sion sa halip na sa Babilonia.9

Makikiusap ako sa mga magulang sa buong Sion na gawin ang magagawa ninyo upang hikayatin ang inyong mga anak na lalaki at babae na lumakad sa mga landas ng kabutihan at katotohanan at samantalahin ang mga oportunidad upang humusay pa sila. Huwag ninyong ituon ang inyong puso sa luho at aktibidad ng daigdig, sa halip ay pag-aralang pahalagahan ang katotohanan na ang matatapat na anak ang pinakapili at dakila sa mga biyaya.10

Ang biyayang inihayag sa atin ng Diyos sa kaayusang patriyarkal ng kasal—ang mabuklod para sa buhay na ito at sa kawalanghanggan— ay hindi napahahalagahan nang sapat.11

Dapat nating pahalagahan ang ating mga pamilya, at ang pagsasama nating lahat, at alalahaning magmamana tayo ng kaluwalhatian, kawalang-kamatayan, at buhay na walang hanggan, at ito ang pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos sa tao [tingnan sa D at T 14:7].12

Sa pamamagitan ng mga turo at halimbawa ng mga magulang, makapaghahanda ang mga anak na maglingkod sa Simbahan at manatiling tapat sa pananampalataya.

Kailanman ay wala akong naging anumang alinlangan sa katotohanan at pinakahuling tagumpay ng gawaing ito. Wala akong alinlangan ngayon. Wala akong alinlangan tungkol sa kahihinatnan ng Sion tulad ng pagkakita ng mga propeta rito, sa kaluwalhatian nito, sa kapangyarihan nito, sa sakop at lakas nito, kalakip ang kapangyarihan ng Diyos.

Tungkol sa mga bagay na ito, ang unang pumasok sa isipan ko at nagpaisip sa akin nang lubos, ay, sino ang tatanggap ng kahariang ito at mananagot rito? Sino ang pagtitiwalaan ng Panginoon na magdadala ng kahariang ito sa pinakahuling tagumpay nito, at ihahanda ito sa kaganapan at kaluwalhatian nito para sa pagparito ng Anak ng Tao? Sa ating mga anak na lalaki at babae. … Ang responsibilidad na ito ay dapat iatang sa kanila, kapag wala na ang kanilang mga ama at matatanda. Para sa akin singliwanag ito ng sikat ng araw na nasa kalangitan. At kapag naiisip ko ito, tinatanong ko sa aking sarili kung ano ang lagay ng ating mga kabataang lalaki at babae? Ginagawa ba natin, bilang mga magulang, ang tungkulin natin sa kanila? Sinisikap ba nilang gawing karapat-dapat ang sarili at naghahanda para sa dakilang tadhana at gawaing naghihintay sa kanila?13

Walang nakaaalam sa atin kung ano ang landas na tatahakin ng ating mga anak. Nagpapakita tayo ng mabubuting halimbawa sa kanila, at sinisikap na turuan sila ng mabubuting alituntunin; ngunit kapag nasa edad na sila na dapat na nilang panagutan ang anumang gagawin nila, may kalayaan silang pumili at kumilos para sa kanilang sarili.14

Sa masigasig nating pangangaral ng Ebanghelyo sa lahat ng bansa, hindi natin dapat kalimutan ang mga tungkuling ipinasa sa atin pagdating sa pagpapalaki ng ating sariling mga anak, ipinapangaral sa kanila, habang bata pa, ang pagmamahal sa katotohanan at kabutihang-asal, at paggalang sa mga sagradong bagay, at pagtuturo sa kanila ng mga alituntunin ng Ebanghelyo.15

Sikapin nating palakihin ang ating mga anak sa pag-aalaga at pagpapayo ng Panginoon (tingnan sa Mga Taga Efeso 6:4). Pakitaan natin sila ng mabubuting halimbawa at turuan sila ng mabubuting alituntunin habang bata pa. Ibinigay sila sa atin ng ating Ama sa Langit; sila ang ating kaharian, sila ang pundasyon ng ating kadakilaan at kaluwalhatian; sila ang mga halaman ng kabantugan [tingnan sa D at T 124:61]. Dapat sikapin nating palakihin sila sa lakas ng Panginoon, at turuan silang magdasal at manampalataya sa Panginoon hangga’t kaya natin, upang kung tayo’y patay na at wala na at sila na ang papalit sa buhay na ito ay tanggapin nila ang dakilang gawain sa mga huling araw at kaharian ng Diyos sa lupa.16

Ang mga nabubuhay sa ilalim ng sibilisadong patakaran, ay tinuturuan ng batas ng kabutihang-asal—ang sampung utos— tinuturuan silang huwag magsinungaling, huwag magmura, huwag magnakaw, sa madaling salita, huwag gawin ang mga bagay na di makadiyos, di banal at di mabuti sa gitna ng lipunan. Kapag ipinapangaral ng mga magulang ang mga alituntuning ito sa kanilang mga anak habang bata pa lagi nilang naiisip ang mga ito, at sa sandaling sumapit ang mga anak sa edad na dapat na nilang panagutan ang ikinikilos nila, maiimpluwensiyahan ng mga pangaral na ito ang kanilang mga kilos habambuhay. Ang mga anak na napangaralan at sinanay nang lubos, ay nabibigla kapag naririnig nilang nagmumura ang mga kasama nila, at ginagamit ang pangalan ng Diyos sa walang kabuluhan, at kung matutuhan man nilang magmura, matatagalan muna bago nila malimutan ang mga unang ipinangaral sa kanila.17

Isang. … malaking biyaya sa mga anak ang magkaroon ng mga magulang na nagdarasal at nagtuturo sa kanilang mga anak ng mabubuting alituntunin, at nagpapakita ng mabuting halimbawa sa kanila. Hindi marapat pagbawalan ng mga magulang ang mga anak sa paggawa ng mga bagay na ginagawa rin nila mismo.18

Kung magpapakita tayo ng mabuting halimbawa sa ating mga anak, at sisikaping turuan sila mula pagkabata hanggang pagtanda; turuan silang magdasal at igalang ang Diyos; turuan sila ng mga alituntuning iyon na magpapalakas sa kanila sa gitna ng lahat ng pagsubok, upang ang Espiritu ng Panginoon ay mapasakanila, … hindi sila madaling maliligaw. Papatnubayan sila ng mabubuting pangaral habambuhay, at anumang alituntuning makaharap nila, hindi nila malilimutan kailanman ang ipinangaral sa kanila.19

Hindi itinutulot ng matatalinong magulang na higit na pahalagahan ang ilang bagay kaysa kanilang pamilya.

Matagal ko nang pinaniniwalaan na desidido ang diyablo na paglayuin ang damdamin ng mga magulang at anak, at pinipilit udyukan at ipasok sa isipan ng mga anak ng mga Banal ang masasamang paniniwala na hahadlang sa pagsunod nila sa mga halimbawa ng kanilang mga ama at ina. …

… Napakahalaga na maging matalinong ama at ina tayo, at matalinong kumilos sa pagtuturo sa mura nilang isipan ng lahat ng mga alituntuning aakay sa kanila sa mabuti, at ipamuhay ang mga alituntunin ng kabutihan at katotohanan. …

… Napakahalagang malaman kung ano ang gagawin upang matamo ang pagmamalasakit at pagmamahal ng ating pamilya na aakay sa kanila sa landas na ikaliligtas nila. Ito ay pag-aaral at gawain na di dapat balewalain ng mga magulang. … Maraming beses na naiisip nating kailangang unahin ang negosyo kaya isinasantabi natin ang mga bagay na ito na hindi naman dapat. Sinumang tao na bukas ang isipan, at nakatuon sa mga gawaing kinakaharap, ay makikita at madarama na ang responsibilidad na nakaatang sa kanya pagdating sa sarili niyang pamilya, at lalunglalo na sa pagpapalaki ng kanyang mga anak, ay napakabigat.

Nais nating iligtas ang ating mga anak, upang makabahagi sila sa lahat ng biyaya na kakamtin ng mga pinabanal, para matanggap nila ang mga biyaya ng kanilang mga magulang na naging matapat sa kabuuan ng ebanghelyo.20

Asikasuhin natin ang ating mga tahanan, at sikapin ng bawat isa na pamahalaan ang kanyang sariling pamilya at ayusin ang kanilang sambahayan.21

Dapat pamunuan ng bawat ama ang kanyang pamilya nang may kabaitan at kabutihan.

Noong bata pa ako at pumapasok sa eskwelahan, may guro ako na laging dumarating na may dalang patpat na mga walong talampakan ang haba, at isa sa mga unang bagay na inaasahan naming mangyayari ay ang mapalo. Sa anumang bagay na ginawa namin na di niya gusto, isang matinding palo ang aabutin namin. Ang anumang palong natanggap ko noon ay hindi nakabuti sa akin. … Ang kabaitan, kahinahunan, at awa ang mas magandang paraan. Nais kong itanim sa isip ng ating mga kabataang lalaki ang alituntuning ito, para maisagawa nila ito sa kanilang buhay. Ang malupit na pamamahala ay hindi mabuti, gamitin man ito ng mga hari, ng pangulo, o ng mga tagapaglingkod ng Diyos. Higit na mabuti ang magiliw na mga salita kaysa sa masasakit na salita. Kung tayo ay may di pagkakasundo, ngunit magiliw at mabait pa rin tayo sa isa’t isa, inililigtas natin ang ating sarili sa malaking problema.

… Pumunta ka sa pamilya kung saan magiliw na pinakikitunguhan ng lalaki ang kanyang asawa at mga anak, at makikita mo na ganoon din ang magiging pakikitungo nila sa kanya. Maraming hinaing ang nakarating sa akin tungkol sa pakikitungo ng mga lalaki sa kani-kanilang asawa. Hindi nila sila binibigyan ng suportang pinansiyal. Hindi nila pinakikitunguhan nang maayos ang kanilang kabiyak. Nalulungkot ako sa lahat ng ito. Hindi ito dapat mangyari. … Dapat tayong maging magiliw sa isa’t isa, gawan nang mabuti ang isa’t isa, at sikaping itaguyod ang kapakanan, interes at kaligayahan ng isa’t isa, lalo na ang ating mga kasambahay.

Ang lalaki ang ulo ng pamilya. Siya ang patriarch ng kanyang sambahayan. … Wala nang tanawin sa mundo ang mas gaganda pa kaysa sa makitang pinamumunuan ng isang lalaki ang kanyang pamilya at tinuturuan sila ng mabubuting alituntunin, at pinapayuhang mabuti. Iginagalang ng mga anak na ito ang kanilang ama, at napapanatag at nagagalak silang magkaroon ng mabuting ama.22

Ang mga turo at halimbawa ng ina ay makaiimpluwensya sa kanyang pamilya sa panahong ito at sa kawalang-hanggan.

Bilang patakaran, itinuturing natin ang ina bilang tagahubog ng ugali ng anak. Para sa akin ang ina ang mas may higit na impluwensya sa kanyang angkan kaysa sinuman. At kung minsan ay naitatanong ito, “Kailan nagsisimula ang pagtuturong ito?” Ang sagot ng ating mga propeta, “Kapag ang espiritu ng buhay na mula sa Diyos ay pumasok sa katawan.” Ang kalagayan ng ina sa oras na iyon ay makaaapekto sa bata sa kanyang sinapupunan at mula sa pagsilang ng bata, at habambuhay, ang mga turo at halimbawa ng ina ang higit na mananaig at gagabay sa batang iyon, at ang kanyang impluwensya ay madarama nito sa panahong ito at sa kawalang-hanggan.23

Sa balikat ninyong mga ina, higit na nakasalalay, ang reponsibilidad ng wastong paghubog ng lakas ng isip at ganda ng paguugali ng susunod na henerasyon, sila man ay mga sanggol, musmos, o kahit husto na sila sa edad. … Hindi dapat palampasin ng sinumang ina sa Israel ang isang araw nang hindi tinuturuan ang kanyang mga anak na magdasal. Kayo mismo ay dapat magdasal, at turuan ang inyong mga anak na gawin din iyon. Dapat palakihin ninyo sila sa ganitong paraan, upang kapag kayo ay namatay na, at sila na ang papalit sa inyo para akuin ang responsibilidad ng dakilang gawain ng Diyos, maisasaisip nila ang mga alituntuning magpapalakas sa kanila sa panahong ito at sa kawalang-hanggan. Madalas kong sinasabi na ang ina ang humuhubog ng isipan ng bata.…

… Ipakita mo sa akin ang isang inang nagdarasal, na dumaan sa mga pagsubok ng buhay nang may panalangin, na nagtiwala sa Panginoong Diyos ng Israel sa kanyang mga pagsubok at suliranin, at iyon din ang landas na tatahakin ng kanyang mga anak. Hindi nila malilimutan ang mga bagay na ito kapag panahon na para sila naman ang maglingkod sa kaharian ng Diyos.24

Ang ating kababaihan … ay may tungkuling dapat gawin sa kani-kanilang asawa. Dapat nilang unawain ang kanyang katayuan at kalagayan. … Bawat maybahay ay dapat maging magiliw sa kanyang asawa. Dapat niya itong aluin at gawin ang lahat ng buting magagawa niya para sa kanya, sa lahat ng kalagayan sa buhay. Kapag nagkakaisa ang buong pamilya, nadarama nila na parang langit na rin dito sa lupa. Ito ang dapat mangyari; sapagkat kapag pinakasalan ng isang lalaki sa Simbahang ito ang isang babae, inaasahang mananatili siya sa kanyang piling sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan. Sa simula ng unang pagkabuhay na muli inaasahang kapiling niya ang kanyang asawa at mga anak bilang isang buong pamilya, at mananatiling gayon magpakailanman at magpasawalang-hanggan. Napakaluwalhating isipin iyon!25

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Isipin ang mga ideyang ito habang pinag-aaaralan ninyo ang Kabanata o naghahanda para magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan ang mga pahina v–x.

  • Ano ang nadama ninyo sa pagsasama ng mag-asawang sina Wilford at Phoebe Woodruff? (Tingnan sa mga pahina 175, 177–79.)

  • Rebyuhin ang payo ni Pangulong Woodruff sa kanyang anak na si Blanche (pahina 179). Pag-isipan o pag-usapan ang ilang partikular na bagay na magagawa ninyo para tuluyang mapasaya ang mga kapamilya.

  • Ano ang inyong nadama nang mabasa ninyo ang payo ni Pangulong Woodruff sa mga kabataan tungkol sa pag-aasawa at pagiging magulang? (Tingnan sa 179–80.) Paano naaangkop sa buhay ng lahat ng miyembro ng Simbahan ang payo na ito?

  • Basahin ang huling tatlong talata sa unang bahagi ng mga turo (mga pahina 180). Sa anu-anong paraan magiging hadlang sa kaligayahan ng pamilya “ang mga luho at aktibidad ng mundo”? Paano natin lalabanan ang gayong mga impluwensya? Paano natin maipakikita sa mga miyembro ng pamilya na mahalaga sa atin ang makasama sila?

  • Basahin ang unang buong talata sa pahina 182. Sa palagay ninyo, ano ang ibig sabihin ng “palakihin ang inyong mga anak sa pag-aalaga at pagpapayo ng Panginoon”? Ano ang ilang bagay na nagawa ninyo para maisagawa ito?

  • Rebyuhin ang buong ikaanim at ikapitong na talata sa pahina 180. Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na magkaroon ng hangaring maglingkod sa Simbahan?

  • Sa pagbabasa ninyo sa payo ni Pangulong Wilford Woodruff tungkol sa pagtuturo sa mga anak, anong partikular na alituntunin ang nakita ninyo? (Tingnan sa mga pahina 180–83.)

  • Rebyuhin ang bahagi na nagsisimula sa pahina 183. Ano ang magagawa ng mga magulang para unahing pahalagahan ang samahan ng pamilya?

  • Anong mga alituntunin ang matututuhan ng mga magulang sa naranasan ni Wilford Woodruff sa kanyang guro noong bata pa siya? (Tingnan sa pahina 183–84.)

  • Ano ang sabi ni Pangulong Woodruff tungkol sa impluwensya ng mga asawa at ama? (Tingnan sa pahina 183–84.) Ano ang sabi niya tungkol sa impluwensya ng mga maybahay at ina? (Tingnan sa mga pahina 184–85.) Paano magtutulungan ang mga mag-asawa sa kanilang mga responsibilidad?

  • Paano nauugnay sa mga lolo’t lola ang mga turo sa Kabanatang ito? Anong mga karanasan ang nagpapakita kung paano magkakaroon ng mabuting impluwensya ang mga lolo’t lola sa kanilang mga apo?

  • Anong mga halimbawa ang nakita ninyo sa mga magulang at lolo’t lola na tumutupad sa kanilang mga tungkulin sa pamilya?

Mga Kaugnay na Banal na Kasulatan: Enos 1:1; Mosias 4: 14–15; Alma 56:45–48; D at T 68:25–31; 93:38–40

Mga Tala

  1. “Leaves from my Journal,” Millennial Star, Oktubre 3, 1881, 638–39.

  2. Sinipi sa Millennial Star, Agosto 1840, 90.

  3. Journal of Wilford Woodruff, Abril 3, 1847, Archives of the Church of Jesus Christ of Latter-Day Saints.

  4. Tingnan sa Journal of Wilford Woodruff, Abril 7, 1847.

  5. Deseret Weekly, August 17, 1889, 226.

  6. Si Wilford Woodruff kay Blanche Woodruff, Setyembre 16, 1894; sinipi sa Daniel H. Ludlow, ed., Encyclopedia of Mormonism, 4 na tomo (1992), 4:1582.

  7. “An Epistle to the Members of the Church of Jesus Christ of Latter-day Saints,” Millennial Star, Nobyembre 14, 1887, 728.

  8. The Discourses of Wilford Woodruff, pinili ni G. Homer Durham (1946), 271.

  9. The Discourses of Wilford Woodruff, 271.

  10. “Y. M. M. I. A. Annual Conference,” Contributor, August 1895, 636.

  11. Deseret News Weekly, Hunyo 26, 1867, 202.

  12. Deseret News: Semi-Weekly, Marso 4, 1873, 3.

  13. Deseret Weekly, August 17, 1889, 225–26.

  14. Deseret News: Semi-Weekly, Hulyo 20, 1875, 1.

  15. Salt Lake Herald Church and Farm, June 15, 1895, 385.

  16. Deseret News: Semi-Weekly, Hulyo 20, 1875, 1.

  17. Deseret News, Pebrero 22, 1865, 162.

  18. “Selfishness,” Juvenile Instructor, Marso 15, 1867, 45.

  19. Deseret News,Disyembre 26, 1860, 338.

  20. Deseret News, Disyembre 26, 1860, 338.

  21. The Discourses of Wilford Woodruff, 264.

  22. Deseret Weekly, June 22, 1889, 823.

  23. Deseret Weekly, August 17, 1889, 225.

  24. Deseret News, Abril 24, 1872, 152.

  25. Deseret Weekly, June 22, 1889, 823.

four generations in President Woodruff’s family

Phoebe Woodruff

Phoebe Woodruff

Apat na henerasyon sa pamilya ni Pangulong Wilford Woodruff. Mula sa kaliwang itaas papunta sa kanan: anak na si Wilford Woodruff Jr., apo na si Wilford S. Woodruff, apo sa tuhod na si Charles W. Woodruff, at si Pangulong Wilford Woodruff.

family home evening

“Sikapin nating palakihin ang ating mga anak sa pag-aalaga at pagpapayo ng Panginoon.”