Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 23: ‘May Isang Puso at Isipan’


Kabanata 23

“May Isang Puso at Isipan”

Kapag tayo’y nagkakaisa sa ebanghelyo, nakahanda tayong tanggapin ang pinakadakilang biyaya ng langit.

Mula sa Buhay ni Wilford Woodruff

Gustung-gusto ni Pangulong Wilford Woodruff ang pakikipagkapatiran ng ibang miyembro ng Simbahan. Marami sa mga nakasulat sa kanyang journal ang kinapapalooban ng pasasalamat dahil sa “diwa ng pagkakaisa at pagmamahalan” na nadarama sa mga miting ng Simbahan.1 Pagkatapos ng isang miting, isinulat niya na dalawa sa mga tagapagsalita ang kailangang umalis para dumalo sa iba pang miting. Nahirapan silang pumunta sa kanilang miting dahil “hindi sila agad makalabas ng bahay, sa dami ng gustong makipagkamay sa kanila.” Tungkol sa miting ding iyon, isinulat niya: “Nasa amin ang Espiritu ng Panginoon. Lumaganap ang pagmamahalan at pagkakaisa sa kongregasyon. Nagalak ako na makitang napakaraming Banal ang nagkasama-sama sa bago at walang hanggang tipan.”2

Umaasa si Pangulong Woodruff na makikita sa lahat ng aspeto ng buhay ang diwang ito ng pagkakaisa na nagmumula sa mga miting. Sa pamamagitan ng kanyang pangangaral sa tao at halimbawa sa araw-araw, hinikayat niya ang mga Banal na magkaisa sa kanilang mga tahanan, sa kanilang mga responsibilidad sa Simbahan, at sa kanilang mga temporal na gawain. Isinulat ni Matthias F. Cowley: “Sa kanyang isipan walang puwang sa Simbahan ang pagtatalo, pag-aalinlangan, at oposisyon. Ang gawain ay sa Diyos—sapat na iyon. May mga hinirang na awtoridad. Sa kanila ipinagkatiwala ang mga responsibilidad sa kaharian. Samakatwid, hindi niya inaalala ang iniisip ng iba na kawalan ng karunungan sa kanila. Hindi siya maramot [sakim]; at ang problema sa pera, sa isip niya, ay hindi kailanman makahahadlang sa mga layunin ng Diyos; at hindi siya nagaalala kung gaano karaming bagay ng mundo ang matatamasa niya. Naibigay na ang maluwalhating mensahe sa mundo, at gusto niyang malaman ng bawat isa ang kahalagahan nito sa pamilya ng tao at maunawaan ang mga biyaya ng kaligtasan sa mga masunurin.

“Hindi sumasali si Wilford Woodruff sa mga pagtatalo. Iniiwasan niya ito, at walang pakialam sa samahan ng mga taong naninira, namimintas, at may personal na hinanakit. Hindi niya kailanman nakitang mahalaga ang mga ito. Hindi mahirap para sa kanya na sumang-ayon sa kanyang mga kapatid. Makatwiran siya sa kanyang mga hinihiling, wala siyang pansariling hangarin, at hindi nag-aatubili kapag may mahalagang bagay na gagawin. Siya’y tapat sa Propeta, tapat sa kanyang mga kapatid.”3

Mga Turo ni Wilford Woodruff

Naghahari ang pagkakaisa sa mga miyembro ng Panguluhang Diyos at sa kahariang selestiyal.

Sinabi ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol noon at sa mga Apostol sa ating panahon na: “Sinasabi ko sa inyo, maging isa; at kung hindi kayo isa kayo ay hindi sa akin.” [D at T 38;27.] “Ako at ang Ama ay iisa.” [Juan 6:38.] May isang alituntunin na nauugnay rito na palagay ko ay napakahalaga sa atin bilang mga tao at bilang isang Simbahan dito sa mundo. Sa lahat ng pagkakahati, at kawalang- kasiyahan, at pag-aaway at paglalaban ng mga kapangyarihan sa mundo, o ng inihayag mula sa langit, hindi ko kailanman narinig na inihayag sa mga anak ng tao na may anumang pagkakahati sa pagitan ng Diyos Ama, Diyos Anak at Diyos Espiritu Santo. Sila’y nagkakaisa. Palagi silang nagkakaisa. Palagi silang magiging isa, mula sa kawalang-hanggan hanggang sa kawalang-hanggan. Ang ating Ama sa Langit ang namumuno, dahil Siya ang May-akda ng kaligtasan ng mga anak ng tao, at lumikha at naglagay ng mga tao sa mundo at nagbigay ng mga batas sa mga naninirahan sa daigdig.4

Si Jesus ay kaisa ng Ama. Sabi Niya: “Sapagka’t bumaba akong mula sa langit, hindi upang gawin ko ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.” [Juan 6:38]. Ang pagkakaisang ito ay hindi kailanman nasira sa pagitan ng Ama at ng Anak. Ang unang paghahayag na ibinigay kay Joseph Smith ay tungkol sa Ama at Anak. Nabuksan ang langit, at ang Ama, kasama ang Kanyang Anak, ay nagpakita kay Joseph, bilang sagot sa kanyang panalangin, at itinuro Niya ang Kanyang Anak at sinabing, “Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak; pakinggan siya.” [Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:17.]5

May kahariang selestiyal, kahariang terestiyal, at kahariang telestiyal. May kaluwalhatian ng araw, kaluwalhatian ng buwan, at kaluwalhatian ng mga bituin; at dahil ang isang bituin ay naiiba sa ibang bituin sa kaluwalhatian, gayundin ang pagkabuhay na maguli ng mga patay [tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:41–42]. Sa kahariang selestiyal ng Diyos ay may pagkakaisa, may samahan.6

Sino, gamit ang paghahambing, ang umaasang magkakaroon ng 16 na hektarya ng lupa nang nag-iisa sa kaharian ng Diyos, o sa langit, kapag naroon na tayo? Walang dapat umasa rito, sapagkat sa kahariang iyon, sa langit o lupa, masusumpungan natin ang pagkakaisa, at hinihingi ng Panginoon sa ating mga kamay na magkaisa tayo, ayon sa mga alituntunin ng Kanyang selestiyal na batas.7

Dapat makiisa ang mga propeta sa mga miyembro ng Panguluhang Diyos, at dapat hangarin ng lahat ng miyembro ng Simbahan ang gayunding pagkakaisa.

Sa pagbabasa ng kasaysayan ng pakikitungo ng Diyos sa mga tao, mula sa Biblia, Aklat ni Mormon, at Doktrina at mga Tipan, makikita natin na, mula sa panahon ni Amang Adan, ay naghanda ang Panginoon ng uri ng kalalakihan, sa bawat dispensasyon, na pinagkakalooban Niya ng Kanyang Priesthood, at binibigyan Niya ng kapangyarihan at awtoridad na gawin ang Kanyang gawain sa ibabaw ng lupa sa mga anak ng tao. At nasa kalalakihang ito ang mga alituntunin ng pakikiisa sa Diyos, sa Anak ng Diyos, at sa Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo ay ibinigay kay Amang Adan; siya’y napuspos nito nang, sa kanyang mga huling araw, ay binasbasan niya ang kanyang mga anak na mga High Priest at ang natitira sa kanyang angkan [tingnan sa D at T 107:53–56].

Sina Amang Adan, Enos, Moises, Noe, Abraham, Isaac at Jacob, at lahat ng patriarch at propeta noon ay inuutusang makiisa sa Diyos. Kailangan nilang hanapin ang Panginoon, sapagkat kung wala sa kanila ang ganitong pakikipag-isa, hindi sila karapat-dapat na gumanap sa kanilang tungkulin. Sila’y umaasa sa Panginoon para sa paghahayag, para sa liwanag, at tagubilin para magkaroon ng kapangyarihan na isagawa ang mga kautusan ng Diyos. Ang pakikipag-isang ito na hiningi ng Panginoon sa mga sinaunang patriarch at propeta, na hiningi ni Jesus sa Kanyang mga Apostol, ay hiningi kay Joseph Smith at sa kanyang mga kapatid. Ito’y hinihingi sa lahat ng Banal ng Diyos mula noong itatag ang mundo hanggang ngayon.8

Natanto ko na ang Panguluhan ng simbahang ito ay nakagitna sa mga taong ito at sa Panginoon, sapagkat sila ang namumuno at nauunawaan ko na inihahayag ng Diyos sa kanila ang kanyang kalooban, at samakatwid umaasa tayo sa kanila para sa liwanag at impormasyon. Ang mga lider ng Simbahan ay maaaring puno ng liwanag, inspirasyon, paghahayag at ng isipan at kalooban ng Diyos, subalit kung ang mga lider na pumapangalawa sa awtoridad sa kanila, at kung tayo mismo ay pabaya sa ating mga tungkulin, at hindi karapat-dapat na tumanggap ng liwanag na iyon, hindi ba ninyo nakikitang ito ay tulad ng ilog na nahaharangan sa pinagmumulan nito? Walang ibang paraan sa pagpaparating ng liwanag at kaalaman sa mga miyembro ng Simbahan.

Natanto ko na tungkulin ng lahat ng taong ito, hindi lamang natin na maytaglay ng priesthood, na magpakumbaba at manampalataya sa Panginoon upang matamo natin ang mga biyaya na nakahanda para sa atin. Matatamo natin ang lahat ng liwanag, kaalaman, pananampalataya, katalinuhan at kapangyarihan na mahalaga sa ating kaligtasan sa pamamagitan ng pagpapakumbaba, pagsunod at pagpapaubaya sa kagustuhan ng Diyos. Dapat nating gawin ito nang sa gayon maging handa ang ating isipan at maging marapat ang ating katawan sa pagtanggap ng Espiritu Santo, upang ang Espiritu ng Diyos ay malayang makadaloy sa ating buong katawan mula ulo hanggang paa. Pagkatapos kapag ganito ang nangyari pareho ang makikita natin, pareho ang madarama natin at magiging magkakatulad. Magiging iisa tayo kapag tinutukoy ang ebanghelyo at kaharian ng Diyos, tulad ng pagiging isa ng Ama at Anak. Pagkatapos, makikita na ng mga taong ito ang kalagayan at ugnayan na iniuukol natin sa isa’t isa at sa Diyos, at madarama natin ang kahalagahan ng paggawa ng ating mga tungkulin at nakahanda tayong sumulong at pagbutihin ang ating panahon, gamiting mabuti ang ating talento at kamtan ang mga biyayang ibibigay ng Panginoon sa atin. Ngunit hindi ba ninyo nakikita na kung natutulog at tamad ang mga tao at hindi isinasagawa ang kanilang mga pribilehiyo, at ang Espiritu ng Diyos ay nagsisimulang dumaloy mula sa mga lider ng Simbahan patungo sa mga miyembro ay kaagad itong nahahadlangan at nahaharangan?

Matutukoy natin ang alintuntuning ito sa pamamagitan ng simbahan at kaharian ng Diyos, at madadala ninyo ito sa pamamahala ng pamilya. … Ito’y tulad ng baging sa mga sanga nito, sa mga tangkay nito [tingnan sa Juan 15:1–11]. Napakagandang simbolo nito para maituro sa atin ng alituntunin ng kabutihan.

Para makapaghanda tayo na gawin ang kagustuhan ng Diyos at maging karapat-dapat na itayo ang Kanyang kaharian dito sa lupa, at isakatuparan ang kanyang mga layunin, hindi lamang tayo dapat magkaisa at kumilos na may isang puso, kundi kailangan nating makamtan ang Espiritu ng Diyos at ang isipan at kalooban ng Diyos sa atin, at mapamahalaan at mapamunuan nito sa lahat ng ating ginagawa at ikinikilos upang maging ligtas at matiyak ang ating kaligtasan.9

Nagdudulot ng lakas ang pagkakaisa.

Sa palagay ko hindi na kailangang pagtalunan pa para patunayan na ang pagkakaisa ay kalakasan, at ang nagkakaisang tao ay may kapangyarihan na hindi taglay ng watak-watak na mga tao.10

Dapat tayong magkaisa at manindigan sa gitna ng oposisyon na darating sa atin.11

Hindi inorden sa masasama na magkaroon ng kapangyarihan na gawan tayo ng masama, kung tayo’y nagkakaisa.12

Ang Babilonia ay maaaring mahati; ang mga naninirahan sa mundo ay maaaring magkawatak-watak kung gugustuhin nila; subalit tatanggapin nila ang bungang idudulot ng pagkakawatakwatak na iyon, at matatanggap nila ito sa buong kasaysayan. Maraming lungsod at bansa na nawasak ng paghatol ng Diyos kapag ito’y hinog na sa kasamaan, tulad ng nangyari sa Sodoma at Gomora, sa Babilonia, Nineve, Tiro at Sidon, at sa marami pang ibang malalaking lungsod at bansa noong una. Hindi uunlad ang mga Banal ng Diyos kung hindi sila magkakaisa.13

Sa pagdami ng simbahan, at sa pagkakatatag ng kaharian ng Diyos, ang kahalagahan ng pagkakaisa sa mga miyembro nito ay lalo pang ipinakikita. Tunay na mahalagang hindi lamang hanggang sa salita ang pagkakaisa, kundi totohanang magkaisa ang puso at kaluluwa sa lahat ng panguluhan, konseho, at branch ng simbahan ni Cristo. Ito ay upang maisakatuparan ang mga layunin ng Diyos sa pagtatatag ng Sion, o sa pagtatamo ng mga biyayang iyon na pribilehiyo nilang makamtam. Sapagkat, umasa kayong mga Banal ng Kataastaasan, na sasara ang kalangitan sa sinumang panguluhan, korum, konseho, o branch na hindi nagkakaisa ang puso at damdamin. Sila’y mananatiling ganito, at ang mga biyaya ay hindi ibibigay hangga’t hindi naaalis ang masama; sapagkat hindi kailanman ibubuhos ng Panginoon ang mga pinakadakilang biyaya ng langit, at ang priesthood at mga kaloob ng ebanghelyo [maliban] sa alituntunin ng pagkakaisang iyon na hinihingi ng selestiyal na batas ng Diyos. … Sa pamamagitan lamang ng pagkakaisa ng mga Banal ng Diyos, sa huling dispensasyong ito, magagawa ang pagtatatag ng Sion, at ang kaharian ng Diyos sa lupa, ay maihahanda para sa pakikipag-isa sa kaharian ng Diyos sa langit. Sa ganitong paraan ang gayunding pagkakaisa na nagbibigkis sa hukbo ng langit ay aabot at lalaganap sa mga taong masunurin sa mga kautusan ng Diyos.14

Dapat nagkakaisa tayo sa ating doktrina, sa ating gawain sa kaharian ng Diyos, at sa ating pagmamahal sa isa’t isa.

Doktrina

Nagagalak ako tuwina kapag nakikita kong nauunawaan ng aking kapwa ang katotohanan sa pamamagitan ng pagsunod sa ebanghelyo tulad ng itinuturo ng mga tagapaglingkod ng Panginoon. Kapag nagpabinyag ang mga tao at natanggap ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, tinatanggap din nila ang katotohanan, ang liwanag na natanggap natin. Dahil dito tayo’y nagiging isang puso at isang isipan, at sinusunod ang inspirasyon ng Espiritu Santo, pati na ang Kanyang ebanghelyo. Sa pangangaral ng ebanghelyo at pangangasiwa sa mga ordenansa sa bahay ng Panginoon, ang diwa ng inspirasyon ng Langit ay sumasa mga taong nangangasiwa, at ito’y mananatili sa kanila, kung sila’y tapat, sa lahat ng tungkulin sa buhay.

Kapag naririnig ko ang mga kapatid na binabanggit ang mga pakikitungo ng Diyos sa kasalukuyang henerasyon, nakikita kong nagkakaisa ang kanilang isipan; iisa ang kanilang patotoo; lahat sila’y samasang-ayon sa kanilang patotoo. Nagkakaisa sila sa pagsasabing magtatagumpay ang gawain ng ating Panginoong Diyos sa lahat ng kalaban nito.15

May isang partikular na bagay na nauugnay sa pangangaral ng ebanghelyo: Maaari kayong magsugo ng isang libong elder at lahat sila’y magtuturo ng iisang doktrina. Silang lahat ay gagawa para itatag ang iisang Simbahan, sila’y magkakaisa; sapagkat ang kanilang pananampalataya, ang kanilang mga doktrina, at ang organisasyon ng Simbahan ay naipaalam lahat sa kanila sa pamamagitan ng mga paghahayag ng Diyos. Dahil dito, magkakaisa sila tungkol sa mga alituntunin ng ebanghelyo. … Ang ating pagsasama at pagkakaisa ng damdamin ay kinapapalooban ng isa sa hayag na kagandahan ng organisasyon ng kaharian ng Diyos.16

Paggawa sa Kaharian ng Diyos

Kailangan nating itayo ang kahariang ito sa pamamagitan ng pagkakaisa at matapat na pagsunod sa mga taong itinalagang mamuno sa atin, dahil kung hindi tayo’y magkakawatak-watak; ang mga biyaya ng Diyos ay kukunin sa atin kung mag-iiba tayo ng landas.17

Tungkulin ko na makiisa sa Diyos, tulad ng isang mahinang kasangkapan sa mga kamay ng Diyos. Tungkulin kong humingi ng kapangyarihan sa Diyos. At kapag nasa akin na ito, dapat kasama kong manindigan ang aking mga tagapayo. Dapat iisa ang aming puso at isipan sa lahat ng bagay, temporal at espirituwal, na dumarating sa amin sa paglilingkod sa Simbahan at kaharian ng Diyos. At nagpapasalamat ako na ganito ang sitwasyon mula nang matawag ako sa tungkuling ito, o mula pa sa pagkakatatag ng Panguluhang ito ng Simbahan. Nakikiisa sa amin ang Labindalawang Apostol. Tungkulin nila na maging isa sa puso at isipan. Wala silang karapatan na di ito gawin. Hindi sila maaaring maiba at umunlad sa harapan ng Diyos. Dapat na kaisa namin sila, at tayo rin sa kanila. May mga karapatan sila; may kalayaan silang pumili. Subalit kapag sinabi ng Panguluhan ng Simbahan sa kahit sino sa kanila na, “Ito ang salita ng Panginoon,” o, “Ito’y tama,” dapat nila itong tanggapin nang lubusan at tumulong sa atin. Hinihingi ng batas ng Diyos ang pagkakaisang ito sa ating mga kamay. Tungkulin din ng mga pitumpu, na makiisa sa Labindalawang Apostol. Ang mga pitumpu ay tinatawag ng mga apostol na humayo at gumawa sa ubasan ng Panginoon, at sila’y nagtutulungan. Gayundin, mga kapatid, sa bawat organisasyon ng Simbahang ito. Dapat may pagkakaisa. Dapat walang pagtatalo, walang di-pagkakasundo. Kung mayroon nito, hindi masisiyahan ang Panginoon, at tayo’y nahahadlangan sa ating gawain.18

Saanmang dako sa ibabaw ng lupa nakikita natin ang epekto ng di-pagkakaisa. Kung mas watak-watak ang mga bansa, komunidad, pamilya, o grupo ng mga tao sa anupamang gawain sa ilalim ng langit, mas kakaunting kapangyarihan ang taglay nila para maisakatuparan ang anumang layunin o alituntunin na maiisip nila; at kung mas nagkakaisa sila, maging ukol man sa batas o sa iba pang gawain, mas malaki ang kapangyarihan nila na maisakatuparan ang nais nila. Makikita nating lalo pang nagiging watak-watak ang mga tao sa mundo sa araw-araw, at ang masasamang resulta nito ay nakikita saanman. Tayo’y tinatawag upang itatag ang Sion, at hindi natin maitatatag ito hangga’t hindi tayo nagkakaisa; at sa pagkakaisang iyon, kailangan nating isakatuparan ang mga kautusan ng Diyos sa atin; at kailangang sundin natin ang mga itinalagang mamuno at mangasiwa sa mga gawain ng Kaharian ng Diyos. …

… Ang mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo na inihayag sa ating panahon ay siyang kapangyarihan ng Diyos tungo sa kaligtasan ng lahat ng naniniwala, kapwa Judio at Gentil, sa panahong ito ng mundo tulad din ng iba pa. Kung tayo’y magkakaisa sa pagsasakatuparan ng payo na ibinigay sa atin, mapaglalabanan natin ang bawat kasamaang madaraanan natin, matatatag ang Sion ng Diyos, at mailalagay ang ating sarili na ligtas dito.19

Pagmamahal sa isa’t isa

Maging mabait sa isa’t isa. Huwag siraan ang isa’t isa. … Magtulungan.20

Dapat ay walang kasakiman sa panig ng sinuman sa isang pamilya,—“Wala akong pakialam kung ano ang mangyayari basta makuha ko lang ang gusto ko.” Ito’y kasakiman, ito’y nagbubunga ng di pagkakaisa at taliwas sa patotoo ng isang banal ng Diyos. Dapat tayong magtrabaho, bawat isa sa atin, para maalis sa ating puso ang gayong damdamin, at tayo, sa ating pamilya, ay dapat sikaping isulong ang pangkalahatang interes ng mga miyembro nito.21

Kung ang ating relihiyon ay hindi umaakay sa atin na mahalin ang ating Diyos at ang ating kapwa at makitungo nang makatarungan at tapat sa lahat ng tao, kung gayon ang ating pagpapatotoo rito ay walang kabuluhan. Sinasabi ng apostol na:

“Kung sinasabi ng sinoman, Ako’y umiibig sa Dios, at napopoot sa kaniyang kapatid, ay sinungaling; sapagka’t ang hindi umiibig sa kaniyang kapatid na kaniyang nakita, ay paanong makaiibig siya sa Dios na hindi niya nakita?” [I Ni Juan 4:20.]

Higit nating maipakikita ang ating pagmamahal sa ating Diyos sa pamumuhay ng ating relihiyon. Walang kabuluhan ang pagsasabing minamahal natin ang Diyos samantalang nagsasalita o gumagawa naman tayo nang masama sa Kanyang mga anak. Ang mga sagradong tipan na ginawa natin sa Kanya ay mahigpit na nag-uutos sa atin ng mga tungkulin natin sa isa’t isa; at ang malaking tungkulin ng relihiyon ay turuan tayo kung paano isasagawa ang mga tungkuling iyon upang makapagdulot ng napakalaking kaligayahan sa ating sarili at sa ating kapwa. Kapag tinutupad natin ang mga obligasyon sa ating relihiyon, hindi tayo magsasalita o gagawa nang makasasakit sa kapwa natin. Kung mamumuhay ang mga Banal sa mga Huling-araw na tulad ng nararapat, at ayon sa itinuturo ng kanilang relihiyon na gawin nila, wala tayong ibang madarama kundi pagmamalasakit at pagmamahal ng isang kapatid. Walang puwang sa atin ang paninirang- puri at pagsasalita nang masama; subalit ang kapayapaan at pagmamahal at kabutihan ay maghahari sa ating buong puso at tahanan at pamayanan. Tayo ang magiging pinakamaligayang tao sa balat ng lupa, at mananahan sa atin at sa lahat ng pagmamay- ari natin ang biyaya at kapayapaan ng langit.

Kung may kalungkutan at matinding pagkainggit at pag-aaway at poot sa ating kalipunan, ito’y namamayani dahil hindi natin sinusunod ang relihiyong pinaniniwalaan natin. Hindi ito ang mga bunga ng relihiyong ito. Saanman may ganitong kasamaan, kailangang pagsisihan ito.

Bilang mga Banal sa mga Huling Araw, nakaugalian na nating lahat ang pagtanggap ng sakrament minsan sa isang linggo. Kung ang mga turo ng Panginoon, na sa Siyang inaalala natin kaya’t isinasagawa natin ang banal na ordenansang ito, ay sinusunod, walang sinumang nagkasala na papayagang makibahagi nito hangga’t hindi siya nakikipagkasundo. Maliwanag na iniuutos ng Panginoong Jesucristo na walang sinuman na makikibahagi ng Kanyang laman at dugo nang hindi karapat-dapat [tingnan sa 3 Nephi 18:28–32]. Wala nang maiisip pang mas perpektong sistema kaysa rito para maiwasan ang pagkakaroon ng masamang damdamin at pagkakasala sa mga kapatid. Kung ginagawa ng mga Banal ang kanilang tungkulin, ang mga problema ay malulutas bago dumating ang araw ng Panginoon kung saan nagtitipon sila para kumain at uminom bilang pag-alaala sa Kanya.22

Pinapayuhan ko ang lahat ng Banal, na may pagkakaisa nating sundin ang mga sinabi ng ating Panginoon na nakatala sa ika-12, ika-13 at ika-14 na mga talata sa [ika-15 Kabanata] ng Juan—kung mahal natin ang isa’t isa tulad ng pagmamahal ni Cristo sa atin, madali nating malulutas ang mga problemang dumarating sa atin. Mapapatawad natin ang isa’t isa at mapuspos tayo ng awa, at ang liwanag, pagmamahal, kagalakan, pagkakaisa at kapatiran ay magdudulot ng katatagan sa ating panahon, magiging mas mainam ito sa paningin ng Diyos, mga anghel, at tao, kaysa mahabang pagtatalo sa mga walang kabuluhang bagay dahil sa pagkakamali ng ating mga kapatid.23

Dapat tayong maging isa sa puso at isipan, at huwag pabayaan ang anumang bagay na temporal o espirituwal na magpahiwalay sa atin sa pagmamahal ng Diyos at tao.24

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Isaisip ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang Kabanatang ito o naghahanda para magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina v–x.

  • Rebyuhin ang unang talata sa pahina 261. Ano ang mga karanasan ninyo na katulad nito?

  • Sa paanong paraan “isa” ang Ama sa Langit, si Jesucristo at ang Espiritu Santo? (Tingnan sa mga pahina 263–64.)

  • Sa paanong paraan kaisa ang mga propeta sa mga miyembro ng Panguluhang Diyos? (Tingnan sa mga pahina 264–65.) Paano natin matatamo ang gayong pagkakaisa? (Tingnan sa mga pahina 265–66.)

  • Rebyuhin ang mga pahina 264–66. Hanapin ang mga puna ni Pangulong Woodruff tungkol sa 16 na hektaryang lupa, isang ilog, at isang baging. Ano ang matututuhan natin sa mga analohiyang ito?

  • Basahin ang unang talata sa pahina 267. Anong mga karanasan ang nagpakita sa inyo na “ang pagkakaisa ay kalakasan”?

  • Pag-isipan o talakayin ang iba’t ibang pinagmulan, ugali, interes, talento, at tungkulin ng mga miyembro sa inyong ward, branch, o pamilya. Sa palagay ninyo, paano magkakaisa sa kabutihan ang mga taong iyon?

  • Ano ang ilang biyayang natatanggap natin kapag nagkakaisa tayo sa kabutihan sa ating tahanan? sa mga organisasyon ng Simbahan? Ano ang ilang ibubunga ng di-pagkakaisa sa tahanan at simbahan?

  • Ano ang mga inilaang materyal ng Simbahan para tulungan tayo na maging isa sa doktrinang itinuturo natin? Ano ang magagawa natin para matiyak na ang itinuturo natin ay kaisa sa mga turo ng mga propeta sa huling araw?

  • Bakit imposibleng sabihin nating mahal natin ang Diyos samantalang galit naman tayo sa ating kapatid? (Tingnan sa pahina 270.)

  • Pag-aralan ang buong pangalawang talata sa pahina 271. Paano tumutulong sa atin ang sakrament para magkaisa?

Mga Kaugnay na Banal na Kasulatan: Mga Awit 133:1; Mosias 18:21; 3 Nephi 11:28–29

Mga Tala

  1. Journal of Wilford Woodruff, Hunyo 21, 1840, Archives of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints; tingnan din sa Journal of Wilford Woodruff, Abril 2, 1841; Abril 5, 1841; Pebrero 16, 1845; Hulyo 20, 1845; Agosto 31, 1845; Marso 26, 1847.

  2. Journal of Wilford Woodruff, Pebrero 16, 1845.

  3. Wilford Woodruff: History of His Life and Labors as Recorded in His Daily Journals (1964), 70.

  4. Deseret Weekly, August 30, 1890, 305.

  5. Deseret Weekly, August 30, 1890, 305 – 6.

  6. Deseret Weekly, August 30, 1890, 305.

  7. The Discourses of Wilford Woodruff, pinili ni G. Homer Durham (1946), 83.

  8. Deseret Weekly, August 30, 1890, 305.

  9. Deseret News, Pebrero 4, 1857, 379.

  10. The Discourses of Wilford Woodruff, 172.

  11. Deseret Weekly, March 23, 1889, 391.

  12. Deseret Weekly, June 22, 1889, 824.

  13. Deseret Weekly, August 30, 1890, 305.

  14. “Union,” Millennial Star, Nobyembre 15, 1845, 168.

  15. Deseret News, Hunyo 26, 1861, 130.

  16. The Discourses of Wilford Woodruff, 135.

  17. Deseret News, Mayo 13, 1857, 76.

  18. The Discourses of Wilford Woodruff, 89.

  19. Deseret News: Semi-Weekly, Mayo 25, 1867, 3.

  20. Deseret Weekly, October 22, 1892, 548.

  21. Deseret News: Semi-Weekly, Setyembre 20, 1870, 2.

  22. “An Epistle to the Members of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints,” Millennial Star, Nobyembre 14, 1887, 729–30.

  23. “To the Officers and Members of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints in the British Islands,” Millennial Star, Pebrero 1845, 142.

  24. Salt Lake Herald Church and Farm, June 15, 1895, 385.

grape vines

Sa pagbibigay-diin na kailangang magkaisa, inihalintulad ni Pangulong Wilford Woodruff ang Simbahan at samahan ng pamilya sa “baging sa mga sanga nito, sa mga tangkay nito.”

First Presidency in 1894

Ang Unang Panguluhan noong 1894. Mula kaliwa pakanan, Pangulong George Q. Cannon, Unang Tagapayo; Pangulong Wilford Woodruff; at Pangulong Joseph F. Smith, Pangalawang Tagapayo.