Pagpapalakas ng Pananampalataya kay Cristo
Mula sa isang mensaheng ibinigay sa seminar para sa mga bagong mission president sa Provo, Utah, noong Hunyo 23, 2011.
Napakarami nating magagawa upang mapalakas at mapaunlad ang kaloob na pananampalataya na natatanggap natin sa pamamagitan ng Banal na Espiritu
Ibinigay ni Apostol Pablo ang marahil pinakamagandang pakahulugan ng pananampalataya: “Ngayon, ang pananampalataya ay siyang kapanatagan sa mga bagay na hinihintay, ang katunayan ng mga bagay na hindi nakikita” (Sa Mga Hebreo 11:1). Idinagdag ni Alma na ang mga bagay na inaasahan at hindi nakikita ay “totoo” (Alma 32:21).
Ang pananampalataya kay Jesucristo ay ang paniniwala at katiyakan sa (1) Kanyang katayuan bilang Bugtong na Anak ng Diyos, (2) Kanyang walang hanggang Pagbabayad-sala, at (3) Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli—at lahat ng nakapaloob sa pangunahing katotohanang ito para sa atin.
Isinama ni Pablo ang pananampalataya sa listahan niya ng mga espirituwal na kaloob (tingnan sa I Mga Taga Corinto 12:9). Ang pananampalataya ay tunay na dumarating sa pamamagitan ng Espiritu, subalit tulad ng nakasaad sa Bible Dictionary, “Bagama’t ang pananampalataya ay isang kaloob, dapat pa rin itong pangalagaan at hangarin hanggang sa lumaki ito mula sa maliit na binhi at maging isang matibay na puno.” Napakarami nating magagawa upang mapalakas at mapaunlad ang kaloob na pananampalataya na natatanggap natin sa pamamagitan ng Banal na Espiritu.
Dumarating ang Pananampalataya sa Pakikinig sa Salita ng Diyos
Ang unang pagkadama ng pananampalataya kay Jesucristo ay dumarating sa pamamagitan ng pakikinig sa salita ng Diyos—ang ebanghelyo ni Jesucristo. Kapag ang katuruang iyan ay ibinigay at tinanggap sa pamamagitan ng Espiritu Santo, ang “Espiritu ng katotohanan” (tingnan sa D at T 50:17–22), ang binhi ng pananampalataya kay Cristo ay naitanim na. Itinuro ito ni Pablo sa mga Taga Roma nang ipaliwanag niya na ang lahat ay maaaring makatanggap ng kaloob na pananampalataya: “Ang [pananampalataya’y] nanggagaling sa pakikinig, at ang pakikinig ay sa pamamagitan ng salita ni Cristo” (Mga Taga Roma 10:17). Sa madaling salita, dumarating ang pananampalataya sa pakikinig sa mensahe na siyang salita, o ebanghelyo, ni Cristo.
Sa paglalarawan niya ng ministeryo ng mga anghel, sinabi ni Mormon na palaging dumarating ang pananampalataya sa pakikinig sa ebanghelyo:
“Ang katungkulan ng [ministeryo ng kanilang mga anghel] ay tawagin ang tao sa pagsisisi, at na tuparin at isagawa ang mga tipan ng Ama na kanyang ginawa sa mga anak ng tao, upang ihanda ang daan sa mga anak ng tao, sa pamamagitan ng pagpapahayag ng salita ni Cristo sa mga piling sisidlan ng Panginoon, upang sila ay magpatotoo tungkol sa kanya.
“At sa pamamagitan ng paggawa nang gayon, inihahanda ng Panginoong Diyos ang daan upang ang nalalabi sa mga tao ay magkaroon ng pananampalataya kay Cristo, upang ang Espiritu Santo ay magkaroon ng puwang sa kanilang mga puso, alinsunod sa kapangyarihan niyon; at alinsunod sa ganitong pamamaraan pinapangyayari ng Ama, ang mga tipang kanyang ginawa sa mga anak ng tao” (Moroni 7:31–32).
Sa atas na “magpatotoo sa kanya,” ang mga misyonero ay tinatawag, itinatalaga, at binibigyan ng kapangyarihan sa ilalim ng mga susi at awtoridad ng mga apostol. Samakatwid sila ay ibinibilang sa “mga piling sisidlan ng Panginoon.” Sa madaling salita, bilang mga awtorisadong sugo ng Panginoon, sa kanilang pagtuturo at pagpapatotoo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, ituturo nila ang pananampalataya kay Cristo sa mga kaluluwa ng mga nakikinig sa kanila.
Ang salita na ating inihahayag, ang salita na lumilikha ng pananampalataya kay Cristo, ay ang ebanghelyo, o mabuting balita, ni Jesucristo. Ibig sabihin, ang magandang balita ay hindi sa kamatayan nagwawakas ang buhay at ang pagkahiwalay natin sa Diyos ay pansamantala lamang. Mayroon tayong Tagapagligtas, si Jesucristo, ang banal na Anak ng Diyos, na dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala ay nadaig ang kamatayan at impiyerno upang ang lahat ay mabuhay na muli at ang lahat ng magsisisi at mabibinyagan sa Kanyang pangalan ay magkakaroon ng lugar sa makalangit na kaharian ng Diyos magpakailanman.
Ang Pananampalataya ay Dumarating sa Pamamagitan ng Pagsisisi
Mahalaga ang ginagampanan ng pagsisisi sa pagpapalakas ng pananampalataya kay Cristo. Ang pagtanggap sa salita ni Cristo ay lumilikha ng pananampalataya na kailangan sa pagsisisi, at ang pagsisisi naman ay nagpapalakas sa lumalaking pananampalataya. Sinabi ni Mormon, “At winika [ni Cristo]: Magsisi kayong lahat na nasa mga dulo ng mundo, at lumapit sa akin, at magpabinyag sa aking pangalan, at magkaroon ng pananampalataya sa akin, upang kayo ay maligtas” (Moroni 7:34).
Halimbawa, ang isang matalinong misyonero ay makikipagsanggunian at mananalangin kasama ang kanyang kompanyon, naghahangad ng inspirasyon hinggil sa pagsisisi na dapat sundin ng bawat investigator. Paplanuhin ng mga misyonero ang kanilang pagtuturo nang ayon dito. Mapanalangin nilang pagpapasiyahan kung anong paanyaya o mga paanyaya ang ibibigay nila sa bawat pagbisita nila sa investigator. Bubuuin nila ang kanilang mga lesson ayon sa ginawang pag-anyaya, tinutukoy ang mga doktrina na kailangan ng investigator upang tanggapin ang kanilang paanyaya.
Ang mga misyonero ang magpapasiya kung paano ituturo ang mga doktrinang iyon upang maipaunawa nila ito nang napakalinaw at magkaroon ng pananalig ang taong iyon. Magpaplano sila ng mga paraan upang magamit ang lahat ng resources na makukuha nila, kabilang ang pagtulong ng mga miyembro sa investigator na tuparin ang kanyang pangako na kumilos nang ayon sa alituntunin o kautusang itinuro. Ang ganitong uri ng pagtuturo at pagpapatotoo ng misyonero ay paraan para matulungan natin ang isang investigator na maakay sa pagsisisi.
Ang Pananampalataya ay Dumarating sa Pamamagitan ng mga Tipan
Ang isa pang mahalagang bagay sa pagsisisi ay ang binyag sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig, na simula ng pagtataglay natin sa ating sarili ng pangalan ni Cristo. Nabanggit sa maraming talata sa mga banal na kasulatan ang “magpabinyag tungo sa pagsisisi” o “bautismo ng pagsisisi” (tingnan sa Mga Gawa 19:4; Alma 5:62; 7:14; Moroni 8:11; D at T 35:5–6). Kinikilala sa mga talatang ito ang doktrina na ang binyag sa tubig ay ang huli o mahalagang hakbang sa pagsisisi. Ang pagtalikod sa kasalanan, lakip ang ating tipan na maging masunurin, ang bumubuo sa ating pagsisisi; sa katunayan, hindi nalulubos ang pagsisisi kung wala ang tipang iyan. Dahil dito nagiging karapat-dapat tayo para sa kapatawaran ng mga kasalanan dahil sa biyaya ni Jesucristo sa pamamagitan ng binyag ng apoy o Espiritu (tingnan sa 2 Nephi 31:17). Bukod rito, ang tipan ng binyag ay para sa hinaharap at gayundin sa nakaraan: tuwing magsisisi tayo nang taos-puso, ang tipang iyan ay napaninibago at muli tayong nagiging karapat-dapat para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan.
Ano ang kinalaman ng mga ordenansang ito at ng mga tipang kaakibat nito sa pagpapalakas ng pananampalataya? Ang pananampalataya kay Cristo ay kailangang-kailangan sa pagpasok sa banal na mga tipan, at ang mga tipan din ay nagpapalakas sa pananampalataya ng isang tao na hindi makakamtan sa ibang paraan. Sa pamamagitan ng tipan, itinulot ng Diyos ng langit na matali ang Kanyang sarili sa bawat isa sa atin (tingnan sa D at T 82:10). Hangga’t tinutupad natin ang ating mga tipan sa Kanya, obligado Siyang bigyan tayo ng lugar sa Kanyang kaharian at, lakip ang mas mataas na mga tipan, ay pagkalooban ng kadakilaan sa kahariang iyan. Siya ay Diyos na nagtataglay ng lahat ng kapangyarihan at hindi nagsisinungaling. Dahil diyan, maaari tayong manampalataya nang walang hanggan na tutuparin Niya ang Kanyang mga pangako sa atin. Sa pamamagitan ng mga tipan natin sa Diyos, magkakaroon tayo ng malakas na pananampalataya kay Cristo na sapat upang matulungan tayo sa anumang mga hamon o pagsubok, nalalaman na tiyak na maliligtas tayo sa huli.
Mapalalaki ang Pananampalataya
Ang sinabi ko tungkol sa pagpapalakas ng pananampalataya kay Cristo ng mga tinuturuan ng mga misyonero ay angkop sa ating lahat. Dahil sa Espiritu nagkaroon tayo ng pananampalataya kay Cristo nang marinig natin ang salita ng Diyos na itinuro ng Kanyang tinawag na mga lingkod, kapwa buhay at patay. Sa pagsalig natin sa pundasyong iyan, lalakas ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng pagdarasal nang may pananampalataya na naging bahagi na ng ating buhay sa araw-araw—at kung minsan ay bahagi ng bawat oras ng ating buhay.
Ang patuloy na pagpapakabusog sa mga salita ni Cristo sa Aklat ni Mormon at iba pang mga banal na kasulatan ay nagdaragdag at nagpapalalim ng pananampalataya na nagsimula sa pakikinig sa salita. Ang pagsisisi na nag-ugat sa pananampalataya ay lumalakas pa kapag nagiging lubos ang pagsunod. Ang pagsisisi ay nagpapalakas sa bisa ng binyag sa tubig at ng Espiritu na nagdudulot ng kapatawaran sa mga kasalanang nagawa hindi lamang bago ang binyag kundi pagkatapos din ng binyag. Ang paglilingkod sa ating kapwa na katulad ng kay Cristo ay mahalagang bahagi ng pagtupad ng tipan na nagpapalakas sa pananampalataya kay Cristo. Sa pagdaan ng panahon natutuklasan natin na ang mga ipinangakong pagpapala sa pagsunod sa Diyos ay nakamtan natin sa ating buhay at napatibay at napalakas ang ating pananampalataya.
Ang Pananampalataya ay Alituntunin Din ng Kapangyarihan
Ang inilalarawan ko hanggang sa puntong ito ay ang antas ng pananampalataya na kinapapalooban ng katiyakang espirituwal at nagbubunga ng mabubuting gawa, lalo na sa pagsunod sa mga alituntunin at kautusan ng ebanghelyo. Ito ang totoong pananampalataya kay Cristo at ang antas kung saan dapat ituon ang ating pagtuturo sa mga investigator.
Gayunpaman, may antas ng pananampalataya na hindi lamang nagpapakilos sa atin kundi nagbibigay-kakayahan din sa atin na magbago at magawa ang mga bagay na hindi sana mangyayari kung wala ito. Tinutukoy ko ang pananampalataya hindi lamang bilang alituntunin ng paggawa kundi alituntunin din ng kapangyarihan. Sinabi ni Pablo na ang mga propeta sa pamamagitan ng pananampalatayang ito ay “nagsilupig ng mga kaharian, nagsigawa ng katuwiran, nangagtamo ng mga pangako, nangagtikom ng mga bibig ng mga leon, nagsipatay ng bisa ng apoy, nangakatanan sa talim ng tabak, nagsilakas sa kahinaan, naging mga makapangyarihan sa pakikipagbaka, nangagpaurong ng mga hukbong taga ibang lupa, [at] tinanggap ng mga babae ang kanilang mga patay sa pamamagitan ng pagkabuhay na maguli” (Sa Mga Hebreo 11:33–35). Ito ay kamangha-manghang mga bagay—ngunit hindi hihigit kaysa pagdaig sa matinding adiksyon o iba pang matitinding hadlang sa pananalig at pagpapabinyag.
Ang mahalaga sa pagtatamo natin ng lakas sa pamamagitan ng pananampalataya ay ang pagkatuto, pagdarasal, at pagkilos ayon sa kalooban ng Diyos. “Winika ni Cristo: Kung kayo ay magkakaroon ng pananampalataya sa akin, magkakaroon kayo ng kapangyarihang gawin kahit na anong bagay na kapaki-pakinabang sa akin” (Moroni 7:33).
Gayunpaman, nagbabala Siya, “Kung kayo ay hihingi ng anumang bagay na hindi kapaki-pakinabang sa inyo, ito ay mauuwi sa inyong kaparusahan” (D at T 88:65).
Ang sarili ninyong pananampalataya kay Cristo ay lalakas nang husto kapag hinangad ninyong alamin at gawin araw-araw ang kalooban ng Diyos. Ang pananampalataya, na alituntunin na ng paggawa sa inyo, ay magiging alituntunin din ng kapangyarihan.