2012
Kaibigang Misyonero
Setyembre 2012


Kaibigang Misyonero

“Mag-anyaya sa lahat na lumapit kay Cristo” (D at T 20:59).

Niyaya ni Alex ang kaibigan niyang si Jake na maglaro sa bahay niya sa araw ng Sabado. Masaya silang nagkakarerahan ng kotse nang mapansin ni Jake ang isang retratong nakasabit sa dingding.

“Sino ‘yon?” tanong niya, habang nakaturo sa retrato ni Thomas S. Monson.

“Si Pangulong Monson ‘yan,” sabi ni Alex.

Hindi umimik si Jake.

“Alam mo na, ang propeta ng Simbahan natin,” sabi ni Alex.

Parang napahiya si Jake. “Hindi na kami nagsisimba,” sabi niya.

“Bakit naman?” tanong ni Alex.

Nagkibit-balikat si Jake. “Ewan ko.”

“Gusto mo bang sumama sa akin sa Linggo?” tanong ni Alex. “Puwede tayong sabay na magpunta sa Primary. Ang galing talaga ng titser ko.”

Nagningning ang mga mata ni Jake. “Magpapaalam ako kay Inay, at palagay ko papayag siya,” sabi ni Jake.

Pagsapit ng tanghalian, tinanong ni Alex ang kanyang nanay, “Puwede po bang sumama si Jake sa akin sa Primary bukas?”

“Kailangan nating tanungin ang nanay ni Jake,” sabi ni Inay. “Kung papayag siya, siyempre puwede siyang sumama.”

Kalaunan nang araw na iyon, sinundo si Jake ng kanyang nanay.

“Puwede po bang sumama si Jake sa akin sa Primary bukas?” tanong ni Alex.

“Puwede po ba, Inay?” sabi ni Jake. “Sabi ni Alex talagang masaya sa Primary. May kuwentuhan, kantahan, at nag-aaral sila tungkol sa mga tao sa mga banal na kasulatan.”

“Ewan ko lang,” sabi ng nanay ni Jake, na parang hindi nakatitiyak. “Ang tagal na po nating hindi nagsisimba.”

“Sige na po, Inay,” sabi ni Jake. “Gusto ko pong sumama.”

“Puwedeng sumama sa amin si Jake,” sabi ng nanay ni Alex.

“Sigurado ka bang gusto mong sumama?” tanong ng nanay ni Jake.

“Opo!” sabi ni Jake.

“Eh di, SIGE,” sabi ng nanay ni Jake.

Saglit na niyakap ni Jake ang kanyang nanay. “Salamat po,” sabi niya.

Pagsapit ng Linggo ng umaga, sinundo ng pamilya ni Alex si Jake. Suot na niya ang kanyang damit-pangsimba. Pagkatapos ng sacrament meeting nagpunta ang mga bata sa Primary. Pagdating nila sa klase, sinabi ng titser nila, “Natutuwa kaming makasama ka rito, Jake.”

Pagkatapos magsimba, inihatid ng pamilya ni Alex si Jake sa bahay.

“Salamat po at isinama ninyo ako sa simbahan,” sabi ni Jake.

Nginitian siya ng nanay ni Alex. “Walang anuman, Jake. Sana sumama ka ulit sa amin,” sabi niya.

Sa hapunan nang gabing iyon, nagtanong si Alex, “Puwede ko po bang yayaing sumama sa atin si Jake na magsimba sa susunod na Linggo?”

Tumango si Inay. “Susundin ko ang halimbawa mo at yayayain ko ring sumama sa atin ang nanay niya,” sabi ng ina.

“Mabuting misyonero ka, Alex,” sabi ni Itay.

Nagulat si Alex. “Kinakaibigan ko lang po siya,” sabi niya.

“Ganyan ang misyonero,” sabi ni Inay, “isang kaibigan.”

Paglalarawan ni Lance Fry