2012
Pinagpala Dahil sa Halimbawa
Setyembre 2012


Pinagpala Dahil sa Halimbawa

Elder O. Vincent Haleck

Tulad ng pag-impluwensya ng mga kaibigan ko sa aking buhay, maihahatid ninyo ang ilaw ng ebanghelyo sa buhay ng inyong mga kaibigan sa paraan ng inyong pamumuhay.

Kamakailan lang ay dinalaw ko ang isang kaibigan ko noon sa hayskul. Nag-usap kami tungkol sa una naming pagkikita, tungkol sa kagalakan na nagmumula sa pamumuhay ng ebanghelyo, at tungkol sa nagiging impluwensya ng mga kaibigan sa ating buhay. Sa katunayan, dahil sa halimbawa ng mga kaibigan ko kaya ako sumapi sa Simbahan.

Dumating ako sa Estados Unidos mula sa American Samoa noong ako’y 10 taong gulang dahil gusto ng tatay ko na magkaroon ng mas maraming pagkakataon sa pag-aaral ang kanyang mga anak kaysa sa kanya. Nanirahan ako sa Seattle, Washington, kasama ng isang tiya at tiyo. Pagtuntong ko ng edad na 14, lumipat ako sa California. Ang lola ko, na siyang tinirhan ko, ay temple worker noon sa Los Angeles California Temple, pero hindi ako miyembro ng Simbahan noon.

Noong nasa junior high school na ako, nakasali ako sa student body at napansin ko ang ilang tao sa student council na kakaiba sa lahat. Magalang sila sa iba, malinis manalita at manamit, at may dangal at liwanag sa kanilang pagkatao na siyang nakaakit ng aking pansin. Naging magkakaibigan kami, at inanyayahan nila akong sumama sa kanila sa Mutual. Nagustuhan ko ang nakatutuwa at makabuluhang mga aktibidad at ang Diwang nadama ko doon, kaya’t nagsimula akong dumalo nang regular. Makalipas lang ang ilang linggo ipinakilala ako ng mga kaibigan ko sa mga misyonero at sa Aklat ni Mormon. Hindi nagtagal ay nabinyagan ako at sinimulan ang habambuhay na pag-aaral ng Aklat ni Mormon.

Sinunod ng mga kaibigan ko ang payo na matatagpuan sa I Kay Timoteo 4:12: “Ikaw ay maging uliran ng mga nagsisisampalataya, sa pananalita, sa pamumuhay, sa pagibig, sa pananampalataya, sa kalinisan.” Tulad ng mga kaibigan ko, maaari tayong maging mabuting impluwensya sa pamamagitan ng pamumuhay ng ebanghelyo sa ating mga ginagawa sa araw-araw. Habang nababanaag sa ating buhay ang ating mga pamantayan at pinaniniwalaan, mapapansin ito ng mga handang tumanggap ng ebanghelyo at gugustuhin nilang marami pang malaman tungkol dito.

Abinadi Appearing before King Noah

Halimbawa, naaalala ninyo ang kuwento ni Alma na matatagpuan sa Aklat ni Mormon. Komportable ang pamumuhay noon ni Alma bilang saserdote sa hukuman ni Haring Noe. Nang magpatotoo si Abinadi, naniwala sa kanya si Alma at, kahit nalagay sa panganib ang kanyang buhay, isinulat niya ang mga salita ni Abinadi at tinuruan ang iba tungkol sa Tagapagligtas (tingnan sa Mosias 17:2–4).

“At ito ay nangyari na, na matapos ang maraming araw ay may di mumunting bilang ang nagtipong magkakasama sa lugar ng Mormon, upang makinig sa mga salita ni Alma. Oo, sama-samang nagtipong lahat ang naniniwala sa kanyang salita, upang makinig sa kanya. At sila ay tinuruan niya, at ipinangaral sa kanila ang pagsisisi, at pagtubos, at pananampalataya sa Panginoon” (Mosias 18:7; tingnan din sa mga talata 1–6).

Kalaunan, nang lumikha ng mga problema sa Simbahan ang Nakababatang Alma, sinagot ng isang anghel ang mga dasal ni Alma: “Napakinggan ng Panginoon ang mga panalangin ng kanyang mga tao, at gayon din ang mga panalangin ng kanyang tagapaglingkod na si Alma, na iyong ama; sapagkat nanalangin siya nang may labis na pananampalataya hinggil sa iyo na baka sakaling madala ka sa kaalaman ng katotohanan” (Mosias 27:14). Nagsisi ang Nakababatang Alma at ang kanyang mga kaibigan, naging mga dakilang misyonero sila, at naantig ang buhay ng libu-libong tao dahil sa mabuti nilang halimbawa.

“At sa gayon sila ay naging mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos sa pagdadala ng marami sa kaalaman ng katotohanan, oo, sa kaalaman ng kanilang Manunubos.

“At gaano sila pinagpala! Sapagkat sila ay naghayag ng kapayapaan; sila ay naghayag ng mabuting balita ng kabutihan; at kanilang sinabi sa mga tao na naghahari ang Panginoon” (Mosias 27:36–37).

Nagpakita rin sa akin ng mabuting halimbawa ang mga kaibigan ko nang piliin nilang magmisyon. Bagamat nakaranas ako ng ilang oposisyon, nagpasiya akong gusto ko ring magmisyon. Ang desisyong iyan ang humubog sa nalalabing panahon ng aking buhay. Nang maglingkod ako sa Samoa Apia Mission, ginampanan ng mga misyonero ang malaking bahagi ng mga responsibilidad sa pamumuno sa priesthood, at nakita kong kailangang patatagin ang Simbahan sa mga isla. Nagpasiya akong gagawin ko ang aking bahagi—babalik ako sa Samoa pagkatapos ng aking misyon at pag-aaral.

Nang makatapos na ako sa kolehiyo, lumipat kami ng asawa ko sa Samoa, kung saan namin pinalaki ang aming mga anak at sinikap na palakasin ang Simbahan at komunidad. Ang tatay ko, na hindi miyembro ng Simbahan, ay aktibo noon sa lokal na negosyo at mga gawain sa komunidad. Ang kanyang motto ay “Kung sulit itong gawin, sulit na gawin itong tama.” Nang matuklasan namin ng mga kapatid ko ang ebanghelyo at ipinamuhay ito sa abot ng makakaya namin, napansin niya ang mabubuting pagbabago sa aming buhay. Noong 2000, si Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) ay lumagi sa tahanan ng aking ama nang bumalik siya mula sa paglalaan ng Suva Fiji Temple. Sa pagbisitang iyon, naantig ng Espiritu ang puso ng aking ama, at nagkaroon ako ng pribilehiyong binyagan siya nang siya ay 82 taong gulang na. Nakatagpo siya ng malaking kagalakan sa ebanghelyo at hindi nahiya at matapang na ibinahagi ito sa iba noong mga huling araw ng kanyang buhay.

Alam ko ang kahalagahan ng pagiging mabuting halimbawa ng mga mananampalataya at ang kaligayahang dulot nito sa ating buhay at sa buhay ng ibang tao. Dahil sa mabubuting halimbawa ng mga kaibigan ko at sa pagmamahal ng isang propeta, ako at ang aking pamilya ay biniyayaan ng kagalakang dulot ng ebanghelyo.

Sa bawat araw ay naiimpluwensyahan natin ang iba sa pamamagitan ng ating mga kilos at gawa. Tiyaking tutulungan natin ang iba at ibahagi ang katotohanan ng banal na kasulatang ito upang makapaghatid din ito ng kaligayahan sa kanilang buhay: “Tandaan, tandaan na sa bato na ating Manunubos, na si Cristo, ang Anak ng Diyos, ninyo kailangang itayo ang inyong saligan; nang sa gayon kapag ipinadala ng diyablo ang kanyang malalakas na hangin, oo, ang kanyang mga palaso sa buhawi, oo, kapag ang lahat ng kanyang ulang yelo at kanyang malakas na bagyo ay humampas sa inyo, hindi ito magkakaroon ng kapangyarihan sa inyo na hilahin kayong pababa sa look ng kalungkutan at walang katapusang kapighatian, dahil sa bato kung saan kayo nakasandig, na tunay na saligan, isang saligan na kung sasandigan ng mga tao ay hindi sila maaaring bumagsak” (Helaman 5:12).

Kaliwa: Humarap si Abinadi kay Haring Noe, ni Arnold Friberg © IRI 1951; kanan: Nagbibinyag si Alma sa mga Tubig ng Mormon, ni Arnold Friberg © IRI 1951

Paglalarawan ni Jerry Thompson © IRI