Pagkatutong Bumasa
“Isinilang sa butihing mga magulang samakatwid, ako ay naturuan ng lahat halos ng karunungan ng aking ama” (1 Nephi 1:1).
Noong ako ay anim na taong gulang, nagsikap akong matutong bumasa. Sinabi ng titser ko na kailangan kong umulit sa grade one. Nag-alala ang tatay ko nang marinig niya iyon. Kaya’t gabi-gabi pagkatapos maghapunan, nagsanay kaming magbasa. Ginawang laro iyon ni Itay para manatili akong interesado. Hindi nagtagal ay nababasa ko na ang mga salita kapag nakita ko ang mga iyon, at pinuri at hinikayat ako ni Itay. Maraming oras kaming magkasamang nagbabasa, at bumuti ang kakayahan kong magbasa.
Nagpasiya ang titser ko na ilipat ako sa grade two. Ipinagmalaki ako ni Itay. Lagi siyang interesado sa pag-unlad ko sa paaralan. Para sa Pasko binilhan niya ako ng mga aklat na alam niyang magugustuhan ko.
Ilang buwan pagkatapos ko ng high school, namatay ang tatay ko sa kanser. Hindi niya inabutan ang pagtatapos ko sa kolehiyo o medisina, pero sapat na ang itinagal ng buhay niya para malaman na natutuhan kong mahalin ang pagbabasa. Labis niyang ikinasiya iyon.
Kami ng aking pamilya ay hindi mga miyembro ng Simbahan noon. Isang araw habang nasa paaralan ng medisina, tiningnan ko ang isang aklat sa library na may pamagat na A Marvelous Work and a Wonder. Isinulat iyon ng isang Apostol na nagngangalang Elder LeGrand Richards. Ang aklat ay tungkol sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Paulit-ulit kong binasa ang aklat. Pinag-aralan at ipinagdasal ko ito. Inihanda ako ng aklat sa pagsapi sa Simbahan pagkaraan ng ilang buwan.
Matapos akong mabinyagan, nalaman ko na maaari akong magpunta sa templo at magpabinyag para sa tatay ko. Malaki ang nagawa niyang kaibhan sa buhay ko. Sa huli may magagawa akong espesyal para pasalamatan siya sa lahat ng ginawa niya para sa akin.
Gustung-gusto ko pa ring magbasa. Ang regalong bigay ng tatay ko ay nagpapala sa buhay ko araw-araw sa pagbabasa ko ng mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta.