Nagbukas ng Daan ang Helping Hands Program para sa Gawaing Misyonero, Bagong Stake sa Amapá, Brazil
Noong araw ng Sabado, Marso 10, 2012, 21 katao ang nabinyagan. Ito ang pinakamalaking bilang ng mga tao nitong mga nakaraang taon sa mga estado ng Para at Amapá sa Brazil, na parehong bahagi ng Brazil Belém Mission, na tumanggap ng ordenansa ng binyag sa iisang araw at naging “mga kababayan” na kasama ng mga Banal (Mga Taga-Efeso 2:19) at lumalakad “sa panibagong buhay” (Mga Taga-Roma 6:4).
Isinagawa ang mga pagbibinyag matapos ibalita na magiging stake na ang Macapá district, na naganap noong Abril 14 at 15.
Nagtulung-tulong ang mga lider, miyembro, at misyonero na makamit ang ganitong uri ng paglago. Ang Helping Hands program ay nakatulong din sa gawaing misyonero kamakailan.
“Ang mga proyekto ng Helping Hands na ginanap sa nakalipas na dalawang taon sa estado ng Amapá ay naging daan para makilala ang Simbahan, na naghikayat sa mga opisyal ng pamahalaan, mga mamamahayag, at lipunan sa pangkalahatan na hangaring makaalam pa tungkol sa napakagandang programang ito at sa simbahang nagsusulong nito,” sabi ni José Claudio Furtado Campos, na-release kamakailan lamang na pangulo ng Brazil Belém Mission.
Katunayan, malaki ang naitulong ng mga proyekto sa estado kaya pinasimulan ng mga opisyal ng gobyerno ang tatlong pista-opisyal sa rehiyon: Abril 6, The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Day; Hulyo 30, Helping Hands Solidarity Action Day; at Setyembre 23, “The Family: A Proclamation to the World” Day. Bukod pa riyan, isang pagpapahayag ng pasasalamat sa Simbahan ang ibinigay kay Elder Jairo Mazzagardi ng Pitumpu, Pangalawang Tagapayo sa Brazil Area Presidency.
“Ang mga proyekto ng Helping Hands ay nakatulong para lalong magtiwala ang mga mamamayan ng Amapá sa Simbahan,” pagpapatuloy ni President Campos. “Kapag nagpapakilala ang ating mga misyonero … , sinasabi sa kanila ng mga tao na narinig na nila ang tungkol sa Simbahan dahil nakakita sila ng materyal sa telebisyon, radyo, at pahayagan tungkol dito. Marami na silang narinig na magagandang bagay tungkol sa Simbahan, at kadalasan ay lalo silang inihahanda nito na makinig sa mga missionary.”