Dalhin sa Tahanan ang Turo sa Primary
Itinuturo sa Akin ng Sampung Utos na Mahalin ang Diyos at ang Kanyang mga Anak
Magagamit ninyo ang aralin at aktibidad na ito para matutuhan pa ang iba tungkol sa tema ng Primary sa buwang ito.
Abalang-abala ka sa araw na ito! Nagtanong ang kaklase mo kung maaari niyang kopyahin ang homework mo. Gusto mong maging matapat, kaya tinanggihan mo siya pero nag-alok kang tulungan siya.
Pauwi mula sa paaralan, nakita mo ang kapitbahay mo na nahihirapang buhatin ang malaking basket ng mga gulay na pinitas niya mula sa kanyang halamanan. Gusto mo nang makauwi, pero nilapitan mo siya at tinulungang ipasok ang basket sa loob ng bahay.
Pagkatapos ng hapunan ipinagawa ng tatay mo sa iyo ang homework mo sa math. Mahirap ang math at ayaw mong gawin iyon, pero nagpasiya kang sundin ang tatay mo.
Pagod ka na at gusto mo nang matulog, pero lumuhod ka at nagpasalamat sa Ama sa Langit para sa iyong mga pagpapala.
Alam mo ba na sa paggawa ng lahat ng mabubuting desisyong ito, sinusunod mo ang Sampung Utos? Matapos makatakas ang mga Israelita mula sa Egipto, kinailangan nila ng patnubay ng Panginoon. Sa pamamagitan ng propetang si Moises, binigyan ng Panginoon ng 10 mahahalagang utos ang mga tao na susundin para mamuhay nang matwid. Ang Sampung Utos ay nagtuturo tungkol sa paggalang sa Diyos, pagiging tapat, paggalang sa ating mga magulang, pagpapanatiling banal sa araw ng Sabbath, at pagiging mabuti sa kapwa. Ang mga tuntuning ito ay mahalaga ngayon tulad noong libu-libong taon na ang nakararaan. Kapag sumusunod tayo sa mga utos ng Panginoon, natututo tayong mahalin at igalang ang Diyos at maging mabait at mapagmahal sa mga nasa paligid natin.