Nagsalita ang mga Pinuno ng Simbahan sa Araw ng Pagtatapos sa Hawaii, Idaho, Utah
Nagpunta ang mga pinuno ng Simbahan sa mga paaralan ng Simbahan sa Hawaii, Idaho, at Utah, USA, noong Abril upang payuhan ang mga nagsipagtapos.
Sa Brigham Young University–Idaho noong Abril 7, 2012, pinayuhan ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga estudyante na “halinhan ng pananampalataya ang takot.”
“Naniniwala ako na tayo ay nagsisimula nang tumahak sa bagong panahon ng paglago, pag-unlad, at kasaganaan,” wika niya. “Hinihimok ko kayong mangako sa inyong sarili at sa Ama sa Langit na ilalaan ninyo ang inyong buhay at panahon at mga talento sa pagtatayo ng Simbahan ni Jesucristo habang inaasam ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.”
Binisita ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang LDS Business College sa Salt Lake City, Utah, noong Abril 13, 2012, para magsalita sa araw ng pagtatapos ng mga estudyante mula sa 50 estado ng U.S. at 67 bansa.
Binigyang-diin niya na kailangang maglingkod ang mga estudyante habang sila ay nabubuhay. “Paglilingkod ang magiging panlaban ninyo sa kasakiman at sa pakiramdam na karapatan ninyong makuha ang anumang gusto ninyo na higit na sumisira sa lipunan sa lahat ng dako ng mundo. … Ang inyong paglilingkod ay magpapala sa iba, ngunit poprotektahan din kayo nito,” wika niya.
Kinabukasan, ipinayo ni Elaine S. Dalton, Young Women general president, sa mga estudyante ng BYU–Hawaii na: “Alalahanin kung sino kayo.” “Magsikap nang husto.” “Paghandaan ang mga pagsubok.” “Mangarap nang matayog.” “Hindi laging nauunang makatapos ang mga nagwawagi.”
“Takbuhin ang kahabaan ng inyong pananampalataya at buhay,” wika niya. “Huwag panghinaan ng loob sa mga balakid, kundi hangarin ang pagpapalang dulot ng pagsubok na iyon. Sumulong nang may tiwala at matibay na kaalaman na hindi kayo nag-iisa kailanman. … Talagang naniniwala ako na ang isang mabuting binata o dalaga na inakay ng Espiritu ay kayang baguhin ang mundo.”
Noong Abril 19, 2012, nakinig ang mga estudyanteng nagsipagtapos sa BYU sa Provo, Utah, kay Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol, na nagsalita tungkol sa mga hamon ng mundo ngunit sinabihan ang mga nagsipagtapos na harapin ang bukas nang may pananampalataya.
“Bagama’t manglulupaypay ang mga tao, huwag kayong matakot. Hindi nawawala ang mga pagsubok,” sabi ni Elder Oaks. “Nakayanan namin, na sinusundan ninyong henerasyon, ang mahihirap na pagsubok, at kakayanin din ninyo ito. … Mayroon tayong Tagapagligtas, at itinuro na Niya sa atin ang dapat nating gawin.”