Darating ang Pag-aani
Natutuhan ng pamilya Filipponi na ang batas ng pag-aani—kapwa pisikal at espirituwal—ay nangangailangan ng pagsusumigasig, pagtitiis, at panalangin.
Para kay Oscar Filipponi at sa kanyang pamilya, ang pagsasaka ay hindi madali. Ang malakas na hangin, tagtuyot, pagkasira ng kagamitan, mahinang bentahan, at iba pang mga hamon kung magkaminsan ay tila nagsasama-sama laban sa pagsisikap ng pamilya.
“Araw-araw dito sa chacra—sa aming lupain—kailangan naming magkaroon ng inspirasyon at paghahayag para mapagkasya ang kita namin sa bukirin,” sabi ni Oscar, na nagsasaka ng 100 acres (40 ha) sa Lower Chubut River Valley, na nasa Chubut Province sa timog ng Argentina. “Araw-araw ay may pagsubok.”
Ang isa sa mga pinakamalaking pagsubok sa pamilya Filipponi ay na hindi nila palaging nalalaman kung kailan magbubunga ang kanilang walang-humpay na pagsisikap. Gayunpaman, natutuhan nila na sulit naman kalaunan ang kanilang kasipagan at pagtitiyaga.
“Hindi ka kumikita nang arawan o lingguhan sa pagsasaka ng lupa,” paliwanag ni Oscar. “Nagtatrabaho kami araw-araw maliban sa araw ng Linggo—kada linggo, kada buwan—nang walang anumang kita, kaya kailangan naming magplano ng ikabubuhay namin. Kung minsan umaabot ng ilang buwan o isang taon bago namin matamasa ang mga bunga ng aming pagtatrabaho. Dapat lagi naming alalahanin na ang pinagpaguran namin ngayon ay maaani rin kalaunan.”
Kasama ang kanyang asawang si Liliana, at dalawa sa kanilang mga anak, sina Daniel at María Céleste, nagtatanim si Oscar ng alfalfa at nag-aalaga ng mga hayop.
“Kung minsan ay may pera kami, at kung minsan wala dahil napupunta lahat iyon sa gastusin sa bukid,” sabi niya. “Kung minsan nasisira ang mga makina namin. Minsan hindi namin naibebenta ang mga alaga naming hayop kapag handa nang ibenta ang mga ito. Ngunit kapag nag-isip kami at nagdasal, patuloy na nagtitiyaga, at umaasa, ay may dumarating na solusyon sa loob ng isa o dalawang araw. May darating at magsasabing, ‘Che,1 may ibinebenta ka bang kahit anong alagang hayop?’ Nagiging maayos ang lahat, at nakasusulong na kami. Ang pagsasaka ay mahirap, pero nakakaraos pa rin kami dahil sa aming mga pagsisikap sa araw-araw.”
Mga Pinagbabatayan
Sinabi ni Daniel na ang pagsasaka sa bukid ay nagbibigay sa kanya ng mga oportunidad bawat araw na pagnilayan ang mga pagpapala at mga pagsubok ayon sa pananaw ng ebanghelyo. “Isang pagpapala ang makipag-usap sa Panginoon at mahiwatigan ang impluwensya ng Espiritu nang hindi nagagambala ng ingay o musika o media,” ang sabi niya tungkol sa pagsasaka sa bukid.
“Madaling maging miyembro ng Simbahan sa ganitong lugar kung saan napaliligiran ka ng mga mahal mo sa buhay at ng kalikasan,” dagdag pa ni Liliana. “Ipinapaalala nito sa akin na umaasa kami sa Panginoon at nagpapasalamat sa Kanya sa lahat ng biyaya. Halos lahat ng bagay rito ay nagpapahiwatig ng ilang alituntunin ng ebanghelyo. Si Oscar ay laging dumarating sa bahay na napag-isipang mabuti ang mga bagay-bagay mula sa pagsasaka o pag-aalaga ng mga hayop.”
Halimbawa, kapag nag-aararo si Oscar, pumipili siya ng isang puno o bato na pagbabatayan niya sa malayo na tutulong sa kanya na makapag-araro nang tuwid. “Hindi mahalaga kung may nakaharang sa kanyang daraanan,” sabi ni Liliana. “Hindi siya malilihis sa tinatahak niya dahil gusto niya na maging tuwid ang mga hanay.”
Sabi pa ni Oscar, “Kapag lumingon ako sa likuran ko upang makita kung tuwid ang hanay na naararo ko, nalilihis ako sa linya. Kaya nagtutuon ako sa pinagbabatayan ko at sumusulong.”
Tulad sa chacra, sabi niya, gayundin sa Simbahan. “Upang manatili sa tinatahak natin sa buhay, dapat tayong umasa sa Panginoon, basahin ang mga banal na kasulatan, at sundin ang mga utos. Kapag hinayaan nating magambala tayo, nawawala ang pokus natin at nagiging liko ang ating dinaraanan.”
Espirituwal na Pag-ani
Ang mga Filipponi ay dumadalo sa isang branch ng Simbahan malapit sa Gaiman. Sa bayang ito na may 6,000 katao, na tirahan ng mga nandayuhang Welsh noong 1870s, maraming oportunidad ang mga miyembro ng branch na magpakita ng mabubuting halimbawa. “Kailangang magpakabait kami sa abot ng aming makakaya sa bawat araw dahil laging nakatingin sa amin ang mga tao,” sabi ni Liliana.
Hindi madali ang paghikayat sa ibang tao sa ebanghelyo. Tulad ng pisikal na batas ng pag-ani, ang espirituwal na batas ng pag-ani ay nangangailangan ng pagtitiyaga. Ngunit dahil sa patuloy na ipinamumuhay ng pamilya ang mga alituntunin ng ebanghelyo, nakilala at nirerespeto ng mga tao ang kanilang mga pamantayan bilang mga Banal sa mga Huling Araw.
Noon, nang si Oscar ay nagtatrabaho pa sa gobyerno, lagi niyang tinatanggihan ang alok na kape, tsaa, at alak. “Makaraan ang ilang taon,” sabi niya, “naging maunawain at mapagbigay ang kanyang mga katrabaho at magtatanong, ‘Anong soda ang gusto mo?’ Nagiging interesado pa sila minsan sa Simbahan. Iyan ang naging bunga niyon.”
Sa pamilya mismo makikita ang pinakamasaganang ani na mula sa pag-aaral at pamumuhay ng mga alituntunin ng ebanghelyo.
Dumating ang pagpapala dahil sa paglilingkod ni Oscar bilang patriarch ng Trelew Argentina North Stake, sa paglilingkod ni Liliana bilang branch Relief Society president, at sa karagdagang paglilingkod sa maraming iba pang tungkulin na isinagawa ng mga miyembro ng pamilya sa maraming taon.
Dumating ang pagpapala mula sa pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath at sa pagsunod sa batas ng ikapu. “Ang mga dungawan ng langit ay talagang nabuksan—kung di man kaagad, sa pamamagitan ng patuloy na pagsunod,” sabi ni Oscar.
Dumating ang pagpapala nang makatapos ang lahat ng batang Filipponi sa high school at nang magmisyon ang lahat ng apat na anak na lalaki. Ang kanilang edukasyon at pagmimisyon ay nagbigay sa kanila ng mga pagkakataong makapagtrabaho at mamuno na malabo nilang makamtan sa ibang paraan.
Nagbunga ang pagiging mabuting halimbawa sa pagtatanong kay María Céleste ng mga kaibigan tungkol sa pagmimisyon ng kanyang mga kapatid, sa pinaniniwalaan niya, at kung bakit iniiwasan niya ang mga party na Sabado na ng gabi nagsisimula.
At pinagpala sila sa pamamagitan ng mga bulong at pagpapanatag ng Espiritu Santo na tumulong sa pamilya na maiwasan ang trahedya isang hating-gabi nang inakala nilang nilooban ang kanilang bahay. Nagising si Daniel nang makarinig siya ng ingay at naghandang ipagtanggol ang tahanan, ngunit ang inaakalang magnanakaw ay ang kapitbahay pala na humihingi ng tulong dahil nasira ang sasakyan nito.
“Natanto ko na pinayapa ako ng Espiritu para malutas namin ang sitwasyon nang hindi natataranta,” sabi ni Daniel. “Pagkatapos ay nagdasal kami at nagpasalamat sa Ama sa Langit na walang masamang nangyari.”
Kapag tunay na ibinigay natin ang ating mga sarili sa Diyos, sabi ng pamilya Filipponi, ipagkakaloob Niya sa atin ang ating mga pangangailangan at magiging kasangkapan tayo sa Kanyang mga kamay. Ito ay nangangailangan ng pagsusumigasig, pagtitiis, at panalangin. Nangangailangan din ito ng maraming pananampalataya at paggawa. Ngunit sa takdang panahon ng Panginoon, darating ang pag-aani.