Ating mga Tahanan, Ating mga Pamilya
Ang mga Pagpapala sa Pagtutuon ng Pansin sa Templo
Wala nang mas dakila pang gawain kaysa pagbuo ng isang walang hanggang pamilya—at ang gawaing iyan ay naisasakatuparan sa bahay ng Panginoon.
Kakaunting bagay lang sa buhay ang dinaramdam natin nang higit pa kaysa pagkawala ng isang mahal sa buhay. Naranasan ni Bishop Richard Rodriguez at ng kanyang asawang si Ruth ang pagkawalang ito. Ngunit dahil sa matang nakakakita at taingang nakaririnig at sa pamamagitan ng mga sagradong ordenansa ng templo, hinarap nila ang pagsubok na ito nang may pananampalataya, na lalo pang nagpalapit sa kanila sa Tagapagligtas, sa kaligayahan at kapayapaan.
Pagharap sa Pagkawala ng Mahal sa Buhay
Nagkakilala sina Richard at Ruth habang nagtatrabaho sa isang kompanya ng semento sa Azogues, isang maliit na bayan sa Andes Mountains hindi kalayuan sa Cuenca, Ecuador. Si Richard ay convert sa Simbahan, na sumapi kasama ang kanyang ina at kapatid na lalaki ilang taon na ang nakararaan. Sa panahong iyon, si Ruth ay hindi miyembro.
“Noong makilala ko si Ruth, hindi ko na siya maiwan,” sabi niya nang nakangiti.
Nagpakasal sila noong 1996. Makaraan lamang ang ilang buwan, pumanaw ang ama ni Ruth.
“Ang kamatayan niya ang nagdulot ng matinding kalungkutan sa aking buhay,” paliwanag ni Ruth. “Hindi mo kailanman malilimutan ang pagkawala ng iyong mahal sa buhay. Palaging mong madarama ang kawalan.”
Noong 2001, pumanaw ang ina ni Richard. Muli, labis na kalungkutan ang idinulot nito. Ngunit sa pagdaan ng mga taon, lumalim ang kaalaman at patotoo ni Richard sa ebanghelyo, at iyan ay nagbigay sa kanya ng kapanatagan.
“Dahil sa ebanghelyo,” sabi niya, “naunawaan ko nang kaunti ang kinaroroonan ni Inay. Ibinahagi ko ang Alma 40:11 kay Ruth at ipinaliwanag ang nangyayari sa espiritu sa sandaling lisanin nito ang katawan. Malaking kaginhawahan ito sa aming dalawa.”
Pagpapahalaga sa Kalayaan
Gayunpaman, hindi pa rin interesado si Ruth sa Simbahan, bagama’t mabait siya sa mga miyembro at missionary ng Simbahan. “Sa tingin ko kasi hindi ko kailangang magpalit ng relihiyon,” sabi niya.
Nagpasiya si Richard na huwag itong igiit pa. “Tuwing pag-uusapan namin ang tungkol sa Simbahan, nauuwi sa hindi maganda ang pag-uusap namin,” sabi niya. “At kapag pinilit ko siya, lalo pa itong sumasama. Kaya tumigil na ako. Hindi ko gustong gawin iyon sa kanya.”
Noong taglagas ng 2001, inanyayahan ng mga missionary si Ruth na dumalo sa isang binyag. Ang desisyon niyang tanggapin ang paanyaya ay nagpabago ng lahat.
Sa binyag ay nagbahagi ng patotoo ang babaeng bininyagan. “Binanggit niya ang mga himala na nangyari sa kanyang buhay magmula noong makilala niya ang Simbahan—mga himala na nagdulot ng kalusugan, kagalingan, at lakas,” paggunita ni Ruth. “Ang babaeng ito ay mag-isa na sa buhay subalit siya ay may ganitong patotoo.”
Nag-isip si Ruth kung paanong ang isang babae na nakaranas ng gayong kahihirap na pagsubok ay nagkaroon ng ganoong uri ng pananampalataya. Ang tanong na iyon at pagdalo sa paanyaya sa binyag ay umantig sa puso ni Ruth at naghanda sa kanya na tanggapin ang pagpapatunay ng Espiritu.
“Noon ako nagpasiyang magpabinyag. Kalaunan, nang kami na lang ni Richard, sinabi ko, ‘Richard, ano kaya kung magpabinyag ako sa Disyembre?’ At iyon nga ang nangyari. Marami na akong alam sa Simbahan at sa ebanghelyo. Pero kailangan ko pa ring makinig sa pagtuturo ng mga missionary.”
“Inihahanda ng Diyos ang mga puso ng tao,” sabi pa ni Richard. “Kaya nating gawin mismo ang ilang bagay. Marami na akong ginawa, pero hindi nangyari iyon hangga’t hindi handa si Ruth.”
Sumang-ayon si Ruth: “Maraming pagsubok ang kinailangan kong kayanin nang magpakasal kami. Nang makayanan ko ang mga pagsubok na iyon, doon ko natanto na hindi ko na kailangang maghintay ng isa pang himala sa aking buhay. Noon na ako naging handang magpabinyag.”
Pagharap sa mga Hamon nang may Pananampalataya
Ang binyag ni Ruth noong Disyembre 2001 ay simula ng pagbabago ng pokus ng kanilang pamilya. Dahil sa pagbabagong iyon nagkaroon ng espirituwal na lakas at mga pagpapala na pumatnubay sa kanila hanggang sa panahong ito.
“Nabuklod kami sa templo noong Hunyo 28, 2003,” sabi ni Richard. “Dahil diyan, maraming pagpapala ang dumating sa aming buhay. Ang unang dalawang anak namin ay nabuklod sa amin, at ang dalawang sumunod na anak namin ay isinilang sa tipan. Biyaya sa amin ang aming mga anak.”
Ipinaliwanag ni Richard na ang paglilingkod nang tapat sa Simbahan ay nagdulot ng pagkakasundo sa kanilang tahanan: “Kami ng asawa ko ay nagtutulungan. Naharap kami sa mga hamon at pagsubok, pero nakayanan namin ang mga ito nang nagkakaisa. Pareho kami ng pinaniniwalaan. Dahil nabuklod kami sa templo, alam namin na kung magtitiis kami nang buong katapatan, tutulungan kami ng Panginoon.”
Ang Pagtutuon ng Pansin sa Templo ay Nagpabago sa Ward
Noong binyagan si Ruth, 25 miyembro lamang ang sakop ng noo’y dating Azogues Branch. Ngayong isang ward na, kadalasang 75 o mahigit pang miyembro ang dumadalo sa sacrament meeting.
“Pinalalakas mo ang bawat tao kapag pinalalakas mo ang mga pamilya,” sabi ni Ruth. “Kapag sinusunod ng mga miyembro ang mga kautusan at nakikinig sa lahat ng itinuturo ng mga lider sa atin, napalalakas natin ang ating mga pamilya at ang ward. Parang ang bawat pamilya ay bahagi ng pundasyon na nagtutulungan sa ward upang ito ay lumakas.”
Bilang bishop, hinikayat ni Richard na palakasin ang mga pamilya sa pamamagitan ng paggawa at pagtupad ng mga tipan sa templo at madalas na pagsamba sa templo. Ang isang halimbawa ng mithiing ito ay ang mga ward temple trip sa Guayaquil Ecuador Temple, mga limang oras ang layo.
“Dumadalo kami bilang ward nang madalas hangga’t maaari,” sabi ni Ruth. “Ang layunin namin ay mabuklod ang bawat pamilya sa templo.”
“Ang pagpunta sa templo para mabuklod ay nakatulong sa espirituwal na pag-unlad ng mga pamilya,” sabi pa ni Richard. “Sa nakaraang mga taon maraming pamilya ang nabuklod. At ngayon inihahanda na nila ang mga pangalan ng sarili nilang pamilya at nagsasagawa ng mga ordenansa para sa kanilang mga ninuno. Ang mga nagsagawa nito ay nagkaroon ng mas matibay na pangako sa ebanghelyo ni Jesucristo at naging mas masaya. Nabago ng templo ang pananaw ng mga miyembro.”
Ang Pagtutuon ng Pansin sa Templo ay Nagpapabago sa Bawat Tao
Dahil sa sagrado at personal na mga karanasan, nagkaroon ang pamilya Rodriguez ng isang malakas at personal na patotoo tungkol sa mga tipan sa templo at sa pagsasagawa ng nakapagliligtas na mga ordenansa para sa mga ninuno.
“Naisagawa na namin ang mga ordenansa para sa aming mga tiyo at tiya, na mga kapatid ng aking ama,” sabi ni Ruth. “Nadama namin na kailangang kami mismo ang gumawa nito para sa aming pamilya. Alam ko na totoo ang nakapagliligtas na mga ordenansa na ginagawa namin. Malaking kapayapaan ang nadarama ko sa mga nagawa namin para sa aming mga ninuno. Ito ay isang napaka-espesyal na gawain.”
Nagpatotoo si Richard, “Gustung-gusto kong ginagawa ang mga gawain sa templo para sa mga pumanaw na. Habambuhay natin itong gagawin. Ito ang gusto naming gawin.”
Ang pagdalo sa templo ay nagpabago sa kanilang pamilya. “Noong mabuklod kami sa templo, malaki ang ipinagbago ng mga bagay-bagay,” sabi ni Ruth. “Nadagdagan ang aming espirituwal na lakas.”
Sumang-ayon si Richard: “Para sa aming pamilya, nangahulugan ito ng lalong pagkakaisa, nalalaman na mas tumibay ang samahan namin, na sa huli ay siyang simula at wakas ng lahat ng bagay, ito ang nagbibigay sa amin ng lakas na sumulong. Ang buhay ay laging may mga pagsubok. Ngunit sa pananaw na ibinibigay sa atin ng templo, mahaharap natin ang kinabukasan sa kakaibang paraan. Ang maibahagi ang mga pagpapalang ito—at lalo na ang matulungan ang iba pang mga pamilya na gawin din ang gayon—ay nagdudulot ng malaking galak sa aming buhay. Nadama ko na mas tumibay ang pangako kong gampanan ang aking mga responsibilidad sa aming tahanan.”
Nadama ni Richard na ang desisyon ng pamilya na maghanda sa pagpasok sa templo, tumanggap ng mga ordenansa, mabuklod, at bumalik upang magsagawa ng nakapagliligtas na mga ordenansa para sa kanilang mga ninuno ay isa sa malalaking pagpapalang natanggap nila. “Kapag nanampalataya tayo at tinanggap ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo at lalo na kapag nagpunta tayo sa templo upang mabuklod at tumanggap ng nakapagliligtas na mga ordenansa sa pamamagitan ng priesthood, nagbabago ang buhay,” sabi niya. “Hindi na tulad ng dati ang taong iyon na tumanggap ng mga tipan sa templo.”