2012
Ano ang Kahalagahan Ko?
Setyembre 2012


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Ano ang Kahalagahan Ko?

Ang bumibili ang nagpapasiya kung sulit ang halaga ng isang bagay.

Pagkaraan ng apat na taon na walang telebisyon at anim na taon pang pamumuhay sa mga bigay na lumang TV, sa wakas ay nagpasiya kaming mag-asawa na bumili ng bagong TV. Dahil mahal, maingat naming pinaghambing ang mga modelo, tatak, detalye, at halaga bago kami tuluyang bumili. Ang nakatutuwa, umalis kami na hindi lamang TV ang dala kundi isang mahalagang kaalaman sa pagtukoy sa kahalagahan ng sarili.

Ang aming karanasan ay nagtuturo sa atin na ang kahalagahan natin ay nasusukat sa paghahambing—sa ating mga kapatid, kaklase, kabarkada, at katrabaho. Ngunit, bagama’t makabuluhang alamin ang kahalagahan sa pamamagitan ng paghahambing kapag bumibili ng TV, sa buhay tayo ang mga TV.

Ang paghahambing sa ating sarili sa iba para malaman ang ating kahalagahan ay makabuluhan ding katulad ng isang TV na nakatingin sa iba pa na nasa tindahan at nangangarap na sana ay 40 inches (102 cm) ito sa halip na 27 (69 cm). Walang kabuluhan ito, dahil “alin sa inyo ang sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang siko sa sukat ng kaniyang buhay” (Mateo 6:27) o isang pulgada sa sukat ng inyong screen? Nagbabala si Apostol Pablo na ang mga tao na “sinusukat ang kanilang sarili sa kanila rin, at kanilang itinutulad ang sarili sa kanila rin ay mga walang unawa” (II Mga Taga Corinto 10:12).

Huwag nating gaanong pansinin yaong mga gumagawa ng paghahambing para sa atin at sinasabi sa atin kung ano sa kanilang palagay ang ating kahalagahan. Kahit kontrolado ng nagbebenta ang presyo ng TV, hindi siya ang nagpapasiya ng halaga nito.

Narito ang napakahalagang ideya: ang mamimili ang tumitingin sa presyo, nagsusuri sa produkto, at nagpapasiya kung sulit ang halaga nito. At sa buhay na ito iisa lamang ang Bumibili ng mga ibinunga.

Sinuri ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo “ang produkto”—tayo, kapwa nang lahatan at nang isa-isa. Alam Niya ang lalim ng kasamaang iuugnay sa sangkatauhan.1 Naunawaan Niya ang nakasisindak, at napakalaking halagang kailangan Niyang bayaran, “kung aling pagdurusa ay dahilan upang [Siya] maging ang Diyos, ang pinakamakapangyarihan sa lahat, na manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat, at magdusa kapwa sa katawan at sa espiritu” (D at T 19:18).

At batid ang lahat ng iyan, ipinasiya pa rin Niya na gawin iyon dahil mahalaga ako.

Gaano man ako kahamak kumpara sa iba, gaano man kaliit ang tingin sa akin ng iba, nadama ni Jesus na may halaga ako kaya’t binayaran Niya ang halaga.

Ang pang-aaba sa sariling kahalagahan ay isa sa pinakatuso at napakasamang taktika ni Satanas. Mahalagang paniwalaan ko na ang Anak ng Diyos ay namatay hindi lamang para sa mga kasalanan ng mundo kundi namatay Siya para sa aking mga kasalanan. Kung mauudyukan ako ng kaaway na huwag itong paniwalaan, maaaring ang pagdududa ko ang pumigil sa akin para hangarin ang nagbabayad-salang biyaya ng Tagapagligtas at ang pagbalik sa Kanyang piling.

Kung duda kayo sa inyong kahalagahan, lumapit sa Bumibili para makuha ang tanging pagsusuri sa produkto na mahalaga. “Makapagdarasal tayo’t makaaasang madarama ang pag-ibig ng Tagapagligtas sa ating lahat,” sabi ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan. “… Sapat ang pagmamahal Niya sa atin … para bayaran ang ating mga kasalanan.”2

Ang pananampalataya sa pagmamahal na iyon ang nagtutulot sa Manunubos na baguhin ang ating buhay at iuwi tayo sa Kanyang piling.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 476.

  2. Henry B. Eyring, “Anak at Disipulo,” Liahona, Mayo 2003, 31.

Imahe ni Cristo, ni Heinrich Hofmann, sa kagandahang-loob ng C. Harrison Conroy Co.