Mga Kuwento mula sa Kumperensya
Ang Aking Unang Tungkulin sa Simbahan
Sa branch ng Simbahan sa Frankfurt, Germany dating nagsisimba ang aming pamilya. Mapalad kami na maraming mababait na tao sa maliit naming branch. Isa sa kanila ang aming branch president, si Brother Landschulz. …
Isang araw ng Linggo, itinanong ni President Landschulz kung maaari niya akong kausapin. …
Pinapasok [niya] ako sa isang munting silid-aralan—walang opisina ang chapel namin para sa branch president—at doon ay ibinigay sa akin ang tungkuling maging deacons quorum president.
“Mahalagang katungkulan ito,” wika niya, at nag-ukol siya ng oras na ipaliwanag ang dahilan. Ipinaliwanag niya ang inaasahan niya at ng Panginoon sa akin at kung paano ako makatatanggap ng tulong.
Hindi ko matandaan ang karamihan sa sinabi niya, ngunit tandang-tanda ko ang nadama ko. Nadama ko ang sagrado at banal na Espiritu sa aking puso habang nagsasalita siya. Nadama ko na ito ang Simbahan ng Tagapagligtas. At nadama ko na ang tungkuling ibinigay niya ay binigyang-inspirasyon ng Espiritu Santo. Natatandaan ko na paglabas ko sa munting silid-aralang iyon ay parang lumulutang ako sa tuwa. …
… Karangalan ko iyon, at nais kong maglingkod hangga’t kaya ko at hindi ko bibiguin ang branch president ko o ang Panginoon.
Natanto ko ngayon na maaaring basta na lang ako tawagin ng branch president sa katungkulang iyon nang hindi ito pinag-iisipan. Maaaring basta sabihan lang niya ako sa pasilyo o sa priesthood meeting namin na ako na ang bagong deacons quorum president.
Sa halip, pinag-ukulan niya ako ng oras at tinulungan akong maunawaan hindi lamang ang kahulugan ng [aking] tungkulin kundi, mas mahalaga, ang layunin nito. …
… Isang halimbawa ito sa akin ng kapangyarihang manghikayat ng pamumuno sa priesthood na nagpapasigla sa espiritu ng tao at nagbibigay ng inspirasyong kumilos.
Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Ang Layunin ng Paglilingkod sa Priesthood,” Liahona, Mayo 2012, 58.
Mga Tanong na Pag-iisipan
-
Paanong ang pagtanggap ng mga tungkulin sa Simbahan ay nagpapalakas sa inyo at sa pinaglilingkuran ninyo?
-
Ano ang maaari ninyong gawin para ihanda ang inyong sarili sa pagtanggap ng tungkulin sa Simbahan, kahit marami kayong ginagawa?
Isiping isulat ang inyong mga ideya sa inyong journal o talakayin ang mga ito sa iba.