2012
Magtanong sa Mormon
Setyembre 2012


Magtanong sa Mormon

Kari Koponen, Uusimaa, Finland

Lahat ng kabataang lalaki sa Finland na lampas na sa edad na 18 ay kailangang maglingkod sa militar sa loob ng 6 hanggang 12 buwan. Nang simulan ko ang kailangang serbisyo, natuklasan ko na ang mga opinyon at saloobin ng marami sa mga kasamahan ko sa militar ay salungat sa mga prinsipyo ko sa buhay. Bunga nito, gumawa ako ng mga hakbang para manatiling malapit sa Espiritu, nagdarasal nang dalawang beses sa isang araw at nagbabasa ng mga banal na kasulatan.

Kinabahan ako noong una dahil hindi ko alam ang magiging reaksiyon ng mga kasamahan ko, pero parang wala lang ito sa kanila, kaya’t napanatag ako. Hindi nagtagal nagtanong ang mga kakuwarto ko kung ano ang binabasa ko. “Ang Aklat ni Mormon,” ang sagot ko sa kanila. Siyempre, ang sumunod nilang tanong ay kung isa ba akong Banal sa mga Huling Araw. Sinabi kong oo, at hindi na sila nagtanong pa.

Dumating ang oras na nagsimulang magtanong ang mga kasamahan ko sa army tungkol sa Aklat ni Mormon—ang pinagmulan nito, mga nilalaman, at marami pang iba. Kalaunan ang mga tanong nila ay tungkol na sa layunin ng buhay at mga alituntunin ng Simbahan. Ang relihiyon ko ay naging bahagi na ng aming mga talakayan, at palagi nang napag-uusapan.

Isang kasamahan sa kalapit na higaan ang nagtanong kung maaari niyang basahin ang aking Aklat ni Mormon. Siyempre pumayag ako. Minsan naman, pagkabalik ng isang kasama ko sa kuwarto mula sa libing ng isang kaibigan, sinabi niya sa akin na dahil sa libing na iyon ay nagkaroon siya ng maraming katanungan sa kanyang isipan tungkol sa buhay at sa layunin nito. Tinanong niya ako kung ano ang paniniwala ng Simbahan tungkol sa mga bagay na iyon. Mahaba ang naging talakayan namin tungkol sa layunin ng buhay, sa Pagbabayad-sala, Paglikha, at iba pang mga paksa ng ebanghelyo. Pagkatapos, naging interesado rin ang iba naming kasama sa silid sa mga turo at pamantayan ng Simbahan.

Sa nalalabing panahon ng aming pagsasama-sama, nagkaroon kami ng maraming talakayan na tila palaging nauuwi sa mga turo ng Simbahan. Tinawag ng mga kasamahan ko sa silid ang mga talakayang iyon na “Magtanong sa Mormon.” Kalaunan, nang makatapos kami sa aming training, isang kasamahan sa silid ang nagsabi sa akin na nagpasiya siyang tumigil na sa pagmumura.

Sa buong panahon ko sa military, napansin ko na kapag mas bukas ako tungkol sa pagiging miyembro ko sa Simbahan at kapag mas matapat kong sinusunod ang mga turo ng ebanghelyo, lalong nagiging bukas ang iba sa akin at nagkakaroon ako ng mas maraming pagkakataon na ibahagi ang ebanghelyo.

Nagpapasalamat ako sa mga pagpapala at pagkakataong makapagsalita tungkol sa ebanghelyo noong nasa army pa ako. Nagpapatotoo ako na kung matapang tayong naninindigan ukol sa ating mga pinahahalagahan, bibiyayaan tayo ng mga pagkakataon na magawa ang gawaing misyonero. At kung hahayaan nating magliwanag nang husto ang ebanghelyo sa ating buhay, mapoprotektahan natin ang ating sarili laban sa kadiliman at magkakaroon ng positibong impluwensya sa mundong nakapaligid sa atin.