2012
Panatilihing Balanse ang Inyong Buhay
Setyembre 2012


Panatilihing Balanse ang Inyong Buhay

Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 1987.

Elder M. Russell Ballard

Makatutulong ang walong mungkahing ito sa pagharap ninyo sa maraming hamon sa buhay nang hindi nadaramang parang hindi ninyo ito kaya. 

Ang pag-agapay sa kumplikado at maraming mga hamon ng pang-araw-araw na buhay, na hindi madaling gawin, ay maaaring makasira sa balanse at pagkakasundong hangad natin. Maraming mabubuting tao ang nagsisikap na mabuti na panatilihing balanse ang buhay nila, ngunit kung minsan ay dama nilang parang napakaraming dapat gawin at parang nadadaig na sila.

May ilan akong mungkahi na sana ay maging kapaki-pakinabang sa mga taong nababahala sa mga hinihingi ng balanseng pamumuhay. Simple lamang ang mga mungkahing ito; ang mga konsepto nito ay hindi mapapansin kung hindi kayo maingat. Kakailanganin ninyo ng matatag na pangako at disiplina ng sarili upang mailakip ito sa inyong buhay.

1. Magtakda ng mga Priyoridad

Isipin ang inyong buhay at magtakda ng mga priyoridad. Mag-ukol ng tahimik na sandali upang regular na makapag-isip-isip kung saan ka papunta at ano ang kailangan mo upang marating iyon. Si Jesus, na ating halimbawa, ay madalas na “lumigpit sa mga ilang, at nananalangin” (Lucas 5:16). Dapat din nating gawin ang gayon paminsan-minsan upang muling mapasigla ang ating sarili sa espirituwal gaya ng ginawa ng Tagapagligtas.

Isulat ang mga gusto mong maisagawa sa bawat araw. Palaging isaisip na ang pinakamahalaga ay ang mga sagradong tipan na ginawa mo sa Panginoon habang isinusulat mo ang iyong iskedyul sa araw-araw.

2. Magtakda ng mga Mithiin na Kayang Abutin

Magtakda ng mga mithiin na kaya mong abutin sa maikling panahon. Magtakda ng mga mithiin na talagang balanse—hindi napakarami ni napakakaunti at hindi napakataas ni napakababa. Isulat ang iyong mga mithiin na kaya mong abutin at sikaping gawin ang mga ito batay sa kahalagahan ng mga ito. Manalangin at hingin ang patnubay ng langit sa pagtatakda mo ng mga mithiin.

3. Maging Matalino sa Pagbabadyet

Lahat ay may kinakaharap na hamong pinansiyal sa buhay. Sa matalinong pagbabadyet, kontrolin ang mga tunay mong pangangailangan at ikumparang maigi ang mga ito sa mga bagay na gusto mo sa buhay. Sinabi ng propetang si Jacob sa kanyang mga tao: “Samakatwid, huwag gugulin ang salapi sa mga yaong walang kabuluhan, o ang inyong paggawa sa mga yaong hindi nakasisiya” (2 Nephi 9:51).

Tandaan na palaging magbayad ng buong ikapu.

4. Bumuo ng Mabuting Pagsasamahan

Manatiling malapit sa iyong mga magulang, kamag-anak, at mga kaibigan. Tutulungan ka nilang mapanatiling balanse ang iyong buhay. Bumuo ng mabuting samahan sa inyong pamilya at mga kaibigan sa pamamagitan ng bukas at tapat na komunikasyon.

Ang mabubuting ugnayan ng pamilya ay mapananatili sa pamamagitan ng magiliw, mapagmahal, maalalahaning pakikipag-ugnayan. Tandaan na kadalasan ang isang sulyap, kindat, tango, o haplos ay mas maraming masasabi kaysa mga salita. Ang pagiging masayahin at pakikinig nang mabuti ay mahahalagang bahagi rin ng mabuting komunikasyon.

5. Pag-aralan ang mga Banal na Kasulatan

Saliksikin ang mga banal na kasulatan. Isa ito sa pinakamaiinam na paraan na mapapasaatin ang Espiritu ng Panginoon. Isa sa mga paraan na nagkaroon ako ng tiyak na kaalaman na si Jesus ang Cristo ay sa pamamagitan ng aking pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Nanawagan sina Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994) at Gordon B. Hinckley (1910–2008) sa mga miyembro ng Simbahan na ugaliing pag-aralan ang Aklat ni Mormon araw-araw at gawin ito habambuhay.

Ang payo ni Apostol Pablo kay Timoteo ay mabuting payo sa bawat isa sa atin. Isinulat niya, “Ang lahat ng mga kasulatan na kinasihan ng Dios ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran” (II Kay Timoteo 3:16).

girl juggling several balls

Mga paglalarawan ni Cary Henrie

6. Pangalagaan ang Iyong Sarili

Maraming tao, isa na ako roon, ang nahihirapang magkaroon ng panahon para sa sapat na pahinga, ehersisyo, at pagrerelaks. Kailangan tayong magtakda ng oras sa ating kalendaryo sa araw-araw para sa mga gawaing ito upang maging malusog at balanse ang ating buhay. Ang mabuting pisikal na kaanyuan ay nakadaragdag ng dignidad at paggalang sa ating sarili.

7. Ipamuhay ang Ebanghelyo

Paulit-ulit na itinuro ng mga propeta na dapat ituro ng mga pamilya sa bawat isa ang ebanghelyo, lalo na sa lingguhang family home evening. Ang gawaing ito ng pamilya, kung hindi tayo mag-iingat na mabuti, ay unti-unting mawawala sa atin. Hindi dapat mawala sa atin ang espesyal na pagkakataong ito na “turuan ang isa’t isa ng doktrina ng kaharian” (D at T 88:77), na aakay sa mga pamilya tungo sa buhay na walang hanggan.

Palaging kumikilos si Satanas para sirain ang ating patotoo, ngunit hindi siya magkakaroon ng kapangyarihang tuksuhin o gambalain tayo nang higit sa ating makakaya kapag pinag-aaralan natin ang ebanghelyo at ipinamumuhay ang mga kautusan nito.

8. Magdasal nang Madalas

Ang huling mungkahi ko ay magdasal nang madalas nang mag-isa at bilang mga pamilya. Malalaman ninyo ang mga tamang desisyon na gagawin sa bawat araw sa pamamagitan ng palagian at taimtim na panalangin.

Ibinuod ng propetang si Alma ang kahalagahan ng panalangin sa mga salitang ito: “Magpakumbaba ng inyong sarili sa harapan ng Panginoon, at manawagan sa kanyang banal na pangalan, at magbantay at patuloy na manalangin, upang kayo ay hindi matukso nang higit sa inyong makakaya, at sa gayon ay akayin ng Banal na Espiritu, magiging mapagpakumbaba, maamo, masunurin, mapagtiis, puspos ng pag-ibig at mahabang pagtitiis” (Alma 13:28). Kapag nakaayon ang aking espiritu, nakikita kong mas madali kong nababalanse ang lahat sa aking buhay.

Manatiling Nakatuon at Gawin ang Lahat sa Abot ng Iyong Makakaya

Maaaring idagdag sa mga ito ang iba pang mga mungkahi. Gayunman, naniniwala ako na kapag nakapokus tayo sa ilang pangunahing mithiin, mas malamang na makaya natin ang maraming hinihingi sa buhay na ito. Tandaan, na anumang labis sa buhay na ito ay maaaring magdulot sa atin ng hindi balanseng buhay. Kasabay nito, ang sobrang kakaunti ng mahahalagang bagay ay lilikha ng gayon ding resulta. Ipinayo ni Haring Benjamin “na ang lahat ng bagay na ito ay [dapat gawin] sa karunungan at kaayusan” (Mosias 4:27).

Kadalasan ang kawalan ng malinaw na direksiyon at mga mithiin ay umuubos sa ating panahon at lakas at umaambag sa kawalan ng balanse sa ating buhay. Ang buhay na hindi balanse ay katulad din ng gulong ng sasakyan na hindi balanse. Dahil dito ay hindi magiging maayos at ligtas ang takbo ng sasakyan. Kapag balanse ang mga gulong nagiging maayos at komportable ang biyahe. Ganito rin sa buhay. Ang paglalakbay sa mortalidad ay maaaring maging maayos para sa atin kapag sinisikap nating manatiling balanse ang ating buhay. Ang dapat maging pangunahin nating mithiin ay hangarin ang “kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan” (Moises 1:39). Kung ito ang ating mithiin, bakit hindi natin alisin sa ating buhay ang mga bagay na gumugulo at umuukopa sa ating isipan, damdamin, at lakas na hindi nakatutulong para maabot natin ang mithiing iyon?

Hindi pa katagalan, sinabi ng isa sa mga anak ko, “Dad, kung minsan naiisip ko na baka hindi ko po ito makaya.” Ang sagot na ibinigay ko sa kanya ay katulad din ng isasagot ko sa inyo. Basta gawin ninyo ang lahat ng magagawa ninyo sa bawat araw. Gawin ang mahahalagang bagay at, bago pa ninyo mamalayan, ang inyong buhay ay mapupuno ng espirituwal na pang-unawa na magpapatunay sa inyo na mahal kayo ng inyong Ama sa Langit. Kapag alam ito ng tao, ang buhay ay magkakaroon ng tunay na layunin at kabuluhan, kaya’t mas madali itong mapananatiling balanse.