Nangungusap Tayo Tungkol kay Cristo
Pagmamahal sa Aking mga Kaaway
Alam ko ang tungkol sa utos ng Panginoon na mahalin ang kapwa, pati na ang ating mga kaaway, pero kapag tinitingnan ko ang sundalo, hindi ko siya mahal.
Lumaki ako sa isang bansa na sakop ng ibang bansa. Hindi maganda ang pagtrato ng namamahalang mga sundalo sa aking mga kababayan. Marami sa bayan namin ang inaresto, binugbog, binaril, o pinatay ng mga sundalo nang walang kadahi-dahilan. Isang araw noong ako ay 16 na taong gulang, dumating ang mga sundalo sa unibersidad namin at binaril sa ulo ang isa sa mga estudyante. Sa loob ng dalawang oras hindi nila pinayagang madala siya sa ospital. Nang araw na iyon umusbong ang galit sa aking puso para sa mga sundalong iyon. Hindi ko sila mapatawad sa pasakit na idinulot nila sa aking mga kababayan at hindi ko malimutan ang kalagayan ng estudyanteng iyon.
Nang sumapi ako sa Simbahan sa edad na 25, mahirap magsimba dahil sa mga checkpoint, curfew, at iba pang mga restriksyon sa pagbibiyahe na ipinataw sa amin. Inilagay ko pa sa panganib ang aking buhay para makatakas at makabahagi ng sakramento at makasama ang kapwa ko mga Banal sa mga Huling Araw. Mahirap dahil ako lang ang miyembro ng Simbahan sa aking pamilya at sa aming bayan. Gusto kong makasama ang mga miyembro ng Simbahan, subalit halos linggu-linggo akong hindi pinapayagan ng mga sundalo na makalusot sa checkpoint.
Isang araw ng Sabbath nang sinubukan kong tumawid sa checkpoint, sinabi ng sundalo sa akin na hindi pwede at pinauuwi na niya ako. Tiningnan ko ang sundalo at naalala ang mga salita ng Tagapagligtas: “Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway” (tingnan sa Mateo 5:43–44).
Nalaman ko noon na hindi ko mahal ang sundalong iyon. Ang galit na nadama ko noong tinedyer ako ay naglaho noong sumapi ako sa Simbahan, pero hindi ko mahal ang mga kaaway ko. Ibinigay ng Tagapagligtas na si Jesucristo ang utos na ito, subalit hindi magawang mahalin ng puso ko ang mga mananakop na sundalong iyon. Ikinabalisa ko ito nang ilang araw, lalo na’t naghahanda akong pumasok sa templo noong panahong iyon.
Isang araw nabasa ko ang sumusunod na talata sa banal na kasulatan: “Manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, nang kayo ay mapuspos ng ganitong pag-ibig, na kanyang ipinagkaloob sa lahat na tunay na mga tagasunod ng kanyang Anak, si Jesucristo” (Moroni 7:48). Nadama ko na ako mismo ang kinakausap ni Mormon at ipinapakita niya sa akin kung paano magmahal.
Nagpasiya akong humingi ng tulong sa Ama sa Langit. Nag-ayuno at nanalangin ako na tulungan ako na mahalin ko ang aking mga kaaway. Ilang araw akong walang nadamang pagbabago, ngunit hindi ko alam na unti-unting binabago ng Ama sa Langit ang aking puso. Mga isang taon ang nakaraan, nang subukan kong dumaan sa isa sa mga checkpoint, sinabi sa akin ng sundalo na hindi ako puwedeng dumaan. Sa pagkakataong ito iba na ang nadama ko. Nang tingnan ko ang mga mata ng sundalong iyon, nakadama ako ng kamangha-manghang pagmamahal sa kanya. Nadama ko kung gaano siya kamahal ng Ama sa Langit, at nakita ko siya bilang anak ng Diyos.
Alam ko na ngayon, tulad ni Nephi, na hindi tayo bibigyan ng Panginoon ng kautusan maliban sa Siya ay maghahanda ng paraan upang maisagawa natin ang bagay na Kanyang ipinag-uutos sa atin (tingnan sa 1 Nephi 3:7). Kapag iniutos ni Cristo na mahalin natin ang ating mga kaaway, alam Niya na magagawa natin ito sa tulong Niya. Matuturuan Niya tayo na mahalin ang ating kapwa kung magtitiwala lang tayo sa Kanya at matututo sa Kanyang dakilang halimbawa.