2012
Pagbabahagi ng Ebanghelyo sa Pagiging Mabuting Halimbawa
Setyembre 2012


Pagbabahagi ng Ebanghelyo sa Pagiging Mabuting Halimbawa

Ang pinakamagandang paraan para maibahagi ang ebanghelyo ay ipamuhay ito.

Para sa ilan sa atin, madali ang pagbabahagi ng ebanghelyo. Ngunit para sa marami sa atin, hindi ito ganoon kadali. Sa katunayan, maaaring takot tayo na ibahagi sa ating mga kaibigan, pamilya, o kapitbahay ang ebanghelyo, kahit alam nating napakahalagang gawin ito.

Bukod dito, kapag naiisip natin minsan ang gawaing misyonero, masyado tayong nakatuon sa pamamaraan, aktibidad, o resulta, sa halip na magtuon sa pagtulong sa tao. Ang problema ay ang anumang pagsisikap na hindi nakatuon sa tao ay nagpapadama na hindi bukal sa loob at tapat ang pagsisikap na iyan.

Maaaring may mas magandang paraan.

Ang paraang iyan ay ang lalo pang maniwala sa ebanghelyo—bilang indibiduwal—at hayaang ang halimbawa ng ating buhay at magiliw na pakikipag-usap ang magbukas ng daan. Kapag lalo pa tayong nanalig, lalo tayong masisiyahan sa ating relihiyon, at madaragdagan ang ating hangaring matamasa ng iba ang mga pagpapala ng ebanghelyo. Kapag nangyari iyan, ang pagbabahagi ay magiging mas natural at madali.

Sa katunayan, maaaring hindi natin napapansin na ibinabahagi na pala natin ang ebanghelyo. Kapag pinag-ibayo pa natin ang ating katapatan bilang disipulo, ang epekto nito sa ating kilos, salita, at maging sa ating anyo ay mahirap balewalain. “Makikita ng iba ang inyong mabubuting gawa,” paliwanag ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Maaaring magningning ang liwanag ng Panginoon sa inyong mga mata. Sa ningning na iyan, makabubuting maghanda kayong matanong.”1

Buhay na mga Patotoo

Ipinaliwanag sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero: “Ipinakita ng Tagapagligtas ang paraan. Siya ang naging perpektong halimbawa, at inuutos Niya sa atin na maging tulad Niya (tingnan sa 3 Nephi 27:27).”2 Habang natututo ang mga miyembro tungkol kay Cristo at ninanais na taglayin ang Kanyang mga katangian sa kanilang buhay sa bisa ng Kanyang Pagbabayad-sala, sila ay nagiging higit na katulad ni Cristo at mas may kakayahang akayin ang iba tungo sa Kanya.3

Isang taong kabibinyag pa lamang mula sa Washington, USA, ang nagsabing dahil lamang sa pakikihalubilo niya sa mga miyembro kaya’t naging interesado siya sa ebanghelyo. “Ang kaligayahang dala nila at ang nadarama ko kapag kasama ko sila ay hindi maikakaila,” sabi niya. “Hindi sila nangaral sa akin ng tungkol sa Diyos. Ito ay bahagi na ng kanilang pagkatao: sa kanilang pamumuhay, mga pagpili, pagkilos at reaksyon. Nang masdan ko sila, sabi ko sa sarili ko, ‘Iyan ang gusto kong buhay. Gusto kong mapabilang doon.’”

Kapag lalo pa tayong naging komportable sa impluwensya ng ebanghelyo sa ating buhay, ang pagkukuwento tungkol sa impluwensyang iyan ay nagiging mas madali dahil may mga bagay tayong napag-uusapan at dahil maibabahagi natin ang nagawa ng ebanghelyo para sa atin.

Nalaman ni Miriam Criscuolo mula sa Italy na, kahit naging mabuting magkaibigan na sila ng kanyang kapitbahay, hindi pa rin niya alam kung paano babanggitin ang ebanghelyo. “Maraming oras kaming magkasama, pero wala akong lakas ng loob na sabihin sa bago kong kaibigan ang tungkol sa ebanghelyo, kahit alam ko na tungkulin ko ito,” sabi niya.

Ngunit nang kusang napag-usapan ang ebanghelyo, may nangyaring kakaiba. Nagunita ni Miriam, “Dahil sa anak ko, nang ipakita niya ang proyekto nila sa Primary, nagsimulang mag-usisa ang aking kaibigan. ‘Ano’ng Primary?’ tanong niya. Nasundan ang tanong na iyon ng marami pang iba. Nalaman ko na ilang taon nang may hinahanap ang aking kaibigan. Sinabi ko sa kanya na ang kapayapaan ng isipan na hinahanap niya ay matatagpuan sa ating Simbahan.

“Kalaunan ay sumapi siya sa Simbahan. Siya ay sagot sa mga panalangin ko kung paano gawin ang gawaing misyonero at ipakita sa aking mga anak kung paano ito gawin.”

Makipagkaibigan Muna

Tulad ni Miriam, kung minsan nadarama nating nauubliga tayo sa tungkulin natin na ibahagi ang ebanghelyo at maaari itong humantong sa pilit at nakakaasiwang mga pag-uusap tungkol sa ebanghelyo. Bukod pa rito, dahil sa bigat ng responsibilidad ay maaari tayong panghinaan ng loob at malimitahan ang ating kakayahan na maipaliwanag na mabuti ang mga alituntunin ng ebanghelyo.

Ang matagumpay na mga oportunidad ng pagbabahagi ng ebanghelyo ay mas malamang na mangyari kapag ang mga miyembro ay mabubuti at tunay na kaibigan sa iba. Tulad ng sinabi ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Kung alam nilang miyembro tayo ng Simbahan sa simula pa lang, … tatanggapin ng mga kaibigan at kakilala na bahagi ito ng ating pagkatao.”4

Ang paglalakip ng ebanghelyo sa pakikitungo natin sa ating mga kaibigan sa halip na ibatay ang pagkakaibigan sa pagbabahagi ng ebanghelyo ay makadaragdag sa tagumpay sa gawaing-misyonero. Si Eliana Verges de Lerda, isang miyembro ng Simbahan sa Argentina, ay nakilala ang kanyang kaibigang si Anabel noong anim na taong gulang pa lamang sila. Tumibay ang kanilang pagkakaibigan nang sabay silang mag-aral. Noong panahong iyon, hindi itinago ni Eliana ang katotohanang miyembro siya ng Simbahan.

“Hindi ako asiwang sabihin kay Anabel ang tungkol sa ebanghelyo, kahit hindi kami pareho ng pinaniniwalaan,” sabi niya.

Noong 14 na taong gulang na sila, pumayag si Anabel na makinig sa mga misyonero, pero nagpasiya siyang huwag munang magpabinyag.

Nalungkot si Eliana, ngunit hindi ito nakahadlang sa patuloy nilang pagkakaibigan; ni hindi rin tumigil ang pag-uusap nila tungkol sa ebanghelyo. Pagkaraan ng ilang taon, inanyayahan ni Eliana si Anabel na sumama sa kanya sa seminary. Habang nagkaklase, damang-dama ni Anabel ang Espiritu. Nang naghahanda na si Eliana sa pagpunta sa templo ilang araw makaraan iyon, sinabi sa kanya ni Anabel, “Pangako sasama ako sa iyo sa susunod.” Hindi nagtagal nabinyagan si Anabel.

Ang conversion ni Anabel ay hindi bumilang ng ilang araw; kundi ng mga taon. Nangyari ito dahil naging kaibigan muna niya si Eliana—interesado man o hindi si Anabel na tanggapin ang ebanghelyo.

Pakikinig nang may Pagmamahal

Ang pagkakaibigan na tulad ng kina Eliana at Anabel ay kadalasang nagsisimula kapag natutuklasan ng mga tao na pareho sila ng mga interes, pamantayan, o sa iba pang mga bagay. Lumalalim ang mga pagkakaibigang ito kapag ang bawat isa ay nagbabahagi ng mga karanasan, damdamin, at pagmamahal. At siyempre, ang pagmamahal ay napakahalagang bahagi ng ipinanumbalik na ebanghelyo.

Maipadarama natin, bilang mga miyembro ng Simbahan, ang pagmamahal na katulad ng kay Cristo sa pamamagitan ng pag-uukol ng oras sa ating mga kaibigan—sa mga aktibidad, paglilingkod, at pag-uusap. Sa katunayan, maraming tao ang naghahanap ng ganyang uri ng kaibigan.

Sa paglalarawan sa ating pakikipag-ugnayan sa iba, ipinayo ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Mas mahalaga kaysa sa pagsasalita ang pakikinig. Ang mga taong ito ay hindi mga bagay na walang-buhay na ituturing lamang na mga taong bibinyagan. Sila ay mga anak ng Diyos, mga kapatid natin, at kailangan nila ang anumang mayroon tayo. Maging tapat. Makipag-usap nang taos-puso. Itanong ninyo sa mga kaibigang iyon kung ano ang pinakamahalaga sa kanila. … At makinig. … Pangako, tiyak na may isang bagay sa sinasabi nila na laging uugnay sa isang katotohanan ng ebanghelyo na mapapatotohanan ninyo at marami pa kayong maidaragdag dito.”5

Hindi natin kailangang igiit ang ebanghelyo sa ating mga kaibigan. Kailangan lang nating maging mabubuting kaibigan at huwag matakot na ibahagi ang mga alituntunin ng ebanghelyo kapag may mga pagkakataon. Ginagamit ni Satanas ang takot para tangkaing hadlangan ang mga miyembro sa pagbabahagi ng patotoo. Ang matinding damdaming ito ay nakapagpapahina ng loob. Napansin ni Pangulong Uchtdorf: “Mas gusto pa ng ilan na magtulak ng kariton patawid sa kaparangan kaysa magkuwento tungkol sa pananampalataya at relihiyon sa kanilang mga kaibigan. … Nag-aalala sila sa iisipin sa kanila ng iba o baka makasira ito sa kanilang relasyon.” Sabi pa niya, “Hindi ito kailangang magkagayon dahil may masayang mensahe tayong ibabahagi, at nasa atin ang mensahe ng kagalakan.”6

Itinuro ng propetang si Mormon, “Ang ganap na pag-ibig ay nagwawaksi ng lahat ng takot” (Moroni 8:16). Kapag lubos nating ipinamuhay ang ebanghelyo, maiwawaksi natin ang takot sa paghalili rito ng pag-ibig sa kapwa—ang dalisay na pag-ibig ni Cristo—sa ating mga kaibigan, pamilya, at kapwa. Sa pagmamahal na ito ay mag-iibayo ang kagustuhan nating ibahagi ang ebanghelyo.7

Pagbabahagi ng Ebanghelyo sa Natural na Paraan

Kailangan ng mga anak ng Ama sa Langit ang ibinibigay na kaalaman ng ebanghelyo. Para sa mga miyembro na sumusunod sa ebanghelyo, ang buhay nila ang nagsisilbing saksi sa pagmamahal ni Cristo. Kapag ang mga miyembro ay lalong nagtuon sa pagiging tulad ni Jesucristo, sa tunay na pakikipagkaibigan, at sa pagkakaroon ng pag-ibig sa kapwa, ang pagbabahagi ng ebanghelyo ay magiging likas na bahagi ng kanilang pagkatao. Sa pagbabahagi nila sa kung sino sila, ang mga miyembro ay makatatagpo ng kapanatagan at patnubay sa mga salita ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo: “Ikaw ay ipinamanhik ko, na huwag magkulang ang iyong pananampalataya; at ikaw, kung makapagbalik ka nang muli, ay papagtibayin mo ang iyong mga kapatid” (Lucas 22:32).

Mga Tala

  1. Russell M. Nelson, “Maging Uliran ng mga Nagsisisampalataya,” Liahona, Nob. 2010, 48.

  2. Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero (2004), 131.

  3. Tingnan sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 131.

  4. M. Russell Ballard, “Paglikha ng Tahanang Nagbabahagi ng Ebanghelyo,” Liahona, Mayo 2006, 86.

  5. Jeffrey R. Holland, “Mga Saksi sa Akin,” Liahona, Hulyo 2001, 16.

  6. Dieter F. Uchtdorf, “Paghihintay sa Daan Patungong Damasco,” Liahona, Mayo 2011, 76.

  7. Tingnan sa Barbara Thompson, “Mag-ingat sa Puwang,” Liahona, Nob. 2009, 120.

Mga paglalarawan ni David Stoker