2012
Binigyan Niya Ako ng Kapayapaan
Setyembre 2012


Binigyan Niya Ako ng Kapayapaan

Carson Howell, Utah, USA

Ang kapatid kong si Brady ay presidential management intern noon sa naval intelligence sa US Pentagon nang maganap ang pag-atake noong Setyembre 11, 2001. Nagtatrabaho ako noon sa Idaho, USA, at nang makita ko sa balita ang nangyari nang umagang iyon, tinawagan ko ang boss ko para ipaalam sa kanya na hindi ako papasok nang ilang araw.

Nagtipon ang ilang miyembro ng aking pamilya sa Washington, D.C., sa isang bulwagan ng isang hotel na itinalaga ng mga opisyal ng gobyerno bilang briefing room, kung saan maipaaalam nila sa mga pamilya ang tungkol sa patuloy nilang paghahanap at pagsagip. Naghintay kami sa bawat araw para malaman kung kasama si Brady sa mga biktima. Sa kalagayang iyon ay nakadama kami ng matinding pighati at kawalan ng pag-asa. Gayunman nagsama-sama ang aming pamilya at nanalangin na kahit ano ang mangyari, hindi kami mawawalan ng pananampalataya.

Halos isang linggo pagkatapos ng pagsalakay, noong Setyembre 17, natanggap namin ang kumpirmasyon na namatay si Brady.

Hindi ko alam kung naitanong ko bang, “Bakit ako?” Pero talagang naitanong ko, “Bakit siya pa?” Mula pa noong bata ako, minahal ko at hinangaan at ninais kong makatulad ni Brady. Naisip ko rin, “Bakit ngayon pa?” Ilang linggong nagpaplano noon si Brady na magpunta sa Idaho para makasama ang pamilya. Nakatakda siyang dumating nang Huwebes, Setyembre 13, dalawang araw lamang matapos siyang pumanaw.

Sa unang gabi ko sa trabaho nang makabalik ako sa Idaho, binuksan ko ang aking professional e-mail account, na hindi ko nagawa mula Setyembre 10. May mensahe si Brady sa inbox ko. Ipinadala niya iyon nang Martes ng umaga, bago naganap ang pag-atake. Binanggit niya roon na magkakasama-sama kami at ang lahat ng masasayang bagay na binalak naming gawin. Nang mag-sign off siya, ito lang ang isinulat niya, “Kapayapaan.”

Hindi ganoon ang karaniwang pagwawakas ni Brady ng kanyang mga e-mail, ngunit itinuring kong magiliw na awa ng Panginoon na ginawa niya iyon. Sa palagay ko hindi alam ni Brady kung ano ang mangyayari, ngunit natutuwa ako na ang huling mga salita niya—ang huling salita niya—sa akin ay kapayapaan.

Hanggang ngayon, makaraan ang mahigit isang dekada, binabasa ko pa rin paminsan-minsan ang e-mail na iyon. Sa tuwing babasahin ko, napapaalalahanan ako na sa pamamagitan ng ebanghelyo natin matatagpuan ang kapayapaang ipinangako ng Tagapagligtas: “Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo, ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man” (Juan 14:27).

Nangungulila pa rin ako kay Brady, ngunit dahil sa ebanghelyo, hindi nawala ang pananampalataya ko sa pagsubok na ito. Sa tulong ng Tagapagligtas, patuloy akong nabubuhay nang may pag-asa at kapayapaan.