Mga Kuwento Tungkol kay Jesus
Dinalaw ni Jesus ang mga Nephita
Mula sa 3 Nephi 8–12.
Sa loob ng tatlong araw nabalot ng makapal na kadiliman ang lupain ng mga Nephita. Wala ni kaunting sikat ng araw o ningning ng bituin. Napakadilim noon na kahit kandila ay hindi magliwanag.
Narinig ng takot na mga Nephita ang kulog at napakalalakas na bagyo at nadama nila ang pag-uga ng lupa dahil sa mga lindol. Ngayon sa kadiliman maraming tao ang umiyak at tumangis. Naisip nila na sana’y sinunod nila ang mga turo ng propetang si Nephi at nakapagsisi sila!
Biglang narinig ang isang tinig sa buong lupain: “Masdan, Ako si Jesucristo, ang Anak ng Diyos. Nilikha ko ang kalangitan at ang lupa, at lahat ng bagay na nasa mga ito. Kasama ko ang Ama mula pa sa simula.”
Sinabi ni Jesus na pumarito Siya sa lupa para iligtas ang mundo mula sa kasalanan. Ibinuwis Niya ang Kanyang buhay at ngayo’y nabuhay na mag-uli. Inanyayahan Niya ang lahat na magsisi at maligtas.
Gulat na gulat ang mga Nephita na marinig ang tinig ni Jesus kaya tahimik silang naupo sa loob ng maraming oras, at pinagbulay-bulay ang kanilang narinig.
Kinaumagahan nagliwanag na muli, at nagsimulang magalak ang mga tao. Maraming tao ang nagtipon sa paligid ng templo sa lupain ng Bountiful para pag-usapan ang tungkol sa kamangha-manghang mga bagay na nangyari. Pagkatapos ay nakarinig sila ng banayad na tinig mula sa langit. Nag-alab ang kanilang puso dahil sa tinig, ngunit hindi nila ito maunawaan.
Muli nilang narinig ang tinig, ngunit hindi pa rin nila maunawaan ang mga salita.
Narinig nila ang tinig sa ikatlong pagkakataon, na nagsasabing, “Masdan, ang Minamahal kong anak, na siya kong labis na kinalulugdan, sa kanya ay niluwalhati ko ang aking pangalan—pakinggan ninyo siya.”
Tumingala ang mga tao at nakita nila si Jesus na pababa mula sa langit hanggang sa tumayo Siya sa harapan nila. Nangabuwal ang mga Nephita sa lupa. Naalala nila ang sinabi ng mga propeta—na bibisitahin sila ni Jesucristo matapos Siyang ipako sa krus at mabuhay na mag-uli.
Ipinahipo ni Jesus ang Kanyang mga kamay at paa sa lahat ng tao upang masalat nila ang mga bakas ng pako nang ipako Siya sa krus sa Jerusalem. Nang makita at mahipo ito ng mga tao mismo, nalaman nila na Siya ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas. Sumigaw sila ng, “Hosana!” at sinamba Siya.
Pinalapit ni Jesus ang propetang si Nephi sa Kanya. Ibinigay Niya kay Nephi at sa 11 iba pang mabubuting lalaki ang awtoridad na magturo at magbinyag matapos Siyang bumalik sa langit. Ang 12 ito ang naging mga disipulo ng Simbahan ni Jesucristo sa Amerika.