Mensahe sa Visiting Teaching
Espesyal na mga Pangangailangan at Paglilingkod na Ibinibigay
Mapanalanging pag-aralan ang materyal na ito at, kung angkop, talakayin ito sa kababaihang dinadalaw ninyo. Gamitin ang mga tanong upang tulungan kayong patatagin ang mga kapatid at gawing aktibong bahagi ng inyong buhay ang Relief Society.
Laging nariyan ang mga pangangailangan ng iba,” sabi ni Pangulong Thomas S. Monson, “at may magagawa ang bawat isa sa atin para makatulong sa iba. … Maliban na kalimutan natin ang ating sarili sa paglilingkod sa iba ay kaunti lamang ang layunin ng ating buhay.”1
Bilang mga visiting teacher maaari nating kilalanin at mahalin nang taos-puso ang bawat miyembrong binibisita natin. Ang ating pagmamahal sa ating mga binibisita ay siyang magtutulak sa atin na paglingkuran sila (tingnan sa Juan 13:34–35).
Paano natin malalaman ang mga pangangailangang espirituwal at temporal ng kababaihan nang sa gayon ay makapaglingkod tayo sa oras na kailangan ito? Bilang mga visiting teacher, may karapatan tayong tumanggap ng inspirasyon kapag ipinagdasal natin ang mga binibisita natin.
Ang regular na pakikipag-ugnayan sa kapatid nating kababaihan ay mahalaga rin. Ang mga personal na pagbisita, pagtawag sa telepono, maikling sulat na nagpapalakas ng loob, e-mail, pakikipag-usap sa kanya, tapat na papuri, paglapit sa kanya sa simbahan, pagtulong sa kanya sa oras ng karamdaman o pangangailangan, at iba pang paglilingkod ay tumutulong sa ating lahat na pangalagaan at palakasin ang isa’t isa.2
Ang mga visiting teacher ay hinihilingang ireport ang kalagayan ng kababaihan, anumang espesyal na mga pangangailangan nila, at ang paglilingkod na ibinigay sa kanila. Ang ganitong uri ng mga report at paglilingkod sa kababaihan ay tumutulong sa atin na maipakita ang ating pagiging disipulo.3
Mula sa mga Banal na Kasulatan
Mula sa Ating Kasaysayan
Noon pa man, ang paglilingkod sa isa’t isa na ang pinakalayunin ng visiting teaching. Sa pamamagitan ng patuloy na paglilingkod, nakapagpapakita tayo ng kabaitan at pakikipagkaibigan na higit pa sa mga buwanang pagbisita. Ang pagmamalasakit natin ang mahalaga.
“Gusto kong makiusap sa ating kababaihan na huwag nang alalahanin ang pagtawag sa telepono o ang kada tatlong buwan o kaya’y buwanang pagbisita,” sabi ni Mary Ellen Smoot, ang ika-13 Relief Society general president. Nakiusap siya sa atin na, “sa halip ay pagtuunan ang pangangalaga sa mga kaluluwang kailangan pang kalingain.”4
Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985), “Lubhang mahalaga na paglingkuran natin ang bawat isa sa kaharian.” Subalit sinabi niya rin na hindi lahat ng paglilingkod ay kinakailangang napakalaki. “Napakadalas na ang ating paglilingkod ay mga karaniwang paghihikayat o pagbibigay ng mga … tulong sa mga karaniwang gawain,” sabi niya, “ngunit anong mga maluwalhating bunga ang nagmumula … sa maliliit ngunit mga kusang gawa!”5