2018
Ang Elders Quorum
May 2018


Ang Elders Quorum

Ang pagkakaroon ng isang korum ng Melchizedek Priesthood sa ward ay pinagkakaisa ang mga mayhawak ng priesthood para maisakatuparan ang lahat ng aspeto ng gawain ng kaligtasan.

Hindi nagtagal matapos itatag ang Simbahan sa huling dispensasyong ito, sinabi ng Panginoon sa isang paghahayag, “At sa pamamagitan ng panalangin ng inyong pananampalataya kayo ay makatatanggap ng aking batas, upang inyong malaman kung paano pamamahalaan ang aking simbahan at gawing tama ang lahat ng bagay sa harapan ko.”1 Ang alituntuning ito ay sinusunod sa Simbahan—at ang pangakong ito ay tinutupad ng Panginoon—mula pa sa simula. Ang mga huwaran para sa organisasyon at paglilingkod sa priesthood ay pana-panahong ipinahahayag, simula kay Propetang Joseph Smith noong unang itinatag ang mga katungkulan at korum ng priesthood. Ilang mahahalagang pagbabago ang ipinahayag at isinagawa sa pamumuno nina Pangulong Brigham Young, John Taylor, at Spencer W. Kimball, kasama ang iba pa, tungkol sa Korum ng Labindalawa, sa Pitumpu, sa mga high priest, at sa iba pang mga katungkulan at mga korum ng Melchizedek at ng Aaronic priesthood.2 Ngayon, sa isang makasaysayang pahayag ilang sandali lamang ang nakalilipas, inihayag ni Pangulong Russell M. Nelson ang isang karagdagang mahalagang pagbabago.

Uulitin ko ang ilang bahagi ng kanyang pahayag: “Sa gabing ito, ipinahahayag namin ang isang mahalagang pagbabago sa ating mga korum ng Melchizedek Priesthood upang mas mabisang maisakatuparan ang gawain ng Panginoon. Sa bawat ward, ang high priests group at elders quorum ay pagsasamahin sa isang elders quorum … [at] ang komposisyon ng korum ng [mga stake high priest] ay ibabatay sa kasalukuyang mga tungkulin sa priesthood.”

Idinagdag pa ni Pangulong Nelson:

“Ang mga pagbabagong ito ay pinag-aralan sa loob ng maraming buwan. Nakadama kami ng kagyat na pangangailangan na mas pagbutihin pa ang paraan ng pangangalaga natin sa ating mga miyembro. … Upang magawa ito nang mabuti, kailangan nating palakasin ang ating mga priesthood quorum upang makapagbigay sila ng dagdag na direksyon sa pagbibigay ng pagmamahal at suporta na nilalayon ng Panginoon para sa kanyang mga Banal.

“Ang pagbabagong ito ay inspirado ng Panginoon. Sa pagpapatupad natin nito, magiging mas epektibo tayo ngayon kaysa noon.”3

Sa direksyon ng Unang Panguluhan, kami ni Elder Ronald A. Rasband ay magdaragdag ng ilang detalye na inaasahan naming makatutulong sa pagsagot sa inyong mga tanong.

Ang mga Korum ng Elder at High Priest

Una, uulitin ko, ano ang mga pagbabago sa mga ward high priest group at elders quorum? Sa mga ward, ang mga miyembro ng elders quorum at high priest group ay pagsasamahin sa isang Melchizedek priesthood quorum na may isang panguluhan. Ang korum na ito, na nadagdagan sa bilang at pagkakaisa, ay itatalagang “elders quorum.” Ang mga high priests group ay mawawala na. Ang elders quorum ay kabibilangan ng lahat ng elder at prospective elder sa ward at lahat din ng high priest na hindi kasalukuyang naglilingkod sa bishopric, sa stake presidency, sa high council, o bilang gumaganap na mga patriarch. Ang high priests quorum sa stake ay kabibilangan ng mga high priest na naglilingkod sa stake presidency, sa mga bishopric, sa high council, at bilang gumaganap na mga patriarch.

Ang Panguluhan ng Elders Quorum

Paano itatatag ang panguluhan ng elders quorum? Ang stake presidency ay ire-release ang mga kasalukuyang high priest group leader at panguluhan ng elders quorum at tatawag ng bagong elders quorum president at mga counselor sa bawat ward. Maaaring kabilang sa bagong presidency ng elders quorum ang mga elder at high priest, na may iba’t ibang edad at karanasan, na magkasamang maglilingkod sa isang quorum presidency. Maaaring isang elder o high priest ang maglingkod bilang quorum president o counselor sa panguluhan. Ito ay hindi “pagsaklaw (takeover)” ng mga high priest sa elders quorum. Inaasahan namin na ang mga elder at high priest ay magtutulungan sa anumang kumbinasyon ng panguluhan ng korum at sa paglilingkod sa korum. Ang mga pagbabagong ito ay dapat isagawa sa lalong madali at maluwag na panahon.

Mga Katungkulan sa Priesthood sa Elders Quorum

Ang pagbabago bang ito sa korum ay babaguhin ang katungkulan sa priesthood na hawak ng mga miyembro ng korum? Hindi, ang pagbabagong ito ay hindi pinapawalang-bisa ang anumang katungkulan sa priesthood kung saan naordena noon ang sinumang miyembro ng korum. Tulad ng alam ninyo, ang isang lalaki ay maaaring maordena sa iba’t ibang katungkulan sa priesthood sa buhay niya, at hindi nawawala ang bisa ng naunang ordinasyon kapag nakatanggap siya ng bago. Bagama’t may mga pagkakataon na naglilingkod ang isang mayhawak ng priesthood sa isa o mahigit pang katungkulan nang sabay, kapag naglilingkod ang isang high priest bilang patriarch o bishop, karaniwan ay hindi niya ginagawa ang lahat ng kanyang katungkulan sa priesthood nang sabay-sabay. Ang mga Bishop at Pitumpu, halimbawa, ay hindi na aktibong naglilingkod sa mga katungkulang iyon kapag sila ay na-release o ginawang emeritus. Kaya, anumang iba pang katungkulan sa priesthood ang hawak ng isang lalaki, habang siya ay miyembro ng elders quorum, siya ay naglilingkod bilang elder.

Ilang taon na ang nakalipas, sinabi ni Pangulong Boyd K. Packer na “ang priesthood ay mas makapangyarihan kaysa anuman sa mga katungkulan nito. … Ang priesthood ay hindi nahahati. Taglay ng isang elder ang priesthood na taglay ng isang Apostol. (Tingnan sa D at T 20:38.) Kapag ang isang lalaki [ay tumanggap ng priesthood], tinatanggap niya ito nang buo. Gayunman, may mga katungkulang nakapaloob sa priesthood—mga kani-kanyang awtoridad at responsibilidad. … Kung minsan ang isang katungkulan ay binabanggit na ‘mas mataas’ o ‘mas mababa’ kaysa sa ibang katungkulan. Sa halip na ‘mas mataas’ o ‘mas mababa,’ ang mga katungkulan sa Melchizedek Priesthood ay kumakatawan sa iba’t ibang aspeto ng paglilingkod.”4 Mga kapatid, lubos akong umaaasa na hindi na natin tutukuyin na “pag-advance” sa priesthood ang pagtawag sa isa pang katungkulan sa Melchizedek Priesthood.

Ang mga elder ay patuloy na maoordenahan na high priest kapag sila ay tinawag sa stake presidency, high council, o bishopric—o sa iba pang mga pagkakataon na itatakda ng stake president sa pamamagitan ng mapanalanging pag-iisip at inspiradong paraan. Kapag natapos na ang kanilang paglilingkod sa stake presidency, high council, o bishopric, ang mga high priest ay sasamang muli sa elders quorum sa ward nila.

Gabay para sa Elders Quorum President

Sino ang gagabay sa gawain ng elders quorum president? Ang stake president ang namumuno sa Melchizedek Priesthood sa kanyang stake. Samakatwid, ang elders quorum president ay may direktang pananagutan sa stake president, na siyang nagbibigay ng pagsasanay at gabay na magmumula sa stake presidency at high council. Ang bishop, bilang namumunong high priest sa ward, ay regular na makikipagmiting din sa elders quorum president. Nagsasangunian sila ng bishop at binibigyan siya ng bishop ng angkop na direksyon kung paano pinakamahusay na mapaglilingkuran at mapapagpala ang mga miyembro ng ward, habang maayos na nakikipagtulungan sa lahat ng organisasyon ng ward.5

Ang Layunin ng mga Pagbabagong Ito

Ano ang mga layunin ng mga pagbabagong ito sa mga korum ng Melchizedek Priesthood? Ang pagkakaroon ng isang korum ng Melchizedek Priesthood sa ward ay pinagkakaisa ang mga mayhawak ng priesthood para maisakatuparan ang lahat ng aspeto ng gawain ng kaligtasan, kabilang ang gawain sa templo at sa family history na dating pinangangasiwaan ng mga high priest group. Tinutulutan nito ang mga miyembro ng korum na iba’t iba ang edad at pinagmulan na makinabang mula sa pananaw at karanasan ng bawat isa at ng iba pang nasa iba’t ibang yugto ng kanilang buhay. Ito ay nagbibigay din ng karagdagang mga oportunidad para sa mga mayhawak ng priesthood na may higit na karanasan na turuan ang iba, kabilang na ang mga prospective elder, bagong miyembro, young adult at mga nagbabalik sa pagkaaktibo sa Simbahan. Hindi ko sapat na maipahayag ang kasabikan ko habang iniisip ko ang lalong mahalagang papel na gagampanan sa hinaharap ng elders quorum. Ang karunungan, karanasan, kakayahan, at lakas na makikita sa mga korum na ito ay naghuhudyat ng bagong simula at bagong pamantayan ng paglilingkod sa priesthood sa buong Simbahan.

Dalawampung taon na ang nakararaan sa pangkalahatang kumperensya, binanggit ko ang isang kwentong naunang isinalaysay ni Elder Vaughn J. Featherstone ng Pitumpu at naniniwala ako na marapat ulitin ito dito.

“Noong 1918 si Brother George Goates ay isang magsasaka na nagtatanim ng sugar beets sa Lehi, Utah. Ang taglamig ay dumating nang mas maaga nang taong iyon at pinagyelo ang malaking bahagi ng kanyang pananim na beet sa lupa. Para kay George at sa kanyang batang anak na si Francis, naging mabagal at mahirap ang pag-ani. Samantala, isang epidemya ng influenza ang nanalasa. Ang kinatatakutang sakit na ito ay kumitil sa buhay ng anak na lalaki ni George na si Charles at tatlong maliliit na anak ni Charles—dalawang maliit na anak na babae at isang lalaki. Sa loob lamang ng anim na araw, ang nagdadalamhating si George Goates ay tatlong ulit na naglakbay sa Ogden, Utah, upang iuwi ang mga bangkay para ilibing. Sa pagtatapos ng mapait na pangyayaring ito, muling inihanda nina George at Francis ang kanilang bagon at bumalik sa taniman ng beet.

[Habang nasa daan] nasalubong nila ang sunud-sunod na mga bagon na puno ng mga beet na papunta sa pabrika at pinatatakbo ang mga ito ng mga kapitbahay nila na magsasaka. Habang dumaraan sila, bawat drayber ay kakaway at babati ng: ‘Hi ya, Tito George,’ ‘Talagang nalungkot kami, George,’ ‘Talagang mahirap, George,’ ‘Marami kang kaibigan, George.’

“Sa huling bagon ay naroon … ang maraming pekas sa mukha na si Jasper Rolfe. Siya ay magiliw na bumati at sumigaw: ‘Ito na po ang lahat, Tito George.’

“Bumaling [si Brother Goates] kay Francis at sinabing: ‘Sana ay ating lahat iyon.’

“Pagdating nila sa tarangkahan ng bukid, bumaba mula sa malaking bagon ng pulang beet si Francis at binuksan ang tarangkahan habang pumapasok ang [ama niya] sa bukid. Pumarada [si George], pinahinto ang mga kabayo, … at tinanaw mabuti ang bukid. … Wala ni isa mang sugar beet sa buong bukid. Pagkatapos ay naliwanagan niya ang ibig sabihin ni Jasper Rolfe noong isinigaw niyang: “Ito na po ang lahat, Tito George.”

“Bumaba [si George] mula sa bagon, kumuha ng sandakot ng mataba at kulay tsokolateng lupa na labis niyang pinangalagaan, at pagkatapos … ng isang talbos ng beet, at saglit niyang tinitigan ang mga sagisag na ito ng kanyang pinagpaguran, na tila hindi mapaniwalaan ng kanyang mga mata.

“‘Pagkatapos ay umupo [siya] sa isang bunton ng talbos ng beet—ang lalaking ito na nag-uwi ng kanyang apat na mahal sa buhay upang ilibing sa loob lamang ng anim na araw; gumawa ng mga kabaong, humukay ng libingan, at tumulong pa sa damit pamburol—ang kahanga-hangang lalaking ito na hindi pinanghinaan ng loob, ni umurong, ni nag-alinlangan sa kabila ng matinding pagdurusang ito—ay umupo sa isang bunton ng talbos ng beet at humikbi na parang isang munting bata.

“Pagkatapos siya ay tumayo, pinunasan ang kanyang mga mata, … tumingala sa langit, at nagsabi: ‘Salamat po, Ama, sa mga elder ng aming ward.’”6

Oo, salamat sa Diyos para sa mga kalalakihan ng priesthood at sa paglilingkod na ibibigay pa nila sa mga indibidwal at pamilya at sa pagtatatag ng Sion.

Ang Unang Panguluhan, ang Korum ng Labindalawang Apostol, at ang Panguluhan ng Pitumpu ay matagal na pinag-isipan ang mga pagbabagong ito. Sa maraming panalangin, masusing pag-aaral ng mga banal na kasulatan na saligan ng mga korum ng priesthood, at patunay na ito ang kalooban ng Panginoon, tayo ay susulong nang may pagkakaisa sa isa pang hakbang patungo sa pagpapalawak ng Panunumbalik. Ang direksyon ng Panginoon ay naihayag, at ikinalulugod ko ito, habang ako ay nagpapatotoo tungkol sa Kanya, sa Kanyang Priesthood, at sa inyong ordinasyon sa priesthood na iyon, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Doktrina at mga Tipan 41:3.

  2. Tingnan, halimbawa, sa William G. Hartley, “The Priesthood Reorganization of 1877: Brigham Young’s Last Achievement,” sa My Fellow Servants: Essays on the History of the Priesthood (2010), 227–64; “To the Seventies,” sa James R. Clark, comp., Messages of the First Presidency of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints (1965), 352–54; Hartley, “The Seventies in the 1880s: Revelations and Reorganizing,” sa My Fellow Servants, 265–300; Edward L. Kimball, Lengthen Your Stride: The Presidency of Spencer W. Kimball (2005), 254–58; Susan Easton Black, “Early Quorums of the Seventies,” sa David J. Whittaker and Arnold K. Garr, eds., A Firm Foundation: Church Organization and Administration (2011), 139–60; Richard O. Cowan, “The Seventies’ Role in the Worldwide Church Administration,” sa A Firm Foundation, 573–93.

  3. Russell M. Nelson, “Pambungad na Pananalita,” Liahona, Mayo 2018, 54.

  4. Boyd K. Packer, “What Every Elder Should Know—and Every Sister as Well: A Primer on Principles of Priesthood Government,” Tambuli, Nob. 1994, 17, 19.

  5. Tingnan sa Handbook 2: Administering the Church (2010), 7.3.1.

  6. D. Todd Christofferson, “The Priesthood Quorum,” Liahona, Ene. 1999, 47; tingnan din sa Vaughn J. Featherstone, “Now Abideth Faith, Hope, and Charity,” Ensign, Hulyo 1973, 36–37.