Elder Mathias Held
General Authority Seventy
Si Elder Mathias Held at ang kanyang asawang si Irene, ay masasabing perpektong paglalarawan ng isang pandaigdigang Simbahan. Pareho silang taga Colombia na may lahing Aleman. Dahil sa trabaho at pag-aaral kinailangan nilang umalis sa kanilang sariling bayan sa South America para pumunta sa Canada, Germany, Guatemala, Brazil, at sa huli, bumalik sa Colombia. Sa bawat bansa, kinailangan nilang matuto ng mga bagong wika at kultura.
“Pero kahit saan man kami pumunta parehong-pareho ang Simbahan,” sabi ni Elder Held, na sinang-ayunan bilang General Authority Seventy noong Marso 31, 2018.
Ang espirituwal na “pagkakaparehong” iyan ang nagbigay sa mag-asawa ng matibay na saligan habang nagpapalaki ng kanilang tatlong anak sa ebanghelyo.
Ang mag-asawang Held ay magkaklase noong mga bata pa silang estudyante sa German-language school sa kanilang bayan sa Bogotá, Colombia. Sila ay ibinuklod noong Hunyo 13, 1989, sa Frankfurt Germany Temple, matapos matamo ni Mathias ang kanyang mechanical engineering degree sa Bogotá at master’s degree sa business administration sa Canada.
Dahil sa mga oportunidad sa trabaho, nagpunta ang batang mag-asawa sa Hanover, Germany, kung saan nakatanggap si Sister Held ng malakas na inspirasyon na hindi magtatagal ay may mababago sa buhay nila.
“Sinabi ko kay Mathias na naramdaman ko na makakatanggap kami ng mensahe mula sa langit,” sabi niya. Ang mensaheng iyon na mula sa langit ay dumating noong isang maulan na hapon ng 1987 nang may kumatok sa pintuan. Nakatayo sa labas ang dalawang Mormon missionary na nagsasalita ng Aleman sa puntong Amerikano.
Sa sumunod na 10 buwan, ang mga Held ay nagpaturo sa mga missionary at nagkaroon ng mga kaibigan sa kongregasyon ng LDS doon. Matapos ang maraming panalangin, tumanggap sila ng espirituwal na pagpapatibay sa katotohanan ng ebanghelyo at nabinyagan noong 1988.
Si Elder Held ay nagtrabaho nang mahigit 25 taon sa kumpanya ng mga sasakyan, ang Daimler-Benz, at nakalibot na sa buong mundo dahil sa kanyang posisyon dito bilang tagapamahala. Ang pamilya Held ay umasa sa Panginoon sa bawat lugar na kanilang tirahan.
“Hindi mahalaga kung anong pagsubok ang pagdaraanan ninyo,” sabi niya. “Kung nakikipag-ugnayan kayo sa langit, magiging maayos ang inyong kalagayan.”
Ipinanganak noong Hunyo 5, 1960, kina Michael at Elisabet Held, si Elder Held ay naglingkod bilang tagapayo sa stake presidency, tagapayo sa bishopric, at Area Seventy sa South America Northwest Area.