Bagong mga Patakaran, Pamamaraan, at mga Produkto
Mga kabataan at gawain sa templo. Ipinabatid ng Unang Panguluhan ang pagbabago sa mga patakaran ng templo na magbibigay sa mga kabataan ng mas maraming oportunidad sa templo at tulungan ang mga bata sa Primary na mas makapaghandang maglingkod sa templo.
Paghadlang, pagtukoy, at pagtugon sa pang-aabuso. Sa patuloy na pagsisikap na mabigyan ng payo ang mga lider kung paano hadlangan, tukuyin at tumugon sa mga pang-aabuso, nagpadala ang Unang Panguluhan noong Marso 26, 2018, ng isang liham at resource document sa mga lider ng Simbahan sa Estados Unidos at Canada. Nakapaloob sa dokumento ang mga bagong patakaran tungkol sa kung paano papayuhan ng mga bishop at stake presidency ang mga biktima ng seksuwal na pang-aabuso at paano nila dapat interbyuhin ang mga miyembro ng Simbahan.
Mga Pagbabago sa Young Women camp. Kabilang sa mga pagbabago sa Young Women camp program ng Simbahan, na nakalahad sa bagong camp guide na ilalabas sa mga susunod na buwan, ang pag-aalis ng sertipikasyon at pagbibigay-pansin sa mga lider ng mga kabataan.
Nilayong maging “globally applicable” o angkop sa lahat ng young women na naninirahan sa iba’t ibang panig ng mundo, ang bagong Young Women Camp Guide ay mababasa na ngayon sa Ingles (at kalaunan sa 23 wika) bilang sanggunian para sa mga panguluhan ng Young Women presidency, camp specialist at mga lider ng youth camp sa youngwomen.lds.org.
Mga pagsusumite ng musika. Sa mga pagbabago kamakailan sa pagsusumite ng mga musika sa Simbahan, magiging mas mabilis at madali na ang pagsumite ng mga orihinal na sagradong musika sa Simbahan. Ang musika ay maaaring isumite sa apps.lds.org/artcomp.
“How To” video channel. Naglunsad ang Simbahan ng bagong channel sa YouTube na tinawag na “How To” na nagbibigay ng simple at praktikal na tulong sa mga tunay na hamon sa buhay. Pinamagatang “one-stop channel for finding the help you need when you need it,” ang channel ay kasalukuyang may mahigit 600 video na pinagbukud-bukod ayon sa siyam na kategorya, bawat isa ay may multiple playlist ng mga video tungkol sa iba’t ibang magkakaugnay na paksa sa Ingles, na may kaunting nilalaman sa wikang Espanyol at Portuges. Tingnan ito sa HowTo.lds.org.
Mga pagsasalin ng mga banal na kasulatan. Ipinabatid ng Simbahan ang mga nakaplanong proyekto sa pagsasalin para sa 34 na karagdagang wika, at isang bagong proseso na magtutulot sa mga tao na pag-aralan ang draft ng mga naisaling bahagi bago ilathala ang final translation, ibig sabihin nito ay maa-access nang mas maaga ng mga miyembro ang mga banal na kasulatan sa kanilang wika.